Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 4

Sybil Park

Siguro ay kailangan ko nang magtiwala sa aking anak. Mayroon itong mga pangarap o naisin sa buhay na siyang makakatulong sa kaniya upang magpatuloy sa kaniyang tinatahak. Ako'y magtitiwala na. Hihilingin ko na sana ay magtagumpay ito sa paglalakbay kahit na matagal pa naman iyon. Alam kong pagkatapos nito ay mamumuhay na kami nang payapa. Maaari nang bumalik sa amin si Vishton.

"S-salamat po, Heneral! Ang ibig ko pong sabihin ay vashda, Heneral! Hebeias vashda, Heneral!" Nanlaki ang aking mga mata nang sabihin niya ang salitang Hebeias vashda na ang ibig sabihin ay 'maraming salamat'. Salamat lamang ang aking itinuro—saan naman niya nakuha ang salitang iyon?

"Saan mo naman natutunan ang hebeias vashda, aking anak?" Lumapit ako kay Maze at inobserbahan siya.

"Aking naririnig sa mga mamamayan ng Xida Palacios ang salitang hebeias vashda. Aking nalaman sa inyo ina na ang vashda ay salamat. Kaya napagtanto ko na baka 'maraming salamat' ang ibig sabihin ng hebeias vashda." Abot-langit ang kaniyang ngiti.

"Tingnan mo ang kakayahan ng iyong anak, Sybil. Ang bilis niyang matuto! Hindi na ako makapagtataka kung isang buwan pa lamang ang ibinuhos kong oras sa pagtuturo sa iyong anak ay nahasana niya ang lengguwaheng Normesian at magaling na siyang magbasa't magsulat." Ang boses ng heneral ay puno ng tuwa at halata namang umaasa ito na papayagan ko siya sa kaniyang nais.

"Sang-ayon na ako sa alok mo heneral. Ipangako mo lamang sa akin na makikita ko siyang buhay na buhay pagkatapos ng pagsubok." Inilapit ko sa akin ang aking anak.

"Maipapangako ko iyan, Sybil, ngunit hindi ko maipapangako na hindi siya masasaktan habang nasa pagsubok," aniya. Bagaman alam kong masasaktan talaga siya nang lubos, nais ko lamang na makapag-aral siya. Nais kong maranasan niya ang hindi ko naranasan.

Nagpaalam ako sa kanila sapagkat ihahain ko na ang aming kakainin para sa hapong ito. Narinig kong mag-usap sila at ako'y nasisiyahan dahil masigla pa rin ang aking anak.

"Maze, ano ang iyong nais?" Rinig kong tanong ng henral. Habang nagluluto, sinisikap kong makinig sa kanilang dalawa.

"Heneral, nais ko ng isang payapang tahanan para sa aming pamilya upang masaya kaming mamuhay nang magkakasama. Nais ko sanang magkaroon ng tahanan kapag si ama ay nakauwi na mula sa paglalakbay."

Akoʼy ngumiti sa kaniyang sinabi. Isang payapang tahanan kasama ang aking mag-ama—nais ko rin iyon, ngunit mas nanaisin kong bumalik na si Vishton sa amin nang kami ay makumpleto na.

Lumipas ang mga araw ng pagtuturo ni Heneral Cladius sa aking anak. Walang tigil ito sa pagtuturo hanggang sa mahasa ang aking anak na magbasa. Saka naman niya ito tinuruang magsulat. Noong una ay hindi malinaw ang kaniyang sulat-kamay. Bali-baliko ito at hindi mabasa.

Patagal nang patagal, ang sulat ng aking anak ay mas lalong gumanda. Malinaw ito at malinis. Akin na lamang hinihiling na marunong din akong magsulat nang sa gayon ay kapag malayo siya sa akin ay makapagdala ako ng sulat sa kaniya.

Walang tigil ito sa pagsusulat ng kaniyang pangalan. Halos daig niya pa ang manunulat ng mga nobela kung isulat niya ang pangalan niya sa mga papel na ginagamit nito.

Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan na siyang nahasa sa pagsusulat. Ang dating bali-baliko na sulat-kamay ay dere-deretso na. Ang dating mabagal na pagsusulat ay mabilis na. Kay bilis matuto ni Maze sa pagbabasa't pagsusulat ngunit tiyak akong mahihirapan siyang intindihin amg Wikang Normesian kung kaya't kailangan kong tumulong.

Ang bawat libro at bawat pahina ng batas ng Normous ay nakasulat sa Wikang Normesian. Kailangan niyang matuto ng wikang iyon para mabasa niya ang nilalaman ng batas, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi lamang siya magiging isang manananggol bagkus ay isang Death Judge kung kaya't hindi lamang libro ng batas ang kaniyang dapat basahin kundi ang libro patungkol sa mundong aming ginagalawan. Maaaring mayroon siyang malaman tungkol sa mundong ito na hindi ko pa nalalaman.

Ang aking pinoproblema, walang sapat na libro ang heneral parasa mga iyon. Ilang libong ginto ang kailangang gastusin upang makabili ng buong pakete ng libro. Sadyang mahal ang libro na bibilhin kung kaya't limitado lamang ang maaaring makabili nito. Kadalasan sa kanila ay mga mayayaman o maaaring may kaya. Ganoon na lamang kaimportante ang libro rito sa Normous.

Habang nag-aaral si Maze ay nagpadala ng sulat si Heneral Cladius sa Baron ng bayang ito upang kami'y bawiin mula sa kamay ng Baron. Noong una ay hindi sumasang-ayon ang baron sa gusto ng heneral ngunit nang makita niya ang limpak-limpak na ginto ay pumayag na ito.

O kay dami ng nangyari simula nang bumalik si Cladius sa aming buhay. Ang aming pagkakaibigan ay hindi nawala, sana ay gayoon din ang pagkakaibigan nila ni Vishton.

Sa kabilang banda, nagsikap si Maze na mag-aral sapagkat alam niyang isa itong biyaya. Karamihan sa mamamayan ng Normous ay hindi makapag-aral lalo na ang mga kabilang sa pinakamababang antas.

"Ina." Nilingon ko ito. Siyaʼy nakahiga sa kama at aking katabi. Napakaamo ng kaniyang mikha, kahit kailan ay hindi ko ito pagsasawaang titigan.

"Ano iyon anak?" Hinaplos ko ang kaniyang buhok.

"Mahirap po palang mag-aral," pag-amin nito.

"Anak . . . " bakas ang pagkadismaya ko sa aking winika. Mahirap ngang mag-aral ngunit alam kong kaya niya iyan. Hindi siya puwedeng sumuko dahil para sa kaniya rin ito.

"Ina, ang sinabi ko lamang ay mahirap mag-aral. Hindi ko sinabing ako'y susuko na. Ayokong sayangin ang pagkakataong binigay sa akin." Ako'y nakahinga ng maluwag sa sinabi niya. Ang aking inaakala ay susuko na siya nang ganoon kadali.

"Mayroon lamang po akong ipinagtataka, Ina . . . " Awtomatiko ko iting nilingin at bumilis ang tibok ng aking puso sa hindi malamang dahilan. " . . . Kay tagal ko nang hindi nakikita si ama. Simula pagkapanganak ko ay wala na siya. Ina, ganoon po ba kaimportante ang kaniyang paglalakbay?" Agad akong natigilan. Hindi malaman kung ano ang sasabihin. Kung sasabihin ko ba ang totoo o kung mananahimik o di kaya magsinungaling na lamang.

"Oo, Anak." Mas pinili kong magsinungaling sapagkat ako'y nangangamba na biglaan siyang magbago kapag sinabi ko ang totoo. Umaasa siyang nasa paglalakbay ang kaniyang ama. Totoo naman ngunit ito'y paglalakbay sa loob ng selda.

Bumuntong hininga ito at tumitig sa bintana kung saan kita ang napakagandang kalangitan. Makikita roon ang porma ng mga bituin na para bang sinadya ng may gawa. Mga pormang tanging isang eksperto lamang ang makakaintindi.

"Ina, kung sakali mang makita ko siya, ituturing niya ba akong anak?" Hindi ako makaimik, tinitigan ko lamang ito. "Kilala ba niya ako bilang kaniyang anak?" Nanatili siyang nakatingin sa bintana, wala sa sarili.

Kilala ni Vishton si Maze, hindi nga lang niya alam ang ngalan ng anak nito. Bagaman naghanda na kami ng mga ngalan—nawala sa isip ko ang mga iyon. "Paano na lamang kung lahat ng aking pangarap patungkol sa aking ama ay bigla na lamang mawasak?" Naghari ang katahimikan sa isang sandali. Ang aking mga mata ay mamasa-masa. "Naandito kaya siya ina? Pinagmamasdan kung gaano ako nagsisipag upang makita siya." W-wala siya dito anak—wala siya.

"Lumaki akong wala siya sa aking tabi, mararamdaman ko pa kaya ang pagmamahal ng isang ama?" Agad na bumuhos ang aking mga luha sa mga sinasabi ng anak.

Salita pa lamang ito. Wala pang mga luhang bumubuhos sa kaniyang mukha ngunut dama ko na ang sakit na mayroon siya. ".Sana nakikita niya ako. Sana naririnig niya ako. " Hindi pa rin siya lumilingon sa akin. Nakatingala lamang ito na para bang hindi nangangalay.

" . . . at kung nakikita't naririnig man niya ako—sana ako rin." Ibinaba niya ang kaniyang tingin—hindi pa rin makatingin sa akin.

Kung hindi lamang umalis si Vishton, sana ay naandito siya kasama namin. Tiyak akong magagalak siya sa kaniyang anak. Akin lamang inisip, paano kung sa araw na iyon ay pinili kami ng aking asawa?

"Noon ko pa gustong makita ang aking ama. Malaman kung anong katangian ang mayroon siya, ngunit pakiramdam ko'y—mas pinili niya ang paglalakbay kaysa sa atin, Ina. " Nagtakip ako ng bibig upang hindi niya marinig ang aking hikbi. Saka siya humiga at nakita kong tumulo ang kaniyang luha. Mas pinili niyang tulungan ang kaniyang kaibigan kaysa sa manatili sa ating tabi, Maze.

"M-magandang gabi, aking ina." Hindi ko masasabing isa itong magandang gabi. Kasalanan mo ito, Vishton, sana ay pinili mo kami.

Kinabukasan ng umaga ay dumating si Heneral Claudius. Ito'y nakangiti na para bang may magandang balitang dala-dala. "Sybil, isang napakagandang balita. Pumirma na ang Baron na kayo'y papalayain na sa kaniyang mga kamay. Ibig sabihin ay malaya na kayo! Hindi na kayo mga alipin Sybil!" Para bang siya ang nakatanggap ng biyaya ngunit ako'y ngumiti pa rin. Parang ako'y nananaginip lamang!

Agad niya kaming inaya sa kaniyang palasyo at inihanda ng aming makakain. Kami ay Malaya na, hindi na kami mga alipin ng baron! Gayunpaman, wala pa rin kami sa pinakamataas na antas ngunit hindi ko na hihilingin iyon. Nais ko lamang ng mapayapang buhay kasama ang aking anak. Iyon ay sapat na.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro