Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 3

Chapter Three

Hiling


"Dominika! Dominika!"

Ang paulit-ulit na sigaw ng pangalan ko ang gumising sa akin. Hindi ko namalayang nakatulog akong nakatayo habang nakasiksik ang payat kong katawan sa maliit na espasyo sa loob ng matandang puno.

Malalim na ang gabi dahil lahat ng mga poste ay nakabukas na sa labas. May mga flashlight rin akong nasisipat sa hindi kalayuan at mga boses na hindi lang galing sa mga nagpapatakbo ng pasilidad kung hindi pati na rin mga boses ng mga batang kasama ko.

Nang marinig ang huling sigaw ay natigil ako sa paglabas. Akala ko ay mapapabuti na ako rito at wala nang makakapanakit sa akin pero tama ang mga sinabi ni Nanay Dolores. Malupit ang mundo at maswerte na lang ako kapag nakahanap pa ako ng taong totoong magiging mabuti sa akin.

Siguro nga malas lang talaga ako. O baka naman tapos na ang swerte ko dahil wala na si Nanay. Noon pa naman kasi ay wala akong naalalang pagmamahal sa kahit na sino bukod sa ipinaramdam sa akin ni Nanay Dolores. Kung alam ko lang na iyon na ang huli ay sana mas pinahalagahan ko.

"Ano ba kasing nangyari at umalis si Dominika?!" napapitlag ako sa nag-aalalang singhal ng boses sa kung sino ilang dipa ang layo sa aking kinaroroonan.

"Sila Yoda po ang may kasalanan ate Jenice. Binuhusan kasi nila ng tubig si Dominika. Binu-bully nila dahil baliw daw siya."

Napapikit ako't lalong napasiksik sa narinig, palapit na ang mga hakbang sa pwesto ko.

"Saan mo huling nakita si Dominika?"

"Dito siya tumakbo ate Jenice pero hindi ko na nakita dahil hindi ko naman po sinundan."

"Kayong mga bata kayo! Sandali lang kaming nawala ay ito na ang nangyari!"

"Wala po kaming kasalanan Ate Jenice."

"Encee, lahat kayo ay damay rito. Kahit wala kayong kasalanan at hindi kayo ang nam-bully kay Dominika ay malalagot kayong lahat lalo na kapag nalaman ni Madam Cerisa na may nawawala!"

"Hindi po kaya sa gubat na tumakbo si Dominika?" takot nang sambit ni Encee.

Isang malalim na buntong-hininga ang narinig ko kay Ate Jenice, mas lalong namroblema sa sinabi ng kausap. Ilang segundo lang ay nawala na sila at tumahimik na ang kapaligiran.

Nanatili ako sa kinalalagyan kahit na kating-kati na ang buong katawan ko sa kagat ng mga insektong hindi ko na makita. Lumipas ang isa pang oras bago ako nagdesisyon na lumabas na.

Hindi ko man alam ang buhay sa labas ng lugar na ito ay hindi ko na gusto pang manatili. Sa utak ko ay mas mabuti pang maging palaboy na lang ako. Doon ay hawak ko ang oras ko at ang lugar kung saan ko gustong pumunta. Pwede akong makaiwas kaagad sa mga taong gustong manakit sa akin.

Dahan-dahan akong naglakad sa daan patungo sa gubat na tinutukoy ni Encee pero bago pa ako tuluyang makarating sa dulo ay nagulantang na ako sa pagtutok sa akin ng malakas na ilaw gamit ang isang flash light!

Agad akong napaupo sa lupang maraming tuyong dahon habang unti-unting pinapalagan ang liwanag gamit ang mga kamay. Isang bulto lamang ang nakita ko at isang pares ng mga paang naglalakad ang narinig.

Hirap kong tiningala ang mukha nito habang nakaalalay ang kamay sa mga mata. Wala sa sariling napalunok ako nang maaninag ang isang babaeng mas matangkad sa kahit na sino sa mga nangangasiwa sa center at kahit kailan ay hindi ko pa nakita rito.

Nakasuot siya ng itim na bestida. Nakatali ang buhok, may salamin, pula ang mga labi at ang mga mata ay madilim at para akong sinasakal sa talas.

Iniwas niya ng bahagya ang hawak upang hindi ako masilaw.

"Ikaw si Dominika?"

Natatakot akong tumango. Sa pagkakataong iyon ay wala ng laman ang isip ko. Nangatog kaagad ang katawan ko sa kanyang presensiya pero imbes na saktan dahil sa akmang pag-alis ay tinalikuran niya lang ako.

"Tumayo ka diyan at sundan mo ako." malamig niyang sabi at walang ano-ano'y naglakad na palayo.

Muli kong sinipat ang matayog at makakapal na alambreng tanging daan para makalabas ako sa lugar. Abot kamay ko na iyon pero sa pagkakataong ito ay wala akong magawa kung hindi ang sundan ang babae at bumalik sa tinakasang lugar.

Hindi dahil natatakot ako kung hindi dahil kahit na gustohin ko ay mahihirapan pa rin akong makaalis. Imposibleng maakyat ng isang tulad ko ang barikadang iyon at imposible ring mabuhay ako sa gubat. Tinanggap kong hindi pa iyon ang tamang panahon kaya sa ngayon ay pinili kong bumalik na lang muna.

Nakakabinging katahimikan ang namayani sa malaking bulwagang pinagdalhan sa akin ng babae. Nasa harapan ko ang lahat ng mga batang babaeng kinupkop ng pasilidad. Nakayuko at pare-parehong takot ang nasa mga mata nila para sa babaeng nasa tabi ko.

Para akong isang elementong ligaw sa kanyang gilid. Ang puting damit ko ay itim na ngayon maging ang aking mga balat sa dumi ng dagta, alikabok at putik na dumikit sa katawan ko. Naaamoy ko rin ang sarili kong parang ilang taong hindi naligo.

Napapitlag ang lahat sa pagkumpas ng babae sa hawak na arnis.

"M-magandang gabi Madam Corina!" sabay-sabay na sambit ng lahat maliban sa akin.

Hindi pa man nagsasalita ang babae ay agad nang humakbang sa harapan ang limang babaeng nagbuhos ng tubig sa akin kanina. Sabay-sabay silang lumuhod sa sahig na mayroong pinaghalong munggo at malalaking butil ng asin. Agad silang naiyak sa ginawa.

"Patawarin n'yo kami Madam Corina. Hindi na po namin uulitin."

Apat na beses nila iyong binigkas, pare-parehong humahagulgol sa takot at sakit dahil sa niluluhuran. Matapos iyon ay kusa nilang itinaas ang mga kamay, ang palad ay nakabuka.

Pilantik pa lang ng palapit na takong ni Madam Corina sa mga ito ay halos manginig na sila matinding takot. Napapikit ako nang isa-isa niyang hambalusin ng hawak na arnis ang mga palad nito dahilan para mas lalo silang ngumawa sa sakit. Sa kada hampas ay lahat parang napapaiyak na rin.

Ang mga naroong matatanda ay walang nagawa. Sa pagkakaalam ko ay apat na magkakapatid ang nagtayo ng lugar na ito kaya iyon rin ang pangalan ng lugar. Hindi gaya ni Madam Cerillo at Madam Cerisa, si Madam Corina ay brutal at tiyak na ang isa pa nilang kapatid ay gano'n rin.

"Now stop whining and ask for apology." maawtoridad nitong utos.

Walang nagawa ang mga nakaluhod kung hindi ang balingan ako at hingan ng tawad.

"Patawarin mo kami Dominika. Hindi na namin uulitin ang lahat ng ginawa namin sa 'yo." apat na beses nila iyong inulit.

Sa paglingon sa akin ni Madam Corina ay napatuwid ako ng tayo.

"Pinapatawad mo ba sila?"

Nilingon ko ang mga babae pero wala akong naisagot kaya naman muling hinambalos ni Madam Corina ang kanilang mga palad, sa pagkakataong iyon ay mas marahas na parang nadudurog na ang mga buto.

Nagwawala ang loob ko. Gustong-gusto kong sumigaw pero ni isang salita ay walang lumalabas sa aking bibig. Gusto ko nang itigil ang kanilang paghihirap pero wala akong masabi. Inulit nila ang paghingi ng tawad, gaya ng una ay apat na beses pa rin. Muli akong binalingan sa sagot kong pagpapatawad pero natulala lang ako. Akmang uulitin ni Madam Corina ang pananakit pero maagap ko nang nahawakan ang kanyang kamay.

Nanghihina akong umiling, tanda na ayaw ko na ang kanyang ginagawa. Tumuwid siya ng tayo matapos kong bitiwan. Inayos niya ang kanyang salamin pagkatapos ay muling humarap sa lahat.

She then glanced at the space between the girls. Napalunok ako sa naisip pero wala na ring nagawa kung hindi ang sumunod. Gaya ng mga ito, hinambalos niya rin ng apat na beses ang mga palad ko pero walang tumulong luha sa aking mga mata. Sanay na ako sa sakit. Manhid na ang buong katawan ko doon at hindi na ako tatablan.

"Maging leksiyon sana sa inyo ang gabing ito. Sa lugar na ito ay walang espasyo ang pagiging mataas! Kayong lahat ay pantay-pantay lamang kaya matuto kayong mahalin at makibagay sa mga kapwa ninyo naiintindihan n'yo?!" malakas niyang sigaw na ilang beses pang umalingawngaw sa malaking bulwagan.

"Opo Madam Corina, naiintindihan po namin!"

Marami pa siyang sinabi bago tapusin ang pagpupulong. Tinanggap ko ang parusa kasabay ng pagtanggap kong habang buhay na lang akong makatatanggap no'n dahil tapos na ang swerte ko at hinding-hindi na kailanman darating pa.

Pagkatapos ng gabing iyon ay inilipat ang limang babae sa isang silid kung saan walang mga bintana bilang parusa. Mananatili sila roon ng apat na buwan hanggang sa tuluyan nilang pagsisihan ang mga nagawa sa akin.

Hindi nananatili si Madam Corina sa center pero dahil sa nangyari ay minabuti niyang manatili ng isang linggo. Sa unang araw ng kanyang pamamalagi ay muli kaming nagkita. Ipinatawag niya ako sa kanyang opisina pero wala kaming napag-usapan. Wala siyang ginawa kung hindi ang titigan lang ako't kilatisin gamit ang mga mata.

Sa pangalawang araw ay may ipinasagutan siya sa akin. Dahil napag-aralan na namin iyon ay mabilis kong nasagot ang lahat. Gano'n rin ang nangyari sa pangatlo, pang-apat at panglima niyang pananatili. Sa pang-anim ay kinakausap na niya akong muli ngunit tanging tango at iling lang ang naisasagot ko sa kanya.

"Wala ka ng mga magulang?"

Umiling ako. Bumaba ang mga mata niya sa hawak na mga papel laman ang mga impormasyon tungkol sa akin. Iyon rin ang hawak ng babaeng taga-DSWD na nagdala sa akin sa lugar na ito.

"Tama bang nabuntis lang ang nanay mo at hindi mo kailanman nakilala ang totoo mong ama?"

Tumango naman ako. Lahat ng tanong niya ay nasagot ko maliban sa isang dahilan para hindi ko man lang siya nagawang titigan.

"Sinaksak mo ng sampung beses ang ama-amahan mong lasing at natutulog dahilan ng kanyang pagkamatay?"

Nakabibinging katahimikan ang namayani sa pagitan namin. Akala ko ay pipilitin niya akong alamin ang sagot tungkol doon pero nakaalis na lang siya sa pasilidad nang hindi nakukuha ang sagot sa akin.

Kahit hindi ko naman sagutin ay alam kong alam niya ang totoo. Wala akong balak na itanggi iyon dahil kahit na alam kong masama, isa iyon sa mga bagay na kahit kailan ay hinding-hindi ko pagsisisihan.

Naging tahimik ang mga sumunod na buwan. Ang mga babaeng gumulo sa akin ay hindi na ako nalapitan pero hindi natapos ang mga pangungutya. Palihim ang ilan pero simula ng mangyari iyon ay mas lalo akong naging mainit sa mata ng lahat.

Halos dalawang taon ang nakalipas ay nanatiling tikom ang aking bibig. Walang kaibigan, walang nagmamahal, walang nagbibigay importansiya at palagi ay puntirya pa rin ng mga taong hindi ko alam kung saan nanggagaling ang galit para sa akin.

"Mamamatay tao ka! Isa kang kriminal at hinding-hindi ka na kukunin ng pamilya mo! Walang aampon sa 'yo dahil salot ka! Kung hindi ka rito mabubulok, doon ka sa impiyerno!" sigaw ng babaeng mas matanda lang sa akin ng ilang taon sabay tulak ng malakas dahilan para lumagapak ako sa sahig!

Akala ko ay tapos na ang mga sakit pero wala na yata iyong katapusan. Napasigaw ako nang maramdaman ang paghawak at paggilit sa aking pulso gamit ang nakuhang kutsilyo ng babae. Ilang sandali lang ay naligo na ako sa sarili kong dugo!

"Dapat sa mga gaya mo ay mamatay na rin! Mamatay ka na Dominika! Mamatay ka na!" paulit-ulit nilang sigaw.

Wala na akong ibang makita kung hindi ang pagdanak ng makintab at pulang likido sa sahig. Akala ko makakatakas na ako pero paulit-ulit lang ang nangyari. Sa nanlalabo kong mga mata ay nakita ko lang ang tawanan nila. May mga patuloy na tumatadyak sa aking katawan. Walang tigil na gusto talaga akong wakasan.

Ipinikit ko na lang ang mga mata ko. Umaasang sana nga ay maging tama na lang sila. Sana nga ay mamatay na lang ako dahil gaya ng hiling nila, iyon na lang rin naman ang gusto ko.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro