Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Stan

"HELLO idol. Kung nasaan ka man ngayon, sana okay ka lang. Kasi ako, hindi na maganda ang pakiramdam ko. Bawat araw na lumilipas, wala pa ring pagbabago. Hanggang ngayon, sa imahinasyon lang kita nakakasama. Kailan ba kita makikita sa personal? Kailan ba kita mahahawakan? Lahat iniwan ko na para sa 'yo. Ang sarili ko, ang kinabukasan ko, pati ang relihiyon ko. Ikaw na ang tinuturin kong mundo. Ikaw na ang kinikilala kong Diyos. Kaya sana naman, pagbigyan mo ang hiling ko. Pagbigyan mo ang palagi kong ipinagdarasal sa 'yo. Sana magkita na tayo. Baka sakaling bumalik pa ako sa dati."

Pagkatapos itong isulat ni Mark Neil sa papel dinikit niya ito sa pinto ng kanyang kuwarto. Buong paligid ng bahay nila ay nababalutan ng mga poster ng rock singer na si Ron Crowley.

Pati mga picture frame nila ng pamilya na nasa kuwarto ay pinalitan niya ng mukha ng idolo para lagi raw silang magkatabi at magkasama.

Mula paggising, hanggang sa pagligo, maging sa pagtulog ay katabi ni Mark Neil ang cellphone at walang kasawa-sawa sa pakikinig sa mga kanta ng lalaki.

Tila ba buong kaluluwa niya'y isinuko na niya sa taong hindi naman siya kilala.

Sa lakas ng tugtugan niya sa kuwarto ay kinalampag ng nanay niyang si Fely ang pinto. Ito na lang ang nag-iisang kasama niya sa buhay dahil matagal nang namayapa ang ama niya. Nag-iisang anak lang din siya.

"Bakit ba?" galit na bungad niya pagbukas sa pinto.

"Anak, hinaan mo naman 'yong speaker mo at natutulog na ang mga tao! Pati 'yong pinapanood ko sa baba hindi ko na marinig!"

"Huwag mo muna akong istorbohin hindi ko madama 'yong pinakikinggan ko!"

"Aba! Huwag mo nga ako pagtaasan ng boses nanay mo 'ko!"

"Bakit pa kasi kayo pumasok dito wala naman kayong importanteng sasabihin! Iniistorbo n'yo ako, eh!"

"Bakit, hindi ka na puwedeng masabihan ngayon? Mahirap bang hinaan ang pinapatugtog mo para hindi mabulabog ang mga natutulog na kapitbahay? Alam mo sumosobra ka na sa idol mong 'yan! Dahil d'yan nasira ang pag-aaral mo! Hindi ka naka-graduate at hanggang ngayon hindi ka makapagtrabaho dahil d'yan! Isang sagot mo pa sa akin itatapon ko lahat ng mga pinagdidikit mo rito sa bahay pati 'yang mga CD mo!"

Sa inis ni Mark Neil ay sinarado niya ang pinto at nagbingi-bingihan sa muling pagkatok ng ina.

Dahil sa pagka-badtrip ay pinatay muna niya ang tugtugan at sumandal sa headboard ng kama. Muli na namang naglaro sa isip niya ang mga nangyari kung paano siya nahinto sa pag-aaral at hindi naka-graduate.

Dulot ng labis na obsession sa iniidolong singer ay wala na siyang ginawa kundi makinig nang makinig sa mga awit nito. Hindi na siya nagre-review. Hindi na rin gumagawa ng mga project at assignments.

Pati mga guro at kaklase niya ay napuna rin ang labis niyang pagkaadik sa musika ni Ron Crowley. Lagi nga siyang pumapasok pero nakalutang naman sa ibang bagay ang utak.

Ito rin ang itinurong dahilan ng kanilang dean sa kanyang ina tungkol sa mga bagsak niyang grado.

Limang buwan na ang lumipas mula nang magtapos ang klase. Lahat ng classmate niya ay graduate na. Siya lang ang naiwan.

Araw-araw siyang pinagagalitan ni Fely dahil dito. Nasanay na lang din siya kaya hindi na gaanong dinidibdib ang bunganga ng ina.

Sa loob ng mga panahong lumipas, sinubukan ding lambingin ni Fely ang anak para makuha muli ang kirot ng puso nito at maibalik sa dati. Subalit tila naging bato na sa tigas ang puso ng kanyang anak at hindi na nararamdaman ang kanyang pagmamahal bilang ina.

Sa halip na ituwid ang pagkakamali, ibinuhos ni Mark Neil ang buong atensyon sa idolo niya.

Ang mga awit na lang nito ang nagpapatibay ng loob niya. Ang mga lyrics nito ang nagsisilbing tagapayo niya para hindi sumuko sa buhay kahit sirang-sira na ang kanyang buhay sa labis na paghanga rito.

Katunayan, mas kabisado pa niya ang buhay ng lalaki kaysa sa buhay ng sariling pamilya. Lagi niyang ibinubuhos ang oras sa pananaliksik sa buhay ni Ron Crowley.

Ayon sa biography nito, lumaki si Ron Crowley sa pagmamaltrato ng sarili niyang mga magulang. Nang mamayapa ang mga ito ay hindi na siya nakaramdam ng lungkot. Sa halip ay nagkaroon siya ng kalayaang gawin ang lahat ng gusto niya.

Nagsimula siyang magsulat ng mga kanta gamit ang mapapait niyang karanasan noong pagkabata.

Bawat galaw ng singer sa telebisyon ay sinusubaybayan ni Mark Neil. Bawat album na inilalabas nito ay isang malaking selebrasyon sa kanya. Lahat ng laman ng notebook niya ay puro liham para kay Ron Crowley.

Kulang na lang ay kidnapin niya ang lalaki at igapos sa bahay nila. Ganoon siya ka-obsess sa lalaking ito.

Maagang nagising si Mark Neil para subaybayan ang isang news channel kung saan madalas ibalita ang mga ganap kay Ron Crowley.

Sa mga hindi nakakaalam, si Ron Crowley ay kinikilala bilang isa sa mga haligi ng rock music sa bansa. Tumatak sa industriya ang mga agresibong lyrics niya tungkol sa pagmamaltrato, depresyon, at maling sistema ng ilang mga simbahan at gobyerno. Kabilang na rito ang mga delubyong dinadanas ng mundo na kagagawan mismo ng tao.

Hindi mapantayan ang talino ni Ron Crowley dahil sa malikhaing paggamit niya ng mga salita para gumawa ng kanta. Bagama't maraming natatakot sa kanya dahil sa mga disturbing lyrics na ginagawa niya, mayroon pa ring humahanga sa kanya at nauunawaan ang kanyang mga mensahe.

Isa na rito ang estudyanteng si Mark Neil na sobrang obsess sa kanya.

May bagong balita na inilabas ang programang iyon tungkol kay Ron Crowley. Kumabog nang malakas ang dibdib ni Mark Neil nang masilayan ang idolo sa TV screen. Nanlaki ang kanyang mga mata at nanginig ang mga kamay sa labis na pagkasabik.

Ayon sa balita, magkakaroon daw ng meet and greet ang rock singer malapit sa kanilang lugar. Ngunit nanlumo agad siya nang sabihing may bayad ito na nagkakahalaga ng 300 pesos.

Dahil sa paghinto niya sa pag-aaral ay hindi na rin siya nabibigyan ng baon. Saan pa kaya siya kukuha ng ganoon kalaking pera?

Kung dati hindi problema sa kanya ang gumastos ng mahigit limang daan. Ngayon kahit beinte lang ay pinoproblema pa niya kung saan pupulutin.

Sa susunod na linggo na gaganapin ang meet and greet pero hanggang ngayon ay wala pa ring napupulot si Mark Neil kahit singkong duling.

Napilitan na siyang manghingi ng pera sa nanay niya. Sermon agad ang inabot niya.

"Saan mo gagamitin ang tatlong daang piso? Bakit nag-aaral ka pa ba? Hindi ba't sinira mo ang buhay mo dahil lang sa artistang 'yan? Wala ka nang mapapala sa 'kin! Do'n ka na lang magkulong sa kuwarto mo!"

Uminit ang dugo ni Mark Neil nang hindi pagbigyan ang gusto. "Ito na nga lang ang kaligayahan ko, bakit pinagkakait mo pa?"

"Hindi kaligayahan 'yan, Mark Neil. Addiction ang tawag d'yan! Daig mo pa ang nakadroga! Wala kang makukuha sa 'kin kahit piso hangga't hindi ka tumitino!"

"Putang ina mo ka!"

Gulat na gulat si Fely sa inasal ng kanyang anak. Sasampalin na sana niya ang bibig nito pero biglang hinila ng binata ang buhok niya. Kinaladkad siya nito patungo sa kusina.

"Mark Neil, ano ba 'yang ginagawa mo! Nababaliw ka na ba?"

Hinablot niya ang isang kutsilyo at itinutok sa leeg ng ina. Sindak na sindak si Fely. "Huwag mong gagawin 'yan, anak. Parang awa mo na magising ka na sa realidad!"

Ang labis na galit ni Mark Neil ang nagtulak sa kanya para gitilin ang leeg ng kanyang ina. Pagkatapos noon ay dinukot niya ang dalawang mata nito gamit ang hawak na patalim.

Tinuluyan niya ang buhay ng ina sa pamamagitan ng pagsaksak sa puso nito. Hindi pa siya nakuntento at pinagpuputol din ang mga daliri nito.

Ang eksenang iyon ay ginaya niya sa isang music video ni Ron Crowley kung saan ipinapakita nito ang nais nitong gawin sa mga gobyernong nagiging dahilan ng matinding gutom at kahirapan sa bansa. Ang pamagat noon ay "Murder the Bad Government".

Kung kailan huminto na ang hininga ng babae, doon pa siya tila biglang natauhan.

Gulat na gulat siya sa sariling nagawa. Saka siya humagulgol nang iyak at nilapitan ang isang poster ng idolo niya.

"Idol... Tulungan mo 'ko, idol... Napatay ko ang nanay ko... N-napatay ko ang nanay ko... A-anong gagawin ko please idol tulungan mo ako parang awa mo na..."

Tuluyan na ngang nasiraan ng bait si Mark Neil. Tila nagkabuhol-buhol ang mga ugat niya sa utak. Halos luhuran niya ang imahe ng idolo habang ipinagdarasal dito ang pagkamatay ng kanyang ina.

Oo, ganoon na siya kalala.

Itinago niya sa ilalim ng lababo ang bangkay ng kanyang ina. Binalot pa niya ito ng sako at dinoblehan ang pagkakatali.

Sa kuwarto ay nanginginig ang buong katawan niya habang nakasandal sa sulok. Humahagulgol. Tinatawag ang pangalan ng idolo.

"Idol, hindi ko na alam ang mga ginagawa ko. Alam kong mali na ang lahat ng ito pero wala akong magawa para ibalik sa dati ang lahat. Sirang-sira na ang buhay ko. Nabahiran na ng krimen ang mga kamay ko. Alam kong galit na galit ka sa mga kriminal gaya ng sinasabi mo roon sa lyrics ng kanta mong "Stop the Crime". Kaso paano kaya ito idol, nakagawa na ako ng crime? Mamahalin mo pa kaya ako kung sakaling magkita tayo? Sana kapag nalaman mo ang tungkol dito, tanggapin mo pa rin ako bilang fan mo. Sa paraang iyon kahit papaano magiging masaya pa ako kahit madilim na ang buhay ko."

Tumayo si Mark Neil at nagpatugtog ng ilan sa malulungkot na awit ni Ron Crowley. Sa kalagitnaan ng musika ay lumakas ang pagtangis niya.

Lalong pinatindi ng awit na iyon ang nagbabagang emosyon sa dibdib niya. Hanggang sa may namuong balak sa isip niya.

"Idol... A-alam kong tutol ka rin sa suicide gaya ng sinasabi mo sa kantang "Don't Shoot Yourself". Pero huwag kang mag-alala, hindi ako magpapakamatay kung hindi kita kasama..."

SA MALAYO, nakatanaw si Mark Neil sa idolo habang kaharap nito ang ilan sa mga tagahangang nakadalo sa meet and greet.

Hindi makalapit si Mark Deil dahil wala siyang pambayad.

Nakasuot siya ng itim, may hood sa ulo, at naka-itim na shades. Sa bulsa ay dahan-dahan niyang dinukot ang baril na pag-aari ng ama niyang pulis na matagal nang nakatago sa aparador ng kanyang ina.

Ang mga sumunod na pangyayari ay nagdulot ng matinding kaguluhan sa meet and greet. Bumagsak sa lupa ang katawan ni Ron Crowley matapos tamaan ng bala sa ulo.

Gulat na gulat ang mga guest at nagkanya-kanya ng takbo. Agad ding nilisan ni Mark Neil ang lugar at iniyuko ang ulo.

Sa balita, makikita ang report tungkol sa pagkamatay ni Ron Crowley kaninang tanghali habang nasa meet and greet matapos barilin sa ulo. Hindi na umabot sa ospital ang rock legend at idineklara din itong dead on arrival.

Si Mark Neil ay nakaupo malapit sa TV habang hawak ang baril. Kahit gumagana ang TV ay tumutugtog din sa kabila niya ang malungkot na kanta ng idolo na nagmumula sa Bluetooth speaker.

Pulang-pula na ang mga mata niya sa labis na pagtangis habang nakatingin sa mga poster ni Ron Crowley na nakadikit sa kuwarto niya.

"Idol, nagawa ko lang naman 'yon sa 'yo dahil ayokong mamatay nang hindi ka kasama... Kapag kasi ako lang ang namatay, hinding-hindi na kita makikita... Hindi ko na rin mapapakinggan ang mga kanta mo... Kaya ngayon, kahit papaano masaya ako dahil makakasama kita hanggang sa kabilang buhay... Tayong tatlo ng nanay ko..."

Nanginginig ang mga kamay na ipinasok ni Mark Neil ang baril sa kanyang bibig. Sinabayan pa niya ang ilang bahagi ng kanta bago tuluyang kinalabit ang gatilyo ng baril.

Isang malakas na putok ang umalingawngaw sa buong kuwarto. Naiwang bukas ang Bluetooth speaker habang tumutugtog ang isang malungkot na awitin ni Ron Crowley.

Don't shoot yourself my friend...

Don't make your family cry with your wrong decisions...

Don't make Satan laugh with your bad actions...

Just remember you're not the only one...

You're not the only one... We are all suffering...

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro