CHAPTER 4
Chapter Four
Safe
Mabigat ang mga talukap kong dumilat pero muli akong napapikit sa pagsalubong ng liwanag sa aking mga mata.
Mabilis ang naging pagtahip ng aking puso. Kahit na hindi ko pa nasisipat ang buong kwarto ay sigurado na akong wala na ako sa center.
Sinubukan kong igalaw ang aking mga kamay. Dama ko ro'n ang ilang mga nakakabit. Nanlalata rin ang aking katawan at tuyong-tuyo ang aking lalamunan. Tingin ko ay ilang araw rin akong nawalan ng malay.
Sa muling pagbukas ng aking mga mata ay napasadahan na nito ang kabuuan ng silid. Hindi iyon tipikal na hospital. Kahit na ang mga kagamitan ay kagaya ng pasilidad, iba ang isang ito. Imbes na puti at maaliwalas ang silid, ito ay parang marami nang napagdaanan at nagamot na mga kriminal. Ang mga dingding ay kulay abo. Walang bintana at iisa lamang ang ilaw. Ang hinihigaan ko't damit ay kulay itim rin at ni isang upuan o lamesa ay wala akong nakita.
Napapitlag ako nang marinig ang mga yapak patungo sa aking kinaroroonan. Mabilis kong ipinikit ang aking mga mata upang magkunwaring tulog.
Hindi ko inasahan na hindi lang iisang boses ang maririnig ko nang huminto na ang mga ito sa silid na kinaroroonan ko.
"This is the last one?" baritonong tanong sa diretsong ingles ng babaeng nagsalita.
"Yes, maestre."
"Good. Do you think she can be transferred to La Spieza tonight?"
"Definitely."
"Alright. You know what to do."
Narinig ko ang pag-alis ng kung sino pero sa pasimple kong pagbukas ng aking mga mata ay nakita ko ang pananatili ng babae doon.
Hindi siya nakaharap sa akin kaya hindi niya nakitang gising na ako. Abala rin ito sa pakikipag-usap sa kanyang telepono kaya nagkaro'n ako ng pagkakataong suriin ang kanyang kabuuan.
Tama nga akong wala na ako sa center at ang babaeng iyon ay ni minsa'y hindi ko pa nakita. Ang mga may-ari ng four sisters ay sopistikada na kung manamit pero ang isang ito ay aura pa lang nakakapanindig na ng balahibo.
Nakasuot siya ng pulang leather suit. Pula rin at mataas ang suot niyang stiletto. Posturang-postura at halatang mamahalin ang ayos. Matangkad, balingkinitan ang katawan at ang kanyang mukha ay maganda kahit na mukhang minsan lang kung ngumiti.
Mariin akong napapikit sa kanyang paggalaw. Nanalangin akong sana ay umalis na lang siya pero sa muli kong pagsipat ay palapit na ito sa akin.
Pakiramdam ko'y hindi na dinaluyan ng hangin ang aking baga nang huminto siya sa aking gilid. Sa pag-angat ng kanyang kamay para sana ilapat sa aking mukha ay agad na akong nag-panic at natatarantang naupo sa kama upang iwasan siya!
Ang mga sigaw ko ang mas lalong nagpagulantang sa kanya. Para akong ligaw na hayop na takot na takot mahawakan. Ang mga nakakabit sa aking mga kamay ay natanggal dahil sa pagsiksik ko sa gilid ng kama't pagwawala. Gustohin ko mang tumakbo pero mahina ang katawan ko at mas lalong hindi ko alam kung saan pupunta.
Nakikita ko ang pagbuka ng bibig niya. Marami siyang sinasabi pero ni isa ay wala akong naintindihan. Ang tanging naririnig ko ay ang pagdaloy ng sarili kong dugo sa aking mga ugat. Pati ako ay nabibingi sa mga iyon kaya tinakpan ko ang aking mga tainga at patuloy na umiwas sa kanya kahit na wala naman siyang ginagawang masama sa akin.
Ang mga taong nanakit sa akin ang nakita ko sa akin pagpikit. Kahit na hindi nangyayari sa kasalukuyan ay nararamdaman ko pa rin ang lahat ng sipa, suntok, at mga dugo kong dumadanak dahil sa pananakit nila sa akin. Doon na tumulo ang mga luha ko at takot na takot na niyakap ang sarili habang patuloy ang paghagulgol at namamaos na pagsigaw.
Maya-maya pa ay nagsidatingan na ang mga taong parehas nakauniporme sa lalaking kausap niya kanina.
Hindi ako nakaiwas sa kanilang paghawak sa akin at pilit pagbalik sa kama. Nang maramdaman ko ang pagturok ng kung ano sa aking braso ay awtomatiko nang bumagal ang tibok ng puso ko. Sa nanlalabo kong mga mata ay ang mukha ng babae ang aking huling nakita.
"You're safe now, Dominika... You're safe..." paulit-ulit niyang sabi hanggang sa mawalan ako ng malay.
Nang muli akong balikan ng ulirat ay nasa ibang kwarto na ulit ako. Hindi gaya noong huli, ang isang ito ay hindi na mukhang nakakatakot na hospital. Normal na kwarto na ito sa maaliwalas na bahay maliban sa mga makinang nasa aking uluhan.
Pagod kong ikinurap-kurap ang aking mga mata. Tumuon ang aking paningin sa nakabukas na bintana. Hinahangin doon ang manipis na kurtina. Natatanaw ko simula sa loob ang malalaking puno sa labas. Sariwa ang pumapasok na hangin sa loob ng silid na kinaroroonan ko.
"Thank God you're awake."
Napapitlag ako sa nagsalitang hindi ko namalayang nasa kabilang gilid ko. Bago pa ako muling makaiwas at makapagwala ay agad na niyang itinaas ang mga kamay sa ere, tanda ng pagsuko.
Hindi gaya ng huli ko siyang makita, ang babae ngayon ay mas kalmado ang aura. Mas magaan at umiintindi.
"Hindi kita sasaktan, Dominika. Don't move or else you'll hurt yourself."
Gumalaw pa rin ako nang subukan niyang humakbang palapit. Nang mapangiwi ako ay agad siyang huminto.
"Hindi kita sasaktan. Alam kong naguguluhan ka ngayon at marami kang tanong pero gusto kong sabihin sa 'yo na ligtas ka na. Malayong-malayo ka na sa mga taong gustong manakit sa 'yo."
Gusto kong paniwalaan ang mga salitang lumabas kanyang bibig pero wala na akong tiwala sa mga tao. Ngayon ay parang mas gusto kong magalit sa kanya kung totoo man ang mga sinasabi niya. Dahil kung malayo na ako sa mga taong nanakit sa akin, ibig sabihin ay hinayaan niya akong mabuhay kahit na ayaw ko na. Siya ang dahilan kung bakit narito pa rin ako kahit na hindi ko na gusto pang manatili rito. Kahit na ayaw ko nang mabuhay. Ayaw ko nang magtiwala at mas lalong ayaw ko nang masaktan.
Hindi na ako gumalaw sa kanyang pag-atras at maingat na pagbalik sa kanyang inuupuan. Ang kanyang matibay na aura ay sandaling nabahiran ng lungkot nang mapatitig sa akin. Kusang umangat ang mga kamay ko patungo sa aking mukha. Doon ko lang naramdaman ang benda sa aking ilong at ilang mga sugat sa kabuuan nito.
"You're badly wounded when I saved you, Dominika."
Pinigilan kong umiyak. Ngayong normal ang utak ko at wala na masyadong epekto ang mga gamot ay dama ko na ang kirot ng aking mga sugat partikular sa aking magkabilang kamay kung saan ako ginilitan ng mga kasama ko sa orphanage. Sariwa pa rin ang sugat dahil sa ibabaw ng benda ay may mga dugo pa rin.
"Look at me, Dominika." madiin niyang utos nang manginig ang mga kamay ko habang nakatitig doon.
Hindi ko na namalayan ang kanyang paglapit sa akin. Pakiramdam ko ay mauubos na ang hangin sa aking baga sa kanyang lapit pero hindi ko magawang lumayo!
"Look at me!" sigaw niyang gumising sa akin.
Lumuluha ko siyang tiningala. Kung noong una ay purong takot lang ang naramdaman ko sa kanyang presensiya, ngayon naman ay pag-asa ang nakita ko sa kanya. Kahit na hindi ko siya kilala ay gusto ko siyang pagkatiwalaan. Gusto kong humingi ng tulong. Gusto kong lumuhod sa harapan niya't magmakaawa na huwag akong sasaktan. Napahagulgol ako.
"Dominika..." ibinaba niya ang nanginginig kong mga palad at pagkatapos ay hinigpitan ang hawak doon. Bago pa ako makapalag ay sunod ko na lang naramdaman ang kanyang mahigpit na pagyakap sa akin. Doon na ako tuluyang tinakasan ng aking lakas.
"I'm not going to hurt you, I promise you that..." masuyo niyang bulong habang yakap ng mahigpit ang nanginginig kong katawan. "Narito ako para tulungan ka at ilayo sa lahat ng nakaraan mo. Tutulungan kita Dominika... Wala ng mananakit sa 'yo. Wala na..."
Patuloy akong humagulgol sa kanyang dibdib. Ang kanyang mga yakap ay napakapamilyar. Si Nanay Dolores lang ang tanging nakayakap sa akin at sa ginagawa ng babae ay parang ito na rin ang kayakap ko. Napanatag ang aking loob. Unti-unti ay kumalma ang buo kong pagkatao kahit na ang mga mata ay patuloy pa rin at walang humpay sa pagluha.
"I'm here to help you and not hurt you," pag-uulit niya. "Poprotektahan kita..."
Marami na akong nakilala sa buhay ko at alam kong ubos na ang tiwala ko sa mga tao pero ang puso ko ay tinuturuan akong paniwalaan ang kanyang mga salita. May kung ano sa mga iyon na sa huling pagkakataon ay gusto kong bumigay. Pakiramdam ko kasi ay siya na lang rin talaga ang pag-asa ko sa buhay. Walang tao ang may gusto sa akin at alam kong walang magta-tiyaga sa isang tulad ko kaya kahit na tapos na akong magtiwala sa mga tao ay wala akong pagpipilian kung hindi ang sang-ayunan siya dahil siya na lang ang tanging pag-asa ko sa buhay. Iniligtas niya ako at alam kong may dahilan iyon. Kung ano man ay ngayon pa lang sumasang-ayon na ako.
"Tulungan mo po ako... h-huwag n'yo na po akong s-saktan... pagod na pagod na po ako... p-parang awa n'yo na po..." pagmamakaawa ko sa kanya, sa unang pagkakataon pagkalipas ng mahabang panahon ay ngayon lang ulit nakapagsalita.
Mas humigpit ang yakap niya sa akin. "Hindi kita sasaktan at maniwala ka doon... Pagkatiwalaan mo ako dahil simula ngayon ay babaguhin ko ang buhay mo kaya tulungan natin ang isa't isa, Dominika."
"Huwag n'yo po akong sasaktan... Huwag n'yo po akong sasaktan." paulit-ulit ko pa ring sambit, iyon na lang ang kayang bigkasin gawa ng lahat ng trauma na napagdaanan ko sa buhay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro