Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 15: Dante's Revelation

IYON ang unang araw ng initiation rites ng mga neophytes. Hinati sila sa dalawang schedule. Ang first ten neophytes ang nakatakdang isalang sa araw na iyon. Ang another ten naman ay sa susunod na araw na, at kabilang si Dante sa araw na iyon.

Habang naghahanda sa initiation niya para bukas, naisipan niyang puntahan si Prof. Enrico sa office nito. Muli nilang pinag-usapan ang tungkol sa hazing na malapit na niyang mapagdaanan bukas.

"Gaano ho ba kaimportante ang hazing sa tradisyon n'yo? At bakit kahit may anti-hazing law na tayo, marami pa ring mga frat ang gumagawa nito?"

Inilapag ni Prof. Enrico ang tinimpla nitong kape para sa kanya. Saka ito umupo sa harap niya at hinubad ang cow boy hat na suot nito.

"Ang hazing sa amin ay parang isang binyag. Kung ang mga bata ay kinakailangang mabinyagan sa loob ng simbahan bago siya maging ganap na Kristiyano, ganoon din ang hazing sa lahat ng kapatiran, anak. Hindi ka magiging ganap na miyembro kung hindi ka mabibinyagan sa pamamagitan ng hazing."

"So, ano po ba talaga ang purpose ng hazing? Bakit kailangan pa nilang saktan ang mga member para lang ganap na makapasok sa kanila? Wala bang ibang paraan para makasali sila nang hindi gumagamit ng dahas?"

Napabuntong-hininga ang matanda. "Para sa akin, hindi naman dahas ang hazing. Simple lang ang layunin ng hazing. Gusto ka lang subukan nito kung gaano ka kaseryoso sa bagay na papasukin mo, kung hanggang saan ang kapasidad mo, at kung hanggang saan ang kaya mong gawin para sa kapatirang nais mong pasukin. Kapag nalampasan mo na ang hazing, doon ka makakaramdam ng matinding fulfillment dahil natapos mo ang napakahirap na pagsubok."

Napaawang ang bibig ni Dante. Hindi siya gaanong kumbinsido sa narinig niyang sagot. "Iyon po ba talaga ang dahilan? Paano naman 'yung sakit na nararamdaman ng mga member na nakakaranas ng matinding palo at karahasan? Kailangan ba talaga nilang masaktan para lang masubukan ang katatagan nila?"

"Ang sakit na idinudulot ng hazing ay may dahilan din, anak. Hindi ito para subukan lang kung gaano ka katibay at kalakas. Ang mga sakit na mararamdaman mo ang magbibigay sa iyo ng limang bagay na ito. Una ay loyalty, dahil sa bawat sakit ng palo sa 'yo, nandoon din ang pagpapahalaga sa sakit at hapdi na pinuhunan mo. Pangalawa ay pride, dahil alam mo na hindi lahat ng tao ay may lakas na pumasok dito, at isa ka sa mga iilang tao na nagawang makapasok dito gamit ang iyong lakas at tibay ng loob. Pangatlo ay ang pagiging proud, dahil nagkaroon ka ng pagkakataong makapasok sa isang frat na kinabibilangan din ng ibang mga kilalang tao sa lipunan at may nagawa sa bayan. Pang-apat ay commitment, dahil alam mo sa sarili mo na may pinanghahawakan ka nang pangako na palalaganapin at paiiralin mo sa iyong sarili at sa mga tao sa paligid mo ang mga batas, doktrina, tenets, at code of conduct na natutunan mo sa iyong kapatiran. At pang-anim ay ang brotherhood, dahil sa pagpasok mo sa isang kapatiran, makakabuo ka ng mga taong maituturin mong kapatid sa puso na hanggang sa huli ng inyong buhay ay magtutulungan kayo kahit saan man kayo mapadpad. Kaya sana, hijo, maging malinaw na sa 'yo kung gaano kahalaga ang hazing sa amin, at kung bakit hindi ito dapat tanggalin."

Unti-unting napayuko si Dante. Matagal bago siya muling nakasagot. "Kung iyon po talaga ang tunay na dahilan, bakit sa tingin n'yo marami pa rin ang hindi pumapabor sa tradisyon na meron kayo? Paano 'yung mga taong nagsasabi na ang tunay na kapatiran ay hindi dapat nagsasakitan?"

"Ang mga taong nagsasabi n'yan, sila ang hindi nakakaintindi sa tunay na kahulugan ng kapatiran. Hindi naman kasi ito para sa lahat. Mga piling tao lang ang puwedeng makapasok dito, iyong mga taong disiplinado lang at may malawak na kaalaman at alam ang kanyang ginagawa. Kung lahat na lang ng tao ay puwedeng maging miyembro ng frat, mawawalan na ng saysay ang mga tradisyon at kultura namin. Kaya nga kami may mga ganitong uri ng proseso para salain ang mga taong karapat-dapat na makapasok sa isang kapatiran. Dahil naniniwala ako na kapag puro mga tamang tao ang nakapasok dito, mawawala rin ang bad impression sa amin ng mga tao dahil na rin sa ibang frat na gumagawa ng masama."

"Ano naman po ang magandang naidudulot ng frat sa lipunan? Hindi ba sabi n'yo, ang isa sa mga layunin n'yo ay tumulong sa kapwa? Hindi ba kayo puwedeng tumulong sa sarili n'yong paraan? Kailangan pa bang bumuo ng ganitong uri ng grupo para lang makagawa ng kabutihan sa iba?"

"Anak, hindi lahat ng kapatiran ay perpekto. Ang iba sa kanila, nabibigong makagawa ng mabuti dahil sa maling pamamalakad. Pero dito sa amin sa Zeta Alpha Omicron, marami kaming binubuong paraan para makatulong sa aming kapwa at sa lipunan. Una ay ang mga community service na aming isinasagawa buwan-buwan sa bawat barangay. Pangalawa ay ang mga relief goods, sagip-buhay operations, feeding program, at cash assistance na aming ibinibigay tuwing may mga sakuna gaya ng bagyo at sunog. Pangatlo ay ang pagbibigay ng atensyon sa mga taong dumadanas ng matinding depresyon. May munti kaming programa na isinasagawa para sa kanila upang mabigyan sila ng bagong pag-asa, mahikayat silang ipagpatuloy ang buhay, at pigilan sa kanilang pagpapatiwakal. Siyempre, hindi lang sa bayan at lipunan nagtatapos ang aming mga pagtulong. Ginagawa rin namin ito sa loob ng aming kapatiran, sa aming mga kapatid, at sa aming mga sarili."

Humigop ng kape ang prof sa tasa nito at muling nagpatuloy sa pagsasalita.

"Dito sa amin, tinutulungan namin ang aming mga miyembro na nahihirapang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral dahil sa kahirapan. Hindi lang sila. Pati na rin ang iba nilang mahal sa buhay kahit hindi miyembro. Ang ibang mga mahal nila sa buhay gaya ng maliliit nilang kapatid ay binibigyan namin ng scholarship. Ang iba namang mga nahihirapan nang magpatuloy dahil sa lumalaking tuition dito sa Vanguard ay tinutulungan naming makaraos sa pamamagitan ng pag-aambagan. Gaya na lamang ni Mike Rafael. Alam mo muntik nang mahinto iyan noong nakaraang taon dahil nagkaroon sila ng problemang pinansyal. Upang makatawid pa siya sa mga susunod na semester, nagtulungan kaming lahat sa pag-aambagan para lang makabayad pa siya sa tuition niya. Bukod d'yan, pagdating naman ng graduation, hinahanapan din namin ng trabaho ang ibang mga estudyanteng hirap makahanap dahil sa mga personal na dahilan. Kami ang sumasagip at bumubuhat sa kanila para makasiguradong hanggang sa paglabas nila rito ay mayroon pa rin silang magandang mapupuntahan. Nagkakapit-bisig kaming lahat dito. Iyan ang tunay na misyon at layunin naming mga Kastron. Hindi kami sumasabak sa mga frat war gaya ng ginagawa ng iba. Ang giyera lang na aming pinapasok ay ang hirap ng buhay. D'yan kami nagtutulungan para malabanan ang hirap at hamon ng buhay."

Naging mas malawak na ang pang-unawa ni Dante sa mga tradisyon ng kapatiran. Mas naiintindihan na niya ngayon kung ano talaga ang purpose ng hazing at kung bakit nagiging mahalaga ito sa bawat fraternity.

Pero kung siya ang tatanungin, parang hindi pa rin iyon sapat na dahilan para makumbinsi niya ang sarili na sumali sa ganito. Kaya lang naman siya pumapasok ngayon sa Kappa Delta Upsilon ay dahil sa personal niyang dahilan na may kinalaman sa mapait niyang nakaraan.

"Ikaw ba, hijo, ano ang iyong dahilan kung bakit ka sumali sa Spaterion? Akala ko ba'y tutol ka sa hazing at mga tradisyong ginagawa namin? Bakit sa kanila, sumali ka? Hindi mo ba alam na lahat ng bagay na ayaw mo sa isang kapatiran, ay ginagawa nila roon?"

Siya naman ang na-challenge ngayon sa tanong nito. Ilang beses napalunok ng laway si Dante. Siguro nga, ito na ang tamang panahon para sabihin niya ang lahat.

"Ang totoo po n'yan, kaya ko lang gustong pumasok sa kanila, para makaganti sa ginawa nila sa akin noong bata pa ako, at para maisaayos ko ang baluktot nilang pamamalakad."

Nangunot ang noo ng matanda sa sinabi niya. "Makaganti? Ano'ng ibig mong sabihin?"

Dahan-dahang tumitig ang mga mata niya sa matanda. "May matinding kasalanan po sa akin ang founder ng Kappa Delta Upsilon. Dahil sa kanya, maagang nasira ang buhay ko."

Lalo itong nagka-interes na malaman ang pinagmulan niya. "Bakit, hijo, ano ba talaga ang nangyari sa 'yo? Bakit hindi mo ako diretsuhin?"

Tatlong beses napalunok ng laway si Dante bago nakabuo ng salita. "Sir Enrico, si MG Cerino po, 'yung founder ng Kappa Delta, s-siya po ang pumatay sa tatay ko...si Alberto Rugon."

Namilog ang mga mata ng matanda sa labis na gulat. "Ano?" Napatayo pa ito sa kinauupuan at naging malikot ang mga mata sa kanya. "Ano'ng sinabi mo?"

"Pasensya na po kung hindi ko ito sinabi agad sa inyo. Pero iyon po ang totoo. Si Alberto Rugon po ang tatay ko, ang founder nitong Zeta Alpha Omicron."

Muli itong nagbalik sa puwesto at humawak sa balikat niya. "I-Ikaw ang...a-anak ni Dakila? Anak ka ni Dakila?"

Biglang naalala ni Enrico, may anak na lalaki nga si Alberto noon at madalas din nito iyong isama sa mga programa ng kanilang fraternity. Pero masyado siyang naka-focus sa sarili niyang mga task noon kaya hindi niya ito gaanong inintindi at kinilala.

Mula nga nang mamatay si Alberto, bigla na rin siyang nawalan ng balita tungkol sa anak na naiwan nito. Hindi na niya alam kung saan na rin ito napunta pagkatapos ng malagim na gabing iyon. Lahat sila, walang kaalam-alam sa kung ano ang nangyari sa nag-iisang anak ni Alberto matapos itong mapatay ng mga Spaterion.

"Tama po kayo, Sir. Ako po ang anak ng lalaking tinatawag n'yong Dakila. Kaya sobra po akong nagpapasalamat dahil sa ibinansag n'yo sa tatay ko. Noong unang mabanggit sa akin ni Mike iyan, sobrang natuwa ako dahil kahit wala na si tatay, inaalagaan at isinasabuhay pa rin ng mga miyembro niya ang mga doktrinang binuo niya. Salamat po sa pag-aalaga n'yo sa iniwang legacy ng tatay ko."

Hindi napigilan ni Enrico ang pangingilid ng mga luha. "I-Ikaw ang nawawalang anak ni Dakila! B-buhay ka pa! A-ang laki mo na!" Tumayo ang matanda sa kinauupuan at lumapit sa kanya. Pagkuwa'y bigla itong lumuhod sa harapan niya at humawak sa kanyang tuhod.

Napaatras naman si Dante. "Sir, b-bakit n'yo po ginagawa 'yan?"

"Hindi mo alam kung gaano kataas ang respeto namin sa iyong namayapang ama. Lubos namin siyang iginagalang, at lahat ng iniwan niyang salita ay patuloy naming isinasabuhay para isalba ang maliit naming kapatiran. Kung ikaw nga ang kanyang anak, dapat ka rin naming bigyang-pugay gaya nito. Ikaw ang nag-iisang anak at tagapagmana ni Dakila. Kung meron mang dapat mamuno sa kapatirang ito, at maging pinunong ama naming lahat, walang iba kundi ikaw lang, hijo. Ikaw lang. Ikaw ang pangalawang Dakila..."

Napilitan na siyang tumayo at inawat ito. "Sir, huwag naman po ganyan. Hindi naman ako santo para luhuran!" Tinulungan niya itong makatayo at pinabalik sa puwesto nito.

"Sir, alam ko pong mahal na mahal n'yo ang tatay ko bilang inyong pinuno. Pero hindi n'yo naman po kailangang gawin sa akin ito."

"Pero, anak, itutuloy mo pa ba ang pagsali mo sa kabila?"

Hindi agad siya nakasagot. "I-Initiation ko na po bukas."

"Puwede ka pang umatras kung gusto mo!"

"Hindi na po, Sir. Desidido po talaga akong makapasok sa Kappa Delta."

"Pero bakit naman, anak? Ano ba ang gusto mong mangyari? Para makaganti? Marami namang ibang paraan para masingil mo sila sa mga kasalanan nila. Hindi mo kailangang pumasok at makiisa sa kanila!"

"Sir, wala naman po akong sinabi na makikiisa ako sa kanila. May malalim akong dahilan kung bakit sila ang pinili kong salihan at hindi ang frat ng sarili kong ama."

Napaurong na lang ang dila ni Enrico. Hindi na ito sumagot sa kanya. Hanggang sa tuluyang mamagitan ang katahimikan sa panig nilang dalawa.

NAPAGPASYAHANG lumabas ni Luna matapos magsawa sa pagkukulong sa kuwarto. Pinayagan naman agad siya ng ina dahil maging ito ay nagsasawa na rin sa lagi niyang pagmumukmok. Pero hindi rin siya nagpunta kay Logan. Bagkus ay dito siya dumiretso sa footbridge sa isang lugar sa EDSA.

Kung wala nang paraan para makawala siya sa nakatakdang kasal nila ni Logan, mas mabuti pang mapaaga na lang ang paglisan niya sa mundo. Sa ganitong paraan, wala nang magagawa ang mga ito para itali siya sa buhay na hindi niya gusto para sa sarili niya.

Hindi na niya hihintayin pang magdusa siya sa mala-rehas na kamay ng lalaki. Tutuldukan na niya ang lahat ng ito sa footbridge na iyon. Sinimulan na niyang umakyat dito at hindi na alintana ang naging reaksyon ng mga tao sa paligid niya.

Ilang sandali pa, ipinikit na ni Luna ang mga mata at hinayaang tangayin siya ng hangin patungo sa sementadong lupa na magwawakas sa buhay niya.

NAISIPANG dumaan ni Dante sa isang convenience store para bumili ng snacks na kakainin niya mamayang gabi sa kama niya. Pagkalabas ay inayos agad niya ang mga ito sa plastic bag at akmang sasakay na sa motor niya.

Ngunit bigla siyang nakarinig ng sigaw sa di kalayuan. Paglingon niya roon, napamulagat siya sa gulat nang makita ang isang babaeng nakatayo sa taas ng footbridge!

Binitawan niya ang hawak na plastic at dali-daling tumakbo sa gitna ng daan. Hindi na niya alintana ang dumadaang mga sasakyan sa paligid niya. Napahinto na rin ang mga ito nang mapansin ang babaeng nagbabalak tumalon sa taas.

"Miss! Huwag!" sigaw niya rito kahit hindi siya sigurado kung naririnig siya ng babae. Iyon din ang isinisigaw rito ng ibang mga tao.

Sinubukan itong lapitan at pigilan ng isang babae sa footbridge. Ngunit bago pa ito makalapit ay tuluyan nang tumalon ang babae na lalong nagpasigaw sa mga tao sa paligid.

Naging alerto ang mga mata ni Dante. Saka niya ginamit ang buong lakas para saluhin ito. Pagbagsak nito sa mga kamay niya, sabay pa silang natumba sa lupa at unang tumama ang likod niya.

Napaigik siya sa sakit habang yakap-yakap pa rin ang katawan ng babae. Nang makitang wala itong sugat o pinsala sa katawan, doon lang siya bahagyang nakahinga nang maluwag.

PAGKAMULAT ni Luna sa mga mata, isang hindi pamilyar na silid ang bumungad sa kanya. Kahit masakit pa ang ulo ay pinilit niyang bumangon at iginala ang paningin sa paligid niya. Napalilibutan siya ng mamahaling mga kagamitan. Halatang kasing yaman din nila ang may-ari ng silid na iyon.

Pagtama ng mga mata niya sa kaliwang direksyon, doon niya nakita ang isang lalaking naghubad ng suot nitong damit at nagpalit ng t-shirt na pambahay. Tila nahagip din ng paningin nito ang pagbabalik ng malay niya kaya agad itong lumapit sa kanya.

"Miss, k-kumusta ang pakiramdam mo?" magalang na tanong nito sa kanya. Wala siyang naramdamang panganib sa tinig ng lalaki kaya hindi na siya natakot na sumagot dito.

"O-Okay lang po ako, Sir."

"Sure ka bang okay ka lang? Ba't ka tumalon sa footbridge kanina?"

Doon siya hindi nakasagot. Muli niyang inalala ang dahilan kung bakit niya ginawa iyon kanina. Gusto na niyang wakasan ang kanyang buhay kaya nagbalak siyang tumalon. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, may isang lalaking nagligtas sa kanya, at nandito siya ngayon sa mismong silid nito.

Naalala rin niya ang mukha nito bago siya tuluyang nawalan ng malay, kaya alam niyang iyon ang lalaking sumalo sa kanya.

"Sir, s-salamat nga ho pala. Salamat po sa pagliligtas n'yo sa 'kin," tanging naisagot niya rito. Hindi niya magawang sabihin ang dahilan ng pagtalon niya.

Napabuntong-hininga ang lalaki at lumipat ng kabilang direksyon, saka ito pumuwesto sa swivel chair nito at inikot iyon patungo sa direksyon niya. "Miss, alam kong wala ako sa tamang posisyon para sabihin ito pero, puwede ko bang malaman kung bakit tumalon ka sa tulay kanina? Meron ka bang mabigat na pinagdadaanan? Okay lang kung hindi mo sagutin. Pero mas okay rin kung ibabahagi mo sa akin, para alam ko kung paano kita matutulungan."

Napalunok ng laway si Luna. Labis siyang nanibago sa malumanay na tinig ng lalaking iyon, pati na rin sa maamo nitong mukha at mga titig na walang bakas ng kasamaan. Mukhang mapagkakatiwalaan niya ito. Pero kailangan ba niyang sabihin ang tunay na pinagdadaanan niya?

"P-pasensya na po, Sir. H-hindi pa po ako handang sabihin iyon. Pero huwag po kayong mag-alala. Hindi ko na po uulitin ang nangyari kanina. Hindi na ako magpapakamatay. Na-realize kong hindi ito ang tamang solusyon sa problema."

Napangiti sa kanya ang lalaki. "Mabuti naman kung ganoon. Kahit kailan, hindi talaga nagiging solusyon ang pagpapakamatay para tuldukan ang problema. Lalo lang itong lilikha ng problema dahil sa mga mahal mo sa buhay na maiiwanan mo."

Nauunawaan niya ang sinabi ng lalaki. Pero hindi nga lang iyon applicable sa kaso niya. Dahil kahit siguro natuloy ang pagpapatiwakal niya, hindi rin siya pagluluksaan ng mga magulang niyang halos ibenta na siya sa ibang tao.

"Kumusta naman ang pakiramdam mo? May masakit ba sa 'yo? Nagugutom ka ba?" tanong naman nito sa kanya na bumasag sa pagmumuni-muni niya.

"Ah, s-siguro tubig na lang po. Medyo nauuhaw po ako."

Tumango agad ang lalaki at tumayo sa kinauupuan. "Sige. Ipagdadala na lang kita ng tubig at miryenda rito. Kung may masakit sa 'yo, sabihin mo lang para maibili ka rin namin ng gamot."

Natuwa naman siya sa concern na ipinapakita nito. Kung ganito lang siguro si Logan sa kanya, baka wala na siyang naging problema noon pa man. "Maraming salamat po, Sir."

"Tagasaan ka ba? Kailan mo balak umuwi sa inyo? Gusto mo bang magpalipas na muna ng isang gabi rito? Para makapagpahinga ka. Hindi biro 'yung nangyari sa 'yo kanina. Siguradong kailangan mo ng mahabang pahinga."

Naisip niya, siguro nga ay tama ito. Mukhang kailangan talaga niya ng mahabang pahinga para mawala ang lahat ng bigat na dala-dala niya. Kung uuwi agad siya ngayon, baka lalo lang bumigat doon ang pakiramdam niya. At least dito, magiging payapa siya kahit isang gabi lang, dahil malayo siya sa mga taong sumisira sa buhay niya, lalo na sa sarili niyang magulang.

"N-nakakahiya naman po, Sir, kung mag-i-stay ako ng isang gabi rito. Baka nakakaabala po sa inyo. Siguro, magho-hotel na lang po ako. May pera naman po ako rito."

"Bakit ka pa magho-hotel? Gagastos ka pa ro'n. Dito ka na lang muna. Huwag mong isipin na nakakaabala ka. Bukas ka na umuwi sa inyo at ipahinga mo na muna ang buong gabing ito. Para bukas, mabawi mo agad ang lakas mo at maiwaksi mo na sa isip mo ang pagpapakamatay."

Hindi na siya tumanggi sa lalaki. Mukhang mabait naman ito kaya sinunod na niya ang mungkahi nito.

"Salamat po, Sir. Maraming salamat po. Bukas na bukas, uuwi rin po ako at lilinisin ko na rin itong kuwarto n'yo bilang kabayaran."

Natawa naman ito. "Huwag mo nang isipin 'yun. Paggising mo bukas, kung kaya mo nang umuwi, puwede ka namang umalis dito kahit hindi ka na magpaalam, kung sakaling hindi ka komportable sa akin. Walang problema sa 'kin 'yun. Malawak ang pang-unawa ko sa mga ganyang sitwasyon. Sige, ikukuha na muna kita ng tubig."

Gumaan ang loob niya sa sinabi nito. Hindi niya alam pero ngayon lang siya nakaingkuwentro ng ganito kabait na lalaki sa buong buhay niya.

Karamihan kasi ng mga lalaking nakilala niya noon, kabilang na si Logan, ay may kanya-kanyang attitude na nagpa-turn off sa kanya. Pati ang sarili niyang ama na sunud-sunuran lang sa kanyang ina at hindi siya kayang ipagtanggol ay kinamumuhian na rin niya.

Ngayon lang talaga siya nakatagpo muli ng lalaki na sobrang respeto ang binibigay sa kanya at naiintindihan agad ang nararamdaman niya kahit hindi niya ito sabihin.

Pagbalik ng lalaki, isang tray ng pagkain ang dala nito na may dalawang baso para sa tubig at juice. Agad din siyang iniwan ng lalaki roon upang makakain siya nang mabuti. Hindi niya maiwasang mamangha sa mga dishes na laman ng tray na iyon. Halatang mamahalin din ang kinakain ng lalaking ito.

Nang muli siya nitong balikan, ubos na niya ang lahat ng pagkain sa tray. Lumapit agad ito sa puwesto niya para kunin ang pinagkainan niya sa katabing mesa.

"Kayo, Sir, kumusta naman po kayo? Hindi biro 'yung pagsalo n'yo sa akin kanina. Siguradong masakit din 'yun."

Tumawa itong muli sa kanya. "Okay lang ako, Miss. Sanay akong bumuhat ng mabibigat. Hindi ako nasaktan doon." Pagkatapos nilang mag-usap ay lumabas na ito dala ang tray.

After taking a good rest, nakaramdam uli siya ng antok kaya naisipan niyang humiga muli. Hanggang sa hindi na niya namalayan ang takbo ng oras.

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro