Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 22: Identity Revealed

"SIGURADO na po ba kayo rito, Sir?" tanong ni Dante kay Prof. Enrico habang magkausap sila sa Terminal III ng Ninoy Aquino International Airport.

"This is my only option, hijo. Kailangan ko munang magpakalayo-layo sa bansa ngayon dahil alam na ng marami na patay ako. Kailangan nating mapaniwala sina MG Cerino na wala na nga ako, para hindi ka rin mapahamak kapag nalaman niyang tinutulungan mo kami."

"Pasensya na po kung kailangan pang umabot sa ganito."

"Hindi kita sinisisi sa nangyari, Dante. Saka okay na rin ito dahil ang totoo n'yan, matagal ko nang gustong talikuran ang pagiging professor sa Vanguard. Hindi ko na kinakaya ang mga korapsyong nagaganap doon. Tama lang na nangyari ito para tuluyan nang maputol ang malagim na trabaho ko sa lugar na 'yon. Hindi ko na kailangang magtiis sa mga estudyanteng pinoprotektahan ng kapatiran nila para hindi makatanggap ng bagsak na grades kahit bagsak naman talaga sila!"

"Huwag po kayong mag-alala, Sir. Pansamantala lang po ito. Kapag naitumba ko na sina MG Cerino, maaari na kayong bumalik dito at mamuhay nang normal. Ipinapangako ko po iyan."

Ngumiti sa kanya ang matanda. "May tiwala ako sa 'yo, Dante. Maraming salamat." Saka ito tumapik sa kanyang balikat bago tuluyang pumasok sa loob ng airport.

NASA kalagitnaan ng pagbibihis si Dante nang pumukaw sa kanyang pansin ang isang balita sa telebisyon. Natuklasan na raw ng awtoridad ang illegal na operasyon ng Deathsport sa Davao City.

Nang malaman nila kung anong klaseng mga laban ang nagaganap doon, agad hinatulan ng parusa ang mga taong involve sa pagpapatakbo nito, kabilang na ang ilang mga politiko at businessman na nag-i-sponsor sa programa.

Pati ang mga fighters na kalahok doon ay hinuli at kinulong din dahil sa pakikipag-participate nila sa isang death match na mahigpit na ipinagbabawal sa bansa. Kung sinuman daw ang iba pang fighter na mapatunayang kabilang doon, hindi magdadalawang-isip ang awtoridad na arestuhin sila.

Nakaramdam ng kaunting lungkot si Dante. Paano pa kaya niya madedepensahan ang kanyang titulo kung wala na ang programang humubog sa kanya para maging kampeon? At dahil mainit na rin sa batas ang lahat ng mga fighters na napabilang doon, kinakailangan pa niyang doblehin ang kanyang pag-iingat para walang makaalam na kasali rin siya roon.

Pagkapasok niya sa school, agad siyang nakatanggap ng text mula kay Rhea Manabat. Pinapupunta raw siya sa Spaterion's Headquarters para sa isang maikling meeting.

Dahil mamaya pa naman ang klase niya, naisipan niyang doon muna dumiretso.

Laking gulat niya dahil si Valiento Garcia ang naabutan niya roon. Walang tao sa paligid maliban dito. Wala rin si Rhea na nag-text sa kanya. Napansin din niya na nasa tabi ni Valiento ang cellphone ng babae.

Agad siyang bumati sa kanilang deputy. "Good morning, Master. M-may meeting daw po tayo?" pasimpleng tanong niya kahit alam niyang may hindi tama sa mga nangyayari.

"Sa ating dalawa lang ang meeting na ito. Mayroon tayong mahalagang pag-uusapan. Ikandado mo ang pinto."

Agad niyang ginawa ang pinag-uutos nito. Saka siya umupo sa harap nito. "A-ano po ang pag-uusapan natin, Master?"

"Hanggang kailan ka magsisinungaling sa aming lahat?"

Napalunok siya ng laway sa narinig. Doon pa lang may ideya na siya kung saan hahantong ang usapang ito. "A-ano po ang ibig n'yong sabihin, Master?"

"Huwag mo 'kong mamaster-master. Magsabi ka sa 'kin ng totoo. Hindi Dante ang pangalan mo, ano?"

Napalunok muli siya at hindi makabuo ng salita.

"Tama ba ako? Hindi Dante ang pangalan mo? Kundi Crisanto? Crisanto Rugon?"

"S-Sir, h-hindi ko po alam ang sina—"

Bigla nitong ibinagsak ang kamao sa mesa. "Ang ayaw ko sa lahat, 'yung nagsisinungaling sa akin nang harapan!"

Halos mapaatras siya sa taas ng boses nito.

Napamulagat pa siya nang bigla nitong ilabas ang sandata at itinutok sa leeg niya. "Huwag mo nang balakin na maglihim sa akin! Sabihin mo na lang na ikaw si Crisanto, anak ni Alberto Rugon! Tama ako 'di ba!"

Kahit bukong-buko na siya, pilit pa rin niyang binubuo ang pader na kanina pa natibag. "S-Sir, hayaan n'yo po sanang ipaliwanag ko ang side ko. Huwag n'yo naman ako tutukan ng espada n'yo."

"Magigilitan ka talaga sa leeg kapag hindi mo sinabi sa akin ang totoo!" banta sa kanya ng lalaking nagbabaga na ang buong anyo sa kanya.

Tumayo ang lalaki sa kinauupuan at lumipat sa kanya habang nakatutok pa rin sa leeg niya ang talim ng sandata nito.

"Sabihin mo nga sa 'kin, ano ba talaga ang pakay mo sa pagsali sa amin? Balak mo ba kaming gantihan dahil sa nangyari sa tatay mo? Pasensiyahan na lang tayo, pero kung nagawa mong gantihan sina Brod Carlos, hinding-hindi mo magagawa iyon kay MG Cerino! Kapag nakarating na sa kanya ang lahat ng nalalaman ko tungkol sa 'yo, tapos ka na, Crisanto! Ni hindi ko na kailangang gamitin ang sandata ko sa 'yo, dahil hininga pa lang ni MG Cerino, mamamatay ka na!"

Napapikit na lang si Dante habang pinipigilan ang pagsabog ng ulo. "Master, ibaba n'yo po iyan. Pag-usapan natin 'to nang maayos."

"Wala na tayong dapat pag-usapan pa, Crisanto. Alam ko na ang lahat ng tungkol sa 'yo. Hindi lang ang pagiging Crisanto mo, pati na rin ang pagiging champion mo sa Deathsport!"

Doon siya napalingon sa lalaki.

"Tama ako 'di ba? Ikaw ang nangungunang fighter nila ngayon. Sa kasamaang palad nga lang, sira na ang career mo roon dahil inilapit ko na sa awtoridad ang death match tournament na 'yan. Wala ka nang babalikang titulo o championship doon! Nanganganib ka pa ngayong managot sa batas dahil lahat ng mga fighter na sumabak doon ay kasalukuyan na ring hinahanap ngayon! Kaya subukan mo lang na gumawa ng hindi maganda sa aming kapatiran, sisiguraduhin kong ikaw ang mabubulok sa kulungan!"

Pagkatapos siyang palamunin ng mga banta, tinalikuran na lang siya ng lalaki na parang walang nangyari at binalibag pa ang pinto paglabas.

Nagsisi tuloy si Dante kung bakit hindi pa niya ito pinatulan kanina. Hindi niya tanggap ang ginawa nito. Dinukot niya ang cellphone at may kinalkal na files doon.

"Ako pa talaga ang pagbabantaan mo? Tingnan lang natin kung hanggang saan ang lawak ng koneksyon n'yo kapag publiko na ang naging kalaban n'yo." Napilitan na siyang ilabas ang isa sa kanyang alas.

PUMUTOK sa lahat ng headline ang tungkol sa mga illegal na negosyo ni Senator Basco na may kinalaman sa droga at pagbebenta ng mga illegal na armas. Nag-viral din ang video niya ng pakikipagkamay sa mga sindikato, pati sa babaeng ginahasa niya kasama ang ilan sa mga Spaterion.

Lahat ng mga channel sa TV, ito ang pinag-uusapan. Ngunit ang pinakagumimbal sa lahat ng manonood ay ang recorded audio footage ng conversation nito kasama ang isang mysterious caller.

Bagama't hindi nito direktang inamin doon na ito ang nagpapatay kay Agapito Lopez, harap-harapan naman nitong sinabi sa caller na handa itong magbayad ng malaking halaga para lang huwag ilabas ang lahat ng ebidensyang hawak nito.

Doon pa lang, napatunayan na ng marami na may kinalaman nga ito sa pagkamatay ng radio broadcaster. Hindi lang ang pagpapapaslang nito kay Agapito Lopez ang lumikha ng ingay, pati na rin ang iba pang mga issues nito kung saan involved ang Kappa Delta Upsilon.

Lahat kasi ng mga illegal nitong negosyo ay sponsored din ng naturang kapatiran na kinabibilangan nito. Kaya bukod kay Senator Basco, marami ring naglabas ng galit ngayon sa kanilang fraternity.

PUMAIT ang anyo ni MG Cerino sa napanood. Hindi niya napigilang ibato ang remote control. "Kung sinuman ang tao sa likod nito, sinisigurado ko sa 'yo, babalatan talaga kita nang buhay kapag nahanap kita!"

Natawa naman sa kanya si Valiento. "Ang problema sa 'yo, puro ka salita, kulang naman sa gawa. Ang tagal na ng mysterious caller na 'yan, hanggang ngayon hindi mo pa rin napapahanap?"

Ang sama ng tingin dito ni MG Cerino. "Bakit ba ang hilig mong makialam ngayon, Valiento? Ano'ng problema mo?"

"Problema ko? Palibhasa, masyado kang nagpapaka-easy d'yan kaya hindi mo na alam ang ganap sa loob ng kapatiran! Wala kang kaalam-alam sa malaking problemang nangyayari ngayon!"

"Ano na naman ang gusto mong palabasin, Valiento? At nag-aasta ka na namang leader, eh, deputy lang naman kita!"

Larawan ng pagkadismaya si Valiento. "Hindi mo ba alam? Pinasok na tayo ng traydor dito!"

"Sino'ng traydor!"

"Sino pa? Eh 'di 'yung lalaking hinahangaan mo! 'Yung lalaking lagi mong pinagtatanggol sa akin!" Padabog nitong inilapag ang isang envelope sa harap niya. "Ayan! 'Yan ang magpapatunay na lahat ng sinasabi ko kay Dante ay totoo!"

Nagbabaga ang mga matang binuksan ni MG Cerino ang envelope. Maging siya ay nasindak nang makita isa-isa ang bawat laman ng mga papeles. Ang mas lalong gumulat sa kanya ay ang orihinal na birth certificate nito kung saan malinaw na nakasaad doon ang tunay nitong pangalan bilang Crisanto Rugon.

Lalong tumalim ang mga mata niya habang nakatitig sa kawalan. "Crisanto..." Hindi niya napigilan ang pagkuyom ng dalawang kamao habang nagsisilabasan ang ugat sa kanyang leeg at noo.

"Hindi lang iyan ang natuklasan ng private investigator ko sa kanya. Napag-alaman namin na kabilang din pala siya sa mga fighters ng Deathsport. Kaya pala ganoon na lang siya kahusay makipaglaban. Hindi lang siya basta fighter doon. Siya rin ang grand champion nila roon."

Nangunot ang noo ni MG Cerino sa narinig. "Deathsport? Ano 'yun?"

"Isang illegal na fighting competition iyon na hinahawakan ng mga Chinese syndicate. Lihim silang nag-o-operate dito. Karamihan ng mga fighters nila rito ay may mga record na rin ng pagpatay dahil sa death match na nagaganap doon. Hindi ito accessible sa publiko pero puwede silang mapanood sa dark web, at tanging mga tao na bihasa lang sa computer ang nakaka-access dito. Pero sa kabutihang palad, naisuplong ko na sa awtoridad ang Deathsport na 'yon. Marami na rin sa mga fighters nila ang nahuli. Puwede nating gamitin ito laban kay Crisanto para mapakulong din natin siya! Lalo na't mainit pa rin sa mata ng batas ngayon ang Deathsport!"

"No, Valiento," sagot agad ni MG Cerino. "Hindi ko siya gustong makulong. Masyadong mababaw ang kulungan para sa kanya. Ang gusto ko, madurog siya nang pino sa kamay ng ating mga kapatid! Tayong mga Spaterion ang kinakalaban niya, tayo rin dapat ang dumurog sa kanya!"

"Nauunawaan ko ang nais mong mangyari. Pero sa tingin mo ba, may laban sa kanya ang mga members natin? Nakita mo ba kung paano niya binugbog ang karamihan sa mga Sigmatron?"

Napangiti siya at tumayo sa kinauupuan saka nilapitan si Valiento. "Masyado mo naman yatang minamaliit ang ating kapatiran. Kahit gaano pa siya kagaling gumalaw, kapag nagsama-sama tayong lahat, walang makakapigil sa puwersa nating mga Spaterion."

Hindi siya makapaniwalang gagawin uli niya ngayon ang isang bagay na ginagawa lang nila kapag may emergency. Agad siyang napalingon sa mga speakers na nakadikit sa bawat sulok ng kisame.

DINALA ni Luna si Logan nang gabing iyon sa Nexus Nightclub. Ito na rin ang um-order ng drinks nila. Kahit lumaki sa mataas na antas ng pamumuhay si Logan, medyo nanibago pa rin siya sa mala-luxurious na interior ng naturang club na binubuhay ng makukulay na neon lights.

"Bakit naman dito mo ako dinala?" tanong niya sa babae habang naghihintay sila sa isang mahabang table.

"Sabi mo, gusto mong malaman kung sino ang tumulong sa akin noong mahulog ako sa tulay," sagot naman nito sa kanya habang nakayuko nang tingin.

"So, ano naman ang kinalaman ng lugar na ito? Dito ba nagtatrabaho 'yung ungas na tumulong sa 'yo!" nagsisimula na namang tumaas ang boses ni Logan.

"Nope. Ako ang dito nagtatrabaho, Logan."

"What!" gulat na gulat siya sa narinig. "What do you mean ikaw ang dito nagtatrabaho? Don't tell me na matapos ka tulungan ng lalaking 'yon, ginawa ka niyang hostess sa putang inang club na 'to! Nasaan na ba 'yon! Iharap mo sa akin ang tarantadong iyon!"

Muli na namang umiral ang kademonyohan ng utak niya. Hindi na niya napigilan ang sarili na ibato ang mga bote sa paligid. Pati ang babae ay nagulat sa kanya. Sinubukan siyang awatin ng dalawang malalaking bouncer pero nagawa niyang patumbahin agad ang dalawa sa lakas ng mga suntok niya.

"Ano! Lalaban pa kayo!" sigaw niya sa mga bouncer saka binalingan ang nobya. "Ikaw, asan na 'yung sinasabi mong lalake! Sino ba siya at bakit pinagtatrabaho ka niya rito!"

Hindi na nakapagpigil si Luna. "Bakit ba ganyan ka? Walang ibang nasa utak mo kundi gulo! Hindi ka ba marunong mahiya sa mga tao sa paligid mo? Ano namang masama kung dito ako nagtatrabaho! Hindi ako hostess dito! Isa akong manager, Logan!"

"Bakit ka nagtatrabaho dito! Bakit ka pinapatrabaho ng putang inang lalaki na 'yon dito! Para saan? Bilang kapalit ng tulong niya sa 'yo? Putang inaaaa! 'Yan na nga ba ang sinasabi ko kaya walang ibang lalaki na puwedeng mapunta sa 'yo kundi ako lang, eh! Iharap mo sa 'kin ang ungas na 'yon at ngayon din mag-resign ka sa harapan niya!"

"Tama na 'yan!"

Napalingon silang lahat sa pinanggalingan ng tinig.

Halos hindi maipinta sa pait ang anyo ni Logan nang masilayan si Dante na bumababa sa hagdan na binabalutan ng mga neon lights. Katabi naman nito ang isang matandang nakapormal na attire at may sumbrero.

"Daig mo pa ang adik na nakawala sa mental, Logan. Bakit ka nagwawala rito?" wika ni Dante sa malutong na tinig.

Si Luna naman ay natahimik na lang sa isang tabi habang pinagmamasdan ang lalaki. Hindi nito maiwasang mamangha sa lakas ng dating nito dahil sa suot nitong black leather suit mula ulo hanggang paa.

"Ano'ng ginagawa mo rito, Dante! Bakit ka nandito! Don't tell me sinusundan mo kami rito!"

Natawa lang ang lalaki sa kanya. "Bakit ko naman kayo susundan? Wala kang karapatan magwala rito dahil nandito ka ngayon sa teritoryo ko."

"Anong teritoryo? Hoy, baka nakakalimutan mo, Master mo ako, ha! Dapat kang magbigay-galang sa akin kahit saang lugar!"

"Nandito ka ngayon sa balwarte ko, Logan. Ikaw ang dapat magbigay ng galang sa lahat ng tao rito. Kung napatumba mo ang mga bouncer ko, ako mismo ang magtatapon sa 'yo sa labas."

Hindi na siya nakapagpigil na lumapit at ibinangga ang dibdib dito. "Sino ka para pagsalitaan ako ng ganyan?"

"May karapatan siyang disiplinahin ka, Logan, dahil siya ang may-ari ng buong club na 'to!" pakli naman ni Luna sa nagbabagang tensyon sa pagitan nila.

Napalingon siya sa nobya. "What did you say?"

"Sabi ko, siya ang may-ari ng Nexus, Logan!"

Ibinalik niya ang tingin kay Dante. "So, ano naman ngayon kung siya ang may-ari?" Ayaw tanggapin ng utak niya ang lahat ng natuklasan.

Pero sa loob niya, matinding inggit na naman ang naramdaman niya kay Dante. Buong buhay kasi niya, wala pa siyang napapatayo na kahit ano. Lahat ng yamang tinatamasa niya ngayon ay galing din sa kanyang ama. Habang ang lalaking kinasusuklaman niya ay may-ari pala ng pinakasikat na luxurious club sa buong Maynila.

"Tama ang girlfriend mo, Logan. Ako ang may-ari nitong Nexus na kinatatayuan mo. Kahit master pa kita, wala ka pa ring karapatang manggulo rito. Bilang may-ari ng pinakatanyag na club sa buong Maynila, may karapatang akong magpatalsik ng mga taong nanggugulo rito. Wala tayo sa frat house para pairalin mo ang pagiging master mo, Logan. Nandito ka sa teritoryo ko, ikaw ang dapat sumunod sa mga batas namin dito."

Tinawanan lang niya iyon. "Wala akong pakialam kahit sino ka pa sa lugar na 'to! Isa pa rin akong Spaterion! Kami pa rin ang hari sa bawat sulok ng lugar na ito kaya wala kang karapatang maghari-harian dito!"

Ngumiti lang si Dante nang tahimik. Ilang sandali pa, biglang dumapo ang kamao nito sa mukha niya na lalong nagpaatras sa lahat.

"Alam mo, Logan, wala kang karapatang dalhin ang Spaterion sa pangalan mo dahil wala ka namang malaking ambag sa kapatiran. Puro yabang ka lang. Lahat ng tinatamasa mo ngayon ay dahil din sa pamumuno ng tatay mo. Huwag kang magpanggap na mataas dahil sa totoo lang, wala ka pa sa kalingkingan ng mga taong minamaliit mo. Kahit nasa iisang kapatiran pa tayo, hindi ako magdadalawang isip na patulan ka kapag nanggulo ka pa rito. Alam ko ang dahilan kaya kayo nandito. Gusto mong malaman kung sino ang tumulong sa girlfriend mo 'di ba?"

Tumalim ang anyo ni Logan at mabilis na nag-angat ng kamao. "Hayop ka, bakit mo ginawa 'yon!"

Mabilis na nasalo ni Dante ang kanyang kamao at ito naman ang nagpakawala ng Karate chop sa leeg niya. Halos maisuka niya ang sariling laman sa tindi ng impact.

"Para matahimik ka na, ako na ang magsasabi sa 'yo. Ako ang lalaking tumulong kay Luna noong mahulog siya sa tulay. Ako ang sumalo sa kanya mula sa kamatayan. Masaya ka na?"

Hindi makapaniwala si Logan sa narinig. "No! It can't be you! Walang puwedeng humawak sa girlfriend ko kundi ako lang!"

"Alam mo habang maaga pa, makipag-break ka na sa girlfriend mo. Huwag mo na siya hayaang magdusa sa piling mo. Ikaw ang dahilan kaya siya nagtangkang magpakamatay. Inaabuso mo siya. Pinagbubuhatan mo ng kamay. Sinisigawan mo pa. Kung ganyan lang din ang trato mo sa babae, mabuti pang huwag ka nang mag-asawa. Magpari ka na lang para maging banal ka pa."

"Tarantado ka talaga, ano!" Muling nagtangkang umatake si Logan pero mabilis na dumapo sa kanya ang kaliwang paa ni Dante na nagpaangat sa kanyang ulo.

"Pinapahiya mo lang ang sarili mo rito, Logan. Umalis ka na lang bago ka pa tuluyang mapahiya."

"Hinde! Hindi ako ang puwedeng mapahiya rito!" Napilitan siyang dukutin ang brass knuckles sa bulsa at isinuot sa mga kamao nito.

Tinawanan lang uli siya ni Dante. "Huwag ka nang sumubok, Logan. Sinasabi ko sa 'yo, hindi mo 'ko kaya."

"Sinuwerte ka lang noong una. Pero hindi na mauulit 'yon ngayon!"

Muling umugong ang hiyawan sa paligid nang muling magpang-abot ang kanilang kamao. Mas mabibilis na suntok ang pinakawalan ni Logan.

Pero nagawa iyong sanggain lahat ni Dante sa mga palad at siko nito. Saka ito nagpakawala ng isang malakas na sipa sa kanyang dibdib na nagpalipad sa kanya sa isang lamesa.

Napasigaw pa ang mga tao sa mga basong nagkabasagan.

Agad siyang tumayo sa mesa at sinubukang sumipa sa lalaki. Ngunit mabilis na nasalo ng lalaki ang kanan niyang paa. Binihag nito iyon sa kabila nitong kamay at buong lakas siyang binuhat saka binalibag sa lamesa.

Napaigik na siya sa lakas ng pagkakabagsak ng likod niya. Pero hindi siya sumuko. Muli siyang bumangon at itinaas ang dalawang kamao. Hinding-hindi na niya hahayaang ipahiya pa siya nito sa harap ng maraming tao. Mas nilakasan pa niya ang kanyang mga suntok at sinigurado niyang hindi nito iyon masasangga.

Nakipagsabayan naman ng suntok sa kanya ang lalaki at nagmistulang musika sa paligid ang bawat bagsak ng kanilang mga kamao sa isa't isa.

Sinamantala niya ang pagkakataon. Habang abala ito sa pakikipagpalitan ng suntok sa kanya, mabilis niyang hinablot ang isang bote sa tabi niya at inihampas sa ulo nito.

Lalong nagsigawan ang mga tao.

Napatakip naman ng bibig si Luna.


Napahawak ang lalaki sa bahagi ng ulo nito kung saan tumama ang bote. Muli naman siyang umatake at hindi na ito hinayaang makapalag.

He showered him with powerful punch in his whole upper body until he almost collapsed in the floor. He then unleashed a more powerful blow from his knee and he followed it up with multiple punch in the face. Dante couldn't do anything.

Sinadya pa niyang patamaan ang bahagi ng ulo nito na tinamaan ng bote para hindi na ito makapalag pa. Patuloy lang niya itong inundayan ng suntok hanggang sa tuluyan itong mapasandal sa isang lamesa.


Ngunit bago pa ito tuluyang matumba, mabilis nitong naitaas ang kanang paa at itinulak siya sa reverse heel kick na isinagawa nito. Halos lumagutok ang buto niya sa ilong pagkatama ng sakong nito sa mukha niya.

Hindi niya tanggap iyon. Muli niya itong pinaulanan ng kanyang kamao. Ngunit sa pagkakataong iyon, mabilis nang nakabuwelo ang lalaki at sinalo lahat ng mga tira niya gamit ang dalawang palad nito.

Saka ito nagpakawala ng sunod-sunod na Karate chop sa kanya na sinabayan nito ng scissor kick kung saan lumundag ito sa ere at pinagtagpo mula sa magkabilang direksyon ang mga paa nito patungo sa leeg niya.

Pakiramdam niya ay nagilitan siya sa magkabilang bahagi ng leeg. Mabilis na sumikip ang kanyang paghinga. Ito naman ang nagpaulan ng mabibigat na suntok sa kanya hanggang sa magtalsikan ang kanyang dugo sa mukha.

Mabilis nitong tinulak ang likod ng tuhod niya gamit ang kabila nitong paa. Saka nito binihag sa magkabilang kamay ang kanyang leeg at buong puwersa siyang pinaikot sa ere.

Halos tumirik ang mga mata niya nang ibalibag siya nito sa mesa na muling nagpasigaw sa mga taong nanonood sa kanila. Nagawa rin niyang makatayo agad ngunit pagharap niya rito, mabilis na humagupit sa kanyang mukha ang isang round kick na pinakawalan nito.

Natumba na naman siya sa mesa at hindi na nakatayo hanggang sa makaladkad siya nito palabas ng Nexus. Ilang beses pa siyang nagtangka na lumaban ngunit sa huli, hindi rin kinaya ng mga buto niya ang ilang Judo throw na isinagawa nito sa kanya.

Ilang beses siya nitong pinaikot at binalibag sa lupa hanggang sa gumulong-gulong palabas ang katawan niya. Dinig pa niya ang mga bulungan sa labas habang dahan-dahang itinatayo ang kanyang katawan.

Halos maligo sa kahihiyan si Logan habang sapo-sapo ang nagdudugong mukha. Sinundan pa siya ng mga guest hanggang sa pinto. Nasa harapan naman ng mga ito sina Dante, Luna, at Don Frido na nagpapakawala ng malisyosong titig sa kanya.

"Hayop ka, Luna! Huwag mo sabihing nahulog ka na sa lalaking 'yan! Ako ang boyfriend mo!"

"Hindi na ngayon, Logan! I'm breaking up with you! Sawang-sawa na 'ko sa lahat ng pananakit mo sa 'kin! Tama na! Hanggang dito na lang lahat iyon!" matapang na sigaw sa kanya ng babae.

"Siya rin ba ang nagturo sa 'yo na sumagot sa 'kin ng ganyan?" ani pa niya habang paika-ika nang lakad. "Tingnan ko lang kung ano pa ang magawa mo kapag nakarating ito sa parents mo!"

"Wala na rin akong pakialam sa inyong lahat! Kahit magulang ko, sinasaktan din ako! Hindi na ako magpapaapi sa kanila! Kahit kadugo ko pa sila, hindi ako magdadalawang-isip na mag-report sa pulis kapag may ginawa pa uli kayo sa akin!"

Bumalasik muli ang anyo ni Logan. "Pagsisisihan mo ang ginawa mong ito, Luna! Sinisigurado ko sa 'yo 'yan! Magsisisi kaaaa!"

DI NAGTAGAL, humupa na rin ang naglalagablab na tensyon nang tuluyan itong lumisan kaya natahimik na silang lahat. Si Don Frido na rin ang nag-encourage sa lahat na bumalik sa kanilang kasiyahan at kalimutan na ang nangyari.

"Ayos ka lang ba?" tanong sa kanya ni Dante habang nasa entrance pa rin sila.

"Ano ka ba! Ikaw ang napuruhan sa ulo, oh. Okay ka lang ba? Gusto mong gamutin natin ang sugat mo?"

"Wala akong sugat. Okay lang ako. Hindi ako tinatablan ng bubog," natatawang sagot nito.

Napabuntong-hininga si Luna. "Maraming salamat nga pala ulit sa pagtatanggol mo sa 'kin kanina. Effective 'yung naging plano natin na dalhin si Logan dito. Sa wakas, nasabi ko na rin sa kanya lahat ng gusto kong sabihin."

"Sabi ko naman sa 'yo, huwag kang matakot magtiwala sa akin dahil hindi ko hahayaang masaktan ang mga tao sa paligid ko. Kabilang ka na roon."

"Salamat talaga, Dante. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong kalayaan. I feel so alive again."

"Salamat din pala sa pagtanggap mo sa posisyon para maging isa sa mga manager ng Nexus. Sisiguraduhin kong magiging maayos ang lahat ng benefits at salary mo rito para kahit itaboy ka pa ng parents mo sa nangyari, hindi ka pa rin mawawalan ng ipangbubuhay mo sa sarili mo."


Napangiti siya. "Thank you again for being a good friend to me. Don't worry, I will do my best para mapaunlad pa lalo ang Nexus." Saka niya ito niyayang pumasok sa loob para ligpitin ang mga kalat na idinulot ng gulo kanina.

SA LOOB naman ng kuwarto ni MG Cerino, sinubukan na niyang tawagan ang numero ng serial killer na ibinigay sa kanya ni Enchong na isang officer naman sa kabila nilang chapter.

Maaari daw niyang pakinabangan ang serbisyo ng lalaking ito. Ito raw ang pinakamahusay at pinakamapanganib na serial killer sa lahat.

SAMANTALA, bigla namang tumunog ang cellphone ni Rohaan Ahmad na sa mga panahong iyon ay mas mahaba na ang buhok at may kaunting balbas na rin. Natatakpan naman ng pirate eye patch ang kaliwa niyang mata dahil sa pagkabulag.

Isang unknown number ang nakita niyang tumatawag. Nagdadalawang-isip siya kung sasagutin ba niya iyon.

Mula nang matalo siya at nawala na rin ang Deathsport, naisipan niyang bumalik na lang sa dating trabaho bilang killer-for-hire.

"Hello? Sino ito?" aniya nang maisipang sagutin ang numero.

"Good evening, Mr. Rohaan Ahmad! Am I right?"

"Sino ka? Ba't kilala mo ako?"

"Someone has recommended you to me. Can I get your service? I just want someone to be killed. Don't worry about the price. Triple ang kaya kong ibigay sa 'yo kapag nagawa mo ito. Puwede ba tayong maging 'business partners'?"

Napabuntong-hininga si Rohaan. Lalo pa siyang nagulat sa mga sumunod na sinabi nito.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro