Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 26: Deadly Rematch

PAGMULAT ni Dante, natagpuan na lang niya ang sariling nakagapos sa isang mainit at masikip na silid. Halos maubo siya sa dami ng alikabok na lumilipad mula sa mga nakatambak na gamit sa paligid.

Napansin din niya na wala na siyang saplot sa pang-ibabaw na katawan. Nang makita niya ang mahabang hiwa sa kanyang tiyan, muli siyang napaigik sa labis na sakit.

Sinubukan niyang kalasin ang tali sa kanyang mga kamay. Lumikha iyon ng ingay na umagaw sa pansin ni Rohaan na nakabantay sa isang tabi.

Lumingon ito sa kanya. Nang makita nitong gising na siya, tumayo ito sa kinauupuan at lumapit sa kanya. "Natatandaan mo ba kung ano ang nangyari kanina, Crisanto?"

Agad tumalim ang titig niya rito. "Hayop ka! 'Pag nakawala ako rito, hinding-hindi na kita sasantuhin!"

Humagalpak ng tawa ang lalaki at pinalipad ang kaliwang kamao sa kanyang mukha. "Hindi mo ba natatandaan kung ano ang nangyari kanina? Hindi ba talaga?" Saka nito muling pinadapo ang kamao sa magkabilang pisngi niya.

Nagsimula nang magsuka ng dugo si Dante. "Pakawalan mo 'ko rito, Rohaan! Huwag kang duwag! Huwag kang umatake sa taong nakagapos! Maglaban tayo ng patas!"

Muli siyang napabuga ng dugo nang ipadapo naman nito ang tuhod sa kanyang sikmura. Saka ito humawak sa likod ng ulo niya. "Hindi mo naaalala kung ano ang nangyari kanina? Tinalo lang naman kita, Crisanto! Nawalan ka ng malay sa rear naked choke na ginawa ko sa 'yo!"

Kahit putok na ang mga labi ay nagawa pa ring tumawa ni Dante. "Napatulog mo lang ako pero hindi mo pa ako natatalo!"

Muli pa nitong pinalipad sa kanya ang kamao na nagpatalsik sa dugo niya sa bibig. Saka ito tumawa at marahang umakbay sa balikat niya. Hinipo-hipo pa nito ang pisngi niya sa maharot na paraan. "Sayang nga lang at wala tayo sa Deathsport ngayon. Mas maganda sana kung doon ito nangyari. Para nakita sana ng mga tagahanga mo kung paano ka matalo at mapahiya sa pangalawang laban natin!"

"Huwag kang umasa, Rohaan. Kung magkaroon man tayo ng pangalawang laban, siguradong hindi rin ganito ang mangyayari. Baka sa umpisa pa lang, hindi ka na umubra sa 'kin ngayong kabisado ko na lahat ng galawan mo! Wala ka nang binatbat sa akin!"

Muli siyang napadura ng dugo nang humagupit ang kamao nito sa kanyang tiyan. Halos mapatid na ang hininga niya.

"Nakagapos ka na nga d'yan, nagyayabang ka pa rin! Ikaw ang wala nang binatbat ngayon! Hawak na kita mula ulo hanggang paa! Ni hindi na nga natin kailangang maglaban. Puwedeng-puwede na kitang tuluyan kahit ngayon pa mismo!"

Mas marami pang dugo ang kanyang naisuka nang ipadapo nitong muli ang tuhod sa kanyang sikmura. Nagsimula nang magdilim ang kanyang paningin. Bumibigat na rin ang kanyang paghinga.

"Ano! May sinasabi ka pa!" Muli pa siya nitong pinatikim ng mabibigat na suntok. Sa bawat pagdapo ng kamao nito ay nagtatalsikan sa hangin ang kanyang dugo.

Parang gusto nang bumigay ng kanyang katawan pero hindi naman niya maihiga ang sarili sa lupa dahil nakagapos ang dalawang kamay niya sa mga taling nakadugtong sa kisame.

Hanggang sa biglang tumunog ang telepono ni Rohaan. Sinagot iyon ng lalaki sa kanyang harapan. Napalingon siya rito nang marinig na binanggit nito ang pangalan ni MG Cerino.

"Tamang-tama lang ang inyong pagtawag. Hawak ko na ngayon si Crisanto. Nandito kami sa frat house ninyo."

"Wait, what?" sagot ni MG Cerino sa kabilang linya. "What do you mean hawak mo na siya? Ibig mo bang sabihin, bihag mo siya ngayon? Hawak mo ngayon ang buhay niya?"

"Tama ka. Bihag ko siya ngayon at nakagapos siya sa harapan ko!"

Gulat na gulat ang matanda. "Wait, how did that happen? Paano mo siya naigapos d'yan! He's a strong guy!"

"Hindi na ngayon, MG Cerino. Ako ang nakatalo sa kanya. Nagawa ko siyang patumbahin, at nahimatay pa siya kanina. Ganoon ako kalakas! Kaya dapat lang na dagdagan mo ang bayad mo sa akin!"

"Oh, don't worry about that. I'm very happy for you, Rohaan! Since you managed to defeat Dante, I'm going to triple the amount of your money. Pagkatapos mo siyang patayin, pumunta ka na lang dito sa amin. Ako mismo ang magbibigay ng remaining balance mo, kasama na ang additional payment na hinihingi mo. Is that good enough for you?"

Ngumisi naman ang lalaki. "Aasahan ko 'yan!"

"Okay, since may bad history na kayong dalawa, binibigyan kita ng permission para gawin ang lahat ng gusto mo sa kanya. Ikaw na ang bahala. Kahit mapatay mo siya! I don't want to waste my time on him anymore. Kailangan kong makatakas as soon as possible."

"Kung iyan ang gusto mo, sige. Tatapusin ko na agad ang trabaho ko rito para mapuntahan na kita d'yan." Binaba na nito ang tawag at muling tumitig sa kanya. "Narinig mo 'yun? Sa akin na niya ipinagkakatiwala ang buhay mo. Binigyan niya ako ng permiso para gawin ang lahat ng gusto ko sa 'yo. Kaya magsimula ka nang magpaalam sa mundo, Crisanto. Gusto pa sana kitang paglaruan, pero kailangan ko nang tapusin ang aking trabaho rito para makuha ko na ang bayad ko at makaalis na rin sa boring na lugar na ito!"

Humawak ang lalaki sa kanyang buhok at bahagya siyang sinabunutan. Inangat nito ang kanyang ulo at inilapit ang mukha nito. "Dito na magtatapos ang lahat sa 'yo, Crisanto!"

"Ang hilig mong magsalita ng tapos. Sinasabi ko sa 'yo, hanggang sa imahinasyon mo lang ako mapapatay, Rohaan!" Kahit nanghihina, naglakas-loob pa ring sumagot ni Dante.

Lalong uminit ang ulo ng lalaki. Hinigpitan pa nito ang pagsabunot sa kanyang buhok at inalog-alog ang ulo niya. "Paano ka pa makakalaban sa akin! Sabihin mo nga! Paano ka pa makakalaban! Nakatali ka na lang d'yan!"

Habang dikit na dikit ang distansya ng mukha nito sa kanya, buong lakas niyang inuntog ang sariling ulo rito. Napaatras ang lalaki at nabitiwan ang buhok niya.

Ganoon na lamang ang pagtalim ng mga mata ni Rohaan. Nagsimulang magkuyom ang dalawang kamao nito. "Huwag mo akong sinusubukan, Crisanto! Hindi mo na kailangang lumaban dahil mamamatay ka na rin naman! Tanggapin mo na lang ang kapalaran mo!"

"Ikaw ang dapat tumanggap sa kapalaran mo, Rohaan! Na kahit kailan, hinding-hindi ka mananalo sa 'kin! Kung meron mang isang tao na hindi mo mapapatay, ako iyon! Dahil hindi ako katulad ng mga fighter na minamaliit mo! Na kinakaya-kaya mo lang at tinatapak-tapakan! Hindi ako magpapatapak sa kahit na sino! Lalong-lalo na sa mga taong katulad mo! Kung inaakala mong ikaw na ang pinakamalakas, huwag mong kalimutan na ako ang nakakuha sa championship belt. Hindi ko iyon mapapalanunan kung isang beses lang kita kayang talunin. Ang pagkapanalo ko bilang Deathsport Grand Champion ang isang patunay na hinding-hindi ka magkakaroon ng pagkakataong mapantayan ako, Rohaan!"

Nagsalubong ang mga kilay ng lalaki. "Ang dami mong sinabi! Kailan ka pa natutong magyabang, Crisanto? Hindi ganyan ang pagkakakilala sa 'yo ng mga tagahanga mo!"


"May karapatan akong magyabang dahil meron naman akong maipagyayabang! Ikaw, wala kang maipagmamalaki sa akin kahit isa kaya huwag mo na akong banatan ng mga banta mo dahil gaya ng sinabi ko, wala sa kapalaran mo ang manalo sa akin!"

Tuluyang sumabog na parang bulkan ang ulo ni Rohaan. Sumigaw ito at buong lakas na pinunit ang sariling damit. Pareho na sila ngayon na walang saplot sa katawan.

"Babaguhin ko ang kapalaran nating dalawa! Sisiguraduhin ko na sa pangalawa nating paghaharap ngayon, ikaw naman ang patutulugin ko, hindi lang isang gabi, kundi habang buhay!"

Nagsimula itong sumagupa sa kanya pero mabilis niyang inangat ang kaliwang paa at nagpakawala ng front kick sa dibdib nito.

Natilapon palayo si Rohaan sa lakas ng sipa niya. Nagtangka pa muli itong sumugod pero muli niya itong pinalamon ng mabigat na sipa niya. Ilang beses pa itong nagtangka na umatake ngunit lagi itong natitilapon sa bawat sipang pinakakawalan niya.

Lalong kumulo ang dugo nito. "Hayop ka, Crisanto!" Dinampot nito ang isang espada sa lamesa at ito ang ginamit ng lalaki sa pagsugod sa kanya.

Muling ginamit ni Dante ang lakas ng kanyang mga paa para itaboy ang sandata sa kamay nito. Lalong nagsisigaw sa galit ang lalaki.

Sa mundo ng martial arts, ang taekwondo ang pinakamabisang technique sa mga long range attacks. Mas epektibo ito sa matatangkad na tao gaya niya na may mahahabang mga hita.

Noon pa man ay kilala na siya sa Deathsport community bilang MMA fighter na may pinakamalakas at pinakamabigat na sipa. Kaya kahit nakatali ang mga kamay niya, nagagawa pa rin niyang lumaban kay Rohaan dahil sa kanyang mga paa.

Aminado siya na mas malakas ang punching power ni Rohaan. Pero useless din ang mga iyon kung hindi naman ito makalapit sa kanya. Kaya sa sitwasyon niya ngayon, inilipat niya ang lahat ng enerhiya sa kanyang mga paa.

Naging alerto siya. Pinagana niyang muli ang mga senses niya. Binantayan niyang mabuti ang bawat kilos na pinapakawalan ni Rohaan.

Nang makita niyang dinampot nitong muli ang espada, inihanda uli niya ang mga paa niya. Nagsagawa siya ng back stance habang naka-focus ang mga mata sa bawat galaw ni Rohaan.

Muli itong sumugod at itinaas ang kaliwang kamay na may hawak na sandata. Nagpakawala siya ng isang side kick mula sa kaliwa niyang paa at pinatama niya iyon sa papalapit na kamay ng lalaki. Dahil sa pakurbang anggulo ng kanyang sipa, naitulak niya ang kamay nito hanggang sa tumama ang hawak nitong espada sa mga taling nakasabit sa kisame.

Pati ang lalaki ay nagulat nang maputol iyon at nakawala siya. Mabilis niyang kinalag ang natitirang tali sa kanyang mga kamay hanggang sa tuluyan siyang makawala.

Buong sigla niyang itinaas ang mga kamao. "Nakita mo 'yon, Rohaan? Ikaw ba, kaya mong gawin iyon? Malamang hindi. Kaya huwag ka nang magtaka kung bakit nabigo kang makuha ang grand champion belt!"

Nanginig sa galit ang buong katawan ni Rohaan. Inilabas nito ang nagbabagang emosyon sa isang napakalakas na sigaw. "Isinusumpa talaga kita, Crisanto! Magbabayad kaaaaa!"

"Wala akong dapat bayaran dahil wala naman akong utang sa 'yo. Ikaw ang pagbabayarin ko dahil sa panggugulo mo sa misyon ko rito!"

Hinawakan nito nang mahigpit ang sandata at muling sumugod sa kanya. Ginamit naman niya ang ilan sa mga taekwondo moves niya para itulak palayo ang kamay nitong may hawak na sandata.

Sa isang sipa na pinakawalan niya, tuluyan nitong nabitiwan ang espada. Bago pa iyon mapulot ng lalaki ay mabilis siyang gumulong sa lupa at sinipa ang sandata patungo sa ilalim ng malaking aparador.

Bago pa makagawa ng aksyon ang lalaki, binihag na niya ang kaliwang kamay nito saka pinaikot sa ere at binalibag sa sahig. Nagtangka siyang ikulong sa mga hita ang kamay nitong iyon pero mabilis nitong napadapo ang kabilang kamao sa kanyang mukha na nagpataboy naman sa kanya.

Pareho silang gumulong palayo at sabay pang nakatayo. Pagtagpo ng kanilang mga mata, mabilis silang sumagupa sa isa't isa hanggang sa mauwi iyon sa matinding yakapan.

Ikinulong nila ang isa't isa sa kanilang mga kamay habang nagtutulakan sa magkakaibang direksyon. Ilang beses nilang tinangka na itumba ang isa't isa pero walang gustong magpatinag sa kanila.

Buong lakas siyang itinulak ni Rohaan sa isang pader. Paulit-ulit siya nitong inihampas doon habang magkayakap pa rin sa isa't isa. Dahil hindi niya magawang pakawalan ang katawan nito, unti-unti siyang nahilo dahil sa ilang beses na pagkauntog ng ulo niya sa pader.

Dinala siya ng lalaki sa iba pang direksyon. Pilit naman siyang naglaban at ginamit din ang kanyang puwersa. Muli silang nagtulakan hanggang sa pareho silang gumulong sa isang lamesa at bumagsak din sa sahig.

Doon pa lang nila nabitawan ang isa't isa. Mabilis itong kumilos at pumatong sa kanya saka muling pinadapo ang dalawang kamao sa kanyang mukha. Itinaas naman niya ang dalawang paa at tinulak ito palayo.

Muli silang nagpagulong-gulong sa sahig habang magkadikit ang kanilang mga paa. Di nagtagal ay nakawala rin siya at bago pa ito muling makalapit, pinaikot na niya ang kanyang paa at nagsagawa ng paikot na sipa sa mukha nito.

Mabilis niyang nilapitan ang lalaki at paulit-ulit itong sinikmuraan. Nang mahagip ng paningin ni Rohaan ang espada sa bandang uluhan nito, agad nito iyong pinulot at iwinasiwas sa kinatatayuan niya. Mabilis siyang tumalon at humakbang paatras.

Nagawang makatayo ng lalaki habang hawak pa rin ang espada. Iwinasiwas nito iyon nang paulit-ulit sa kanyang direksyon. Wala siyang ibang ginawa kundi ang umikot, tumagilid at tumalon para makailag.

Ngunit sa isang pagtalon niya, mabilis itong nakahakbang palapit sa kanya at nagsagawa ng knife hand strike sa kanyang leeg. Muling nagtalsikan ang dugo na naipon sa kanyang bibig. Sinundan pa iyon ng pagdapo ng kaliwang paa nito sa mukha niya na muntik nang magpawala sa balanse niya.

Muli nitong iwinasiwas ang espada sa kanya. Dahil hindi agad siya nakailag, natamaan siya nito sa kaliwang braso. Doon siya tuluyang napaluhod. Sa pag-angat nitong muli sa espada, pinilit niya ang sarili na makatayo.

Muli nitong iwinasiwas ang espada sa kanyang direksyon. Paulit-ulit siyang umilag at pinagulong muli ang kanyang katawan sa lamesa. Buong lakas namang hiniwa ng lalaki ang lamesang kinaroroonan niya.


Sa bawat paggulong niya, napuputol ang bahagi ng lamesa na dinaanan niya. Patuloy lang siyang nagpagulong-gulong hanggang sa makarating siya sa dulo ng mesa at tuluyang bumagsak sa sahig.

Sa isa pang wasiwas ng lalaki sa espada, muli siyang nagsagawa ng round kick na nagpatumba sa mga paa ni Rohaan. Kasabay niyon ang pagtilapon ng espada sa malayo kaya hindi na ito tumama sa kanya.

Agad siyang gumapang para kunin ang espada ngunit mabilis nitong nahila ang kanang paa niya at binaluktot iyon. Hindi niya napigilang mapaigik at mapasigaw.

Pagtayo ng lalaki ay mabilis nitong dinampot ang ulo niya at dinala siya sa isang whole body mirror na nakadikit sa kaliwang bahagi ng pader. Buong lakas nitong hinampas ang ulo niya roon na nagpabasag sa buong salamin.

Umikot ang kanyang paningin at may ilang segundo siyang naparalisado sa sobrang sakit. Nagawa siya nitong buhatin at muling ipinatong sa magkabilang balikat nito. Bago pa siya nakagawa ng hakbang, buong puwersa na nitong binaluktot ang kanyang katawan hanggang sa umalingawngaw sa buong silid ang paglagutok ng kanyang mga buto.

Bumulwak na parang fountain ang dugo sa kanyang bibig kasabay ng pagtirik ng dalawa niyang mata. Lalo namang nagdilim ang kanyang paningin sa ginawa nitong pagbalibag sa kanyang katawan.

Sa pagkakataong iyon, nakapikit na lang siya habang pilit hinahabol ang hininga. Tumulo na rin sa sahig ang masaganang dugo na lumalabas sa kanyang bibig. Nang makita ng lalaki ang kalagayan niyang iyon, muli itong nagpakawala ng malutong na halakhak, saka nito itinapak ang kaliwang paa sa ulo niya.

"Sinasabi ko sa 'yo, Crisanto, nakakamatay ang sobrang kayabangan! Kung hindi mo lang ako niyabangan kanina sa putang inang belt mong 'yan, hindi sana ganito katindi ang gagawin ko sa 'yo! Alam mo, wala na akong pakialam sa championship na 'yan! Kahit nandoon pa tayo ngayon, hindi ko na aagawin sa 'yo ang championship belt mo! Wala na akong ibang gusto ngayon kundi ang patayin ka!"

Muling dinampot ni Rohaan ang espada. Hinawakan nito iyon nang mahigpit. Nanggigigil pa ang mga kamay nito habang itinataas iyon. At nang isasaksak na nito iyon sa kanya, biglang gumalaw at gumulong palayo ang kanyang katawan.

Napamulagat na naman si Rohaan sa gulat. Hindi nito inaasahang magigising pa siya sa pagkawala ng malay kanina.

Nagsagawa ng three-point landing si Dante sa sahig at sinadyang isuka ang natitirang dugo sa bibig niya. Saka niya iyon pinunasan sa likod ng kanyang palad at lumingon kay Rohaan.

"Alam mo ba ang dahilan kung bakit hindi kita tinuluyan noong una tayong maglaban? Dahil umaasa ako na kapag naka-recover ka, siguradong gagawa ka ng paraan para magtagpo tayong muli at mabawian mo ako. Gaya ng ginawa mo ngayon. Iyon talaga ang hinihintay kong mangyari, Rohaan. Para maipakita ko sa 'yo ang mga bagay na hindi ko pa nagagawa sa Deathsport noon."

Muling bumalasik ang anyo ng lalaki sa kanya. "Ano na naman ang ibig mong sabihing animal ka!"

"Sa mga pinakawalan mong atake kanina, wala akong nakitang pagbabago sa 'yo. Lahat ng karaniwang ginagawa mo sa mga kalaban mo, ginawa mo rin kanina sa akin kaya nakaka-boring na sa totoo lang."

Namilog ang dalawang mata ng lalaki. "Ako? Boring? Nakikita mo ba ang sarili mo, Crisanto? Naliligo ka na sa sarili mong dugo!"

"Sanay na akong maligo sa sarili kong dugo, Rohaan. Hindi na iyan ang makakapatay sa akin. Pero ikaw, nagsisisi akong hindi pa kita pinatay noong una. Gaya ng sinabi ko kanina, hindi na kita sasantuhin ngayon. Hindi na ako natatakot pumatay!"

Nagsimulang bumuka ang kanyang mga hita sa tuwid na direksyon habang itinataas niya ang dalawang kamay. Saka niya dahan-dahang iniyuko ang katawan habang malawak pa rin ang pagkakabuka ng kanyang mga hita. Ang kaliwang paa niya ay nakabuka sa tuwid na paraan. Ang kanang tuhod naman ay nakatapak sa sahig. Ang kaliwang palad niya ay nakasayad din sa sahig habang ang kabila naman ay malawak ang pagkakabuka sa ere.

Nagtataka si Rohaan sa kung ano ang sinusubukan niyang gawin. Dahil dito ay bahagyang na-distract ang lalaki at nakalimutan nang umatake sa kanya.

Ginamit niya ang pagkakataong iyon para paikutin ang katawan at nagpakawala ng slap kick kung saan sumampal na parang kamay ang paa niya sa mukha ng lalaki. Sa lakas ng impact ay natilapon ito sa kaliwang direksyon at muling nabitiwan ang espada.

Mabilis niyang sinundan iyon ng isa pang technique kung saan pumaikot siya ng tatlong beses habang nakatapak sa sahig ang kaliwa niyang paa. Pagkatapos ay biglang humagupit dito ang paa niya sa kanan habang nasa ibaba pa rin ang buo niyang katawan.

Pagharap ng lalaki sa kanya, mabilis niyang pinaikot sa hangin ang dalawang kamay at pinatama sa ilong nito ang kaliwa niyang palad. Isang technique iyon na kung tawagin ay palm strike, na agad niyang sinundan ng rear-leg push kick mula sa kaliwa niyang paa.

Muling natilapon palayo ang lalaki. Agad nitong naramdaman ang pagtagas ng dugo sa ilong nito. Kahit sa ilong lang iyon tumama, abot hanggang ulo naman ang sakit na naramdaman nito. Halos dumoble ang paningin ni Rohaan sa mga sandaling iyon.

Habang nakaangat nang lampas sa ulo ang kaliwa niyang paa, ginamit naman niya ang kabilang paa na nakatapak sa lupa at nagpaikot-ikot na parang turumpo habang papalapit dito. Pagkatapos ay bigla siyang tumalon sa ere nagpakawala ng isa pang paikot na slap kick sa kabilang bahagi naman ng pisngi nito.

Tuluyang natumba ang lalaki at nasubsob pa ang mukha sa sahig. Pati ito ay sobrang nanibago sa mga galaw na inilalabas niya. Ngayon pa lang niya ito ginamit at nagkataon na kay Rohaan pa.

Hindi sumuko ang lalaki. Bigla itong sumagupa sa kanya hanggang sa makuha nito ang tiyan niya. Saka nito pinagpalit ang puwesto nila at binuhat siya sa patagilid na direksyon at buong lakas na itinumba sa sahig.

Isa ito sa mga signature move ng lalaki na nagmula sa Brazilian Jiu Jitsu na madalas nitong ginagawa noon kapag bali-bali na ang buto ng mga kalaban nito para hindi na sila makatayo.

Pero sa kaso ni Dante, natumba lang siya rito at hindi natinag. Nagawa rin niyang makawala agad at pinagulong palayo ang katawan.

Paglapit muli ni Rohaan sa kanya, mabilis na nagsara ang kanyang kamao at mabilis ding humakbang ang kanyang katawan, saka siya nagpakawala ng one-inch punch sa dibdib ng lalaki na nagpataboy rito sa tuwid na direksyon.

Isa iyon sa mga itinatago niyang technique na gumagamit ng pambihirang speed at power para itulak sa napakalayong direksyon ang kalaban gamit lamang ang isang tulak ng kamao. Lahat ng enerhiya niya sa mga bisig ay pansamantala niyang inilipat sa kanyang kamay para mas maging concentrated ang lakas nito na magpataboy ng tao sa isang suntok lang.

Mas malayo nga ang narating ni Rohaan. Hindi na halos maipinta ang mukha nito sa dami ng pinsalang sinalo mula sa kanya. Bumagsak ito sa sahig kung nasaan ang sandata. Agad iyong pinulot ng lalaki at ginamit sa pagsugod sa kanya.

Bago pa tumama ang talim nito, mabilis na siyang nakailag at humakbang palapit dito, saka niya pinalipad ang kanyang siko at nagsagawa ng spinning elbow strike sa mukha nito. Isa naman iyon sa mga signature move niya sa Muay Thai.

Mabilis niyang hinawakan ang kamay ng lalaki na nakahawak sa sandata at buong puwersang binaligtad ang direksyon niyon hanggang sa bumaon sa dibdib nito ang mismong espada! Napamulagat ang lalaki sa gulat.

Pagharap ni Dante sa mukha ni Rohaan, bumungad sa kanya ang sariwang dugo na tumulo sa bibig nito. Ngumisi siya rito at muli itong niyabangan. "Dito na nagtatapos ang ating laban, Rohaan." Saka siya pumaikot palayo at nagpakawala ng isa pang sipa na lalong nagpabaon sa espadang nakatarak sa dibdib nito.

Sa nagdidilim na diwa ni Rohaan, nagawa pa nitong makapagsalita at makatitig sa kanya. "I-Isa kang...talunan!"

Dahan-dahang bumagsak sa tuwid na daan ang katawan nito. Pagtama ng espada sa sahig, bumaon ang dulo niyon at lalo pang bumagal ang pagbagsak nito.

Hindi nagustuhan ni Dante ang huling salita na pinakawalan nito. Kaya naman nilapitan niya ang lalaki at hinugot ang espada sa dibdib nito. Saka niya itinutok ang talim niyon sa leeg ng lalaki.

Sa isang wasiwas lang, gumulong palayo ang ulo nito at naiwan pang nakabuka ang bibig at mga mata nito! Saka niya muling ibinalik sa butas na dibdib ng lalaki ang espada. Sa paraang iyon, sinigurado niya na hindi na ito babangon para patagalin pa lalo ang laban nila.

Napabuga ng malalim na paghinga si Dante. Balot na balot na siya ng dugo sa buong katawan pero hindi na niya alintana iyon. Sa halip ay dinukot niya ang cellphone ng lalaki sa bulsa at nagtungo sa Messaging app.

Hinanap niya ang pangalan ni MG Cerino at nagpadala ng text dito. Tapos na ang trabaho ko rito. Napatay ko na ang taong kinasusuklaman mo. Puwede ko na bang makuha ang bayad ko?

Ilang sandali pa, nag-reply agad ang matanda sa kanya. Alright! Go to this address now and make sure na walang makakakita sa 'yo. Nakahanda na rito ang pera mo.

Gumuhit ang pilyong ngiti sa mga labi ni Dante.

TO BE CONTINUED...

(Ang Huling Limang Kabanata)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro