Chapter 10: Tough Guy
HUMIGA si Dante sa isang bahagi ng sahig na puno ng mga bubog. Bumuga siya ng malalim na paghinga at inunat ang mga braso. Saka niya sinimulang buhatin ang 150 kilograms na Olympic barbell sa harapan niya.
Habang unti-unti itong umaangat, lalong nadidiin ang likod niya sa matatalim na piraso ng bubog. Sunod-sunod ang pagbuga niya ng malalim na paghinga habang nanginginig ang dalawang braso sa matinding pressure na pinakakawalan nito.
Nagawa niyang buhatin nang sampung beses ang higanteng barbell bago tuluyang bumigay ang mga kamay niya. Medyo natuwa siya dahil noong huling beses na gawin niya ito, hanggang anim na buhat lang ang kinaya niya.
Naisipan na niyang bumangon at inunat ang kanyang katawan na nagpalitaw sa back muscles niya.
Nanatiling malinis ang kanyang likod. Hindi man lang ito nagawang sugatan ng mga bubog na hinigaan niya. Nasanay na kasi ang katawan niya sa matinding training na pinagdaanan niya sa UFS.
Hindi lang sila sinanay roon para makipaglaban. Inilubog din sila sa mabibigat na ensayong nagpatibay sa kanilang katawan para sanggain ang anumang mabibigat, malalakas, at matatalim na bagay. Ito rin ang ginamit niya sa kanilang laban ni Rohaan Ahmad kaya kahit ilang beses siya nitong binalian, nanatiling matibay ang mga buto niya.
Lumipat naman siya sa malapad na kahoy na napupuno ng mga pako at doon isinagawa ang handstand pushup niya. Baligtad ang pagkakadikit ng mga pako roon. Ang ulo ng mga ito ang nakabaon sa kahoy, habang ang talim naman ang nakaharap sa kamay niya.
Pag-angat ng kanyang katawan, lalong dumiin sa talim ng mga pako ang dalawang palad niya. Inangat niya ang buong katawan hanggang sa makarating sa ere ang mga paa niya at ang ulo naman niya ang nasa lupa.
Dalawampung beses siyang nag-handstand pushup sa ganoong paraan bago kusang bumaba ang kanyang katawan. Pagtingin niya sa mga palad, hindi man lang iyon nadaplisan. Tanging bakas lang ng talim ang naiwan doon. Wala siyang tinamong sugat kahit isa.
Sa sumunod na bahagi ng kanyang workout, makikita naman siyang gumagamit ng chako o tabak-toyok habang pinapaikot-ikot ito sa ere at pinapalipat-lipat nang puwesto sa dalawang kamay. Habang ginagawa niya iyon, nakatapak muli siya sa mas matatalim na mga bubog.
Sinimulan niyang iwasiwas ang chako sa kanyang harapan habang humahakbang, lumulundag, at nagpapaikot-ikot sa gitna ng mga bubog ang kanyang mga paa. Hindi iyon nakaapekto sa galaw niya. Lalo pa ngang bumilis ang pagwasiwas niya sa tabak-toyok habang nasasaktan ang talampakan niya sa mga bubog.
Bukod sa mga iyon, marami pa siyang mga peligrosong workout routine na isinagawa sa terrace ng private chamber niya. Sa sobrang pulido ng kanyang mga galaw, kahit yata si Satanas ay matatakot na makaharap siya.
Pagkatapos niyang mag-work out ay nagpahinga na lang muna siya sa loob ng private chamber niya. Mamayang konti pa ang pasok niya sa school.
MULING tumilapon sa paligid ang mga gamit na ibinato ni Senator Basco. Umuwi silang luhaan dahil sa pagkabigong mahuli ang misteryosong caller na nagbabanta sa kanya.
"Mga wala kayong kuwenta lahat! Mga walang silbe! Isang tao lang ang hinahanap n'yo! Isang tao lang! Hindi n'yo pa nahanap! Sumapit na lang ang umaga na wala tayong nahuling tao dahil sa katangahan n'yong lahat!"
"Pero, Sir, hindi rin po tayo nakasisiguradong isang tao lang ang nasa likod nito. Malay n'yo, isang malaking grupo rin sila at 'yung nakausap n'yo ay isa lang din sa mga member nila," tugon sa kanya ng isang tauhan.
Isang malutong na sampal ang itinugon niya rito. "Sumasagot ka pa! Kayo na nga itong pumalpak at walang nagawa, kayo pa ang may ganang sumagot! Walang silbe!"
Napayuko na lang ang tauhan doon. Muli pa niyang pinagbabato ang mga gamit na mahawakan niya. Parang dinaanan na ng malakas na bagyo ang living room niya dahil sa dami ng mga kagamitang nagkalat sa paligid.
KASALUKUYANG pinapakain ni MG Cerino ng hilaw na karne ang alagang si Sparta nang pasukin ng isang miyembro ang silid niya.
"Paumanhin sa abala, Master," turan agad ng lalaki.
"Kumusta na ang pinagagawa ko? Na-trace n'yo na ba ang numerong ginamit ng lalaking nananakot kay Senator?"
"Sa kasamaang palad, mukhang sinira na po niya 'yung sim card na 'yon. Tapos 'yung GPS naman ng cellphone na ginamit niya, hindi na rin namin mahanap. Mukhang gumamit lang siya ng ekstrang sim at cellphone para makatawag kay Senator. Mukhang hindi talaga iyon ang personal number niya."
Napangiti naman si MG Cerino. Hindi siya marunong madismaya. Lagi siyang confident sa lahat ng mga bagay at sitwasyon. "Mukhang hindi nga basta-basta ang taong ito. Kung may lakas siya ng loob na magbanta kay Senator pati sa ating mga Spaterion, ibig sabihin isa rin siya sa mga malapit nating kaaway. Sa tingin mo, sino kaya siya?"
Saglit na napaisip ang lalaki. "Baka isa po sa mga Sigmatron, Master," sagot nito, tinutukoy ang Alpha Sigma Pi. "Mukhang masigla pa rin sila hanggang ngayon dahil sa pagkapanalo nila sa frat war last year. Marahil hindi pa sila nakukuntento kaya ngayon gumagawa pa sila ng bagong hakbang para lugmukin tayo lalo. Hindi po malabong mangyari iyon, Master. Lalo na't sa lahat ng tribo dito, sila pa lang ang kauna-unahang nakatalo sa atin."
Napaisip din siya sa sinabi ng lalaki. "May punto ka nga naman. Kung tunay mang sila ang nasa likod nito, hindi na tayo dapat mabahala dahil hindi magtatagal, gagantihan na natin sila. Malalaman din natin kung sino sa kanila ang may gawa nito. Sisiguraduhin ko na sa susunod nating pagsagupa, hindi na nila tayo magagapi."
Tumango naman ang lalaki at di nagtagal ay nagpaalam na muli. Nilingon niya ang alagang tigre at itinapat sa bibig nito ang natitirang bahagi ng hilaw na karne. Sa bawat ngasab nito ay umaalingawngaw sa buong silid ang mabangis nitong ungol.
MULING pinagkaguluhan si Dante ng malilikot na mga mata sa paligid. Katatapos lang ng klase niya sa umagang iyon. Dalawang oras pa bago sumapit ang tanghalian pero hindi na siya nakapagpigil na kumain sa canteen.
Medyo marami ang tao ngayon doon kaya hindi niya maiwasang mailang sa mga estudyanteng tingin nang tingin sa kanya habang kumakain. Alam niyang siya rin ang pinagbubulungan ng mga ito.
Isang babae ang naglakas-loob na lumapit sa kanya. "Hi kuya! Puwede bang maki-share ng table dito?"
Ayaw sana niyang pumayag. Pero nang makitang okupado na ang mga lamesa sa buong paligid, napilitan na lang siyang tumango rito kahit labag sa loob niya.
Tuwang-tuwa naman ang babae na parang sasabog sa labis na pamumula ng mga pisngi. Umugong muli ang mga bulungan sa paligid.
"Tangina ni Cindy, oh! Lahat na lang ng makitang guwapo sa mga freshman nilalandi niya!"
"Sayang naunahan pa tayo ng babaeng 'yan! Dapat pala naki-share na agad tayo ng table kanina para sana tayo ang kasabay kumain ni kuya!"
Karamihan sa mga matang nakamasid ngayon sa kanya ay galing sa mga babae. Panay ang kanilang sulyap sa pectoral muscles niya na bumabakas sa kanyang dibdib dahil sa manipis niyang black shirt. Medyo maiksi rin ang manggas niyon kaya litaw na litaw pati ang biceps niya.
Maya't maya rin ang sulyap sa kanya ng babaeng kaharap sa mesa. Ilang sandali pa, hindi na ito nakapagpigil na basagin ang katahimikan sa pagitan nila. "Kuya, ang cute mong kumain ng fish, 'no? Kinakamay n'yo po!"
Natawa siya nang hindi oras. "Ganoon naman talaga kinakain ang isda 'di ba?"
"Naku, kuya! Ganito ang tamang pagkain n'yan. Watch and learn!" asik pa sa kanya ng babae. Pinakita nito sa kanya kung paano nito hinimay ang isda sa pinggan nito gamit ang kutsara't tinidor.
Lalo siyang natawa na may kasamang inis. "Alam mo, mas malalasahan mo 'yan kapag kinamay mo." Pero naalala niya, nasa Maynila nga pala siya. At nasa loob pa ng isang mamahaling university.
Ngayon lang niya napagtanto na sa lahat ng mga estudyante roon, siya lang ang gumagamit ng kamay sa pagkain ng isda. Hindi tuloy niya alam kung dapat ba siyang mahiya para sa sarili niya.
"Kuya, freshman ka po ba?" pag-iiba sa kanya ni Cindy.
"Oo, ikaw?"
"Third year naman po."
"Third year?" Bigla siyang may naalala. "Ano'ng course mo?"
"I.T po."
"Oh, so kilala mo si Mike Rafael?"
Nagulat ang babae sa sinabi niya. "What? Kilala n'yo rin po siya?"
Matipid siyang tumango. "Siya ang pinakaunang nakilala ko rito. Bakit?"
"Ah, wala naman po."
"Close ba kayo?"
"Hindi po, eh. Actually, dalawang beses pa lang kami nagkausap ever since."
"Bakit naman?"
"Kastron po kasi siya, eh! Hindi kami nakikipag-close sa mga Kastron!"
Dumilim ang mukha niya sa narinig. Dito niya napatunayang maliliit nga ang tingin ng marami sa mga Kastron gaya ng assistant niya.
"Bakit naman ayaw n'yo sa mga Kastron?" pasimpleng tanong niya.
"Basta, para sa amin sila ang pinakamababang uri dito. 'Yang si Mike Rafael, sayang ang guwapo rin niya at matalino rin. Kung hindi lang siguro siya naging Kastron, baka matagal ko nang jinowa 'yan!"
"Ikaw ba? Ano ba'ng frat mo?"
"Wala po akong frat, eh. Pero ang gusto kong frat dito sa campus ay mga Spaterion!"
Lalong umangat ang mga kilay niya. "Ano naman ang nakita mo sa kanila at sila ang gusto mo?"
"Ah, sila po kase ang pinaka-cool na frat dito. Nasa kanila ang lahat ng magagaling at good-looking na members!"
Nawirduhan siya sa sinabi ng babae. Napaisip tuloy siya, parang ang layo na ng fraternity ngayon kumpara sa fraternity noong kapanahunan ng tatay niya.
Noong kabataan kasi niya, kahit hindi siya naging miyembro sa frat ng kanyang ama, nasaksihan naman niya ang makulay na tradisyon ng mga ito pati ang kanilang pagtutulungan bilang magkakapatid sa puso.
Kung dati-rati ay samahan ng matitigas at matitibay na tao ang fraternity na nagkakaisa para sa isang layunin at paninindigan, ngayon ay nagiging samahan na lang ito ng mga good-looking at pa-cool na estudyante?
"Bakit hindi mo naisipang sumali sa kanila? Tutal sila naman pala ang gusto mo?" tanong uli niya sa babae.
"Ah, hindi ko po kaya, eh! Hindi ko kaya 'yung initiation nila. Bukod kasi sa paddle, marami silang pinapagawa sa mga neophyte nila na sobrang nakakadiri at nakaka-humiliate! Sapat na sa 'kin 'yung ina-idolize ko sila."
Nangunot naman ang noo niya sa narinig. "Ina-idolize mo sila kahit gumagawa sila ng humiliation? No offense, ha? Pero tama bang i-idolize 'yun?"
"Naku! Hindi naman po sa ganoon, kuya! Alam mo kase, 'yung mga ganung humiliation ay parang part lang ng pagsubok mo para lalong tumibay ang loob mo. Sabi nga nila, those who cannot be a good follower, cannot be a good leader. Parang way lang nila 'yun para matutunan mong mapahaba ang pasensya mo, matanggal ang hiya mo, at matutunang lumaban sa buhay. Basta para sa 'kin, there's nothing wrong with that naman po. Talagang ayoko lang maranasan 'yun sa part ko kaya hindi ako sumasali."
Hindi alam ni Dante kung ano ang mararamdaman niya sa sinabi nito. Ayaw naman niyang saktan ang paniniwala nito kaya hindi na lang siya nagsalita. Wala siyang panahon makipagkontrahan. May iba siyang plano sa tribong ito kaya siya naririto ngayon.
SA DI KALAYUAN naman, lihim na nakamasid kay Dante ang grupo nina Logan Cerino. Dinukot niya sa bulsa ang cellphone at may tinawagan. "Nandito ngayon sa campus 'yung lalaking sinasabi ko sa 'yo. You know what to do."
Sumagot naman ang lalaki sa kabilang linya. "Yes, master! Nasa amin na 'yung picture niya. Alam na namin ang hitsura niya. Mamaya, aabangan na lang namin siya sa labas."
"Base sa observation ko, doon siya sa I.T building lumalabas. Lagi rin siyang dumadaan sa Apollo Street. Paniguradong nadadaanan niya 'yung secret hideout natin doon. Gusto kong doon n'yo siya abangan at tirahin! Maliwanag?"
"Copy, master! Kami na ang bahala sa kanya. Sisiguraduhin namin sa inyo na uuwi siyang baldado. Nakahanda na rin ang mga ka-brod natin dito."
"Okay. Don't forget to call me kapag nabagsakan n'yo na siya. Gusto kong makita ang bugbog niyang katawan."
"No problem, master!"
Tinapos na ni Logan ang tawag at muling tumitig sa kinaroroonan ni Dante. Nakita pa niya kung paano ito nilapitan ng ibang babae at naki-share na rin sa table nito.
Hindi niya maiwasang makaramdam ng inggit. Kanina kasi, sa kanya lang lumalapit at bumabati ang karamihan sa mga babae. Ngunit dahil sa muli nitong pagdating, ito na naman ang pinagkakaguluhan ng lahat ngayon.
"May bago na namang attraction dito sa campus dahil sa lalaking 'yan. Lagi niyang inaagawan ng eksena si Pareng Logan!" sabi naman ni Eman na nasa tabi niya.
"Hanggang ngayon na lang 'yan. Bukas na bukas makikita n'yo, hindi na makakapasok 'yan sa tindi ng pilay na dadanasin niya sa kamay ng ating mga kapatid!" asik naman ni Andrei habang nakaakbay sa kanya.
"Pero mukhang macho rin ang isang 'to, 'di ba? Tingnan n'yo naman, oh. Parang mapupunit na 'yung damit sa laki ng muscles!" komento naman dito ni Vinston.
Tinawanan lang iyon ni Logan. "Ang dami ko nang kinalaban at pinatumbang mas malalaki ang katawan kaysa d'yan. Saka kung palakihan lang naman ng katawan, hindi uubra sa 'kin ang lalaking 'yan! Subukan lang nilang pagtabihin kaming dalawa, ewan ko lang kung hindi lumiit 'yan sa paningin nila!"
"Tama!" sigaw ni Andrei. "Lalamunin lang 'yan ng ka-macho-han ni master!"
Patuloy silang nakamasid sa lalaki na habang tumatagal ay unti-unti na ring nilalapitan ng iba pang esutydante para makipagkaibigan.
"WHAT! Noooo! Hindi ako makakapayag! No, Ma'am! Never! Not in this lifetime!" histerikal na tugon ni Eunice Dorado sa I.T prof nilang si Ms. Janine Versoza matapos nitong ianunsyo ang final groupings para sa kanilang group project.
"Kung sigawan mo ako, parang hindi ako ang prof mo!" maldita namang sagot ng matabang prof na may malaking nunal sa gilid ng ilong.
Nagsimulang magtawanan ang mga classmates nila sa paligid.
"Sorry naman, Ma'am! Kasi naman, eh! Bakit kailangang i-partner mo pa ako sa Mike Rafael na 'yon! Tapos siya pa talaga ang leader namin? Hell no! Nevah!"
"Ang bitter mo Ms. Dorado! Pinanganak ka ba sa ampalaya? Bakit naman ayaw mong makagrupo si Mike Rafael?"
Hindi alam ni Eunice kung paano pa sasagutin ang prof. "Kasi naman, Ma'am! Bakit hindi na lang kami ang hayaan n'yong mamili ng grupo namin?"
"We've done it last time but it didn't turn out well. Lalo lang kayong nagiging magulo at walang nagagawa kapag mga barkada n'yo ang nakakasama n'yo. I want you to be flexible! Kailangan lagi kayong ready kahit sinong tao pa ang makasama n'yo, kaya ako ang nag-organize ng magiging groupings n'yo ngayon!"
"But, Ma'am--"
"Wala nang Ma'am, Ma'am! Mike Rafael will be your group leader!"
Kahit natatakot magsalita, napilitan nang magtaas ng kamay si Mike. "Ah, Ma'am. I have a suggestion po. Why don't we make Eunice as the group leader instead? I think that would be fair, Ma'am."
"No, Mike. This is my final desicion. Besides, naging group leader na rin si Eunice sa nakaraang project. Gusto ko iba naman ang maging mga leaders ngayon. Para lahat kayo, ma-develop ang leadership skills sa inyong mga sarili!"
Tapos na rin naman ang klase sa mga oras na iyon kaya hindi nagtagal ay umalis na ang prof nila. Sila na lang ang naiwan doon kasama ang mga kaklase nilang panay ang tukso sa kanilang dalawa.
Kilala kasing mortal na magkaaway sina Mike Rafael at Eunice Dorado. Kahit hindi sila magkasundo, sila ang laging tinutulak ng mga classmates nila sa isa't isa. Umaasa yata ang mga ito sa enemies to lovers na fairy tale. Isang bagay na malabong mangyari sa kanila dahil malaki ang galit sa kanya ni Eunice.
Kahit guwapo at matalino siya, labis pa rin ang pandidiri nito sa kanya dahil isa siyang Kastron, habang si Eunice naman ay isa sa pinakamahusay na babaeng martial artist ng Kappa Delta Upsilon. Katunayan nga ay ito ang representative nila sa Judo category ng NAAP.
May ilang segundo siyang nanigas sa kinatatayuan habang pinagmamasdan ang babae na masama pa rin ang loob sa naging resulta ng groupings. Kasama niya ang dalawa pang kagrupo niya. Ito na lang ang nakatalikod sa kanila.
Sinubukan niya itong lapitan para sana kausapin, pero bigla na lang itong naglakad padabog at lumabas ng room. Napabuntong-hininga na lang siya at yumuko sa labis na panlulumo.
Ang hindi kasi alam ng lahat, totoong may feelings talaga siya para kay Eunice. Sobrang attracted siya sa mga babaeng martial arts din ang main sports gaya nito. Pareho lang silang marunong lumaban. Itinatago nga lang niya ang sa kanya.
Ayaw na sana niyang sundan ang babae, pero dahil siya ang group leader, responsibilidad niyang disiplinahin ang lahat ng member niya. Napilitan siyang sundan ito sa labas na lalong nagpasigaw sa mga classmates nila.
Naabutan niyang pababa pa lang ng hagdan ang babae. Tinawag agad niya ito. "Eunice!"
"Whaaaat!"
Nagulat siya sa bigla nitong pagsigaw. Halos dumagundong sa buong pasilyo ang boses nito.
"We have a meeting for our group. Can you please join us before you leave?"
"I don't fucking care about you! Go away kung ayaw mong ikaw ang kaladkarin ko palayo!"
"Huwag ka namang ganyan sa akin, Eunice. Hindi naman ako ang namili ng member, eh, kundi si Ma'am Janine. Hindi ko kasalanan na pinagsama niya tayo sa iisang group."
Dumadagundong ang mga paa na lumapit sa kanya ang babae at hinablot ang uniform niya. "Humanda ka sa mga ka-brod ko! Ipapabugbog kita mamaya paglabas mo! Alam kong plinano n'yo na naman lahat 'to para buwisitin ako!"
"Uy, huwag ka naman ganyan. Wala nga akong kinalaman sa groupings! Si Ma'am lahat ang gumawa n'on!"
"Wala akong pakialam! Makakatikim ka talaga mamaya sa aming lahat makikita mo! Aso ka lang dito, ah! Aso ka lang naming mga Spaterion! You'll never be a leader!"
"Kung ang pagiging leader ko lang naman ang problema, puwede naman nating kausapin si Ma'am Janine, eh. Let's convince her na ikaw na lang ang gawing leader. I have no problem with that naman."
"You fucking crazy! Kahit ako pa ang maging presidente ng Pilipinas, ayaw kita sa cabinet ko! I don't want to be associated with you!"
"Bakit ba ang init ng ulo mo sa 'kin? Masyado mong pinepersonal 'yung away ng frat natin. Wala naman akong ginawa sa 'yo pero kung magalit ka sa akin, para akong nakagawa ng malaking krimen."
"Isang malaking krimen ang pagkabuhay mo sa mundo!"
"Grabe ka naman, Eunice," pagpapaawa niya sa napakaamong tinig.
Muli nitong hinatak ang uniform niya at tinulak-tulak siya. "Sige, gusto mo 'kong maging ka-group? Pagbibigyan kita! Sa isang kondisyon! Kung matatalo mo ako sa one-on-one fight!"
Napalunok siya ng laway. "Bakit naman kailangan pang umabot d'yan, Eunice? Hindi ako marunong makipag-away."
Ngunit ginulat siya ng tatlong magkakasunod na suntok na pinakawalan nito. Muntik pang mahulog ang salamin niya sa pagdapo ng mga kamao nito sa kanyang mukha.
"Lumaban ka! Huwag mo 'kong kaawaan! Kung gusto mong maging kagrupo ako, talunin mo muna ako sa one on one!"
Iniharang na lang niya ang mga kamao rito. "Sinasabi ko sa 'yo hindi nga ako marunong makipaglaban! Please stop this!"
Isang malakas na sipa ang pinakawalan nito sa sikmura niya na tuluyang nagpatumba sa kanya. "I quit! I won't participate in your group! Mas gugustuhin ko pang bumagsak na lang kaysa maging kagrupo ka. Goodbye!"
Napayuko na lang muli si Mike at inayos ang uniform niya. Ilang beses na niyang sinubukang makipag-ayos sa babae pero kahit anong usapan yata ang gawin nila, hinding-hindi talaga sila magkakasundo.
PASADONG alas-kuwatro ng hapon nakalabas si Dante. Tulad ng dati, doon siya dumaan sa exit ng I.T building na paborito niyang daanan pauwi. Nandoon kasi ang daan patungo sa Apollo Street, ang pinakamalapit na shortcut sa Nexus.
Isang tahimik na lugar ang Apollo Street. Bihira na lang ang mga bahay at gusali rito. Kung meron man, kadalasan ay puro abandonado na lang.
Lubhang napaka-boring doon at nagmumukhang haunted city lalo na tuwing sasapit ang gabi. Kaya nga doon siya laging dumadaan para makaiwas sa mga estudyanteng buntot nang buntot sa kanya.
Sa kalagitnaan ng kanyang paglalakad, biglang bumulaga sa kanya ang grupo ng mga lalaking may dala-dalang paddle at baseball bat. Mabilis siyang pinalibutan ng mga ito habang tinititigan nang masama.
Sa isang iglap lang, ang tahimik na lugar ng Apollo Street ay biglang binulabog ng magkakasunod na ingay!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro