Chapter One: Part One [2]
"NIGEL..."
Isang boses ng lalaki ang gumising sa kaniya. Pagdilat ng mga mata niya ay binati siya ng makapal na usok na umaangat patungo sa himpapawid; ang kalangitang purong asul at may mabibilang lang na mga ulap; at ang araw na nakabubulag. Hinarang kaagad niya ang kaniyang kamay sa mga mata niyang naluluha. Napadaing siya sa kirot ng ulo niya at sa matinis na tunog na umuugong sa kaniyang tainga. Ilang saglit pa ay naramdaman niya ang buong katawan na kumikirot at hirap siyang kumilos nang maayos.
Nang bumaha sa kaniyang isipan ang huling alaala ay nanlamig siya at namanhid. Gumulong siya at napagtantong wala pala siyang suot na pang-itaas na damit at wala ring saplot ang paa niyang napapaso sa init ng kalsada. Tinulak niya ang sarili paupo at saka tumindig. Damang-dama niya ang kirot ng mga pasa; at ang mga gasgas niya sa braso, tiyan, likod, at balikat. Tumilapon pala siya sa labas ng taxi at napakasuwerte niya nang buhay pa rin siya.
Iginala niya ang paningin sa paligid at nasaksihan niya ang kaguluhang idinulot ng aksidente. Ang itim na sasakyang bumangga sa kanila ay wasak na wasak, mistulang papel na nayupi, at umuusok pa ang makina. Basag na basag ang windshield nito; wala na sa loob pa ang nagmamaneho at paniguradong tumilapon din ito palabas. Hindi lang sila ang nasangkot sa aksidente. Marami-rami rin ang nadawit na sasakyan at nagsalpukan at nagkalat sa gitna ng malawak na tulay. Nagkalat din ang mga bangkay ng mga nasawi sa aksidente; ang iba pa ay naiwan pa sa loob ng sasakyan. Dinig na dinig din niya ang iyakan ng mga taong sugatan at nabalian ng buto. Ang iilan sa kanila ay nanginginig, sumusuka ng dugo, at tumatawag ng saklolo.
Ang aksidente ang nagpatigil din sa daloy ng trapiko. Maraming sasakyan ang natambak sa magkabilang dulo ng tulay. Ngunit wala na siyang napapansin na mga tao roon, animo'y inabandona na ang kanilang sasakyan. Nabaling ang tingin niya sa sinakyang taxi. Nabaliktad na ito at ang gasolina ay umaagos at nagkalat na sa kalsada. Ang nagmamanehong lalaki ay nasa loob pa rin, nakatali sa seatbelt, at patuloy na umuubo at umiiyak. At may narinig pa siyang ibang ungol mula sa loob. Do'n niya naalala ang kaniyang ina. Paika-ika siyang bumalik sa taxi. Ang puso niya ay parang sasabog na sa lakas ng pintig nito sa takot na baka nagkatotoo na ang iniisip niya.
"Ma!" iyak niya.
At hindi niya inasahan ang naabutan niya sa kabilang bahagi ng sasakyan. Napatigalgal siya nang makita niya ang ina na nakahiga at nakatitig nang diretso ang mga mata sa kalangitan. Napakaputla nito, nanginginig, at sumusuka. Ang mga ugat nito sa braso at mukha ay kitang-kita niya na namamaga at nangingitim. Hindi na ito pangkaraniwan pa. Dali-dali niya itong nilapitan at lumuhod sa tabi nito. Buong-lakas din niyang tinulak ito at pinatagilid upang hindi ito malunod bunsod nang walang-tigil nitong pagsuka ng itim at malapot na likido na napakabaho pa.
"Help! Somebody? Help us!" iyak niya.
Hinaplos at minasahe niya ang likod nito, umaasang mapapagaan ang pakiramdam at sana ay titigil na ito. Iyak siya nang iyak. Panay ang pagtawag niya ng saklolo, pero walang sumagot at rumesponde. May naririnig siyang mahinang mga sirena ng pulis o ambulansya o bumbero pero hindi niya alam kung saan na ito. Pinatiyaha niya ito ay at nang mapatitig siya sa mga mata nito ay napansin niyang biglang lumaki ang mga balintataw nito. Bumagal ang kaniyang paghinga at tumigil na siya sa kakasuka at panginginig. Nakatitig pa rin siya sa kalangitan at sa puntong ito ay may isang butil ng luha ang gumapang mula sa kaliwang mata niya patungo sa kaniyang tainga.
"M...Ma?" Nabasag ang kaniyang tinig sa bigat ng nadarama. Ayaw niyang mag-isip nang masama, pero hindi na sumasagot pa ang kaniyang ina. "Ma!"
Tumigil ang kaniyang mundo at bigla siyang nahilo. Umalingawngaw ang sigaw at iyak niya. Hindi niya mawari ang sakit na nadarama at pagkadismaya. Hinila niya ang ina at niyakap ito nang mahigpit. Ang luha niya ay walang-tigil sa pagbuhos at nanlabo na ang paningin niya rito. Hirap na siya sa paghinga sa patuloy na paghagulhol. Panay niyang niyuyugyog ang katawan nito at tinatawag ang pangalan ng ina, umaasang gagalaw ito o sasagot man lang...pero wala pa rin. Nanginginig pa ang kamay niya nang abutin niya ang leeg nito. Sinubukan niyang damhin ang pulso nito, ngunit, wala nang senyales pa ng buhay. Inilapit niya rin ang kaniyang tainga sa ilong nito, pero hindi niya rin madama ang paghinga nito. Wala na ang kaniyang ina at napakahirap nitong tanggapin.
Nag-uumapaw ang sakit. Labis ang sakit na nadarama na ang iyak niya ay hindi na gumagawa pa ng tunog. Pero kahit anong iyak niya ay hindi pa rin nito naiibsan ang sakit. Ang mga alaala nila ay bumaha sa kaniyang isipan. Ang mga masasayang alaala nila ay may halong kirot dahil kailanman, hindi na niya ito mararanasan pa na kasama siya. Hindi niya makikita pa ang kniyang ina. Hindi na niya maririnig ang boses nitong tatawagin ang pangalan niya, pati na rin ang tawa nito. Hindi na niya maaamoy pa ang mga niluluto nito. Hindi na niya ito mayayakap pa at mahahagkan. Wala na siya at ang tanging mayroon siya ay ang kaniyang sarili.
"Ma!"
Hanggang sa bigla itong suminghap ng hangin. Gumalaw ang mga mata nitong malalaki pa rin ang balintataw at napatingin sa kaniya. Napatakip siya sa kaniyang bibig sa gulat at mas lalong naiyak, sa pagkakataong ito ay dahil sa tuwa na. Napalagay na sana ang loob niya nang malamang buhay pa ang kaniyang ina, ngunit ang pakiramdam na yun ay hindi nagtagal nang masindak siya sa kung paano siya titigan nito. Ibang-iba ito. Hindi niya ito ina. Marahil ay sa malalaking balintataw nito at wala rin itong inusal na salita na para bang walang nangyari sa kaniya. Pero pinilit niyang balewalain ito. Pinahid niya paalis ang mga luha niya at itinigil na ang paghagulhol.
"Ma---"
Sa isang iglap lang ay napalitan ng takot ang kaniyang galak. Nasindak siya nang biglang sumigaw ang kaniyang ina. Ang boses nito ay hindi pagkaraniwan, animo'y hinugot pa sa ilalim ng lupa. Sa bilis ng pangyayari, inatake siya nito, at sunod niyang namalayan ay nasa ibabaw na ito. Napakalakas nito at walang pagdadalawang-isip siyang sinakal. Napakahigpit ng pagpulupot ng mga daliri nito sa kaniyang leeg. Nakatitig ang mga mata nito sa kaniya habang tumutulo ang itim na likido mula sa ilong at nakabukang bibig nito.
Sinubukan niyang hilain ang mga daliri nito. Ngunit, habang sumisinghap siya ay nawawalan din siya ng lakas. Hindi niya ito maalis. Pinagsusuntok niya ang mga braso nito at marahas na nagpupumiglas at sumisipa sa kagustuhang matulak siya paalis at kumawala. Pero wala pa rin siyang binatbat sa lakas nito. Kahit anong gawin niya wala pa rin itong epekto. Wala na siyang kaalam-alam pa sa pangyayari pero alam niya at nasisigurong hindi na ito ang kaniyang ina. Hindi na siya makahinga pa. Ang mga mata niya ay tumitirik at ang mga talukap niya ay hindi na niya mabuka pa nang maayos.
Ngunit, bago pa man siya mawalan ng malay, isang malakas na pagsabog ang nagpatalsik sa kaniyang ina.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro