Chapter 28: Body in Half
NAKAIDLIP na si Dante sa pagbabantay kay Don Frido. Nagising lang siya nang marinig ang pagpasok ni Mike sa silid.
"Boss, bakit hindi ka muna umuwi sa rest house ko at magpahinga. Ako na muna ang magbabantay kay Sir Frido," sabi nito nang mapansin ang pamumugto ng mga mata niya.
"Hindi puwede, Mike. Hindi ako makakapagpahinga hangga't hindi nagigising si abuelo," matamlay ang tinig na sagot niya.
"Pero kailangan n'yo rin pong magpahinga. Dapat nga po magpatingin din kayo, eh, dahil ang dami n'yong sugat at pasa, oh."
"Wala sa akin ito, Mike. Mas importante sa 'kin ngayon ang paggising ni abuelo."
"Sinabi naman po ng duktor na okay na siya. Kaya sure po akong hindi magtatagal at magigising na siya."
Saglit na natigilan si Dante. "May balita ka na ba kay MG Cerino?" mayamaya'y pag-iiba niya.
"Hanggang ngayon hinahanap pa rin daw po siya ng mga pulis. Hindi ko na rin sila ma-trace sa tracker ko."
"Huwag kang titigil hangga't hindi mo sila nahahanap. Kapag may update ka na, doon pa lang ako aalis dito at ikaw muna ang pagbabantayin ko."
Hindi na nakasagot ang assistant niya. Napaupo na lang din ito sa isang tabi.
Sa mga oras na iyon, hindi alam ni Dante kung tatawagan na ba niya si Coach Maverick para ibalita ang nangyari, o mas mabuting hindi na muna nito malaman ang lahat. Litong-lito na siya. Hindi na niya alam kung ano ang uunahin.
ILANG oras naghihintay sina MG Cerino at Valiento sa isang tabi. Nang makita nila ang paglabas ng duktor, dali-dali itong nilapitan ng dalawa.
"Doc, kumusta na po ang anak ko?" nanginginig ang tinig na tanong ni MG Cerino.
Napayuko ang duktor sa kanya. "I'm sorry. He didn't make it."
Gumuho ang mundo niya sa narinig. Napahawak siya sa dibdib na biglang sumikip. "This cannot be. Hindi siya puwedeng mawala, Doc. My son cannot die!"
Larawan ng panlulumo ang duktor. "I'm really sorry."
Nakaramdam siya ng biglaang panghihina. Muntik pa siyang matumba sa pagbigay ng kanyang mga tuhod. Mabuti na lang ay nasalo agad siya ni Valiento.
Pinuntahan ni MG Cerino ang bangkay ng anak sa morgue. Nanginginig pa ang buong katawan niya habang nilalapitan ang puwesto nito. Dahan-dahan niyang tinanggal ang kumot na nakabalot dito.
Tuluyang bumigay ang kanyang mga luha nang masilayan ang malamig na bangkay ni Logan. Maputla na ito at nawalan na rin ng kulay ang mga labi. Hindi niya kinaya ang emosyon. Napahagulgol na lang siya sa harap nito at hindi na alintana ang mga luhang tumulo sa mukha nito.
Mahigpit niyang niyakap ang anak habang paulit-ulit na sinasambit ang pangalan nito. "Bakit mo ako iniwan, anak! Why did you leave me!"
Halos bumaha ng luha sa harap ng dibdib nito. Pinilit niyang ugain ang katawan ng lalaki na para bang ginigising ito sa isang malalim na bangungot. "I am sorry, Logan. I am really sorry..."
Sa mga sandaling iyon, nawala ang lahat ng lakas at tapang niya sa katawan. Siya ang nagmukhang pinakamahinang nilalang dahil sa tindi ng pagtangis niya.
"I'm so sorry sa lahat ng pagkukulang ko. Sorry if I failed to save you. Sorry dahil hindi rin ako nagtiwala sa 'yo. Napilitan akong tanggalin ka sa kumpanya dahil bumaba ang tingin ko sa 'yo that time and I want you to learn more bago kita isabak sa napakalaking industriya. Kasalanan ko ito dahil masyado akong nag-focus sa company kaya hindi na kita nabigyan ng oras para maturuan. Masyado kitang minaliit, Logan. Patawarin mo ako, anak. Alam kong hindi mo na ako naririnig ngayon. But I want you to know that you're still the best for me and I really, really love you, son!"
Muli niyang niyakap ang lalaki at hinayaang bumuhos ang mga luha sa dibdib nito. "Huwag kang mag-alala. Hindi ako titigil hangga't hindi ko nababawian ng buhay si Dante. Ipatitikim ko sa kanya ang pinakamasaklap na kamatayan sa balat ng lupa! Paulit-ulit ko siyang papatayin! At kahit patay na siya, papatayin ko pa rin siya hanggang sa mabura ang existence niya sa mundo!" sabi siya sa nanginginig na tinig, kasabay niyon ang pagnginig pati ng kanyang mga kamao.
Ngunit hindi nagtagal, muli na naman siyang humagulgol at yumakap na lang sa anak. Hindi na siya nakapagsalita pa. Masyado nang masakit ang kanyang kalooban para makabuo pa ng salita.
Awang-awa naman si Valiento habang pinagmamasdan sa di kalayuan si MG Cerino. Maging ito ay napapaluha na rin sa malungkot na eksena. Hanggang sa bigla itong makabuo ng masamang balak sa isip nito.
Tumalim ang mga mata nito at nagkuyom ang dalawang kamao habang gumuguhit sa utak ang mukha ni Dante. "Humanda kang hayop ka..."
TUWANG-TUWA sina Dante nang magising na si Don Frido. "Pinag-alala n'yo ako, abuelo. Akala ko mawawala na kayo sa akin! Salamat po at lumaban kayo!" sabi niya rito matapos itong yakapin.
"Thank you for saving me, nieto. I'm sorry about what happened. Hindi ko nabantayan nang mabuti si Logan."
"Ang mahalaga buhay ka, abuelo. Ano ba'ng gusto mong kainin ngayon? Para maibili kita."
"You know what I want to eat, nieto," tumatawa namang sagot ng matanda.
Muling lumapit sa kanila si Mike. "Boss Dante, ano ba ang ipapabili n'yo? Para makababa na po ako."
"Ikaw na muna ang magbantay rito, Mike. Ako ang nakakaalam sa paborito ni abuelo. Ako na lang ang bababa para bumili ng pagkain niya."
"Sure, boss. No problem po!"
Sinuot na uli niya ang leather jacket at itinayo pa ang mahaba nitong kuwelyo. Saka niya kinuha ang helmet niya at nagpaalam na sa matanda.
Nagpunta siya sa isang Italian restaurant at um-order ng ilan sa mga favorite Italian dish nito. Pagkalabas ng restaurant, tinungo na niya ang motor niya na nakaparada sa madilim na bahagi ng daan.
Habang isinasabit sa hand grip ang mga pagkaing binili niya, may isang nilalang naman na lumabas sa dilim at tahimik na lumapit sa kanya. Bago pa niya maisuot ang kanyang helmet, biglang may mga kamay na bumihag sa kanyang leeg at tinakpan ng panyo na may pampatulog ang bibig niya!
Hindi na niya namalayan ang pagbuhat sa kanya ng lalaking nakaitim patungo sa kotse nito.
NANG magising si Dante, natagpuan na lang niya ang sarili sa isang madilim na silid. Iginala niya ang paningin. Bumungad sa kanya ang iba't ibang uri ng mga espadang nakasabit sa pader.
Agad siyang bumalikwas ng bangon sa malamig at maalikabok na silid, saka niya sinubukang kalagan ang tali sa kanyang mga kamay. Di nagtagal ay unti-unti ring lumuwag iyon hanggang sa tuluyan niyang matanggal.
Bahagya siyang nagulat sa biglang pagbukas ng pinto. Laking gulat niya nang masilayan si Valiento na nakasuot ng itim na Kimono at awomatikong lumingon sa kanya ang nagbabaga nitong mga mata.
"Gising ka na palang hayop ka!"
"Ang lakas naman yata ng loob mong dalhin ako rito. Hindi ka man lang nagsama ng mga ka-brod n'yo," asik niya rito at mabilis na tumayo.
"Huwag mo akong itulad sa mahihina naming miyembro! Kayang-kaya kitang labanan nang ako lang mag-isa! Hindi ako katulad ng mga nakalaban mo, Dante. Hindi uubra sa akin ang mga galawan mo."
"Talaga ba? Sige, tingnan natin!" Itinaas niya ang dalawang kamao niya at nagsagawa ng Muay Thai stance.
Tumawa lang ang lalaki at bumunot ng isang espada sa mga koleksyon nito. Isang double-edge sword iyon na may kakambal na talim sa bandang dulo. Kasing haba iyon ng kalahati ng kanyang katawan. Lubha itong matalim at mapanganib.
"Ito ang espadang ginagamit ko kapag gusto kong hatiin sa dalawa ang katawan ng mga biktima ko."
Biglang may naalala si Dante tungkol kay Valiento. Hindi lang ito basta frat man at deputy ng Kappa Delta Upsilon. Isa rin itong assassin at nakapatay na ng mahigit 60 katao.
Dahil isang sword expert ang kalaban niya, napilitan siyang ibaba ang mga kamao at humugot na rin ng espada sa pader. Hindi niya alam kung anong klaseng espada ang kinuha niya. Ang mahalaga ay may maipanglaban lang siya rito.
Ngumisi naman ang lalaki sa kanya. "Halatang hindi mo alam kung ano ang ginagawa mo, bata. Wala kang kaalam-alam sa uri ng espadang kinuha mo."
"Marunong din akong gumamit ng espada, Valiento. Kayang-kaya kitang tapatan kahit anong laban pa ang gusto mo!"
"Ayoko ng maraming salita, Dante." Itinaas na ni Valiento ang hawak na sandata.
Nagulat siya nang bigla nitong iwasiwas sa magkakaibang direksyon ang espada habang nagsasagawa ng ilang Wushu stance. Mas pulido ang paghawak nito sa sandata. Mas mahusay rin ang mga galaw na pinakawalan nito. Di hamak na mas malalim nga ang kaalaman nito sa mga espada kaysa sa kanya.
Hindi nagtagal, nagpang-abot na ang talim ng kanilang sandata. Hindi na siya nakagawa pa ng sarili niyang stance.
Matinding pressure agad ang naramdaman niya sa sobrang bilis kumilos ng espada nito. Wala siyang nagawa kundi sanggain ang mga atake nito at itulak na lang palayo. Ni hindi siya makabuo ng atake niya dahil nababasa agad nito ang mga galaw niya. Alam na agad nito kung ano ang kanyang gagawin kaya mabilis itong nakakagawa ng panibagong atake kung paano iyon kokontrahin.
Ilang beses nilang sinangga ang mga tira ng isa't isa hanggang sa magpang-ekis ang kanilang espada na nanggigitgitan.
Nagawang itulak ni Valiento pababa ang kanyang sandata at mabilis nitong pinalipad sa kinaroroonan niya ang espada nito. Bahagyang napamulagat si Dante nang makitang isang pulgada na lang ang lapit ng talim nito sa dibdib niya.
Mabilis niya itong sinipa palayo at muling itinaas ang sandata niya. Lalo siyang nasindak nang magpaikot-ikot ito nang ubod-bilis patungo sa kanya habang umiikot din na parang buhawi ang espada nito.
Sinubukan niya itong patamaan ng kanyang sandata. Ngunit bago pa iyon dumapo sa kinaroroonan ng lalaki, una nang dumapo sa kanang braso niya ang espada nito. Napaigik siya sa sakit. Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito katalim na sandata. Halos hiwain nito pati ang hininga niya.
Muling nagsagawa ng ilang Wushu sword technique ang lalaki sa hangin habang papalapit ang mga paa nito sa kanya. Sa sobrang bilis nitong gumalaw, hindi na niya alam kung paano pa ito huhulihin sa kanyang sandata.
Sa muling pag-atake nito, umilag siya sa pamamagitan ng pagtalon kaya naiwasan niya ang hagupit ng espada. Muli niyang itinaas ang kanyang sandata hanggang sa magpang-abot muli ang mga armas nila.
Umaalingawngaw sa paligid ang tunog ng kanilang mga sandata tuwing magtatagpo ang talim ng mga iyon. Habang tumatagal ay mas lalo pang nagiging agresibo ang kilos ni Valiento.
Ngunit hindi siya nagpadaig. Sinikap niyang mapadapo ang kanyang paa sa sikmura nito. Nang maitulak niya palayo ang lalaki sa kanyang sipa, doon niya isinagawa ang ilan sa mga Wushu technique na alam niya.
Pati ito ay natuwa nang makita siyang gumalaw. Ipinakita niya na hindi lang ito ang marunong gumamit ng sandata, at may ibubuga rin siya rito.
"Magaling ka nga sa technique, pero hindi mo naman kayang i-apply sa totoong bakbakan!" komento nito sa kanya at muling umatake sa mas mabilis na paraan.
Nasangga uli niya ang sandata nito at buong lakas na itinulak palayo. Hindi natinag ang lalaki at muli pa itong umatake sa kanya hanggang sa maggitgitan muli ang talim ng kanilang espada.
Pabilis pa nang pabilis ang mga kilos nito hanggang sa hindi niya napigilan ang pagdapo ng sandata nito sa kanan niyang hita. Napaluhod agad siya at itinurok ang talim ng kanyang sandata sa sahig upang hindi tuluyang bumagsak.
Hindi na niya naitago ang pag-ungol sa labis na sakit. Lalo siyang tinawanan ng lalaki. "Marunong ka ring lumaban kahit papaano pero kulang ka pa rin sa kaalaman. Magaling ka lang sa bakbakan ng kamay pero pagdating sa espada, wala kang laban sa akin!"
Muli itong nagpaikot-ikot at mabilis na pinadapo sa kinaroroonan niya ang sandata nito. Agad naman siyang umilag sa pamamagitan ng paggulong sa kabilang direksyon. Saka niya sinubukang iwasiwas ang kanyang espada sa binti nito pero agad ding nakatalon ang lalaki.
Naging mabilis ang sumunod na mga pangyayari. Pareho silang naging agresibo sa pagwasiwas sa kanilang espada habang nagsasagawa ng iba't ibang technique na alam nila.
Si Valiento ay nagpaikot-ikot habang iwinawasiwas sa iba't ibang direksyon na pinupuntahan niya ang sandata nito. Siya naman ay gumulong-gulong, tumalon-talon, at binabalu-baluktot ang katawan para iwasan ang talim ng espada nito.
Pinalipat-lipat niya ang espada sa dalawa niyang kamay, saka niya mabilis na pinatama ang talim nito sa direksyon ng leeg ng lalaki na agad din nitong naiwasan.
Muli namang umikot ang lalaki at iniyuko ang katawan, pagkatapos ay ibinuka sa magkaibang direksyon ang mga hita at umikot muli, saka ito buong lakas na tumalon at pinatama sa direksyon niya ang sandata nito.
Napamulagat muli siya sa gulat nang dumapo iyon sa dibdib niya at lumikha ng mahabang sugat! Muling bumigay ang mga tuhod niya sa sahig at mabilis na sinapo ang dibdib.
Lumapit naman sa kanya si Valiento at sinabunot ang buhok niya. Saka nito itinaas ang kanyang ulo at muling inihanda ang sandata nito. Inilapit nito ang dulo ng espada at gumuhit ng mahabang sugat sa kaliwa niyang pisngi.
Muli siyang napaigik sa sakit. Tumawa ang lalaki at muling itinaas ang sandata saka nito hinawakan nang mas mahigpit ang ulo niya.
Bago pa nito magawa ang binabalak sa kanya, mabilis na niyang nahawakan ang kaliwang kamay nito at buong lakas iyong hinila hanggang sa mapayuko ang katawan nito. Tumayo siya sa pinakamabilis na paraan at buong puwersang pinaikot ang katawan nito sa ere hanggang sa mabalibag ito sa sahig.
Saka niya binihag ang kamay nito sa pagitan ng mga hita niya at pinagulong ang katawan sa sahig hanggang sa sumama rin ito sa paggulong sa kanya. Isang advanced na Aikido technique ang ginawa niya para itumba ito at sapilitang mabitiwan ang sandata nito.
Nang magtagumpay siyang bihagin ito sa sahig, agad niyang pinulot ang sandata nito at itinutok sa leeg ng lalaki. "Hawak ko na ngayon ang buhay mo, Valiento."
Nagpakawala naman ng nakaiinsultong tawa sa kanya ang lalaki. "Hindi mo ako kaya!"
Tumango lang siya. "Siguro nga hindi kita kaya sa espadahan. Pero pagdating sa patayan, ako ang hindi mo kakayanin, Valiento!"
Biglang gumalaw ang kaliwang paa ng lalaki at hindi niya inaasahan ang pagsipa nito sa kanya. Agad itong nakatayo at pinulot naman ang sandatang nahulog niya. Ngunit bago pa ito makalapit sa kanya, mabilis na siyang umikot at iwinasiwassa direksyon nito ang kanyang espada.
Gulat na gulat siya nang makita ang pagtalsik ng kaliwang braso nito sa sahig. Pati siya ay hindi makapaniwala sa nagawa niyang iyon!
Napamulagat ang lalaki sa gulat. Sinubukan pa nitong umatake gamit ang kabila nitong kamay ngunit agad din niya itong hiniwa at pinutol sa kanyang sandata.
Nagsimulang magsisigaw ang lalaki nang makitang putol na ang dalawa nitong braso. Dahan-dahan itong bumagsak sa sahig habang nagwawala na parang bulate ang katawan.
"Hayop ka, Dante! Papatayin kita! Papatayin kitaaaa!"
Ginamit niya ang pagkakataong iyon para yabangan ito. "Sino sa tingin mo ngayon ang unang mamamatay sa ating dalawa, Valiento? Paano mo pa mahahati sa dalawa ang katawan ko kung wala ka nang kamay para humawak ng espada? Mahina ka rin pala, eh!"
Maluha-luhang nagsisigaw ang lalaki. "Hindeeee! Hindi ako puwedeng matalo! Hindi ako puwedeng mataloooo!" Halos marindi siya sa palahaw nito na parang hayop na kinakatay.
Sinadya niyang ipakita ang mapanukso niyang ngiti habang pinapanood ito. Yumuko siya sa sahig at inilapit ang mukha sa lalaki. "Talo ka na, Valiento! Tanggapin mo na lang na hindi magtatagal, makikita mo na ang karo ni kamatayan!"
Pinulot niya ang espadang ginamit niya kanina. Ito ang itinaas niya at pagkaraan ng ilang sandali, buong lakas niya itong ibinaon sa nakabukang bibig ng lalaki! Doon ito unti-unting huminto sa pagwawala hanggang sa tuluyan itong tumigil sa paggalaw. Pati mata nito ay naiwang nakadilat.
"Pasensya ka na, Valiento, kung nadamay ka pa. Hindi ka naman kasama sa target ko, eh. Pero ang hilig mo kasing makialam. Kung hindi mo lang sana ako kinalaban, hahaba pa sana ang buhay mo."
Tumayo na siya at naisipang sumandal sa isang tabi. Doon lang uli niya naramdaman ang labis na hapding dulot ng mga bagong sugat niya. Napilitan siyang hubarin ang kanyang jacket at t-shirt hanggang sa masilayan niya ang katawan na punong-puno ng galos at sugat.
Idiniin niya ang kanyang t-shirt sa mahabang hiwa sa kanyang dibdib para pigilan ang pagdugo nito. Napabuga na lang siya ng malalim na paghinga habang napapaungol sa sobrang sakit ng mga tinamong sugat.
KASALUKUYAN namang nagtatanim si Mike Rafael ng mga tracking chip sa bawat lugar na madalas puntahan ni MG Cerino at ng buong kapatiran nito. Naisip niyang mas mapapadali ang kanyang paghahanap sa ganitong paraan.
"Hoy! What are you doing here!"
Natigilan siya sa ginagawa nang makarinig ng pamilyar na boses. Paglingon niya, nasilayan niyang muli si Eunice na sa mga oras na iyon ay sobrang sama ng tingin sa kanya.
"What are you doing in our rest house? Rest house ito ng mga ka-brod and sis ko! Ano'ng ginagawa mo rito? Hinahanap mo ba si Master MG dito? Wala kang mapapala!"
Agad siyang tumayo at lumapit dito. "Asan ngayon ang leader n'yo! Sabihin mo sa kanya, sumuko na siya sa batas! Wala na siyang mapagtataguan!"
"Aba! At marunong ka na ring sumagot ngayon sa akin?"
"Ilang beses akong nagtiis sa 'yo, Eunice. Tiniis ko lahat ng ginagawa mo sa 'kin. Tiniis ko ang masamang pag-uugali mo. Pero this, time, tama na. Hindi na namin ito-tolerate ang kasamaan n'yong mga Spaterion!"
"Woah! Look who's talking! Marunong ka na talagang sumagot, ah? Pero ang tanong, marunong ka na rin bang lumaban?"
Bigla itong nagpakawala ng sunod-sunod na sipa sa kanya. Kahit ayaw niyang lumaban, napilitan siyang sanggain ito sa mga siko at kamay niya.
Nagpakawala naman ito ng mga suntok sa kanya. Hindi na siya natakot na ilagan ito at itinulak din niya palayo ang mga kamao nito.
Gulat na gulat ang babae sa husay niyang umiwas. "Aba! Marunong ka na ring lumaban, ah! Come and fight me! Kahit lalaki ka pa, wala kang laban sa akin!"
Labag sa kalooban ni Rafael na patulan ang babaeng mahal niya. Pero pumutok na rin ang pasensya niya rito kaya kailangan na niyang gumawa ng paraan para ilagay ito sa tamang posisyon nito.
Napilitan na siyang labanan ang babae. Pinakita na niya rito kung paano makipagbakbakan sa hand-to-hand combat ang isang Mike Rafael.
Hindi matanggap ng babae ang ginawa niya. Muli pa itong nagpagkawala ng mas malalakas na suntok sa kanya. Pero this time, hindi na siya nagpanggap na nasasaktan siya rito. Sa halip ay pinaramdam niya rito ang tunay na lakas ng kamao niya.
Halos matilapon ito sa malayo dahil sa impact ng mga suntok niya. Mas lalo pa itong nagulat nang sunod na humagupit ang kanyang mga paa na tuluyang nagpabagsak dito. Hindi nito kinaya ang flying kick at round kick na pinakawalan niya.
"How dare you! Kailan ka pa natutong pumatol ng babae! I will make sure na marami nang mamba-bash sa 'yo bukas sa internet dahil nanakit ka ng babae!"
Hindi na siya apektado sa mga banta nito. Sa halip ay nilapitan pa niya ito at tinulungang makatayo. Agad naman siyang tinaboy ng mga kamay nito at nagbitiw pa ng isang sampal sa kanya.
"F*ck you! F*ck you, Mike Rafael! You are the worst human being on this planet! Ikaw at ang frat mo! Mga aso kayong lahat!"
Sa sobrang galit niya, hindi na niya napigilang halikan ito sa mga labi. Iyon ang isang bagay na sobrang gumulat sa babae. Sa sobrang gulat nito, nanigas na lang na parang yelo ang katawan nito at hindi nakagalaw hangga't hindi niya binitiwan ang mga labi nito.
At kahit sa pagbitiw niya ng halik dito, naiwan pa rin ang matinding shock sa hitsura nito at hindi na alam kung ano ang gagawin sa kanya.
"Y-You... Y-You!" halos mautal ito at hindi makabuo ng salita.
"'Yan ang bagay sa 'yo. Sana may natutunan ka sa nangyari. Na hindi mo dapat minamaliit ang isang taong tulad ko. Una sa lahat, hindi ako aso, Eunice. Hindi aso ang frat ko. Pangalawa, wala kaming ginagawang masama sa inyo. Kaya wala ring dahilan para tratuhin n'yo kami na parang hayop na pulubi sa daan. Kung may natitira pa kayong respeto at pagmamahal sa sarili n'yong frat, itigil n'yo na ang lahat ng kasamaang ito. Dahil sa mga tribong katulad ninyo, lalo lang dumudumi ang tingin ng marami sa mga frat man tulad natin! Make peace, not war! Iyan ang lagi mong tandaan, Eunice. Iyan din ang ipaalala mo sa mga ka-brod mo, lalong-lalo na sa leader n'yong hari ng war freak!"
Pagkatapos ng mahaba niyang salita ay tinalikuran na lang niya ito na parang walang nangyari. Nanatili pa ring nakatayo ang babae at hindi makagalaw sa tindi ng mga naganap kanina. Para bang may nabuhay sa kaibuturan ng pagkatao nito na hindi nito maipaliwanag.
TO BE CONTINUED...
(Ang Huling Tatlong Kabanata)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro