Chapter 7
Natagpuan na lang ni Pierre ang sarili sa tapat ng Philippine General Hospital. Gustuhin man niyang pumasok roon ay hindi niya magawa. Mahigpit na ipinagbabawal na makapasok ang mga tao lalo na iyong walang COVID-19.
Kaninang umaga lang ay dumiretso siya sa bahay ni Tricia para dalawin ang dalaga. Gayon na lamang ang pagtataka ni Pierre nang magisnang naka-lock ito at mayroong kordon na yellow.
Umahon ang kaba sa dibdib ng binata. Una niyang naisip ay kung napasok ng masasamang loob ang bahay ng dalaga.
Nagkaroon ng linaw ang isip ni Pierre nang lapitan siya ng isang lalaking sa tingin niya ay kapitbahay ni Tricia.
"Wala si Tricia riyan. Nasa PGH. Minalas magka-COVID 19."
Paulit-ulit na umalingawngaw sa tainga ni Pierre ang sinabing iyon ng lalaki. Halos liparin niya ang ospital mapuntahan lamang ang kaibigan, ang kaniyang tinaguriang first fan.
KANINA pa naglalakad paroon at parito si Pierre sa labas ng ospital. Kahit anong pakiusap niya sa staff ng ospital ay hindi siya makapasok.
Isang nurse na papasok sa panggabing shift ang nakilala niya. Sa isang campus lang sila nag-aral noog kolehiyo. Una lang ito ng isang taon kaysa sa kaniya.
Nilapitan niya ito at kinalabit.
"Uy, Tol. Naligaw ka yata rito."
"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa 'Tol. Baka puwede mo akong ihanap ng daan para makapasok? Kailangang-kailangan ko lang talaga."
"Negative, Tol. Masyadong mahigpit sa loob. Sino bang dadalawin mo sana riyan?"
Ipinaliwanag ni Pierre ang kaniyang sadya.
HINDI man makapasok ang binata ay may inalok sa kaniya ang nurse. Hinihintay lang niya itong makapagbihis ng PPE.
Mayamaya ay nakatanggap si Pierre ng request na makipag-video chat. Wala pang dalawang segundo ay sinagot na niya iyon.
"To— Trish!" Nanginginig ang mga labi ni Pierre nang bumungad sa kaniya ang kaawa-awang kalagayan ng dalaga. Halos lantang gulay na ito at putlang-putla ang itsura. Ang nagpadurog sa damdamin ng binata ay ang makitang may nakapasak na tubo sa lalamunan ng dalaga, na sa palagay niya ay inilagay roon para makatulong sa paghinga ni Tricia.
Gustong mag-unahan ng mga luha sa mga mata ni Pierre pero pinilit niyang magpakatatag. Hindi siya puwedeng magpakita ng kahinaan sa dalaga lalo pa at ganoon ang kondisyon nito.
Gustong magsalita ni Tricia pero hindi niya magawa. Hinang-hina na rin siya.
Iminosyon ng dalaga ang kamay. May pinaaabot ito sa nurse.
Hinintay ni Pierre kung ano ang pinakukuha ng kaibigan.
Mayamaya pa ay may cartolina na itong hawak. Inalis iyon ng dalaga sa pagkakarolyo.
"Go, Pierre."
- from your number one fan
Sa pagkakataong iyon ay may umalpas na isang luha sa isang mata ni Pierre. Sa tingin ng binata, ito siguro ang dadalhin ng kaibigan sa isa sa shows nila pero hindi na nagawa ni Tricia dahil nagkasakit na ito.
"You will always be my number one and first fan, Trish." Pierre let out a beam. May halong pait iyon. "M-Magpagaling ka ha. Nami-miss ko na ang pag-attend mo sa shows ko. Nami-miss ko na ang pagchi-cheer mo."
Nabasa ng luha ang mga mata ni Tricia. Sinundan iyon ng marahang pag-iling.
"Lakasan mo ang loob mo, Trish. Gagaling ka. Alam kong gagaling ka."
Tinitigan lang ni Tricia si Pierre. Kung ano ang ibig sabihin noon ay hindi iyon maunawaan ng binata.
"ALAM mo ba, Trish? Sa totoo lang ayaw na ayaw kong gamitin itong pick na iniregalo mo sa akin. Ayoko kasi ng design, eh. Kumbakit kasi nilagyan mo pa ng picture mo."
Marahang napatawa si Pierre. Kinuha niya ang acoustic guitar na dala. "Pero ngayon, gustong-gusto ko na itong gamitin. Lagi kasi nitong pinapaalala na minsan, sa buhay ko, may isang fan na nagparamdam sa akin ng kahalagahan ko. ‘Yong fan na kinainisan ko man noon pero noong makilala ko e mabait naman pala... ’pag tulog. Hehe."
"Hayaan mo, iingatan ko ang pick na ibinigay mo. O, baka naman lumaki ang ulo mo ha? Napapangitan pa rin ako sa design. May picture mo kasi. Pero okay na rin, marami yatang daga sa bahay. Gagamitin ko iyong panakot."
Pierre starts strumming his guitar. "Meron akong ginawang kanta para sa iyo. Alam kong magugustuhan mo ito. It’s entitled, 40 Days Without You."
Inayos ni Pierre ang pag-upo sa bermuda grass na katabi lang ng nitso ni Tricia.
Tricia didn’t make it. Three days after she talked to Pierre, she gave up. At ngayon nga ang ikaapatnapung araw ng pagkawala niya.
Unti-unti nang natatanggap ni Pierre ang pagkawala ng kaibigan. Na bagama't hindi man siya nakaramdam ng espesyal na damdamin para sa dalaga ay sigurado siyang isa naman ito sa maituturing niyang espesyal na tao sa kaniyang buhay.
Tumingin si Pierre sa itaas. Unti-unti nang nawawala ang itim na ulap. Sumusungaw na mula roon ang asul na kalangitan.
"Thank you for being there for me, Tricia. I-cheer mo pa rin ako kahit nandiyan ka na sa tahimik na lugar ha?" Nagpakawala siya ng maluwag na paghinga.
Ibinaba ni Pierre ang tingin sa isang palad. Ilang segundo niyang tinitigan ang guitar pick na hawak. Mayamaya ay kusang sumilay ang ngiti sa kaniyang mga labi. "I will make sure that you will always be remembered, my first fan."
Maingat niyang isinilid ang hawak sa bulsa. Magaan ang loob niyang nilisan ang huling hantungan ng kaniyang unang tagahanga.
End
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro