Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ex.5







Pasok.

"Oh beybe beybe beybe, my beybe beybe, Naalala mo ba? Ang halik, yakap na kailanma'y hindi maalis, dito sa aking isip. Oh beybe beybe beybe, my beybe beybe mula nang mawalay ka.. Buhay ko'y nag-iba, nawalan na ng sigla..."

"Uy! Ang galing!" Pumalakpak ba si Kristel habang kumakanta ako sa harap ng salamin gamit ang brush sa buhok bilang mikropono, nagreretouch na lang kami dahil labing limang minuto na lang ay uwian na tapos meron daw kaming Third Friday dinner na sagot ng kompanya. Siyempre tsibugan yon kaya naman kahit wala akong sa mood, pupunta pa din ako.

"Ganda ng boses ko no?" May pagmamayabang na tanong ko.

"Hindi, ang pangit nga eh. Paano mo na-translate yung kanta ng F4?"

"Kung maka-pangit naman to! Hindi ako ang nag-translate. Kinanta yun ng paborito kong Boyband. Alam ni Mikel yon eh. Hinanap niya pa nga ako ng album non." Pagmamalaki ko.

"Boyband?"

"Oo, yung FAB4Z. Besh, ang galing nung mga yon. Apat din sila. Lagi nga akong present sa mall shows nila. Muntik pa nga akong maging presidente ng fansclub non, pinigilan lang ako ni Mikel." Malungkot kong paglalahad. Sayang talagang ang oportunidad na mapalapit sa Fab Force, pinili ko lang talaga ang pag-ibig non kaysa sa pag-aadik sa mga boyband. Siyempre, mas mahal ko si Mikel.

Sinarhan ni Kristel ang kanyang compact powder at hinarap ako.

"Close pala kayo dati ni Sir Mikel no?"

"Hindi naman masyado.. Schoolmates lang kami." Pagsisinungaling ko.

"Talaga? Wala kayong nakaraan?" Tumaas ang kilay ni Kristel.

Mabilis akong umiling. Pinagpagan ni Kristel ang bag niya saka nagkibit balikat. "Eh di okay. Kala namin meron, masyado kasing intense tumingin sayo si Sir Mikel." Lahad niya.

"T-talaga?" Nabubuhay na naman ang dugo ko sa impormasyong yon, sinasabi ko na nga ba.

Tumango tango si Kristel, "Oo, parang may galit Beshy. Minsan nga, sinasadya kong sumilip sa opisina niyo kasi baka sinasakal ka na—"

"Grabe ka naman! Hindi magagawa ni Mikel sakin yon!"

"Eh asa mga mata nga niya. Inano mo ba yun? Parang gusto kang bigwasan lagi. Tapos sa daily huddle, tuwing nagsasalita ka, nagtataas ng kamay para patigilin ka. Pati sa boses mo allergic eh."

"Ewan ko dun. Sana hindi na lang ako ni-hire kung gaganituhin lang pala ako sa opisinang to. Inaapi, binabalahura, sinasaktan ang damdamin!" Lagi ko naman siyang ipinagdadala ng baon, hindi pa rin sapat, galit pa din siya!

"Grabe ka naman, ang OA na niyan Beshy ah. Ikaw? Hindi ka ba mag-aayos? Makikilala mo yung taga-ibang department. Yung sa IT, mga pogi. Baka makabingwit ka."

Umiling ako, wala akong paki sa bingwit bingwit na yan. Isa lang naman ang gusto kong sungkitin, hindi pa available.

"Sige, kung ayaw mong mag-ayos, ako na lang." Biglang kinurot ni Kristel ang pisngi ko. Napangiwi ako sa hapdi.

"Aray ko naman!"

"Hindi! Ganyan ang ginagawa ni Kim Chui para sa natural blush. Ang ganda ganda mo nga kasi almond eyes ka, tapos ang kinis ng mukha mo. Yung labi mo natural ang pagka-pink kahit morena ka. Hindi ka ba talaga Latina?"

"Baka nga Latina, tingnan mo yung apelyido ko, Semilla.." Ineksaherado ko pa ang pagkakabigkas non.

Napangiwi si Kristel, "Mag-asawa ka na agad para mapalitan yang apelyido mo, iba naiisip ko kapag naririnig ko eh."

"Isa ka pa!"

Hinila ni Kristel ang blazer ko, inipit ko iyon ng dalawang kamay ko. "Ano ba! Ayokong mag-tanggal ng blazer." Reklamo ko.

"Eh sleeveless dress naman yan, ipakita mo yang sexy shoulders mo. Ako nga tatanggalin ko din ang akin."

"Dinner lang naman yon eh! Hindi naman artista search! Saka spaghetti strap ito! Makikita ang malulusog kong dibdib." Pagtanggi ko.

"Alam mo ikaw, ambisyosa ka din eh. May kaunti lang naman laman yan, hindi naman sagad. Sige na. Ang ganda ng dress mo oh, peach, bagay na bagay sa complexion mo."

Wala na akong nagawa ng ayusan ako ni Kristel, pati ang mahaba kong buhok na umabot sa aking bewang ay sinuklayan niya din paulit ulit hanggang sa kumintab. Nang lumabas kami sa CR ay wala na ang officemates namin. Hindi naman nakapagtataka dahil nagtagal kami ng husto.

"Tumawag na ako ng UBER, malapit lang naman dito ang venue." si Kristel.

Nagmamadali kaming maglakad ni Kristel patungong elevator. Medyo nahihiya pa ako dahil ngayon pa lang talaga ako makakasalamuha ng ibang mga empleyado. Si Mikel ang laging nakikita ko. Hindi naman sa nagrereklamo ako pero hindi iyon nakakatulong sa moving on stage ko. Lalo akong nahuhumaling, gustong gusto ko pa naman yung sinosoplak ako, mas lalong nahuhulog ang loob ko at nanggigigil akong kuhanin.

"Basta girl, kapag may nagflirt sayo, flirt back kapag sumenyas ako ng okay sign. Pero kapag boo sign naman, lumayo ka okay?" Pag-papaalala sa akin ni Kristel na parang coach sa magaganap na basketball game. Panay ang tango ko.

Kinabahan ako nang dumating kami sa isang restaurant at sinalubong kami agad ng unipormadong attendant. Giniya kami patungo sa third floor ng restaurant na maririnig agad ang music at ang tawanan, wala nga lang masyadong makikita dahil patay ang karamihan sa ilaw at tanging iilang asul at pula na ilaw lang ang nasa paligid, club ang set up ng lugar na pawang taga-Corporate Department ng Dela Vega ang imbitado. Nang buksan ang glassdoor ay tumodo ang ingay kasabay ng musikang nakakaindak.

"Hi Kristel!! Hello Gabby!" Lumapit agad sa amin si Greg, ang gay marketing assistant na matalik na kaibigan ni Kristel. Silang dalawa ang madalas kong makasama tuwing uwian dahil pare-parehas kaming sumasakay ng tren pauwi. "Lafang na don!" Maarteng itinuro ni Greg ang buffet table. Natakam agad ako sa nakahanda kaya pasimple akong kumembot patungo doon. Nakalimutan ko agad na may kasama ako dahil sa pagkain.

"Hi, I am Jax." Bago ko pa man maamoy ang halimuyak ng paborito kong carbonara at fried chicken, may humarang agad sa aking daraanan. Isang lalaking hanggang balikat lang ako, nakasuot siya ng jacket at mayroon ding eyeglasses na parang props dahil hindi siya mukhang geek tingnan, mukha pa ngang boy next door type na naghahanap ng mamasang na mabibiktima sa kalsada.

"Hi." Bati ko. Lalagpasan ko na sana siya nang tawagin ako ni Kristel at pasimpleng nag-okay sign.

Flirt Back. Naalala kong bigla. Bigla akong humagikgik na ipinagtaka ni Jax dahil may pabounce bounce pa ako ng aking dibdib na sa kaunting galaw ay sumasayaw.

"Gusto mo ng number ko? Ibibigay ko sayo mamaya. Kain muna ako."

"Wow. That's fast." Ani Jax.

"Ganon talaga ako, parang laging may lakad." Pasimple ko siyang tinabig at kumuha ako ng plato at nagsandok ng pagkain.

"So, you are single?" Hindi ko namalayan na nakasunod pala sa akin si Jax. Tinginan ko siya saka ako tumango.

"Very." Patango tango pa ako na parang tindera sa karendirya na bukas sa lahat ng gustong kumain.

"That's great."

Pinuno ko ang plato ko ng carbonara at pinaliguan ko ng maraming parmesan cheese. Tiningnan ko ang iba pang pagkain at nalungkot ako dahil hindi na kasya sa plato ko ang iba.

"Jax.." Malambing na tawag ko.

"Yes?"

"Kuha ka pa ng plato, tapos lagyan mo ako ng lahat ng ulam na nandito." Tinuro ko ang fried chicken, morcon, osso bucco at rosemary pork. "Saka yung leche flan."

Pansumandaling natigilan si Jax pero nang taasan ko siya ng kilay, sumunod naman ang loko.

"Madami kang gutom ha?" He commented.

"Oo, paborito ko ang mga to. Para sa akin ba ang party na to?" Tanong ko na may halong pagbibiro.

Tumawa si Jax, "Baka."

"Oopps, hindi na kasya." Natawa si Jax nang huminto siya sa tapat ng morcon. Nadismaya ako. Hindi pupwedeng hindi na kasya. Nagpalinga linga ako at naghanap ng lalaking walang ginagawa na nakatingin sa akin at nag-iintay na mabigyan ko ng pansin.

"Hi!" Dumako ang mata ko sa isang matangkad na lalaki na nakasuot ng jacket nang kagaya ng kay Jax. Tinuro pa niya ang kanyang sarili na parang di tiyak kung siya ba ang tinatawag ng magandang binibining ininjectionan ng sex appeal at wittiness plus audience impact na pak na pak. Tumango ako at inaya siya sa buffet table.

"Kuha ka naman ng isa pang plato tapos kuha mo kong morcon." Hindi na ako nagpaligoy ligoy pa.

Bakas ang gulat sa mukha niya, maya maya pa ay may mapaglarong ngiti sa kanyang labi, "Sa isang kondisyon.."

"Phone number ko? Sige mamaya. Kuha mo na akong morcon tapos dalhin mo sa table. Wag mong kalimutan yung leche flan saka yung ube. Thank you."

"Ibang klase." Naiiling si Jax nang sabayan ako sa paglalakad.

"Anong ibang klase?" I asked.

"The way you eat.."

"Mang-iinsulto ka ba?" Umirap ako.

"Hindi. I am just amazed. Yung mga babaeng kagaya mo, kadalasan takot tumaba."

Nagkibit balikat ako, eversince I got sick, hindi na ako tumataba ulit. Sabi ni Lexy, 7 years ago I started to shed some weight. Hindi rin niya alam kung nagdadiet ba ako. Probably not, food is life. Baka dahil sa sakit ko.

"Alam mo, hindi naman porket mataba, wala ng magmamahal. Kasi kung ang magiging basehan ang pisikal na ganda para mahalin, eh di sana Victor models lang ang wagi." Tukoy ko doon sa men's magazine na sikat internationally pero meron ding version dito sa Pilipinas.

"Yeah right." Tumingin sa akin si Jax na bahagyang natulala, mamaya ay nangunot ang noo niya, "Actually you look familiar."

"Ay, maraming nagsasabi sa akin niyan. Si Pia Wurtzbach ano? Iba nga lang ang hugis ng mga mata ko saka mas matangkad siya sa akin saka mas maputi siya."

"No.. I think I saw you in Victor Magazine."

Napaawang ang labi ko at saka humalakhak. "Uy, grabe ka. Ngayon pa lang tayo nagkakilala, pinagpantasyahan mo na agad ako. Wag kang ganyan, nagiging uncomfortable ako. Kung nakita mo na ako doon ibig sabihin nakita mo na ito?" Ngumuso ako sa malulusog kong dibdib. That magazine is way beyond sexy. Sexy is understatement actually. Walang saplot ang lahat ng nagmomodelo doon.

Ngumiti si Jax saka umiling, "Sabagay, imposible nga namang mangyari yon. Sorry for that."

Dumating na ang plato ng morcon at dessert ko, umupo yung inutusan ko sa tabi ni Jax, "Hi, I am Paolo." Pakilala niya agad ng makaupo. Inabot ko naman ang kamay ko at kinamayan siya dahil alam ko namang napakalaking bagay yon sa kanya.

"Gabby." Pakilala ko.

Hindi naman ako nainip sa pakikipagkwentuhan kila Jax at Paolo, lumaki nga ang lamesa sa aking harapan dahil pati ang kanilang ka-department ay sumali na rin. Si Kristel at Greg ay katabi ko at panay na din ang bida ng kanilang mga buhay na parang may paligsahan sa pag-uwi ng boylet. May quota ata ang dalawa at hindi ko man lang iyon alam.

"You should drink, Gabby!" Kantyaw sa akin ni Greg. Umiling ako, hindi naman ako umiinom, ayaw kasi ni Mikel ng ganon. Speaking of Mikel, wala siya sa paligid. Kanina pa ako napapalingon sa venue pero bigo ako. Sabi ni Kristel, hindi talaga sumasali si Mikel sa mga ganito. Ang KJ naman.

"Di ba, next month na yung Mr & Miss DVC?" Panimula na tanong ni Stephanie, mula siya sa HR department.

"As usual.. Magtuturuan na naman kung sino ang sasali." Singit naman ni Kristel, "Wag na ako ha. Sumali na ako nung nakaraang taon, si Sir Mikel naman hindi ako ipinanalo kahit siya ang amo ko at isa siya sa mga judge."

"Maganda ka ba kase?" Pagtataray ni Greg sa kanya na ikinasimangot niya.

"So sino ang pambato ng corporate?" Tanong ni Paolo.

"Ah! Gabby! Gabby! Gabby!" Nagsimulang magcheer si Jax na ginaya naman nung iba. Humalakhak ako, nahuhulaan ko naman na isusuggest nila yan dahil wala man lang pumantay sa ganda ko sa mga naririto. Kawawang mga hampaslupa.

"Gabby, papayag ka ba? Katuwaan lang naman ito pero malaki ang premyo." Tanong sa akin ni  Stephanie.

"Kapag pumayag ka, Gabby, ako ang magvo-volunteer na kapartner mo." Singit naman ni Jax.

"Talaga?" Paniniyak ko. Mabibilis na tango naman ang ginawa ni Jax.

"Wala na bang iba?" Dugtong ko. Napawi ang ngiti ni Jax.

"Joke lang. Sige, papayag ako."

Mas lalo silang nagpalakpakan at sabay sabay na uminom ng alak sa kanilang baso. Hindi na namin namalayan ang oras hanggang sa biglang tumahimik ang lahat nang tila may masamang espiritu ang dumating.

"OMG, si Sir Mikel..." Bulong sa akin ni Kristel. "Bakit nandito yan?"

Dahan dahan akong napalingon sa aking likuran at nakumpirmang andito nga si Biko. Dumating si Mikel.  Hindi na lumipat sa iba ang tingin ko nang makita ko siya, pakiramdam ko nabuo ang gabi ko kasi dumating siya. Nakasuot na lang siya ng polo shirt na kulay asul at maong pants, ibang iba sa itsura niya tuwing pumapasok sa opisina, ibang iba sa suot niya kanina.

Nagtama agad ang mga mata namin pagkatapos ay biglang tumaas ang kanyang kilay. Napangiwi ako.

Patay na naman ata ako. Galit na naman.

Tumayo agad ako na parang minamagnet.

"Huy, dito ka lang." Bulong sa akin ni Kristel, "Tapos na ang trabaho, hayaan mo siya."

Pero hindi ako nakinig, lumapit ako kay Mikel at pakiramdam ko inaantay niya akong makalapit.

"Uwi na." Aniya pagkatapat ko sa kanya.

"H-ha?"

"Uwi." Wika niya na parang nagpapauwi lang ng bata sa lansangan.

"Uuwi na tayo? M-may balak ka ba sakin? Hindi ako nakapag-shave—"

"Gabby."

"Ng kili-kili. Paano ako magbababay?" Itinaas ko ang kaliwang kamay ko pero tinakpan ko ang aking kilikili gamit ang kanang kamay at saka nag-sample ng kaway.

"Kumain ka na ba?" I asked.

"Kumain na kami ni Scarlette."

Napalunok ako. "G-ganoon ba? Baka gusto mong mag-dessert?"

"Kumain na kami ni Scarlette." Ulit niya.

"Scarlette" Bulong ko. "Scarlette. Puro na lang si Scarlette! Si Scarlette na walang malay! Si Scarlette na ang tanging kasalanan ay naging anak ng mommy niya sa ibang lalaki!" Tinuro turo ko ang dibdib ni Mikel na nakakunot ang noo. Tumigil ang music kaya alam kong nakakuha ako ng atensyon dahil sa dami ng mga matang nakatuon sa amin.

Umayos ako ng tayo at tumikhim, sinapian na naman ako ni Vilma Santos, "Sorry, na-carried away."

"Get your things and go home." Nagsimula ang panibagoing tugtugin nang utusan ako ni Mikel.

"Ayoko pa." Pagmamatigas ko.

"Gabby. You aren't supposed to drink or stay late and it is late."

"Magte-take out pa ako ng pagkain eh." Lumabi ako, "Mukhang hindi nila gusto yung mga pagkain pero ako, gusto ko."

"Gabby, seriously?"

"Oo." Tumango ako.

"I'll have it delivered to your home tomorrow. Go home or I'll fire Kristel."

"Hala siya! Bakit si Kristel?"

"Dahil kung ikaw, alam kong wala ka namang pakialam."

Huminga ako ng malalim, napakahirap naman ng pagsasakripisyong hinihingi niya. Pero dahil mabait ako, pagbibigyan ko siya. Lumapit ako sa lamesang tinatambayan ko kanina, tumahimik silang lahat, parang alam na ang nangyari at nakikiramdam sila.

"Sorry pero kailangan ko nang magba-bye." Malungkot na sabi ko.

"Awwww." Mas malungkot ang kanilang boses kasi wala ng magandang matitira sa kanilang grupo.

"Kita na lang tayo sa Monday. Ba-bye!" Pilit kong siniglahan ang boses ko at kinuha na ang bag ko nang biglang tumayo si Jax at Paolo.

"Yung promise mo?" Ani Paolo sabay pakita ng cellphone niya. Napangiti ako. Oo nga pala.

Kinuha ko ang cellphone niya at tinipa ang numero ko saka hinarap si Jax, "Kunin mo na lang kay Paolo ang number ko. Salamat sa pagkuha ng pagkain ko, bye!"

Tumalikod na ako at kahit madilim ay nagawa ko pa ding makalapit sa glassdoor, nakalabas na ako at handa nang humakbang sa hagdan paibaba nang may humila ng braso ko.

"M-mikel?" Nagulat pa ako, hindi ko akalaing susundan niya ako hanggang sa labas.

"Why are you giving out your number?"

"Eh kasi sabi ni Kristel.."

"Ano?"

"Sabi ni Kristel makipag-flirt ako sa IT Department, hindi ko nga alam kung bakit pero maliit na bagay lang naman yon. Sige, uuwi na ako. Baka maiwan ako ng train."

Tumalikod ako muli pero hinila lang ulit ni Mikel ang braso ko. Halos matanggal iyon sa pinagkakabitan, akala ata ni Mikel, mannequin ako. Kasing hugis ko iyon ng katawan pero hindi ako mannequin!

"Hindi pa tayo tapos magusap."

Tamad akong humalukipkip sa harapan ni Mikel.

"Ano? Sasama ka ba? Gusto mo ilagay kita sa bag ko para hindi ka hila ng hila sa akin? Maiiwan na ako ng tren sabi!"

"Hindi ka pa din nagbabago." Puno ng hinanakit na singhal sa akin ni Mikel.

"Ano na namang krimen ang ginawa ko? Alam mo, bahala ka diyan." Tumalikod na ako at nakatatlong hakbang na nang hilahin ako muli ni Mikel.

"Ano ka ba! Bakit ka ba hila ng hila?! Hindi ako toilet paper na basta basta mo na lang hihilahin kung kailan mo kailangan. Tao ako, Mikel, tao ako, hindi ako pamunas ng tae!"

Natigilan ako nang mapagtanto kong nasa second floor na kami at merong iilang mga customer ang nakatambay doon at mahinang natawa dahil sa natawa sa sinabi ko. Napailing ako at nagmamadaling humakbang pababa ng hagdan. Nang makalabas na ako ng restaurant, nagmamadali akong maglakad patungo sa direksyon ng pinakamalapit na train station.

Nanuot ang lamig sa balat ko dahil wala akong suot na blazer na iniwan namin kanina sa opisina. Tiningnan ko ang orasan at lakad takbo akong nagmadali patungo sa train station para habulin ang huling byahe ng tren.

Naririnig ko na ang announcement ng huling byahe ng tren pagkapasok ko sa estasyon. Pati ang tunog ng malungkot na kalembang na inuutusang magmadali ang gustong sumakay. Malalaki ang naging hakbang ko nang makitang huminto ang panghuling tren, itinapat ko ang card ko sa machine at tumakbo muli para sumakay.

Nakahinga lang ako ng maluwag nang makapasok na ako sa tren. Papasara na ang pinto nang panlakihan ako ng mata dahil biglang pumasok si Mikel. Agad akong tumalikod at kumapit sa isa sa mga poste ng tren kahit marami pang bakanteng upuan.

"Umupo ka." Utos sa akin ni Mikel. Tiningnan ko siya at inirapan. Tuwing makikita niya ba ako ay lagi niya akong uutusan?

Nagmatigas akong kumapit sa poste ng tren nang biglang umugong ang tren at mabilis na umandar, dahil sa pagmamatigas ko ay nawalan ng balanse ang paa ko at napabitaw ako, dali dali akong umindayog patungo sa direksyon ni Mikel pero pinigil ko ng husto ang aking paggalaw. Nanginig ang binti ko at sobra sobra ang pagkunot ng noo ko, pati ang dalawang kamay ko ay naka-extend para kumuha ng balanse, ang pang-upo ko ay bahagyang naka-squat para sa enerhiya, pero nang umiba ng direksyon ang tren, mas mabilis ang naging pagbulusok ko kay Mikel at bumagsak ako sa matigas niyang.. Abs.

"Aray." Napahawak ako sa ulo ko na nauntog sa matigas niyang tyan.

"Sabi sayo umupo ka." Seryosong pagalit sa akin ni Mikel. Naiinis kong hinawi ang buhok ko at umupo sa bakanteng upuan. Nang huminto sa isang estasyon ay umupo din si Mikel sa tabi ko. Kahit masikip ay tinabihan niya ako na akala niya siguro ay hindi ko mararamdaman ang masidhi niyang pagnanasa sa akin.

Mamaya, ite-take advantage ako nito for sure.

Sinilip ko si Mikel nang wala siyang ginagawa ilang minuto ang nakalipas at nakitang nakapikit na siya. Maghapon siyang halos hindi makaupo dahil sa sunod sunod na meeting niya. Malamang ay pagod na siya. Bakit pa kasi pumunta pa siya sa company dinner? Sana ay itinawag na lang niya na umuwi na ako.

Gumagalaw ang ulo ni Mikel dahil sa malikot na tren, hindi na ako nag-isip at hinawakan ang kanyang ulo para hindi na iyon gumalaw.

20 minutes ang byahe hanggang sa pinakamalapit na estasyon sa apartment namin ni Lexy. Kinalabit ko si Mikel nang magbukas ang pinto ng tren para sa mga bababa.

"Saan ka? Dito na ako." I asked.

Tumango si Mikel at tumayo na din kagaya ko. Saan kaya siya pupunta?

Nang makababa na ako ng train station, nakita kong naglalakad pa din si Mikel na kasunod ko. Wag niya sabihin dadalhin niya ako sa madilim na lugar at saka---

Naramdaman ko na lang ang braso ni Mikel an pumalupot sa akin, napapikit ako agad at binalot ng takot.

"Wag, Mikel.. Mali ito."

"What are you talking about? Nilalamig ka na. Baka magkasakit ka dahil naka-expose ang likod mo."

Napahiya pa ako nang maramdaman ang init ng katawan ni Mikel, sumiksik ako sa kanya dahil sa ginhawang naibibigay non.

"Bakit mo pa ako sinundan?" Tanong ko.

"Tinatawag kita kanina pero ang bilis mong maglakad. Ihahatid na lang sana kita."

Napatakip ako ng bibig, "Hala, yung sasakyan mo. Nasaan?"

"Naiwan ko."

"Paano yan? Huling byahe na ng tren."

"Uber." Tipid na sagot niya nang huminto kami sa harap ng apartment namin ni Lexy, tahimik ang buong bahay dahil umuuwi si Poleng at Lexy sa Bulacan tuwing Biyernes at bumabalik na lang tuwing Lunes ng umaga.

"Pero inaantok ka na di ba? G-gusto mong—'

"No." Mabilis na sagot niya na nakapanlumo sa akin.

"Wala pa nga akong sinasabi tumatanggi ka na. Ang lalim talaga ng galit mo." Malungkot kong sabi. Nagpamulsa si Mikel at umiwas ng tingin. "S-sige.. Nag-aalala lang ako na magmaneho ka pa kaya lang.. M-mukhang hindi naman talaga magandang ideya na anyayahan kita na dito magpalipas ng gabi at intayin mo na lang yung unang byahe ng tren para makauwi ka ng maaga." I smiled sadly.

"Mag-Uber ka na lang siguro hanggang sa condo mo tapos bukas mo na lang kunin ang sasakyan mo para hindi ka na magdrive." I suggested.

Tumalikod na ako at sinusian ang pinto sa aking harapan. Mabigat ang pakiramdam ko at binalot ng pag-aalala sa babyahe pang si Mikel. Nag-guilty din ako sa pag-iinarte ko kanina. Sana pala ay sumakay na lang ako.

"If I will stay for the night, will you wake me up early this morning?"

Natigilan ako sa pagsu-susi ng pinto. Napangiti ang puso ko.

"Basta ba hindi ka mananamantala, wala tayong magiging problema." Biro ko.

"Never." Matigas na wika ni Mikel.

Tumango ako at nilaparan ang bukas ng pinto. "Pasok ka." Anyaya ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro