Gruesome Organs
PANAY ang iyak ng isang lalaki sa madilim na silid nang mapagtanto niyang puro mga bangkay na lang ang kasama niya roon. Ang iba sa mga ito ay putol ang kamay, butas ang dibdib, wakwak ang tiyan at pugot ang ulo.
Biglang bumukas ang pinto; mabilis na pumasok ang liwanag mula sa labas. Tumambad sa kanya ang matangkad na lalaking tadtad ng tattoo ang mukha at katawan.
Kilala niya ito. "Burdado!"
"Oo ako nga."
Lalo siyang humagulgol na may kasamang mura. "Putang ina ka! Putang ina mo! 'Pag nakawala ako rito babalatan kita nang buhay! Hayop! Demonyo!"
"'Yon ay kung makawala ka pa." Sinindihan ni Burdado ang isang makina sa tabi nito. Lumikha iyon ng nakaririnding ingay na halos gumasgas hanggang sa utak.
Hinila ni Burdado ang nakagapos na lalaki at itinapat sa bunganga ng makina. Lalo itong nagsisigaw at nagmakaawa sa kanya.
"O, kanina lang minumura mo pa ako. Ngayon nagmamakaawa ka na."
Binuhat niya ang lalaki at ipinasok sa bunganga ng makina. Nagtalsikan pa sa katawan niya ang sariwang dugo at nadurog na mga laman nito habang kinakain ng makina.
Si Burdado ay kilala bilang notoryus na kriminal. Siya ang lider ng tadtad killer gang na kilala sa makakapal na tattoo sa kanilang katawan.
Ang mga katawan nila ay balot ng burda mula ulo hanggang paa. May piercing pa nga sa ilong at kilay ang iba.
Mag-isa lang siya ngayon sa bahay na iyon dahil nasa isang misyon ang mga miyembro niya. Siya na muna ang gumawa ng ilan sa mga trabaho roon gaya ng pagkatay sa mga bangkay para ibenta ang internal organs sa mga sindikatong nagmula sa China.
Ang iba rito ay binebenta naman nila sa isang black market sa dark web. Higit pa sa malaki ang kinikita nila sa pagbebenta ng weaponries at internal organs sa dark web dahil ang gamit doon ay bitcoin, na doble ang halaga kapag ikinonvert sa currency ng Pilipinas.
Bukod sa tao, nanghuhuli rin sila ng mga rare at exotic animals para ibenta sa mga Tsinong mahilig kumain ng ganito. Isa sila sa taga-hunting ng mga hayop na malapit nang ma-extinct para ibenta.
Sa pangalawang gabi dumating ang mga tauhan niya. May dala-dala pang pasalubong ang mga ito sa kanya. "Para sa 'yo, boss. Nahuli lang namin 'to roon sa pinuntahan namin."
"Salamat mga pare! Nag-abala pa kayo!" Pagbukas niya sa kahon, bumungad ang malaking ahas na kulay kalawang. Ayon sa mga ito, mapanganib daw ang kamandag ng ahas na iyon dahil kaya nitong bumuhay ng patay.
"Ano kamo? Paano naging mapanganib 'yon? Buti nga ito nakakabuhay ng patay. 'Yong ibang ahas, nakakapatay ng buhay!"
"Hindi namin alam, bossing. Hindi pa naman kasi namin nakitang mangagat 'yan, eh. Basta 'yon lang ang nabanggit sa amin no'ng intsik na napagtanungan namin."
"Bahala na! Idadagdag ko na lang 'to sa mga alaga ko. Ano pala ang tawag sa ahas na 'to?"
"Shake Rattle and Roll Snake daw bossing."
"Mga gago ba kayo?"
"Seryoso nga boss. 'Yon talaga 'yong sinabing pangalan nung tsinoy na nakausap namin. Siya kasi ang tumulong sa amin para mahuli 'yan. Nabanggit kasi namin sa kanya na mahilig kayong mag-alaga ng mga ahas."
"Gago!" Nagtaas na lang siya ng kilay rito.
Nag-aalaga rin si Burdado ng mga hayop na mapanganib gaya ng tarantula, malalaking alupihan at makamandag na mga ahas. Nasa isang kuwarto niya ang lahat ng mga iyon.
Ngunit pagpasok niya roon ay puno na ang lahat ng ginawa niyang bahay para sa mga alaga. Ibinalik na muna niya sa kahon ang ahas habang wala pa itong sariling bahay.
Balik sa trabaho kinabukasan ang mga tauhan ni Burdado. Kanya-kanya sila ng bangkay sa mahabang lamesa na waring nagpapaligsahan sa pagkatay sa mga ito. Tinitimbang nila ang bawat internal organs para malaman kung magkano nila ito ibebenta sa black market.
Si Burdado naman ay binalikan ang ahas sa kahon. Maingat niya itong kinuha sa lalagyan hanggang sa mahawakan niya ang ulo nito para hindi makatuklaw.
Humingi siya ng ilang piraso ng lamang-loob sa mga tauhan. Binigyan siya ng isang utak, puso at bituka ng tao.
Inilapag niya ang mga ito sa bakal na lamesa. Mahigpit niyang hinawakan ang ulo ng ahas na kanina pa nagwawala sa kamay niya.
Kinuha niya ang utak saka itinapat sa matatalim na pangil ng ahas. Kitang-kita niya kung paano kinagat ng ahas ang utak ng tao. Mabilis na kumalat sa loob niyon ang kamandag ng ahas. Nag-iwan pa iyon ng dalawang butas sa isang bahagi ng utak kung saan dumaan ang kagat.
Sunod naman niyang ipinakagat dito ang puso ng tao. Lumikha pa ng tunog ang pagbaon ng mga pangil nito na ikinamangha niya. Paano na lang kaya kung sa tao dumapo ang tuklaw ng ahas na iyon? Hindi niya ma-imagine ang sakit at panganib.
Kinuha niya ang bituka at ito naman ang ipinakagat sa ahas. Halos maputol ang mahabang bituka sa talim ng mga pangil nito. Dali-dali niyang ibinalik sa kahon ang ahas saka itinabi sa gilid.
Inilagay naman niya sa tig-isang container ang utak, puso at bituka saka ipinuwesto sa ilalim ng lamesa.
Binalikan niya iyon kinabukasan. Nang silipin niya ang container ay namangha siya sa nakita. Tinubuan ng parang maliliit na buhok ang mga internal organs na kinagat ng naturang ahas.
Isang bagay na ngayon lang niya nakita sa buong buhay niya. Bigla tuloy niyang naalala ang sinabi ng kanyang tauhan na may kakayahan daw bumuhay ng patay ang kagat ng ahas na iyon.
Marami pa silang stock ng bangkay sa bodega pero wala pa siyang ganang subukan kung totoo nga ba ito kaya itinabi na muna niya ang ahas.
Kinabukasan ay nagtungo siya sa bodega para silipin ang mga miyembro niyang nagtatrabaho. Subalit nang mga sandaling iyon ay nagkakagulo ang mga ito at bakas sa kanilang mga anyo ang pagkasindak.
"Anong kaguluhan 'to?" sumingit siya sa kumpulan ng mga ito para tingnan kung ano ang pinagkakaguluhan nila.
Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makita ang isa sa kanyang tauhan, halos hindi na makilala sa tindi ng pagkadurog ng ulo at may malalaki pang butas sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Iisa ang tanong ng lahat. Sino ang gumawa nito sa kanya?
Nakuwestiyon tuloy silang lahat ni Burdado kung mayroon bang nakaaway ang lalaking ito sa kanila o kung may traydor bang nagpapanggap.
Malumanay namang tumanggi ang mga ito at sinabing matibay raw ang samahan nilang lahat kaya imposibleng magkaroon sila ng kagalit sa isa't isa. Masaya pa nga raw silang nagtatrabaho kahapon kasama ang lalaking ito.
Pinainspeksiyon ni Burdado ang buong sulok ng bahay. Baka sakaling may nakapasok na ibang grupo roon na gustong buwagin ang kanilang samahan.
Ilang oras naghanap ang mga tauhan ngunit negative lahat. Malinis ang buong paligid. Walang kahit anong bakas na may nanloob doon.
Naging malaking palaisipan pa rin kay Burdado kung sino ang pumatay sa lalaking iyon. Hindi pa man sila natatahimik dahil sa pagkamatay nito, nasundan na naman ang malagim na pangyayari.
Natagpuan nila kinabukasan ang dalawa pang miyembro, naliligo sa sariling dugo at may malalaking butas sa buong katawan.
Inutusan niya muli ang mga tauhan na magmanman sa buong paligid. Naiwan siyang mag-isa sa bodega habang pinagmamasdan ang dalawang bangkay ng tauhan.
Nagtaka lang siya kung bakit namatay ang mga ito sa bahagi ng sahig kung saan din natagpuan ang unang miyembro na nasawi. Bukod doon, pare-pareho rin silang namatay na butas-butas ang buong katawan. Tila magkakapareho ang pattern at lugar kung saan sila namamatay.
Inusog ni Burdado sa isang tabi ang mga bangkay. Nang mapasulyap siya sa bakal na lamesang nasa harapan, doon niya biglang naalala ang mga container na iniwan niya sa ilalim niyon. Ang mga lamang-loob na ipinakagat niya noon sa isang rare snake na iniregalo sa kanya ng mga tauhan na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya magawan ng sariling bahay.
Inilabas niya ang tatlong container at ipinatong sa lamesa. Nagulat siya dahil wala nang laman ang dalawa. Nawawala ang utak at ang bituka. Ang tanging natira lang doon ay ang puso.
Ngunit nang buksan niya ang container ay nagulat siya sa nakita. Ang puso ng tao ay may mga galamay at bibig na! Gumagalaw ito na parang hayop. Mas kumapal pa ang buhok sa katawan nito.
Larawan siya ng pagtataka. "A-Anong..."
Bago pa siya makagawa ng aksyon ay biglang lumundag ang puso sa mukha niya. Bumaon sa kanyang balat ang mga galamay nito.
Nagwala siya at pilit itong tinatanggal hanggang sa ikadulas niya ito. Tumama siya sa isang kahon sa tabi.
Bumaligtad ang kahon hanggang sa makalabas doon ang ahas na iniregalo sa kanya. Tila nabulabog ito kaya mabilis siyang tinuklaw sa leeg.
Umalingawngaw sa buong bodega ang kanyang sigaw. Doon pa lang niya natanggal ang kumapit na puso sa kanyang mukha saka ito inihagis palayo.
Kumapit siya sa mga lamesa para makatayo saka nagtungo sa mga tauhan. Ngunit nang puntahan niya ang kinaroroonan ng mga ito, nakita niyang nagkakagulo rin sila sa dalawang nilalang na umaatake.
Ang ilan sa mga tauhan ay patay na rin at puno ng butas sa katawan. Laking gulat ni Burdado nang makita kung ano ang umaatake sa mga ito.
Ang utak at ang bituka na ipinakagat din niya sa ahas na tumuklaw sa kanya ngayon! Nagkaroon din ng bibig at galamay ang mga ito, kumikilos na parang insekto at may sarili na ring isip!
Isang bagay ang pumasok sa isip ni Burdado. Maaaring hindi nga pangkaraniwan ang taglay na kamandag ng ahas na iyon. Ibig sabihin, ang anumang bagay na makagat nito ay nagkakaroon ng sariling buhay, sariling anyo, at nagiging halimaw.
Nang maramdaman ang presensiya niya ay mabilis na lumundag ang mga ito sa kanya at kinagat-kagat ang magkakaibang bahagi ng kanyang katawan. Natumba sa sahig si Burdado. Wala na siyang nagawa para iligtas ang sarili sa kagat ng mga lamang-loob na nagkaroon ng sariling buhay.
Sa bawat pagbaon ng galamay ng mga ito ay lumilikha iyon ng napakalaking butas na nagpapaapaw sa sariwa niyang dugo. Nasaksihan ng mga natirang tauhan kung paano butasin ng mga nilalang na ito ang katawan ng lider nila.
Gumapang papasok sa bibig ni Burdado ang bituka na nagmistulang alupihan sa dami ng mga galamay. Lumikha ito ng butas sa loob ng kanyang katawan saka lumabas sa kabilang mata niya.
Gumulong ang nahulog na eyeball at tumapat sa naglalakad na puso. Pinulot iyon ng puso gamit ang mga galamay nito at isinubo sa bibig.
Ang utak naman ay binabalatan siya ng buhay gamit ang matatalim nitong mga galamay. Nagmukhang gagamba ang utak sa laki ng mga galamay nito.
Hindi na kinaya ng katawan ni Burdado ang atake ng mga ito, dagdag pa ang tuklaw sa kanya ng ahas na unti-unting lumalason ngayon sa kaloob-looban ng kanyang katawan.
Di nagtagal, naging katulad na rin si Burdado ng mga nasawi niyang tauhan. Tadtad na rin ng malalaking butas ang kanyang katawan.
"A-anong nangyari sa mga lamang-loob na 'yan? Bakit sila nagkaroon ng mga kamay at bibig?" nanginginig ang tinig na tanong ng isa sa mga natirang tauhan.
"Hindi ko rin alam, pare! Mabuti pa umalis na tayo rito. Patay na si boss! Hindi na niya malalaman ang mga gagawin natin!"
"Bakit? Ano ba'ng binabalak mo, pare?"
"Hahalungkatin natin kung saan niya tinatago 'yong pera niya! Kapag nakuha natin 'yon, puwede na tayong magbagong-buhay! Hindi na natin kailangang gawin 'to! Lalo na't mainit na tayo sa mata ng batas. Kapag nahuli pa uli nila ang bahay na pinagtataguan natin ngayon, wala na tayong ibang malilipatan pa!"
"Baliw ka ba? Parang hindi mo na nirespeto ang grupong itinayo ni bossing kung tatraydurin mo lang siya nang ganyan!"
"Ikaw ang baliw, ungas! Sa tingin mo ba may mapapala ka pa sa katapatan mong 'yan ngayong patay na siya? Kung ayaw mong sumama sa akin, bahala ka na!"
Lalabas na sana ang tauhan nang biglang sumulpot sa harap nito ang ahas na pasalubong nila sa amo.
Bago pa ito makagawa ng aksyon ay tinuklaw na rin ito ng ahas. Nangisay sa sahig ang tauhang iyon. Di nagtagal ay nilapitan na rin ito ng gumagalaw na utak, puso at bituka para butasin at balatan ang katawan nito.
Lalong bumagsik ang ahas nang mga sandaling iyon. Wala nang nagawa ang mga natirang tauhan doon para iligtas ang kanilang mga sarili. Sinubukan nilang magtulungan para masugpo ang ahas. Ngunit sa huli, pare-pareho lang silang natuklaw nito.
Walang natira sa buong grupo. Natigok silang lahat.
Isa-isang nagsilabasan sa kanilang mga butas na katawan ang sarili nilang lamang-loob gaya ng puso, utak, bituka, atay, at baga. Lahat ng mga ito ay nagkaroon ng sariling buhay, bibig at galamay.
Napakaagresibo nila. Uhaw na uhaw sa katawan at balat ng tao. Pagsapit ng gabing iyon, makikita silang gumagala sa pampublikong lugar. Gulat na gulat ang mga tao nang makita ang mga lamang-loob na may malalaking galamay at gumagapang papalapit sa kanila.
"Anong impakto ang mga 'yan?"
Sa isang iglap lang, umalingawngaw sa paligid ang sigawan at kaguluhan ng mga tao.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro