Kabanata 35
Kabanata 35
Pagod kong ibinaba ang aking bag sa kama at isinalampak ang sarili doon. Isang buwan na rin simula nang magtrabaho ako. Kanina lang, binigyan ako ng boss ko ng sweldo kahit pa hindi pa naman oras ng sweldo ko. Sa susunod na araw pa sana pero sabi niya'y advance ko lang iyon dahil simula nang ako ang nagbabantay sa store dumadami na ang kita namin sa isang araw at halos maubusan na rin kami nang ibang stock dahil sa mga nagdagsaang customers.
"Sorry hindi na kita naHintay kanina sa bahay, may tumawag kasi sa akin dahil may nagwawalang pasyente ko." Rason agad ni Liam pagdating ko sa kaniyang opisina sa hospital, kinabukasan.
"Okay lang ano ka ba!" napapailing kong sabi at umupo na sa kaharap niyang upuan.
Agad niyang binuklat at binasa ang isang folder na may pangalan ko bago ako sinimulang tanungin.
"Habang nagtatrabaho ka, may nararamdaman ka bang kakaiba sa puso mo?" tanong niya.
"Paminsan-minsan kapag nasosobrahan ako sa trabaho'y hinihingal na agad ako at sumasakit ang puso ko."
"Hindi kaya mas lalo lang lumala ang sakit mo kapag pinagpatuloy mo pa rin ang pagtatrabaho?" kunot-noo niyang sabi at may sinusulat na sa papel.
"Hindi naman siguro, okay pa naman iyon. Nagpapahinga nalang ako kapag nararamdam ko ang pagsakit pero pagkatapos nun, mawawala na rin."
"Dapat kasi hindi na kita hinayaang magtrabaho e!" ani niya sabay bumuntong-hininga.
"Liam, okay lang ako...okay?!" hinawakan ko ang kaniyang kamay at pinisil ito, "Walang mangyayaring masama sa akin. Kaya ko ang trabaho 'ko."
Tumango lang siya at wala nang sinabi pa. Halos isang oras na kaming nasa opisina niya at pinaguusapan lang ang tungkol sa aking kundisyon at ang trabaho ko. Nasiyahan pa siya nang malamang may sweldo na akong natanggap at malaki pa sa inasahan ko. Sabi ko rin n ipagpapatuloy ko pa ang pagtatrabaho doon para kapag nakaipon na ako'y pwede na akong bumukod sa kanila pero iyon pa ang dahilan kaya nagalit siya sa buong oras ng usapan namin. Sising-sisi naman ako kung bakit binuksan ko pa ang usapang pambubukod, hindi pa sana kami titigil kung hindi pa siya tinawag ng isang nurse para sa pasyente niya.
"Hintayin mo nalang akong matapos, saglit lang naman at matatapos na ang duty ko." Sabi niya habang nakahawak sa aking kamay.
"Sige, hintayin nalang kita sa lobby." Tugon ko.
"Pwede ka namang dito na maghintay, hindi mo naman ako maiistorbo."
Napatawa ako at agad na umiling. Bumitaw ako sa kaniyang pagkakahawak at pinagsalikop ang aking dalawang kamay.
"Hindi na, sa baba nalang ako. Maglilibot na rin ako para may magawa."
Pwede mong puntahan 'yung isa mong doktor." Agad akong napangiwi at sunod-sunod na umiling.
"Hindi na," tumawa siya ng malakas dahilan upang mapanguso ako.
Saglit pa kaming nag-usap bago ako nagpaalam upang mapapasok na ang kaniyang pasyente sa opisina. Binuksan ko na ang pintuan at lumabas na. Agad namang pumasok ang pasyente niya kaya tinahak ko na ang malawak na pasilyo. Napatigil ako sa paglalakad ng makita ang isang salamin na sa loob ay mga bagong silang na bata.
Nakangiti kong pinagmasdan ang mga ito. May mga umiiyak na bata pero ang halos lahat sa kanila ay kalmado. Napangiti ako ng masalubong ko ang tingin ng isang attendant nurse. Dali-dali siyang pumunta sa pintuang katabi ko lang at binuksan ito.
"Hindi ba ikaw yung girlfriend ni Doc. Liam?" malapad ang kaniyang ngiti habang nangingislap ang mga matang nakatingin sa akin.
"Hindi niya ako girlfriend, magkaibigan lang kaming dalawa." Agad kong pagtanggi.
"Tumatanggi ka pa talaga, kanina nga lang nakita ko kayong dalawa holding hands pa habang papasok ng opisina niya e." kinikilig niya pang sinundot ang aking bewang na ikinaigik ko.
"Hindi nga kami, ganun lang talaga siya kapag magkasama kami."
Totoo iyon, hindi lang naman ang nurse na kausap ko ngayon ang nagtatanong tungkol sa relasyon namin dalawa ni Liam. Mayroon din sa ibang department, halos silang lahat bukang-bibig ay ang relasyon namin dalawa ni Liam. Hindi rin naman tinatanggi ni Liam kaya parang sinasabi na niyang kami talaga pero ang totoo'y magkaibigan lang kaming dalawa.
Umamin naman siya sa akin na gusto niya akong maging nobya at liligawan pa muna niya ako pero agad ko na itong tinanggihan dahil ayoko munang magkaroon ng relasyon kung hindi ko pa nalalaman ang sarili ko. Ayoko munang ibigay ang sarili ko sa isang tao kung pati ako, gulong-gulo pa rin kung sino ba talaga ako at kung saan ako nanggaling.
"Ikaw bahala. . ." sabi niya nalang bago ako tinalikuran at pumasok ulit sa kwarto. May umiyak na naman kasing bata kaya kailangan niya itong puntahan.
Isang sulyap pa sa mga bata bago ako tumalikod na at naglakad na ulit pero agad din akong napatigil ng magdagsaan ang mga tao sa pasilyo. Lahat sila sinusundan ang isang pasyenteng duguan at dinadala na ngayon papunta sa emergency room na nadaanan ko. Gumilid ako at tiningnan silang lahat na napapaiyak nalang habang sinusundan ang pasyente. Marami na rin nakikiusyoso pero nagpapagilid nalang para mas madaling maipasok ang pasyente sa ER.
"Mga Santibastian 'yan hindi ba?" rinig kong bulong ng isang nurse sa katabi niyang nurse. Nasa harapan ko lang silang dalawa habang parehas na nakatingin sa mga tao.
"Oo, nabaril daw si Uno. 'Yung First born ng Santibastian at tagapagmana." Tugon din.
Sumakit ang aking dibdib ng marinig iyon. Hindi ko alam kung bakit pero parang pamilyar sa akin ang apelyidong iyon. Napahawak ako sa aking ulo nang bahagya itong sumakit. May pumapasok na imahe sa aking utak na ikinagulat ko pa. Ngayon lang ito nangyari sa akin pero ang hindi ko alam bakit lahat ng mga imaheng iyon ay sobrang labo at halos hindi ko na makita ang kanilang mukha.
Hawak ang aking sumasakit na ulo ay nagsimula na ulit akong maglakad ngunit agad din ulit napatigil nang may mabangga.
"Sorry..." bulong ko. Hindi ko narinig ang tugon nito dahil agad na itong umalis sa aking tabi at dumeretso sa paglalakad.
"Nathan, sandali!" boses ng isang babae ang narinig ko na hinahabol ang lalaking nakabangga ko.
"Love, faster!" rinig ko pang inis na tugon nito.
Bumilis naman ngayon ang tibok ng aking puso pero hindi sa paraan na kinatatakot ko, bumilis ito at parang kabayong tumatakbo. Hindi ako nasasaktan, parang ang sarap pa rin nun sa pakiramdam.
"Nathan..." bulong ko sa sarili.
"Sino ka?"
Nanlakihan ang aking mga mata nang tumugon ang lalaking iyon. Imbes na lumingon rito'y lakad takbo ang ginawa ko hanggang makalabas sa hospital. Tuluyan na akong nakahinga ng maluwag nang makalabas na.
Hindi ko alam na ganun pala kalakas ang pandinig nang lalaking iyon!
"Napalakas ba ang pagkakabulong ko ng pangalan niya?" bulong ko at napakagat sa ibabang labi.
Ang tagpo lang na iyon ang naisip ko hanggang sa marating ko ang Hills.
"Boss, nandito na ako!" sigaw ko kahit papasok palang naman ako ng store. Napabalikwas naman siya mula sa pagkakaupo.
"Huwag ka ngang mangugulat, maaga akong mamamatay dahil sayo e!" sigaw niya rin pabalik na ikinatawa ko nalang.
"Sorry naman," kibit-balikat kong sabi.
Pumasok ako sa nag-iisang kwarto ng store at nilagay sa locker ko ang aking bag pagkatapos ay kinuha ko ang uniform na para sa akin at sinuot ito. May budget na kasi kami para sa uniform namin kaya nakabili na kami ng bago at napalitan na rin ang ibang stalls na luma na.
Sa isang buwan ko talaga dito ay naiahon ko ang buong store na walang kahirap-hirap, nakaani rin ako ng mga fans mula sa mga empleyado ng kompanya o 'di kaya mga estudyante mula sa malapit na unibersidad dito. Halos tambayan na nga ito ng mga estudyante makita lang ako. Hindi ko rin tinataboy kasi halos sila rin naman ang bumibili sa mga tinda rito.
Kahit ang asawa nga ng boss ko ayaw na akong pauwiin para lang mas malaki ang maibenta namin sa isang araw, dodoblehin pa ang sweldo ko ika niya, pero tinanggihan ko rin agad dahil bawal sa akin ang sobrang magpagod.
"Ikaw na bahala dito ha, susunduin ko pa ang asawa ko," ani niya nang makalabas ako ng kwarto. Tumango naman ako, "Ah tsaka nga pala, kapag dadaan dito ang anak ko pakisabi dumeretso nalang siya sa bahay."
"Copy, boss." Agad kong tugon.
Nang tuluyan na siyang mawala sa paningin ko ay pabagsak akong napaupo sa upuan at pumikit nang mariin. Sobrang sakit ng ulo ko at nahihilo rin ako, mukhang kailangan ko nang matinding pahinga. Hinayaan ko muna ang aking sarili na magpahinga ng ilang minuto bago ako tumayo na sa aking kinauupuan para makapagsimula na sa trabaho.
Kinuha ko ang map at walis sa kwarto at nagsimula nang maglinis. Nasa kalagitnaan ako nang paglilinis nang makita ko ang pagparada ng isang mamahaling kotse sa harapan ng Hills. Lumabas dito ang isang matandang babae na nakasalamin at pumasok sa store. Agad kong tinigil ang aking ginagawa at pumasok na ulit para pumunta sa may cashier.
Mariin na napapikit ang matanda at problemadong tinanggal ang kaniyang salamin. Pagtanggal nang kaniyang salamin ay doon ko pa nakumpirmang umiiyak ito. Hagulgol niya lang bumabalot sa buong Hills, na ikinabahala ko. Mahina na ang matanda at ang kaniyang mga iyak ay parang pumipilipit sa puso ko, hindi ko kayang nakikita siyang umiiyak lang. Kumuha ako nang tubig at nilapitan siya.
"Uminom po muna kayo ng tubig." Ani ko sabay baba ng basong may laman na mineral water.
Napatigil siya sa paghagulgol at inangatan ako ng tingin. Nabigla ako ng mapatayo siya sa gulat habang nakatingin sa akin at napapaatras nalang. Takot 'kong pinagmasdan siya dahil baka mapaano siya kung ipagpapatuloy niya ang ganong reaksyon habang nakatingin sa akin.
"Huminahon po kayo, hindi ko kayo sasaktan." Malumanay kong sabi. Nabigla ako ng kunin niya ang kamay ko at nilagay sa mismong pisngi ko.
"T-talia. . ." bulong niya na ikinatanga ko. "Talia Amore," Mas napahagulgol siya nang sabihin iyon. "Ang apo ko!" pumalahaw siya sa pagiyak. Nabigla ako nang yakapin niya ako ng mahigpit.
Imbes na bumitaw ako sa pagkakayakap sa kaniya'y hinayaan ko nalang siya na yakapin ako. Niyakap ko siya pabalik habang hinihimas ang kaniyang likod upang kumalma.
"H-hindi po ako si Talia, Nicole po ang pangalan ko." Ani ko ng huminahon na siya at bumitaw na sa kaniyang pagkakayakap.
"P-pero kamukhang-kamukha mo ang anak kong namayapa, hanggang ngayon hindi ko pa rin nakikita ang apo kong si Talia." Sabi niya.
Agad akong umiling. "Mali po kayo." Saad ko.
Hindi pwedeng agad akong sumang-ayon sa sinasabi ng matanda. Hindi porket na kamukha ako ng kaniyang namayapang anak ay anak na ako nun. Maraming magkakamukha sa buong mundo at halos ang iba sa kanila ay hindi magkaano-ano, sadyang magkamukha lang ang mga ito.
Sabi niya 'hanggang ngayon', kaya imposibleng ako talaga iyon. Basi sa mga napanaginipan ko, ang pangalan ko ay Nicole kaya malabo talagang ako iyon at hindi Talia Amore.
"Pasensya na talaga akala ko kasi isa ka rin San-" naputol ang sinasabi niya ng lumapit sa amin ang kaniyang driver na kakapasok lang sa store.
"Donya Victorina, pinapabalik na po kayo ng Don." Ani nito.
Namilog ang aking bibig ng marinig iyon. Gulat kong nilingon ang matandang babae sa harapan ko.
Donya...
Ibig sabihin hindi lang ito simpleng mayaman ang nasa harapan ko? Sobrang yaman nito at maaaring mayroon siyang mga lupain o rancho kaya siya tinatawag na Donya at Don ang kaniyang asawa?
Agad kong binitiwan ang pagkakahawak sa kaniyang kamay at lumayo sa kaniya. "P-pasensya na po, marumi po ang kamay ko. Hindi ko po alam!" Yumuko ako sa kahihiyan.
"Wala iyon hija, ako naman ang unang humawak sayo e." napakamot ako sa aking batok.
"Salamat po." Tugon ko.
"Mauuna na ako hija, salamat din sa patubig mo," Muli niyang hinawakan ang aking kamay.
Gusto ko sanang bawiin ang kamay ko pero mas lalo lang niya itong hinawakan sa mas mahigpit na paraan. "Sana magkita pa tayo sa susunod. Gusto kitang ipakilala sa asawa ng anak ko, siguradong masisiyahan iyon."
Namumula ko siyang tiningnan. "Hindi na po kailangan, nakakahiya naman po sa inyo kung gagawin niyo pa po 'yan."
"Kamukhang-kamukha mo talaga siya, pati ang pamumula sa simpleng mga salita'y kuhang-kuha mo. Sayang nga lang at hindi niya makikita ang ganda mo."
"Sorry po sa pagkawala ng anak niyo pero ngayon pa lang po sasabihin ko na sa inyo na hindi ako ang anak ng anak niyo. Simpleng babae lang po ako at walang alam sa mundo." Malamig ngunit magalang kong sabi.
Sunod-sunod siyang tumango at nginitian ako, binitawan na niya ang aking kamay.
"Sana talaga makita pa kita ulit pero ngayong nasa ospital pa ang apo ko, hindi muna siguro."
Pagkatapos niyang mamaalam ay agad naman silang lumisan. Napabuga ako ng malalim na hininga at umupo sa upuan. Ang sakit ng dibdib ko sa kaba at dinoble pa iyon ng sakit ng ulo ko. Parang pinipiga ang utak ko sa dami nang impormasyong pumasok sa isip ko.
Itutuloy. . .
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro