CHAPTER 7
Chapter Seven
Kapit Patalim
Halos madaling araw na ng makauwi ako. Tahimik na ang buong kabahayan pero pagpasok ko ay gising pa rin si Tatay Tino at tahimik na nagpapakalasing.
"Tay..."
Isang tipid na ngiti ang iginawad niya ng makita ako.
"Inom ka?"
Umiling ako at inilapag ang mga gamit sa silya.
"Bakit nagpapakalasing kayo? Hindi pa ba kayo matutulog?"
Tahimik siyang umiling matapos ibalik ang mga mata sa pagtulala sa alak na hawak.
"Hindi ko na alam kung paano lulusutan itong pinasok kong problema, Ray," naalarma ako at agad na naupo sa kanyang harapan. "Wala na akong kawala sa atraso kong ito."
"Ano ba kasi ang atraso niyo sa mga lalaking iyon? Pera ba? Magkano?"
Napainom siya ng alak. Akala ko ay magsasalita na pero muli siyang nagsalin ng panibago at nilagok iyon. Hinayaan ko lang at hinintay siyang magsalita ulit.
"Kalahating milyon." aniya dahilan para mabawi ko sa kamay niya ang bote ng Alfonso at nagsalin sa plastic na baso bago agad na tinungga.
Dahil nababaliwan pa rin sa narinig ay napa-shot ulit ako.
"Kalahating milyon?!" hiyaw ko na nang makabawi.
Pinuno niya sa pagkakataong iyon ang kanyang baso at nilagok lahat. Mas lalong namula ang buong mukha niya.
"Ikaw na ang bahala sa kapatid at Mama mo–"
"Bakit ako, Tay? Bakit saan kayo pupunta?!"
Malungkot niyang tinitigan ang mga mata ko.
"Baka isang araw ay patayin na lang ako ng mga iyon Ray kaya sana ngayon pa lang ay ihanda mo na ang sarili mo."
"Hindi naman 'yon pwede! Bakit hindi tayo magsumbong sa pulis? Tutulungan nila tayo–"
"Walang kwenta ang mga may hawak ng batas sa mundong ginagalawan natin, Elorae," muli niyang putol sa akin sa mas mapait na tinig. "Ang mga pulis na nariyan ay tuta rin ng sindikatong iyon kaya walang tutulong sa atin."
Pakiramdam ko ay dinaganan ng ilang patong ng simento ang aking dibdib. Wala na akong maisagot dahil alam kong tama ang kanyang mga sinabi. Hindi lang ang tungkol sa mga pulis ngunit lalo na sa kanyang nalalapit na pagkamatay.
Ito ang pinaka-masalimuot na sitwasyon sa pagiging mahirap. Alam kong kahit naman maraming bisyo at mga ilegal na transaksiyon si Tatay Tino ay mabuti ang puso niya. Bukod sa suporta sa amin, siya rin ang nagtataguyod sa pamilya ng kanyang kapatid na nasa probinsiya matapos mamatay ang asawa nito at maiwanan ng limang mga bata pang anak.
Nagsimula doon ang pagpasok niya sa mga ilegal na gawain. Tingin ko ay may koneksiyon sa illegal na droga. Tingin ko rin na kaya lang niya iyon pinasok ay dahil sa kakulangan sa pera. Gano'n talaga. Mahirap talagang maging mahirap at kapag ganito ka nang nasadlak ay wala na ring dahilan para tumakas pa. Gustohin mo man ay wala na ring paraan.
Katahimikan ang sunod na pumagitna sa amin. Halos maubos namin ang isang litro bago ako nagpaalam sa kanya. Wala na akong masabi. Pagod na rin ang utak ko sa pag-iisip kung saan pa ako kukuha ng pera una para tulungan si Glenda at ngayon ay kung paano siya ilalabas sa gano'ng sitwasyon.
Sa mga sumunod na araw ay inabala ko ang aking sarili sa pagtatrabaho. Dahil wala akong kasama ay hindi ko magawa ang mga nakagawian namin ni Glenda. Tahimik ang buhay ko pero ramdam ko ang bigat lalo na ng tuluyan na ring maubos ang aking ipon.
"Pasensiya ka na talaga, Ray... Hayaan mo kapag nakapag-trabaho na ako ay babawi ako sa 'yo. Pangako kapag nakabalik ako sa trabaho ay babayaran ko ang lahat ng ginastos mo sa akin."
Inalalayan ko siyang maupo sa kanyang kama. Ako ang sumundo sa kanya sa hospital at ang kinita ko kagabi ay ipinang-taxi na namin para hindi siya mahirapan. Mabuti na lang at nakabili na ako ng isang sakong bigas at ilang de lata para makaraos kami ng ilang linggo dahil baka kung hindi ay wala na namang natira sa akin.
"Huwag mo na munang isipin 'yon. Unahin mong gumaling. Saka na muna 'yong pera."
"Thank you, Ray. Tatanawin kong malaking utang na loob ang lahat ng ginagawa mo para sa akin."
Napangiti ako at kinuhaan siya ng tubig. Balik na naman siya sa magulong lugar na ito pero wala na siyang choice. Walang natira sa kanya dahil sa insidenteng iyon.
Inabot ko sa kanya ang tubig at sabay kaming uminom.
"Pwede bang magtanong?"
"Hmm?"
"Magkano ang pinaka-malaking kinita mo noon sa trabaho mo?"
Napangiti siya at inalala ang mga nakaraan para sagutin ako.
"Isang daang libo siguro. Jackpot lang 'yon dahil galante ang hapon na nasamahan ko. Hindi lang naman pera ang ibinigay niya pati isang designer bag na ilang libo rin ang halaga kaya siguro mga nasa gano'n ang kinita ko sa isang gabi lang."
Napalunok ako ng may maalala.
"'Di ba sabi mo may bumibili ng virginity? Tingin mo magkano ang sa akin?"
Agad siyang naalarma sa narinig. Parang bigla niyang gustong iluwa ang tubig.
"Elorae, hindi mo kailangang gawin 'yan. Alam kong ayaw mo ang bagay na 'yan!"
"Glenda–"
"Hayaan mo na akong mabulok sa lugar na 'to basta huwag mong gagawin 'yan!" giit niya.
Hinawakan ko ang kanyang kamay at marahang pinisil matapos ibaba ang baso.
"Hindi lang naman para sa 'yo," malungkot ngunit may determinasyon kong pagpapatuloy. "Nasa bingit ng kamatayan si Tatay Tino dahil sa atraso niya sa isang sindikato at kailangan niyang magbayad ng kalahating milyon sa mga iyon."
"Ano?!" nalaglag kaagad ang panga niya.
Tumango ako at nagpatuloy.
"Nag-usap kami noong nakaraang gabi at nakita ko mismo ang mga lalaking iyon. Nakakatakot sila at mukhang sanay na ring pumatay kaya hindi imposibleng tuluyan nila si Tatay."
Hirap siyang napapikit sandali, hindi pa rin makapaniwala sa mga sinasabi ko.
"Ibebenta mo ang sarili mo para doon?"
Hindi ako nakasagot, hindi rin ako nakatanggi.
"Elorae..."
"Magkano?"
"Hindi ko alam pero mababa ang dalawang daan sa ganyan lalo na dahil maganda ka. Tiyak na aabot 'yan ng isang milyon sa isang buwan lang na bidding."
"Wala na akong isang buwan, kahit isang linggo. Ilang araw na lang ay kailangan ko nang mapuno ang kalahating milyon. Iyon lang ang ibinigay nilang palugit kay Tatay."
Nasapo niya ang kanyang noo, parang nilagnat bigla sa laki ng problema ko.
"Hayaan mo nang mamatay si Santino, Ray. Panahon na rin siguro."
Napanguso ako. Alam kong nagbibiro lang siya dahil wala na ring mahanap na dahilan para lusutan ang problemang iyon.
"Hindi nga? Seryoso?"
"May kilala ako sa club pero hindi ko alam kung tumatanggap sila ng biglaan. Isang beses sa isang taon lang rin ginaganap ang malakihang bidding at tingin ko ay malayo pa 'yon sa buwang ito."
"Pwede bang tawagan mo siya baka sakali?"
"Susubukan ko pero sigurado ka na ba diyan?"
"Wala naman na akong choice. Kung hindi ako kakapit sa patalim, walang mangyayari. Pare-parehas tayong mamamatay sa gutom."
Malungkot siyang ngumiti at tumango na lang.
Kinagabihan sa trabaho at kahit wala si Glenda ay buo na ang loob kong ipagpatuloy rin ang ginagawa naming dalawa kahit na kailangan ko iyong gawing mag-isa.
Wala na akong ipon. Bukod sa wala na rin akong maitutulong kay Glenda ay nalimas na rin ang itinabi kong para sana sa pag-aaral ni Shawy.
Kahit na ganito lang ako at mahihirapan na siyang ipagpatuloy ang edukasyon ay ipinapaliwanag ko pa rin sa kanya ang importansiya ng pag-aaral. Gusto kong makatapos siya. May plano na ako at pinaghandaan ko na rin kaya nga lang ay masyado na naman iyong malabo dahil sa mga nangyari.
Huminga ako ng malalim at buong tapang na nagpaskil ng malawak na ngiti bago suyurin ang lamesang pakay ko.
Maraming foreigner ngayong gabi. Kanina lang ay naririnig ko ang mga briton sa unang lamesang pinagsilbihan ko at lahat ng mga ito ay mukhang mabibigat na panauhin. Ang mga relo pa lang nila ay mukhang maso-solve na ako sa gabing ito.
Kahit mahirap ay kumuha ako ng tyempo. Para akong nasa alapaap nang makuha ko na ang relo at wallet ng isa sa mga briton matapos itong mahumaling sa akin.
Saktong nawala ang mga kasama niya at lasing na lasing na rin kaya nagkaroon ako ng pagkakataong malimas ang gamit niya pwera na lang sa kanyang telepono.
Kumita ako ng malinis na bente mil ng gabing iyon. Kinabukasan ay natanggap ko ang balita ni Glenda na tungkol sa pagbebenta ko ng sarili ko. Pinuntahan ko kaagad ang lalaking kanang kamay ng may-ari ng club.
Nakita pa lang ako nito ay para na itong isang maamong tupa. Kahit na nailang ako sa ilang beses niyang pagsipat sa akin ay nilunok ko na lang ang lahat. Iyon rin naman ang dahilan kung bakit ako narito kaya ngayon pa lang ay dapat masanay na ako.
Mabilis ang naging usapan. Aniya dahil kailangan ko ng mabilisang pera ay gagawa siya ng espesyal na bidding para lang sa akin. Kung ano ang kikitain sa oras ng pagtatapos ay thirty percent ang mapupunta sa kanya.
Nagkaroon kami ng kasunduan. Pagkatapos ng pirmahan ay diretso kaagad kami sa photoshoot na tumagal rin ng isang oras.
Pag-uwi ko ay naligo lang ako at dumiretso na ulit sa club para kumayod. Kahit na pagod na ang katawan ay nagpatuloy ako. Nakailang hingi ako ng shot sa bartender na naging kaibigan ko na para lang magising ako sa buong durasyon ng trabaho.
Matumal ang gabing iyon palibhasa Lunes kaya limang libo lang ang nauwi ko. Muntik pa akong mahuli dahil sa pagiging tulala ko't lutang sa trabaho.
Ibinagsak ko ang aking sarili sa kama pag-uwi. Tulog na ang lahat sa bahay. Bumaling ako kay Shawy at agad na hinaplos ang kanyang mukha. Lumapit ako at hinalikan siya sa pisngi.
Sapat na iyon para magkaroon ako ng kaunting lakas para lumaban ulit kinabukasan, pero hindi ko inasahang ang araw na iyon ay siyang araw din ng panibagong dagok sa akin.
~~~~~~~~~~~~
Don't forget to vote, share and comment your reactions about this chapter! :)
~~~~~~~~~~~~
This story is already completed. You can now read the full version on www.patreon.com/cengcrdva or VIP group as this will not be updated here anymore to avoid wattpad from DELETING it.
Just message me for full VIP details.
Thank you!
🍀
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro