Chapter 17
Hindi ko na batid kung ilang minuto ang lumipas bago ko nahanap ang aking sarili. Hanggang titig lang ang aking nagawa matapos niyang banggitin ang mga salitang iyon. Ang hirap paniwalaan, ang hirap tukuyin kung anong marapat kong gawin.
Paulit-ulit na bumubulong sa aking sistema ang mga katagang iyon. Hindi mabura-bura sa aking pandinig at hindi maalis ang kaba na bumabalot sa aking dibdib.
Palagay niya'y mahal niya ako?
Bakit palagay lang? Hindi ba siya sigurado?
"Ang sinasabi ko lang, mag-ingat ka sa lalaking iyan," mahinang bulong sa akin ni Diwata Jenny gamit ang seryoso nitong boses.
Kaya naman pa lang magseryoso eh—
Kusang tumaas ang kilay ko nang maintindihan ang kaniyang binulong. Bakit naman ako mag-iingat kay Arbie? Si Arbie na nga lang ang tumutulong sa akin dito. Si Arbie na nga lang ang kayang umintindi sa mga hinaing ko. Si Arbie na nga lang ang kayang tulungan ako.
"Ano pong ibig niyong sabihin? Kailangan ko bang layuan si Arbie?"
Parang ang hirap naman yata no'n, si Arbie lang ang kasama ko rito, paano ko siya lalayuan?
Naghintay ako sa sagot niya ngunit nag-iwas siya ng tingin sa akin.
"Hindi mo kayang intindihin ang nararamdaman ko ngayon, Ariyah. Masakit ang ginawa't naidulot ng pamilya niya sa pamilya ko. Malinaw pa sa tubig ng ilog dito ang mga nasaksihan kong pangyayari. Pinilit niyang putulan ng hininga ang aking Ina upang makamit ang walang kuwentang pangarap niya!
"At batid mo ba kung anong pangarap ang pinilit abutin ni Teodoro, Ariyah? Ang buhayin ang lalaking iyan! Ang buhayin si Arbie! Kailangan niya munang patayin ang Ina ko upang mapunta lahat ng kapangyarihan sa iyo! Kinaya niyang tatlong buhay ang mawala upang mabuhay ang anak niya. Gano'n siya kawalang kuwenta, Ariyah.
"Ngunit, kahit ganoon ang nangyari. May naidulot naman ang pagtago niya sa'yo, dahil naiwas ka sa gulo na hinaharap ngayon ng kinasasakupan niyo. Nagkakagulo na ang kaharian, kaya kailangan namin ang tulong mo."
Hinawakan ng Diwata ang kamay ko at pinisil. "Kailangan ka ng mga tao, Ariyah. Hindi ko na kayang pigilan pa ang pinsan mo, gusto na niyang sakupin ang trono na dapat ay iyo."
Napahinto ako sa sinabi niya. Mukhang ayaw ng makuha pa ng utak ko ang pinagsasabi ng Diwata. Kasasabi lang niya kanina na patay na ang ina at ama ko, pagkatapos ngayon ay may babanggitin siyang pinsan ko?
"Sinong pinsan?" nauutal kong tanong sa kaniya.
Ang dami ko nang nalaman, hindi ko na lubos maintindihan.
"Si Rodnie, anak ng kapatid ng ama mo. Siya ngayon ang naatasan na mamahala sa kaharian mula nang mamatay ang Tiyo Rowel mo. Mula kasi nang pumanaw ang iyong ama ay sila ang nagpresenta na mamahala sa kaharian. Sila rin ang umako sa paghahanap sa'yo pero parang wala naman silang ginawa upang mahanap ka.
"Kaya nagkusa na lang din ako na hanapin ka upang maging matiwasay na ang kaharian na sa iyo naman talaga. Kunin mo ang pagmamay-ari mo, Ariyah. Tulungan mong makabangon muli ang kaharian na naiwan ng iyong mga magulang. Walang ibang makakagawa no'n kun'di ikaw lang."
"Mahirap man paniwalaan, Ariyah, pero iyon ang tinitibok ng puso ko. Mula nang mapunta tayo sa lugar na ito ay nagbago ang pagtingin ko sa'yo. Kung no'ng una ay ikaw ang sinisisi ko dahil nawalan ng panahon ang aking Ama sa amin pero nagbago lahat ng iyon nang makilala kita ng lubusan," wika niya habang hawak ang aking kamay.
Napatulala ako. Nalilito na ako kung ano ang marapat kong gawin. Naliligalig ang aking isipan sa mga sinabi ni Diwata Jenny sa akin tungkol kay Arbie. Pinapa-ingat nga niya ako sa lalaking ito. Bakit kaya? Hindi ko matalos kung anong ibig niyang sabihin sa lahat ng iyon.
Bago pa ako makasagot ay biglang may kumalabit sa aking paa. Bumitaw ako sa pagkakahawak ni Arbie upang tingnan kung sino ang kumalabit sa akin.
Kusang lumabas ang ngiti sa aking labi nang makitang si Mingming pala iyon. Nakaupo ito at naghihintay na hawakan ko.
Umupo ako upang abutin siya ngunit bago ko pa siya makuha ay tumakbo siya nang mabilis patungo sa lugar kung saan naging abo ang mga kahoy na pinalibutan ng buhok ko kani-kanina lang.
Gulat at pagkabigla ang agad bumagtas sa aking sistema. Paano nagkaroon ng ganito kagandang kaharian sa gubat? Wala naman ito kanina, paano nangyari iyon?
Utay-utay at marahan lang ang aking paghakbang. Hindi ko matarok ang kasiyahan na nararamdaman ko ngayon. Parang ito ang nag-iisang bahagi na kukumpleto sa magulo kong buhay.
Napahawak ako sa isang puno upang pagmasdan ang buong kaharian. Kitang-kita ng aking mga mata ang magandang palasyo na pinapaligiran ng matatayog na puno at ng mga guwardiya. Ang sarap pagmasdan ng palasyo na iyon. Ang ganda sa pakiramdam.
Hindi kaya ito ang kaharian na tinutukoy ni Diwata Jenny?
Nilingon ko si Arbie na animo'y hindi rin makapaniwala. Ngumiti ako at hinawakan ang kamay niya. Lubos ang ligaya na bumabalot sa akin ngayon. Sana tama ang hinala ko.
"Arbie, tingin ko—" Huminga ako nang malalim pagkatapos ay ngumiti. "Iyan ang kaharian na sinasabi sa akin ni Diwata Jenny. Ang kaharian ng pamilya ko."
"Prinsesa ka?" magkasalubong ang kilay na tanong niya sa akin. "Prinsesa ka talaga?"
Nahiya ako sa tanong niya. Oo nga naman, sinong maniniwala na isa akong prinsesa at may naiwang kaharian dulot ng mga hindi magandang pangyayari. Sino ba namang maniniwala na may nakakausap akong diwata? Sino ba namang maniniwala na may naghihintay sa aking mga tao upang sagipin sila sa masidhi at kagimbal-gimbal na namumuno?
Sino nga pala, diba? Wala.
Baka nga hindi ito totoo eh. Baka nga isa talagang scammer ang diwatang iyon. At isa akong tanga dahil naniwala ako sa mga pinagsasabi niya.
Nakakahiya ka, Ariyah. Magtigil ka nga!
Yumuko ako at marahan na tumango. "Iyon ang sabi niya. Pero kahit ako ay nahihirapang paniwalaan iyon. Sino ba naman ako, diba? Isang hamak na nakulong sa—"
Naramdaman kong hinawakan niya ang aking kamay at tumakbo nang mabilis kaya napasunod na lang ako.
"Kung gano'n naman pala, aba'y ano pang hinihintay natin? Halina't puntahan natin ang pamilya mo," masigla niyang wika.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro