Chapter 12: Pulis, Kulong, Pagbabalik
Laxxus POV
ISANG araw, habang nagliligpit ng aking pinagkainan ay may biglang kumatok sa pintuan ng bahay. Natatawa akong nagtungo roon sa may pinto upang pagbuksan ito.
"Ano ang kailangan nila?" kalmado kong tanong nang makita ko ang mga Pulis.
"Ikaw ba si Laxxus Sarmiento?" tanong ng Pulis na siyang ipinagtaka ko. Bakit sila narito? Shit! Mabilis ko silang pinagsarahan ng pinto at aligagang hinanap at itinago ang droga sa ilalim ng aking kama.
Ilang beses nilang kinalampag ang pinto. "Mr. Sarmiento, buksan mo ang pinto kung ayaw mong pwersahan namin itong sirain!" sigaw ng Pulis sa labas.
Hindi ako sumagot, tumawa lang ako. Hindi ko alam pero nanginginig ako habang nakikinig sa sinasabi nila sa labas.
"Lumabas ka na, Laxxus! Kapag wala ka pa rito ng tatlong segundo, pasensyahan na tayo, bata!" muling sigaw ng Pulis sa labas. Naupo lang ako sa gilid at niyakap ang aking binti.
"Wala... wala akong kasalanan," wika ko sa kawalan. Tila ako isang baliw na nakatulala habang nagbabanggit ng mga salita at sinasabunutan ang aking sarili.
Tumawa ako, "h-hindi... hindi ka makukulong, Laxxus."
Lalo akong nagsumiksik sa gilid at nanginginig dahil nakita ko na ang mga Pulis na palapit sa aking pwesto.
"H-Huwag po... m-maawa kayo sa akin," pag-ma-makaawa ko, pero hindi nila ako pinakinggan.
"Halughugin ang buong bahay, hanapin sa sulok ang iba pang droga." utos ng Pulis.
Mas lalong nanlamig sa aking kinauupuan. Hindi, hindi nila maaaring kunin ang tanging nagpapatanggal sa problema ko. Lumapit ang Pulis sa akin at akma akong hahawakan ngunit mabilis ko iyong pinalo bago muling tumawa ng malakas.
"Ha! H-Hindi niyo ako maaaring ikulong, HAHAHAHA!"
Muli na naman akong natulala nang mapansin ang baril sa kaniyang baywang. Ngingiti-ngiti pa ako habang pinagmamasdan iyon na siyang ikinataka ng Pulis.
"Kailangan na natin itong damputin, sir. May nakita po kaming cocaine sa ilalim ng kaniyang kama at sampung libong halaga ng pera." sambit ng Pulis na may hawak na plastik na naglalaman ng ebidensya.
Tumango ang Pulis. "Posasan niyo na siya,"
Nagpumiglas ako, "Wala! H-Hindi ko kasalanan!" pagsisisigaw ko. Nang makalabas kami ay nakita ko si Aling Berna na malungkot ang mga mata.
"Aling Berna! T-Tulungan niyo ako, p-parang... awa niyo na," paos ang aking boses na sumigaw pero wala akong narinig na sagot mula sa kaniya.
Mabilis nila akong ipinasok sa sasakyan ng Pulis at dumiretso kami sa presinto. Ipinasok nila ako sa kulungan ng padarag kaya nadapa ako. Napatawa ako dahil hindi ko ramdam ang sakit ng aking binti.
Tinignan ko ang Pulis na nagtulak sa akin at nginitian siya nang nakakaloko. Umalis naman na ito pagkatapos niyon kaya tumayo ako at kumapit sa malamig na bakal ng rehas.
"Hindi niyo ako maaaring maikulong," sambit ko. "Menor de edad pa lang naman ako at wala akong pampyansa para makalabas ng kulungang ito," dagdag ko.
Walang pumansin sa akin hanggang sa tumigil na ako sa kakasabi ng mga salta. Naupo ako sa dulo, tulala at tila balisa. May nakikita akong bulto ng tao, pero hindi ko mamukhaan. Pilit kong inaabot ang kaniyang kamay pero wala akong naabot dahil wala namang tao.
LUMIPAS ang ilang oras, narinig ko ang Pulis sa labas ng aking rehas.
"Mukhang kailangan na nitong madala sa rehabilitation center, sir." wika nito sa mga kasamahan.
Muli na naman akong natawa, "Hindi ako baliw!" sigaw ko.
Napansin ko ang pagkunot ng kaniyang noo, mabilis niyang binuksan ang loob ng aking selda at mabilis na hinaklit ang aking leeg.
"Baliw ka na, bata!" sigaw niya sa pagmumukha ko. Tila nag-iba ang aking anyo mula sa kaniyang sinabi. Naitulak ko siya sa hindi ko alam na dahilan.
Batid kong may kung anong pwersa sa aking katawan kaya ko iyon nagawa. Tumama siya sa rehas, habang ako natatawang palapit sa kaniya.
"Hindi ako baliw! Naintindihan mo? Kung may baliw rito, kayo 'yon! Mga wala kayong kwentang Pulis!" pagsigaw ko sa kaniyang pagmumukha.
Mukhang narinig ng mga kasamahan niya ang nangyayari kaya mabilis silang pumasok sa aking selda. Nagwawala ako at nagpupumiglas sa kanilang mga hawak.
Sinampal at sinuntok ako ng mga kasamahan niyang Pulis pero wala lang iyon sa aking katawan. Wala akong naramdaman na sakit sanhi na rin siguro sa pagkalulong at malakas na epekto ng droga sa aking katawan.
Sinaktan nila ako ng ilang beses pero hindi ako gumanti. Tanging iginawad ko na lang sa kanila ay isang malakas na tawa. Sila naman ay todo sabi na baliw na ako pero wala akong naging pakialam.
Nanatili ako sa presinto ng ilang araw, hindi nila ako binibigyan ng pagkain maging tubig na inumin ay wala. Hindi ko alam kung ano ang naging kasalanan ko kung bakit ganito kalupit sa akin ang mundo.
Balisa at bigla na lamang tatawa. Isang araw, may dumating na isang psychiatrist at mga taga DSWD. Inilabas nila ako sa kulungan. Hindi ako nagsasalita, basta na lang ako isinakay sa kanilang sasakyan.
Kinakausap nila ako ngunit hindi ako umiimik. Naririnig ko ang kanilang mga tanong pero iniisip kong hindi ako baliw at wala akong saltik sa utak. Ikinulong nila ako sa loob ng isang kulay puting kwarto.
Iniwan nila ako roon kaya nagsisisigaw ako at kinakalampag ang pintuan.
"Ilabas niyo ako rito... hindi ako baliw!" sigaw ko.
Muli kong kinalampag ng malakas ang pintuan. "Tangina niyong lahat! Hindi niyo ako kayang tulungan sa aking problema! Tangina niyo!" pagmumura ko, hindi ako makalma.
Napaiyak ako, "Parang-awa niyo na, hanapin niyo kung sino ang pumatay sa magulang ko!" pagma-ma-kaawa ko pa. Iba't-ibang salita ang aking sinasabi dahilan para turukan ako ng mga pampakalmang gamot.
Tatlong buwan akong nanatili roon, pero wala pa rin pinagbago. Tinuturukan ako ng pampatanggal ng mga substance ng droga sa aking katawan hanggang sa maging kompleto ito hanggang sa tuluyan na nga itong mawala sa aking katawan. Nakitaan nila ako na may sakit sa utak, pilit akong dinadala sa mental pero sinabi kong ayaw ko. Naisipan rin ng Doctor na hindi ako dalhin sa mental dahil mas may pag-asa akong magbago kung mananatili ako sa rehab. Araw-araw akong dinadaluhan ng aking Doctor upang tulungan ang aking pag-iisip na muling bumalik sa dati kong katinuan.
Simula noon, naging maayos na ang pakikitungo nila sa akin. Ikinulong pa rin nila ako sa loob ng puting kwarto at tanging bintana lamang ang mayroon para matanaw ko ang buong paligid sa labas. Dinadalhan lamang nila ako ng pagkain at unti-unting lumilinaw ang lahat sa akin. Unti-unti kong na-overcome ang pagka-adik ko sa alak, sigarilyo at droga.
NAGDAAN ang ilang taon, naging maayos ang aking sarili, mas lalong nagkaroon ng laman ang aking katawan at mas tumangkad pa. Napapansin ko rin ang pagbabago sa aking katawan na tila nagbibinata. Nakakalabas na rin ako ngunit may kasama pa rin akong tagapagbantay. Wala naman akong masyadong ginagawa sa labas kung hindi ay maupo at tumulala sa mga nagtatawanan na tao sa paligid.
Marami ang katulad kong nasa rehabilitation center, bata man o matanda. Alam kong naging pariwara rin ang kanilang buhay noon kaya sa paglipas ng panahon, uti-unti na rin silang gumagaling at bumabalik sa dati nilang katinuan.
Sa loob ng maraming taon na aking pananatili sa rehabilitation center, ay muli ka ulit matatanaw ang labasan kung saan maaari na akong magbagong buhay.
Narito ako ngayon sa opisina ng aking Doctor. Hinihintay na matapos niya ang aking release paper. Nakangiti pa ito sa akin at tila ayaw niyang ibigay ang papel na hawak niya.
"Hindi ko na lang ibibigay ang release paper mo, Laxxus! Ang gwapo mong bata, kawawa naman ang mga babaeng papaiyakin mo sa labas ng rehabilitation center." maktol niya sa akin.
Tama kayo, naging close ko na si Dr. Ferrer. Lalaki siya at talagang maayos ang pakikitungo niya sa akin. Hindi raw kasi ako mahirap bantayan dahil daw matalino akong bata.
"19 na po ako, Doc. Gwapong binata na po," pagsakay ko sa kaniyang pagbibiro na kaniyang ikinatawa.
"Basta, pangako mong magbabagong buhay ka na. Tandaan mo ang mga bagay na mas importante sa mundo. Kung may problema ka, tawagan mo lang ako." sabi nito sabay bigay sa kaniyang numero na nasa papel.
Ngumiti ako sa kaniya, "Opo, Doc!" masiglang sagot ko.
Ibinigay niya sa akin ang release paper ko, "Hindi niyo po ba ako sasamhan palabas ng center?" nakangusong tanong ko.
Napatawa naman ito. Hinila niya ang aking kamay palabas sa kaniyang opisina.
"Sasamahan kita palabas para naman muli ko pang masilayan ang gwapong mukha ng aking pasyente," saad niya habang naglalakad kami.
Nginingitian kami ng ilang nurses at Doctor roon tuwing nakakasalubong namin sila. Binabati rin nila ako sa muli kong paggaling at pinupuri pa ang aking ka-gwapuhan.
"Baka lumaki ang ulo niyan kapag sinasabi niyong gwapo ang aking pasyente," sambit ni Doc.
"Hindi naman, Doc! Sayang at bata pa kasi, maganda sana ang lahing ibibigay niya sa amin kung sakali."
Tangina! Wala akong balak mambuntis ng kababaihan. Wala akong balak magkaroon ng nobya. Ang tanging kailangan ko lang ay maging masipag at magsumikap at magbagong buhay.
"Wala po sa bokabolaryo ko ang magkaroon ng nobya, nurse." nakangiting saad ko.
Tumawa na lang sila kaya inihatid na rin ako sa labas ni Dr. Ferrer. Niyakap niya ako nang mahigpit at tila maluha-luha pang ayaw akong pakawalan.
Sumakay na ako sa van. Sinabi ko na lang sa drayber na ihatid ako sa aming bahay. Itinuro ko na lamang ang direksyon at lumipas ang ilang oras ay nakabalik na ako sa aming lugar.
Wala pa rin pinagbago, sadyang hindi talaga binibigyan ng pansin ang aming lugar. Bumaba ako sa sasakyan. "Maraming salamat, manong!" pasasalamat ko.
Umalis na rin ito kaagad. Inilibot ko ang aking tingin, ang mga tao sa paligid ay may pagtataka sa kanilang mukha at ramdam ko ang kanilang tingin na nanghuhusga pero hinayaan ko na lang.
"Hala! Si Laxxus iyan? Napaka-gwapong bata!"
"Hindi ba't baliw siya? Bakit narito?"
Tumingin ako sa gawi ng tindahan ni Aling Berna. Nakita ko siyang nakatingin sa akin. Tila inaaninag ang aking mukha. Nginitian ko siya at nang mapansin niya iyon ay nanlaki ang kaniyang mata.
Mabilis itong lumabas sa kaniyang tindahan kaya patakbo rin akong tumungo roon sa kaniyang kinaroroonan.
"Jusko! I-Ikaw na ba iyan, Laxxus?" nabibighaning tanong niya.
"Ako nga po, Aling Berna." sabi ko, sabay kabig sa kaniya at mahigpit na niyakap.
Humagulgol siya sa balikat ko. Mas matangkad na ako sa kaniya ngayon kaya hinahaplos ko ang kaniyang likod upang patahanin.
"Tahan na po... narito na po ako ulit." nahihirapang sambit ko.
Humiwalay siya sa aming yakap. "Magaling ka na, Laxxus? Huwag ka nang babalik sa dati," wika niya habang hinahaplos ang aking mukha, "Ang laki talaga ng pinagbago ng katawan at mukha mo, hijo."
Magsasalita na sana ako nang dumaan sa tindahan ni Aling Berna ang isa sa aming kapitbahay.
"Hala! Berna, hindi ba at nasa mental ang batang 'yan?" nagulat na tanong niya.
Napayuko at napakamot na lang ako sa ulo. Nahihiya ako at tila ikinakahiya na rin ako ng mga kapitbahay namin. Sino ba naman kasi ang hindi, kung ang isang batang paslit noon ay nalulong sa droga.
"Tumahimik ka, Sabel! Magaling na siya ngayon kaya siya muling nagbalik." pagtatanggol sa akin ni Aling Berna. "Hindi naman lahat ay nagiging baliw, sa paglipas ng panahon, gumagaling sila dahil sa gabay na ibinibigay sa kanila mula sa rehabilitation center."
Napamulagat lalo ang Ginang. "H-Hindi siya dinala sa... mental?" putol na tanong niya.
Ako na ang sumagot dahil hindi naman alam ni Aling Berna ang mga pinagdaanan ko bago muling makabalik sa dati.
"Hindi po ako ipinatapon sa mental, Ale. Nakita po kasi ng Doctor ko na maaari akong gumaling agad at tinutukan nila ako dahil bata pa ako noon," sagot ko. "Hindi niyo naman alam ang istorya ng buhay ko kaya sana po ay huwag niyo akong huhusgahan agad." mariin kong saad.
Lahat naman tayo ay may kaniya-kaniyang pag-iisip, hindi porke nakulong sa rehabilitation center ay baliw na. Dinadala tayo roon upang malaman nila ang karahasan na nangyari sa ating buhay na dahilan kung bakit tayo nalulong sa masamang bisyo at doon ka nila tutulungan na muling ituwid ang tamang direksyon ng ating pag-iisip.
Sa kabila ng panghuhusga ng tao sa aking paligid, hahayaan ko iyon at gagamitin kong gabay upang maging matagumpay at magsumikip sa buhay.
Ang hustisyang nais ko para sa magulang ko, susubukan kong makamtan dahil alam kong sa ngayon at hanggang kailanman, ang batas ay hindi pantay sa paghatol ng panghuhusga sa mga walang sala.
"Naging mahina ako noon, hindi ko na hahayaan na maulit pa ang pangyayari na iyon. Babaguhin ko kung ano ako sa dati kong buhay."
To be continued...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro