Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 10: Pariwara

Laxxus POV

NAGDAAN ang ilang buwan, naging hilig ko na ang pag-inom ng alak at ang paninigarilyo dahil na rin sa impluwensya ng mga kaibigan ko. Mula kasi noong tumikim ako ay hindi ko na siya naiwasan.

Palagi akong sumasama kina Jin tuwing gigimik sila. Wala naman ang kanilang mga magulang dahil lagi itong nasa ibang bansa. Minsan ay madaling araw na akong umuuwi galing sa inuman katulad na lamang ngayon at mag-uumaga na.

Napansin ako ni Aling Berna ngunit napakunot ang kaniyang noo nang makita akong pasuray-suray maglakad.

"Laxxus! Jusko kang bata ka! Ano ba ang nangyayari sa buhay mo at naging ganiyan ka?" naiinis na tanong sa akin ni Aling Berna.

Ngumiti lang ako sa kaniya, "Magandang umaga, Aling Berna!" bati ko. Hindi ko pinansin ang pagkainis niya sa akin.

Dali-dali itong lumapit sa akin na siyang dahilan para pingutin niya ang aking tainga. Masakit iyon.

"Lasing ka na namang bata ka! Hindi na kita maintindihan, Laxxus! Hindi na kita pinalaki na ganiyan, naging suwail ka na." puno ng galit na sabi nito.

Napahawak ako sa kaniyang kamay na nasa aking tainga, marahas ko iyong iwinaksi kaya nabigla siya. Kunot ang aking noo na nakatingin sa kaniya.

"Hindi ko sinabing palakihin niyo ako dahil kaya kong mabuhay nang mag-isa," sagot ko sa kaniya na labis niyang ikinabigla.

"Wala kang utang na loob," maiyak-iyak na saad niya.

Wala akong pakialam kung umiyak siya. Lumakad na ako patungo sa bahay at nagtungo sa aking silid para humiga. Sumalampak ako roon at ipinikit ang aking mata. Hindi ko na namalayan ang paghatak sa akin ng kadiliman.

NAGISING ako na masakit ang ulo. Napahawak ako sa aking sentido at hinilot iyon. Bumangon ako at tinignan ang oras sa akin relo. Pasado alas tres na pala ng hapon kaya nagtungo ako sa gripo para maligo.

Hindi sana ganito kasakit ang aking ulo kung tumuloy na ako sa pag-uwi kagabi. Nagbihis ako at tinignan ang laman ng aking bag. Naroon pa naman ang perang kinita ko sa mga kaibigan ko.

Walang pasok ngayon dahil araw ng linggo, naisipan kong lumabas at magtungo sa tindahan ni Aling Berna. Nakita ko siyang nakasimangot at nang makita niya ako ay inirapan lang ako nito.

"Magandang hapon, Aling Berna." bati ko sa kaniya.

Hindi niya ako pinansin. "Bibili po sana ako ng Red Horse at isang kaha ng sigarilyo," sabi ko.

Inilapag niya sa harap ko ang mga binili ko. Ibinigay ko sa kaniya ang isang libo, hindi siya nagsalita at basta na lamang ibinalik ang sukli sa akin. Nagtataka pa ako sa kaniyang ikinikilos.

"Bakit hindi kayo namamansin, Aling Berna?" puno ng kuryusidad kong tanong.

Humalukipkip ito sa akin, "Wala kang matandaan? Ano ang nangyayari sa buhay mo, Laxxus?" halata ang inis sa tono ng pananalita niya.

"Wala naman po," sagot ko. "Aalis na po ako." sabi ko at tuluyan nang umalis sa kaniyang harapan.

Bumalik ako sa bahay at uminom sa alak na binili ko. Habang umiinom, hindi ko na naman maiwasan ang tumulala sa kawalan. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin. Mula kasi noong sumasama na ako sa aking mga kaibigan ay tila nag-iba na ang direksyon ng aking buhay.

Hindi na rin ako katulad ng dati sa klase na aktibo. Kadalasan ay bagsak ang aking pagsusulit dahil wala akong maayos na pagrerebyu at alak lamang ang aking inaatupag. Isang beses akong nahuli ng security guard sa likod ng paaralan habang nagyoyosi.

Napatawag ako sa principal's office noon pero dahil sa wala ang magulang ko, wala silang makausap na tagapangalaga ko. Sinabi na lamang nila na huwag ko nang uulitin pero paminsan-minsan ay pumupuslit ako para manigarilyo hanggang sa tuluyan akong nasuspende...

Flashback...

Pinatawag akong muli ng principal. Nahuli ako ni Bb. Clara na umiinom at naninigarilyo sa likod ng paaralan. Ito na kasi ang aming naging tambayan. Wala roon ang mga kaibigan ko dahil lumiban sila noon sa klase.

"Hindi na maganda ang ginagawa mo, Laxxus. Maaari na kitang tanggalin sa paaralan na ito pero dahil hindi naman masama ang academic records mo ay hindi kita patatalsikin sa paaralan na ito," mahabang sambit sa akin ng principal.

Tumango-tango lang ako tila hindi interesado sa kaniyang sinasabi.

"Ilang beses na siyang nahuhuli ng mga guards, Madam pero ayaw paawat ng bata. Batid kong naging pariwara na rin po siya katulad ng mga kaklase niya," sagot naman ni Bb. Clara.

Tahimik lang ako. Ayaw kong magsalita dahil masakit ang aking ulo baka kung ano pa ang mabitawan kong salita sa kanila.

"Laxxus? Nakikinig ka ba?" pagtawag ng principal sa atensyon ko.

Napatingin ako sa kaniya, "Ha? May sinasabi po ba kayo?" walang kwenta kong tanong,

Napasapo siya sa kaniyang noo. "Naging bastos ka nang bata, Laxxus. You're just a high school student ka pa lang natuto ka na sa mga bagay na ganiyan," singhal sa akin ng principal.

Natawa ako sa kaniyang sinabi, "High school man po ako, pero hindi rin po naging madali ang mga pinagdaanan ko sa buhay," seryoso kong sagot sa kaniya. "Kung wala na po kayong sasabihin ay aalis na po ako, may trabaho pa akong gagawin," magalang kong saad at tumayo na sa aking kinauupuan.

Mabilis akong lumabas sa opisina nito at patakbong nagtungo sa aming classroom. Naabutan ko pa ang mga kaklase ko na naglalaro ng baraha. Wala kasi kaming guro ngayon. Naupo ako sa aking upuan at isinubsob ang masakit kong ulo.

Nagtagal ako roon ng isang oras bago ako nagtungo sa likod ng paaralan. Umakyat ako sa puno na nagsisilbing daan ko minsan para lumiban sa klase at lalo na kapag hindi ako hinahayaang lumabas ng guard namin.

Nang makatalon ako sa bakod ay dahan-dahan na akong naglakad na normal. Dumaan ako sa malapit na tindahan sa aming paaralan at bumili ng isang kaha ng sigarilyo at isang alak. Nang makabili ay nagtungo ako sa bahay nila Jin.

"Tao po!" sigaw ko sa labas. "Jin, nariyan ka ba, pare?"

Ilang minuto pa ay pinagbuksan ako ng kanilang yaya. Pinatuloy nila ako sa loob at hinintay sa sala ang kaibigan ko. Namamangha pa rin ako sa laki ng kanilang bahay. Talaga nga naman na mayaman sila at hindi na iyon kaduda-duda.

Nakarinig ako ng kaluskos mula sa kanilang hagdan kaya tumayo ako at nakita si Jin na pababa pero may pasa sa kaniyang mukha. Kumunot ang aking noo at tila binugbog ang kaniyang itsura.

"Anong nangyari sa iyo?" mariin kong tanong.

Napatawa lang siya, "Wala ito, hindi naman masakit. Ano, tara inom ulit?" masiglang tanong niya. Parang wala lang ang mga pasa sa kaniyang mukha.

Ngumiti na lang rin ako sa kaniya. "Tara, saan ba tayo ulit?"

Lumabas kami sa kanilang bahay na walang paalam. Tinungo namin ang aming tambayan sa parke malapit sa kanila. Tinawagan niya si Yesha pero hindi raw ito pwede kaya kami na lang ang nag-inuman.

Inabot ako ng madaling araw sa daan at muntik pa akong makita ng nagpapatrol na Pulis nang ako ay pauwi na. Mabuti na lamang at nakapagtago pa ako sa kalapit na basurahan dahil kung hindi didiretso ako ng presinto at wala akong pera na pampyansa.

Flashback ends...

Muli kong naalala ang mga napagdaanan ko mula nang mamatay ang aking magulang. Todo ang panlalait sa akin ng ibang tao na wala raw akong patutunguhan at mukhang tama ang kanilang naging panghuhusga sa akin dahil ngayon, hindi ko alam kung papaano haharapin ang bukas. Kung paano aalis sa ganitong sitwasyon at kung paano ito matatakasan.

Kapag naririnig ko ang salitang "inuman" ay nawiwili pa rin akong uminom. Hindi ko rin ito maiwasan at hindi ko pwedeng tigilan. Nawala ako sa aking pag-iisip nang may kumatok sa pintuan ng bahay.

"Sino 'yan?" tanong ko.

Narinig ko ang boses ni Aling Berna kaya madali kong niligpit ang aking iniinum. Mabilis akong nagtungo sa may pinto at pinagbuksan siya. Pilit lang siyang ngumiti sa akin nang maiabot ang plastik na hawak niya ay lumakad na siya paalis.

Hindi ko na nagawang magpasalamat kaya bumalik na lang ako sa loob at inihain ang binigay niyang ulam. Napangiti ako na kahit hindi ko na maramdaman na nag-iba ang pakikitungo ko sa kaniya ay nagmamalasakit pa rin ito sa akin.

Hindi ko na namalayan kung anong oras na ako natapos uminom at kung anong oras na rin natulog dahil sa sobrang pagkalasing ko ay humiga na lamang ako sa aking higaan.





To be continued...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro