Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 29: Unexpected Visitors

NANG magising si Dante, natagpuan niya ang sarili sa kuwarto ng rest house ni Mike. Naabutan pa niya ang lalaki na naglalapag ng pagkain sa katabing mesa. Gigisingin na sana siya nito pero nang makita nitong gising na siya, agad itong bumati sa kanya at tinuro ang pagkain.

"Salamat, Mike," sagot niya rito sa nanghihinang tinig.

Nahagip agad ng paningin niya ang mga bendang nakabalot sa mga sugat niya sa katawan. "Asan na nga pala si abuelo?"

"Nasa ospital pa, boss. Nagpapahinga."

"Iniwan mo siya mag-isa?"

"M-may kasama po siya, boss."

"Sino?"

"Pinapasabi ni Sir Frido, malalaman n'yo na lang daw po kapag nakapunta na kayo roon."

Nag-irap na lang ng mata si Dante. "Si abuelo talaga, oh! Kung anu-anong kalokohan na naman ang naiisip."

"Nga pala, boss. May nasagap akong balita. Patay na raw po pala si Logan."

Napalingon siya rito. "Totoo?"

"Kahapon pa raw po."

Napabuntong-hininga siya. "Siguradong galit na galit sa akin nito si MG Cerino."

"Kaya nga po. Paniguradong babalikan niya po kayo para paghigantihan."

"Tama lang 'yun sa kanya. Para malaman niya ang pakiramdam ng mawalan ng mahal sa buhay."

"Ano na po ang susunod n'yong plano?"

"Wala pa bang nakakaalam kung nasaan siya?"


"Nahuli na po siya kahapon. Pumunta kasi siya sa hospital kaya may nakapag-report sa kanya. Kaso nakatakas din daw po siya kaninang umaga. Ang masaklap pa po, tatlo sa mga pulis ang napatay pa niya. Tinulungan pa raw po siya ng mga kakilala niyang preso doon na konektado rin daw sa frat nila."

Nagsalubong ang mga kilay niya. "Nakatakas na nga siya, nagawa pa niyang makapatay?" Naalala niya agad ang tungkol sa Basag Bungo Gang.

"Wala nang nakakaalam ngayon kung nasaan siya, boss. Kahit 'yung tracker ko hindi pa rin siya nakikita. Nakapagtanim na rin ako ng mga spy device sa lahat ng alam nating lugar na pinupuntahan nila para mas mapadali ang paghahanap natin."

"Siguradong naghahanda na 'yun para mabawian ako. Hindi natin alam kung kailan siya lalabas para umatake kaya kailangan nating maghanda."

"Huwag po kayong mag-alala, boss. Gaya nga ng sinabi ni Sir Frido kanina, pumunta na lang daw kayo roon kapag okay na kayo. Dahil nandoon na rin daw ang solusyon sa problema n'yo."

Nangunot na naman ang noo niya. "May pinag-uusapan ba kayo ni abuelo na hindi ko alam?" aniya habang nagbitiw ng malisyosong titig dito.

Nang yumuko si Mike at hindi sumagot, alam na niya ang sagot doon. Kaya kahit medyo masakit pa ang katawan, napilitan na siyang bumangon para balikan ang matanda sa ospital.

GANOON na lamang ang gulat ni Dante nang makita ang mga panauhin sa loob ng silid ni Don Frido. Nasa tabi ng matanda si Coach Maverick niya. Sabay-sabay namang bumati sa kanya sina Enrique, Joshua, at Ryosuke.

"'Yun oh! Andito na si Crisanto!" sinabayan si Enrique ng dalawa sa pagsigaw, saka sila sumugod kay Dante at pinagtulungan itong bugbugin sa magkaibigang paraan. Napadaing tuloy siya nang matamaan nila ang mga sugat niya sa katawan.

"Surprise, Dante! Este Crisanto!" sabi naman sa kanya ni Don Frido na nakasandal sa kama at wala nang bakas ng panghihina sa buong katawan.

Sa isang iglap ay nakalimutan ni Dante ang mga problema at sakit ng katawan. Nawala ang aggression sa mukha niya at hindi napigilan ang paglabas ng tawa habang nakikipagsalubungan ng kamao sa mga barkada.

"Daya mo talaga! Siguro ang sarap na ng buhay mo rito, 'no? Kaya ayaw mo nang bumalik sa Davao," sabi sa kanya ni Enrique Gonzales habang nakaakbay sa balikat niya.

"Saan ba may tindahan dito? Para maka-order na tayo ng isang case! Tapos dito na rin tayo uminom!" masigla namang sabi ni Joshua Ramirez sabay bihag sa ulo niya.

"Dō shita no, kyodai? Ilang buwan na ang lumipas mula nang mawalay ka sa amin. Watashitachi wa anata ga inakute sabishīdesu!" turan naman sa kanya ni Ryosuke Kimura.

Tawa naman nang tawa si Dante sa tatlo. "Kayo talaga. Guguluhin n'yo na naman ang mundo ko rito! Bakit kayo nandito? Ano'ng meron?"

Hanggang sa magtagpo ang mga mata nila ni Maverick. Kusa itong tumayo at lumapit sa kanya. Magkahalong saya at pagtataka ang namamayani sa mukha nito. "Kumusta ka na, Crisanto? Saan galing 'yang mga pasa mo? Para kang binugbog ng sampung tigre."

Napalunok si Dante. Hindi na niya alam kung paano pa itatago ang mga ito. "Ah, Coach! Okay lang naman ako. Biglaan yata ang dating n'yo?" pag-iiba niya.

"Itinawag sa akin ni tatay ang tunay na kalagayan mo rito noong isang araw pa. Ano'ng ginagawa mo, Crisanto? Akala ko ba nagpunta ka rito para mag-aral? Ano itong nabalitaan ko na may mga grupo ka raw na kinakalaban? Tapos sumali ka pa sa frat?" Sa pagkakataong iyon ay naglaho na ang ngiti nito sa mga labi.

"Woah! Seryoso ba 'yun, bro? Sumali ka sa frat? Oy, bakit naman? Doon sa atin inuutusan lang natin silang bumili ng beer at sigarilyo, ah? Bakit ka naman pumasok sa frat?" asik pa sa kanya ni Joshua at binitiwan ang ulo niya.

"'Tang-ina naman, oh! Anong frat 'yon, pare! Kung gusto mo lang naman pala sumali ng frat, eh 'di sana nagsabi ka sa 'min! Para gumawa na lang tayo ng sarili nating frat! Ano ba'ng magandang pangalan? Frat-ing gutom? O Frat-ing lasing?" Muling nagtawanan ang tatlo sa sinabing iyon ni Enrique sabay yugyog sa balikat niya.

Isa-isa niyang binatukan ang tatlo at pinaalis. "Doon nga muna kayo! Mag-uusap muna kami ni coach." Saka niya inakbayan ang lalaki at hinila palabas ng ospital.

Pumuwesto sila sa dalawang bakanteng upuan sa gilid at doon niya ito binitiwan. "Sorry, Coach. Sorry talaga. Hindi ko nasabi sa 'yo agad. Hindi ko kasi alam kung paano ipapaliwanag, eh."

"Naikuwento na sa akin lahat ni tatay," sagot agad sa kanya ni Maverick. "Matagal na pala kayong nagpaplano sa pagpapabagsak doon sa leader ng frat na sinasabi niya. Tapos sumali ka pa mismo sa grupo nila para sirain sila. Ano ba naman ang ginagawa mo, Crisanto? Nilalagay mo lang sa alanganin ang buhay mo!"

"Coach, may personal po akong dahilan kaya ko ginagawa ito. Siguro naman nasabi na rin sa inyo ni Don Frido 'di ba?"


"Ang alin? Ang paghihiganting ginagawa mo sa leader ng frat na pumatay sa tatay mo? Iyon ba, Crisanto?"

"Hindi biro 'yung ginawa niya sa akin, coach. Sinira niya ang buhay ko. Dahil sa kanya, maaga akong naulila sa tatay ko. No'ng malaman kong kakilala siya ni Don Frido at mag-business partner sila, lalo akong nabuhayan ng pag-asa na itaguyod ang katarungan para sa tatay ko."

"Nauunawaan ko ang tungkol sa tatay mo. Pero kailangan mo pa bang paabutin sa ganito? Kailangan mo pa bang idaan sa gulo at patayan ang lahat para lang makamit ang hustisyang sinasabi mo? Sa tingin mo ba, matutuwa rin siya kung malaman niyang nakikipagpatayan ka ng ganyan?"

"Coach naman, eh. Malaki ang kasalanan sa akin ng taong iyon! Pinatay nila ang tatay ko. Nilunod pa nila ako sa ilog. Pero walang nakulong sa kanila kahit isa! Ang sarap ng buhay nilang lahat. Samantalang ako, hanggang ngayon nagdurusa sa pagkawala ng tatay ko. Hindi ako papayag na maging masaya sila habang buhay! Kailangan nilang pagbayaran ang malaking kasalanan nila sa akin! Sana maintindihan mo kung bakit kailangan kong gawin ito."

"Pero hindi ko gustong pumatay ka ng tao!"

"Nakakalimutan mo yata, coach, na kabilang din ako sa Deathsport. Normal na sa mga laban doon ang magkaroon ng patayan. Nagkataon lang na hindi ko gustong patayin ang mga nakakalaban ko, pero kung tutuusin, hindi pa rin bawal gawin iyon. Kaya kung sakaling piliin ko ring patayin ang mga kalaban ko, paniguradong wala ka ring sasabihin sa akin. Tapos dito sa fraternity, natatakot kang makapatay ako?"

Napabuga ng malalim na paghinga ang lalaki. Bakas sa anyo nito ang pagsuko sa argumento. Napahawak na lang ito sa dalawang braso niya.

"Naiintindihan naman kita, eh. Hindi ko lang tanggap na tinago mo pa ito sa akin. Puwede bang sa susunod, sa akin ka unang magsasabi? Ako ang coach mo. Ako ang kumupkop at nagpalaki sa 'yo. Ako na rin ang pumapangalawang tatay mo. Karapatan ko ring malaman ang lahat ng nangyayari sa buhay ng anak at alaga ko."

Napakamot na lang siya ng ulo sa sinabi nito. "Kasi naman, coach, eh! Ang hirap magsabi sa inyo. Lagi n'yo akong hinihigpitan kahit noong nasa Davao pa lang tayo. Paano kaya ako gaganahang magsabi n'yan?"

"Sige na. Huwag ka nang magtampo. Tutulungan kitang patumbahin ang mga kalaban mo. Kaya nga isinama ko rin dito sina Enrique. Pero pagkatapos nito, mangako ka na babalik tayo sa Davao at itutuloy mo ang pakikipaglaban, ah? Tandaan mo, may titulo ka pa na dapat depensahan doon."


"Akala ko wala na pong Deathsport ngayon? 'Di ba nabalita na sila sa TV?"

"Lumipat lang sila ng ibang lugar. Nag-o-operate pa rin sila. Kailangan pa rin tayo roon dahil ikaw ang humahawak ng pinakamalaking titulo ngayon. Naghihintay silang lahat sa 'yo. Sabik na silang mapanood kang lumaban muli."

"Promise 'yan, coach." Saka nila binigyan ng mahigpit na yakap ang isa't isa.

Nang magkasundo sa lahat ng bagay, bumalik na sila sa loob kung saan naabutan nilang ginugulo ng tatlo si Don Frido.

"Hoy, hoy, hoy, dito nga kayo! Huwag n'yong istorbohin si abuelo d'yan! Kailangan niya ng maayos na pahinga," sita niya sa mga barkadang fighters.

"Nag-uusap lang kami kung anong alak ang iinumin namin!" sagot sa kanya ni Enrique.

"He's right, nieto. I think I just need some alcohol para bumilis ang recovery ko," pilyong tugon naman sa kanya ni Don Frido.

"Tatay naman. Tigilan mo nga 'yan!" iritang sagot dito ni Maverick.


"Tama si erpat mo, coach! Alak lang ang kailangan niya para makalabas na siya rito!" asik na naman ni Enrique.

"Tumigil nga kayo! Walang iinom ng alak dito, ah! Ospital ito! Maghintay kayong makalabas tayo rito bago kayo magyayaan! Huwag kayong atat!" saway ni Maverick sa mga ito.

"Daya naman, coach! Sinama-sama mo kami rito tapos hindi mo man kami paiinumin," singit naman ni Joshua.

"Mga mukhang alak! Kung gusto n'yong uminom, bumili kayo ng juice o kape sa labas! Wala munang alak ngayon, maliwanag?" Saka ito umupo sa tabi ng kama.

"Labas na lang tayo para wala nang gulo rito. Ako na ang magpapainom sa inyo," sabi naman ni Dante sa mga kasama.

"'Yun, oh!"

Muling nagsigawan ang mga ito at lumapit sa kanya. Bigla naman niyang narinig ang pagsita ni Maverick. "Crisanto!"

"Sa labas lang kame, coach. Magkakape lang kami," paalam niya rito at lumabas na ng silid.

"Anong 'kape' ba ang gusto n'yong inumin? Empe o Alfonso?" mayamaya'y tanong niya sa mga kaibigan habang nilalakad ang tahimik na pasilyo.

"Siyempre Empe na 'yan!" masiglang sagot ni Enrique.

"Alfonso na lang, p're!" sagot naman ni Joshua.

"Puwede bang both? Samahan na rin ng lemon at tequila, saka tayo magsipsipan ng dila," pilyong sagot ni Ryosuke.

"Sige, lahat 'yan iinumin natin!" aniya sa mga barkada at nakisabay na rin sa pagsigaw ng mga ito.

"'Yan ang gusto ko kay champ, eh!" pahabol pa sa kanya ni Enrique.

NAKALABAS na kinabukasan si Don Frido sa ospital. Tumuloy na muna sila sa bahay nito sa Valenzuela habang hindi pa nagbabalik sa operasyon ang Nexus Nightclub.

Hindi pa makatulog si Dante nang gabing iyon kaya naisipan niyang magpahangin sa likod ng bahay.

Naghubad siya ng damit at ipinatong sa balikat ang t-shirt niya. Saka niya nilasap ang malamig na hangin sa paligid at nag-indian seat sa harap ng pinto.

Natigilan siya sa pagmumuni-muni nang mag-vibrate ang cellphone niya. Nagulat siya nang makitang tumatawag si Luna sa Viber. Ngayon lang niya ito biglang naalala. Ano kaya ang nangyari dito at bigla na lang itong nawala?

"Hello, Luna? Kumusta na? Buti at napatawag ka? Parang ang tagal mo yatang nawala, ah?" sunod-sunod na tanong niya. Nag-uumapaw sa pagkasabik ang tinig niya.

Nakita niya sa camera ang babae. Nakangiti ito pero bakas na bakas ang lungkot sa anyo. "Okay lang ako, Dante. Mga pasa ba 'yan? Ano'ng nangyari sa 'yo?"

"Ah ito? W-wala 'to! Ikaw, ano'ng nangyari sa 'yo at ngayon ka lang nagparamdam? May problema ba ulit?"

"Actually, kaya rin ako tumawag sa 'yo para makapagpaalam. Mukhang hindi ko na magagawa ang trabaho ko sa Nexus. Andito ako ngayon sa America, eh."

Nabigla siya. "Ano? America? Bakit ambilis naman? May business trip ba kayo d'yan?"

"Ang totoo n'yan, dinala ako rito ng parents ko matapos nilang malaman ang pakikipag-break ko kay Logan. Ngayon ko lang nahawakan ang phone ko dahil wala sila rito. Pasensya ka na kung bigla akong nawala."

Lalo siyang nag-alala para dito. "Sapilitan ka nilang dinala d'yan? Dahil lang sa pakikipaghiwalay mo kay Logan? Anong klaseng magulang sila!"

"Iyon nga ang sinasabi ko sa 'yo noon. Mahirap kalaban ang parents ko. Kung kay Logan lang, kayang-kaya kong makipaghiwalay anytime. Pero ang kinakatakot ko lang ay ang gagawin sa akin ng parents ko kapag ginawa ko nga iyon. Kaya heto, nangyari na nga ang kinatatakutan ko. Dinala uli nila ako rito at hindi ko alam kung kailan ako makakabalik d'yan. Medyo mahirap pa ang sitwasyon ko rito."

"I'm sorry, Luna. Sobrang sorry talaga. Kung alam ko lang na ganyan ang mangyayari, hindi na lang sana kita kinumbinsi na makipag-break kay Logan. Kasalanan ko ito."


"It's okay, Dante. Wala kang kasalanan. Gusto mo lang namang tumulong. Wala rin naman akong pinagsisisihan sa ginawa kong pakikipaghiwalay sa kanya. At least, wala nang kadena na magtatali sa amin ngayon. Ang ipinagdarasal ko na lang ay sana bumalik na ang dating pagmamahal sa akin ng parents ko noong wala pa si Logan sa landas namin."

"Magiging maayos rin ang lahat," sagot na lamang niya dahil wala rin siyang magawa para matulungan ito ngayon. Lubhang napakalayo nito. "Basta huwag ka lang sumuko, Luna. Huwag mo na rin sana subukang kitilin ang buhay mo. Alam kong hindi tayo magkaano-ano at kaibigan mo lang ako, pero sana huwag kang magpapakamatay ulit, lalo na't malayo ka ngayon dito sa aming mga kakampi mo."

Ginamit niyang dahilan ang pagkakaibigan nila para hindi nito mahalata ang tunay niyang nararamdaman matapos niyang sabihin iyon. Ayaw talaga niyang mawala ang babae sa kanya.

Bahagya namang napangiti ang babae. "Huwag kang mag-alala, Dante. Wala na sa isip ko ang bagay na iyon. Lagi kong tinatandaan ang sinabi mo sa 'kin na hindi solusyon ang pagpapatiwakal para tuldukan ang problema."

Parang kinurot ang puso niya sa narinig. Hindi niya pinahalata ang kilig na naramdaman niya rito. "Salamat, Luna. Hayaan mo, 'pag natapos na ang problema ko rito, gagawa ako ng paraan para matulungan ka d'yan sa America. Susubukan kong pumunta d'yan para kahit papaano may kausap ka. Hindi na lang tayo magpapahuli sa parents mo."

"Sure ka? Willing kang pumunta rito para lang may makausap ako? Hindi ba malaking abala pa iyon sa 'yo? Alam kong busy kang tao. May Nexus ka pang pinapatakbo."

"Ano ka ba. Hindi naging abala sa 'kin kahit kailan ang mga kaibigan kong nangangailangan ng tulong." Heto na naman siya. Ginagamit ang salitang 'kaibigan' para itago ang nararamdaman. "Basta kung kailangan mo ng kausap, huwag kang mahihiyang tumawag dito. Nandito lang ako para damayan ka."

"Salamat talaga, Dante. Thanks for being a good friend to me."

Kinilig na naman siya nang marinig ang salitang 'friend'.

"Bihira nga lang ako makakatawag sa 'yo dahil grounded ako rito. Hindi ko mahahawakan ang phone ko hangga't nandito sila. Bihira lang din umalis ng bahay ang parents ko kaya hindi ko pa alam kung kailan ako makakatawag uli. Pero kapag nagkaroon ako ng pagkakataon, tatawagan talaga kita. Babalitaan kita sa lahat ng nangyayari dito."

Nakaramdam siya ng labis na satisfaction sa sinabi nito. Pakiramdam niya ay nanalo siya sa puso ng babae dahil dito. "Salamat talaga, Luna. Basta lagi mong tatandaan na hindi ka nag-iisa. Mayroon kang kakampi rito. Kaya kahit nasaan ka man, huwag ka sanang susuko sa buhay."

Habang nagsasalita si Dante, bigla namang gumulat sa kanya ang pagtapik ng tatlo sa likod niya. Tinabihan uli siya ng mga barkada kaya nagulo na naman ang mundo niya.

"Hoy, sino 'yan, ah? Sino 'yang ka-video call mo d'yan? Hindi mo man lang kami pinakilala!" sabat pa sa kanya ni Enrique na umakbay na naman sa kanya. Si Joshua ay ginulo-gulo pa ang buhok niya. Habang si Ryosuke naman ay minasahe pa sa padabog na paraan ang likod niya.

Napansin din yata ni Luna ang ingay ng mga ito kaya nagpaalam na ito sa kanya. "Sige, Dante. Mukhang may ginagawa ka na d'yan. Next time na lang ulit. Salamat sa time, ha!"

Nakalimutan niyang hinaan ang volume kaya dinig na dinig ng mga ito ang sinabi ng babae bago naputol ang tawag.


Muli na naman siyang binulyawan ng tatlo. "Grabe siya, oh! Salamat daw sa time, oh! Sino ba 'yang nanliligaw sa 'yo, pare, at bakit hindi mo pa sagutin?" turan sa kanya ni Enrique habang patuloy na nanggugulo sa bandang kaliwa niya.

"First time ka naming makita na pumapag-ibig, bro, ah! Pakilala mo naman kung sino 'yan!" asik pa sa kanya ni Joshua sa bandang kanan niya habang pinupukpok ang tuhod niya.

"Looks like our brother is in love! Watashitachi no kyōdai wa koi o shite imasu!" singit pa ni Ryosuke sa maingay na usapan.

Hindi siya nakatiis at isa-isang binatukan ang tatlo hanggang sa mabitiwan siya. "Mga gago talaga kayo, eh! Mga panira! Ano ba'ng ginagawa n'yo rito at hindi pa kayo natutulog?"

"Pare, sino ba kasi 'yung chiks na 'yun?" pangungulit sa kanya ni Enrique.

"Kaibigan ko nga!"

"Kaibigan?" Biglang humagalpak si Joshua. "Bro, hindi na dapat kinakaibigan ang ganyan! Angkinin mo na! Bago pa maangkin ng iba!"

"He's right!" singit muli ni Ryosuke.

Siniko niya ang bibig nito hanggang sa masubsob palayo ang lalaki. "Maaangkin ko na sana pero bigla n'yo akong ginulo, eh. Gugulpihin ko na talaga kayong tatlo!"

Muli na namang nagsigawan ang mga ito na nagpabingi sa mga tainga niya. Muli siyang dinikitan ng mga kaibigan at sinuntok-suntok sa malumanay na paraan.

"Gaano na ba katagal nanliligaw sa 'yo 'yan, champ?" sarkastikong tanong sa kanya ni Enrique.

Sinimangutan naman niya ito. "Ano'ng champ na naman ang tinatawag mo?"

"Champ! Shortcut ng champion!"

Hindi na niya napigilang matawa. Nakalimutan na naman niya ang mga planong gagawin dahil sa pangungulit ng mga barkada.

SA ISANG tahimik na building ay kasalukuyang dinidikit ni MG Cerino sa dingding ang mga nakolekta niyang litrato ni Dante. Pagkatapos ay pumuwesto siya sa malayo at isa-isang pinatamaan sa kanyang baril ang mga iyon.

Karamihan ng mga balang pinakawalan niya ay saktong-sakto ang pagtama sa mismong mukha ng lalaki sa mga larawan.

Wala na siya sa tamang katinuan. Parang kinaladkad sa labis na gulo ang kanyang buhok at nakalimutan na ring manamit ng disente gaya ng ginagawa niya dati. Isang punit-punit na t-shirt na lang ang suot niya ngayon na may logo pa ng Kappa Delta Upsilon.

"Magpakasaya ka lang, Dante. Hindi magtatagal, paglalamayan ka na ng lahat!" anas niya sa sarili habang nanginginig ang mga talukap ng mata at muling ipinagpatuloy ang pagbaril sa mga larawan nito.

TO BE CONTINUED...

(Abangan Ang Huling Dalawang Kabanata)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro