Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Spoliarium

ANG SILID ay punong-puno ng painting ng isang napakagandang babae. Sa isang tabi, makikita ang lalaking gumuguhit ng panibagong painting ng babaeng iyon.

Araw-araw niyang pinipinta ang mukha ng babae at tila wala siyang balak magsawa. Tila ba isinilang siya sa mundo para lang iguhit nang paulit-ulit ang babaeng iyon.

"Hindi talaga ako magsasawa sa 'yo, mahal ko. Ikaw na lang ang nagpapasaya sa akin. Mag-isa na lang ako sa buhay, wala na akong pamilya at kamag-anak. Ikaw na lang ang dahilan kung bakit pinipilit ko pa ring mabuhay ngayon," parang tao na kinakausap ni Mac Frank ang painting.

Kung mamamatay siya, hindi na niya maiguguhit ang mukha ng babaeng iyon kahit kailan. Kaya sa halip na sayangin ang buhay sa wala, nagpasya siyang iguhit na lang sa papel ang babae araw-araw. Doon na lang niya uubusin ang kanyang lakas. Iguguhit niya ang babae hangga't may hininga pa siya.

Ang bahay ni Mac Frank ay punong-puno ng painting ng babaeng tinatawag niya bilang Floreza. Sa loob ng isang araw, umaabot ng mahigit isang daang painting ang nagagawa niya para lang sa babae. May malaki, may maliit, halos hindi na nga siya kumain.

Tuwing gabi rin, madalas pa niyang mapanaginipan ang babae. Kapiling daw niya ito, masaya silang nagsasama, araw-araw silang ikinakasal. Iyon nga ang dahilan kung bakit sa bawat araw na dumadaan ay lalo pang tumitindi ang pagnanasa niya kay Floreza. Tila ginagayuma siya nito sa panaginip niya. O baka sadyang maganda lang talaga ang babae kaya baliw na baliw siya rito.

Kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng magagandang babae sa mundo, hindi pa rin nila kayang higitan ang taglay na ganda ni Floreza. Walang salita ang makakapagpaliwanag kung gaano siya kaganda. May iba d'yan na maputi, morena, mestiza, black beauty, o kung anu-ano pa mang uri ng hitsura. Pero si Floreza, lubhang naiiba ang kagandahan. Infinite beauty.

Masisisi ba ni Mac Frank ang sarili kung mabaliw siya nang ganoon sa babae?

Pero sino nga ba si Floreza sa buhay niya? Maging siya ay hindi rin ito masagot. Ni hindi pa nga niya nakikita sa totoong buhay ang babae. At wala ring nakakaalam kung nag-e-exist ba talaga ito sa mundo.

Basta nakilala lang ni Mac Frank ang babae sa isang lumang litrato na napulot lang niya sa daan. Sinigurado niyang hindi mananakaw ang litratong iyon sa kanya.

Inilagay niya ito sa loob ng aparatong salamin na nakapatong sa isang altar na punong-puno ng mga bulaklak at kandila. May kandado rin ang aparatong iyon para makasigurado siya sa seguridad nito. Ganoon kaprotektado ang orihinal na litrato ni Floreza.

Kapag nawala ito sa kanya, baka iyon na rin ang maging huling araw ni Mac Frank sa mundo.

Nang hapong iyon ay nagluto ng masarap na pagkain si Mac Frank. Siya lang din naman ang kakain ng mga ito. Nakapatong pa ang isang painting ni Floreza sa harap niya habang kumakain.

Medyo nangangayayat na siya dahil sa puyat gabi-gabi kaya ito ang pamamaraan niya para makakain nang marami. Tinititigan niya ang mukha ni Floreza para mas maparami ang kain niya. Kahit papaano ay nababawi niya ang lakas na nawawala sa kanya.

Nang gabi namang iyon, bago matulog ay muli pang nag-painting si Mac Frank. Nang matapos ay sinabit naman niya ito sa harap ng pinto niya sa kuwarto.

Napagod din ang mga kamay niya kaya naisipan niyang magpahinga. Sa kanyang tabi ay nakapuwesto ang isang maliit na painting ni Floreza. Katabi niya ito gabi-gabi sa higaan niya. Kinukumutan pa nga niya.

"Hindi ko alam kung sa anong panahon ka nabuhay, Floreza. Kung magkakaroon lang sana ako ng kapangyarihan, babalik at babalik talaga ako sa panahon kung saan ka nabuhay para makasama kita. Pagtatagpuin ko ang tadhana natin. Kaso mukhang malabong mangyari 'yon." Nangingilid na ang mga luha ni Mac Frank habang nakatitig sa painting.

"Imposibleng magkasama pa tayo dahil ipinanganak ako sa maling panahon." Hindi niya napigilang humagulgol nang iyak.

Tuwing gabi bago matulog ay lagi siyang naiiyak nang ganoon sa tuwing maiisip ang hindi pinagtagpong panahon nila ng babaeng iyon. Bakit ba labis-labis ang pagnanasang nararamdaman niya sa isang babaeng walang kasiguraduhan ang existence sa mundo?

Pinipilit niyang paniwalaang totoo si Floreza dahil sa litrato nitong napulot niya. Pero minsan ay naiisip din niyang baka edited lang ito o manipulated lang ng kung sinong Photoshop expert. Sa panahon ngayon ay napakadali nang pekein ng kahit anong bagay, pati nga litrato at mukha ng tao.

Basta ang alam lang niya, abot hanggang langit ang pagmamahal niya sa babae. Baka nga lagpas pa sa langit. Sukdulan. Walang katapusan. Mas malawak pa sa kalawakan.

Dumilim ang paligid. May tumawag sa pangalan niya. Labing isang palapag. Tinanong kung okay lang siya, sabay abot ng baso, tila naghihintay sa kanya.

Uminom sila ng gintong alak. Pinagsaluhan nila ang malamig na gabi. Sa tabi ay nakasabit ang gintong salamin. Walang kapantay ang kaligayahan nilang dalawa. Sinabayan pa ng makahulugang awitin na sumasabay sa bawat kaganapan.

Iyon na ang pinakamasayang sandali ng buhay ni Frank. Pero pagmulat niya, nagbalik sa dati ang lahat. Nanlumo siya, panaginip lang pala.

Kung puwede lang niyang itigil ang pag-ikot ng mundo, para lang hindi na magising sa panaginip na iyon. Bakit ba madalas ay panaginip pa ang mas masaya kaysa sa totoong buhay?

Umiyak ang umaga ni Frank. Ibinuhos na lang niya ang labis na kalungkutan sa pagpinta ng bagong mga larawan ni Floreza.

"Ilang painting pa ba ang kailangan kong gawin para lang magkatotoo ka? Ano pa ba ang ritwal na dapat kong usalin para lang mabuhay ka?" pagtangis niya habang ginuguhit ang mukha ni Floreza sa canvas.

Ewan niya, at ewan ng lahat kung sinong may pakana. Lahat ng kalungkutan ay gumuguhit na lang sa kanyang lalamunan.

Bigla siyang may naalalang kanta. Naisipan niyang patugtugin ang Spoliarium ng Eraserheads sa Vinyl player niya habang ginuguhit ang mukha ni Floreza.

Umiikot ang album ng Eraserheads na pinamagatang "Sticker Happy" sa Vinyl habang tumutugtog ang awit na iyon.

Mas lalo siyang ginaganahan magpinta kapag pinapatugtog ang naturang kanta. Tila nagkakaroon siya ng panibagong enerhiya para ipagpatuloy ang buhay. Iyon ang kantang nais niyang ialay at iharana kay Floreza kung makita lang niya ito sa totoong buhay.

Sa umaga lang na iyon ay sampung painting na agad ang natapos niya. Sobrang sikip na nga ng bahay niya sa dami ng paintings ni Floreza. Halos hindi na niya malaman kung saan pa isisiksik ang ilan sa mga ito.

Medyo gumaan na ang pakiramdam niya dahil sa sampung painting na kanyang natapos. Inisip niyang magiging masaya na muli si Floreza rito kaya naisipan niyang magpahinga muna.

Doon pa lang siya nag-agahan habang kaharap sa lamesa ang isa sa mga painting ng babae. Pagkatapos kumain ay nagtungo naman siya sa sala at lumuhod sa harap ng altar ni Floreza.

"Mahal, maraming salamat sa panibagong umaga na ibinigay mo sa akin. Salamat sa lakas at ligayang ipinagkaloob mo ngayong araw para makabuo ng mga bagong paintings mo. Sana'y gabayan mo ako sa bawat sandali, huwag mo akong pababayaan, at lagi mong tatandaan na ikaw lang ang babaeng kinikilala ng puso ko. Amen," sabi niyang tila nagdadasal.

Kung may makakakita lang sa kanya, iisipin nilang nababaliw na siya. Pero kay Frank, isang normal na umaga lamang ito. Gawain na niyang lumuhod at magdasal sa harap ng altar na ginawa niya para kay Floreza. Hindi ito nawawala sa morning routine niya.

Naniniwala kasi siyang balang araw ay magkakatotoo rin si Floreza sa pamamagitan ng Tulpa Effect. Ang Tulpa Effect ay may pagkakahawig sa Imaginary Friend na kadalasang tumatama sa mga kabataan. Ang pinagkaiba lang ay puwedeng magtagal habang buhay ang Tulpa oras na maisagawa ito ng isang tao sa kanyang isip. Hindi siya nito iiwan. Magiging parang tunay na tao talaga ito na puwedeng kausapin at laging nakabuntot sa taong nagmamay-ari dito.

Hanggang isang araw, naisipang lumabas ni Mac Frank para mamili ng mga pagkain. Naubusan na kasi siya ng mga gulay at karne na lulutuin kaya kinakailangan na muli niyang mamalengke.

Pagkauwi ay marami na uli siyang stock ng pagkain sa pridyider. Bago magluto ng tanghalian ay gumawa muli siya ng sampung painting ni Floreza habang kumakanta.

"At ngayon...di pa rin alam kung bakit tayo nandito. Puwede bang itigil mo na..." bago pa matapos ni Mac Frank ang huling bahagi ng lyrics ay may narinig siyang boses.

"Ang pag-ikot ng mundo..."

Nagulat siya. Napalinga siya sa paligid. Ewan niya, at ewan ng lahat kung tama ba ang narinig niya, tila may isang boses ng babae ang nagpatuloy sa kanta niya.

Nilibot pa niya ang buong sulok ng bahay pero wala siyang nakitang tao maliban sa kanya. Hindi siya maaaring linlangin ng pandinig. Alam niyang boses ng babae ang narinig niya, kinanta pa nga ang huling bahagi ng lyrics niya.

"Floreza? I-ikaw na ba 'yan?" muli niyang tanong sa hangin. "Magsalita ka. Kumanta ka ulit. Sabayan mo ako, Floreza. Kumanta tayo! At ngayon...di pa rin alam kung bakit tayo nandito...puwede bang itigil mo na...ang pag-ikot ng mundo... Sabayan mo ako, Floreza! Sabayan mo akoooo!"

Nababaliw na naman si Frank sa labis na saya. Muli siyang lumuhod sa harap ng altar ng babae at paulit-ulit na kinanta ang Spoliarium. Sa tingin niya'y ito na ang bagay na makakapagpabuhay sa babae.

Magdamag siyang kumakanta. Lumatag na lang muli ang gabi ay hindi pa rin siya humihinto. Naubos na lang ang boses niya ay wala pa ring nangyayari, hindi pa rin nagkakatotoo si Floreza, at hindi na muling nagparinig sa kanya ang misteryosong boses ng isang babae kanina.

Dahil doon ay muling nilamon ng kalungkutan si Mac Frank. Daig pa niya ang namatayan kung magluksa. Sa labis na bugso ng damdamin ay kung anu-ano na ang ginawa niyang kabaliwan.

Nilaslas niya ang balat at ginamit ang sariling dugo para ipinta ang mukha ni Floreza. Inirecord pa niya iyon sa kanyang video camera. Habang nagpipinta ay nagsasalita siya sa harap ng camera. Kinukuwento niya ang lahat ng tungkol kay Floreza, kung paano niya ito nakilala at kung gaano niya ito kamahal.

Nang matapos niya ang painting na gawa mismo sa kanyang dugo ay iniharap niya ito sa camera. "Ito na yata ang pinakamagandang painting na nagawa ko."

Sa sumunod na eksena, makikita si Mac Frank na katabi ang Vinyl player habang pinapatugtog muli ang kantang Spoliarium.

Umiyak ang umaga

Ano'ng sinulat ni Enteng at Joey diyan

Sa gintong salamin

'Di ko na mabasa 'pagkat merong nagbura

Sa bahaging iyon ay huminto siya at muling tumitig sa camera. "Alam n'yo, buong buhay ko ay binuhos ko para iguhit si Floreza. Hindi ako nagsasawa sa kagandahan niya. Lahat ng trabaho ko noon na may kinalaman sa pagpipinta ay tinalikuran ko lahat para lang sa kanya. Napagpasyahan ko kasing siya na lang ang iguguhit ko habang buhay. Sa ganitong paraan umaasa ako na balang araw magkikita kami at masisilayan din niya ang mga paintings ko."

Natigil sa pagsasalita si Mac Frank at muling sinabayan ang kanta. Mayamaya ay nagsalita na naman siya. "At sa tingin ko, ngayon na ang araw na 'yon. Ngayon na kami magkikita. Alam kong wala na sa mundong ito si Floreza. Kaya naman ako na lang ang susunod sa kanya sa kabilang buhay, at doon sigurado akong makikita ko siya. Magkikita kami."

Biglang inilabas ni Mac Frank sa kanyang bulsa ang isang baril na kanina pa pala niya itinatago roon. Ikinaway pa niya ito sa harap ng camera.

"Kung iniisip n'yong nababaliw ako, nagkakamali kayo. Alam ko ang ginagawa ko, at kaya ko ginagawa ito ay nais kong ipakita sa buong mundo ang pagmamahal ko kay Floreza. Susundan ko siya sa kabilang buhay!"

Itinutok ni Mac Frank sa ulo ang baril, saka muling sinabayan ang huling bahagi ng kantang tumutugtog sa Vinyl.

"Ang pag-ikot ng mundo, ang pag-ikot ng mundo, ang pag-ikot ng mundo, ang pag-ikot ng mundo..."

At nang matapos ito ay ipinutok na niya ang baril sa kanyang ulo. Isang iglap lang ay bumulagta siya sa sahig at tumalamsik sa pader ang dugo na nagmula sa nabutas niyang ulo.

Nanatiling naka-standby ang camera habang patuloy na nirerecord ang tahimik na paligid.

NAGING viral sa internet ang suicide video ni Mac Frank. Natagpuan ito sa kanyang silid matapos mangamoy ang nabubulok niyang bangkay. Dahil dito ay pinagkakaguluhan na naman ang kantang Spoliarium ng Eraserheads. Ito kasi ang kantang pinatugtog ni Frank bago siya nagpakamatay.

Kung dati ay nakilala ang kanta dahil sa aktres na si Pepsi Paloma, ngayon naman ay iniuugnay na ito kay Mac Frank dahil sa suicide video niya.

Ayon sa mga ekspertong sumuri kay Mac Frank, maaaring nagkaroon daw ito ng diperensiya sa pag-iisip dahil sa labis na obsession kay Floreza.

Katunayan, hindi lang iyon ang unang pagkakataon na may nagpakamatay sa babaeng ito. Dahil noong mga nakaraang dekada ay ilang kalalakihan na rin ang naitalang kinitil ang sarili nilang buhay dahil kay Floreza. Lahat sila ay nabaliw sa babaeng ito at nagpakamatay para sundan sa kabilang buhay ang pinakamamahal nilang babae.

Isang lalaki noong 2002 ang nagpakamatay dahil kay Floreza. Lagi niyang hawak ang litrato nito at halos ayaw nang bitawan. May talento sa pagkanta ang lalaking iyon at suki rin sa mga singing contest. Pero dahil kay Floreza ay nasira ang career nito. Mula noon ay huminto na raw ito sa pagkanta at lagi na lang nagkukulong sa bahay. Paulit-ulit daw nitong kinakantahan si Floreza. Gumagawa pa nga ito ng sariling kanta na alay nito sa babae. Hanggang sa dumating nga ang araw na nagpakamatay na ito sa labis na obsession sa babae.

Isang lalaki naman noong 2006 ang nagpakamatay rin matapos mabaliw sa babae. Kilala ito sa paggawa ng mga sculptures. Pero tumigil din ito sa trabaho mula nang makita ang litrato ng babae. Wala na raw itong ibang ginawa noon kundi ang bumuo ng sculptures na hawig sa anyo ng babae. Doon nito ibinuhos ang natitirang sandali ng buhay bago nagpakamatay.

Marami pang mga lalaki noon ang nagpakamatay dahil sa labis na pagmamahal at pagnanasa sa babae. At ngayon nga ay kabilang na rin dito si Mac Frank, kilala bilang isang mahusay na pintor, ibinuhos din nito ang natitirang panahon sa mundo para iguhit at ipinta nang paulit-ulit ang babae bago nito tinuluyan ang sarili.

Doon nila napagtanto na ang lahat ng lalaking humahawak sa lumang litrato na iyon ni Floreza ay nababaliw at tila nagagayuma. Wala nang nakakaalam kung saan napunta ang litrato matapos ng nangyari kay Mac Frank.

Dahil doon, iisa ang naging tanong ng lahat. Sino nga ba talaga si Floreza?

Muling nabuhay ang isyu tungkol sa pagkatao ni Floreza. Dahil moderno na ang panahon ay mas nagkaroon ng kakayahan ang mga eksperto para alamin ang katauhan ng babaeng ito.

Natagpuan nila ang isang lumang libro tungkol kay Floreza Amor Valiente. Ito ang buong pangalan ng babae. Ipinanganak daw ito noong 1956 at namatay noong 1979.

Ang awtor ng libro ay kaibigan mismo ng babae. At ito ang naglakas-loob na magkuwento tungkol sa talambuhay ng kanyang kaibigan sa pamamagitan ng librong iyon.

Hinanap nila ang awtor na ito na nagngangalang si Don Morte. Natagpuan nila ito sa probinsiya ng Pampanga, at ayon dito, sadyang naging mapait daw ang buhay ni Floreza. Gaya ng isinaad niya sa libro, ilang beses daw nasawi sa pag-ibig ang babae. Halos hindi mabilang ang mga lalaking nanloko rito noon na naging dahilan ng pagpapatiwakal nito.

Iyon lang ang impormasyong nakuha nila tungkol kay Floreza. Bigo pa rin silang malaman kung anong misteryo ang nagtutulak sa mga kalalakihan para magpakamatay sa babae. Lahat sila inalay ang sariling buhay para lang sa isang babaeng matagal nang patay.

Ilang lalaki pa kaya ang paluluhain ni Floreza? Ilang lalaki pa ba ang magbubuwis ng buhay para lang sundan siya sa kabilang buhay?

Ang pangyayaring ito ay parang katulad ng Spoliarium na painting ni Juan Luna kung saan maraming mga lalaki ang namatay, pinatay at ikinulong sa isang lugar na punong-puno ng kalungkutan at pagdurusa.

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro