Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

This Person Does Not Exist

THIS PERSON DOES NOT EXIST. Isang website na naglalabas ng mga litrato ng iba't ibang tao. Lalaki, babae, bata, matanda. Ngunit lahat ng mga ito ay hindi nag-e-exist sa mundo. Sila ay gawa lamang ng artificial intelligence na kumuha ng kapirasong larawan mula sa iba't ibang tao saka pinagsama-sama ang maliliit na detalye para makabuo ng bagong mukha.

Walang nakakaalam kung sino ang gumawa ng website na iyon. Wala ring nakakaalam kung kailan ito nilabas. Basta't ang tanging laman ng website ay mukha ng isang tao na hindi naman talaga nabubuhay sa mundo. Kapag ito ay ni-refresh, maglalabas lang uli ng bagong mukha ang website. Ganoon lang. Paulit-ulit na proseso.

Marami tuloy ang natakot dito at kinilabutan. Sa sobrang layo na ng nararating ng utak ng tao, nakakabuo na sila ng teknolohiyang kayang gumawa ng isang non-existence face. Paano na lang kaya kung isang araw ay makasalubong mo ang isang taong hindi naman nag-e-exist?

Nakakakilabot isipin.

Pero si Yolo, sa halip na matakot ay ginamit niya ang website para matupad ang pangarap ng asawang si Maila na gumanda.

Kung tunay ngang hindi nag-e-exist ang mga mukha na inilalabas ng website na ito, maaari silang kumuha ng isang magandang mukha roon para ipagaya sa duktor na magsasagawa ng plastic surgery kay Maila.

Hindi na nito kailangan pang gayahin ang mukha ng ibang artista para lang gumanda. Ang mga mukhang inilalabas sa This Person Does Not Exist website ang magiging sagot sa problema nila.

Muling binisita ni Yolo ang website. "thispersondoesnotexist.com". Lumitaw roon ang mukha ng isang mestizang bata. Ni-refresh niya ang website. Naglabas ito ng panibagong mukha. Isang lalaki naman na mukhang Koreano.

Refresh lang siya nang refresh sa website hanggang sa lumabas ang isang mukha ng babae na Morena pero may taglay na gandang walang kapantay. Pinakita niya ito sa asawa niya. Nagustuhan din ito ng babae.

"Sigurado ka na ba, mahal? Ito na ang mukha na gusto mo?"

"Oo, mahal! Ang ganda niya grabe! Kunin mo na 'yan! Iyan na ang ipapagawa natin sa doktor ko," sabik na sagot ng babae.

Nagkasundo ang dalawa. Ito na ang mukhang gagamitin nila. Ini-save ni Yolo ang larawan sa laptop.

Kinabukasan, nagtungo sila sa duktor ni Maila at ipinakita ang larawan. "Iyan po ang gustong mukha ni Maila, doc," sabi ni Yolo sa doktor.

Nangunot ang noo ng plastic surgeon. "Sino pala ang babaeng ito? Ang ganda niya, ah. Para siyang Latina."

"Hindi na mahalaga 'yon, doc. Basta iyan na lang ang mukha na gawin n'yo sa asawa ko."

"Sige ba! Walang problema!"

Inayos din ng duktor ang schedule ng surgery ni Maila. Next day ay babalik sila roon para isagawa na ito.

Kabado ngunit sabik na sabik si Maila. Hindi na siya makapaghintay na magbago ang buhay at mukha niya.

"Salamat, mahal. Napaka-supportive mo talaga sa akin."

"Wala 'yun! Naiintindihan ko kung ano ang pinagdadaanan mo, pati na ang mga insecurities mo. Alam kong matagal mo na ring pangarap 'to kaya siyempre hindi kita pipigilan. Basta lagi mo lang tandaan na kahit ano pa ang hitsura mo, mahal na mahal kita at mamahalin pa rin kita." Sabay halik ni Yolo sa pisngi ng babae.

Napaiyak si Maila. "Salamat, mahal!"

DUMATING ang araw na pinakahihintay ng babae. Nang ipasok na siya sa surgery room ay nanatili na lamang sa labas si Yolo.

Inabot ng ilang oras bago natapos ang operasyon. Nang ilabas na si Maila ay balot na balot ito ng benda sa mukha. Hindi raw muna puwedeng tanggalin iyon ng ilang araw para mabilis na humilom ang mga sugat.

Pagkauwi nila ay si Yolo na muna ang gumawa sa mga gawaing bahay na madalas gawin ni Maila noon. Ipinagpahinga niya ang babae habang sariwa pa ang mukha nito.

"M-Mahal..." tawag ni Maila habang nakasandal sa kama.

"Bakit mahal ko? Ano ang kailangan mo?" Nilapitan ito ni Yolo.

"Puwede na ba nating tanggalin 'tong benda sa mukha ko?"

"Sa ngayon ay hindi muna puwede, mahal. Narinig mo naman 'yong bilin ni doc 'di ba? Maghintay muna tayo ng ilang araw." Niyakap niya ito saka hinalikan sa ulo. "Huwag kang mainip, mahal. Konting hintay na lang. Masisilayan mo na rin ang bago mong mukha."

Gumanti rin ng yakap si Maila. "Hindi ko lang talaga maiwasan ma-excite masyado, mahal. Lalo na't feeling ko hindi yata ako makakatulog hangga't hindi ko nakikita ang mukha ko."

"Huwag naman ganoon," tumatawang sagot ni Yolo. "Kailangan mo pa ring matulog para maging healthy ka. Baka pagtanggal natin dito ay magmukha kang haggard dahil sa puyat. Basta huwag mo masyadong bantayan at bilangin ang oras. Darating din tayo d'yan."

Tumango na lamang ang babae at pinilit itapon sa isip ang labis na pagkasabik.

Ilang araw ang lumipas ay nakatanggap din sila ng tawag sa duktor na puwede nang tanggalin ang benda sa mukha ni Maila.

Si Yolo mismo ang nagtanggal nito habang nakaupo ang babae sa harap ng salamin. Pareho silang nagulat nang masilayan ang bagong mukha ni Maila.

Nag-iba na nga ang hitsura niya. Parang ibang tao na siya. Bagamat sariwa pa rin ang ilang bahagi ng kanyang mukha, nagsabi naman ang duktor na normal lang daw ito dahil nag-a-adjust pa ang mga gamot na itinurok sa kanyang balat. Makikita lang daw nila ang ganap niyang kagandahan sa loob ng isang buwan.

"Huwag kang mag-alala, mahal. Normal lang daw 'to sabi ni doc. Hayaan mo at di magtatagal, tuluyan na ring lilitaw ang kagandahan mo gaya ng babaeng nakuha natin sa website na 'yon."

Napangiti na rin si Maila. "Tama ka, mahal. Kaunting panahon na lang din ang hihintayin natin. Hindi ko na kailangang mainip. Lalo na ngayong malaki talaga ang pagbabago ng mukha ko. Kuhang-kuha ni doc 'yong mga expectations ko. Paano pa kaya kapag humilom na ito?"

"Kaya nga gaya ng sabi ko sa 'yo, huwag mong bantayan ang oras dahil kusa ring darating 'yon nang hindi mo namamalayan."

TULOG na ng gabing iyon si Maila. Si Yolo naman ay kaharap muli ang laptop at binisita ang website ng This Person Does Not Exist.

Muli niyang tiningnan ang mga litratong naroroon. Mga mukha ng taong hindi nag-e-exist. Mga hindi totoong nabubuhay sa mundo.

Nakapagtataka. Labis siyang nagtataka kung paano nabuo ang mga mukhang iyon. Noong una pa lang niyang nadiskubre ang website na ito ay nanaliksik agad siya kung tunay nga bang walang nagmamay-ari sa mga litratong iyon.

Base sa kanyang pananaliksik, napatunayan nga niyang hindi totoo ang mukha ng mga tao roon. Hindi sila totoong tao. Gawa lamang sila ng teknolohiya.

Marami pa rin siyang katanungan sa website na iyon. Pero hindi na mahalaga kung malaman pa niya o hindi. Mas mahalaga sa kanya ngayon ang matagumpay na operasyon ng asawa niya para mapaganda ang mukha nito.

Habang kinakalikot ang naturang website ay biglang nahulog ang flower base sa tabi niya. Napaatras siya sa kinauupuan. Paano ito nahulog nang ganoon?

Pati si Maila ay nagising sa pagkabasag ng flower base. "A-anong nangyari?"

"W-wala, mahal! Nasagi ko lang!" sabi na lamang niya para hindi magdulot ng takot sa asawa.

Niligpit na lang niya ang nabasag na flower base at inilabas ng kuwarto. Itinapon niya ito sa basurahan nila sa kusina.

Babalik na sana siya sa kanilang silid nang gumalaw bigla ang basong iniwan ni Maila sa lamesa. Doon tuluyang kumabog nang malakas ang dibdib ni Yolo. Dali-dali siyang umakyat sa kuwarto at yumakap sa asawa.

Hindi siya naniniwalang nagkataon lang ang lahat. Malakas ang kutob niya, may nangyayari ngang kakaiba sa paligid kanina. Kung anuman iyon ay hindi niya alam.

Nagpatuloy pa ang kakatwang pangyayari sa loob ng bahay nila sa mga sumunod na araw. Madalas mahuli ni Yolo ang iba't ibang gamit sa paligid na biglang gumagalaw tuwing dadaan siya o di kaya'y biglang mababasag.

Wala namang lindol o hangin na puwedeng magpagalaw sa mga ito. Ang mga gamit mismo ang biglang gagalaw sa puwesto at mahuhulog sa sahig.

Hindi na niya napigilang sabihin ito kay Maila. "Nitong mga nakaraang araw, may napapansin ako sa bahay na 'to."

"Ano naman 'yon?"

"Natatandaan mo ba 'yong nabasag na flower base sa room natin? Hindi ko naman talaga nasagi 'yon, mahal. Kusa iyong gumalaw at nahulog! Pati 'yong basong iniwan mo sa lamesa, nakita kong gumalaw rin 'yon noong tinapon ko 'yong basag na flower base."

Nagulat si Maila. "Ano? Sigurado ka?"

"Tapos kanina, pagkapunta ko sa sala, biglang gumalaw 'yong picture frame ko at nahulog. Ayun nabasag tuloy kaya nilipat ko na lang sa ibang frame 'yong litrato ko. Hindi lang 'yon, mahal. Ilang beses nang nangyari 'yon sa akin nitong mga nagdaang araw."

"Pero matagal na tayong nakatira dito, mahal. Sa tagal natin dito ni minsan wala man tayong na-encounter na multo o anumang spirits dito. Bakit ngayon lang nangyayari 'yan? Saka bakit ikaw lang ang nakakaramdam? Sa akin wala naman."

"Iyon nga ang ipinagtataka ko, eh. Napapansin ko nga rin na parang sa akin lang nangyayari 'to."

"Baka naman may pinagdadaanan kang hindi mo sinasabi sa akin? Baka dulot 'yan ng stress mo?"

"Maila, wala akong problemang hindi sinabi sa 'yo. Hindi rin ako stress. Hindi ito depression at hindi rin dulot ng kung ano pang problema. Saka ano naman ang poproblemahin ko? E, sunod-sunod nga ang dating ng blessings sa atin ngayon."

Matagal bago nakasagot ang babae. "Siguro humingi tayo ng tulong sa mga espiritista, para malaman natin kung ano talaga ang nangyayari sa 'yo."

"Siguro gano'n na nga. Pero huwag muna ngayon. May pupuntahan kasi ako bukas. Sa weekend na lang, ha?"

Binabad ni Yolo ang sarili sa trabaho para makalimot sa mga nangyayari sa kanya. Pero tuwing uuwi siya sa bahay ay bumabalik din ang mga iyon kapag nadadaanan niya ang mga gamit sa paligid na bigla na lang gagalaw, mahuhulog at mababasag.

Para bang may nilalang siyang hindi nakikita at ito ang gumagalaw sa mga gamit nila.

Nang gabing iyon ay muli niyang binisita ang website ng This Person Does Not Exist para tumingin ng bagong mga litrato. Naghanap siya ng isang mukha na kakaiba ang taglay na kaguwapuhan. Parang nagbabalak siyang magpa-plastic surgery gaya ng ginawa ni Maila para maging guwapo rin siya.

Refresh siya nang refresh habang naghahanap ng mukha na magugustuhan niya. Subalit sa isang litrato na lumitaw sa screen ay nagulat siya. Mukha niya ang kanyang nakita roon!

At nang magtagpo ang kanilang mga mata ng litrato niya roon ay bigla siyang nahilo. Sobrang pagkahilo na nagpadilim sa kanyang diwa.

Nagising na lang siyang nakabulagta sa malamig na sahig. Bumangon siya at lumingon sa paligid. Nakita niya ang asawa niyang nakahiga roon at natutulog.

Nilapitan niya ito at doon ay nagulat siya. Sinubukan niyang hawakan ang asawa pero tumagos lang ang kamay niya roon. Kinabahan siya. Sinubukan pa niyang hawakan ang mga gamit nila sa paligid. Ngunit tumagos lang din ang kamay niya roon.

Tinawag niya ang pangalan ng asawa pero hindi ito sumasagot. Kahit anong sigaw at hagulgol niya ay hindi siya nito naririnig.

Lumabas siya ng kuwarto pero tumagos lang ang katawan niya sa pinto. Hinawakan pa niya ang ilang mga gamit nila sa paligid ngunit hindi na niya mahawakan iyon. Lalong kumabog ang dibdib niya.

Sinubukan niyang lumabas at pumagitna sa daan ngunit tumagos lang din sa katawan niya ang mga nagdadaang sasakyan. Nilapitan din niya ang mga tambay sa tabi pero hindi rin siya naririnig ng mga ito.

Wala nang nakakakita sa kanya. Wala ring nakakarinig.

Nagbalik siya sa bahay nila, at doon ay nakita niya ang ilang mga taong hindi niya kilala. "Sino kayo?" tanong niya sa mga ito.

Iginalaw-galaw ng isang babae ang kamay nito sa babasaging naka-display sa sala hanggang sa ito'y mahulog at mabasag. Doon pa lang napagtanto ni Yolo kung sino ang mga ito.

"Kayo ba ang mga kaluluwang nagpaparamdam sa akin?"

Tumango ang babae. "Oo, kami nga. Pero hindi kami kaluluwa. Mga tao rin kami tulad mo, buhay pa kami pero wala nang nakakakita at nakakaalala sa amin."

Naguluhan si Yolo. "Ano? B-bakit nangyayari ito sa akin? Pati sa inyo? Sino ba kasi kayo? At paano kayo nakapasok dito sa amin?"

Sumagot muli ang babae. "Alam ko ang nangyari sa 'yo. Tulad mo, isa rin kami sa mga bumisita sa website ng mga taong hindi nag-e-exist. Tulad mo ay pinakialaman din namin ang website na iyon. Iyon ang dahilan kaya kami naging ganito!"

Namilog ang mga mata ni Yolo sa narinig. "Ano kamo? Pero bakit?"

"Haunted ang website na 'yon! Sinumang bumisita roon ay paglalaruan ng sumpa. Kapag nagbabad ka ng matagal na oras o panahon sa kakatingin sa website na 'yon, bigla nitong ilalabas ang larawan mo. At kapag nakita mo 'yon, mawawala ka na rin sa alaala ng mga mahal mo sa buhay! Hindi ka na nila makikita o maririnig. Hindi mo na rin sila mahahawakan! Sa madaling salita, mawawala ka na sa existence nila. Ikaw na lang ang makakakita sa sarili mo. Tayong mga nabiktima ng website na iyon ay burado na sa existence ng mundo ngayon. Hindi na rin kami nakikita ng pamilya namin."

Biglang tumulo ang mga luha ni Yolo. Sinubukan niyang umupo sa sofa ngunit nadulas lang siya patungo sa sahig. Naalala niyang hindi na nga pala niya nahahawakan ang mga bagay. "Bakit nangyari sa akin 'to? Bakit ngayon ko lang nalaman itooooo!"

"Noong una pa lang ay sinubukan ka na naming balaan. Ginawa namin ang aming makakaya para galawin ang mga gamit n'yo rito sa bahay. Nagbabakasakali kaming maaagaw namin ang atensiyon mo. Pero dahil nga sa hindi mo kami nakikita, wala kaming ibang paraan para makausap ka. Kaya nga nalulungkot kami dahil nakikita mo na rin kami ngayon. Ibig sabihin ay wala ka na rin sa existence ng mundo pati sa alaala ng mga minamahal mo."

Napahagulgol muli ng iyak si Yolo. Nais niyang suntukin ang pader pero wala siyang magawa. Tumatagos lang ang kamay niya sa lahat ng gamit na hawakan niya.

Sinubukan niyang itagos nang paulit-ulit ang kanyang kamay sa isang flower base sa sala. Ilang sandali pa ay bigla itong gumalaw at bumagsak. Iyon na lamang ang kaya niyang gawin.

"May paraan ba para mawala ang sumpa?" mangiyak-ngiyak na sabi niya sa babae.

"Kung mayroon man, disinsana'y matagal na rin kaming nakawala sa sumpang ito. Pero wala. At kung maniwala ka man o sa hindi, lahat kami rito ay ilang taon na ring ganito. Pagala-gala na lang kami kung saan-saan. Tinitingnan namin ang bawat taong bumibisita sa website at sinusubukan silang balaan. Pero dahil nga wala na kaming existence sa mundo, hindi na namin sila kaya pang tulungan. Kaya habang tumatagal ay dumadami pa ang nabibiktima ng website na 'yon. Parami pa tayo nang parami," malungkot na paliwanag ng babae sa kanya.

Nahinto ang pag-uusap nila nang lumabas si Maila sa kuwarto. Nagtaka ito sa nabasag na flower base sala. Bakas sa mukha nito ang takot. "Bakit kaya nabasag 'to?"

Sinubukang sumagot ni Yolo. "Mahal ako ito! Nandito lang ako sa tabi mo! Kung nararamdaman mo 'ko please lang sumagot ka!"

"Hindi ka na niya maririnig at maaalala. Burado ka na rin sa isip niya."

Biglang nagbukas ang pinto at iniluwa niyon si Jerick, ang ex-boyfriend ni Maila. Ito ang nobyo ng babae noong hindi pa sila magkakilala nito.

"Love, what happened?" tanong ni Jerick na tila kagagaling pa lang sa trabaho.

Tama ba ang narinig ni Yolo? Tinawag nitong love si Maila?

"Ah, love! Ito kasing flower base bigla na lang nabasag, eh."

"Hayaan mo na 'yan. Lilinisin ko na lang mamaya. Samahan mo na lang ako sa kuwarto may ipapakita ako sa 'yo."

Nagtungo ang dalawa sa silid.

Nagimbal si Yolo sa mga nasaksihan niya. Hindi lang siya basta nabura sa alaala ni Maila. Nagbago rin ang realidad sa buhay ng babae mula nang mawala ang existence niya. Tila nagbago ang takbo ng oras at panahon.

Sa bagong realidad na kinalalagyan ngayon ni Maila ay si Jerick daw ang nakatuluyan nito at naging asawa. Hindi raw sila nagkakilala ni minsan ng babaeng ito.

Lalong nanlumo si Yolo. Tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa. Habang buhay na siyang pagala-gala sa bawat sulok ng mundo pero walang nakakakita, nakakarinig at nakakaalala sa kanya, kasama ang ilang mga taong tulad niyang biktima rin ng isinumpang website na This Person Does Not Exist.

Nang mga sumunod na araw ay napapadalas ang mga gamit na biglang gumagalaw at nababasag sa paligid. Nagtaka tuloy ang mag-asawang sina Jerick at Maila. Inisip nilang baka may multo nang nagpaparamdam sa bahay nila.

Hindi nila alam ang totoong nagaganap. At hindi na nila malalaman pa...

www.thispersondoesnotexist.com

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro