CHAPTER 3
Chapter Three
Aksidente
Sinamahan ako ni Glenda kinabukasan kahit na parehas kaming nalasing ng sobra sa ilang bote ng gin bilog na binili niya.
Mabuti na nga lang at hindi siya pinuna ni Nanay Esme nang maabutan dahil badtrip rin ito sa pagpapataya ng jueteng kaya sinamahan pa kaming maglasing. Siya pa nga ang sumagot ng ilang huling bote. Kahit na naiirita ako sa ideya na kapag sa bisyo ay may budget sila pero kapag sa mga anak wala ay hinayaan ko na lang.
"Sigurado ka bang okay lang? Paano kapag nalaman nilang desi-sais pa lang ako?"
"Ang tanga mo kung ipapaalam mo," sagot niya habang naglalakad na kami palapit sa club. "May alam akong kayang pumeke ng mga papeles kaya huwag kang mag-alala. Ako nga katorse nang mag-trabaho, nahuli ba ako?"
Hindi ako nakasagot. Oo nga't kailangan ko ng trabaho at kaya ko namang magsinungaling pero kinakabahan pa rin talaga ako. Siniko niya ako nang hindi na ako nakasagot.
"Ayos lang 'yan! Parang tanga naman 'to! Akong bahala sa 'yo. Isa pa, hindi naman halatang sixteen ka pa lang! Para ngang magkasing-edad lang tayo. Mas matangkad ka sa 'kin tsaka malaking bulas ka. Huwag mo nang isipin 'yon. Ang importante magka-trabaho ka at may pambili ka ng Jollibee ni Shawy!"
Dahil sa mga sinabi niya ay bahagyang naibsan ang kaba sa puso ko.
Mabilis lang ang naging interview. Inasikaso kaagad namin ni Glenda ang mga papeles ko nang araw na iyon kaya sa sumunod na araw ay nagsimula na ako.
May pag-aalinlangan si Nanay sa trabaho ko pero hindi naman nito ako nagawang hadlangan. Para rin naman sa amin ang gagawin ko.
Sa unang linggo ng trabaho ay nahihirapan pa akong mag-adjust lalo na sa tulog pero kalaunan ay nasanay na rin ako.
Nakuha ko ang ilang kalakaran sa club at itinuro naman sa akin ni Glenda ang ilang technique niya para mas kumita ng pera.
Hindi nawala ang mga titig ko habang nagbibilang siya ng tig-iisang libong bills sa aking harapan. Pagkatapos niyang bilangin ang isa ay kinuha niya ang huling wallet na ninakaw niya ngayong gabi sa mga lasing na customer.
"Putang ina, nag-wallet pa ang de puta!" aniya sabay tapon nang wallet na puro resibo lang ang laman at tanging ilang barya lang ang nakuha.
Hindi ako makapaniwalang isa iyon sa mga raket niya. Aniya ay normal na iyon. Sa limang taon niyang pagtatrabaho sa club ay masyado na siyang maraming nagawang masama kaya hayaan ko na lang daw si Lord na mag-kwenta ng mga minus points niya kapag nagkaharap na sila sa langit.
"Okay lang ba 'yan? Paano kung mahuli ka nila?"
Humalakhak siya at kinuha ang chicken nuggets sa gitna namin. Nasa 7/11 kami at doon nagpahinga matapos ang mahabang oras sa trabaho.
"Diyos ko, Elorae! Sa tanda kong 'to ni minsan hindi pa ako nahuli. Ang totoo, mas madali pa ngang nakawan lalo na ang mga foreigner sa club kaysa sa mga pobre sa atin. Habang busy ang mga gago sa pananantsing at pag-inom ay dapat maging busy ka rin. Mas maging matalino ka. Minsan makaka-jackpot ka talaga lalo na kapag puro cash 'yung dala ng iba pero minsan ganito rin, maalat. "
"Hindi ka ba natatakot na mahuli?"
"Syempre hindi!" muli siyang humalakhak, napanguso ako. "Marami namang pera 'yong mga 'yon. Isa pa, hindi na nila mapapansin 'yon. Basta ang tip ko lang sa 'yo ay targetin mo 'yung mga lasing na. Mas pagtuonan mo rin ng pansin ang mga smartphones. Huwag ang mga iphone dahil mahirap ibenta 'yon at minsan nala-lock pero kung wala kang choice, pwede na rin. Marami akong tropang kayang mag-dispatsa ng lahat."
"Hindi ako magnanakaw."
Naningkit ang mga mata ko nang humalakhak siya ulit. Hinati niya ang pera na umabot sa tatlong libong piso at ibinigay sa akin ang kalahati.
"Sa 'yo na 'yan," nalaglag ang mga mata ko doon. "Hindi kita pinipilit na magnakaw pero katumbas na 'yan ng dalawang araw mong pagtayo at pagsunod sa mga utos ng walong oras. Hamakin mong nakuha ko lang 'yan wala pang sampung minuto. Kung gusto mo ng mabilisang pera, pag-isipan mo. Sayang naman kung hindi mo aabusuhin ang pagkakataon. Palagi mong tandaan Elorae na ang mga taong 'yon ay walang pakialam sa pera at hindi habang buhay ay may trabaho ka. Hangga't may pagkakataon ka ay mag-ipon ka para sa sarili mo para kung sakaling dumating ang araw na magipit ka ay hindi ka mangangapa sa dilim. Fuck those people. Walang halaga sa kanila ito habang sa atin ay malaking bagay na kaya pag-isipan mo."
Kahit na hindi ko pa rin lubos maatim ang mga sinabi ni Glenda ay hindi iyon nawala sa utak ko.
Ilang beses naman na akong nakapagnakaw at ni minsan ay hindi pa rin nahuli. Mabilis ang kamay ko sa mga ganito at kung susundin ko lang siya ay baka makarami ako. Iyon nga lang, dahil hindi nawala ang kaba sa puso ko ay nagawa kong kalimutan sandali ang bagay na iyon.
Ang totoo ay gusto kong mabuhay ng maayos at sa malinis na paraan ngayon kahit pa tingin ng lahat sa mahihirap na nakatira sa squatter ay walang ibang kayang gawin kundi ang magnakaw. Gusto kong magbago pero kung saka naman buo ang loob ko ay saka naman dumating ang unang dagok sa aming pamilya.
Isang gabi ay nakatanggap na lang ako ng tawag na nasagasaan ng SUV si Shawarma nang utusan ni Tatay Tino na bumili ng beer.
Para akong mamamatay ng araw na iyon. Hindi ko nga alam kung paano ako nakarating sa hospital. Mas lalo akong nanghina nang sabihin na kritikal ang lagay ng kapatid ko. Wala kaming ginawa kundi ang umiyak at matulala habang inaasikaso siya ng doctor.
Ang lalaking nakabangga naman sa kanya ay itinangging kasalanan niya iyon at nagpupumilit itong i-settle na lang sa kakaunting halaga ang aksidente.
Sa loob lang ng isang araw ay nagulo ang buhay ko at halos hindi ako makausap. Para akong robot na gumagalaw pero hindi alam kung ano na ang nangyayari sa paligid.
Malaki ang naging gastusin ni Shawy sa hospital. Hindi sapat ang tinanggap naming bayad galing sa nakabangga at kahit sana gusto ko siyang kasuhan ay hindi na rin nagawa dahil mayaman ang lalaki at aniya ay hindi kami mananalo.
Natakot rin ang mga magulang ko kaya imbes na walang makuha ay pinirmahan na lang ang kung anong mga pinapirma ng lalaki kasama ang abogado nito.
Ang hirap lang talagang maging mahirap sa mundong ito lalo na kung ang mga kalaban mo ay hindi lumalaban ng patas at totoo.
"Okay ka lang?" tinapik ni Glenda ang balikat ko nang maabutan ako sa likuran ng club.
Maayos naman ako pero kapag naaalala ko ang kalagayan ni Shawy ay hindi ko mapigilang lumabas para huminga saglit.
Kailangang putulin ang isa niyang paa at iyon ang pinag-iipunan ko ngayon. Ilang araw na nga akong walang maayos na tulog dahil kinuha ko ang lahat ng over time para lang magkaroon ng extra pero kulang na kulang pa rin. Ni wala pa sa kalingkingan ang naiipon kong pera sa gastusin niya.
"Hindi." pag-amin ko.
Naupo siya sa aking tabi at maya-maya ay inabot ang isang puting envelope.
"Glenda..."
"Ipon ko, gamitin mo na muna para sa operasyon ni Shawy."
Agad umangat ang aking paningin pabalik sa kanyang mga mata. Muli na naman akong naluha. Gusto kong tanggihan iyon pero para sa kapatid ko ay nilunok ko nang lahat ng hiya.
"Thank you, Glenda!" pasasalamat ko habang yakap-yakap siya. "Pangako babayaran ko lahat kapag nakaipon ako."
Napahagikhik ito at hinaplos ang aking likod. Lumayo ako at tinignan ang laman ng envelope. ilang libo rin ang naroon. Hindi ko na binilang. Isinilid ko kaagad sa bulsa ko.
"Aabutin ka nang kalahating taon para bayaran 'yan sa trabaho mo, pero alam kong hindi pa rin 'yan sapat pambayad sa hospital bills ni Shawarma."
Muli akong nalugmok. Tama siya. Malaking halaga man ang ibinigay niya ay kulang na kulang pa rin.
Hindi lang naman kasi ang bill sa hospital ang kailangang bayaran. Kailangan rin naming paghandaan ang gagastusin sa maintenance ng mga gamot nito. Gano'n na rin ang therapy, wheelchair at kung ano pang kailangan niya sa pagkawala ng paa niya.
Iyon ang pinaka-ikinalulungkot ko. Ngayon pa lang ay nasasaktan na ako para sa kapatid ko. Masyado pa siyang bata para mapagdaanan ang lahat ng pasakit sa buhay pero wala akong magawa. Kung may paraan nga lang para hindi mangyari ang aksidenteng iyon ay ginawa ko na. Lahat gagawin ko para kay Shawarma.
Simula nang araw ng aksidente ay naging malaki ang galit ko sa mga magulang niya lalo na sa kanyang ama. Kahit na hindi niya kasalanan ay siya ang gusto kong sisihin sa nangyari sa anak.
Tang ina, kung hindi ba naman kasi siya lasinggero ay hindi aalis ang bata at maaaksidente. Putang inang buhay 'to talaga!
Napapitlag ako ng tapikin ulit ni Glenda ang aking balikat. Malawak siyang ngumiti, binibigyan ako ng lakas.
"Maraming mayayamang customer ngayong gabi," makahulugan niyang sabi sabay tayo. "Pag-isipan mo." aniya bago ako tuluyang iwan.
Ilang minuto pa akong nagtagal sa labas para pagnilayan naman ang gusto niyang iparating. Kaya ayaw kong magsalita ng tapos dahil ngayon ay wala na akong choice kundi ang gawin ang bagay na ilang linggo kong tinanggihan sa kanya.
Sa aking pagbalik ay ilang beses nagtama ang mga mata namin ni Glenda. Isinenyas niya ang isang lamesang puno ng mga lalaki sa kabilang banda. Napalunok na lang ako at napatuwid ng tayo nang maglakad siya palapit sa akin.
"Kapag ininom ko ang laman ng baso ay lumapit ka kaagad at kunin mo ang mga iaabot ko." aniya sabay layo ulit at lapit na sa mga ito.
Wala na akong nagawa kundi ang sundin siya. Kahit na labas sa kalooban ko ay iyon lang ang tanging paraan para masolusyunan ang lahat ng problema ni Shawy. Alam kong kahit limasin namin ni Glenda ngayong gabi ang mga lalaki ay kulang pa rin iyon. Gayunpaman, sumunod ako.
~~~~~~~~~~~~
What do you think about this story so far? Let me know in the comment section below. :)
~~~~~~~~~~~~
This story is already completed. You can now read the full version on www.patreon.com/cengcrdva or VIP group as this will not be updated here anymore to avoid wattpad from DELETING it.
Just message me for full VIP details.
Thank you!
🍀
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro