Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 25: Return of the Biggest Rival

"MERON tayong masamang balita, Assante," uminit na naman ang ulo ni MG Cerino sa sinabing iyon ni Valiento.

"Magmula kanina, puro masasamang balita na lang ang sinasabi mo. Wala na bang iba?" Hindi siya nakapagpigil na pagtaasan ito ng boses.

"Kailangan mong tanggapin ang katotohanan. Tayo ang nasa alanganin ngayon dahil kalat na kalat na ang mga ebidensya laban sa atin. Hindi na natin malilinis ang ating pangalan. Masyadong matibay ang mga ebidensyang hawak nila laban sa atin. Dahil iyan sa labis mong pagtitiwala sa Dante na 'yon! Kung hindi mo lang sana siya kinaibigan at inimbitang makasali rito noong una pa lang, hindi sana aabot sa ganito ang lahat!"

"Oo na! Hindi mo na kailangang ipamukha sa akin iyan! Ano ba 'yang balita mo?"

"Naka-block na sa lahat ng airlines ang pangalan mo. Hindi ka na makakalabas ng ibang bansa. Maliban na lang kung gumawa ka ng pekeng passport at dokumento mo, at palitan 'yang mukha mo."

"Bakit ko pa kailangang gumawa ng pekeng passport at magtago sa ibang mukha? Tanga na lang ang gagawa n'on! Tawagan mo si Enchong, dalhin niya ang helicopter ko sa Santa Catalina. Doon tayo tatakas!"

"Pagtakas talaga ang nasa isip mo? Wala ka bang nakakalimutan, Assante?"

Napalingon siya rito. "Ano na naman ba ang nais mong ipahiwatig ngayon!"

"Sa sobrang atat mong makatakas, nakalimutan mo nang isama ang anak mong si Logan! Nasaan na ba siya? Bakit pa siya umalis kanina? Saan siya nagpunta?"

Napamulagat sa gulat si MG Cerino. "Oh sh*t! Oh sh*t! My son! H-hindi siya puwedeng mawala sa akin!" Bigla niyang naalala, halos magwala ito sa galit kanina nang malaman nito ang ginawa sa kanya ni Dante. Kaya nagpaalam ito sa kanya na susugod doon para ipaghiganti siya. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito bumabalik. Ni wala pa itong paramdam.

Labis ang panggagalaiti ni MG Cerino. Wala siyang ibang inisip kundi ang makatakas at mailigtas ang sarili niya laban sa matinding kahihiyan kaya pati anak niya ay nawala na sa isip niya. Talagang ginulo ng mga pangyayaring ito ang utak niya.

Agad niyang dinukot ang cellphone sa bulsa at tinawagan ang numero nito. Nakahinga siya nang maluwag dahil sumagot ito agad.


"Logan! W-where are you, son? Nasaan ka na ba? Papunta kami ngayon sa Santa Catalina! Dito namin aabangan ang helicopter na susundo sa atin! Can you please tell me where you are para mapasundo na kita! O sumunod ka na lang dito kung gusto mo!"

"Salamat at sinabi mo kung nasaan ka ngayon, Assante." Nagulat siya dahil iba ang boses na sumagot sa cellphone. "At least hindi na ako mahihirapang hanapin ka." Hindi siya maaaring linlangin ng pandinig, boses iyon ni Dante!

Lumabas ang ugat sa magkabilang noo niya. "Hayop ka, Dante! Isinusumpa kita! Nasaan ang anak ko! Bakit nasa iyo ang telepono niya!"

"Kahit iniwan mo siya rito, nagbabakasakali pa rin akong may tatawag sa kanya kaya dinala ko ang telepono niya. Marami rin akong nakuhang ebidensya rito laban sa 'yo, Assante. Wala ka nang kawala ngayon. Mas lalo ko pang pabibigatin ang kaso mo hanggang sa hindi ka na makatayo."

"Hindi n'yo ako mahuhuli! Kahit magdala ka pa ng isang libong sundalo, wala kang mapapala, Dante! Hindi ako 'yung tipo ng tao na susuko na lang sa batas! Walang batas ang makakapagpasuko sa akin tandaan mo 'yan! Mas mauunang sumuko ang batas kaysa sa akin!"

"Alam ko," sagot agad ng lalaki. "Alam ko namang wala ring magagawa ang mga pulis sa 'yo. Kaya nga huwag mong ipanalangin na ako ang makahanap sa 'yo, Assante. Dahil hindi mo magugustuhan ang gagawin ko. Kapag ang mga pulis ang unang nakahanap sa 'yo, makukulong ka lang. Pero kapag ako ang nauna, magdasal ka na sa lahat ng Diyos mo dahil hindi kayang sukatin ng utak mo ang tindi ng parusang gagawin ko sa 'yo."

Natawa lang siya. "At sa tingin mo masisindak mo pa ako sa mga litanya mong iyan? Marami na ang nanindak sa akin, Dante. Hindi na iyan tatalab sa akin."


"Maghintay ka lang, Assante. Sisiguraduhin kong lalamon ka ng alikabok ngayong gabi!"

"Don't ever try to challenge me, Dante. Magyabang ka lang kung may alam ka na sa mga patibong na itinanim ko sa pagdating mo. Kaya sige. Subukan mo akong habulin. Subukan mong unahan ang mga pulis sa paghuli sa akin. Tingnan natin kung sino sa inyo ang unang mahuhulog sa nakamamatay kong patibong! Akala mo siguro hindi kita pinaghandaan, ano?"


Sa pagkakataong iyon ay hindi nakasagot ang lalaki sa kabilang linya. Halatang napaisip din ito sa sinabi niya. Doon na niya ibinaba ang tawag saka tahimik na humalakhak sa puwesto niya.

"Ano na ang susunod na plano mo kay Dante? Tatakas ka na lang ba na walang ginagawa sa kanya?" mayamaya'y tanong ni Valiento sa kanya.

"We have no choice but to leave this country. But it doesn't mean I'm done with Dante. Mas malaya kong magagawa ang iba ko pang mga plano sa kanya kapag nasa malayo ako. He ruined everything! He ruined my life! I will make sure na kahit saan pa ako mapunta, hinding-hindi ko siya patatahimikin!" Kasunod niyon ang muling pagbalasik ng kanyang anyo.

SAGLIT na huminto si Dante sa isang tabi at sumilip sa update na ipinadala sa kanya ni Mike. Papunta na nga sa Santa Catalina ang sasakyan nina MG Cerino.

Nagtungo siya sa Google Map at naghanap ng pinakamalapit na ruta patungo sa Santa Catalina. Kailangan niya itong maunahan bago pa ito makasakay sa helicopter na sinasabi nito.

Biglang bumungad sa screen ang incoming call ni Mike. Agad niya itong sinagot. "Hello, Mike. Asan ka na?"

"Boss Dante! Huwag kang tutuloy!"

"Ano? B-bakit?"

"Saan ka ba dumadaan ngayon?"

"Papunta ako sa Garcia Jose para sundan ang sasakyan nila."


"Boss! Huwag na huwag kang pupunta d'yan! May mga bombang na-detect ang device ko d'yan! May mga nakita rin akong tao na nag-o-operate sa mga bomba! Mukhang hinihintay ka nilang makarating d'yan bago nila pasabugin ang mga bomba!"


"Ano!" Napamulagat siya sa gulat. "P-pero iyon na lang ang nakita kong pinakamalapit na lugar papuntang Santa Catalina! Kung hindi ako roon dadaan, baka hindi ko na abutan sina MG Cerino!"

"Wala tayong choice, boss. You have to find another route!"

"Sh*t! Nasa EDSA na lang ang isang ruta na alam ko. Pero lalo akong mapapalayo roon!"

"Boss, huwag mo nang isugal ang buhay mo sa Garcia Jose. May mga tauhang nakabantay sa 'yo roon! Kapag tumuloy ka, lalo mo nang hindi aabutan sina MG Cerino dahil matutusta ka nang buhay!"

"Sige, sige. Sa EDSA na lang ako dadaan. Kailangan ko nang umalis ngayon para makahabol pa ako. Mamaya na lang tayo mag-usap!"

"Sige, boss. Copy."

"Pero kung sakaling hindi ako umabot d'yan, mag-proceed ka na sa Plan B natin, Mike. Alam kong mahirap pero iyon ang kailangan mong gawin para hindi agad sila makaalis."

"No problem, boss. Kaya ko ito. Tinuruan mo akong maging malakas ang loob."

Agad niyang tinapos ang tawag at pinaharurot na sa pinakamabilis na paraan ang kanyang motor.

"NASAAN na ba si Logan!" pasigaw na tanong ni Valiento sa kanya habang pareho silang nagpa-panic sa loob ng sasakyan.

"May mga pinadala na akong miyembro para kunin siya sa Nexus. Doon daw siya dinala sabi ng isang tauhan ko."

"Hindi tayo puwedeng umalis nang hindi siya kasama!"

"Alam ko! Wala ka na ring dapat ipag-alala dahil naghihintay na ang mga bomba natin kay Dante sa Garcia Jose. Iyon ang pinakamalapit na daan papuntang Santa Catalina kaya sigurado akong doon siya dadaan."

"Paano kung hindi siya roon dumaan?" paghihinala naman ni Valiento.

"Kalat na kalat na sa buong Kamaynilaan ang daan-daang mga members natin. Kahit saan siya magpunta, marami ang haharang sa kanya na magpapabagal lalo sa pagpunta niya rito. Hindi na niya mapipigilan ang ating pagtakas!" kampante niyang sabi habang masarap ang pagkakasandal sa puwesto.

Biglang tumunog ang telepono ni MG Cerino sa kalagitnaan ng kanilang biyahe. Nakita niyang si Dennis ang tumatawag, ang miyembrong inatasan niya para magtanim ng mga bomba sa buong ruta ng Garcia Jose.

"Tinawagan mo ako. Ibig sabihin ba nito'y napasabog mo na si Dante?" tanong agad niya sa lalaki.

"Iyon nga ho ang problema, Master MG. Hindi si Dante ang dumaan dito kundi mga pulis! Sila tuloy ang nasabugan! Tatlong sasakyan nila ang sumabog dito! Lahat sila, patay! Kalat na kalat na rin ang sunog sa mga building kaya umalis na kami rito bago pa may makahuli sa amin. Pasensya na, Master!"

Napabuntong-hininga na lang siya. "It's okay. At least nabawasan ang mga pulis na humahabol sa atin. Si Dante na lang ang problema natin. But I think hindi na natin siya kailangang problemahin dahil kahit saan pa siya dumaan, made-delay pa rin siya sa pagpunta rito dahil sa mga members nating naghihintay sa kanya." Muling napangisi si MG Cerino.

PAGKALAMPAS sa EDSA, lumiko si Dante sa isang daan patungo sa Santa Catalina. Medyo may kalayuan pa rin iyon at maaari siyang abutin ng mahigit kalahating oras. Pero iyon na lang ang tanging daan para makapunta roon.

Biglang may lumabas na mga motor sa paligid at isa-isang humarang sa daan. Sabay-sabay pa nilang pinatugtog ang kanilang mga busina. Doon napahinto sa pagmamaneho si Dante at nagtanggal ng helmet niya. Nakita niya kung paano humarang ang mga nakamotor na Spaterion suot ang kanilang traditional t-shirt.

"Saan ka pupunta, traydor? Hindi ka makakadaan dito hangga't hindi mo kami nauubos!" sabi ng isang lalaki sa kanya.

May mga armas pa na hawak ang iba gaya ng paddle, arnis, at sinturong bakal. Bumaba na rin siya sa motor at isinabit ang helmet niya sa hand grip ng motor. Saka siya humarap sa mga ito at nagsagawa ng orthodox stance.

"Kung ayaw n'yong umalis sa dinadaanan ko, mapipilitan akong paalisin kayo sa ibang paraan," matapang na sagot niya sa grupo.

Sa kanyang hinuha, nasa mahigit limampu ang bilang ng mga ito. Mukhang madedehado siya kung kamay lang niya ang gagamitin dito. Kaya naman inilabas na niya sa loob ng leather jacket ang kanyang armas na chako o tabak-toyok.

Pinaikot-ikot niya ito sa hangin habang nilipat-lipat sa dalawa niyang kamay. Nagtawanan naman ang mga miyembro sa kanya.

"Walang silbi 'yan sa puwersa namin ngayon! Lalamunin ka lang naming lahat dito bago ka pa makagawa ng aksyon!" asik sa kanya ng isang lalaki, pagkatapos ay isa-isa na rin silang nagsibabaan sa mga motor nila.

Natawa lang din siya. "Nakakalimutan n'yo yata mga brad, isa pa rin akong Spaterion, kaya wala akong pinagkaiba sa bangis n'yo!"

"Walang traydor na Spaterion sa amin. Kolorum ka lang!" sagot naman sa kanya ng isa pa.

"Baka kayo ang kolorum. Wala kayong pinagkaiba sa mga gangster na puro porma. Nagsisisi akong naging parte pa ako ng kapatirang ito. Isa kayong malaking basura!"

"Ang lakas ng loob mong magyabang, ah! Para namang may laban ka pa sa amin! Tingnan mo naman, oh. Mag-isa ka lang!"

"Oo nga, eh. Mag-isa lang ako. Kaya siguraduhin n'yo lang na mapapatay n'yo ako. Dahil kapag hindi, kayo ang hindi na aabutan ng umaga rito. Kaya galingan n'yo, ah?"

Hindi kinaya ng grupo ang pang-iinsulto niya. Sabay-sabay na sumugod ang mga ito sa kanya habang nakataas ang kanilang mga armas.

Mabilis siyang tumapak sa pader at nag-wall run patungo sa mga ito. Saka siya nagsagawa ng isang napakataas na backflip na sinabayan ng isang round kick.

Nagkauntugan ang mga ito at sabay-sabay na napaatras. Muli siyang nag-parkour sa mga pader at sinadyang ibagsak ang katawan sa kumpulan ng mga ito hanggang sa marami sa kanila ang natumba.

Doon niya iwinasiwas ang kanyang chako. Lahat ng makasalubong na miyembro ay pinaghahampas niya sa leeg at sinamahan pa ng sunod-sunod na front kick at flying side kick sa mukha ng mga ito.

Sa sobrang bilis niyang kumilos, nahirapan ang buong grupo na umatake sa kanya. Akala nila, kapag sabay-sabay silang sumugod ay madali siyang magagapi. Ngunit sa ginawa nila, sila-sila pa ang nagkasakitan.

Tatlong lalaki ang sunod na pumalibot kay Dante. Sinipa niya ang isa sa likuran niya, at hinampas niya ng chako sa mukha ang pangalawang lalaki sa harapan niya. Saka siya nakipagbungguan ng armas sa lalaking may hawak na paddle.

Lumipad ang paddle patungo sa kaliwang bahagi ng katawan niya. Mabilis niya itong nasalo sa kabilang kamay niya gamit ang backhand chop technique. Saka niya itinulak palayo ang lalaki sa malakas niyang sipa mula sa kanang paa.

Bago pa siya mahawakan ng dalawang lalaki sa kanyang likuran, iniwasiwas na niya ang hawak na chako sa mga ito. Sabay pang natumba ang dalawa at nagkauntugan.

Sa kabilang banda ay marami pang paddle ang lumipad patungo sa kanya. Isang paikot na sipa muli ang pinakawalan niya na agad nagpataboy sa mga ito. Saka niya pinaghahampas ng chako ang anim na kalalakihan bago pa sila makagawa ng susunod na hakbang sa kanya.

Isang lalaki ang nagawang makahawak sa likuran niya at tinutukan siya ng hawak nitong patalim. Mabilis naman niyang hinawakan ang braso nito at paikot na binalibag sa ere hanggang sa lumagutok ang mga buto sa lupa.

Kinuha niya ang patalim nito at isinaksak sa leeg ng isa pang lalaking papalapit sa tabi niya. Saka niya muling iwinasiwas ang chako sa iba pang kalalakihan na nagtangkang lumapit sa kanya.

Nang matanaw niya ang papalapit na limang kalalakihan na may mga arnis, buong tapang na sumugod siya at nagpakawala ng tatlong magkakasunod na tornado kick na umabot ng 720 degrees.

Tatlo agad sa kanila ang natumba at nabitawan ang kanilang mga armas. Ang dalawa naman ay mabilis ding nakabuwelo at nagawa pang makasugod sa kanya. Nakipagpalitan siya ng hampas sa mga ito hanggang sa sumabit ang tanikala ng chako niya sa arnis ng isa. Mabilis iyong itinapon ng lalaki hanggang sa mawala sa kanyang kamay ang armas niya.

Mabilis siyang dumampot ng isang pares ng arnis sa lupa at muling nakipaghampasan sa dalawang lalaki na halatang sanay gumamit ng arnis.

Pagkatapos niyang iwasiwas ang dalawang arnis, pumaikot siya sa ere at hinataw ng sipa ang kamay ng dalawa hanggang sa mabitawan nila ang kanilang mga armas. Doon niya muling iwinasiwas ang hawak na arnis sa mga ito hanggang sa magkasabay silang bumagsak sa lupa.

Pagkatayo naman ng tatlong lalaki kanina, muli pa siyang nagpakawala ng tornado kick kaya hindi na nila napulot ang kanilang mga armas. Muli silang bumagsak sa lupa at hindi na nakatayo sa sakit na idinulot ng pagkabali ng leeg.

Apat na kalalakihan pa ang sabay na sumugod sa kanya dala ang kanilang mga paddle. Muli siyang tumapak sa isang pader, umikot sa ere habang iwinawasiwas ang kanyang mga arnis. Pagdapo niya sa grupo, hindi lang mga arnis ang tumama sa mukha nila, pati na rin ang dalawa niyang mga paa na nagpaputok sa mga labi nila.

Isang lalaki sa di kalayuan ang nakita niyang bumunot ng baril. Bago pa nito iyon maiputok, hinagis na niya sa kamay nito ang hawak niyang mga arnis hanggang sa mabitiwan nito ang baril.

Mabilis siyang gumulong sa lupa at pinadulas ang likod ng kanyang leather jacker para mabilis na makapunta sa puwesto nito. Saka niya hinablot ang nahulog na baril sa lupa at mabilis na pinaputukan ang lalaki sa dibdib.

Muli siyang gumulong at nagpalit ng ibang anggulo, saka niya isa-isang pinaputukan ang iba pang kalalakihan na papalapit pa lang sa kanya.

Nang maubos na niya ang bala ng baril, muli siyang gumulong ng tatlong beses at mabilis na dinukot sa bulsa ang collapsible sword niya. Napaatras ang ibang miyembro nang makita ang pagbuka ng matulis na sandatang hawak niya.

Kanya-kanya sa pagpulot ng mga paddle at ibang armas ang natitirang mga Spaterion. Pagkatapos ay sabay-sabay silang sumugod sa kanya.

Muli siyang nagsagawa ng kung fu sword technique kung saan pinaikot-ikot niya sa magkakaibang direksyon ang kanyang sandata habang itinataas ang mga kamay, pinapaikot ang mga paa, at nagsasagawa ng kakaibang mga pose.

Sa bawat wasiwas niya ng sandata sa pinakamaistilong paraan, maraming mga dugo ang nagtatalsikan sa ere at mga boses na nababasag. Sa isa pang ikot ng katawan niya, isang lalaki ang hindi sadyang naputulan ng kamay matapos tumama ang sandata niya rito.

Nagawa pa nitong magsisigaw at mura-murahin siya bago tuluyang bumagsak sa lupa. Hindi na tumuloy ang natitirang sampung lalaki sa pag-atake sa kanya. Nag-unahan na sila sa pagtakbo at binitiwan ang mga paddle nila.

Natawa na lang siya at pinunasan ang pawis sa kanyang noo. "Kailan ba nila malalaman na isang grand champion ang kinakalaban nila?" maangas na wika niya sa sarili sabay unat sa kanyang mga muscles sa katawan.

Biglang may liwanag sa di kalayuan. Natanaw niya ang paparating na pulang sasakyan. Agad niyang inihanda ang hawak na sandata at naging alerto sa pagdating ng bagong mga kalaban.

Bumukas ang pinto ng sasakyan. Kasunod ang pagbaba ng isang nakaitim na lalaking medyo matangkad at abot baywang ang nakataling buhok. Ganoon na lamang ang panlalaki ng dalawang mata niya nang maaninag dito ang isang pamilyar na mukha.

Isang basag na tinig ang kumawala sa kanya. "R-Rohaan?"

Nagbabaga ang mga matang lumingon sa kanya si Rohaan Ahmad na mas lumaki pa ang katawan, mas bumalasik pa ang mukha at tinubuan na ng makakapal na balbas.

"Sa wakas, nagkaharap din tayong muli, Crisanto. Ang tagal kong hinintay ang panahong ito."

Hindi pa rin makapaniwala si Dante. "R-Rohaan... A-ano'ng ginagawa mo rito... P-paano ka..."

"Mukhang sinasadya talaga ng tadhana na pagtagpuin tayong muli. Alam mo ba kung paano ako napadpad dito? Tinawagan lang naman ako ng leader n'yo sa fraternity. Kinuha niya ako para patayin ka, Crisanto!"

Nagsimula itong humakbang palapit sa kanya. Iniangat naman niya ang hawak na sandata at itinutok ang talim nito sa lalaki.

Kahit balot na balot ng pagkasindak ay nilakasan pa rin ni Dante ang loob. "Nagsasayang ka lang ng panahon, Rohaan. Isang malaking pagkakamali ang ginawa mong pagpunta rito!"

Napangisi naman ang lalaki. "Sabihin mo nga sa akin, Crisanto. Ano ba ang pinunta mo rito sa Maynila? Lumuwas ka ba rito para lang sumali sa isang walang kuwentang fraternity? Ganyan ka na ba kababa? Alam mo naman siguro na sa lugar natin sa Davao, mga tuta lang natin ang lahat ng miyembro ng mga gang at fraternity. Mga punching bag lang natin sila. Pero ikaw, nagsayang ka pa ng oras, pamasahe at panahon para lang pumunta rito at pumasok sa isang frat? Hindi mo na nirespeto ang championship belt mo! Ako na lang dapat ang nakakuha d'yan at hindi ikaw!"

"Hindi ako sumali rito para magsayang ng oras at magpakababa, Rohaan. Pinasok ko ang frat na 'to para sirain sila dahil gusto kong ipaghiganti ang tatay ko na pinatay nila! Wala kang alam sa nakaraan ko kaya huwag kang makialam sa misyon ko rito!"

Muli naman itong humalakhak. "Pinatay nila ang tatay mo?" Saka nito mas nilakihan ang paghakbang patungo sa kanya. "Bakit mo pa siya kailangang ipaghiganti? Kung puwede ka namang sumunod sa kanya sa kabilang buhay? Kaya nga nandito ako para gawin iyon. Hindi mo na kailangang mabuhay sa mundo, Crisanto. Sumunod ka na lang sa tatay mo kung mahal mo talaga siya!"

Lalo pang hinigpitan ni Dante ang pagkakahawak sa espada. "Minsan mo na akong pinagtangkaang patayin, Rohaan. Pero nabigo ka. Kung nagbabalak kang gawin uli iyon dito, sisiguraduhin kong mabibigo kang muli!"

Mas lalong lumakas ang halakhak ng lalaki. "Sinuwerte ka lang sa laban natin dati, Crisanto. Ngayon, huwag ka nang umasa na sa 'yo pa uli papanig ang suwerte. Tapos na ang paghahari mo sa lugar na ito dahil nandito na 'ko!" Halos higupin siya sa labis na talim ng mga titig nito.

Sumigaw si Dante at itinaas ang kanyang sandata. Mabilis niya itong pinalipad sa lalaki. Ngunit laking gulat niya nang masalo ni Rohaan ang kanyang kamay. Agad nito iyong binaluktot hanggang sa lumuwag ang pagkakahawak niya sa sandata.

Nagawa iyong agawin ng lalaki at mabilis nitong pinalipad sa kanya ang espada. Napaigik siya nang maramdaman ang pagtama ng talim nito sa kanyang tiyan! Agad siyang napahawak sa sariling tiyan at napapikit sa hindi maipaliwanag na sakit.

Tinulak siya ng lalaki sa malakas nitong sipa hanggang sa matilapon siya sa lupa. Patuloy siyang nakahawak sa kanyang tiyan habang napapaungol sa labis na sakit.

Inangat nito ang espada at nagtangkang ibaon sa dibdib niya. Mabilis siyang nakailag at nagpakawala ng isang sipa sa braso nito kaya hindi tumama ang sandata. Nang mapaatras ang lalaki ay dali-dali siyang tumayo habang nakapatong pa rin ang kabilang kamay sa tiyan niya.

Muling iwinasiwas ng lalaki ang espada sa kinaroroonan niya. Mabilis naman niyang nasangga ang kamay nito sa isang sipa mula sa kaliwa niyang paa. Napamulagat ang lalaki nang mabitawan nito ang sandata.

Bumangis ang anyo nito. "Hanggang d'yan na lang ang kaya mo, Crisanto!" Sumugod naman ang lalaki gamit ang dalawa nitong kamao.

Nakipagsalubungan siya ng mga suntok dito habang pilit iniiwasan na matamaan nito ang dumudugong tiyan niya. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang naligaw ang kaliwang kamao nito sa kanyang tiyan!

Napamulagat na lang siya at napadura ng dugo. Pakiramdam niya ay nag-slow motion sa kanya ang lahat kaya ganoon na lang katindi ang impact ng suntok nito.

Nagawa nitong bihagin ang kaliwang braso niya at buong lakas na binalibag sa ere. Saka siya nito itinapon sa lupa na parang latigo at mabilis na binihag ang kaliwa niyang kamay.

Halos mapunit ang kanyang lalamunin sa lakas ng kanyang sigaw nang maramdaman ang pagbaluktot nito sa kamay niya. Sunod naman nitong kinuha ang kaliwang paa niya at nagtangka ring baluktutin iyon. Pero mabilis niyang napadapo rito ang kanan niyang paa na nagpaatras agad sa lalaki.

Nakahanap siya ng pagkakataon na makatayo. Itinaas niya ang kabilang kamao at nagtangkang ipadapo rito. Ngunit mabilis iyong nasangga ng lalaki at nagpakawala ng isa pang malakas na sipa sa tiyan niya.

Napaatras na naman siya at napahawak sa malaking hiwa sa kanyang tiyan. Ayaw tumigil ng pagdurugo niyon. Pero hindi rin siya puwedeng magpatalo. Mababalewala ang lahat ng pinaghirapan niya kung hahayaan niyang mabawian siya ng lalaking ito.

Sabay pa silang sumigaw ni Logan at sabay ring nagbitaw ng mabigat na suntok sa isa't isa. Ang kamao niya ay tumama sa mukha nito. Ang kamao naman nito ay dumapo sa dibdib niya.

Halos mapatid ang kanyang hininga sa bigat ng kamao nito. Nanikip agad ang kanyang dibdib at pakiramdam niya ay bumara ang hangin sa kanyang baga.

Bago pa siya makagawa ng aksyon, nahawakan na nito ang kaliwang braso niya at sumakal naman sa kanyang leeg ang kaliwa nitong kamay. Binuhat siya nito at nagsagawa ng body slam na halos magpadilim sa paningin niya.

Muli pa siya nitong binuhat at hinila naman patungo sa kotse nito. Buong lakas nitong ipinukpok ang ulo niya sa bintana ng sasakyan hanggang sa mabasag iyon. Paghugot nito sa kanyang leeg, duguan na ang ulo niya at naghihingalo na muli siya.

Binalibag pa siya nito sa harap ng sasakyan at pinaulanan ng mabibigat na suntok. Muling pumutok ang kanyang mga labi habang patuloy nitong pinapalamon ang mga kamao sa kanyang mukha.

Pagkahinto nito, siya na ang kusang bumagsak at bumulagta sa lupa. Pumatong ito sa likuran niya at inipit sa magkabilang hita ang ibabang bahagi ng katawan niya. Saka naman nito binihag ang kanyang leeg sa pagitan ng dalawa nitong kamay.

Muling napamulagat si Dante nang maramdaman ang pagsakal ng lalaki sa kanya. Sinubukan niyang magwala pero hindi na sapat ang lakas na lumalabas sa kanyang katawan para makawala rito.

Habang tumatagal ay pahigpit nang pahigpit ang pagkakasakal nito sa kanya. Maging ang boses niya ay nagsisimula na ring mapunit.

"T-tulong! Tulooong!" Sinubukan pa niyang sumigaw kahit ipit na lang ang tinig na lumabas sa kanya.

"Tama ba ang narinig ko? Humihingi na lang ng tulong ang isang champion dahil hindi na kinakaya si Rohaan Ahmad?" Isang malutong na halakhak ang pinakawalan nito. Parang mababaliw na ito sa lakas ng pagtawa. Patuloy pa nitong hinigpitan ang pagkakasakal sa kanya.

Mahigit dalawang minuto siyang pilit nanlalaban ngunit sa pagkakataong iyon, pati katawan niya ay parang gusto na ring sumuko. Unti-unti na niyang naramdaman ang dilim na pilit lumulukob sa kanya.

Lalo pang nagpakawala ng mas malakas na puwersa si Rohaan. Nagsimula nang tumirik ang mga mata ni Dante.

Makalipas ang ilang sandali, hindi na niya kinaya ang rare naked choke na isinagawa nito. Tuluyan na siyang tinakasan ng ulirat at sabay na bumagsak ang dalawang kamay na walang patid sa pagwawala kanina.

Nang maramdaman ni Rohaan na wala na siyang malay, doon lang siya nito pinakawalan at mariing pinagmasdan. Muli itong nabaliw sa pagtawa nang mapagtanto nitong wala na siyang malay at hindi na makakalaban pa.

"Sa wakas! Panalo ako! Nanalo rin ako!" Mas lumakas pa ang halakhak nito habang pinagmamasdan siya. "Nakita mo 'yon, Crisanto? Tinalo na kita! Sa wakas, natalo rin kita!" Daig pa nito ang nanalo sa lotto dahil sa lakas ng sigaw nito.

Pinagsusuntok pa siya nito para makasiguradong wala na talaga siyang malay. Saka siya nito binuhat at ipinasok sa loob ng sasakyan nito.

TUWANG-TUWA si MG Cerino nang masilayan ang kanilang helicopter. "This is it! We just need to wait for Logan!" Agad niyang dinukot ang cellphone at nanghingi ng update sa tauhan.

"Nandito na kami sa loob, Master. Kasalukuyan pang nakikipagbarilan ang mga kasama ko kay Don Frido. Tatawagan na lang kita. Kailangan pa naming magtulungan dito!" Agad ding ibinaba ng lalaki ang tawag.

"Bullsh*t! Hindi pa pala nila nakukuha si Logan? At kailan pa natutong makipagbarilan ang matandang iyon!" iritadong wika ni MG Cerino kay Valiento.

Habang naghihintay sa isang gilid, bigla na lang sumabog ang helicopter at sabay pa silang natilapon palayo dahil sa lakas ng impact.

Sindak na sindak ang dalawa habang pilit tumatayo. Pareho silang nagtamo ng mga sugat at galos sa katawan.

"V-Valiento, w-what happened to our helicopter!" nauubo niyang wika habang hinahagilap ang lalaki sa paligid niya.

Sa di kalayuan naman, tahimik na nakamasid sa kanila si Mike Rafael na kanina pa nakatambay sa Santa Catalina at naghihintay lang sa pagdating nila.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro