Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12

Dinama ko ang malambot na talulot ng kulay puti na bulaklak na wari ay kumikislap ang kulay nito tuwing natatamaan ng sikat ng araw. Maaliwalas na ang kabuuan ng kalangitan na para bang sinasabayan palagi ang damdamin ko.

"Siguro, magkaibigan na kami ng panahon. Mabuti naman dahil mahirap kalabanin ang panahon," natatawa kong bulong sa sarili.

Tumayo ako mula sa pagkakaupo at nilagay ko ang bulaklak sa aking kanang tainga pagkatapos kong amuyin at putulin iyon. Nagpatuloy ako sa paglalakad, animo'y niyayakap ng mga damo ang aking mga paa tuwing dumadapo iyon sa lupa.

Napapahinto ako kapag may nadadaanan akong bulaklak. Kusang napapahinto ang aking mga paa upang lapitan ang mga bulaklak na naghihintay sa akin na hawakan sila. Iba-iba ang mga kulay niyon, may kulay lila, kulay puti, at ang paborito kong kulay, kulay pula.

Minsan ay inaamoy ko pa. Ngayon ko lang napagtanto na iba-iba pala ang halimuyak ng mga bulaklak. May naamoy nga akong bulaklak kanina na wala talagang halimuyak. Posible pala iyon.

"Para akong tanga, mabuti na lang walang ibang tao rito." Napahalakhak ako. "Nakakabaliw pala talaga kapag nasa tore ka lang."

Muli akong nagpatuloy sa paglakad hanggang sa may narinig akong lagaslas ng tubig. Palinga-linga ako upang matukoy kung saan galing ang paglagaslas na iyon. Kusang lumabas ang ngiti sa aking mga labi nang aking matukoy kung saan nagmula ang ingay.

Sinundan ko iyon hanggang sa marating ko ang isang ilog.

"Ito 'yong minsang naiguhit ko noon. Sabi sa akin ni Papa noon ay ilog daw ang tawag dito," saad ko sa sarili ko habang tinatahak pa rin ang daan patungo sa ilog.

Maganda sa aking pandinig at kahali-halina ang tunog na nagagawa ng ilog. Nakakaakit iyon para sa akin kaya dahan-dahan akong bumaba upang marating ko talaga ang ilog.

Matagal ko ng pangarap ang makatapak at makaligo sa ilog. Akala ko ay hindi ko na matutupad ang pangarap na iyon. Pero ngayon ay abot-kamay ko na talaga.

Malinaw pa sa aking balintataw nang minsang nagkuwento si Papa tungkol sa ilog na malapit lang daw sa bahay nila. Masigla akong humingi ng pabor sa kaniya dahil kaarawan ko naman iyon. Nakangiti pa akong nagsabi na nais kong lumabas ng tore upang makaligo sa tinutukoy nitong ilog pero galit lang ang aking natanggap. Akala ko ay hindi niya ako magawang tanggihan pero nagkamali na naman ang akala ko.

Sa tingin ko'y kasalanan ko naman iyon kaya siya nagalit. Hindi ko na naman kasi sinunod ang utos niya.

Pilit kong iniwaksi ang alaalang iyon. Nagpakawala ako ng buntonghininga.

Animo'y bumalik ako sa aking pagkabata. Nakangiti ako habang dumadaloy ang tubig mula sa aking mga kamay patungo sa aking mga braso. Parang ang bilis ng oras dahil hindi ko man lang napansin na narating ko na pala ang ilog.

Damang-dama ko ang lamig na dulot ng tubig sa aking kalamnan na naghatid ng ibayong kaligayahan. Pakiramdam ko ay hinilot ng tubig ang mga sakit na nakapaloob sa aking buong katawan.

"Sana, tubig lang talaga ang kasagutan ng mga paghihirap ko. Sana, kayang sagutin ng tubig ang mga katanungan ko."

Binasa ko ang aking mahabang buhok habang hindi maalis-alis ang matamis at nakakahalina na ngiti na nakapaskil sa aking mukha. Dumaloy ang tubig mula sa aking buhok, patungo sa aking mukha at patungo pa sa leeg.

Yumayakap, humahalik at dumadama. Isa ito sa pinapanalangin ko noon. Isa ito sa hinahangad ko. Isa ito sa pinapangarap ko.

Dati, hanggang sulyap lang ang nagagawa ko sa ilog na hindi kalayuan sa tore. Napapaluha na nga lang ako dahil nais ko ring maranasan ang maligo sa malamig na ilog na iyon. Nais kong maranasan ang mamingwit ng isda gaya ng palaging kinukuwento sa akin ni Papa Teodoro na ginagawa raw nila noon. Nais ko rin na maranasan ang naranasan nila.

Marami akong nais na maranasan na akala ko ay hindi ko na talaga mararanasan pa. Marami akong gustong gawin gaya ng ginagawa ng mga bata na kasing-edad ko noon. Marami akong pangarap. Marami akong hinahangad pero ang hirap lang tuparin. Ang hirap isakatuparan.

"May panahon nga para sa lahat," nakangiti kong wika. "Tama pala si Diwata Jenny. Tama iyong binulong niya sa akin kagabi na ang lahat ng bagay ay may nakatakdang panahon. Lahat ng mga katanungan ay masasagot sa nakatakdang panahon. May panahon para sa lahat."

Naghilamos ako. "Pero ngayon, panahon kong maligo," natatawa kong saad at naglaro-laro sa tubig.

"Wala kang dalang damit. Anong susuotin mo?"

Agad akong napalingon kasabay nang mabilis na pagpintig ng aking dibdib.

Tama, kinakabahan lang ako.

Wala naman akong ibang kasama kaya tama ang hinala ko na ang lalaking nagpakilala na anak ni Papa Teodoro ang nagsalita.

Hanggang ngayon pala ay hindi ko pa alam ang pangalan niya.

"Bakit ka nakahubad?" gulat kong tanong nang mapagtantong wala siyang damit pang-itaas. Tanong na tawa lang ang nakuha kong kasagutan.

"SUOTIN mo nga ang damit mo!" pasigaw kong utos sa kaniya nang marating na namin ang kuweba kung saan kami natulog kagabi. "Baka magkasakit ka ulit niyan," dagdag ko pa habang patuloy ako sa pagpapatuyo ng aking buhok.

Tumawa lang siya at naglagay ng prutas sa kandungan ko.

Saan siya galing nito? Naglibot-libot siya na hindi ako sinama?

"Naglibot din ako kanina pagkagising ko. May nakuha naman akong mga prutas. Pasensiyahan na muna kasi kunti lang ang nakuha ko. Hayaan mo, maglilibot ako mamaya baka may makuha pa ako." Tumingin siya sa akin, pagkatapos ay ngumiti. "Salamat pala kagabi."

"Wala 'yon," tipid kong sagot at nagsimulang kumagat sa bayabas na bigay niya upang itago ang nararamdaman kong hiya. Bakit ba 'ko nahihiya? "Oo nga pala, anong pangalan mo?"

"Arbie. Arbie Malazarte," nakangiti niyang sagot sa tanong ko.

"Arbie Malazarte ang pangalan mo?" nakataas ang kilay kong tanong. "Maaari pala na dalawa ang pangalan?"

Napahalakhak siya. "Arbie ang pangalan ko. 'Yong Malazarte naman ang apelyido ko. Ikaw? Anong apelyido mo? Huwag mong sabihin sa akin na pinagamit ni Papa ang apelyido namin sa'yo."

Mas lalo akong naguluhan. Anong apelyido ang pinagsasabi niya?

"Apelyido?" taka kong tanong at umiling. "Wala ako no'n. Ariyah lang talaga ang pangalan ko."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro