Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 17: Pag-alok

Laxxus POV

TATLONG BUWAN na ang lumipas buhat nang makilala ko si Ate Alana na muntik nang magahasa noon. Tatlong buwan na rin siyang umalis sa tinutuluyan ko dahil sa insidenteng iyon. Hindi na siya muling nagpakita pa sa akin pero kahit ganoon ay malaki ang tiwala ko sa kaniya na kaya niyang buhayin ang sarili niya.

Kaya pala siya umalis sa lugar namin noon dahil sa masamang ugali ng kaniyang ama. Sinubukan siyang i-benta ng sarili niyang Ama sa mga Chinese dahil maganda at sopistikada ito ngunit siya ay naglayas. Kaya ganoon na lamang ang kaniyang reaksyon sa aking binitawan.

Flashback...

NASA kusina kaming pareho ni Ate Alana, ako ay nagluluto samantalang siya ay naghihiwa ng mga gulay para sa ulam namin ngayong gabi. Habang nagluluto nagku-kwentuhan kaming dalawa.

"Kamusta ka na, Laxxus? Bakit ngayon lang kita nakita rito sa bahay?" tanong niya sa akin.

Gusto ko sanang gumaan ang pag-uusap namin kapag pinairal ko ang kapilyuhan ko ngunit hindi ko na lamang ito itinuloy. "Ayos lang, Ate. Nagtratrabaho na rin ako kahit maliit ang kita," sagot ko at hindi man lang siya inangat ng tingin.

"Mabuti naman, paslit ka pa noon nang umalis ako sa baryo."

Tumango-tango na lang ako dahil wala naman akong sasabihin.

"Mahirap talaga ang buhay dito sa Maynila," panimula niya. "hindi ka makakahanap ng trabaho kapag bagong salta ka lang. Mabuti na lang at may tumulong sa akin noon para umalis sa ating baryo." Pansin ko ang panghihina ng kaniyang boses.

"Ano ba ang nangyari sa iyo, Ate noong gabing... iyon?" mabigat ang boses na tanong ko.

Itinigil niya ang paghihiwa ng gulay at pinunasan ang kaniyang kamay. Samantalang ako ay sumandal sa lababo at tinitigan siya habang nagku-kwento sa pangyayari sa kaniyang buhay kung paano siya napadpad dito sa Maynila.

"Sinubukan akong i-benta ng aking Ama sa mga Chinese dahil nakikita mo naman na maganda at sopistikada ako kaya para yumaman at magka-pera, ginawa niya akong bagay na maaaring i-benta," nakatulalang sagot niya. Tila inaalala ang masakit niyang nakaraan.

Nakaramdam ako ng galit sa aking dibdib. Sinong Ama ang magbebenta ng sariling anak, hindi ba? Dugo't laman niya iyon, pero naisipan niya itong i-benta at sa mga Chinese pa.

"Pero ni minsan ba, tumakas ka ate sa puder ng Tatay mo?" seryosong tanong ko. "At sa nangyari sa iyo noong gabing iyon... sinabi mo ba sa mga otoridad?"

Suminghap ito, "Sinubukan kong umalis sa puder ni Tatay, pero nahuhuli pa rin niya ako. Sinubukan kong manghingi nang tulong pero pinagkaitan ako ng mga kapitbahay natin." naluluhang sagot niya, "sa halip na tulungan nila akong maka-alis, isinumbong pa ako ng mga ito sa aking pagtakas."

Naawa ako sa kaniya, sa mga pinagdaanan niya.

"Hinusgahan ako noon ng mga tao dahil nabuntis ako, ayaw iyon tanggapin ni Tatay kaya i-binenta niya na lang ako pero hindi ko 'yon hinayaan... tinulungan ako ng kaibigan ko," Huminto ito, tila inaalala pa rin ang nangyari sa kaniya. "tinulungan niya akong makaluwas ng walang nakakaalam na buntis ako." naluha na siya nang tuluyan matapos banggitin ang mga iyon.

Dahil sa kuryusidad, tinanong ko ulit siya. "Nasaan ang anak mo, Ate?"

Umiling siya, "Nalaglag ang bata sa sinapupunan ko, Laxxus. Ang walang kwentang Ama ng anak ko, lasenggero't babaero...wala siyang kaalam-alam."

Nagulat ako, nabigla sa bawat kwentong binabanggit niya. Ikinahiya siya ng kaniyang Ama kaya sinubukan siyang i-benta nito sa mga mayayamang Chinese kapalit ang malaking halaga ng pera. Namatay ang bata dahil sa pariwara... pariwarang nobyo at Ama.

Nasira ang dignidad ni Ate Alana dahil sa mapanghusgang mata ng mga tao at sa karahasan ng kaniyang nobyo't Ama. Walang ibang rason kung hindi ang iwan ang masaklap na pangyayaring iyon sa kaniya. Katulad ko rin siya, magka-iba nga lang kami ng sitwasyon.

"H-Hindi niyo na po ba nais makasama ang iyong... Tatay?" natigilan siya sa aking katanungan.

"Hindi ko na nanaisin pang bumalik sa atin, Laxxus. At sa susunod na linggo, aalis na rin ako rito upang hindi mo na rin maalala ang mga nangyari sa gabing iyon." puno ng hinanakit nitong sambit sa akin.

Natigilan ako, napakamot sa aking batok. "H-Hindi sa gan-"

"Para maghilom at kalimutan na lahat ng pangyayari, Laxxus. Aalis ako hindi dahil sa iyo pero aalis ako para maghilom ang mga sugat na dulot ng masamang nakaraan."

Flashback ends...

BUMALIK na ako sa trabaho at nagbuhat na lamang ng mga gulay na ipupunta sa palengke. Sasama ako roon mamaya upang humanap ulit ng isa pang sideline para makadagdag sa ipon ko.

Kahit pagod ang aking katawan, hindi na iyon alintana sa akin dahil nasanay na rin ako mula noong dumating ako rito. Unti-unti na rin akong nasasanay sa takbo ng kalakaran rito sa Maynila.

Tinawag ako ni Kuya Kunoy at mukhang aalis na rin kami papuntang palengke.

"Hoy, Laxxus! Tara na sa palengke," sigaw nito.

"Nariyan na!" sigaw ko pabalik.

Madalian akong nagbuhat ng isang sakong gulay bago sumakay sa truck. Ilang minuto lang ang layo nito sa paradahan kaya mabilis lang kaming nakarating. Nang makababa ako ay bigla akong naasiwa sa tingin ng mga tindera.

Naririnig ko rin ang bawat bulungan nila tungkol sa akin. Hindi naman nila ako hinuhusgahan ngunit naaasiwa lang ako sa pagsasabi nila na "gwapo" kuno ako.

"Oo na, Laxxus gwapo kang bata kaya masanay ka na sa kanila," sabi ni Kuya Berting at tinapik ang aking balikat.

Napakamot na lang ako sa ulo bago buhatin ang sako ng gulay at i-diniliver sa pwesto nila Aling Rosana. Ibinigay nito ang bayad sa akin at nagpasalamat na lang akong umalis roon.

Nagtungo ako sa bilihan ng isda, sakto at malapit lang ito sa piyer kaya tumungo na lang ako roon para tumulong sa pagbaba ng tone-toneladang isda. Naroon rin sila Kuya Berting at Kunoy kaya nginitian na lang namin ang isa't-isa.

Pagkatapos niyon ay lumapit sa akin ang isa sa mga kaibigan ni Kuya Berting. Inakbayan pa ako nito kaya mabilis kong inalis iyon sa aking balikat dahil nahihiya ako sa aking amoy.

"Pasensya na, bata." paumanhin niya.

Peke lang akong ngumiti sa kaniya, "Ayos lang po."

Pinalapit niya ako sa kaniya kaya agad naman akong tumalima kahit na nahihiya akong tumabi sa kaniya.

"Gusto mo ba ng mas malaking mapagkakakitaan?" kapagkuwan ay usal niya.

Tumango ako sa kaniya bilang sagot.

"May i-re-rekomenda ako sa iyo na pinagtratrabahuan ko, isa akong waiter doon." imporma niya sa akin.

Dahil sa aking kuryusidad, tumingin ako sa kaniya. "Saan po ba banda, 'yan?"

Ngumiti siya sa akin.

"Malapit lang ito rito, pagkatapos ng trabaho mo ay sasamahan kita roon mamaya!" natutuwang sambit niya sa akin.

Hindi ko alam kung anong naghihintay sa akin na bagong trabaho. Baka ito na ang simula para kumita ako ng maraming pera at mabili ang mga bagay na gustuhin ko. Ito na naman ako, naisip ko na naman ang pera at padalos-dalos na naman ako sa mga nagiging desisyon ko pero kahit ano pang trabaho iyon ay papasukin ko.

Nagusap-usap lamang kami pagkatapos ng aking trabaho. Kasama ko na ngayon sila Kuya Berting, Kunoy at si Kuya Mikel. Nagtatawanan kami sa gilid ng piyer. Hindi naman kami gutom dahil nabusog kami sa libreng meryenda kanina kaya tumambay na lang muna kami rito.

"Paano ba 'yan, Laxxus, kapag may bagong trabaho ka na, sigurado akong pagkakaguluhan ka na naman." natatawang sambit ni Kuya Kunoy.

Napalabi lang ako, "Hindi naman ako gwapo, gago!"

Tinapik-tapik naman ni Kuya Berting ang balikat ko, "Hoy, Mikel!" baling niya rito, "alagaan mo itong paslit na ito." paalala niya.

"Hindi naman ako paslit, Kuya!" angil ko rito.

Inirapan niya ako. Mukha siyang bakla tangina! "Gago! Bata ka pa, hindi lumalaki ang katawan mo, sakto lang 'yan sa iyo."

Siniko ko na lamang siya at hindi na nagsalita. Lumipas ang ilang oras ay nagpaalam na rin kami sa isa't-isa at tinahak ang daan patungo sa trabaho ni Kuya Mikel. Medyo may kalayuan naman itong nilalakad namin dahil wala kaming sasakyan.

Pagkalipas ng dalawampung minuto, nakarating na kami sa isang mataas at sopistikadang building sa may Tondo. Pumasok siya kaya sumunod na lang din ako sa kaniya. Mabuti na lang at nakapantalon ako at naka-polo na damit dahil nagpalit ako kanina.

Maganda at magara ang buong paligid, maging sa loob ay talagang maganda ang interior at disensyo rito. Napakunot ako ng aking noo nang makita kung anong klaseng lugar ito.

Club. Ito ang dinarayo ng mga kabataan ngayon, kung saan dito sila naglalabas ng sama ng loob at dito rin nakakahanap ng kasiyahan. Hindi naman ako mangmang para hindi alam ang ganito pero tama ba ang pinasok ko?

"Halika, Laxxus at ipapakilala kita sa Manager natin," untag sa akin ni Kuya Mikel.

Agad naman akong tumalima pero nang madaanan ko ang ibang babae sa gilid na tila wala ng saplot ay parang umurong ang aking mga paa na sumunod kay Kuya Mikel. Pero imbes na umatras, hinila na ako nang tuluyan at pumasok kami sa loob.

"Magandang hapon, Manager!" masayang bati nito sa lalaking nakaupo sa isang magarang upuan. Napatingin ito sa akin kaya yumuko ako.

"Sino na naman ang bitbit mo ngayon, Mikel? Hindi ba sinabi ko sa iyo na maghanap ka ng magiging dancer at hindi batang pakainin!" inis na sambit ng Manager.

Natawa na lang si Kuya Mikel samantalang ako, nagdadalawang isip na kung aalis na rito o hindi dahil mukha namang mali ang pinasukan ko.

"Huwag kang mag-aalala, Manager." sabi nito, "Laxxus, tumingin ka nga kay Manager para makita niya kung gaano ka ka-gwapo," baling nito sa akin. Nahihiya man ako pero nag-angat ako ng aking tingin sa lalaking kaharap namin.

"Laxxus..." wika niya sa aking pangalan, "magandang pangalan, gwapo nga siya, Mikel. Mukhang dadami ang customer natin nito kapag siya ang ating isinalang." tuamango-tango pa ito na parang sumasang-ayon.

"Ano po ba ang magiging trabaho ko?" tanong ko, "mawalang-galang na po, Manager pero ano pong klaseng lugar ito?"

Naiiling lamang ito at tinaasan ako ng kilay. "Ilang taon ka na?"

"Eighteen pa lang po," sagot ko.

"Hindi ka pwede sa trabaho dapat nineteen ka na," biglaan niyang imporma sa akin. "Pero maaari kang magtrabaho rito bilang prostitute." pagpapatuloy niya.

Nanlaki ang aking mata. "Hindi ko matatanggap ang inaalok niyo!" tumaas ang aking boses.

Nagitla ako nang may tumapik sa aking balikat. "Laxxus, huminahon ka. Malaking pera na ang lumalapit sa iyo," pagkumbinse sa akin ni Kuya Mikel.

"Pero Kuya, ilegal iyon!" angil ko. "Sa ngalan ng batas at sa harap ng Diyos, ilegal iyon." malamig kong usal.

Hindi ko alam pero mukhang mali talaga ang pinasok kong ito. Dapat hindi na lang ako sumama o nagtiwala pa kay Kuya Mikel.

"50,000..." banggit ng Manager.

Napakalaking halaga niyon kung tutuusin. Kaya kong bumili ng sarili kong gamit kung gugustuhin kong pasukin ang trabaho na ito at kung gusto kong umangat sa kahirapan.

"It's your payment for being a prostitute here,"

Hindi ako mangmang para hindi maintindihan ang sinasabi ng Manager. Alam kong hindi ako nakapagtapos sa pag-aaral pero kaya ko naman makipagsabayan kung ingles lang ang pinag-uusapan.

Napalunok ako. Nagdadalawang isip kung papayag ba ako sa inaalok nitong trabaho.

"Huwag ka ng magdalawang-isip, Laxxus. Malaking pera ang mapupunta sa iyo gabi-gabi kapag pumayag ka sa trabahong ito. Walang ilegal ilegal basta may pera ka," sabat ni Kuya Mikel.

Kumunot ang aking noo. Naalala ko ulit ang aking pagkabata na walang-wala noon. At hanggang ngayon, ganoon pa rin ang estado ng buhay ko. Nasa ibaba pa rin ako, walang pera at mag-isang gumagapang sa putikan para lang yumaman.

Napabuntong-hininga ako. Sana hindi ko pagsisihan ang desisyon kong ito. "Pumapayag na ako..." usal ko, "basta ayokong makipagtalik sa kahit na sino," banggit ko sa aking kondisyon.

Kung ito ang daan para yumaman ako, gagawin ko. Kung dito man matatapos ang pagbabagong buhay ko, susugal ulit ako para lamang maabot ang yaman na nais ko. Kikita ako ng mas malaki kahit pa mawala ang dignidad ko.

"Maaari ka nang magsimula sa susunod na linggo. I-kondisyon mo na rin ang katawan mo dahil isasalang kita sa pagbalik mo," sambit ng Manager. "Pipirma ka pa sa kontrata kaya huwag ka munang umalis."

"May kontrata pa?!" nagtatakang tanong ko.

"Lahat ng pumapasok rito ay may kontratang pinipirmahan, kung sa bagsakan ng gulay ay walang ganoon, pwes ibahin mo ang Club na ito dahil hindi lang ito basta cheap kung hindi High Class ito at dinadayo ng mayayaman." mahabang litanya nito sa akin.

Seryoso akong tumingin sa kaniyang mukha para kumpirmahin iyon at base naman sa seryosong mukha niya ay totoo ang sinasabi niya. Hindi ko alam, pero bigla na lamang akong naging hayok ulit sa pera.

Tila nagbago na naman ang aking pananaw sa buhay pero kahit ano pa iyon, basta kaya kong buhayin ang sarili ko, hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng desisyon na ito pero kahit ano pa ang resulta ng pagpasok ko bilang prostityut, sana mapanindigan ko.



To be continued...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro