Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

The Blue Death

ISANG misteryosong sakit ang kumakalat sa buong bayan ng Sta. Barbara. Lahat ng dinadapuan ay inaapoy ng lagnat, nangangasul ang bibig, leeg at mga daliri, nalalagasan ng buhok sa buong katawan at nagtatae ng asul na likido.

Mabagsik at mailap ang naturang sakit. Walang makapagsabi kung saan ito nagmula at kung paano dumadapo sa mga tao.

Kaya naman ang lokal na gobyerno, napilitang isara ang kanilang bayan upang walang makalabas at makapasok doon. Sa ganoong paraan na lang nila susubukang pigilan na kumalat ang sakit sa iba pang mga bayan.

Nagsimula ito noong nakaraang linggo kung saan mahigit sampung katao ang naitalang nagkasakit nito. Subalit ngayon ay pumapalo na sa limang daan ang mga dinadapuan. Kada araw ay parami pa ito nang parami.

Hindi na malaman ng gobyerno kung ano ang kanilang gagawin. Mabuti na lang at may sarili silang ospital doon kaya hindi na kinakailangang bumiyahe sa ibang lugar.

Subalit sa dami ng mga nagkakasakit, napupuno na ang ward ng naturang ospital. Ang iba nga, sa mga paaralan na lang dinala at ginamot.

Maging ang mga duktor ay hindi malaman kung ano ang sakit na ito. Puro mga treatment at pain killers lamang ang naibibigay nila sa mga pasyente. Subalit batid nilang hindi rin iyon sapat para masugpo ang mapaminsalang sakit.

Lalo na't hindi pa rin tumitigil ang pagkalat nito. Marami pang mga residente ang naaapektuhan at nasisira ang buhay dahil dito. Tuluyan na nga itong naging epidemya sa kanilang lugar.

Dahil sa kakaibang sintomas na dumadapo sa mga biktima, tinawag nila itong Blue Death. Ang mga dinadapuan kasi nito ay karaniwang nangangasul ang mga labi at daliri. Kapag lumala ay naglalabas sila ng dumi na kulay asul, at doon na mamamatay ang pasyente.

Isa ang asawa ni Aling Beth na si Mang Dencio sa mga dinapuan ng sakit. Hindi nila ito madala sa ospital dahil siksikan na rin ang mga pasyente roon. Pati sa mga iskuwelahan na pansamantalang ginawang treatment facility ay punuan na rin.

Buti na lang, may ilang mga duktor na nagboluntaryong bumisita sa bawat kabahayan para magsagawa ng libreng gamutan. At isa ang bahay nila sa mga napuntahan.

Ilang araw nang ginagamot si Dencio ngunit wala pa ring pagbabago sa kalagayan nito. Palala pa iyon nang palala.

Noong una, inaapoy lang ito sa lagnat. Ngunit di nagtagal, unti-unti nang nangasul ang bibig nito. Kumalat iyon hanggang sa leeg, daliri, ilalim ng kili-kili at mga palad.

Ngayon naman, unti-unti na rin itong nalalagasan ng buhok at balahibo sa katawan. Daig pa nito ang nagpa-chemotherapy. Nanunuyot na rin ang mga balat nito na parang mapupunit kung hindi hahawakan nang mabuti.

Tuluyang bumagsak ang katawan ni Mang Dencio. Hindi na ito makatayo at makapagsalita. Nagagawa pa nitong dumilat pero hindi na rin gumagalaw ang kalahati ng katawan. Nagmistulang lantang gulay na ito.

Awang-awa si Aling Beth sa kalagayan ng asawa. Napaiyak na lang siya sa isang tabi habang nakayakap sa kanya ang nag-iisang anak na si Jonjon. Maging ang binata ay hindi rin mapigilang maiyak sa kalagayan ng ama.

Nagpaalam na ang duktor sa kanila at sinabing babalik na lang bukas para sa susunod na session ng gamutan. Nagpunta naman ito sa kasunod na bahay para manggamot.

Upang pigilan pa ang pagkalat ng sakit, nagpatupad ng lockdown ang kanilang pamahalaan. Wala nang puwedeng lumabas ng bahay maliban lamang sa mga duktor. At kung kinakailangang lumabas, nire-require ang lahat na magsuot ng face mask at protective gears sa ulo.

Hindi sigurado ang mga eksperto kung airborne ba ang Blue Death virus. Kaya para makasigurado, sa ganoong paraan na lang nila idinaan ang pagsugpo sa sakit. Umaasa silang mababawasan ang bilang ng mga nagkakasakit sa ganitong setup.

Nakarating na sa telebisyon ang nangyayari sa buong Sta. Barbara. Kaya naman ang ilang mga karatig na lugar at lalawigan ay nag-abot na rin ng tulong.

Ilang mga eksperto pa ang pinayagang makapasok sa Sta. Barbara para tumulong sa paghahanap ng sagot tungkol sa pinagmulan ng virus na ito.

Ang kailangan nilang malaman ngayon ay kung saan ito nanggagaling at kung paano dumadapo sa mga tao. Oras na malaman nila iyon, doon pa lang sila makakagawa ng mas epektibong hakbang para pigilan ang pagkalat nito.

Tulong-tulong ang mga eksperto sa isang laboratory sa pagsasagawa ng research at experiment. Kung anu-anong mga test na rin ang ginawa nila sa ilang mga pasyenteng mayroon nito.

Mabusisi ang kanilang trabaho. Mahalaga ang bawat segundo. Sa kanila nakasalalay ang magiging kinabukasan ng Sta. Barbara. At kung hindi nila ito masugpo, maaari pa itong kumalat sa ibang mga bayan, at ang masaklap ay baka makalabas pa ito sa kanilang lalawigan.

Kung kailan nasa kalagitnaan pa ng epidemya ang Sta. Barbara, saka naman dumating ang buwan ng eleksyon.

Subalit di gaya ng dati, wala nang mga kadindatong naglilibot ngayon para mangampanya at magbigay ng pera sa mga kababayan.

Sa halip, nagpapaligsahan na lang sila sa pagbibigay ng tulong. Nagpapalakasan sa dami ng tulong na inihahatid sa mga biktima.

Tatlong kandidato ang tumatakbo ngayon sa pagka-Mayor ng lugar.

Ang unang kandidato ay si Lorenzo Baltazar na nagbigay ng karagdagang protective gears sa mga tao at mga duktor. Nagpadala rin siya ng limang libo sa bawat kabahayan.

Naniniwala siya na ang kailangan ngayon ng taumbayan ay pera, gamot at proteksyon para makatulong sa pagpapagaling sa mga pasyente at mapigilan ang pagdami ng mga nagkakasakit.

Ang pangalawang kandidato ay si Carmina Bautista na nag-focus naman sa pangangailangan ng mga duktor at science experts na makakatulong sa pagtuklas nila sa mailap na Blue Death virus.

Naniniwala naman siya na kapag dinagdagan ang kagamitan at pangangailangan ng mga eksperto, mas mapapadali ang kanilang trabaho sa pag-aaral sa naturang virus na ito.

Ang pangatlong kandidato naman ay si Carlos Zaragoza na nagsagawa ng sarili nitong team para tumulong sa pagtuklas sa pagtuklas sa Blue Death virus.

At habang nagsasagawa sila ng sariling eksperimento, nagpadala rin sila ng karagdagang mga duktor sa bayan para ma-accommodate ang lahat ng mga kabahayan.

Habang abala ang lahat ng mga kandidato sa kani-kanilang trabaho, lalo namang lumalala ang kalagayan ng mga tao sa bayan.

Kabilang na rito si Mang Dencio na napapaungol na lang sa labis na pananakit ng tiyan. Humahagulgol na sa pag-iyak si Aling Beth habang pinagmamasdan ang asawa.

Hindi na rin malaman ng duktor kung ano ang gagawin. Tila nasa final stage na ng sakit si Mang Dencio. Ganito ang karaniwang nangyayari sa mga pasyente bago sila magtae ng kulay asul.

At hindi nga nagtagal, biglang may lumabas sa puwit ni Mang Dencio. Isa itong sabaw na dumi ngunit kulay asul. Para itong ballpen na nagtae ng asul na tinta. Kumalat iyon sa buong kama at naglabas ng napakabahong amoy.

Napaatras sina Aling Beth at Jonjon nang malanghap ang amoy. Dinala siya ng anak sa taas para hindi maamoy ang asul na likidong iyon.

Pati ang duktor ay nahilo at napaatras na rin habang patuloy na nilalabasan ng asul na likido ang puwit ni Mang Dencio.

Makalipas ang ilang sandali, tumirik na ang mga mata ng matanda. Nang mawala na ang amoy, doon pa lang ito nilapitan ng duktor. Pinulsuhan nito ang matanda ngunit wala na itong buhay.

Grabe ang paghagulgol ni Aling Beth nang makitang patay na ang asawa. Nahimatay pa ito sa labis na emosyon. Isinandal na lang ito ni Jonjon sa kanilang sofa. Labis-labis ang kanilang pagluluksa sa pagkamatay ni Mang Dencio.

Sakto namang may dumating na panauhin sa kanilang lugar. Nasa harap ng kanilang pinto si Lorenzo Baltazar kasama ang ilan sa mga team nito.

Naghatid sila ng kaunting pagkain, limang libong piso at tatlong pares ng protective gears. Subalit nagulat din ang mga ito nang madatnang patay na si Mang Dencio.

"Nakikiramay ako sa inyong pamilya. Huwag kayong mag-alala. Kapag ako ang nanalo, sinisigurado ko na lahat kayo mabibigyan ng sapat na tulong para malagpasan natin ang epidemyang ito. Manalig lamang kayo sa Diyos at huwag kalilimutang magdasal," wika dito ni Lorenzo Baltazar, sabay abot sa limang libong piso kay Jonjon.

Isang matipid na pasasalamat na lang ang itinugon ng binata. Aanuhin pa nila ang pera at mga protective gears na iyon kung nabawasan na sila ng isang miyembro sa pamilya? Paano pa sila magsasaya kung wala na ang haligi ng tahanan?

Ang mga protective gears na ipinamigay ni Lorenzo Baltazar ay may tatak pa ng kanyang mukha sa bandang gilid. Ang limang libong ayuda niya ay nakalagay naman sa isang sobre na punong-puno ng kanyang pangalan. Sa bandang likuran niyon ay may nakasulat pang: "Let Lorenzo Lead the Sta. Barbara".

"Huwag kayong mag-alala. Ako na ang sasagot sa pagpapalibing sa iyong ama. Dahil mahal ko ang mga kababayan ko, gagawin ko ang lahat para maibigay ang inyong mga pangangailangan. Hindi ko man maibabalik ang buhay ng tatay mo, sisiguraduhin ko namang gaganda ang inyong buhay kapag ako ang naupo sa puwesto. Kaya halikayo, sama-sama tayong magdasal. Ipagdasal natin ang kaluluwa ng iyong ama."

Hindi na lamang kumibo si Jonjon sa mga sinabi ng kandidatong iyon. Mabait sana ito at maka-Diyos ngunit hindi rin nakakatulong ang mga sinabi nito para matulungan talaga sila sa kanilang problema.

Dahil in the first place, wala nang kahit anong tulong ang makakapagpabalik sa buhay ni Mang Dencio.

Medyo nairita na lang siya sa ginagawa ng kandidatong ito. Sa halip na mag-focus sa tunay na problema ng bayan, namimigay lang ng mga bagay na hindi naman nakakatulong sa pagsugpo sa sakit.

Napupunta lang din sa wala ang mga perang ibinibigay nito dahil hindi rin iyon napakikinabangan ng mga pasyenteng lalo pang lumalala ang sakit.

At sa bawat kabahayang binibisita nito, puro pagdadasal lang din ang ipinapayo nito sa mga namatayan.

Napapaisip tuloy si Jonjon kung gawing "Let Lorenzo Lead the Prayer" na lang ang slogan nito sa likod ng sobre. Parang mas bagay pa iyon sa lalaki.

ANG KANDIDATO namang si Carmina Bautista ay bumisita sa laboratoryo ng mga science experts para kumustahin ang lagay ng mga ito.

Tuwang-tuwa namang bumati sa kanya ang mga ito. "Magandang araw po, Ms. Carmina."

Nakita ni Carmina ang isang tauhan na kaharap pa rin ang computer at hindi sumabay ng pagbati sa kanya. "Ikaw, bakit hindi ka bumati sa akin?"

Napalingon naman agad sa kanya ang tauhang iyon at mabilis na bumati. "M-magandang araw po, Ms. Carmina. Sorry po medyo busy lang kasi sa ginagawa kong research about the virus po."

"Alam kong busy kayong lahat sa trabaho. Pero kapag may kaharap kayong mataas na kandidato, dapat matuto kayong tumayo at bumati nang maayos. Ang ayaw ko sa lahat ay iyong hindi bumabati at pumapansin sa akin kapag nakikita ako!" sermon ni Carmina sa mga ito na parang bata.

"Opo. Masusunod po," sabay-sabay na sagot sa kanya ng mga tauhan.

Muli siyang naghatid ng karagdagang equipment sa mga ito na makakatulong pa sa kanilang trabaho sa pagtuklas sa virus.

Bago siya umalis, mangilan-ngilan lamang sa mga eksperto ang muling tumayo at bumati. Uminit na naman ang ulo niya.

"Ano ba 'yan! Nakalimutan n'yo na naman yata 'yung tinuro ko sa inyo! Ano ang gagawin kapag nandito ako?"

Sabay-sabay na tumayo ang mga eksperto na parang elementary students. "Maraming salamat po, Ms. Carmina sa tulong na inyong binigay, at magandang araw din po."

"Very good!" malakas na sagot dito ng babaeng kandidata. Saka ito naunang lumabas ng laboratoryo habang nakabuntot naman dito ang mga tauhan nito.

Sa tatlong kumakandidato sa pagka-Mayor, si Carmina Bautista ang pinakamatapang. Kababaeng tao ngunit marunong magmura. May bakal na kamay. Nanununtok pa nga ng tauhan kapag hindi satisfied sa trabaho nito.

Pagkabalik nila sa opisina, nilapitan siya ng isa sa mga campaign manager niya. "Carmina, kailangan nating magbigay ng tulong sa tao para lumakas tayo sa kanila. Nabalitaan namin 'yung kalaban mong si Lorenzo Baltazar, namimigay raw ng limang libo sa bawat kabahayan. Kailangan natin silang malamangan!"

Sa galit ni Carmina Bautista, sinuntok niya ang isang pader. "Putang ina, ano ba 'to!"

Pinakalma naman siya ng lalaki at pinaupo. "Easy ka lang, Mayor Carmina. Malakas pa rin naman tayo sa survey. Kailangan lang nating panatilihin ang ating standings dahil baka maungusan na tayo ng kabilang party."

"Ano ba'ng paki ko d'yan? Kahit mamigay pa sila ng house and lot, hindi pa rin sila mananalo! Just think about it, para saan pa 'yung binibigay na pera kung hindi rin nakakatulong sa mga pasyente? Ang kailangan ngayon ng tao, lunas para sa sakit! Hindi suhol! Kaya maniwala kayo sa akin, wala ring silbi 'yung gimik ng Lorenzo Baltazar na 'yan. Nagsasayang lang siya ng pera! Ang kailangan ng tao ngayon, bakal na kamay! Hindi mabulaklak na salita! Chicharong bulaklak lang ang masarap at hindi ang mga salita nila!"

"Pero paano na tayo, Ms. Carmina? Ano naman ang gagawin natin para makatulong sa tao?"

"Sapat na 'yung lockdown na pinatupad natin. Sa paraang iyon, kahit papaano mapipigilan natin ang pagkalat ng virus dahil wala nang nakakalabas ng bahay. Kaya tama lang 'yung ginagawa natin na mag-focus sa mga frontliners dahil sa kanila nakasalalay ang kinabukasan ng bayang ito. Kung wala sila, walang makakatuklas sa pinagmulan ng virus na 'yan, at wala tayong mabubuong hakbang kung paano ito pipigilan!"

Ang kampo nina Carmina Bautista ang nag-suggest ng lockdown sa lokal na pamahalaan. Sa tingin kasi niya, maaaring mabawasan ang pagkalat ng Blue Death virus kapag wala nang taong lumalabas sa bahay.

Mukhang nagiging epektibo naman ang panukala niyang iyon. Medyo bumababa nga ang bilang ng mga taong dinadapuan ng virus na ito araw-araw. Subalit wala pa ring gumagaling sa mga dinapuan na nito.

Marami pa rin ang namamatay at nasisira ang buhay dahil dito. Kaya dapat talaga na malaman na nila ang buong impormasyon sa virus na ito sa lalong madaling panahon para makabuo agad sila ng maaaring panlaban dito.

SA ISANG laboratoryo naman ay abala ang kampo nina Carlos Zaragoza sa pagtuklas sa naturang virus. May sarili rin silang mga scientist na gumagawa ng pananaliksik.

Pagkatapos iwanan ni Carlos Zaragoza ang mga tauhan sa lab, nagtungo naman siya sa office kung saan naabutan niya ang asawang si Jessica Zaragoza na abala sa kausap nito sa telepono.

Hinintay lang niya itong matapos doon saka niya ito nilapitan at tinabihan. "Kumusta ka naman dito, mahal?"

"Ayun. Tinawagan ko na 'yung management ng isang hospital sa Manila. On the way na raw sila rito para magpadala ng mga bagong doctors."

"Mabuti naman kung ganoon. Nasaan pala si Alex?" tanong niya rito, tinutukoy ang kaisa-isang anak nilang si Alexander Zaragoza.

"Nasa bahay may ginagawa. Hindi ko na sinama rito."

"Sige, sa kanya na lang muna ako magpapasama mamaya."

Pagsapit ng hapon, nagpunta sina Carlos at Alexander Zaragoza sa pamunuan para ipakilala ang mga bagong doktor at frontliners na ni-recruit nila. Nangangailangan kasi ng karagdagang duktor ang Sta. Barbara para may kapalit ang mga duktor doon na halos wala nang pahinga sa trahabo.

DALAWANG linggo matapos ang libing ni Mang Dencio, si Aling Beth naman ang dinapuan ng Blue Death virus. Parang gumuho ang mundo ni Jonjon.

Kahit buhay pa ang kanyang ina, parang bilang na lang sa daliri ang mga natitirang araw nito sa mundo. Batid kasi niyang wala pang naitatalang gumaling sa sakit na ito. Gusto man niyang yakapin ang ina ay hindi niya magawa dahil baka mahawa rin siya.

Dahil sa dami ng mga namatay na pasyente, medyo lumuwag ang Blue Death ward sa ospital. Nagkaroon ng pagkakataon si Jonjon na madala sa ospital ang ina. At habang ginagamot ito ng mga duktor, hindi niya maiwasang maiyak sa tabi.

Hanggang ngayon kasi, wala pa ring solusyon na nakikita sa problema. Wala pa ring nakakatuklas kung paano malalabanan ang virus. Labis-labis ang panlulumo niya nang mga sandaling iyon.

Sa bawat araw na dumadaan, lalo pang lumalala ang kalagayan ni Aling Beth. Nagsisimula na ring mangasul ang bibig at mga daliri nito.

Halos hindi na mapagmasdan ni Jonjon ang kanyang ina sa ganoong kalagayan. Lalo lang bumibigat ang kanyang dibdib, at lalo rin siyang hindi nakakatulog sa gabi.

Nang dumating na ang duktor na gumagamot sa kanyang ina, napilitan siyang magtanong dito. "Doc, may pag-asa pa po bang gumaling ang nanay ko?"

Napayuko ang duktor na tila dismayado. "Tatapatin na kita. Sa dami ng mga Blue Death patient dito, wala pa sa kanila ang gumaling. Pero ginagawa naman namin ang lahat para makahanap ng lunas sa virus na ito. May mga eksperto na kaming kasama sa labang ito. Pasensiya na."

Lalong nanlumo si Jonjon at napasandal na lang sa isang tabi. Muling tumulo ang mga luha niya habang ibinabaling sa taas ang paningin. Hindi niya talaga kayang pagmasdan ang lumalalang kalagayan ng ina.

At hindi rin niya ma-imagine ang sarili na mamumuhay mag-isa sa mundo oras na mawala na ang kanyang ina. Parang hindi niya kakayanin iyon.

NAGPALAKPAKAN ang mga scientist sa laboratoryo ng Pamilya Zaragoza. Sa wakas at nakabuo na sila ng lunas na maaaring lumaban sa virus at magpagaling sa mga pasyente.

Napayakap si Carlos Zaragoza sa kanyang asawa dahil sa labis na tuwa. "Isang magandang balita ito. Ngayon pa lang, nakikita ko na ang tagumpay ng pagsugpo natin sa epidemyang ito!"

Nang araw ding iyon, ibinalita nila ang tungkol sa bakunang binuo ng kanyang kampo. Isa itong vaccine na kayang pumatay sa Blue Death virus at nakapagbibigay din ng proteksyon sa mga hindi pa dinadapuan.

Sinimulan agad nila ang pagbibigay ng supply ng mga bakuna sa ospital. Binigyan nila pati ang ilang mga duktor na naglilibot-libot sa mga kabahayan.

Noong una, marami ang natatakot magpaturok ng bakuna dahil sa mga side effects na maaari nitong idulot. Ngunit dahil wala nang ibang paraan na nakikita ang mga eksperto, wala silang ibang choice kundi subukan iyon.

Unang tinurukan ang mga pasyente sa ospital. Kabilang na sina Aling Beth sa mga naturukan. At makalipas lang ng beinte kuwatro oras, unti-unting bumuti ang lagay nila. Nawala na ang pangangasul ng kanilang balat at bumaba na rin ang lagnat.

Laking gulat ng mga duktor nang makita ang paggaling ng mga pasyente. Pati si Jonjon ay tuwang-tuwa nang makitang malakas na muli ang kanyang ina at wala na itong sintomas ng Blue Death virus. Napayakap siya rito nang mahigpit.

Dinamihan pa ng kampo nina Carlos Zaragoza ang pamimigay ng mga supply ng bakuna. At makalipas lang ng ilang araw, tuluyan nang nasugpo ng Sta. Barbara ang epidemyang dulot ng Blue Death virus.

Gumaling na ang lahat ng mga tao. Huminto na rin ang pagkalat ng sakit. Sa wakas at makakabalik na sila sa normal nilang buhay.

Dahil sa nangyari, marami ang humanga kay Carlos Zaragoza. Sa lahat ng mga tumatakbong kandidato, siya lang ang nakapagbigay ng solusyon sa matinding problemang dulot ng epidemya.

Kaya naman nang sumapit ang araw ng botohan ay landslide vote ang nakuha niya. Siya ang nanalo sa pagka-Mayor. Naiwan naman sa kangkungan ang dalawang kandidatong kalaban niya.

Tuwang-tuwa ang Pamilya Zaragoza habang nasa kalagitnaan ng kanilang victory party. Magkatabi pa sa isang lamesa sina Carlos at Jessica Zaragoza habang nagsasalo sa isang alak.

"Good job, my loving wife! Tagumpay ang plano mong makuha ang loob ng taumbayan," bati sa kanya ng babae.

Hindi makapaniwala si Carlos Zaragosa na magiging successful ang plano niya. Lingid sa kaalaman ng lahat, siya ang may pakana sa epidemyang ito.

Nagpatulong siya sa mga eksperto para makabuo ng isang virus na ipinakalat nila sa bayan ng Sta. Barbara. At dahil sila ang bumuo sa virus na ito, sila rin ang nakakaalam kung ano ang lunas dito.

At iyon ang ginamit ng Pamilya Zaragoza para manalo sa eleksyon. Ngayong nangyari nga ang kanilang inaasahan, wala nang mas liligaya pa sa kanila.

"Dad, ano nang plano mo n'yan?" tanong sa kanya ni Alexander Zaragoza nang lumapit sa kanila at sumabay sa kanilang inuman.

Hindi agad nakasagot doon si Carlos Zaragoza. Ang plano kasi niya, kapag natapos na ang termino niya rito, balak niyang tumakbo naman sa pagkapangulo ng Pilipinas. At gagamitin niya ang same strategy na ginawa sa Sta. Barbara para makuha ang puso at boto ng taumbayan.

Sa paraan ding iyon, makakalimutan na rin ng mga tao ang mga nakaw na yaman ng kanilang pamilya noong ang ama pa niya ang namumuno roon.

Tagumpay ang plano nilang makuha muli ang simpatya ng taumbayan sa kabila ng mga corruption at human rights violation na nagawa ng namayapa niyang ama noong ito pa ang nasa posisyon.

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro