Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 93❀

SANA panaginip na lang ang lahat ng 'to.

Iyon ang naisip ko noong dumilat ang mga mata ko. Nanatili lang akong nakatulala sa kimase, nang maaalala ang huli kong natatandaan ay kusang tumulo ang mga luha sa'king mata.

Nasa isang hindi pamilyar na silid ako, nang bumangon ako'y saka ko lang napagtanto na tila nasa hotel ako base sa ayos nito. Bigla akong kibahan kaya dali-dali akong lumabas ng silid at natigilan sila nang makita ako.

Sabay pang napatayo sina Miggy at Auntie Emily, napatakip ng bibig ang huli.

Nanatili akong tuod sa kinatatayuan ko. Hanggang sa lumapit sa'kin si Miggy at marahan akong iginiya palapit kay Auntie.

"I'll go ahead," paalam ni Miggy bago kami iwanan.

Nang maiwan kaming dalawa ni Auntie Emily ay hindi pa rin ako kumilos. Para akong naestatwa sa kinatatayuan ko.

"R-Remison!" si Auntie ang unang sumunggab sa'kin. Mahigpit na mahigpit ang pagkakayakap niya. At nang marinig ko ang paghikbi niya'y hindi ko na rin napigilan ang sarili ko na yakapin siya pabalik at humagulgol sa balikat niya.

Nanlambot ang mga binti ko nang muling pumasok sa isip ko ang mukha ni Mamang sa tarpaulin na nakita ko kanina.

"S-Sorry... S-Sorry po... S-Sorry..." Paulit-ulit kong sambit. Umiling lang nang umiling si Auntie subalit hindi nito napigilan ang paghingi ko ng tawad. "S-Sorry, Mamang... S-Sorry, Auntie..."

Walang inusal si Auntie, nanatili lang siyang nakayakap sa'kin at nakaalalay.

Alam ko ang dami naming dapat pag-usapan, ang daming dapat itanong at sagutin. Pero noong mga sandaling 'yon ay wala kaming ibang sinabi sa isa't isa kundi isang salita lamang.

Ngayon ko lang talaga napagtanto... Ganito pala ang pakiramdam na sampung taon na lumipas. Matagal na pahanon. Totoo talaga.

Buong magdamag lang kaming umiyak, hindi umalis si Auntie sa tabi ko. Hanggang sa hindi ko na naman namalayan na sa magdamag na 'yon ay nakatulugan ko na ang pag-iyak o nawalan na naman ako ng malay. Hindi ko na alam.

Naalimpungatan na lang ulit ako, nakahiga ako sa sofa. Naamoy ko 'yung pagkain sa lamesita kaya bumangon ako at sumulyap sa wall clock. Pasado ala sais ng umaga.

"Kain na," dinig kong sabi ni Auntie. Galing siya sa kusina at dala-dala ang dalawang mug. "Dinala ni Miggy 'yang pagkain kanina. Hindi kasi kita maiwanan."

Damang-dama ko 'yung pamumugto ng mga mata ko. Nakaramdam na ako ng gutom kaya hindi ko na natiis at dinampot ko 'yung pandesal. Sunod-sunod akong sumubo ng lugaw. Nanood lang sa'kin si Auntie hanggang sa maubos ko lahat ng pagkain.

Natigilan ako saglit at tumingin sa kanya. "H-Hindi po ba kayo kakain?"

Ngumiti si Auntie. "Kuntento na akong makita kita." Nagkatitigan ulit kami at muli ko na namang naalala ang nangyari.

"A-Auntie... W-Wala na si M-Mamang..." Tumabi sa'kin si Auntie at muli akong niyakap. "S-Sorry... S-Sorry..."

"Ming, hindi mo kasalanan kung bakit kinuha na siya."

"P-Pero... H-Hindi ko man lang siya nakita." Pumatak na naman ang luha na kaagad niyang pinahid. "B-Bakit naman gano'n? B-Bakit hindi ko man lang siya naabutan? B-Bakit hindi niya ako hinintay?"

"Alam mo... Araw-araw pinagdarasal ni Mamang noon na magising ka na." Hinilig ni Auntie 'yung ulo niya sa ulo ko habang nakaakbay. "Palagi niyang pinagdarasal at hinihiling sa Maykapal na kunin ang buhay niya bilang kapalit ng kagalingan mo. Pero hindi mo kasalanan, Ming—hindi mo kasalanan kung natupad ang hiling ni Mamang."

Mas lalo lang lumakas ang paghikbi ko sa sinabi niya.

"Sa totoo lang..." Naramdaman ko na 'yung pagyugyog ng balikat niya. "Sa totoo lang... Maraming beses kaming nawalan ng pag-asa, maraming beses naming naisip na wala ka nang pag-asang gumising. Kaya alam ko... Alam ko, Ming, masayang-masaya si Mamang nang malaman niyang nagising ka kahit na binawian na siya ng buhay. P-Patawarin mo kami..."

Ako naman ang umiling. Wala silang dapat ihingi ng tawad sa'kin.

"Kung hindi ako umalis noon, baka akala n'yo na galit ako sa inyo kaya ako biglang nawala—"

"Hindi, Ming, naiintindihan namin ni Mamang, alam kong ginawa mo lang 'yon para takasan si Miguel."

"Hindi man lang ako nakapagpaalam nang maayos, ni hindi ko kayo kinausap. Maling-mali ako, Auntie... Kaya pinarusahan ako ng Diyos."

"Diyos ko, Remison. Huwag mong isipin 'yon. Hindi 'yon totoo."

"Totoo 'yon, Auntie. Wala akong utang na loob sa mga taong nag-alaga sa'kin—"

"Tama na. Ayokong marinig ang kahit anong sisihan sa nakaraan. Lahat ng mga nangyari noon, kahit na hindi maganda, kagustuhan 'yon ng nasa itaas."

Parang hindi ko maintindihan 'yong huli niyang sinabi. Kung ito ang kagustuhan ng nasa itaas... Bakit? Wala akong ibang makitang dahilan kundi kaparusahan sa ginawa ko.

Kaya lahat ng sakit... Siguro deserve ko 'to.

Nang parehas kaming mahimasmasan ay saka nagkwento ng ibang detalye si Auntie Emily. Simula nang dalhin ako sa ibang bansa ay madalang daw silang makatanggap ng balita tungkol sa kalagayan ko. Hindi nila alam kung nasaan daw ako bilang pag-iingat mula kay Miguel Altamirez.

Hanggang sa isang araw ay biglang sinugod si Mamang sa ospital nang madapuan ito ng sakit, iyon daw 'yung araw na nabalitaan nila na nagising ako subalit walang maalala. Naging malala ang karamdaman ni Mamang, kagaya nang sabi ni Auntie ay natupad ang kahilingan ni Mamang.

Para raw pinagpalit ang kalagayan namin dahil nagising ako't si Mamang ang nawalan ng malay sa ospital. One week ago, tuluyan nang hindi kinaya ng katawan nito. At kahapon... Kahapon lamang ito inilibing.

Kahit libing ay hindi man lang ako nakaabot.

Kaya noong araw na 'yon ay pinilit ko siya na dalhin ako sa himlayan ni Mamang. Dumating si Miggy para ihatid kami ni Auntie.

Tama nga rin 'yung hinala ko na nasa hotel kami. Magulo raw kasi ang bahay ni Auntie kaya rito ako dinala pansamantala.

Nang makarating kami sa mismong puntod ni Mamang ay hindi ko na ulit nakontrol 'yung sarili ko sa paghagulgol. Kaagad na umalalay si Auntie sa'kin.

Sa kabila ng mga narinig kong sinabi ni Auntie kanina'y hindi pa rin naglaho ang sakit at pagsisisi sa puso ko. Umiyak lang ako nang umiyak habang sa isip ko'y paulit-ulit akong humingi ng kapatawaran.

Hindi ko na alam kung ilang oras ang lumipas bago ulit ako mahimasmasan. Nasa tabi ko pa rin si Auntie at nakaakbay sa akin.

"Nangako ako kay Mamang," nagsalita bigla si Auntie. "Na sa oras na magbalik ka'y hihingi ako ng kapatawaran sa'yo para sa kanila."

"P-Para saan naman po?"

"Dahil hindi nila nagawang sabihin sa'yo ang totoo noon."

Sa harapan ng puntod nina Mamang at Papang, nilahad ni Auntie ang kasaysayan na nagawa nilang itago sa'kin noon.

"Naging trabahador at katulong noon sina Papang at Mamang sa isang mag-asawang haciendero. Bayolente at seloso si Don Pio, hindi lingid 'yon sa kaalaman ng mga tauhan nila, na sinasaktan nito si Doña Alba. May hinala si Don Pio na nanlalalaki ang asawa niya at hindi nito anak ang nasa sinapupunan nito noon. Kaya tinakas nina Mamang at Papang ang sanggol nang ipanganak ito. Pinangalanan nilang 'Judy Rose' ang sanggol.

Inalagaan nila at minahal na parang kadugo si Judy. Aminado naman ako na pinagselosan ko 'yon noon, pero sa kabila no'y ay nakuha ko ring mahalin na parang tunay na kapatid si Judy. Labing-walong taon ang lumipas, natunton kami ni Doña Alba para bawiin ang anak niya.

Namatay si Don Pio at wala silang ibang naging anak. Kaya matindi ang kagustuhan ni Doña Alba na muling makapiling si Judy, pero isa lang ang hindi nito nagustuhan—ang pagdadalang-tao noon ni Judy. Kaya nang ipanganak ka ni Judy ay iniwan ka kina Mamang."

Natulala lang ako matapos ilahad 'yon ni Auntie. "P-pero... Bakit natakot noon si Mamang kay Tito Miguel?"

Napabuntong-hiniga si Auntie. "Kapag naririnig ko ang pangalan na 'yan ay kumukulo ang dugo ko. Natakot si Mamang noon dahil nagawa niyang paikutin ang kwento, na kinidnap daw nila si Judy at magkakaroon ng kaso—kaya inatake noon si Mamang dahil sa kanya."

Napakuyom ako ng palad. Nasulyapan ko si Miggy sa malayo, nakasandal sa kotse nito habang nakatanaw sa amin.

"Hindi namin alam kung paano nalaman ni Miguel 'yong lihim na 'yon, kaya sa sobrang kaba ni Mamang ay nagawa niya ring pumayag noon na pilitin ka na ipakasal kay Miggy—pero hindi ka sumulpot noong gabi ng debut mo."

Naalala ko bigla 'yong gabing sinabi ni Miggy 'yon sa'kin. Kung gano'n... Kung tumuloy ako ng gabing 'yon at sinabi sa'kin ni Mamang na magpakasal ako kay Miggy... Siguro baka iba ang nangyari ngayon.

"Alam ng gagong 'yon na apo ka ni Doña Alba. Ayaw ding maeskandalo ang pamilya kaya hindi niya kaagad sinabi na ikaw ang totoo niyang anak kaya pasimple ka niyang ipinagkasundo sa ampon nilang si Miggy."

"May tanong lang ako Auntie..."

"Ano 'yon?"

"Ibig sabihin... Alam n'yo na noon na siya ang totoo kong ama?"

"Hindi, sa totoo lang." Napayuko siya. "Pero may kutob na ako noon pa man. Bago pa mabuntis si Judy noon ay alam kong matagal na silang hiwalay ni Eliam. Sa tuwing tinatanong ko si Judy kung si Eliam ba ang ama ay hindi siya sumasagot. Kasabay noong mga panahon na 'yon na umalis na bigla sina Miguel.

"Mas lumakas 'yung hinala ko noong biglang lumitaw ulit si Miguel at nang gustuhin nitong ipakasal ka kay Miggy. At nakumpirma lang noong maaksidente ka, nag-usap kami ni Miguel at sinabi niya sa'kin na siya ang totoo mong ama."

Biglang nakiramay ang kalangitan sa'min, napalitaan ang maaliwalas na langit ng kulimlim. Bago pa tuluyang pumatak ang ulan ay muli kaming bumalik sa pinanggalingan naming hotel kanina.

Muling nagpatuloy sa kwento si Auntie. Noong naaksidente ako'y nagulat sila nang biglang lumitaw si Doña Alba upang akuin ang responsibilidad nang pagpapagamot sa'kin. Wala naman silang nagawa ni Mamang, lalo nan ang magdesisyon ito na sa ibang bansa ipagpatuloy ang pagpapagamot sa'kin.

"Bakit kayo pumayag?" tanong ko kahit na alam ko ang sagot. Pumayag sila dahil mas may kapasidad si Doña Alba na suportahan ako.

Sinagot nga ni Auntie ang nasa isip ko.

"At saka pakiramdam namin ay wala kaming karapatan noong mga panahon na 'yon. Kahit na gusto naming sumbatan ang matandang 'yon na ipaiwan ka. Kaya humihingi rin kami ng tawad na hindi ka rin namin nagawang ipaglaban at suportahan."

Umiling ako. "Naiintindihan ko naman po, Auntie..." Kahit na sa totoo lang ay hindi ko maintindihan kung bakit ba lahat ng 'to'y kailangan kong sapitin.

Nang makarating kami sa hotel ay nagsabi si Miggy na padadalhan na lang kami ng tanghalian dito sa kwarto namin. Nagmistula siyang alalay namin dahil kagabi pa siya hindi nakikisali sa pag-uusap.

"Si Poknat, Auntie? Hindi niya ba kayo pinuntahan noong dalhin ako sa abroad?" Pagkasabi ko no'n ay natigilan si Miggy sa pintuan, sinara nito ang pinto at lumingon sa direksyon namin.

"Ming... Balak mo siyang puntahan din, ano?"

"Oo naman, Auntie. Pinilit kong umuwi rito para sa inyo ni Mamang at para sa kanya."

Biglang tumingin si Auntie sa direksyon ni Miggy at tila nag-usap ang kanilang tingin. Noong mga sandaling 'yon ay bigla akong kinutuban ng hindi maganda.

"Ang totoo niyan, Ming—"

"Stop." Napatingin ako kay Miggy na biglang nangialam.

"Miggy, wala naman ding saysay kung patuloy n'yo pang itatago sa kanya."

"Itatago ang alin?"

"Don't you see that she's suffering?" Giit ni Miggy. "You'll hurt her more."

"Walang magagawa ang pagde-delay, Miggy. Hindi porque hindi na sasabihin kaagad s kanya, hindi na siya masasaktan." Biglang tumayo si Auntie. Mas lalong lumakas 'yung kabog ng dibdib ko. "Hindi na bata si Remison. Masakit man pero kailangan niyang harapin ang katotohanan."

"A-ano bang sinasabi n'yo?" Hindi nila ako pinansin.

"Remi, please—" hinawakan ako ni Miggy para hilahin pero kaagad kong binawi 'yung kamay ko.

Tama si Auntie. Anong sense kung itatago nila sa'kin? Kung balang araw malalaman ko rin at kung masasaktan at masasaktan ako?

"Miggy, umalis ka na muna," utos ko.

"Pero—"

"Please lang, Miggy!" Nabasa niya sa mga mata ko na pagod na ko sa mga pagkukubli nila ng totoo. Sa huli'y sumuko rin siya at dismayadong iniwanan kami ni Auntie.

Humarap ako kay Auntie na ngayon ay hindi man lang kumukurap, handang-handang sabihin sa'kin ang isa pang katotohanan na maaaring ikawasak ng puso ko.

"A-Anong totoo, Auntie? Alam mo kung bakit hindi ako dinalaw ni Poknat?"

"Nandoon ako noong mga panahong 'yon..." Hinawakan ako ni Auntie at sabay kaming umupo. Pinisil niya muna 'yung kamay ko at saglit na humugot nang hininga. "Nang maaksidente kayo... Nagising kaagad si Poknat... Dalawang taon ka niyang inantabayanan, hindi siya umalis sa tabi mo." Tumulo ang luha ko nang marinig 'yon. "Hanggang sa dumating si Don Gotzon, lolo ni Poknat. Hindi niya gusto na sinasayang ni Poknat ang oras niya sa ospital dahil ayaw ka niyang iwanan... Kaya nagkasundo sila ni Doña Alba..."

"Nagkasundo na?"

Napapikit saglit si Auntie. "Na ipalabas kay Poknat... na patay ka na." 


-xxx-

THANK YOU AGAIN! ('▽'ʃ♡ƪ)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro