John Dale
SA GITNA ng daan huminto ang sasakyan ni Dale. Parang mga dagang nagsulputan ang mga Paparazzi at pinalibutan ang sasakyan. Sunod-sunod ang flash ng camera at kaliwaan ang pagkuha ng video.
Galit na lumabas ng sasakyan si Dale. "Bakit hindi ka pa bumaba d'yan putang-ina! Kotse ko ito kaya ako lang dapat ang nagmamaneho nito! Bumaba ka d'yan lumipat ka rito sa puwesto ko!" Wala siyang pakialam sa mga media na dokumentado lahat ng lumalabas sa bibig niya.
Ang personal assistant na si Mark ay halos walang maibugang salita gawa ng labis na hiya. Siya na mismo ang nahihiya sa eskandalong ginagawa ng amo niya. Hindi niya alam kung paano pa ito aawatin.
"Bilin po kasi sa akin ng tatay n'yo ako na raw po ang magmamaneho para makasigurado kami sa inyong kaligtasan."
"Ano naman ang tingin n'yo sa 'kin? Bata na kailangan pang ihatid-sundo? Putang-ina ka! Bumaba ka d'yan at lumipat ka rito! Kotse ko ito at gusto kong magmaneho!"
Nang hindi pa rin bumaba ang lalaki ay sinipa na ni Dale ang pinto ng kotse. "Mga putang ina n'yong lahat! Ano pang silbi ng binili kong kotse kung hindi ko lang din magagamit!"
Halos madurog ang loob ni Mark kapag nakikitang pinagpipistahan ng mga media ang kanyang amo na dumadanas ngayon ng matinding problema sa career bilang artista.
Si John Dale delos Santos ay nakilala sa mga pelikula kung saan laging siya ang humahakot sa mga best actor category. Lalo pang lumawak ang kanyang pangalan nang ibida siya sa telebisyon at nagkaroon ng sariling teleserye.
Sa kabila ng matinding kasikatan, kapangyarihan at karangyaan, tila hindi naging maganda ang naidulot nito kay Dale. Ito siya ngayon. Palaging laman ng balita gawa ng mga eskandalong siya mismo ang nagpasimula.
Noong nakaraang buwan, natagpuan siyang nakalumpasay sa daan at lunod na lunod sa alak. Noong nakaraang linggo lang din, namatay ang kanyang ina na itinuturin niyang kaisa-isang kakampi sa buhay.
Hindi niya kasundo ang ama niya simula pa man. Bagama't magkasama sila sa iisang bubong ay bihira lang sila kung mag-usap. Matagal nang may alitan ang mag-ama at lalo pa itong tumindi ngayong wala na ang ina niya.
Ilang araw lang din ang lumipas mula nang makipag-breakup sa kanya ang girlfriend na si Stacey Lopez dahil hindi na raw nito kayang tiisin ang kanyang ugali.
Sunod-sunod na putik ang bumagsak sa buhay ni Dale ngayong taon na naging dahilan ng kanyang paglubog.
"Hindi ka ba lalabas d'yan? Sasakyan ko 'to hayaan mo kong magmaneho sa sarili kong sasakyan!"
"Please lang, boss. Tama na marami nang tao sa paligid, oh!"
"Wala akong pakialam sa kanila! Bumaba ka d'yan at lumipat ka sabi rito! Pagamitin mo ako sa kotse ko!"
Para matapos na ang lahat ay bumaba na lang si Mark at sinunod ang kagustuhan ng lalaki kahit alam niyang mayayari siya sa tatay nito pag-uwi nila.
Napaatras ang ilang mga Paparazzi na nakaharang sa daan nang patakbuhin ni Dale nang sobrang bilis ang sasakyan.
Kinabahan si Mark dahil sa pagewang-gewang na takbo ng sasakyan habang nasa gitna ng daan. Sa bawat segundo ay panganib ang naghihintay sa kanila.
Habang nagmamaneho, isang marijuana ang kinuha ni Dale sa bag na nasa kanyang tabi. Wala nang mas sasarap pa sa paghithit ng marijuana habang nagmamaneho. Pakiramdam niya'y naglalakbay siya sa langit.
"Boss, huwag naman dito nasa gitna pa tayo ng daan, eh."
"Ikaw putang ina mo ka, hindi tayo magkaano-ano. Wala kang karapatang bawalan ako sa gusto kong gawin. Buhay ko 'to naiintindihan mo? Assistant ka lang! Taga-utos lang kita kaya manahimik ka lang d'yan!"
Pagkaraan ng mahigit kalahating oras ay nilamon ng marijuana si Dale at nagsimulang umikot ang kanyang utak.
Nakaramdam siya ng labis-labis na saya. Sa sobrang saya ay pinabilis pa niya lalo ang takbo ng sasakyan. Kulang na lang ay lumutang na ito sa lupa.
"Booooosss!" Iyon ang huling sigaw ng assistant niya bago sila bumangga sa isang abandonadong gusali.
Laman ng headline kinabukasan ang car accident ni Dale. Mapalad ang lalaki dahil buhay sila ng assistant niya at parehong ginagamot ngayon sa ospital.
Alalang-alala ang ama niyang si Ferdinand delos Santos nang makadalaw ito sa ospital at makita ang anak na tadtad ng sugat ang buong katawan.
Nanganganib pa ngayong panagutin sa batas ang lalaki dahil nakakita ang mga awtoridad ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng sasakyan nito.
Isang linggo ang lumipas nang maka-recover si Dale, dinala siya ng ama sa korte para isailalim sa conservatorship. Isa itong legal concept kung saan magtatalaga ang hurado ng isang responsible person o tinatawag na conservator para alagaan ang finances at buhay ng isang taong hindi kayang pangalagaan ang sarili nito.
Ang taong ipapasok sa ganito ay tinatawag na conservatee, kung saan magkakaroon siya ng guardian na magma-manage sa kanyang daily routine at mga finances. Kadalasang nawawalan ng karapatan ang conservatee sa karamihan ng mga bagay na kanilang ginagawa at dapat ito ay idadaan muna sa conservator pati sa hurado upang maprotektahan siya lalo na sa mga desisyon sa buhay.
Labag sa loob ni Dale ang ginawa ng kanyang ama. Lalong tumindi ang galit niya rito. Palibhasa'y hindi nito naiintindihan ang kanyang nararamdaman.
Ang gusto lang naman niya ay kalayaan. Kalayaan na ipinagkait sa kanya mula nang sumikat siya.
Halos kontrolin na ng management niya ang kanyang career upang mapanatili siyang malakas sa masa lalo na sa entertainment media. Pinipilit siyang ipasok sa mga programa at commercial na hindi niya gusto.
Ang nais lang niya ay magpahinga muna sa telebisyon at mag-travel sa iba't ibang bansa na pinapangarap niyang puntahan noon pa man subalit kontra dito ang ama niya.
Ayaw siya nitong pahintuin sa trabaho. Palibhasa limpak-limpak na salapi ang nakukuha nito sa kanya. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nagdidilim ang isip ngayon ni Dale.
Mayaman na nga siya ngunit hindi naman niya halos kontrolado ang sarili niyang pera. Karamihan dito ay ama lang niya ang humahawak at nagpapatakbo. Hindi rin niya magawa ang lahat ng gusto niya dahil nililimitahan ng kanyang management ang mga bagay na dapat niyang gawin sa harap ng camera.
Para siyang robot na sunud-sunuran lang sa ibang tao. Ang tingin sa kanya ng mga ito ay makina ng pera. Bukod pa rito ang mga araw na halos hindi na siya natutulog gawa ng sunod-sunod na schedule ng mga proyektong kailangan niyang tapusin.
Hanggang sa dumating nga ang araw na tuluyang bumigay ang katawan at isip ni Dale at inilabas na niya ang poot na naipon sa dibdib.
Parang bula na naglaho ang lahat ng mga indorsement niya. Kanselado na rin ang teleserye nila sa hapon dahil ihihinto na raw ang taping.
Sa lagay na iyon ni Dale, imposibleng makapag-taping pa ito kaya naisipan ng production na ikansela na ang lahat ng ongoing projects nito.
Ngayon naisip ni Dale na sana pala'y hindi na lang siya sumikat nang ganoon kung ganito lang din ang magiging kapalit. Diring-diri na siya sa mga media na ayaw huminto sa paghukay sa bawat sulok ng buhay niya.
Kahit saan siya magpunta ay nakabuntot ang mga ito para kumuha ng litrato at video. Minsang nagpunta siya sa grocery para mamili ng pagkain ay sinundan pa siya hanggang sa loob. Pati yata sa loob ng public restroom ay gusto pa siyang sundan at kuhanan ng litrato.
Sasabog na ang internet sa dami ng kanyang mga litrato mula sa iba't ibang mga lugar na pinupuntahan niya. Lahat ng mga iyon ay kuha ng mga Paparazzi.
Isang araw nga, sinubukan lang niyang bumili ng milk tea sa labas ng isang Mall nang bigla siyang pinagkaguluhan ng mga media kasama ang kanilang mga camera.
Halos hindi na niya maipasok sa bibig ang straw ng milk tea dahil sa mga mikroponong pilit na inilalapit sa mukha niya.
Kung anu-anong mga walang kuwentang bagay pa ang itinatanong sa kanya. Ang iba ay masyado nang personal at hindi dapat itinatanong sa harap ng camera.
Ang assistant naman niya ay taboy nang taboy sa mga Paparazzi na hindi nauubos sa paligid. Parang mga bubuyog na kapag binugaw ay saglit na aalis at muling babalik sa kanilang puno.
Pagkapasok sa kotse, nakiusap si Mark na kung puwede ay siya na lang ang magmaneho ng sasakyan para makauwi sila nang ligtas.
Gustong magalit ni Dale nang mga sandaling iyon pero sa sobrang sakit ng ulo niya ay hindi na niya nagawang magsalita. Padabog na lang siyang umupo sa tabi ng driver's seat at ipinatong ang mga paa sa bintana ng sasakyan sabay sindi ng yosi sa bibig.
Tikom ang bibig na pumasok ang assistant sa kotse at ito na nga ang nagmaneho.
Kita pa ni Dale ang camera ng mga Paparazzi na pilit idinidikit sa bintana ng sasakyan para lang makuhanan siya ng litrato sa loob.
Sa inis ay tinaas niya ang middle finger at itinutok sa mga ito.
Kinabahan muli si Mark sa ginawang iyon ng amo dahil paniguradong batikos na naman ang aabutin nito kapag nailabas iyon sa internet.
Gabi. Mag-isa si Dale sa kanyang kuwarto habang nakasandal sa headboard ng kama at hawak ang litrato ng yumao niyang ina.
Kung buhay lang siguro ito, malamang ay hindi aabot sa ganito ang lahat. Sa buong miyembro kasi ng kanilang pamilya, ito lang ang palaging naniniwala sa kanya. Dito lang siya nakakapagsabi ng kanyang mga problema.
Nagtanim siya ng matinding galit sa Diyos dahil kinuha nito ang natatanging kakampi niya sa buhay. Bakit hindi na lang ang mga Demonyo sa paligid niya ang kinuha nito gaya ng kanyang ama na sagad sa pagkauhaw sa pera.
Dagdag pa ang nobya niyang pangalan lang pala ang minahal sa kanya at hindi ang puso niya. Kung hindi dahil sa kanya, hindi rin sisikat ang babaeng iyon. Karamihan nga sa mga tagahanga nito ay galing din sa fanbase niya.
Ngayong marumi na ang kanyang pangalan, alam nitong hindi na siya mapakikinabangan kaya iniwan na lang siya sa ere.
Sobrang sama ng loob niya sa mundo. Napatulala na lang si Dale sa litrato ng ina. Walang luha sa kanyang mga mata pero bakas ang labis na lungkot at pangungulila. Buhay pa siya pero patay na ang kalooban niya.
May namuong balak sa isip ni Dale. Lahat ay gagawin niya para lang lubayan ng mga media at Paparazzi. Kung ang ama at management niya ay pinagkaitan siya ng kalayaan, ang mga Paparazzi naman ay pinagkaitan siya ng privacy.
Kinabukasan, kalat na kalat sa internet ang mga bagong litrato ni Dale kung saan makikita ang kalbo niyang ulo, hubad na katawan, at may hawak na rosaryong isinusubo sa kanyang bibig.
Tumindi ang pambabatikos kay Dale sa social media dahil sa mga larawang iyon. Marami ring mga simbahan ang nagalit sa kanya.
Sa ibang mga litrato kasi, makikita ang imahe ng Diyos na nakapatong sa ari niya habang pinagjajakulan ito.
Ang rebulto naman ng mga santo sa altar ay inupuan niya habang may yosi sa bibig.
Sa iba pang larawan, makikita ang cocaine na nakapatong mismo sa isang holy bible at doon ito sinisinghot ng lalaki.
Sino rin ang hindi magugulat sa malaking "FUCK YOU" na isinulat niya sa kanyang mukha gamit ang pentel pen habang nakaupo sa inidoro.
Ang pinakamatindi pa ay ang litrato niyang nakasandal sa isang sulok, hubo't hubad at ginawang pantakip ang bibliya sa kanyang ari.
Kapansin-pansin din ang itim na eyeliner at lipstick na inilagay ni Dale sa kanyang mga mata at labi. Nagmukha siyang hurumentadong adik sa makeup na iyon.
"Ganito pala ang pagkatao ng lalaking ito! Napakabastos! Hindi na niya ginalang ang Diyos!" Samu't saring batikos ang pumutok sa mga headline dahil sa viral na mga self-photoshoot ni Dale.
Iisa ang sinasabi ng lahat. Nawalan na raw ng respeto si Dale sa kanyang sarili. Pati imahe ng mga sagradong nilalang ay binaboy niya at ginawang laruan.
Hindi lang mga simbahan ang nasaktan doon pati na rin ang buong bansa. Lahat ay mainit ang dugo ngayon kay Dale.
"Sa dami ng mga kalokohang puwede mong gawin sa buhay mo, bakit ito pa? Hindi mo man lang ba inisip ang mga taong makakakita nito? Sobrang disappointed kami sa 'yo, idol, o dapat ka pa ba namin tawaging idol?" Pati sarili niyang mga tagahanga ay naglabas na rin ng sama ng loob sa kanya.
Nang araw na iyon, nawalan na nga ng kakampi si Dale sa buong mundo.
Kahit anong galit ngayon ni Ferdinand ay wala na itong magagawa dahil sirang-sira na ang lalaki sa media. Sana pala ay nag-hire na rin siya ng security guard na magbabantay rito hanggang sa loob ng kuwarto pati sa banyo.
Sa sitwasyong ito, hindi na puwedeng iwanan si Dale kahit saan mang sulok ng bahay dahil baka kung anong 'kababalaghan' na naman ang gawin nito sa sarili.
"Look what you've done, Dale! Look what you've done! Have you lost your fucking mind? Bakit mo ginawa 'yon? Ano ba kasing gusto mong mangyari?"
"Alam mo na 'yon, Dad. Alam mo kung ano ang gusto ko noon pa man." Walang reaksyon na pumasok si Dale sa kanyang kuwarto at kinandado ang pinto.
"Hoy! Huwag mo 'kong talikuran!" Kahit anong kalampag ni Ferdinand sa pinto ay dedma lang ang mga tainga ng anak sa kanya.
Muling naupo si Dale sa gilid ng kama at binalikan ang natirang cocaine sa tabi niya. Sa mga sandaling iyon, droga na lang ang kakampi niya. Ito na lang ang naglalayo sa kanya sa realidad para takasan ang masalimuot na mundo.
Hindi droga ang tawag niya rito kundi 'kaibigan'. Kung meron mang droga na masama ang epekto sa tao, iyon mismo ang mga media at Paparazzi na sumira sa kanya. Sila ang tunay na droga na dapat iwasan.
Palibhasa'y hilig hanapan ng issue ang isang artista para libreng ibalita sa mga diyaryo at telebisyon. Iyon lang ang gusto nilang ibida sa mga headline; ang isyu at naghihirap na buhay ng artista.
Ito ang dahilan kung bakit galit na galit siya sa 'droga'. Kahit anong iwas niya'y sunod pa rin nang sunod sa kanya. Sobrang obsessed ang mga ito at kulang na lang ay kuhanan ng litrato pati kaluluwa niya.
Dahil sa ginawa niyang pambababoy sa imahe ng mga santo at Diyos, ewan lang niya kung hindi pa siya lubayan ng mga ito dahil sa pandidiri sa kanya.
Maghapong nakakulong sa kuwarto si Dale habang nagpapakalunod sa marijuana at cocaine. Halos maubos na niya ang supply ng bawal na gamot sa kuwarto niya.
Sa nagdidilim niyang paningin ay isang malaking bulas na nilalang ang tumambad sa kanyang harapan. Maitim ang katawan, mabalahibo, at matutulis ang kuko.
Laking gulat niya nang masilayan ang mahaba nitong bibig, patulis na tainga, mapupulang mga mata at mahahabang sungay. Naging pula rin ang kanyang paningin.
Sa gulat ay nahulog ang marijuana sa bibig niya. "S-sino ka?"
"Ayos 'yang ginawa mo, pare! Alam mo bang nagdiriwang kami ngayon sa nagbabagang kaharian dahil sa ginawa mo? Lahat ng mga barkada ko roon pinasaya mo! Baka gusto mong sumali sa pagdiriwang namin. Maraming mga babae, alak at sigarilyo doon! Higit sa lahat, doon walang 'droga!'"
Napailing si Dale. "Bakit naman ako sasama sa 'yo?"
"Masyado nang masikip ang mundong ito para sa 'yo. Lahat ng tao rito ay kinasusuklaman ka na. Gugustuhin mo pa bang manirahan sa mundong lumilingkis na sa iyong pagkatao? Dito ka na lang sa amin! Dito walang hanggan ang iyong kaligayahan at kalayaan. Higit sa lahat, dito ay walang 'droga' na bubuntot-buntot sa 'yo! Magagawa mo lahat ng gusto mo basta't ibigay mo lang sa 'kin ang iyong katapatan."
"Ang dami mo pang sinasabi putang ina! Kung kalayaan lang ang pag-uusapan hinding-hindi ko tatanggihan 'yan! Teka, saang lugar ba 'yong sinasabi mo at paano tayo pupunta ro'n?"
Humalakhak ng tawa ang nilalang at dahan-dahang lumapit sa kanya. At habang papalapit ito ay unti-unting naparalisa ang buong katawan niya. Nais man niyang sumigaw ay wala nang boses na lumalabas sa kanyang bibig.
Palakas din nang palakas ang mga nakapangingilabot na halakhak sa paligid na sumasagad hanggang sa kaloob-looban ng kanyang mga tainga.
Unti-unti siyang nilamon ng dilim.
KINABUKASAN, nagbabaga sa telebisyon ang pagkamatay ng aktor na si John Dale delos Santos. Natagpuan itong walang buhay sa sariling kuwarto at hubo't hubad ang katawan.
Emosyonal na ibinahagi ng ama nito sa isang interview na inabot daw ng gabi ay hindi pa rin lumalabas ng kuwarto si Dale para kumain. Naisipan nilang kuhanin ang susi at sapilitang pasukin ang kuwarto nito. Doon nila nakita ang walang buhay nitong katawan na payapang nakabulagta sa kama.
Ayon sa imbestigasyon, drug overdose ang ikinamatay ng lalaki. Sa kama nito ay may nakita ring suicide note na nagbigay ng malaking katanungan sa kung ano ang ibig nitong sabihin:
"I don't like the drugs, but the drugs like me."
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro