Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 13: Becoming a Neophyte

NANG sumunod na linggo, muli nang binuksan ng iba't ibang tribo sa Vanguard University ang kanilang recruitment para sa mga freshman na gustong mapabilang sa kanilang fraternity. Kanya-kanya sila ng pakulo at strategy sa pagre-recruit.

Ang ibang mga fratman, sila mismo ang lumalapit at nag-i-scout sa mga freshman na natitipuhan nilang ipasok. Ang madalas lang nilang nilalapitan ay ang mga nakikita nilang may potential.

Ang iba naman ay nagtatayo ng mga booth kung saan puwedeng pumila ang mga nagbabalak sumali at mula roon, idadaan sila sa matinding background screening hanggang sa matira na lang ang mga estudyanteng karapat-dapat.

Habang ang iba naman ay gumagawa ng mga rush event na puwedeng daluhan ng mga aspiring pledgee. Sa rush event na ito, maaari nilang maka-bonding ang mga current members at alumni.

Kapag natapos na ang rush event, doon pagbobotohan ng mga miyembro at officers kung sino sa mga dumalo ang may potential na mapabilang sa kanilang sagradong kapatiran.

At iyon ang ginawa ngayon ng Kappa Delta Upsilon. Isang cosplay party ang itinayo nila sa gabing iyon na dinumog naman ng daan-daang mga freshmen na nangangarap makapasok sa kapatiran nila.

Lahat ng mga naroroon ay nakasuot ng costume ng mga favorite nilang anime at video game characters. Ayon sa kanilang officer, nasa mahigit 500 daw ang attendees nila ngayon. Higit na marami kumpara noong nakaraang taon na nasa 290 attendees lamang.

Kahit may natanggap nang imbitasyon mula sa grand founder, pinili pa ring dumalo ni Dante sa cosplay party. Isang shirtless na Trafalgar Law ang naisipan niyang gawin sa sarili niya na pinarisan ng signature pants nitong may black dot pattern. Lalong nag-complement sa maskulado niyang katawan ang mga henna tattoo ni Trafalgar Law sa dibdib at mga braso.

MASAYANG ine-entertain ni Logan na naka-Naruto costume ang kanilang mga bisita nang mapansin niya ang paglingon ng mga tao sa di kalayuan. Pati mga kausap niya ay tinalikuran siya at nakiusyoso na rin. He felt offended dahil pakiramdam niya inagawan na naman siya ng eksena.

Napilitan siyang makipagsiksikan para makita kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga ito. Nagdilim agad ang mukha niya nang makita si Dante na naglalakad sa red carpet kasama ang Trafalgar Law-inspired na tattoo nito sa katawan.

Nagsimula na namang kumulo ang dugo niya. Ewan ba niya pero tuwing nasa paligid ito, para siyang bulkan na anumang sandali ay sasabog.

SA ENTRANCE pa lang, sinalubong na si Dante ng recruitment officer na si Rhea Manabat. Nakipagkamay ito sa kanya at tumapik pa sa balikat niya. "Buti na lang nakahabol ka pa, Dante. Gusto ni Master, ngayon na raw simulan ang interview at background screening mo. Ayos lang ba sa 'yo 'yun?"

"Yes naman po, officer."

"Alam mo napakasuwerte mo dahil si Master pa talaga ang naging ninong mo." Sabay pa silang nagtawanan pagkatapos niyon.

Sa di kalayuan naman, nakamasid sa kanya ang ilan sa mga miyembro ng Alpha Sigma Pi. "Malaking problema 'to, p're. Mukhang sa Spaterion pa yata sasali si Dante. Alam n'yo naman kung gaano kalakas 'yan. Siguradong gagamitin 'yan nila laban sa atin."

"Oo nga! Dapat siguro ngayon pa lang pagplanuhan na natin kung paano natin 'yan itutumba!" sagot naman ng isa habang matalim ang titig sa kanya.

Pagkatapos makisalamuha sa loob, saglit na nagpaalam si Dante para mag-CR sa labas. Habang nakatayo nang tuwid sa urinal, biglang may lumapit sa kanya at tinutukan siya ng patalim sa baywang.

"Ano'ng ginagawa mo rito, ungas ka!"

Nang marinig niya ang boses, nalaman agad niyang si Logan Cerino ito. Kalmado lang niyang tinapos ang pag-ihi saka niya sinara ang zipper at humarap dito. "Ano'ng ginagawa mo sa akin, Logan? Bakit mo 'ko gustong saksakin?"

"Gago ka ba! Ano'ng ginagawa mo sa party namin! Balak mong sumali sa frat namin? Huwag ka nang mangarap, ungas, na magiging kabilang ka sa amin! Hinding-hindi ko hahayaan na makapasok ka!"

Isang malutong na tawa ang pinakawalan niya. "Ano naman ang gagawin mo? Pipigilan mo 'ko? Sa tingin mo may magagawa ka? Hindi mo pa yata alam na ang tatay mong si Master MG Cerino ang nag-recruit sa akin."

Nanlaki sa gulat ang mga mata ni Logan. "Siraulo ka ba! Huwag mong gamitin ang tatay ko rito dahil hindi mo alam ang kaya niyang gawin laban sa mga katulad mo!"

"Bakit hindi mo siya tanungin para malaman mo?" Sinadya niyang tapikin ang balikat ng lalaki na para bang matalik silang magkaibigan. "Kung alam mo lang, siya mismo ang pumunta sa akin kahapon at tinulungan pa akong makalabas agad sa kulungan. Kung ayaw mong maniwala, tanungin mo ang tatay mo. Gusto mo tawagan pa natin siya?"

Dinukot niya ang cellphone sa bulsa at pinakita rito ang personal number ni MG Cerino. "Siya pa mismo ang nagbigay ng number niya sa akin. Mukhang desidido talaga siyang ipasok ako. Ang suwerte ko 'no? Dahil ang grand founder pa mismo ang magiging ninong ko!"

Nanggigil ang mga kamao ni Logan. Padabog nitong itinulak palayo ang kanyang kamay at sinakal pa siya sa leeg. "Kahit kailan, hinding-hindi ka nababagay sa tribo namin! Samahan lang 'yun ng malalakas at makapangyarihan! Wala kang lugar sa Kappa Delta Upsilon! Sa basurahan ka lang nababagay!"

Muli siyang natawa. "Alam mo, pare, ngayon pa lang sanayin mo na ang sarili mo na tanggapin ako. Dahil hindi magtatagal, magiging ka-brod mo na rin ako, sa ayaw at sa gusto mo!"

Tinalikuran niya ito na parang walang nangyari at sinadyang maglakad sa pinakamaangas na paraan para lalong painitin ang ulo nito.

Sa sobrang galit ay binalibag ni Logan ang patalim at pinagsisipa pa niya ang isang urinal sa harap niya.

PADABOG na binuksan ni Logan ang pinto. Naabutan pa niyang kalaro ni MG Cerino ang alaga nitong si Sparta. Sabay na napalingon ang dalawa sa kanya.

"Totoo ba ang narinig ko, Dad? Ikaw mismo ang nag-imbita sa Dante na 'yon para makasali rito? What the f*ck are you thinking, Dad! Hindi mo ba alam ang nangyari sa amin? Pinagtulungan niya lang naman kami! Hindi siya marunong gumalang sa amin!" Halos umalingawngaw sa buong silid ang boses niya.

Mabilis na bumangis ang mukha ng kanyang ama. "Huwag mo nga akong minumura, Logan! Ikaw ang hindi marunong gumalang sa akin!"

"Sorry naman, Dad! Hindi ko sinasadya! Nabigla lang talaga ako dahil hindi ko tanggap 'yung sinabi niya! Totoo ba? Ikaw mismo ang lumapit at nag-imbita sa kanya? Bakit, Dad? Bakit?"

"Dahil may potential siya!" sagot agad nito. "No, hindi lang pala siya may potential. Nababagay talaga siya sa atin! He was meant to be our member. Ano'ng masama sa ginawa ko? Naghahanap lang naman ako ng mas malalakas na miyembro ngayon at tamang-tama siya sa standard at qualifications na hinahanap ko."

"Dad naman!" Larawan ng pagkadismaya si Logan. "Bakit mo naman gustong isali 'yung taong kaaway ko? Inaway nga niya kami 'di ba? Binugbog pa niya sina Dino! Pinahiya niya kami sa buong Vanguard!"

"Anak, if you can't beat them, join them! Kaya sa halip na kalabanin mo ang lalaking iyon, bakit hindi na lang natin siya isali rito? Nang sa ganoon ay maging kakampi pa natin siya, mas madali natin siyang makokontrol, at mas marami ka ring matututunan sa kanya."

"No! Hindi ko siya gustong maging ka-brod, Dad! I will never let him to be part of this brotherhood!"

"Kinokontra mo ba ako, Logan? Kinokontra mo ba ang gusto ko?" Gumuhit ang masamang titig sa kanya ang ama. Kapag ganoon na ang titig at boses nito, wala na siyang magagawa kundi sumunod.

"Dad, hindi naman po sa ganoon. I'm just worried dahil baka kung ano pa ang gawin ng lalaking iyon sa atin. Baka traydurin pa tayo n'yan patalikod lalo na't malaki ang galit namin sa isa't isa."

"Anak, may nakakalimutan ka yata. I am Assante 'Machine Gun' Cerino, the grand founder of Kappa Delta Upsilon. I have all the power in my hands. Walang sinuman ang puwedeng trumaydor o gumawa ng hindi maganda rito dahil matitikman nila ang talim ng pangil ko. Bakit ka natatakot sa kanya? Ayaw mo pa ba 'yon? Kinakaibigan ko na nga ang lahat ng nakikita kong malalakas upang hindi na natin sila maging kalaban. Mas malaki ang magiging pakinabang niya sa tribo natin. What we need right now is a strong member like him. Besides, hindi naman siya bastos kausap. Magalang din naman siya sa akin. Sa 'yo lang talaga siya may problema. But don't worry about that. Once na makapasok na siya rito, siguradong magkakasundo rin kayo."

Wala nang nagawa si Logan. Buong panlulumong napasandal na lang siya sa isang pader habang nag-uumapaw ang pagkadismaya sa buong anyo.

HINUBAD ni Dante ang suot na coat at isinampay sa sandalan ng swivel chair niya. Nang hindi pa rin makuntento, tinanggal na niya pati ang t-shirt niya at nilakasan pa lalo ang aircon.

"Ugh! Ang hirap talaga maging pawisin!" aniya habang pinupunasan ng hinubad na t-shirt ang mamasa-masa niyang katawan. Pagkatapos kasi ng klase kanina, kung saan-saan pa siya dinala ng mga kasama niyang Spaterion kaya sobrang pinagpawisan siya.

Naupo siya sa swivel chair at ipinatong ang mga paa sa table niya. Napansin naman niya ang labis na pananahimik ni Mike Rafael sa puwesto nito.

"Brad, may problema ba? Parang kanina ka pa walang imik d'yan," bati niya rito habang magkapatong ang mga kamay sa dibdib niya.

"Boss, totoo ba 'yung nasagap kong balita? Sumali ka raw sa Kappa Delta?" may lungkot sa tinig nito.

Napabuntong-hininga siya. "Oo nga pala. Sorry, Mike. Nakalimutan kong sabihin sa 'yo."

"Pero, boss, akala ko ba ayaw mong sumali sa kahit na anong frat? Ang daya mo naman, eh. Ini-invite ka namin ni Sir Enrico pero tumanggi ka sa amin. Samantalang doon sa kabila pumayag ka agad."

Natawa naman siya rito. "Ang kulit mo magtampo, ah. Pero huwag kang mag-alala. Parte lang din ito ng plano ko."

"Paanong plano, boss?"

"Matagal ko nang pinagpaplanuhan ito kahit noong nasa Davao pa lang ako. Gusto kong makapasok sa kanila para lalo akong mapalapit sa mga miyembrong involve sa pagkamatay ng tatay ko, lalo na kay MG Cerino. Mas magiging madali sa akin ang mapabagsak sila kapag nalaman ko ang lahat ng baho nila. Magagawa ko lang 'yun kapag naging member din nila ako."

"Naiintindihan ko naman po iyon. Kaya lang, bakit kailangan n'yo pang sumali sa kanila? Marami namang paraan para mabawian natin sila 'di ba?"

"Mike, ginagawa ko lang ito para maisagawa lahat ng plano ko. Kahit maging member pa nila ako, hindi ko pa rin kinokonsidera ang sarili ko bilang kasapi nila. Oras na bumagsak sila, aalis din ako."

"Pero, boss, kapag sumali ka sa kanila, siguradong dadaan ka pa rin sa initiation. Mararanasan mo 'yung sagradong hazing na ginagawa nila sa mga neophyte. Hindi ba parang nakakasira ng pagiging sagrado ng kapatiran kapag sumali ka tapos aalis ka rin?"

"Para sa inyong mga fratman, sagrado. Pero sa akin, hindi. Walang dapat ikasagrado sa mga hazing na 'yan. Kahit anong binyag pa ang gawin nila, balewala lang sa akin iyon. Aalis pa rin ako kung kailan ko gusto. At hindi ako titigil hangga't hindi ko nauungkat lahat ng baho nila. Iyon ang gagamitin ko sa kanila para tuluyan silang mapabagsak, at makamit na ng tatay ko ang hustisyang ipinagkait sa kanya, pati na rin ang hustisya sa iba pang tao na namatay sa hazing nila."

"Pasensya na, Boss Dante. Nag-aalala lang kasi ako sa 'yo. Hindi biro 'yung frat na papasukin mo. Lalo na't malaki ang galit sa 'yo ni Logan. Baka ngayon pa lang may binabalak na silang masama sa 'yo."

"Wala kang dapat ipag-alala, brad. Nakuha ko naman ang tiwala ng tatay niya. Bilib na bilib sa 'kin ngayon si MG Cerino dahil sa pagpapatumba ko sa mga member niya. Kaya nga siya ang kusang lumapit sa 'kin at nag-imbita, eh. Iyon ang gusto kong mangyari ngayon, ang makuha ang tiwala ng pinakamataas sa kanila. Iyon ang gagamitin kong sandata laban sa kanila."

Napabuntong-hininga na lang si Mike. "Basta ma-ingat na lang po kayo."

Tumawa naman si Dante. "Sila ang dapat na mag-ingat sa akin!" Saka niya sinandal sa likod ng ulo ang kanyang mga palad at nilasap ang lamig ng aircon.

NAHINTO sa pagsuntok sa punching bag si Logan nang marinig ang pagdating ni Valiento Garcia. Bad trip siya ngayon sa ama kaya dito siya nagpunta sa bahay ni Valiento. Nagpalipas na lang din siya ng oras sa gym nito para ilabas ang sama ng loob.

"Nakahanda na ang miryenda sa labas, Logan. Magpahinga ka na d'yan at kumain na muna tayo," sabi nito sa kanya habang nililinis ang espada nito.

Hinubad ni Logan ang gloves at ipinunas sa katawan ang t-shirt na nakapatong sa braso niya. "Tito, puwedeng dito muna ako hanggang mamayang gabi?"

Nakasanayan na niya itong tawaging tito dahil kahit hindi nila ito kaano-ano ng kanyang ama, parang nakababatang kapatid na rin ang turin ni MG Cerino rito.

"Bakit, may problema na naman ba kayo ng daddy mo?"

"Oo, eh. Baka lalo lang kami magkasagutan kapag doon ako umuwi mamaya."

"Bakit, ano ba ang problema, hijo?"

"Ayun, kinampihan pa niya 'yung Dante na nagsisiga-sigaan ngayon sa campus. Imbes na ipaghiganti niya ako dahil binugbog ako ng Dante na 'yon, in-invite pa niya talaga na makasali sa atin! Ewan ko ba kung bakit ang weird ng mga kilos ni Dad lately!" sagot niya at sabay na silang lumabas ni Valiento sa gym.

"Hayaan mo na ang tatay mo. Ako na ang bahala sa kanya 'pag nagkita kami uli," anito saka ibinalik sa bulsa ang sandata nito.

KINABUKASAN, muling pinuntahan si Dante ng mga Spaterion na nakasama niya kahapon para ipagpatuloy ang recruitment process niya. Dinala siya ng mga ito sa kanilang munting opisina sa campus at pina-fillup ng application form.

Pagkatapos niyon, nilapitan naman siya ni Rhea Manabat at nagsagawa sa kanya ng interview at background checking. Pinakita niya rito ang mga fake ID, birth certificate, at ilang pekeng dokumento niya na may pangalang Dante Marquez na pinagawa niya kay Don Frido.

Pagkatapos ng 30-minutes interview nila, pinaliwanag na sa kanya ng officer ang lahat ng kailangan niyang gawin, kabilang na rito ang 'service' o 'pledging' na kailangan niyang pagdaanan bilang isang neophyte.

"In this stage, you're going to follow all the commands that will be given to you. Maraming task na ipagagawa sa 'yo ang magiging mga master mo. Uutusan ka nila, uungguyin ka, and many other things. Pero huwag mo sanang isipin na humiliation ito. Dito kasi sa amin, ang humiliation ay part ng learning process mo sa buhay. Tuturuan ka nitong maging mas disiplinado at mas mahaba ang pasensya. Iyon ang kailangan namin dito, ang pagiging mahaba ng pasensya. Patience is a virtue. Without patience and discipline, you'll never be a Spaterion. Is that clear enough for you?"

"Yes, officer," mabilis namang sagot ni Dante. Pero napaisip siya. Kailan pa sila nagkaroon ng discipline?

"Uhm, officer, hanggang kailan po pala ang itatagal ng pledging ko?" tanong naman niya rito.

"It will be 30 days," mabilis na tugon sa kanya ng babae.

Tumango na lang siya. "Thank you, officer!"

DUMALAW si Logan sa headquarters ng mga Spaterion sa school at hinanap si Rhea Manabat. Inilapag niya sa table nito ang binili niyang Java Chip Frappuccino sa Starbucks.

"Thank you, Master! Anong meron at napadalaw ka yata?" bati nito sa kanya.

"Kumusta 'yung in-interview mo kanina? Si Dante Marquez?"

"Ah, nakaalis na siya. So far, naipasa niya ang interview at background checking."

"Ano naman daw ang sabi niya sa pledging?"

"Pumayag din siya roon."

Napangiti si Logan. Yes! Humanda ka ngayon, Dante!

Ngayon pa lang, kumukulo na ang dugo niya sa labis na pagkasabik. Sasamantalahin niya ang one-month na pledging nito para pahirapan ito nang husto. Kahit sa ganoong paraan man lang ay makabawi siya sa pagpapahiya na ginawa nito sa kanila. Ngayon pa lang din, kung anu-anong kademonyohan na ang pumapasok sa isip niya.

PATULOY ang pagragasa ng luha sa magkabilang pisngi ni Luna habang hinahagod niya ang dibdib na walang tigil sa pagsikip. Tuwing iisipin niya na habang buhay na siyang matatali kay Logan, lalong nagwawala sa galit at lungkot ang puso niya.

Ngayon lang siya nakaramdam ng labis na pag-iisa. May magulang nga siya pero hindi naman niya malapitan. Walang nakakaunawa sa kanya. Wala ring nakakakita sa paghihirap niya.

Sa puntong ito, parang gusto na lang tumakas ng kanyang kaluluwa at maghanap ng ibang katawan, para lang hindi na niya maranasan ang matinding kalbaryo na nakatakdang danasin ng katawan niyang ito.

Biglang bumukas ang pinto. Agad niyang pinunasan ang mga luha at nagkunwaring inaayos ang mga gamit sa mesa niya.

"Anak, may ginagawa ka ba?" tanong ng Mommy Rebecca niya.

Humarap siya rito na matamlay ang mukha. "Bakit po, 'Ma?"

"Nagluto ako ng menudo para kay Logan. Pumunta ka ngayon sa kanila at ihatid mo ito. Gusto ko ikaw ang magbigay nito sa kanya, ah? Para naman matuwa siya sa 'yo!"

Kumabog muli ang dibdib niya. "'Ma, puwede bang mamaya na lang?"

"Anong mamaya? Hapon na, oh! Ibigay mo ito sa kanya para naman matuwa siya sa 'yo! Kababalik lang natin dito tapos nagkukulong ka lang ng ganyan? Dapat nga lagi kayong magkasamang dalawa! Malapit na kayong ikasal, aba! Graduation na lang niya ang hinihintay!"

Hindi na siya nakapagsalita sa taas ng boses nito. Lalo lang siyang mababara kapag humindi siya. Kaya kahit labag sa kalooban, tumayo na lang siya at nagbihis para gawin ang inuutos ng kanyang ina.

Siya pa talaga ang papupuntahin nito sa bahay ng lalaki para maghatid ng ulam. Isang bagay na ang lalaki dapat ang gumagawa.

Habang nagbibihis ay muling rumagasa ang mga luha ni Luna. Kinukuwestyon na naman niya ang langit. Ano ba talaga ang purpose ng pagkapanganak niya sa mundo?

TO BE CONTINUED...

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro