CHAPTER 2
Chapter Two
Four Sisters Juvenile Center
Hindi ko na nakita si Mama simula nang araw na 'yon. Gumaling naman ang mga sugat ko pero hindi na kailanman gagaling pa ang dulot nito sa puso ko.
Sa mga sumunod na buwan ay wala akong ginawa kung hindi ang sundin ang mga utos ng mga nasa selda dos. Para akong basahan kung ituring pero walang pinagkaiba iyon sa turing sa akin ng sarili kong ina kaya hindi ko nagawang magreklamo.
Gabi-gabi, hindi ako bumibitiw. Naniwala ako sa mga sinabi at iniwan ni Nanay Dolores sa kabila ng mga pagmamalupit. Walang nagawa ang mga noo'y nagmamalasakit sa akin dahil sa bagong mayora. Tiniis ko ang lahat kahit na madalas ay magigising ako sa sampal at sipa. Itinago nila ang mga pasa ko gamit ang mga malalaking damit na ipinapasuot nila sa akin hanggang sa isang araw ay mapansin iyon ng bagong bantay dahilan para mailipat ako sa tamang pasilidad.
"Kahit saan ka mapunta, wala ng magmamahal ng totoo sa 'yo Dominika dahil masama kang tao at itaga mo 'yan sa kokote mo." mariing sambit ng mayora bago ako tuluyang makaalis sa kulungang iyon.
Mayroong sumundo sa akin galing sa DSWD pero wala itong nakuhang sagot sa lahat ng mga tanong sa akin. Nanatiling tikom ang aking bibig hanggang sa wala na itong magawa kung hindi ang dalhin ako sa bagong pasilidad apat na oras mula sa pinanggalingan ko.
Iyon ang unang beses na nakalayo ako sa lugar kung saan ako ipinanganak. Ang sabi ni Lola Dolores ay huwag akong mawawalan ng pag-asa. Sa puso ko ay may kakarampot pa namang natira doon at iyon ang kinapitan ko.
"Dominika, ito ang magiging bagong tahanan mo... Dito, hindi ka na mapagmamalupitan ng kahit na sino."
Napaatras ako nang akma akong yayakapin ng babae. Mas lalo siyang nanlumo sa naging reaksiyon ko pero wala nang nagawa.
Iginala ko ang paningin sa bagong lugar na magiging tahanan ko. Sa labas pa lang ay maaliwalas na ang paligid. May malawak na lupain, may palaruan at kumpara sa kulungan, ang mga narito ay tiyak na mas malaya.
Hindi ko man maintindihan ang nakasulat sa itaas ng dalawang palapag na establisyimento pero natitiyak kong ang lugar na ito ay hindi na gaya sa pinanggalingan ko.
Ipinakilala ako ng babae sa mga bagong mukhang nangangasiwa sa lugar. Ibinigay niya sa kanila ang mga papeles ko. Isang oras mahigit silang nag-usap bago magkaigi. Mabait ang pakikilala sa akin pero gaya sa naunang kumausap, walang lumabas sa aking bibig. Marami man mga boses sa utak ko pero wala akong kakayahang magsalita.
"Dominika, iiwan na kita ha? Babalik ako bukas. Maraming beses pa tayong magkikita pero sa ngayon ay magpahinga ka na muna. Sila Madam Cerillo na ang bahala sa 'yo. Magiging maayos ka rito."
Nanatiling blangko ang aking ekspresyon hanggang sa tuluyan na siyang makaalis.
Iginiya ako ni Madam Cerillo sa isang maliit na silid. Dahil wala akong kahit na anong gamit ay binigyan niya ako ng mga damit at inutusang maligo. Pagkatapos no'n ay ipinakilala na niya ako sa mga makakasama ko sa silid. Ang sabi ng isang babaeng kasama namin ay labing dalawa raw ang silid na nasa pasilidad. Sa anim at kalahati ay para sa mga lalaki habang ang kalahati naman ay para sa aming mga babae. Hindi pinagsasama ang magkaibang kasarian pero may pagkakataon raw na nagkakasama sa iisang bulwagan kapag mayroong mga bisita o kasiyahan.
Sa dorm five ako inilagay. Sa isang silid ay mayroong limang double deck at sa pinakadulo ako ipinuwesto. Pagkatapos no'n ay dinala naman ako kung saan naroon ang anim na mahahabang lamesa, iyon ang lugar kung saan kumakain ng sabay-sabay ang lahat.
Ang amoy ng bagong saing na kanin ang nagpakulo sa aking tiyan. Ipinakilala ako ni Madam Cerillo sa mga kasama ko sa silid na nakapwesto na sa kanya-kanyang upuan. Kung sino ang mga kasama ko sa silid ay sila rin ang makakasama ko sa lamesang ito.
Nakangiti ang ilan habang mayroon rin namang nanatiling nakasimangot. Wala akong inintindi. Paglapag na paglapag ng pagkain sa aking harapan ay nagmamadali ko iyong sinunggaban, walang pakialam sa mga sasabihin nila. Para akong hayop na pinagkaitan ng pagkain ng matagal na panahon. Halos pati ang pinggan ay kainin ko na rin dahil sa gutom.
Ako ang unang natapos sa kanila. Saka lang ako nahimasmasan nang maubos ko lahat ng butil ng kanin at ulam sa aking plato. Habang tinutungga ang tubig ay saka ko lang namalayan na nakatingin na pala silang lahat sa akin.
"G-gusto mo pa?" nahihiyang inilapit sa akin ng isang babaeng siguro ay mas matanda lang sa akin ng dalawang taon ang kanyang plato.
Imbes na mahiya ay nagmamadali ko iyong kinuha at inubos. Ito ang unang beses na muli akong nakatikim ng may lasang ulam kaya hindi ko pinalagpas. Natawa ang iba pero mas lamang ang naging kuryoso kung bakit gano'n na lang ako.
Nanatili akong tahimik kahit na ilang beses nila akong sinubukang kausapin.
Sa pagbalik sa silid ay nagpapasalamat akong sa dulo akong double deck nakapuwesto at walang tao sa itaas ko kung hindi ay pati siya magigising at madadamay dahil sa pagbisita ng mga bangungot ko.
Takot na takot at pawis na pawis akong nagsumiksik sa gilid ng kama habang yakap-yakap ang aking mga tuhod. Madilim na at tahimik na ang paligid at tanging ingay na lang ng electric fan ang naririnig.
Takot kong tinakpan ang magkabila kong tainga at pilit na nilunod ang mga hikbi pero bigo ako. Kahit na alam kong wala naman, tila naririnig ko ang mga malalakas na sigawan sa utak ko. Ang mga ingay at pagmamalupit ng mga preso. Ang sipa at sampal ng ina ko at ang lahat-lahat ng nangyari ng gabing nakapatay ako.
Ang malakas kong sigaw ang bumulabog sa dorm five nang hindi ko na makayanan. Agad nagkagulo dahil sa akin. Ang mga kasama ko sa silid ay pilit akong inalo pero mas lalo ko lang itinago ang sarili gaya ng pagtatago ko sa ilalim ng double deck sa tuwing may riot sa loob ng selda.
Matagal bago ako napakalma ng mga nangangasiwa ng lugar. Sa aking pagbalik sa loob ng dorm five ay tahimik na ulit. Binigyan ako ng gamot ni Madam Cerillo. Umepekto naman at kumalma ako pero hindi iyon naging sapat upang mabingi ako't hindi na marinig ang mga opinyon ng mga kasama ko sa akin.
"Baliw yata 'yang si Dominika. Ang balita ko ay galing daw 'yan sa kulungan."
"Talaga? Ano kayang kaso niya? Magnanakaw kaya?"
"Tingin ko mas malalim ang rason. Tignan mo nga, parang ulol kung magwala. Siguro na-rape rin 'yan. Sabi rin wala ng mga magulang eh. 'Yung nanay daw pokpok tsaka inabandona na siya."
"Kawawa naman pala."
Nagpatuloy ang mga bulungan nila. Sa loob-loob ko ay napakarami kong gustong sabihin. Napakarami kong gustong ipaliwanag pero tila ba matagal na panahon na akong tinakasan ng aking tinig. Parang gusto ko na lang mamanhid hanggang sa wala na akong maramdaman.
"Anong kawawa? Naaawa ka sa baliw? Baka sa susunod saktan na tayo niyan, eh."
"Oo nga 'no? Pwede kaya siyang ipalipat sa ibang dorm? Nakakatakot!"
Pumikit ako ng mariin. Sa aking paggalaw upang takpan ang tainga ay saka lang sila natigil sa malakas na bulungan. Nagpatuloy sila pero hindi ko na maintindihan. Ang gamot na ininom ko ang nagpatulog sa akin.
Sa mga sumunod na araw sa Four Sisters Juvenile Center ay naging maayos kahit paano ang kalagayan ko kumpara sa kulungan. Dito, kahit paano ay may kalayaan kami. May mga gawain pero hindi mabibigat kumpara sa selda dos. May mga nag-uutos pero malumanay silang lahat sa mga gusto. Bukod doon ay mayroon rin kaming klase. Marunong na ako kahit paanong magsulat at magbasa pero huling-huli pa rin ako kumpara sa mga babaeng kasama ko roon.
Hindi natigil ang mga bulungan at bangungot ko tuwing gabi. Wala akong naging kaibigan kahit na parte sa akin ay nangungulila rin sa kausap. Patuloy akong binisita ng nagdala sa akin sa center pero matapos ang isang buwan ay tumigil na rin siya sa ginagawa.
Hinayaan ko ang mga pagtingin at pagkakakilala sa aking baliw at ulol sa mga sumunod na buwan. Binansagan rin akong pipi dahil kahit na matagal na panahon ng naroon ako ay ni minsan walang diretsong salitang lumabas sa bibig ko.
Naging matiyaga naman ang mga nangangasiwa sa lugar lalo na pagdating sa akin. May mga doctor na sumubok akong kausapin pero gaya ng mga nauna ay wala silang napala kaya sumuko na lang rin.
Hinayaan ko ang mga bulungan at pangdidiskrimina ng mga kasama ko sa loob ng juvenile center. Imbes na sila ang pagtuonan ng pansin ay mas pinili kong ibaling ang atensiyon sa pag-aaral. Akala ko ay magiging maayos na ang lahat kapag nanatili akong ilag sa kanila pero isang araw ay muli akong binalikan ng lahat ng masalimuot kong nakaraan na pilit kong tinatakbuhan.
Napapitlag ako't agad nagtumalon matapos buhusan ng limang basong malamig na tubig ng limang babaeng lumapit sa akin bago pa matapos ang aming pagkain.
Wala ang mga nakatatanda dahil sa biglaang meeting kaya naiwan kami sa bulwagan.
"Piping baliw! 'Yan ang dapat sa 'yo sa mga pang-iistorbo mo sa aming lahat! Kaya ka inabandona at ipinakulong ng nanay mo kasi baliw ka! Baliw!" paulit-ulit nilang sigaw pero imbes na suwayin ng ilang naroon ay walang nagawa ang mga ito kung hindi ang manahimik o 'di kaya naman ay tumawa ng pasimple.
Imbes na manatili ay nagmamadali akong tumakbo palabas at pilit na nagsumiksik sa nakita kong butas ng isang malaking puno at doon nanatili hanggang sa dumilim ang paligid at wala na akong marinig kung hindi ang mga kuliglig na pilit dinadaluhan ang mga hikbi ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro