Chapter 21: The Doubt
SAGLIT na nagpaalam sa kanya si Don Frido. Pagbalik nito, may kasama na itong tatlong lalaki na pare-parehong naka-corporate attire.
Magalang na bumati si Dante at pinaupo ang tatlo. Magkakaharap silang nag-usap-usap sa bilog na lamesang nababalutan ng pulang tela. Agad siyang nagtawag ng waiter at um-order ng makakain nila.
Isa-isang ipinakilala sa kanya ni Don Frido ang mga kasama nito. "This is Mr. Alvarez, this is Mr. Diaz, and this one right here is Mr. Williams."
"Mga kamag-anak n'yo po, abuelo?" inosenteng tanong niya.
Napahalakhak ang matanda. "No, nieto. Sila ang mga huling bala natin. Sila lang naman ang mga kasamahan kong shareholders sa company ni MG Cerino!"
Gulat na gulat si Dante sa narinig. "S-sila na po 'yung sinasabi n'yo?"
"Yes, hijo! We are the current respective shareholders of Valerio Land," may pagmamalaking tugon ng matanda.
Isa-isa namang nagpakilala sa kanya ang tatlo. "I am Diego Alvarez; I hold 15% of the shares of Valerio Land."
"I am Warren Diaz; I also hold 15% of the shares of Valerio Land."
"And I am Dwight Kane Williams, also holding 15% shares of the said company."
"While me, nieto, Don Frido Beltran, has a share of 10% in Valerio Land!" singit naman ng matanda.
Tuwang-tuwa na nakipagkamay si Dante sa tatlo. "Wow! Nice to meet you all, Sir! Grabe, bakit ngayon mo lang sila pinakilala sa 'kin, abuelo?" Sabay baling niya kay Don Frido.
"What's the hurry? Sabi mo kasi sila ang gagawin mong huling bala. Kaya hindi ko na muna sila pinakilala. Pero oo, nieto, sila ang tatlong nakuha ko para maging business partners ni MG Cerino five years ago. Sa haba ng panahong iyon, masyado nang malaki ang tiwala sa kanila ng uto-utong grand founder na 'yon kaya kita mo, hanggang ngayon wala siyang kaalam-alam na lahat ng taong nakapaligid sa kumpanya niya ay galing din sa atin!" may pagmamalaki namang tugon ni Don Frido.
"Salamat talaga, abuelo! Hindi ko magagawa ito kung wala ang tulong n'yo." Muling nakipagkamay si Dante sa abuelo niya.
"By the way, guys, this is my grandson, Dante Marquez. Siya 'yung sinasabi ko sa inyo kahapon. Siya ang bibili sa lahat ng mga shares natin!"
Ngumiti uli sa kanya ang tatlong panauhin at muling nakipagkamay. Unti-unti nang nagbubunga ang lahat ng mga plinano niya sa matagal na panahon.
NAGTUNGO si Dante sa frat house para ibalita ang nangyari kagabi. Muli niyang binisita ang silid ng kanilang pinuno kung saan naabutan niyang nagpapakain uli ito ng hilaw na karne sa alaga nitong tigre, habang nasa kabilang banda naman si Valiento Garcia na nakasuot ng Golden Kimono at mag-isang nag-eensayo sa hawak nitong Katana.
"Dante, mabuti na lang at dumating ka na. Totoo ba ang nasagap kong masamang balita?"
"Ikinalulungkot ko pong sabihin, Master, dahil napagtagumpayan ko nga pong patayin ang taong sinasabi n'yo, ngunit bigo naman akong mailigtas ang mga ka-brod natin. Hindi ko inaasahan na may nagmamasid din pala sa amin, at noong umalis ako, doon nila sinunog ang garahe kung saan nagtatago sina Brod Carlos. Pagbalik ko, nasusunog na po silang lahat at wala na rin akong nagawa. Pasensya na po talaga. Tatanggapin ko po kung anuman ang parusang ibibigay n'yo."
Lihim na napatingin sa kanya si Valiento pagkatapos niyang sabihin iyon.
"Kung sinuman ang gumawa nito sa kanila, gusto kong hanapin mo at dalhin mo sa akin. Siya ang papatawan ko ng masaklap na parusa!"
"Masusunod po, Master!" Magalang na tumango si Dante. "Hindi po ako titigil hangga't hindi ko nahahanap ang gumawa sa kanila nito." Di nagtagal ay umalis na rin siya roon.
PAGKATAPOS mag-ensayo ni Valiento, muli niyang nilapitan si MG Cerino at naupo sa bakanteng silya sa tabi nito. Abala pa rin ito sa pagpapakain sa tigre nito.
"Ang bilis mo naman yatang maniwala sa sinabi ng bago mong miyembro."
Napatingin sa kanya si MG Cerino. "What do you mean by that, Valiento?"
Tumingin na rin siya rito. "Naniniwala ka ba talaga na may ibang grupo na sumugod sa kanila at sinunog ang mga kasama niya habang wala siya? Hindi ka ba nagtataka sa mga sinasabi niya? Halatang hindi kapani-paniwala!"
"Nagawa niyang patayin si Enrico, ang grand founder ng Zeta Alpha! Nagawa rin niyang pasabugin ang frat house ng mga ito! Hindi mo ba napanood ang balita? Pinaglalamayan na raw ngayon ang matandang iyon! Kaya wala akong dapat ipagduda sa kanya! Nagawa niyang patayin ang grand founder ng fraternity na sinasabi mong lihim na kapanalig niya."
"Hindi iyon ang ibig kong sabihin! 'Yung nangyari kina Brod Carlos, hindi ba't parang kahina-hinala iyon? Subukan mo ngang talasan ang isip mo, Assante! Masyado kang nabubulag sa paghanga mo sa lalaking 'yon! Hindi mo na inisip kung saan talaga siya nanggaling!"
"Bakit, ano na naman ba ang panibagong pagdududa na ibinabato mo ngayon sa kanya, Valiento?" bahagya na ring tumaas ang boses ng matanda.
"Hindi ka man lang nagduda noong sinabi niya na ang gusto niyang makasama sa misyon na 'yan ay sina Carlos, Fernan, Pablo, at Jurgo. Doon pa lang, may naamoy na akong kakaiba sa kanya. At alam mo ba kung ano pa ang napansin ko sa kanya? May hiwa siya sa balat ng kabilang mata niya. Wala ka bang natatandaan sa isang bahagi ng iyong nakaraan? Hindi ba't bukod sa pagkakapatay mo sa totoong grand founder ng Zeta Alpha, may isa ka pang pinatay noon? Walang iba kundi ang anak ng Alberto Rugon na 'yon, si Crisanto Rugon!"
Alam din ni Valiento ang tungkol doon dahil kahit hindi siya kasama sa mga pumatay kay Alberto, siya naman ang driver ng sasakyan na dala-dala nila, at nasaksihan niya ang lahat ng nangyari noong nasa driver's seat siya. Nakita niya rin kung paano hiniwa ni MG Cerino ang balat sa kaliwang mata ng bata.
"Bakit naman bigla silang nasama sa usapan? Matagal nang patay ang dalawang 'yon, Valiento!"
"Si Alberto, oo. Pero 'yung anak niya...are you really sure na napatay mo nga siya? Sa pagkakaalam ko kasi, binalot mo lang sa sako at tinapon sa ilog. Hindi mo man lang sinaksak o binaril. Kaya hindi malabong makaahon 'yun at makatakas!"
"Pinapalabas mo ba na si Dante 'yung batang itinapon ko sa ilog? Paano ka nakasisiguro, Valiento?"
"Have you seen his left eye? May bakas ng hiwa roon! Hiwa ng isang patalim! Palibhasa, hindi ka marunong mag-obserba sa pisikal na anyo ng mga nakakausap mo. Lagi ka lang nakatingin sa panloob nila kaya hindi mo na napansin 'yung hiwa niya sa kaliwang mata. Doon pa lang, maaaring tama nga ako na siya ang batang itinapon mo sa ilog!"
"That was a long time ago. Walang kamuwang-muwang ang anak ni Alberto sa ginawa ko sa kanya. Imposibleng maka-survive pa siya!"
"Hindi malabong mangyari iyon! Malakas na tao si Alberto Rugon. Siya ang master ng martial arts noong kapanahunan n'yo. Kahit ikaw walang laban sa kanya pagdating sa kamao. Kaya nakasisigurado akong itinuro din niya sa anak niya ang lahat ng nalalaman niya sa pakikipaglaban at paglangoy. Ang punto ko lang naman dito, baka si Dante mismo ang anak na iyon ni Alberto! Hindi pa ba malinaw sa 'yo? Sina Carlos, Fernan, Pablo, at Jurgo 'yung isinama niya sa misyon niya! Sila rin 'yung apat na taong involve sa pagkamatay ni Alberto Rugon! Panglima ka, Assante!"
"Huwag mo nga akong matawag-tawag sa pangalan ko, Valiento! Kahit deputy kita, matuto ka pa ring gumalang sa master mo! Call me Master MG!"
"Wala akong pakialam!" Sabay tayo niya sa kinauupuan. "Basta't isipin mo ang lahat ng sinabi ko sa 'yo. Huwag kang masyadong bumilib sa taong iyan. Malay mo, tama nga ang hinala ni Logan sa kanya, na kaya lang siya sumali rito para saksakin tayong lahat patalikod. Kung ako sa 'yo, paiimbestigahan ko ang tunay na pagkatao ng lalaking 'yan. Baka nga hindi rin Dante ang totoo niyang pangalan, eh. Malay mo, siya si Crisanto, ang nag-iisang anak ni Alberto Rugon na kumalaban sa 'yo at itinapon mo sa ilog!"
Pati si MG Cerino ay napaisip na rin sa sinabi niya. "May tiwala ako kay Dante. Alam kong hindi niya ako tatraydurin. Malaki na ang naiambag niya sa ating kapatiran. Bukod sa marami siyang napatumba sa mga Sigmatron, nagawa rin niyang patayin si Enrico. Hindi pa ba sapat na dahilan iyon para mapatunayang hindi siya traydor?"
"Ewan ko sa 'yo, Assante. Kung gaano kalaki ang impluwensya mo, ganoon naman kaliit ang utak mo. Kung ayaw mong maniwala sa akin, ako ang mag-iimbestiga sa pagkatao ng lalaking 'yan. Patutunayan ko sa 'yo na tama lahat ng mga hinala ko."
"Subukan mo rin akong sawayin at pangunahan, Valiento. May kalalagyan ka rin sa 'kin!"
Hindi na siya nakapagsalita. Nilunok na lang niya ang galit at lihim na nagplano sa kanyang isip.
PALABAS na ng frat house si Dante nang makarinig siya ng ingay sa bandang komedor. Hindi siya nagdalawang-isip na sumilip doon.
Napamulagat siya nang makita kung paano sinampal ni Logan ang sarili nitong nobya. "Huwag mong hintayin na mapuno ako, Luna! Umamin ka na sa akin! Sino ang tumulong sa 'yo noong tumalon ka sa tulay!"
Nabalitaan na kasi nito ang viral na balita tungkol sa pagtalon ni Luna sa isang footbridge sa EDSA kung saan may isang lalaki raw na sumalo rito at dinala ito sa kung saan.
"Pina-check ko lahat ng records sa mga ospital dito! Wala raw Luna De Vera na na-admit no'ng araw na 'yon! Ibig sabihin, doon ka dinala ng lalaking iyon sa bahay niya! Tama ako 'di ba? Doon ka nagpalipas ng gabi noong isang araw kang nawala at hinahanap ka naming lahat!"
Lalong pinanggigilan ng lalaki ang umiiyak na nobya. Parang gusto na niyang umawat pero wala siyang magawa. Hindi siya puwedeng makialam sa personal na isyu ng dalawa.
"Tama na, Logan! Nasasaktan ako!" Napilitan na itong itulak ni Luna. "Iyan ang dahilan kaya nagdadalawang-isip pa rin akong pakasalan ka! Paano ko ibibigay ang sarili ko sa lalaking hindi naman ako pinangangalagahan? Kita mo ba 'yung ginagawa mo sa 'kin?" Saka nito pinakita ang mga pasa at galos na dulot ng pagmamalupit nito.
Pero sa halip na maawa, isang malutong na sampal muli ang ibinigay ni Logan dito. Kung manakit ito ng babae, parang isang hayop lang ito sa paningin ng lalaki.
Lalo tuloy kumulo ang dugo ni Dante. Parang gusto na niyang sumugod pero panay ang pigil sa kanya ng utak niya sa hindi malamang dahilan.
"Oras na malaman ko kung sino 'yon, ako mismo ang bubugbog sa kanya hanggang sa isuka niya lahat ng dugo at lamang-loob niya!" Halos lumuwa ang mga mata ni Logan sa galit habang idinidikit sa babae ang nagbabagang mukha.
"Bakit ka ba ganyan, Logan! Lahat na lang ng mga taong nagmamagandang loob sa akin, kinakalaban mo! Ano ba'ng masama kung magpakita sila ng kabutihang loob? Hindi mo alam ang pinagdadaanan ko that time!" Nagsimula na uling humagulgol ang babae.
"Bakit kasi hindi mo pa sabihin kung sino 'yun para matapos na ang usapan! Kanina pa sana tapos ito kung sinagot mo lang agad nang maayos ang tanong ko at hindi kung anu-anong kadramahan pa ang ginawa mo!"
"Kahit sabihin ko sa 'yo, wala pa rin namang magandang mangyayari! Sasaktan mo pa rin ako! Iisipin mo pa rin na tumitingin ako sa iba at ayaw ko na sa 'yo! Hindi ko na alam kung saan ako lulugar, Logan! Sakal na sakal na ako sa ginagawa n'yong lahat!"
Lalong humagulgol ang babae nang sakalin ito ni Logan at muling pinandilatan ng mata. "Lalo ka talagang masasakal kapag hindi mo sinabi kung sino 'yung lalaking tumulong sa 'yo! Bibigyan kita ng isang araw para magsalita, Luna. Kapag hindi mo ginawa, mas matindi pa d'yan ang sasapitin mong hayop ka!"
Itinulak nito sa isang sulok ang babae na patuloy sa pagtangis. Agad namang tumakbo palayo si Dante bago pa siya mahuli ng lalaki.
PATULOY pa ring umiiyak si Luna sa isang sulok habang sapo ang mukha. Halos yumugyog ang mga balikat niya sa labis na emosyon.
Natigilan lang siya nang makarinig ng isang boses. "Miss, umiiyak ka ba?"
Gulat na gulat siya nang iangat ang paningin, isang pamilyar na lalaki ang nasilayan niya. "I-Ikaw ba 'yung..."
"Oo ako nga. Ako ang tumulong sa 'yo," ngiting sagot nito. "Nakalimutan pala nating magpakilala sa isa't isa noong nagpalipas ka ng gabi sa chamber ko. Ako nga pala si Dante, ikaw?" Saka nito inabot ang kamay sa kanya.
Agad naman niya iyong tinanggap. Kahit medyo matigas ang kamay nito, nakaramdam pa rin siya ng proteksyon dito. "I'm Luna. Nice to meet you, Sir. I'm happy to see you again."
"Same to me. Masaya rin akong makita ka ulit. Ano nga pala ang ginagawa mo rito? Bakit ka umiiyak?" Sinusubukan ni Dante kung mapapaamin nito ang babae.
"Ah, k-kayo ba, Sir, ano po ang ginagawa n'yo rito sa frat house ng mga Spaterion?"
"Isa kasi ako sa mga bagong Spaterion ngayon. Ikaw ba?"
"Talaga po?" Nagulat muli siya. "Ah, ako, hindi po ako member. Kaibigan lang kasi ng parents ko 'yung grand founder nila rito."
Napatango naman ang lalaki. "Kaya ka ba nandito?"
"O-opo."
"Pero bakit ka umiiyak?" Sa pagkakataong iyon ay tumabi na ito ng upo sa kanya. "Magsabi ka lang, Miss. Huwag kang mahihiyang mag-open sa akin. Hindi ako masamang tao."
"W-wala po ito, Sir. N-naglalabas lang po ako ng sama ng loob dito."
Napagod na ang lalaki sa pagsisinungaling niya kaya ito na ang napilitang magsalita. "Miss, alam ko ang nangyari kanina. Nakita ko kung paano ka sinaktan ng boyfriend mo. Siya rin ba ang dahilan kung bakit ka nagtangkang magpakamatay noon? Inaabuso ka ba ng boyfriend mo?"
Hindi makapaniwala si Luna sa narinig. Biglang umurong ang dila niya at wala siyang halos maisagot. Humarap naman sa kanya ang lalaki at tila naghihintay sa kanyang tugon. Lalo tuloy siyang na-pressure na sumagot dito.
"S-sana, huwag n'yo pong ipagsabi ang nakita n'yo kanina, Sir."
"Huwag kang mag-alala, Miss. Mapagkakatiwalaan mo 'ko. Basta magsabi ka lang sa tunay na problema mo. Nandito ako para makinig."
Dahil sa maamong tinig ng lalaki, pati sa napakagaang pakiramdam na idinudulot nito sa kanya, napilitan na siyang magkuwento tungkol sa lahat ng nangyari sa kanila ni Logan. Tila nakahanap siya ng panibagong kakampi.
Pati ang lalaki ay galit na galit din nang malaman ang buong kuwento niya. "Wala siyang karapatang manakit ng babae! Hindi niya dapat ginagawa sa 'yo iyon!"
"Dante, nangako ka sa 'kin na hindi mo ito ipagsasabi, lalo na kay Logan. Alam mo naman siguro na ako ang mayayari kapag nalaman niyang nagsalita ako."
"Wala ka nang dapat katakutan mula ngayon, Luna. Bilang bagong kaibigan mo, nasa ilalim ka na rin ng aking proteksyon. Umasa kang hindi ka na mag-iisa sa mga problema mo. Gagawin ko ang lahat para matulungan ka. Basta huwag ka lang sana matakot magtiwala sa akin."
Muli niyang naramdaman ang spark na gumising sa buong sistema niya noong una silang magkausap nito. "S-salamat, Dante. Bakit ba ang bait mo sa 'kin?"
Napangiti naman ito. "Mabait ako sa mga taong karapat-dapat bigyan ng galang at respeto. Kahit kailan, hindi ko tino-tolerate ang pananakit at panlalamang ng kapwa."
Lalo namang nadagdagan ang paghanga niya rito. "Salamat talaga. Pasensya ka na kung kailangan mo pang makita iyong nangyari kanina."
"Hanggang ngayon ba, pinagbabantaan ka pa rin niya dahil ayaw mong sabihin kung sino 'yung tumulong sa 'yo?"
"Oo, eh. Mayroon lang akong isang araw para magsalita. Kapag hindi ko ginawa, bugbog na naman ang aabutin ko sa kanya." Nanumbalik ang pangingilid ng mga luha niya.
"Sabihin mo na ang totoo, Luna. Sabihin mong ako ang nakasalo at tumulong sa 'yo."
"Huh? Hindi ba masamang idea 'yon? Baka pati ikaw pag-initan din niya!"
"Ako ang bahala. Gaya ng sabi ko sa 'yo, huwag kang matakot magtiwala sa akin. Bukas 'pag nagkita uli kayo, aminin mo nang ako ang tumulong sa 'yo."
Lalong kinabahan si Luna. "H-hindi ba delikado ang gagawin natin?"
"Magtiwala ka lang sa 'kin." Hinawakan pa nito ang kamay niya at bahagyang pinisil iyon. Nakaramdam siya ng kakaibang boltahe na tila dumaloy sa kanyang mga ugat na lalong nagpagising sa sistema niya.
Hindi na niya napigilan ang pagtango rito na lalong ikinatuwa ng lalaki kahit hindi pa siya sigurado kung magagawa niya iyon.
TAHIMIK na nakadungaw si Valiento sa harap ng kanilang terrace nang marinig niya ang pagpasok ng isang panauhin.
"Mr. Garcia, narito na po ang pinapahanap n'yo." Inabot sa kanya ng lalaking naka-corporate attire ang long envelope.
Inilapag niya sa mesa ang kanyang sandata at naupo sa isang rocking chair. Saka niya binuksan ang envelope at kinuha ang lahat ng mga laman nitong papeles.
Gulat na gulat siya sa mga natuklasan. Sa isang dokumentong nabasa niya, napatunayan niya ang hinala na gumagamit lamang si Dante ng alyas o pekeng pangalan. Dahil base sa matinding pananaliksik na isinagawa ng private investigator niya, ang tunay nitong pangalan na nakasaad sa orihinal na birth certificate nito ay Crisanto Dasma Rugon.
Tumalim ang kanyang paningin. "Sinasabi ko na nga ba..."
Nilapitan siya ng private investigator at inabot ang cellphone nito sa kanya. "Hindi lang po iyan ang natuklasan ko sa kanya, Mr. Garcia. Narito pa po."
Kinuha niya ang cellphone at pinanood ang isang video roon. Mas lalo siyang nagulat sa kanyang nakita.
TO BE CONTINUED...
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro