PROLOGUE
PROLOGUE
“Lola, magtitinda na po ba kayo sa palengke?” Tanong ko kay Lola Lordes.
“Oo, apo ko. Gusto mo bang samahan ako sa pagtitinda nitong mga paninda ko?” Tanong ni Lola na kaagad ko namang ikinatango. “O siya, halika na at para maagang maubos ang paninda natin, apo.”
Nagtatalon akong sumunod sa lola ko at hinabol siya sa paglalakad habang tulak-tulak niya ang kariton na naglalaman ng mga gulay at prutas na ititinda namin sa palengke malapit sa bahay namin.
“Lola, akin na po ‘yang isang bag at ako na po ang magdadala,” pagpupumilit ko kay Lola. Ayaw niya kasi akong pagbuhatin ng mga paninda namin dahil baka daw mapagod ako.
“Huwag na, apo ko. Mabibigatan ka lang at kapag ganoon mapapagod ka.” Pagtatanggi ni Lola.
“Aish! Ako na nga po, e! Lola naman. Ikaw rin po mapapagod ka at kapag nangyari naman ‘yon wala ng mag-aalaga sa akin.” Sabi ko, ngumuso pa para effective. Alam kong hindi na makakatanggi si Lola kapag ginamit ko na ang cuteness power ko!
“Nako! Ikaw talagang bata ka napaka-kulit mo at hello, hindi pa kaya matanda ang Lola mo, ano! Malakas pa ako kaya tigil-tigilan mo ako sa pagpapa-cute effect mo dahil hindi ako tatablan niyan.”
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko at nakangusong sumunod kay Lola. Si Lola talaga o! Napakatigas ng ulo! Kaya siya napapagod kada uuwi siya galing palengke, e. Ayaw niya kasing tinutulungan ko siya.
***
NAKARATING na kami sa palengke kung saan namin ibebenta ang mga panindang gulay at prutas namin. Kilala kami ng mga tao at ibang nagtitinda dito dahil matagal-tagal na rin kaming nagtitinda sa lugar na ito. Marami-rami din ang mga suki namin na bumibili ng mga paninda namin dahil laging presko ang itinitinda naming mga gulay at prutas.
“Oh, Zaphria! Narito ka pala,” nakangiting pagtawag pansin ni Aling Sonya sa akin. Ngumiti naman ako pabalik at tinanong siya kung ano ang bibilihin niya.
“Limang supot nga ng kalabasa at isang kilo ng mansanas. Dagdagan mo na rin ng dalawang kilo ng lansones.” Sabi ni Aling Sonya.
Kinuha ko na ang mga gulay at prutas na binanggit ni Aling Sonya. Pagkatapos kong timbangin ang mga in-order ni Aling Sonya inilagay ko na ang mga ito sa plastic bag. Ini-abot ko na sa kaniya ang mga order niya. Ini-abot naman ni Aling Sonya ang bayad niya sa mga binili niyang mga gulay at prutas.
“Oh siya, mauuna na ako, Zaph ha. Pakabait ka at heto singkwenta, ipambili mo nang pagkain.” Sabi ni Aling Sonya sabay abot sa perang ibibigay niya sa akin. Ngumiti naman ako at nagpasalamat sa kaniya bago siya tuluyang umalis.
Gabi na nang maubos ang mga paninda namin ni Lola kaya gabi na rin kami nang maka-uwi. Nang makarating na kami sa bahay namin agad akong pumunta sa kusina upang maghanda ng hapunan namin ni Lola. Pagkatapos kong magluto at ihanda ang hapunan namin, nagtungo ako sa sa maliit naming sala upang tawagin si Lola Lordes.
“Lola, handa na po ang pagkain! Kumain na po tayo.” Sabi ko kay sa kaniya at naunang pumunta sa kusina.
Pagkatapos naming kumain ay hinugasan ko na ang aming pinagkainan. Nang matapos akong maghugas hinatid ko na si Lola sa kwarto niya upang makapag-pahinga na rin siya. Hinintay ko muna siyang makatulog at bago ako lumabas ng kwarto niya ay humalik muna ako sa kaniyang noo.
Kinabukasan
Tapos na akong maghanda para sa pagpasok ko sa paaralan at naghahanda na rin si Lola sa pagtitinda sa palengke.
“Lola, papasok na po ako!” sigaw ko mula sa labas nang pintuan namin.
“Mag-iingat ka apo!” sigaw din pabalik ni Lola mula sa loob ng aming bahay.
***
PAGKATAPOS nang klase ko sa hapon ay dumiretso na akong umuwi ngunit hindi pa man ako nakakapasok sa bakuran nang bahay namin ay may tumawag sa pangalan ko. Pagkalingon ko, nakita ko ang kapitbahay namin na si Aling Karmen.
“Oh, Aling Karmen? Ano pong kailangan niyo?” inosenteng tanong ko sa kaniya.
“May bisita ata kayo ng Lola mo, Zaphria.” Sabi ni Aling Karmen at sumilip-silip pa sa may bintana namin.
Bisita? Sino naman kaya iyon? Hindi ko na lang pinansin si Aling Karmen at tuluyan ng pumasok sa loob. Pagkapasok ko naabutan ko si Lola na may kinakausap na lalaki. Hindi ko matukoy kung sino ito dahil nakatalikod ito sa akin. Hindi rin napansin nina Lola at nang lalaki ang presensya ko kaya patuloy pa rin silang nag-uusap. Nagtago muna ako sa may pintuan at tahimik na nakikinig sa usapan nila.
“Sampung taon na ang anak mo pero ngayon ka lang ulit nagpakita, Allen!” Sabi ni Lola doon sa lalaking nagngangalan ng Allen. Allen pala ang pangalan ng kausap ni Lola. Teka, sinong anak ang tinutukoy ni Lola? May iba pa ba siyang apo bukod sa akin? Nanatili pa rin akong tahimik at nakinig sa pinag-uusapan nila. “At ngayon, ang lakas ng loob mong pumunta rito para sabihin na kukunin mo siya mula sa poder ko? Allen, anak! Sampung taon…sampung taon kaming namuhay ng wala ka! Namulat ang mga mata ng anak mo na hindi man lang niya nakikita ang kaniyang ama.” Hindi na napigilan ni Lola na pagtaasan ng boses ang kausap niya at nakita kong unti-unting namumuo ang luha sa mga mata nito hanggang sa tuluyan na itong nag-uunahan sa pag-agos pababa sa pisngi ni Lola.
Nasasaktan ako sa nakikita ko ngayon at nagkaroon ng galit ang damdamin ko para sa lalaking kausap ni Lola Lordes. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at patakbong lumabas mula sa pinagtataguan ko patungo sa kinaroroonan ni Lola. Kaagad ko siyang niyakap at naramdaman ko na nagulat si Lola Lordes sa bigla kong pagyakap sa kaniya.
“A-Apo, kanina ka pa ba dumating?” Tanong niya sa akin ngunit bakas sa boses nito ang lungkot.
Hindi ko sinagot ang tanong ni Lola bagkus ay tinanong ko kung sino ang lalaking kausap niya.
“Lola, sino po siya?” Tanong ko kay lola at tiningnan ang lalaking nasa harap namin. Hindi ko kilala ang lalaking ito dahil ngayon ko lang siya nakita.
“Siya ba? Iha, halika dito,” akmang lalapit ang lalaki sa akin pero nagtago ako sa likuran ni Lola.
“Huwag kang matakot. Anong pangalan mo?” Tanong nito sa akin pero nanatili lang akong walang imik.
“Apo, pumasok ka muna sa kwarto mo,” utos sa akin ni Lola. Aakyat na sana ako nang biglang magsalita ang lalaki gamit ang nakakatakot na boses na siyang ikinatakot ko.
“Sa ayaw at gusto niyo kukunin ko ang anak ko!” sigaw ng lalaking nasa harap namin.
“L-Lola natatakot na po a-ako,” Utal na sabi ko kay Lola dahil sa pinaghalong kaba at takot na nararamdaman na nagmumula sa lalaking nasa harapan namin ni Lola.
“Tumigil kana, Allen! Hinding-hindi ko ibibigay ang apo ko sa iyo!” pagmamatigas ni Lola ngunit mababakas mo sa tono ng boses nito ang kaba at takot.
Hindi ko alam kung ano o sino ang pinagtatalunan nila pero isa lang ang nasa isip ko, ayaw ko sa lalaking ito.
“Ah! L-Lola!” sigaw ko dahil sa biglaang paghatak ng lalaki sa akin palayo sa kaniya.
“A-Allen, itigil mo na ito! Hinding-hindi mo makukuha ang a-anak mo!” nahihirapang sabi ni Lola. Nakita kong napahawak siya sa kaniyang dibdib kaya mas dumoble ngayon ang takot at kabang nararamdaman ko sa aking sarili.
“Tama na po! S-Sino po ba kayo?” Natatakot man ay pinilit kong magpumiglas mula sa mahigpit na pagkakahawak sa akin ng lalaki ngunit likas na higit ang lakas niya kumpara sa lakas na meron ako. Wala akong nagawa kung hindi ang umiyak, hindi ako makasigaw para humingi ng tulong sa mga kapitbahay namin dahil baka saktan niya ako at ang Lola ko.
“Ako ang tatay mo at may karapatan akong kunin ka! Kaya sa ayaw man o sa gusto mo sasama ka sa akin papuntang Maynila.” mariing pagkakasabi nya sa akin.
“A-Ayoko sayo! Masama kang tao!” bulyaw ko sa kaniya.
Magsasalita pa sana siya nang may marinig kaming ingay na nanggaling sa puwesto ni lola. Hindi, mali ang iniisip mo Zaphria! Kinakabahan man ay pinilit ko pa rin na lingunin ang kinaroroonan ni Lola at napaiyak na lang ako nang makita ko ang katawan ni Lola na walang malay at nakahandusay sa sahig.
“L-Lola Lordes!” sigaw ko at buong lakas na tinanggal ang kamay ng lalaki sa braso ko at dali-daling tinungo ang walang malay na si Lola Lordes. “L-Lola, huwag mo po akong iiwan! Mga kapitbahay… t-tulungan nyo po ako!” basag na basag na ang tono ng pananalita ko at malabo na rin ang paningin ko dahil sa mga luhang namuo at patuloy na pag-agos nito sa mga mata ko pababa sa pisngi ko.
***
Time of Death, 7:33 PM
“Hindi na namin kinaya na isalba ang buhay ng Lola mo, bata. Malala na ang naging sakit niya kaya hindi na rin kinaya ng katawan niya ang lumaban. Nakikiramay po ako. I’m sorry.”
Tila gumuho ang mundo ko sa sinabi ng doctor. Hindi ko na napigilan ang sarili ko na magwala at umiyak nang umiyak na tila ba wala ng katapusan. Ang pinaka-importanteng tao sa buhay ko, mula ngayon ay hinding-hindi ko na makakasama at hinding-hindi ko na muling masisilayan ang mga ngiti sa labi niya.
“Mahal na mahal na mahal kita, Lola Lordes…” mahinang bulong ko sa hangin, nakapikit ang aking mata at pilit inaalala ang masasayang araw na kasama ko siya.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro