CHAPTER 1
Chapter One
Unfair
Kapag mahirap ka, basura ka. Isa kang langaw na walang halaga sa lipunan. Parang taeng nakakalat sa daan at iniiwasan. Swerte na lang kung mapansin at matapakan, pero madalas talagang nilalayuan.
"Magnakaw ka na ate Ray! Sige na naman, please? Nagugutom na talaga ako." bagsak ang balikat kong nilingon ang kapatid kong si Shawy na hawak-hawak ang kumukulong tiyan.
Umaga pa lang ay umalis na ang mga magulang namin at gabi na ay hindi pa rin umuuwi ang mga ito.
Nasa sabungan na naman si Tatay Santino. Si Nanay Esmeralda naman ay baka nagpapataya pa ng jueteng hanggang sa kabilang bayan.
"Shawy, kakanakaw ko lang sa grocery ni Mang Joel kahapon. Tang ina kasi 'yang tatay mo kung hindi ba naman gago at pinang-pulutan 'yung mga sardinas! Nakaw na nga lang nanakaw pa! Baka mahuli na ako ngayon. Hindi mo na ba talaga kaya, ha?"
Napanguso siya. Sanay na si Shawy sa bunganga ko. Nakatira kami malapit sa riles. Squatters area at normal na ang kaliwa't-kanang murahan. Wala na rin akong pakialam kung isumbong niya ako sa tang inang Tatay niyang lasingero dahil totoo naman lahat ng mga sinasabi ko.
Oo nga't dapat ay magpasalamat ako sa pag-ampon nila sa akin at pagbibigay ng tirahan pero para rin naman akong kumakayod ng mag-isa.
Minsan nga naiisip kong mabuti pang mag-isa na lang ako dahil wala akong iisipin pero hindi ko na maiwan si Shawarma ngayon. Isa pa ang bagay na 'yon. Hindi naman sa nakaka-gago pero hanggang ngayon ay nababaliwan pa rin ako sa pinili nilang pangalan rito. Ang napag-usapan kasi noon ay Maria Esmeralda pero umuwi itong Shawarma ang pangalan dahil iyon daw ang kinain nila bago ito gawin. Hanggang ngayon ay gusto ko pa rin silang sakalin.
"Gutom na talaga, Ate." mas lalo siyang sumimangot.
Hindi ko naman talaga kapatid si Shawy. Hindi pa siya ginagawa nang mapunta ako sa pamamahay na 'to at hanggang ngayong magsa-siyam taon na siya ay nakasanayan ko nang palagi siyang gutom. Hindi na nabago ang mga daing niya.
Isang mahabang buntong hininga ang kumawala sa bibig ko.
Katatapos ko lang magbasa ng mga librong ninakaw ko naman sa computer shop nila Mang Manny. Ewan ko ba. Kahit na wala naman na talaga akong pag-asa na makapag-aral ay gusto ko pa ring matuto.
Kahit paano ay marunong naman akong magsulat at magbasa. Kaya lang ay hindi na ako nagawang pag-aralin pagkatapos ng grade seven dahil wala ring pera sila Tatay Santino. Tsaka ang palagi nilang sinasabi ay mag-aasawa lang rin naman ako at mabubuntis ng maaga kaya hindi na ako dapat pang pag-aralin.
Ang totoo, ang mga salitang iyon ang naging inspirasyon ko para iwasan lalo ang gano'ng buhay. Kahit na ilang taon na ang lumipas at wala pa ring linaw ang lahat at wala nang pag-asa ay alam kong may totoong pamilyang naghihintay sa akin.
Kahit na sa paglipas ng araw ay nabubura na ang iilang memorya sa masayang pamilyang ipinagkait sa akin ay hindi pa rin nawawala ang pag-asa sa puso kong balang araw ay makikita ko rin sila. At gusto ko, kapag dumating ang araw na iyon ay may alam naman ako kahit paano.
"Sige na nga," tumayo ako at ginulo ang buhok niya. "Hintayin mo ako rito. Huwag kang aalis, naintindihan mo?"
Napangiti si Shawy sa sinabi ko. Dahil doon ay bahagya ring gumaan ang pakiramdam ko.
Kahit paano ay maswerte pa rin akong mayroong isang taong mahal ako at pinaglalaanan ko rin ng purong pagmamahal pabalik. Halos ako na rin kasi ang tumayong magulang ni Shawarma dahil palaging wala sa bahay ang mga totoong magulang niya.
Pitong taong gulang ako nang kunin ni Nanay Esmerelda sa sindikatong kumuha sa akin. Naaalala kong marami kami noon pero ako lang ang kinuha nito. Aniya ay kabayaran daw ako sa kung anong utang sa kanya ng pinuno ng sindikato.
Ang balak niya noon ay pag-artistahin ako para yumaman siya pero dahil sa sugal, jueteng, mga utang at bisyo nilang mag-asawa ay hindi naman iyon naasikaso. Wala rin silang pera para ibayad sa mga agency kaya tuluyan nang napurnada.
Mabait naman ang mag-asawa kung tutuusin pero talagang nakakaligtaan kami ng mga ito ni Shawy madalas. Malaki naman ang tiwala nila sa akin dahil mabilis akong gumawa ng paraan kaya minsan ay talagang ipinapaubaya na sa akin ang lahat lalo na ang tungkol sa kanilang tunay na anak.
Lumabas ako ng bahay at nag-isip ng gagawin para makakuha ng pagkain. Hindi ako pwedeng magnakaw dahil baka tuluyan na akong mahuli. Hindi rin naman pwedeng mangutang dahil alam na ng Sitio Maalinsangan na wala naman akong kakayahang magbayad.
Napahilot ako sa aking sintido pero agad nakaisip ng paraan ng makasalubong ko ang anak ng kapitan sa lugar namin.
"Pst! Gary!"
Natigil siya sa paglalakad at napalunok ng makita ako. Nalukot ang mga taba sa mukha niya ng lapitan ko siya.
"'Di ba may gusto ka sa 'kin?" tanong ko habang palapit sa kanya. Agad namula ang kanyang magkabilang tenga.
Hindi na lingid sa kaalaman ko iyon. Mahiyain ito pero bulgar na bulgar ang pagka-crush niya sa 'kin. Wala na akong maisip. Kahit na hindi naman sila mayaman ay alam kong kahit paano ay may pera ito. Kahit singkwenta ay papatusin ko na pambili lang ng sardinas o kahit ano para kay Shawy.
"H-ha?"
"Sus! Parang pumapayat ka yata, ah? Nagda-diet ka ba?"
"T-Talaga, Elorae?"
"Oo! Guma-gwapo ka. may jowa ka na 'no?"
"H-ha? Wala ah!"
Pinigilan kong humalakhak sa hitsura niyang para nang matatae dahil sa kilig o ano sa paglapit ko.
"Weh? hindi nga?"
"Oo nga! Single ako!"
"Ako rin," inilingkis ko ang kamay sa kanyang braso.
Mas lalo siyang hindi nakagalaw. Labing anim na taon na ako at siya naman ay mas matanda sa akin ng isang taon pero dahil sobrang mahiyain ay mabilis mauto.
"Gusto mo tayo na lang?"
"H-ha?"
"Ayaw mo ba?" napanguso ako. Sunod-sunod ang naging paglunok niya.
"E-Elorae, hindi ba pwedeng ligawan muna kita?"
Natawa na ako. Napaka-inosente ng isang ito palibhasa good boy.
"Baka magbago pa ang isip ko, Gary. Good mood ako ngayon pero kung ayaw mo okay lang naman–"
"Gusto ko!"
"Good! Tayo na, may pera ka ba?"
"O-oo!"
Napangisi ako at binitiwan siya.
"Pwede ba akong manghiram? Babayaran ko rin–"
"Hindi na!" nagkukumahog siyang dumukot ng pera sa kanyang bulsa.
Binilang niya ang tig-bebenta pero agad kong hinaklit lahat ng papel na pera sa kamay niya.
"Thank you!" kahit na labag sa loob ko ay hinalikan ko siya sa pisngi.
"Bukas na lang ulit tayo magkita. Thank you, jowa!"
Dahil sa gulat at bilis ng mga pangyayari ay natutulala na lang itong napakaway sa akin habang palayo ako.
Dinilaan ko ang aking daliri at binilang ang tigbebenteng nakuha ko sa kamay niya. Two hundred eighty. Hindi na masama. Mabubusog na ng dalawang araw o higit pa si Shawy.
Dumiretso ako sa tindahan at bumili ng halagang eighty pesos. Ayaw kong ibili lahat dahil baka ipang-pulutan na naman ni Tatay Tino. Kailangan ko na talagang mag-trabaho.
"Ray! Aba parang gumaganda ka lalo, ah?!" Bati ni Glenda sa akin habang nagyoyosi at palapit. Napairap ako dahil sa pambobola niya. Naisip ko ang ginawa ko kay Gary kanina.
"Maligo ka kasi para maging fresh ka rin naman kahit paano." pagbibiro ko rito.
Humalakhak lang siya at tinabihan ako. Inubos ko ang pagkaing hawak at ang soft drink na nasa plastic dahil baka manghingi pa siya.
"Gago naliligo ako tang inang 'to."
"Oo na lang Glenda. Sige na tropa naman tayo."
Natatawa niya akong siniko.
"May raket sa club sama ka?"
Napatuwid ako ng upo sa narinig. Kahit na hindi ko naman siya palaging nakakasama talaga ay basta usapang trabaho gusto kong patusin!
"Anong raket? Huwag lang shabu ah! 'Di pa ako ready do'n."
"Gaga hindi! Anniversary kasi bukas ng club. Maraming ganap kaya kailangan ng serbidora. Wala nang mahanap na tao, eh. Tsaka malay mo magustuhan ka ni Chekwa kunin kang full time! Ayaw mo bang mag-trabaho?"
"Gusto! 'Yon nga pino-problema ko ngayon eh."
"Sakto pala eh! Ano, g ka?"
"Sige. Anong oras ba?"
"Alas singko dapat nando'n na. Maraming mayayamang Chinese na pupunta do'n! Baka may magka-trip sa 'yo hindi na masama. Virgin ka pa ba?"
"Waitress lang ang usapan Glenda. Wala sa plano kong magpa-torjack 'no!"
"Maria Clara is that you?"
"Huwag mo nang problemahin 'yung virginity ko. Basta magkita tayo bukas." Tumayo na ako at kinuha ang mga binili ko pero ang gaga ay binuraot pa ang isang biscuit na para kay Shawarma.
"Bayad mo na 'to sa 'kin para bukas!" Pahabol niya habang lumalayo ako.
"Siguraduhin mong maganda ang bigayan diyan dahil ikaw ang babalikan ko!"
"Akong bahala sa 'yo! Pag-isipan mo na rin 'yang pagiging Maria Clara mo! Dapat pinagkakakitaan mo 'yang ganda mo sayang naman!"
Natatawa akong napailing habang umaatras palayo para sagutin pa rin siya.
"Huwag mo na ring problemahin 'yung ganda ko! Maligo ka ng todo para magka-ganda ka rin!"
Itinaas niya ang kamay para pakyuhin ako kaya sinagot ko rin siya. Parehas na lang kaming natawa.
Sa pagtalikod ko't pagtanaw sa aming barong-barong ay napawi kaagad iyon. Napabuntong hininga ako ng wala sa oras.
Minsan gusto kong tanungin kung talaga bang may Diyos o lagi lang siyang tulog? Kasi kung alerto siya, sana nakikita niya ang mga paghihirap ng mabubuting tao sa mundong ito. Sana tinutulungan niya ang lahat.
Bakit nga ba maraming taong masasama na mas maganda pa ang buhay kasya sa mga nananampalataya sa kanya? Minsan ayaw ko nang maniwala na totoo siya.
Wala sa sariling napatingala ako at mapait na bumulong, "Totoo ka nga ba? Kung oo, bakit hindi mo ako tulungang bumalik sa pamilya ko? Alam kong mayroon akong pamilya. Talaga bang ito ang tadhana ko? Hindi ba parang ang unfair mo?"
"Ate Ray!" Malakas na sigaw ni Shawy pagkatapos ay agad akong sinalubong ng yakap dahilan para makalimutan ko na kaagad ang lahat ng mga hinanaing at sama ng loob ko.
~~~~~~~~~~~~
This story is already completed. You can now read the full version on www.patreon.com/cengcrdva or VIP group as this will not be updated here anymore to avoid wattpad from DELETING it.
Just message me for full VIP details.
Thank you!
🍀
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro