Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1


"Ako ba si Lester?" nanlalaki ang butas ng ilong na bungad ng ex ni Carrie na si Liam. Nasa kalsada ang lalaki, nakatunghay sa kanya,  malapit sa  paikot na gate ng kanilang bahay  na gawa sa wrought iron na hanggang bewang ang taas .

Kusang umarko ang mga kilay ni Carrie bago bumaling sa direksyon ng dating nobyo.  Pinigil niya ang pagkibot ng labi  nang tuluyang makaharap ang lalaki bago mabilis na  pinaglakbay ang mga mata  sa kabuuan nito.

Naka-longsleeves si Liam, kulay gray na sadyang inirolyo hanggang sa siko , slacks, at balat na sapatos. Pasimpleng siyang umirap. Sigurado siya papasok ang ito sa opisina. Mabilis  na nag-compute ang isip niya kung ilang sachet ng gel ang nagamit ng dati niyang pagsintang tunay dahil sa magandang pagkakahulma ng buhok nito- inalmirol, buhok version.

"Carrie, ano ba? Kinakausap kita! You're in a daze again," iritableng pukaw nito sa kanya. 

Kusang rumolyo ang mga mata ni Carrie. Iniimbyerna siyang talaga nito kahit na umagang-umaga. Mabilis niyang binitiwan ang hawak niyang hose na ipinandidilig niya sa mga nakatanim na hilera ng santan ng Tiyang Saling niya sa kanilang bakuran. Nagmamarakulyo niyang tinungo ang main gate at hinaluan niya ng sumpa ang pagpapapasok sa lalaking minsan ay naging bahagi ng buhay niya. 

Namaywang siya at pilit na tiningala ang lalaking assuming na ito daw si Lester, ang isa sa mga tauhan sa nobela na  isinulat niya. 

'Ha! Ang kapal ng fez!' nanggigigil na reklamo ng isip niya. 

"Anong ikaw? Pangalan niyo pa lang magka-iba na. At 'saka gwapo si Lester, mabango ang hininga, may abs, at sinasamba ng mga girls. Gano'n ka ba, ha?" angil niya sa kaharap. 

Natigilan ang kaharap. Lihim siyang napangisi.  Hindi naman masama ang itsura ni Liam. May itsura naman ito kahit papano, pero kumpara kay Lester na tauhan sa kwento niya, wala pa sa kalingkingan nito ang face value ng dating nobyo. 

"Kahit na! May isinama kang eksena sa libro mo na nangyari talaga," patuloy na reklamo ni Liam, namumula ang mukha. 

Humalukipkip na siya bago ngumisi. "So, binasa mo ang libro ko?"

"Hindi ako. Ang misis ko!"

Lihim siyang umaray. Dalawang taon na kasi mula nang maghiwalay sila nito. Paano, pinamili siya nito kung ito o ang pagsusulat niya na malimit ay kumakain talaga ng oras niya.  E, pinili niya ang pagsusulat. Siyempre pangarap niya 'yon-- nilang dalawa ng Tiyang Saling niya na siyang nagpalaki sa kanya. 

Hayun, hindi nakapaghintay ang talandi! Bumuntis agad ng ibang babae kahit na dalawang buwan pa lang silang naghihiwalay. 

Limang buwan din siyang nag-um-emo, ngumawa, at nagmapait. Hanggang sa mapagtanto niya na kahit ilang drum ng luha ang iiyak niya at kahit pa tuluyan nang malagutan ng litid ang vocal chords niya kakangawa, hindi na talaga babalik si Liam sa kanya dahil may asawa na ito. 

Kaya imbes na mag-ipon siya ng eyebags dahil sa pagtataksil ng kanyang inakalang pagsintang tunay, nag-ipon siya ng sakit ng damdamin at ginawa iyong inspirasyon sa pagbuo ng bagong nobela.  At kung noon ay pahirapan siya sa pagbuo ng kuwento, himalang parang waterfalls na bumuhos ang ideya at inspirasyon sa kanya. Kaya wala pang isang buwan, nakatapos siya ng mga nobela. At dahil para din siyang may sapi ng mga panahong iyon, para siyang walang malay-tao na nagpasa ng mga manuscripts sa isang sikat na publishing house. 

Tatlong taon ang hinintay niya para mapansin sa larangan ng pagsusulat. Tatlong taon din niyang tiniis marinig kay Liam ang paulit-ulit na pagnenermon nito tungkol sa anito'y walang kwenta niyang pagsusulat.  Kung magbabalik-tanaw siya, kaya hindi siya nagkakalakas-loob magpasa ng mga gawa niya sa publishing house noon ay dahil sa mga komento ni Liam tungkol sa mga akda niya. Graduate siya ng Business Administration, pero mahilig siyang magsulat. Para kay Liam, mas magandang i-pursue niya ang pagkakaroon ng regular na trabaho kaysa sa pagsusulat niya. 

Si Liam ang numero unong sugo ng mga maligno at kritiko niya pagdating sa pagsusulat. Pero dahil mahal niya ito, tatlong taon siyang nagtiis sa mga birada nito tungkol sa mga kwento niya na nakapost sa isang writing platform. Noong naghiwalay sila, noon lang niya na-realize na baka si Liam talaga ang numero unong hadlang sa pagsusulat niya. Kaya mabuti na lang din na hindi sila ang nagkatuluyan. 

"Ako si Lester. Natatandaan ko sinabi ko sa 'yo na wala kang mahihita sa pagsusulat mo. 'Yon na 'yon ang linyahan sa kwento mo e! Gano'n na gano'n ang pagkakasabi ni Lester!" 

"O ngayon wala ba akong nahita?" 

Napabuntong-hininga ito, yumuko, namulsa bago muling nag-angat ng tingin sa kanya.

"Okay you are a great writer at mali na tinawag kitang ambisyosa na maging writer-writeran. Pero puwede ba h'wag mo na lang isama sa mga nobela mo ang mga nangyari sa atin? I feel like I'm such a bad person."

Umikot ang eyeballs niya. Naiimbyerna na talaga siya sa kaharap. 

"Fiction writer ako, Liam. Anumang pagkakahakintulad ng mga akda ko sa totoong buhay, hindi ko sinasadya 'yon. Kaya kung mag-aassume ka na ikaw si Lester, suit yourself! Kung kumalembang ang kampana ng kunsensya mo dahil sa mga ginawa ni Lester sa heroine ko, pasensya na. Pero hindi pa rin ikaw si Lester. Kasi si Lester marunong mag-sorry--"

Natigilan siya. Gulat niyang tinutop ang bibig. Hindi niya dapat sinabi 'yon. Minsan talaga ang bibig niya parang may sariling pag-iisip at isinasabuhay ang freedom of speech! 

Bumuntong-hininga ang lalaki, tila natauhan. Bumalik ito sa kotse nito, may kinuhang paperbag bago muling bumalik sa harap niya. Hinugot nito sa loob ng paper bag ang tatlong libro na pamilyar ang pabalat sa kanya. Iyon ang mga bagong labas na mga libro niya.

"Puwede bang magpa-autograph para sa...sa misis ko," anito sa mababang tinig. 

Balak pa niya sanang magtaray kaso baka idemanda na siya ni Liam ng paninirang-itim-na-puri nito. Kaya mabilis niyang pinirmahan ang mga librong dala nito. 

"Magpapa-pirma ka lang pala, nang-aaway ka pa," aniya bago ibinalik sa lalaki ang ballpen na ginamit niya sa pag-pirma. 

"My wife likes you so much, Carrie. Ikaw nga halos ang bukambibig niya kasi nabasa na niya lahat ng mga libro mo. At kinikuwento niya sa akin ang mga sinusulat mo. Pati yung mga eksenang..." Bumuntong-hininga ito kapag kuwan'y tumitig sa kanya. "Masaya ka na ngayon, naabot mo na pangarap mo e."

Kumirot nang kaunti ang dibdib niya.  Kapag nakakaharap mo talaga ang taong nanakit sa 'yo nang sobra, may kudlit talaga sa puso.  At ang lalong naging masakit para sa kanya ay ni minsan, hindi nito nakuhang mag-sorry sa mga ginawa nito sa  kanya. Malapit pa man din silang magkaibigan bago naging sila.  Ngayon nga lang ulit ito nagpakita e,  kahit tatlong kanto lang ang layo ng bahay nito sa kanila. 

Umirap muna siya at humalukipkip. 

"Natural! Alangan naman na magluksa ako e ito na nga 'yon! This is really is it!" 

At parang nananadya talaga,pumailanlang ang malakas na musika mula sa bahay nila to the tune of You've Made Me Stronger ni Regine Velasquez.

Lihim siyang napamura. 

Natatawang napailing si Mark. "Magaling pa rin talagang DJ si Tiyang Saling 'no?" komento nito na nakangisi. 

"Hindi lang siya magaling na DJ, black belter din siya sa Taekwondo at expert sa mixed martial arts," seryosong pahayag niya, nagmamalaki.

Sandaling tinakasan ng kulay ang mukha ni Liam. Never na naging boto si Tiyang Saling kay Liam noong sila pa kaya kahit noon ay iwas ang lalaki sa tiyahin niya. Ni hindi nga nito nagawang tumuntong sa bahay nila noong college pa siya at lalo naman noong magkarelasyon sila. Nakakatakot naman kasi talaga ang aura ng tiyahin niya dahil natural itong istrikta. Idagdag pa na malaking babae ito  at sadyang pinaglihi sa kunot-noo at irap.  Kung sabagay, nasa lahi talaga  nila ang tabain, mababalakang, at makurbada. Siya nga lang yata ang medyo slim.  Hindi niya tuloy malaman kung matatawa siya o babatukan ang uto-utong lalaki. Nagtumanga kasi ito ng ilang segundo dahil sa sinabi niya.

"Hindi ka naniniwala?" umpisa niya, tunog naghahamon. Umiling ito, puno ng pagdududa. "Gusto mo sample?" suhestyon niya bago nagsisigaw ng, "Tiyang! Tiyang! May naghahamon sa inyo rito sa baba ng jujitsu at 'yong pang UFC, Tiyang!"

Nawala ang music sa radyo. Mabilis na dumungaw ang Tiyang Saling niya mula sa bintana ng kwarto nito sa ikawalang palapag ng bahay. Walang salamin ang tiyahin niyang malabo ang mata. Halos pikit na nitong tila inaaninag silang dalawa ni Liam sa gate.

"Ano kamong KFC? Hindi ako nag-order ng KFC! Ke aga-aga! Palayasin mo 'yang delivery boy na 'yan! Bulaaan! Mapanlinlang! Ku-u! Para lang makabenta kung ano anong sinasabi! Hoy! Delivery boy! Hindi kami kumakain sa KFC! Teka babain ko 'yan!" Nawala sa bintana ang tiyahin niya, sunod na narinig ang nagmamadaliny pagbaba nito sa hagdan.

Natatarantang lumabas ng gate nila si Liam, ngunit bago ito tuluyang lumayas sa harap niya ay seryoso itong tumitig sa kanya at sinabing, "I'm sorry, Carrie. For everything."  Hindi na nito hinintay pa ang pagsagot niya bagkus ay dire-diretso itong sumakay ng kotse nito at pinaharurot iyon palayo. 

"O e nasaan na 'yong miyembro ng budol-budol?" nakapameywang na tanong ng tiyahin niya nang tuluyan itong makalapit sa pwesto niya. 

"Umalis na po Tiyang," sagot niya, bago tumalikod at pumasok sa kabahayan. 

"E saan ang punta mo at para kang nagmamadali!"

"Sa kwarto ko, Tiyang. Magsusulat po ako," sagot niya bago tumuloy sa pag-akyat sa hagdan. 

"Aba'y tirik na tirik ang araw tapos magsusulat ka? E sa gabi ka lamang naman nagsusulat a. At saka itong gripo, nakalimutan mong patayin!" patuloy na litanya ng tiyahin niya, pasigaw. Hindi siya sumagot, nagpatuloy lang siya sa pag-akyat sa hagdan. At bago pa man niya maisara nang tuluyan ang pinto ng kwarto niya, may pahabol na announcement ang tiyahin niya.  "Yong date mo mamaya sa anak ng amiga ni Kumareng Cion, h'wag mong kalilimutan. Magpaganda ka. Maglipstick ka ng red. At ang importante sa lahat, h'wag kang magtataray, H'wag mo akong tutularan. Sa kapipili ko'y naabutan ng expiration ang obaryo ko! Aba'y ilang taon na lang wala na sa kalendaryo ang edad mo a! Aba naman Caridad! Maglumandi ka naman at bigyan ako ng apo, nang 'di tayo aalog-alog dito sa bahay!"

Bumuntong-hininga siya. Natulilig siya sa litanya ng tiyahin niya na makailang-ulit na rin niyang narinig.  Kinuha niya ang ear pods at inis iyong isinaksak sa tenga niya bago hinarap ang blangkong screen sa laptop niya. 

Date. Na naman. Kung sabagay, may point ang tiyahin niya. Tama ito na tuwing inirereto siya nito sa mga binatang kamag-anakan at kakilala ng mga amiga nito e lagi na lang siyang haggardo, maputla at iritable. Paano, naghahabol na nga siya sa writing deadlines niya tapos pinipilit pa siya nitong makipag-date. Natural, lagi siyang aburido! At saka tama rin ito sa pagsasabing malapit nang malaglag sa kalendaryo ang edad niya. Twenty-seven na siya at pagkatapos ng relasyon niya sa mokong na si Liam mahigit dalawang taon na ang nakararaan, hindi na siya kusang-loob na nakipag-date. Pati nga mga kaibigan niya, kung kani-kanino siya inirereto. Mas kinakabahan pa ang mga ito sa kakahantungan ng lovelife niya kaysa sa kanya. At napaka-unfair no'n para sa kanya! Bakit ba kasi nagmamarunong pa ang mga ito? Lalandi siya kapag keri na ng mga hormones  at bahay-bata niyang maglumandi!

Inihilamos niya ang kamay sa mukha nang maalala ulit si Liam.  

Sorry. Nag-sorry ang walangyang lalaki! 

Matagal na niyang hinihintay 'yon dahil akala niya kapag narinig niya iyon, magiging okay na siya. Iyon na ang katuparan ng closure na matagal na niyang hinihintay.  Aminado naman siya, naka-move on na siya. Hindi na niya mahal si Liam. Kaya lang, bakit parang mabigat pa rin ang dibdib niya kapag tungkol sa pag-ibig ang pinag-uusapan. Hindi niya alam kung bangenge lang siya sa puyat ng nagdaang gabi dahil may tinapos siyang nobela o ano, pero pakiramdam niya  parang may kulang pa rin. Romance ang genre ng mga isinusulat niya. 'Yon nga lang, laging walang happy ending. Could it be that she really lost faith in love itself?

Napaigtad pa siya nang tumunog ang cellphone niya. Nagtext ang magaling niyang tiyahin, muling pinaalala ang date niya sa kakilala ng amiga nito. Imbes na sumagot, in-off niya ang cellphone niya. Kukumbinsihin muna niya ang sarili na baka tama ang tiyahin at mga kaibigan niya, hindi ang sorry ni Liam ang hinahanap niya kundi bagong lovelife. At habang ginagawa niya iyon, nagkalkal siyang ulit ng mga hindi pa tapos na kwento sa hard drive niya. Gaya nang dati, malungkot na naman ang ending na isinulat niya. ###

2085words/9:05pm/02122020

Ed: 2129wc12162022

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro