Bulaklak ni Carla
SA LABAS ng bahay ni Carla, may isang itim na sasakyang nakaparada. Lulan nito ang tatlong lalaki na kahapon pa nagmamasid sa bahay.
"Anong ginagawa niya?" tanong ni Mando na nakapuwesto sa likod.
"Nagdidilig ng halaman sa garden, boss," sagot ng tauhang si Regio.
Tumayo mula sa pagkakahiga si Mando at sumilip din sa bintana. Nakita niya ang babae na parang prinsesa kung diligan ang mga halaman at bulaklak nito sa hardin.
Higit pa sa prinsesa ang tingin ni Mando kay Carla. Sa puti ng balat nito, pati na rin sa mala-diyosang mukha, ito na yata ang pinakaperpektong babae sa paningin niya.
Matagal nang may pagnanasa si Mando sa babae. Ngunit tila nagunaw ang mundo niya nang malamang nobyo na nito ang lalaking mortal niyang karibal.
Mula noon ay tuluyang nabaliw si Mando sa babae. Dumating siya sa puntong nais na niya itong dukutin para ilayo sa lahat ng tao upang masolo niya.
Iyon nga ang dahilan kaya ilang araw silang nagmamasid doon para pag-aralan kung paano nila dudukutin ang babae.
"Mamayang gabi na ang target date natin. Siguraduhin n'yong hindi tayo papalpak dito," ani Mando sa dalawang tauhan.
"Yes boss," sagot naman ng isa pang tauhan na si Damien. "Base sa obserbasyon namin dito, kada alas-dyes ng gabi tahimik na sa labas. Wala nang katao-tao kaya hindi na tayo mahihirapan. Wala ring CCTV rito dahil may problema raw ngayon sa sistema ng barangay."
"Mabuti naman kung gano'n. Magiging sisiw lang sa atin ang trabahong ito." Sabay sindi ni Mando ng lighter sa yosing nasa bibig.
Agad ding umalis ang grupo. Habang pabalik sa kanilang hideout, muling pinag-usapan ng grupo ang plano nila kay Carla.
"Boss, saan ba natin dadalhin si Carla kapag nakuha na natin? Doon ba sa hideout natin o sa bahay n'yo na lang sa Bulacan?" tanong ni Regio.
"Doon na lang sa Bulacan. Kailangan mailayo natin siya nang husto para walang makaalam kung nasaan siya. Gustong-gusto ko na siyang tikman. Gigil na gigil na ako!"
"E, paano na 'yong pinangako natin doon sa kliyente nating arabo? 'Di ba may usapan kayo na bibigyan n'yo siya ng magandang babae? Ang laki pa naman ng gustong ibayad sa atin ng arabong 'yon!" pakli ni Damien.
"Maghahanap na lang tayo ng iba. Marami namang babae d'yan na puwedeng ibigay do'n sa arabo. Basta sa akin lang si Carla. Hindi na siya kasali sa trabaho natin dahil personal property ko siya!"
"Aba, ayos! Buti pa kayo may personal property. Sana kami rin," biro pa ni Regio.
"Basta't gawin n'yo lang nang maayos ang trabaho n'yo! Ganito na lang, kapag tagumpay tayong nakuha si Carla ko, at nabigyan din natin ng ibang babae 'yong arabo, dadalhin ko kayo sa Sabang kung saan mas maraming babae. Magsasawa kayo ro'n!"
"Sabang? Sa Puerto Gallera? Naku gusto ko 'yan!" ganadong sagot ni Damien.
"Kaya ayusin n'yo ang trabaho n'yo! Kapag nakuha na natin si Carla, humanap naman kayo ng ibang magandang babae para doon sa arabo. Kapag nagustuhan niya 'yong babae, sigurado malaking pera din ang makukuha natin doon! Kaya pagsikapan n'yo dahil ako pinagsisikapan kong makuha ang Carla na 'yan."
"Anong ikaw? Boss naman! Siyempre tayong tatlo! Hindi mo naman magagawa ang mga plano mo kung wala kami. Dapat bahagian mo rin kami," pilyong sagot ni Regio.
Tumalim ang titig ni Mando. "Gago ka ba?"
"Sorry na, boss. Wag ka mag-alala. Hindi naman namin aagawin si Carla sa 'yo. Okay na kami doon sa Sabang."
Agad ning nawala ang bagsik sa mukha ni Mando at sumandal sa kinauupuan. Doon namagitan ang katahimikan sa grupo hanggang sa makauwi na sila sa kanilang lungga.
Pasadong alas-dyes ng gabi na sila nagbalik sa lugar nina Carla. At tulad ng kanilang inaasahan, wala na ngang tao na gumagala sa daan. Napakatahimik na sa paligid. Para bang takot na takot sa gabi ang mga tao roon at pagsapit ng ganoong oras ay wala na talagang may gustong lumabas.
Ipinarada nina Mando ang sasakyan sa tapat ng bahay ng babae. Nagsuot sila ng takip sa mukha at mabilis na inakyat ang gate ng bahay.
Pagkatapak nila sa lupa ay bumungad ang mga naglalakihang bulaklak sa buong paligid ng hardin. Lumapit sila sa nakasaradong bintanang de salamin at nakiramdam.
Nakita nilang may bukas pang ilaw sa loob at maririnig ang tunog ng mantika sa kusina. "Boss, nagluluto pa yata siya sa ganitong oras. Hindi pa tayo puwedeng pumasok sa loob," sabi ni Damien.
"Nonsense!" asik ni Mando. "Ilabas n'yo ang mga baril n'yo at papasukin na natin siya rito!"
Si Regio ay sinubukang maghanap ng daan sa likod ng bahay. Habang tinatahak niya ang daan patungo roon, isang sanga ang biglang pumulupot sa mga paa niya.
Nadapa ang tauhan. Nakita niya ang isang sanga ng bulaklak na parang ahas na nakalingkis sa paa niya. "Tulong!"
Napaatras sina Mando at Damien sa bintana at sinundan ang tinig ng kanilang kasama. Ganoon na lamang ang pagtataka nila nang makita ang sanga ng isang bulaklak na nakapulupot sa paa ng lalaki.
"Hoy, Regio! Ano ba'ng nangyayari sa 'yo d'yan?" galit na tanong ni Mando.
Bago pa man makasagot ang lalaki ay may sanga na ring pumulupot sa mga paa nila. Sabay pang natumba ang dalawa.
"A-ano 'to!" takang tanong ni Damien.
"Saan ba nanggagaling 'to? Bakit may ganito?" Sinubukang tanggalin ni Mando ang sanga ngunit lalo lang humigpit ang kapit nito sa paa niya.
Ang sumunod na pangyayari ay gumimbal sa kanila. Isa-isang nagkabuhay ang mga bulaklak sa paligid. Nagkaroon ng bibig ang mga ito at tinubuan ng matatalim na pangil.
Bago pa man makasigaw ang tatlo ay nagbuga ng kemikal ang mga bulaklak at kumapit sa mga bibig nila. Hindi na nakasigaw ang grupo hanggang sa unti-unti silang hilain ng mga bulaklak.
Unang sinubo ng isang bulaklak ang ulo ni Mando. Sa bawat pagpasok ng katawan nito ay palaki nang palaki ang bulaklak. Nang maisubo nito ang ulo ng lalaki, bumagsak naman sa lupa ang katawan nito na pinag-agawan ng dalawa pang mga bulaklak.
Nagkasya sa loob ng kanilang mga bibig ang nahating katawan ni Mando habang pinagpistahan naman ng ilang maliliit na bulaklak ang naiwang lamangloob sa lupa.
Ganoon din ang sinapit ng dalawang tauhan. Pinag-agawan pa ng ibang bulaklak na nag-aastang agresibo ang kanilang katawan habang nagtatalsikan ang ilang bahagi ng kanilang dugo at lamang-loob sa lupa.
Di nagtagal, unti-unting nagbalik sa normal ang kaanyuan ng mga bulaklak matapos mabusog sa mga kinain. Muling naghari ang katahimikan sa paligid.
Bumukas ang pinto at iniluwa nito si Carla na may dalang pagkain. Umuusok pa ang piniritong karne ng baboy at manok sa pinggan habang hawak niya ito gamit ang path holder.
Nilapitan niya ang mga bulaklak at kinausap. "Luto na ang pagkain. Kumain na kayo!"
Ngunit natigilan si Carla nang mapansin ang ilang mga lamang-loob at dugo na nagkalat sa lupang kinatatayuan ng mga bulaklak. May putol pang daliri doon at durog na mata ng tao.
Bahagyang nagulat si Carla. "May nakapasok dito sa bahay?"
Mukhang ganoon na nga ang nangyari. Noon pa man ay laging ganito ang sinasapit ng mga akyat-bahay na naliligaw sa bahay niya.
Lahat ng masasamang loob na nagtangkang pumasok sa kanyang bahay ay nagiging pagkain ng mga bulaklak sa kanyang hardin.
Ang mga bulaklak na ito ay dumaan na sa ilang henerasyon ngunit hanggang ngayon ay buhay at masigla pa rin. Isa ito sa mga ipinamana sa kanya ng mga namayapa niyang lola at ninuno.
Ang bulaklak ay nagbibigay ng kagandahan at suwerte sa sinumang mag-alaga nito kaya naging ganoon na lamang kaganda si Carla mula nang ipamana sa kanya ang pangangalaga sa mga bulaklak.
Sa loob nga ng bahay nila, makikita sa dingding ang litrato ng mga lola niyang nag-alaga rin sa mga bulaklak na iyon. Makikita roon na kahit may mga edad na ay litaw na litaw pa rin ang kakaibang kagandahan na hindi kumukupas.
Iyon ang malagim na sikreto ng kanilang pamilya sa pagkakaroon ng napakagandang mukha at napakaputing kutis. Iyon din ang dahilan kung bakit sa ganoong oras ay wala nang tao na lumalabas ng bahay. Alam na nila ang kuwento ng angkan na pinagmulan ni Carla pati na ang kamag-anak nilang mga bulaklak na halimaw.
"Baka sakaling magutom kayo uli mamaya. Ilalagay ko na lang dito ang pagkain n'yo." Isa-isang kinalat ni Carla ang pagkain sa iba't ibang bahagi ng lupa.
Saka siya muling pumasok sa loob at kinandado ang mga pinto at bintana. Iyon na ang oras ng kanyang pagtulog.
Ang mga bulaklak naman ay nagsabog ng napakabangong amoy sa buong paligid. Amoy na amoy hanggang sa ibang mga kabahayan.
Isang napakabangong amoy na higit pang kinatakutan ng mga tagaroon. Dahil batid nilang iyon ang palatandaan na may kinain na namang tao ang bulaklak ni Carla.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro