Chapter 9: The Evidence
BINUKSAN ni Dante ang email na pinadala sa kanya ni Mike. Nakapaloob doon ang cloned data na nakuha nila sa system ng Kamay na Bakal Foundation.
Ayon sa inilakip na mensahe ng assistant, masyado raw marami at magulo ang records na nakuha nila, kaya isinalin muna nito iyon sa proper format upang mas gumaan sa kanyang paningin.
Pagpindot niya sa enter button, tatlong folder ang bumungad sa screen. Ang unang folder ay naglalaman ng mga word at pdf file. Ang pangalawa ay naglalaman ng mga video footage. Ang pangatlo naman ay naglalaman ng mga litrato.
Una niyang binuksan ang first folder. Dalawampung files ang nakita niyang laman niyon. Labintatlong word file at pitong pdf file. Isa-isa niyang binuksan ang mga files at binasa ang laman niyon.
Karamihan ng bumungad sa kanya ay mga transaction at agreement papers na may pirma mismo ng founder nitong si Calixto Basco at ng ilang malalaking drug cartel sa iba't ibang mga bansa.
Nakasulat pa roon kung paano ang magiging takbo ng kanilang transaksyon at ang payment method na ginamit nila para i-transfer ang pera sa Bioplar system ng naturang foundation.
Nakasaad din sa mga dokumentong iyon na si Calixto Basco mismo ang nagsu-supply ng mga brand new items sa mga drug lord na ito. Mayroon itong sariling pagawaan ng droga na matatagpuan din sa loob ng headquarters ng foundation nito.
Doon niya napatunayan na talagang may drug business nga ang senador na ito. Ibig sabihin, lahat din ng mga sinabi ni Agapito Lopez sa programa nito tungkol kay Basco ay may katotohanan.
Sunod naman niyang binuksan ang second folder na naglalaman ng mga video. Karamihan doon ay mga ordinaryong video lang na kinunan sa aktuwal na programang isinagawa ng Kamay na Bakal Foundation sa iba't ibang lugar.
Pero may nakita siyang dalawang video roon na may kakaibang filename. Sinubukan niyang i-click ang isa at panoorin. Bumungad naman doon ang isang footage kung saan makikita si Calixto Basco at ang grupo nito na nag-aabot ng malalaking maleta sa isang grupo ng mga rebeldeng mandirigma.
Nang mabuksan ang mga maleta, bumungad ang iba't ibang model ng baril, shotgun, rifle, at ilang mga bomba.
Sa huling bahagi ng video ay makikita pang nakipagkamay si Basco sa leader ng mga sindikatong ito sabay abot ng bayad na nakalagay naman sa isang cash bag.
Sunod niyang pinanood ang pangalawang video. Mas lalo siyang nagulat sa nakita niya roon. Isang babae ang makikitang nakagapos sa kama habang paulit-ulit na nagmamakaawa sa mga lalaking nakapalibot dito.
Ilang saglit pa, biglang lumabas sa video si Calixto Basco at naghubad ng suot nitong pang-itaas. Saka ito tumabi sa babae at sinimulan itong pagsamantalahan. Naputol ang video sa bahagi kung saan hinuhubaran na nito ang babae.
Sumandal si Dante sa swivel chair at pinaikot ito sa ibang direksyon. "Huli ka ngayon, Basco. Malapit nang matapos ang maliligayang araw mo. Ako mismo ang tatapos sa 'yo!"
"HALA! Seryoso, insan? Nasa Vanguard din ngayon 'yung lalaking 'yon?" nanlalaki ang matang sagot kay Logan ni Joseph matapos niyang sabihin dito na nasa school din nila ngayon ang lalaking nakasagutan niya sa motor shop.
"Ang yabang pumorma, eh! Hindi niya talaga kilala kung sino ang binabangga niya! Akala niya yata, porket binili niya ng sampung milyon 'yung motor na 'yon, mas mayaman na siya sa akin! Ewan ko na lang kung saan pupulutin ang ungas na 'yon kapag nagsimula akong gumalaw!"
"E, bakit hindi mo pa turuan ng leksyon, insan? Palalampasin mo pa ba 'yung pagpapahiyang ginawa niya sa 'yo sa motorworld?"
"Naka-set na 'yan, insan. Inoobserbahan ko lang muna ng ilang araw. Pero sa susunod na linggo, sisiguraduhin kong hindi na siya makakapasok ng isang taon dahil sa maga ng mukha niya!"
"'Yun, oh! Sana makasama rin ako, insan! Para mapanood ko rin kung paano mo siya bubugbugin!"
"Hintayin mo lang." Sabay sindi niya sa lighter at itinapat sa sigarilyong nasa bibig niya. Pagkatapos niyon ay niyaya na niya ang kasama na pumasok sa loob ng frat house nila.
NAGHUBAD ng pang-ibabaw na damit si Dante at nagpalit ng itim na pajama sa pang-ilalim. Pagkatapos lakasan sa remote ang hangin ng aircon, inihiga niya ang kalahating katawan sa gilid ng kama habang nakatapak sa sahig ang mga paa.
Kinuha niya sa tabi ang isang second hand phone na pinabili niya kay Mike at may tinawagang numero doon. Ilang sandali pa, narinig na niya sa kabilang linya ang boses ni Calixto Basco.
"Hello? Who is this?"
Gumuhit ang matalim na ngiti sa kanyang mga labi. "Good evening, Senator. How's your business going? Kailan ka magpapadala ulit ng drugs sa mga suppliers mo?" Hindi na siya nagpaliguy-ligoy pa. Binara na niya ito para uminit agad ang usapan nila.
"Sino 'to? Who are you and how did you get my number!" ramdam agad niya ang pagkaalarma sa boses nito.
"Hindi na mahalaga kung sino ako. Mas mahalaga 'yung mga lihim na tinatago mo sa publiko. 'Yun ang pag-usapan natin."
"Excuse me? Do I know you? What are you talking about?"
"You don't know me, but I know you, Senator. I know all your secrets. Marami akong alam sa 'yo na hindi alam ng publiko."
"Sorry, I think you have called the wrong number!"
"No, Senator. Hindi maling number ang tinawagan ko. Sinigurado kong ikaw ang may-ari ng numerong ito, Calixto Basco."
Bahagyang natigilan ang lalaki sa kabilang linya. Pagbalik nito ay medyo mataas na ang boses nito. "Ano'ng kailangan mo sa 'kin? Bakit ka tumatawag dito? Binabalaan kita, ah. Kung may balak ka mang hindi maganda, huwag mo nang ituloy dahil baka iyan pa ang ikapahamak mo!"
"Bakit, Senator? Ipapabugbog mo ba ako? Ipapabaril mo rin ba ako sa mga ka-brod mo?"
"I don't know what you're talking about! Pero puwede kang makulong sa ginagawa mong 'yan!"
"Bakit mo naman ako ipapakulong? Wala naman akong ginagawang masama, hindi gaya mo. Ang mga katulad mong salot na politiko ang dapat na kinukulong."
"Malaman ko lang kung sino ka, may kalalagyan ka talaga!"
Natawa siya. "Oh? Mukhang nagbabanta ka na yata, Senator. Ingat ka. Baka maraming mawala sa 'yo kapag nakarating sa publiko 'yan!"
"Kung sino ka mang hayop ka, hindi ko alam ang mga binibintang mo sa 'kin! Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo dahil puwede kitang kasuhan sa paninirang-puri mo!"
"Bakit defensive ka na agad, Senator Basco? Wala pa naman akong sinasabi, ah? Maliban na lang kung alam mo sa sarili mo na may tinatago ka talaga..."
"Huwag mo 'kong sinusubukan, ungas! Hindi mo alam kung ano ang kaya kong gawin!"
"Alam ko. Ipapaimbestiga mo 'ko para malaman mo kung sino ako. Saka mo uutusan ang mga ka-brod mong Spaterion para ipapatay ako. Tama 'di ba? Gaya ng ginawa mo kay Agapito Lopez?"
"Isa ka ba sa mga supporter ng broadcaster na 'yon? Iniisip mo ba na may kinalaman ako sa pagkamatay niya? Hoy, minsan ko lang 'tong sasabihin sa 'yo, ah! Kahit lagi niya akong binabatikos sa programa niya, ni minsan hindi ko siya pinagtangkaan! Hindi ako nagalit sa kanya! Hindi ako ganoong tao! Labas lang sa tainga ko ang lahat ng ibinabato sa akin ng mga taong may galit sa akin. Wala akong ibang ginagawa kundi ang tumulong sa kapwa at ipaglaban ang kaligtasan ng mga Pilipino!"
Muli siyang natawa. "Alam mo, Senator, hindi ka na dapat nagsasalita nang ganyan. May hawak akong ebidensya laban sa 'yo. Alam kong may sarili kang pabrika ng droga d'yan sa building mo. Alam ko ring ikaw at ang foundation mo ang nagbibigay ng armas sa mga rebeldeng sundalo. Hawak ko ang lahat ng sikreto ng foundation mo. Kaya kung hindi ka aamin sa ginawa mo kay Agapito Lopez, makakarating sa publiko itong lihim na pinakaiingat-ingatan mo."
"Wala akong aaminin sa 'yo dahil kahit kailan hindi ko ginawa ang sinasabi mo! Hindi ako mamamatay-tao!" Mas lalo pang tumaas ang boses nito.
"Sinasabi ko sa 'yo, Senator, hindi mo dapat pinagtatakpan ng ganyan ang sarili mo. Dahil kapag nasa harap ka na ng korte, hindi ka na makakapagsalita sa sobrang kahihiyan. Baka mabaliw ka pa at matuluyan. Kaya umamin ka na lang para matapos na 'to."
"Wala nga akong aaminin sa 'yo! Hindi ako ang pumatay sa broadcaster mo!"
"Talaga? Sige. Tingnan natin."
Dinampot naman niya ang isa pang second hand na cellphone at nag-send ng attachment file sa numero ng kausap.
Ilang sandali pa, natanggap na iyon ni Senator Basco sa cellphone nito. Nanginginig pa ang kamay na binuksan nito ang mensahe. Gulat na gulat naman ito nang makita ang sarili nitong video na nakikipagkamay sa mga sindikatong binentahan nito ng illegal na armas.
"Hindi lang 'yung drug business mo ang alam ko, Senator Basco. Alam ko rin ang lahat ng grupo at sindikatong binebentahan mo ng mga baril. Ang dami mong iligal na negosyo! Tapos, may ni-rape ka pa yatang babae five years ago kasama ang mga ka-brod mo. Nakakaya mo pa bang mabuhay sa ganyan?"
"Sino ka bang hayop ka! Saan mo nakuha 'to!" gigil na gigil ang tinig ng senador sa kabilang linya.
"Siyempre saan pa ba? E, 'di sa sarili mong balwarte! Hindi mo pa ba nabalitaan ang nangyari sa building mo kanina?"
"Magkano ba ang kailangan mo! Magkano! Sabihin mo lang. Gagawin kong triple 'yan! Huwag mo lang ilabas ang lahat ng nalalaman mo!"
"Hindi ko kailangan ng pera mo, Senator, dahil meron din ako n'yan. Baka nga mas mayaman pa ako sa 'yo. Isa lang ang gusto kong ibigay mo sa 'kin para hindi na 'ko magsasalita. Aminin mo lang sa akin ngayon na ikaw ang pumatay kay Agapito Lopez."
"Siraulo ka ba? Paano ako nakasisigurong hindi ka magsasalita kapag umamin ako? Hindi ba't iyon lang ang hinihintay mong marinig para lalo mo akong masiraan? Akala mo ba hindi ko alam na nire-record mo itong pag-uusap natin para may magamit ka laban sa 'kin?"
"So, inaamin mo nga na ikaw ang pumatay?"
"Hindi ako ang pumatay! Wala akong pinapatay! Wala akong alam sa lahat ng sinasabi mo!" halos magsisigaw na ito sa galit. "Siguro nga may illegal akong negosyo. Pero hindi ko ugaling magpapatay ng taong may ayaw sa akin!"
"Aminin mo na lang sa akin na 'yung frat mong Kappa Delta Upsilon ang nagpapatay. Hindi ba tama ako? Sila ang may kinalaman sa pagkamatay ni Agapito?"
"Wala silang kinalaman dito! Walang ginagawang masama ang kapatiran ko!"
"Wala ba talaga? O pinagtatakpan mo lang?" Napabuntong-hininga siya. "Senator, alam ko kung gaano kalaki ang impluwensya ng frat mo kaya ganoon na lang katindi ang tiwala mo sa kanila. Pero sinasabi ko sa 'yo, kahit sila walang magagawa para ipagtanggol ka kapag ako ang gumalaw sa 'yo. Alam mo, 'yang mga frat na 'yan, sa maliliit na bagay ka lang tutulungan n'yan. Kapag nagkagipitan na talaga, iiwanan ka rin ng mga 'yan!"
"Hindi mo alam ang sinasabi mo! Huwag mong dinadamay rito ang mga ka-brod ko! Sino ka ba talagang hayop ka!"
"Kung ayaw mong umamin, hinahamon ko na lang kayong lahat. Gusto mo 'kong makita? Sige, pagbibigyan kitang mabawian ako. Magkita tayo at gusto kong dalhin mo sa 'kin ang mga ka-brod mo. Haharapin ko kayong lahat. Siguraduhin n'yo lang na mapapatay n'yo 'ko para wala nang makapagpabagsak sa inyo. Ano, deal?"
Matagal bago nakasagot si Basco. Pero sa huli... "S-sige. Deal. Magbibigay ako ng lugar kung saan tayo puwedeng magkita."
Napangiti muli siya. "Okay. I-pm mo lang sa 'kin. Kahit anong oras puwede ako. Kahit ngayon pa."
"Sigurado ka? Sige. Ite-text ko na sa 'yo ang lugar. Siguraduhin mong ikaw lang mag-isa, ah? Huwag kang magdadala ng pulis!"
"Wala akong dadalhin kundi sarili ko lang. Pero kayo, puwede kayong magdala ng baril o bomba kung gusto n'yo. Lahat ng puwede n'yong magamit para mapatay ako, dalhin n'yo na."
"Ang yabang mo, ah. Ano ka, si Superman?"
"Wala akong panahon makipagbiruan, Senator. Hihintayin ko ang lugar ngayon din. Ibababa ko na 'to." Pagkapatay niya sa tawag, agad siyang bumangon at muling nagbihis ng damit. Saka niya kinuha ang susi ng kanyang motor sa tabi ng lamesa.
"ANOOOO! Bakit hindi n'yo sinabi sa 'kin agad! Bakit ngayon ko lang nalaman 'yan!" paninigaw ni Senator Basco sa mga tauhan matapos nilang ibalita ang nangyari sa headquarters kaninang umaga.
"Pasensya na po, Sir Basco. Sinusunod lang po namin 'yung sinabi n'yo na kapag may problemang hindi pa nareresolba, huwag muna naming sabihin sa inyo dahil ayaw n'yo ng stress. Kaya nga po hanggang ngayon iniimbestigahan pa rin namin 'yung nangyari. Kapag nahanap na namin kung sino ang gumawa, saka pa lang po namin sasabihin sa inyo, Sir," nakayukong sagot ng isang tauhan sa kanya.
"So, ano na'ng nangyari sa pag-iimbestiga n'yo? Nalaman n'yo na ba kung sino ang nanloob?"
"Sa ngayon wala pa rin po, Sir. Lahat kasi ng CCTV kanina biglang nag-malfunction. Nang maisaayos namin, nabura naman 'yung mga recorded footage."
"Bullshit kayong lahat!" Hindi siya nakapagpigil na ibato ang mga gamit sa paligid niya. "Hangga't hindi n'yo nahahanap ang nanloob sa building, huwag na huwag n'yo akong kakausapin! Maliwanag?"
"Masusunod po, Sir Basco." Sabay na tumango sa kanya ang dalawang tauhan.
Lumabas na siya ng mansyon at sinalubong ang iba pang mga tauhang naghihintay sa kanya. Dinukot niya ang cellphone sa bulsa at may tinawagan.
Ilang sandali pa, sumagot sa kabilang linya si MG Cerino. "Hello, Senator! Napatawag ka yata ng ganitong oras?"
Nanginginig ang mga labi na sumagot si Basco. "Pasensya na sa istorbo, kapatid! Pero puwede bang makahiram ng ilan sa mga brod natin?"
"Sure, Senator! Ano pala ang problema ngayon?"
"Ang totoo n'yan, someone is threatening me on the phone! Alam niya lahat ng sikreto ko! Nagawa niyang pasukin ang building namin kanina at na-hack pa niya ang server namin! And you know what's worse than that? Marami sa mga security ko kanina ang nakabulagta sa third floor! Bugbog-sarado silang lahat! Hindi basta-basta itong tao na kumakalaban sa akin. Sa palagay ko, isa ito sa mga tao ni Agapito na gusto akong gantihan! Tulungan n'yo ako, kapatid! Kailangang-kailangan ko ng tulong n'yo ngayon! Kailangang mahanap at mapatay natin 'yung tao na 'yon bago pa sumapit ang umaga! Ang dami na niyang nalalaman sa akin!"
"Relax, relax, Senator. Wala kang dapat ipag-alala. We are the most powerful here. Walang puwedeng bumangga sa ating mga Spaterion! Pero teka, bakit mo nga pala kailangan ang mga brod natin?"
"Gusto kasing makipagkita nung lalaking nakausap ko! Siya mismo ang naghamon na dalhin ko raw ang mga ka-brod ko para patayin siya. Siguraduhin daw namin na mapapatay namin siya para hindi niya mailabas ang hawak niya laban sa akin! Kita mo na kung paano siya magsalita? Tiyak akong malaking tao talaga ito dahil hindi siya natatakot sa ating mga Spaterion!"
"Marami na tayong nakabangga na malalaking tao at grupo, Senator. Wala nang dahilan para matakot ka sa ganyan. Sige, sige. Magpapadala na ako ng mga brod natin d'yan. Habang ako'y tatrabahuhin ko naman ang paghahanap sa lalaking sinasabi mo. Can I have his number and details?"
"I will send it to you pagkatapos ng tawag na 'to. Salamat talaga, kapatid! Kailangang mahuli at mailigpit na natin ang lalaking 'yon bago magtapos ang gabing ito!"
"Don't worry my Senator... Hindi na ito aabot pa ng umaga. Kung sino man iyang nagsisiga-sigaan sa 'yo, ito na ang huling gabi niya sa mundo..."
Doon nagtapos ang usapan nila. Dali-dali silang sumakay ng kotse at pinaharurot iyon.
DUMUNGAW si Dante sa bintana ng abandonadong gusali na pinagtataguan habang nakatutok sa mga mata ang hawak na binocular telescope. Walang nakakakita sa kanya roon dahil bukod sa malayo-layong distansya nito ay madilim din sa kinaroroonan niya.
Nakita niya sa kanyang binoculars ang pagdating ng dalawang malalaking sasakyan sa madamong bahagi ng lupaing iyon.
Sa kabila ay bumaba ang mga kalalakihang nakasuot ng Spaterion shirt. May bitbit pang paddle, kutsilyo, at batuta ang ilan sa mga ito. Habang sa kabila naman ay lumabas si Calixto Basco kasama ang sarili nitong mga tauhan.
Sa sobrang dami nila roon, kayang-kaya na nilang punuin ang kapasidad ng isang sinehan. Tawang-tawa si Dante sa nakikita niya. Mukhang natakot yata niya ng husto ang senador kaya ganito na lang karami ang hinakot na backup.
Ibinaba na niya ang binoculars at dinukot sa bulsa ng jacket ang original phone niya na Samsung Galaxy S23 Ultra. Kinuhanan niya ng video ang mga ito gamit ang 100x zoom feature ng smartphone niya. Kahit nasa malayo ay malinaw na malinaw sa kanyang screen ang kaganapan. Kitang-kita pati ang mukha ng mga ito.
Mayamaya ay tumunog na ang numero ng isang backup phone niya. Sinagot agad niya iyon habang nakatitig pa rin sa hawak na smartphone.
"Hello, Senator? Asan na kayo?"
"Hoy! Magpakita ka na! Nandito na kami! Lumabas ka na ngayon at labanan mo kaming lahat dito! Ipakita mo ang tapang mo!"
"Sige, sige. Malapit na 'ko d'yan. Pero may nagbago nga pala sa isip ko, Senator. Hindi ko na kayo lalabanan. Ibabalik ko na lang sa inyo ang lahat ng ebidensyang nakuha ko, kapalit ng halaga na sinasabi mo kanina. Tatanggapin ko na lang 'yung pera para wala nang gulo. Deal?"
"Ginagago mo ba ako?" Muling tumaas ang boses ng lalaki. "Matapos kang magdeklara ng giyera sa akin kanina, bigla ka namang aatras ngayon? Hoy, wala nang atrasan 'to! Hindi mo na puwedeng bawiin ang sinabi mo! Hihintayin ka namin dito at lalabanan mo kami!"
Lalo siyang napahagikgik sa pinakamahinang paraan. "Paano kung hindi ako sumipot d'yan? Ano'ng gagawin mo?"
"Kahit saan ka pa pumunta, hindi mo na aabutan ang umaga! Mapapatay at mapapatay ka naming tarantado ka! Huwag mo 'kong pinapaasang hayop ka! Pumunta ka rito para malaman mo kung gaano katindi ang puwersa naming mga Spaterion!"
"Bye, Senator! Maraming salamat sa oras mo." Ibinaba na niya ang tawag pati ang smartphone niya. Sapat na ang eksenang na-record niya para madagdagan ang hawak niyang mabigat na ebidensya.
Halos maglulundag naman sa pagwawala ang senador. "Hayop talaga ang lalaking iyon! Sinusubukan niya talaga ako! Hindi puwedeng hindi natin siya mahuli ngayong gabi!"
Kahit nasa malayo ay nahagip pa rin ng kanyang pandinig ang nakaririnding sigaw nito. "Kawawang bata," aniya at tinalikuran na ang bintana.
Pagkababa sa ground floor ay dali-dali siyang sumakay sa motor at pinaharurot iyon sa pinakamabilis na paraan.
Habang nakatayo sa gitna ng damuhan, bigla namang nakarinig ng tila tunog ng motor sina Senator Basco. Tunog iyon ng isang tila mamahaling motor.
"Saan 'yun? Akala ko ba nakakotse tayong lahat? Sino pa ang nandito?" Agad niyang inutusan ang mga tauhan para hanapin kung saan nagmumula ang tunog ng motor.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro