Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 9

Chapter Nine

Valados Alcatraz Organization


Nanginginig ang mga kamay ko habang patuloy na tumatakbo palayo sa lugar namin. Hindi ko na alam kung anong nangyari pagkatapos no'n. Walang humpay akong nanalangin na sana ay walang nangyaring masama sa pamilya ko.

Wala akong nagawa kung hindi ang umiyak ng umiyak. Para akong naliligaw. Hindi ko na alam kung saan pa ako pupunta. Hindi ako pwedeng bumalik doon dahil baka naroon pa ang mga lalaki o 'di kaya naman ay maabutan ako kung sakaling umuwi ako.

Gustohin ko mang bumalik sa club pero parang hindi maatim ng puso kong magpatuloy doon habang ang pamilya ko ay nasa peligro. Ipinag-aalala ko rin na baka alam na ng mga lalaking iyon kung saan ako nagtatrabaho kaya hindi iyon magandang idea.

Sinubukan kong tawagan si Nixon at manghingi ng tulong pero abala raw ito at hindi pwedeng kausapin. Kung makakausap ko man, wala rin akong alam na pwedeng sabihin sa kanya. Ang bidding ay patuloy pa rin at hindi naman pwedeng bumale ako. Isa pa, sa nangyari kanina, mukhang ako na nga ang pakay ng mga ito at hindi na pera kapalit ng atraso ni Tatay Tino sa kanilang grupo.

Lugmok akong pumasok sa loob ng 7/11 at doon tumulala habang patuloy ang pagpunas sa mga luha.

Pagod na pagod na ako. Ilang oras rin akong nag overtime kanina at masakit ang buong katawan ko. Gusto ko na lang matulog pero ngayon ay hindi ko na alam kung paano pa iyon gagawin.

Tinawagan ko si Glenda at ipinakiusap na puntahan ang bahay at silipin kung maayos si Shawy at si Tatay. Naghintay ako ng tawag niya at nakahinga lang ng maluwag nang sabihin niyang okay naman raw ang mga ito pero magulo pa rin at inabisuhan niya akong huwag nang umuwi.

Gulong-gulo ang utak ko. Nawalan na ng pag-asa at hindi ko na alam kung paano pa makakalabas sa sitwasyon. Ang pagbebenta ko ng aking sarili ay parang wala nang kwenta dahil hindi na pera ang habol nila.

Nakaligtas ngayon ang pamilya ko pero alam kong nasa bingit pa rin sila ng peligro lalo na si Tatay Tino. Muli akong naiyak. Kinuha ko ang panyo sa likod na bulsa ng aking pantalon at doon natigil ng makapa ang isang papel.

Mabilis kong tinanggal ulit ang mga luha at ikinurap-kurap ang mga mata para matitigan iyon.

'Valados Alcatraz Organization.' basa ko sa itim na card na mayroong numerong nakasulat, ang ibinigay sa akin no'ng lalaki.

Ilang segundo lang ay nakita ko na ang sarili kong tinatawagan iyon. Isang ring lang ay sumagot kaagad ito sa kabilang linya.

Napatuwid ako ng upo ng marinig ang kanyang baritonong boses na mukhang katutulog lang. Madaling araw na at tahimik na ang mundo pero heto ako at kailangang mang-istorbo.

"Kailangan ko ng tulong mo ngayon.... Please tulungan mo ako..." nakagat ko ang aking labi nang manginig ang aking boses.

"Give me your location and wait for my men to fetch you."

Iyon lang ang naging pag-uusap namin. Ilang minuto lang pagbaba ko ng telepono ay nakita ko na ang paghinto ng pamilyar na itim na sasakyan sa harapan ng convenience store. Sa paglabas ng isang lalaking nakauniporme ay agad na akong tumalima. Binati nila ako at ginantihan ko rin sila.

"N-Nasaan ang boss niyo?" nalilito kong tanong nang makasakay na sa sasakyan. Bukod sa tatlong unipormadong lalaki at driver ay wala nang naroon.

Walang sumagot. Tila ba bawal silang kausapin kaya nanahimik na lang ako. Ilang minuto kaming nasa daan. Ilang beses na akong napahikab bago pa kami makarating sa isang gated subdivision. Malalaki ang bahay roon pero ang bahay na hinintuan ng aming sinasakyan ay mala-mansion.

Sa pagbaba ko ay sinalubong kaagad ako ng limang kasambahay. Binati nila ako at inalalayan papasok sa loob ng tahanan kahit na madaling araw na.

"Gusto niyo po bang kumain?"

Umiling ako.

"Nasaan po ang boss ninyo?"

Gaya ng mga bodyguard ay nagkibit lang ang mga ito ng balikat.

"Ang bilin lang po sa amin ay asikasuhin kayo. Pwede po bang malaman kung ano ang kailangan ninyo para maibigay namin?"

Pinilit kong ngumiti bago nagpasalamat sa kanila.

"Salamat po. Gusto ko na lang po munang magpahinga."

"Of course, madam, this way po."

Sumunod ako sa kanila hanggang sa mapunta kami sa isang silid na triple sa laki ng bahay namin. Sandali nila akong ipinamilyar doon bago tuluyang iwan. Ang lahat ng mga kailangan ko ay naroon na.

Mayroong mga bagong damit na pwede kong gamitin at mayroon ring maliit ng refrigerator na puno ng snacks. Anila ay pwede rin akong kumuha kung nagugutom ako, pero imbes na punan ang tiyan ay pagod kong inihiga ang sarili sa kama. Ni hindi ko na magawang magpalit ng damit dahil pagal na pagal ang katawan ko.

Maliwanag na ng magising ako. Doon lang ako nakapag-ayos ng sarili. Muli kong tinawagan ang lalaki at nagpapasalamat naman akong sumagot siya ulit kaagad.

"Join me for lunch. I'll wait for you at the garden."

Sapat na iyon para magmadali ako. Wala pang kasiguruhan kung tatanggapin ko nga ang alok niya pero sa nangyayari ngayon sa akin ay wala na akong makitang liwanag kung hindi iyon. Hindi magiging madali pero alam kong wala nang iba pang paraan kung hindi ang offer niya. Walang-wala na naman ako.

"Nakapagpahinga ka ba ng maayos?"

Tanong nito habang inaalalayan ako ng kanyang kasambahay sa lamesa. Nilunok ko ang lahat ng hiya at takot pagkatapos ay tumango.

"Salamat sa pagtanggap mo sa akin..." nangunot ang noo niya sa pagputol ko ng sasabihin.

Naalala kong ilang beses nang nagtagpo ang mga landas namin pero hindi ko pa rin alam ang kanyang pangalan.

"H-hindi ko alam ang pangalan mo."

"It doesn't really matter, but just call me Sax."

"Sax, salamat sa tulong mo."

Ngumiti siya at tumango pagkatapos ay sinulyapan ang mga pagkaing nasa lamesa.

"Help yourself. Let's eat first before we talk about what happened."

Sinunod ko siya. Dahil gutom na rin talaga ako at first time kong makatikim ng masasarap na pagkaing ganito ay hindi ko siya nagawang kausapin. Kahit rin nanatili ang mga mata niya upang panuorin akong lamunin lahat ay hindi ko siya nagawang tapunan ng atensiyon.

Pinuno ko ang aking tiyan dahil hindi ko alam ang sunod na mangyayari sa akin. Wala na akong sapat na ipon at hindi na rin ako pwedeng bumalik sa club dahil baka doon ako abutan ng mga gagong 'yon kaya aabusuhin ko na ang kabaitan ni Sax.

Halos maubos ko ang lahat bago ako nalapatan ng hiya. Hindi naman niya ako pinigilan. Imbes nga na paalisin ako dahil sa pagiging patay gutom ay nagpakuha pa siya ng maraming pagkain.

Nang bumagal ako sa pagkain ay saka lang siya ulit nang-usisa.

Sinabi ko sa kanya ang lahat ng mga nangyari. Simula sa aksidente ni Shawy, sa pagnanakaw namin hanggang sa pagsali ko sa bidding at pagtakas kagabi. Kahit na mukhang may idea na siya sa buhay ko ay tila hindi pa rin siya makapaniwala lalo na sa mga huling parte at dahilan kung bakit nasa harapan niya ako ngayon.

"How about my offer. Have you thought about it?"

Natigil ako sa pagsimsim sa kape. Ibinaba ko iyon at agad na umiling.

"Sorry... Hindi ko pa rin alam kung ano ang dapat kong isagot sa 'yo. Kaya lang kita tinawagan dahil wala na akong matakbuhan. Alam kong kalabisan iyon pero sana ay maintindihan mo. Nagpapasalamat ako sa 'yo pero hindi ko pa rin talaga alam ang isasagot ko."

"What are your plans then? Uuwi ka na ba pagkatapos mong kumain?"

Doon lang ako nakaramdam ng matinding hiya. Kahit na gusto ko pang ubusin ang mga pagkain sa plato ko ay hindi ko na nagawa.

"H-Hindi ko alam... Wala akong mapupuntahang iba. Nasa panganib ang buong pamilya ko."

"Anong plano mo kung gano'n? Being uncertain will never help you with your situation, Elorae. Kung gusto mong may magbago ay kailangan mo nang magdesisyon hindi lang para sa sarili mo kung hindi lalo para sa pamilya mo."

Marahas akong napalunok at napatitig sa kanyang mga matang seryoso na ngayong nakatuon sa akin.

"K-Kapag pumayag ako... Paano ang pamilya ko?"

"Your family wasn't part of the deal, but if you say yes to me now then I'll help them, too."

"P-Paano? Hindi sila titigilan ng mga lalaking iyon at papatayin nila ang Tatay ko. Kailangan nilang umalis sa lugar na iyon dahil iyon lang ang tanging paraan para mailigtas sila."

"Just say yes and I'll do everything I can to make them safe."

Muli akong napalunok. Tingin ko ay mabuting tao ito at kung nakatira ito sa mansion ay tiyak na hindi imposibleng matutulungan niya nga ang pamilya ko.

Marami akong agam-agam pero wala na rin namang halaga ang buhay ko ngayon kaya ano pang iaarte ko?

"Kapag pumayag ako, pwede pa ba akong mag-request ng isa pa para sa ikabubuti ng kaibigan at kapatid ko?"

Gumalaw ang kanyang mga labi, hindi mapaniwalaan ang mga demands ko pero nanatiling tahimik at hinihintay ang lahat ng aking mga huling hiling.

"Kapalit ng kung anong gusto mong gawin sa buhay ko, gusto ko sanang ipangako mo sa aking tutulungan mo rin ang kapatid kong makapagtapos ng pag-aaral at ang kaibigan ko na makapagsimula ulit sa buhay. Papayag na ako sa lahat basta ipangako mo..."

Tumagal ang titig niyang naninimbang sa akin. Nang hindi ko bitiwan ang kanyang mga mata ay agad siyang tumango. Inangat niya ang kanyang kamay at inilahad sa aking harapan.

"Deal."

May pag-aalinlangan ko pa ring inabot iyon pero dahil alam kong iyon na lang ang tanging sagot sa lahat ng mga problema ko ay buong puso ko na ring tinanggap ang lahat.

Pagkatapos ng pagdadaupang palad namin ay pinatapos niya ako sa pagkain. Pinanuod ko naman siyang kunin ang kanyang telepono.

"You can fetch her now, Viera." Maya-maya ay sabi niya sa kabilang linya.

~~~~~~~~~~~~

Don't forget to vote, share and comment your reactions about this chapter! :)

~~

Follow all my social media accounts if you want to be updated.

Facebook Page : Ceng Crdva

Facebook Group : CengCrdva Wp

Instagram : CengCrdva/Cengseries

Twitter : CengCrdva

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro