Chapter 13: Pag-alis
Laxxus POV
TANGHALING tapat, nandito ako ngayon sa tindahan ni Aling Berna, tumutulong magbuhat ng mga gulay na dadalhin sa Maynila. Matapos kong maka-recover, naghanap na ako nang matino at desenteng trabaho. Swerte nga at may kumuha pa sa akin sa kabila ng nakaraan ko.
"Oh Laxxus, bilisan mo na riyan at nang makakain ka na nang tanghalian. Masyado mo na namang pinapagod ang sarili mo. Basang-basa ka na ng pawis," puna ni Aling Berna. "Pagkatapos mo diyan, maligo ka na at kumain na. Jusko ikaw talagang bata ka," Sermon ni Aling Berna. Napangiti nalang ako dahil parang tunay na anak na ang trato niya sa akin.
"Opo, Aling Berna. Tatapusin ko lang po ito," saad ko at bumalik na ulit sa paghahakot.
"Ilang beses ko bang sasabihin sayo na tawagin mo nalang akong Nanay?" Napatawa ako.
"Hindi po ako sanay," kamot-ulo kong sagot. Napailing nalang siya.
Minadali ko na ang trabaho ko dahil kumakalam na rin ang sikmura ko. Pagkatapos magbuhat, naligo na ako at kumain. Sinaluhan ako ng pamangkin ni Aling Berna na naging matalik ko na ring kaibigan sa maikling panahon na magkasama kami.
Nag-uusap lang kami habang kumakain hanggang sa napunta ang usapan sa akin.
"Buti nalang at naisipan mong magbagong-buhay na talaga, Laxxus," sabi niya habang kumakain.
Napangiti ako ng bahagya. "Oo naman. Naniniwala naman kasi ako na may pag-asa pang magbago ang isang tao lalo na kung nanaisin talaga niya," sagot ko.
"Sabagay tama ka. Kita mo nga at ang laki ng pagbabago mo noong umuwi ka rito sa amin," sambit niya.
Ipinagpatuloy ko ang aking pagkain hanggang sa matapos kaming dalawa. Kinakausap ni Aling Berna ang isa niyang suplayer na napatingin sa akin. May sinasabi siya kay Aling Berna at pagkalipas ng ilang minuto, tinawag ako nito na lumapit sa kanila.
"Laxxus, may gusto raw sabihin ang isang ito sa iyo," aniya sa akin.
Nahihiyang napakamot ako sa aking ulo. "Ano po iyon?"
"Gusto mo ba ng bagong trabaho?" diretsong tanong nito.
Nagtataka akong napatingin kay Aling Berna. "Pinapalayas niyo na po ba ako?" nakangusong tanong ko.
Pinalo nito ang aking braso. "Hindi kita pinapalayas, Laxxus! Inaalok ka lang ng trabaho nitong taong ito, hindi ibig sabihin niyon na pinapalayas kita."
"Ano nga po ulit ang sinasabi ninyo, bossing?" muli kong baling rito.
"Kung gusto mo nang mas malaking pagkakakitaan," sagot niya.
Malaking pagkakakitaan. Pera. Usaping pera na naman ito pero para naman sa sarili ko iyon at hindi para sa pagkawala ko ulit sa katinuan. Matinong trabaho naman ito at hindi masama.
"Saan po ba iyan, bossing? Baka magustuhan ko po,"
"Sa Maynila, kagustuhan mo ba ang sumama?" sagot niya. Kung gayon, malalayo ako kina Aling Berna. Kung tutuusin ay ayaw ko sana dahil wala naman akong kakilala doon.
Sumingit sa usapan namin si Aling Berna. "Sus! Pumayag ka na, hijo. Tiyak na mas magandang trabaho at oportunidad ang naghihintay sa iyo sa Maynila." pagkumbinse niya sa akin.
"Kailan po ba ang alis, bossing? Ngayon na po ba?" sunod sunod kong tanong.
"Mamayang hapon pa, hijo. Mamamalagi muna kami rito saglit kaya may panahon ka pa para magligpit ng gamit mo," paliwanag nito.
"O sige po! Dito na lamang po ako maghihintay, bossing mamayang hapon. Magliligpit lang po ako ng gamit ko," mabilis kong sagot. Kumaripas na ako ng takbo patungo sa bahay.
Hinanap ko ang malaki kong bag at sinimulang itupi ang aking mga gamit. Habang nagtutupi, nakita ko ang larawan ng aking mga magulang, mapait akong napangiti.
"Kung sana narito kayo, Nay, Tay..." bigkas ko. "Pero ano ang magagawa ko kung maaga na kayong kinuha ng Poong Maykapal?"
Napabuntong hininga na lamang ako. Tinignan ko ang kabuuan ng loob ng aming bahay. Nakikita ko ang ginagawa sa akin ng magulang ko, kung paano nila ako tratuhin, ang kanilang pag-aaway at kung paano rin nila ako pahalagahan. Pero iwinaksi ko ang aking iniisip maging ang aking mata sa buong paligid.
Lumabas na ako ng aming bahay bitbit ang aking mga gamit na dadalhin sa Maynila. Nagtungo muna ako roon sa bahay nila Aling Berna. May nalalabi pa naman akong apat na oras bago bumyahe.
"Aling Berna?" tawag ko rito.
Sinalubong naman ako nito ng kaniyang ngiti. "Oh nariyan ka na pala, eksakto, nakahanda na ang tanghalian. Saluhan mo na kami, hijo." pag-aaya nito sa akin.
"Sige po, Aling Berna." tanging na-isagot ko na lamang at pumasok sa loob ng kanilang bahay.
Tahimik lamang kaming kumain. Pagkaraan ng ilang minuto ay nagsalita si Aling Berna.
"Sigurado ka na hijo sa iyong pag-alis?" nakangusong tanong niya.
Kung hindi mo lang ako kinumbinse Aling Berna hindi talaga ako aalis rito sa lugar natin. Nais kong sabihin sa kaniya iyan ngunit nginitian ko na lamang siya.
"Mas mabuti na nga po siguro na umalis ako rito para naman makalimutan ko ang mapait na karanasan ko sa aking nakaraan," sambit ko.
"Paano ang bahay niyo?" kapagkuwan ay tanong naman ni Carlo. Napakagat labi ako sa kaniyang biglaang pagtanong.
"Hindi ko na lang muna gagalawin. Kapag may pera na ako tsaka ko ipaayos," madamdaming sambit ko. "Siguro kapag naka-ipon ako babalik ako rito,"
Ipinagpatuloy namin ang pagkain. Nang matapos ay nagprisinta akong maghugas kahit iyon man lang ang aking maitulong bago ako umalis sa aming barrio. Habang naghuhugas ako ay napapitlag ako nang nagsalita si Carlo sa aking likuran.
"Paano 'yan pre, hindi na tayo makakapaglaro ng basketball," naiiling na usal nito. "Tsaka, mas marami sigurong magkakandarapang babae sa iyo sa Maynila." dagdag nito.
Napangiti ako, "Aminin mo na lang na ma-mi-miss mo ako, pare!" pagbibiro ko sa kaniya.
Tinapik nito ang aking braso. "Gago! Syempre, wala na akong magiging kalaro at tsaka, hindi kita ma-mi-miss pare, kadiri!" tila nasusuka niyang sagot sa akin.
Napatawa na lang kaming dalawa. Sa totoo lang, ma-mi-miss ko ang kaibigan ko maging si Aling Berna. Baka nga umuwi agad ako kapag hindi ako naging komportable sa Maynila. Pero siguro, ito na ang malaking oportunidad na naghihintay sa akin upang guminhawa ang aking buhay.
Hindi ko makakalimutan ang mga taong tumulong sa akin. Sina Dr. Ferrer, Aling Berna at Carlo. Sila ang mga naging sandalan ko noong mga panahon na hindi ko alam ang gagawin ko sa buhay ko. Sila ang nariyan upang gabayan akong magbagong buhay.
Sumapit ang alas singko ng hapon, inihatid ako nina Aling Berna at Carlo doon sa nag-alok sa akin ng trabaho. Muli kong pinagmasdan ang buong lugar namin at napangiti na lamang sa kawalan.
"Mag-iingat ka roon, Laxxus! Tandaan mo ang mga bilin ko sa iyo," naiiyak na usal ni Aling Berna. "Tsaka, huwag mong papakinggan ang panghuhusga sa iyo ng tao. Ang isipin mo ay ang bagong buhay at direksyon na tatahakin mo."
Tumango-tango ako sa bawat bilin niya sa akin. Niyakap niya ako ng mahigpit at doon na bumagsak ang aking mga luha na kanina ko pa pinipigilan.
"M-Maraming salamat po, Aling Berna sa lahat ng ginawa at naitulong niyo sa akin...mula noong bata ako," mahina kong sambit. "Pangako po, hindi ko kayo bibiguin sa lahat ng bilin niyo."
Humiwalay na ito sa akin. "Ingat ka doon pare," tinapik ni Carlo ang aking balikat at nakipag-apir pa sa akin.
Sumakay na ako sa truck. Umandar na ito kaya tinanaw ko sila Aling Berna at Carlo na kumaway pa sa akin hanggang sa hindi ko na sila muling natanaw pa. Napabuntong-hininga na lamang ako sa aking kinauupuan at mapait na ngumiti.
"Gwapong binata mo, bata. Baka maraming mag-alok sa iyo ng trabaho pagdating natin sa Maynila," kapagkuwan ay pagbibiro ng katabi kong drayber.
Hindi ako tumingin sa kaniya. Nanatili lang ang tingin ko sa daan. "Hindi naman po siguro, bossing." mahina kong sagot.
"Sus! Sabagay, aanhin mo naman ang gwapong mukha kung bagsak naman sa ugali ang isang tao, hindi ba."
Tumango na lang ako at hindi na siya pinansin. Hindi ko naman kailangan ang pagiging gwapo para lang bigyan ako ng magandang trabaho. Nasanay naman ako sa hirap ng buhay kaya kahit taga-buhat lang sa palengke at mag-konstraksyon, kaya ko iyon tiisin basta alam kong marangal at wala akong tinatapakan na ibang tao.
To be continued...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro