CHAPTER 6
Chapter Six
Balik Simula
Pakiramdam ko ay lalabas na ang puso ko sa aking dibdib ng malaman ang lahat ng nangyari kay Glenda.
Ang sabi ay nahuli raw itong may kasamang ibang lalaki sa mismong condo na ibinigay sa kanya ng kanyang sugar daddy dahilan para muntik na siya nitong mapatay.
Nanlulumo akong napahawak sa kanyang kamay. Wala pa rin siyang malay ilang oras matapos siyang isugod sa hospital. Basag ang kanyang mukha at marami ring galos sa katawan, mukhang may mga buto pang nabali.
Pinigilan kong maiyak sa kalagayan niya. Ngayon ay parang naubos na ang lakas at angas niya at wala na siyang iba pang makakapitan kung hindi ako.
Hindi ako umalis sa kanyang tabi. Paggising niya ay nag-iyakan na lang kami.
Mabilis na naging masalimuot ang lahat. Dahil wala siyang trabaho at hindi makaalis sa hospital ay lumobo kaagad ang kanyang bill. Mayroon siyang fracture sa bungo na kailangang operahan at doon naubos ang kanyang pera.
Pagkatapos naman ng operasyon niya ay kailangan pa siyang obserbahan. Halos hindi na ako umuwi sa bahay para lang bantayan si Glenda dahil walang mag-aasikaso rito kung hindi ako. Hindi naman niya ako inoobliga pero bilang kaibigan at maraming utang na loob sa kanya ay kusang loob ko iyong gustong gawin.
"Pupunta ka na naman ba sa hospital?" Si Tatay Tino isang umaga habang nagkakape.
Day off ko ngayon pero imbes na magpahinga ay pupuntahan ko si Glenda para bantayan. Tumango ako at naupo sa kanyang harapan habang hawak ang aking kape.
"Doon na muna ho ako. Kawawa naman kasi si Glenda walang magbabantay."
"Ano ba kasing nangyari diyan? Ang balita ay na-gang rape daw iyan."
"Huwag nga kayong magpapaniwala sa mga balita. Hindi 'yon totoo."
Napaiwas ako ng tingin. Ayaw kong pag-usapan iyon sa totoo lang pero ayaw ko namang hayaan silang maniwala sa mga sabi-sabi. Napabuntong hininga ako ng maisip ulit ang sitwasyon ni Glenda.
Ang condo na tinitirahan niya ay ibinenta kaagad nang araw na mangyari ang insidente. Ni hindi na siya kinausap ng lalaking bumugbog sa kanya at ang lalaki namang kasama niya ng mahuli ay naglaho na ring parang bula. Dahil mabilis na naubos ang ipon niya sa bill sa hospital at tiyak na hindi rin siya makakapag-trabaho kaagad ay wala itong choice kundi ang bumalik sa Sitio Maalinsangan.
Napahilot ako sa aking sintido ng maisip na pati ang mga ipon ko ay paubos na rin dahil sa pagtulong ko sa kanya sa mga gastusin sa kanyang gamot. Gabi-gabi ay wala itong ginawa sa tuwing pupunta ako kundi ang umiyak ng umiyak. Sa isang iglap kasi ang nawala ang lahat ng kanyang pinaghirapan.
"Iyon ang bali-balita rito. Pero hindi na bale, may pera ka ba diyan? Baka pwede naman akong makahiram at may kailangan lang akong puntahan mamaya."
"Saan naman, ho?" tumaas ang isang kilay ko pero agad naputol ang pag-uusap namin ng may kumatok sa pinto.
Sa aking paglingon ay tatlong taong burdado ang katawan maging ang mga mukha ang nakita ko doon. Binalingan ko si Tatay Tino na agad namutla sa pagdating ng mga ito. Hindi ko alam at ayaw kong makialam sa kung anong ginagawa niya sa buhay niya pero ramdam kong seryoso at mabigat na bagay ang kung anong kinalalagyan niya ngayon. Hindi ko napigilang mag-alala.
Walang araw ang bulyawan nila ni Nanay. Iyon rin madalas ang dahilan kung bakit hindi ako umuuwi. Imbes kasi na makapag-pahinga ay hindi ko magawa dahil sa tuwing nagkikita sila ay talagang hindi sila matigil sa sigawan at tiyak na isa ito sa dahilan.
Naibaba ko ang paa ko sa upuan nang magkumahog itong lumapit sa mga bisita.
"Dario, naku, pasensiya ka na!" itinulak niya pabalik sa labas ang mga lalaki pero kahit na gano'n ay rinig ko pa rin ang lahat ng kanilang mga usapan dahil manipis na kahoy lang naman ang mga dingding namin.
Nagpatuloy ako sa pag-inom ng kape habang nakikinig.
"Ano na, Tino? Lagpas na ang palugit mo. Alam mo na ang mangyayari sa 'yo, hindi ba?"
"Alam ko pero pangako babayaran ko kayo, kailangan ko lang ng kaunti pang panahon–"
"Talaga bang ginagago mo kami, ha?!"
Napapitlag ako sa paglaglagan ng mga kung ano sa labas kasabay ng pag-igik ni Tatay Tino. Nabitiwan ko ang aking kape ngunit hindi kaagad nakagalaw.
"Babayaran ko kayo!" aniya sa boses na parang nalulunod, mukhang sinasakal sa pagkakataong ito.
"Putang ina mo, alam mo na ang mangyayari sa 'yo kapag hindi ka pa nakapagbigay!"
"Pakiusap, kaunting oras lang! Magbabayad talaga ako!"
"Isang linggo!"
"Oo! Parang awa mo na! Magbabayad ako!"
Muli akong napapitlag sa pagmamakaawa at pagsigaw nito na mukhang sinasaktan na ngayon kaya hindi na ako nakatiis!
Nagmamadali akong lumabas at tama nga ako, sinasaktan ng mga lalaki si Tatay at ngayon ay duguan na ang bibig!
"Ano bang ginagawa ninyo!" malakas kong sigaw na halos maputulan nang ugat sa leeg!
Sabay-sabay silang napalingon sa akin.
"Elorae, huwag kang makialam dito! Bumalik ka na sa loob!" si Tatay pero imbes na pansinin ay mas itinuon ko ang aking mga mata sa lalaking pinaka-matangkad na halatang leader ng tatlong burdadong bibe!
"Umalis na kayo rito kung hindi ay tatawag ako ng pulis!"
Nagsitawanan sila. Naikuyom ko ang aking mga kamao dahil kahit na kaya ko iyong gawin ay natatakot ako sa mga hitsura nilang parang hindi papahuli ng buhay!
Hindi ako humakbang paatras ng lapitan ako ng lalaki.
"Elorae, pabayaan mo na ako rito!" Si Tatay pa rin pero hindi na ako nakagalaw ng matapat ang leader sa harapan ko.
"At sino ka naman para utusan ako?"
Isang sarkastikong tawa ang kumawala sa aking bibig kahit na ang totoo ay nanginginig na ang mga kalamnan ko dahil sa takot sa kanya.
"Nasa balawarte namin kayo at isa pang pananakit ninyo sa Tatay ko ay malalagot kayo sa buong barangay namin!"
Napangisi ang lalaki na parang may naisip na kung ano. Binalingan niya si Tatay at pagkatapos ay sinenyasan ang mga alagad nito. Bahagya akong nakahinga ng maluwag ng bitiwan nila ito.
"Isang linggo, Tino." anitong may pagbabanta sabay baling sa akin. "Matapang ka bata. Gusto kita."
Dahil sa galit at iritasyon ay walang sabi kong dinuraan ang mukha niya. Naging alerto ang mga alagad nito pero agad niyang itinaas ang mga kamay para pigilan itong hawakan ako. Nanatili ang titig kong matalim sa kanya at hindi nagpapatinag.
Pasimple akong napalunok nang ngumisi siya ng nakakaloko pagkatapos ay dahan-dahang hinagod ang aking kabuuan. Imbes na magsalita pa ay binunggo na lang ako pagkatapos at umalis na kasama ang kanyang mga alipores.
Kung hindi ako nakakapit sa dingding ay malamang nalaglag na ako sa sahig nang tuluyan na silang makalayo! Para akong hihimatayin sa lakas ng kalabog ng dibdib ko!
"Ano ba 'yon, Tay?! Sino ba 'yong mga 'yon?!"
Nagmamadali niya akong hinila papasok ng bahay habang patuloy ko siyang inaalalayan.
"Elorae, huwag na huwag kang makikialam sa kung anong transaksiyon ko sa mga taong iyon."
"Sino sila?"
Bumagsak ang kanyang mga balikat at hirap na iniwas ang mga mata sa akin. Nilagpasan niya ako pero naging buo ang determinasyon kong alamin ang pagkakakilanlan ng mga lalaki.
"Nagkaroon ako ng malaking atraso sa mga taong iyon at kailangan kong pagbayaran ang mga nagawa ko."
"Pera ba?"
Agad siyang napapihit. Akala ko ay sasagutin ako at manghihingi ng tulong pero iisa lang ang sinabi niya.
"Basta huwag ka nang makialam." aniya bago bumalik sa lamesa, nilagok ang kanyang kape at iniwan na ako.
Lutang ako habang nakatitig kay Glenda. Marami siyang mga sinasabi pero dahil sa mga nangyari kaninang umaga ay hindi tumatakbo ng maayos ang utak ko.
Para akong nagka-trauma bigla dahil sa mga lalaking iyon hindi lang dahil sa mga hitsura nila kundi dahil alam kong totoong mga halang ang kanilang kaluluwa.
"Ray?"
"H-ha?" napakurap-kurap ako ng maramdaman ang paghawak ni Glenda sa aking kamay.
Agad nalukot ang kanyang noo.
"Bakit parang ang lalim ng iniisip mo? May problema ka ba?"
Umiling ako at pilit na ngumiti.
"Wala naman. Pagod lang siguro ako."
"Hindi nga? Mukhang may malalim kang iniisip. Kanina ka pa wala sa huwisyo. Ray, kung tungkol ito sa pera, hindi naman kita inoobliga sa mga gastusin ko–"
"Hindi, ayos lang ako. Hindi 'yon."
Malalim ang naging buntong hininga niya. Tuluyan ko nang nakalimutan sandali ang mga nangyari ng makita na naman ang lungkot sa kanyang mga mata. Bago pa ako makapagsalita ay nag-unahan nang tumulo ang kanyang mga luha.
"Glenda..." agad ko siyang niyakap. Sa aking mga bisig siya umiyak ng umiyak.
"Wala na ang lahat, Ray. Ngayon ay balik na naman ako sa umpisa. Ni hindi ko na alam kung paano pa gawin 'yon. Wala na akong tirahan. Ang mga gamit ko ay mukhang tinapon na rin at wala na akong babalikan pa sa condo. Wala na lahat," nanlulumo akong napatitig sa kanya nang ituon niya ang mukha sa akin.
"Pati ang puhunan ko ay wala na rin. Hindi ko na alam kung paano pa ako magsisimula, Ray. Baka hindi na ako makaahon ulit."
"Huwag mo ngang sabihin 'yan. Gagaling lahat ng sugat mo at magiging maayos rin ang lahat. Nandito lang ako at tutulungan kita gaya ng pagtulong mo sa akin."
"Pero paano? Sa pagiging waitress? Imposible 'yan, Ray. May sarili kang pamilyang dapat suportahan at kulang pa ang kinikita mo para sa sarili mo."
"Ako nang bahala do'n. Huwag mo na akong problemahin, basta tutulungan kita."
"Ipagpapatuloy mo ang mga ginagawa natin?"
Marahas akong napalunok sa narinig. Gustohin ko man ay hindi ko iyon kaya nang wala siya at magkakaroon lang ulit ng luwag ang buhay namin kung gagawin ko ang mga bagay na ginagawa niya... muli akong napalunok.
Mas lalo siyang napahagulgol dahil alam niya na rin ang mga sagot sa kanyang tanong. Kahit na gano'n ay nangako pa rin ako. Magiging mahirap man pero tototohanin ko ang lahat ng sinabi kong tutulungan ko siya. Kung paano, bahala na.
~~~~~~~~~~~~
Don't forget to vote, share and comment your reactions about this chapter! :)
~~~~~~~~~~~~
This story is already completed. You can now read the full version on www.patreon.com/cengcrdva or VIP group as this will not be updated here anymore to avoid wattpad from DELETING it.
Just message me for full VIP details.
Thank you!
🍀
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro