DALAGA 9❀
"OY, balita ko pinagalitan kayo ni Ma'am kahapon ah!" nagulat ako kasi biglang lumapit si Viggo sa'kin.
Biglang bumilis 'yung pintig ng puso ko kaya pinilit kong umakto ng normal.
Bakit ganito? Tropa naman kami ni Viggo, bakit ako naiilang sa kanya?
Umupo siya sa upuan ni Oliver at humalukipkip.
"A-Ah... Oo eh," sagot ko at hindi ako makatingin sa kanya ng maayos. "Si Marty kasi... kung 'di niya kinuha 'yung libro ko hindi sana makikita ni Ma'am."
"Marty!" biglang sigaw ni Viggo sa likuran at maya-maya'y lumapit sa'min si Marty na kakamut-kamot sa ulo. "Oh, inaway mo na naman si Remison."
"Ha? Ako na naman?" maang ni Marty at tiningnan ko siya nang masama.
"Oo, ikaw kaya!" sabi ko. "Mabuti na lang talaga mabait si Ma'am Annaliza!"
"Magsorry ka, Marty," seryosong utos ni Viggo.
Napatingin ako kay Viggo, hindi ko alam kung bakit niya 'ko pinagtatanggol kay Marty. Parang uminit 'yung pisngi ko.
"Boss Viggo naman..." sabi ni Marty at mukhang ayaw pang magsorry.
Pero sa huli walang nagawa si Marty, mukhang takot siya kay Viggo kaya humarap siya sa'kin at nakabusangot.
"Sorry, Remison," sabi ni Marty na labas sa ilong.
"Hindi ka lang dapat magsorry sa'kin," sabi ko at lumingon ako sa kinaroroonan nila Deanna. "Pati sa kanila."
"Ha?! Bakit ako magsosorry sa mga panget na 'yan?" maang ni Marty at pinalakihan ko siya ng mata.
"Sinong panget?!" narinig pala 'yon ni Kendra at lumapit sa'min. "Excuse me, Marty? Sa pretty kong 'to?"
"Pretty pretty ka diyan. Tabatchoy!" sigaw ni Marty kay Kendra.
Si Kendra naman ay nasaktan at kaagad na ngumawa at bumalik kay Deanna.
"Uwaaaa Deannaaaa, sinabihan akong tabatchoy ni Marty!" ngalngal ni Kendra.
"Manahimik ka nga Kendra! Eh totoo naman!" imbis na ipagtanggol ay nakidagdag sa pang-aasar si Deanna. Natawa si Alex.
"Pwe! Ikaw nga laki nunal kamuka mo si Gloria!" sigaw ni Marty kay Deanna.
Sumimangot si Deanna at mas natawa si Alex.
"May nakakatawa, Alex?!" mataray na sabi ni Deanna sa katabi niyang si Alex. Tumiklop si Alex pero pigil pa rin ang tawa.
Walang anu-ano'y tumayo si Viggo at kinaltukan si Marty sa ulo.
"Aray ko!" inda ni Marty habang hawak ang ulo.
"Kolokoy ka talaga, Marty!" sabi ni Viggo. "Tinuro ko sa inyo ni Andrei na maging gentleman sa mga girls!"
"Oyoyoyoy, ano meron?" siyang dating ni Andrei na ngiting-ngiti.
Si Deanna ay umayos at hinagod ang kanyang buhok para magpaganda kay Andrei. Tumigil na si Kendra sa pag-ngawa (deep inside 'ata crush din niya 'ata si Andrei, hindi lang alam ni Deanna)
. "Si Marty, hindi na naman nagpapakagentleman," reklamo ni Viggo at humalukipkip.
"Ano ba 'yan, Marty, bakla ka talaga siguro," pang-aasar ni Andrei.
"Hindi ah!" palag ni Marty na mas nilakihan ang boses.
"Sige nga, kung hindi ka bakla ililibre mo kami ng scramble!" panghahamon ni Kendra.
Kaya noong sumapit ang uwian ay nilibre kami ni Marty ng tiglilimampisong scramble na nagtitinda sa may gate.
Nakakatuwa kasi punumpuno ng toppings 'yung scramble naming kulay pink!
Labag sa kalooban ni Marty na ibayad 'yung ipon daw niyang fifty pesos. Pati si Andrei at Viggo ay kasama namin.
Pare-parehas kaming hindi pa dumadating 'yung mga service (sundo) namin kaya nasa may gilid lang kami at nakaupo sa sidewalk habang kumakain.
Si Deanna habang kumakain ng Scramble ay panay sulyap kay Andrei na hindi naman tumitingin sa kanya, tapos parang nang-aakit 'yung pagkain niya.
"Maglaro kaya tayo?" biglang sabi ni Andrei nang maubos ang kinakaing Scramble.
"Sige!" kaagad na reaksyon ni Deanna.
"Eh, paano pag dumating na 'yung service natin—" angal ni Alex pero siniko siya ni Deanna at pinanlakihan ng mga mata.
"Ano namang lalaruin natin?" tanong ni Kendra.
"Hmm..." napaisip si Andrei at tumingin siya kay Viggo. "Naiisip mo ba ang naiisip ko, Boss Viggo?"
Napakunot kaming mga girls dahil hindi namin nagets kung anong pinag-uusapan nila.
Sa pangunguna ni Andrei ay pumunta kami sa likurang bahagi ng iskul kung saan may lumang mga klasrum na hindi na ginagamit.
"Uy, pwede ba tayo rito?" nag-aalalang tanong ko.
"Siyempre bawal! Kaya nga secret lang 'to!" pilyong sabi ni Andrei at nilagay ang daliri sa bibig.
"Uyy, Deanna, 'yung service natin!" nag-aalalang sabi ni Alex.
"Alex! Hayaan mong maghintay 'yun!" inis na sagot ni Deanna.
Pumasok kami sa loob ng lumang klasrum at doon may mga upuang nakapalibot.
Maliwanag sa labas kaya hindi bukas 'yung ilaw sa kisame ay okay lang. Sinara lang ni Marty 'yung pinto.
Nilabas ni Andrei mula sa bag niya ang isang malaking notebook.
"Secret lang natin 'to ah," sabi ni Viggo sa'min. "Palagi kaming tatlo rito, naglalaro kami."
"Naglalaro ng ano?" tanong ni Kendra.
"Spirit of the coin!" bulalas ni Marty at nilaliman ang boses. "Magtatawag tayo ng kaluluwang ligaw!"
"Kyaaah! Ayoko uuwi na 'ko!" sigaw ni Kendra at akmang aalis pero piniglan siya ni Deanna.
"Huwag kang killjoy, Kendra! Sama-sama tayo rito!" pilit ni Deanna at wala nang nagawa si Kendra.
Nilabas din ni Andrei ang isang lumang barya, malaki 'yon kumpara sa normal na piso. Tapos binuklat niya 'yung notebook.
Nakita namin 'yung mga letra at numero na nakasulat doon.
Tinuruan kami ni Viggo kung paano laruin 'yon. Tapos pinatong namin 'yung mga daliri namin sa barya.
Walang nagsasalita sa'min tapos maya-maya biglang gumalaw 'yung barya.
Napatingin ako sa mga kasama ko at nakitang seryoso sila.
"Spirit of the coin..." biglang nagsalita nang malalim si Viggo. "Andito ka na ba?"
Ilang sandali pa'y gumalaw ang barya patungo sa YES.
Naramdaman ko 'yung takot ng mga kasama ko maliban kila Viggo, Andrei at Marty na parang sanay na sanay na rito.
"Anong pangalan mo?" tanong naman ni Andrei.
Unti-unting gumalaw 'yung barya patungo sa mga letra nang makaramdam kami.
"A-Ano 'yon?" tanong ni Kendra.
Sabay-sabay kaming napatingin sa pintuan at nakita ang pinto na unti-unting bumubukas.
Tila umihip ng malamig ang hangin at lahat kami'y natigilan at tumingin doon.
"Kyaaaaahhh!" nauna na ang tili ni Kendra kaya nagkandahawa-hawa na. Lahat kami ay napatayo at nagsigawan.
Bumukas ang pinto at narinig ko ang pagtawa ni Andrei at Viggo.
Dahil nandoon si Azami, kumakaway sa'min.
"S-Sali ako," nakangiting sabi ni Azami sa'min.
Kinabukasan ay imbyernang-imbyerna pa rin si Deanna kay Azami. Umaga pa lang ay sinabihan na niya kami na huwag na huwag papansinin si Azami dahil bad trip pa rin siya sa nangyari kahapon.
Dahil nga friends na rin ni Azami sila Viggo, Andrei, at Marty ay nakasali ito sa'min.
Walang magawa si Deanna kundi bumusangot.
Pero... Napansin ko... Hindi na takot at nahihiya si Azami.
"Laro ulit tayo mamayang uwian!" yaya ni Viggo sa'min. "Sama kayo? Tayu-tayo ulit kahapon."
Bago ako sumagot ay tumingin muna ako kila Deanna.
"Sorry, susunduin kami ng maaga eh," sagot ni Deanna na nakanguso at nakataas ang kilay.
Alam kong gustuhin man niyang makasama ay alam niyang sasama si Azami kaya ayaw niya.
Sumunod lang si Alex at Kendra kay Deanna.
"Ikaw, Remison?" tanong sa'kin ni Viggo.
"'D-Di ko pa sure eh..."
"Ah, gano'n ba," sabi ni Viggo at umalis.
Biglang pumunta sa harapan ko si Deanna.
"Subukan mo lang sumama, Remrem! Kapag lumapit ka sa kuto girl na 'yon hindi ka namin ulit bati!" pagbabanta niya sa'kin.
Nasa magkabilang gilid niya si Alex at Kendra, tahimik lang na nakatingin sa'kin.
Noong mga panahon na 'yon ay may tanong ako na matagal ko nang gustong itanong kay Deanna.
Parang bigla akong nagkaroon ng lakas ng loob...
"Ano bang ginawa sa'yo ni Azami? Bakit ba inis na inis ka sa kanya?" tanong ko kay Deanna.
Mas lalong sumimangot ang mukha ni Deanna at humalukipkip.
"Eh sa ayoko sa kanya," sagot sa'kin ni Deanna. "Gano'n, Remrem? Mas pipiliin mo ang kuto girl na 'yon kesa sa'min?!"
Tumayo ako at kahit na matangkad siya ay diretso akong tumingin sa kanya.
"Walang ginagawang masama si Azami sa'yo, Deanna," buong tapang kong sabi. "Kung hindi n'yo ako papansini... Bahala kayo sa buhay n'yo."
Napamaang si Deanna sa pagsagot ko sa kanya.
Kahit kailan kasi ay hindi ko siya naharap ng gano'n.
Parang napabilib si Alex at Kendra dahil nagkatinginan sila.
Sa inis ni Deanna ay wala siyang ibang nagawa kundi padabog na umalis. Sumunod lang sa kanya si Kendra at Alex na walang sinasabi.
Simula noon ay hindi na ulit nila ako pinansin, hindi na rin ako sumama sa kanila.
Pero ewan ko ba at imbis na malungkot ako ay parang nakahinga pa ako nang maluwag.
Okay lang sa'kin kahit na hindi nila ako bati.
Nariyan naman sila Viggo, Andrei, at Marty—at si Azami na palagi ko nang kasama.
Tuwing uwian ay palagi kaming naglalaro sa may lumang klasrum ng spirit of the coin. Noong nagsawa na kami ay naglalaro kami ng taguan.
Nakakatuwa kasi pakiramdam ko nabalik 'yung dating ginagawa ko... 'Yung mga panahong nakakapaglaro ako sa Duluhan.
Kahit na mabaho ako at amoy pawis pag-uwi, okay lang.
"Saan ka ba nagsususuot at palagi kang amoy pawis pag-uwi, ha bata ka?" panenermon sa'kin ni Mamang. "Ang dumi-dumi rin ng uniform mo! Tapos 'yung buhok mo gulu-gulo! Ano ka ba naman, Mingming! Grade five ka na sa susunod, malapit ka na magdalaga!"
"Mamang, naglalaro lang po kami ng mga classmates ko," sagot ko. "Tsaka... namiss ko lang po maglaro talaga."
Pansin ko na panay kamot ako sa ulo ko palagi. Atsaka napansin na rin 'yon ni Mamang.
"Bakit ka ba kamut ng kamot?" tanong sa'kin ni Mamang.
"Ang kati po kasi Mamang," sabi ko.
Lumapit sa'kin si Mamang at tiningan 'yung ulo ko, hinawi-hawi niya 'yung buhok ko.
"Ay diyos kop o, Remison!" bulalas ni Mamang. "Saan ka nakakuha ng kuto?!"
Naghihisterikal si Mamang. Nakakita kasi siya ng maliit na gumagapang na kuto sa ulo ko.
Kaya pala ang kati-kati ng ulo ko.
"Hala... Siguro nahawa ako kay Azami..." bulong ko.
Mabilis na umaksyon si Mamang, bumili siya ng mga gamot at suyod para alisin ang mga kuto sa ulo ko.
Tapos hindi pa siya ro'n tumigil, gusto niyang gupitin 'yung buhok kong mahaba!
"Mamang, huwag n'yo po putulin! Huhuhu!" protesta ko pero ayaw makinig ni Mamang.
"Nako, mabuti nga't naagapan natin 'to dahil kung hindi kakalbuhin talaga kitang bata ka!" galit niyang sabi habang hawak ang gunting. "Para mas siguradong hindi na dumami 'yang kuto mo iiklian ko 'yang buhok ko!"
"Ayoko po, Mamang!" umiiyak na 'ko.
Baka kasi pumangit ako at hindi na 'ko magustuhan ng crush ko.
"Remison, huwag matigas ang ulo mo!"
Sa huli, kahit anong palag at pagmamakaawa ko ay ginupit ni Mamang ang buhok ko na sobraaaang ikli.
Ang dating hanggang bewang kong buhok ay hanggang tenga na lang ngayon.
"Anong nangyari sa buhok mo, girl?" Tanong sa'kin ni Oliver kinabukasan.
Hindi ako makasagot.
"Oy, Remison, mukha ka ng lalaki hahaha!" as usual nang-aasar na naman si Marty.
Pero hindi ko siya pinansin.
Nahihiya ako.
Hindi pumasok si Azami noong araw na 'yon kaya buong araw lang akong nasa pwesto ko at tahimik.
Nasusulyapan ko nga sila Deanna at parang pakiramdam ko tuloy pinag-uusapan nila ako.
Malungkot ako siyempre.
Pero kung hindi 'yon ginawa ni Mamang ay tiyak na palagi pa rin akong nagkakamot ng ulo.
Nang sumunod na araw nagulat ako nang makita ko si Azami.
Katulad ko ay maikli na rin ang buhok niya!
Kaya noong recess ay nagtungo kami sa garden, gusto niya raw akong makausap.
"May ibibigay ako sa'yo," sabi ni Azam at nilabas mula sa likuran niya ang tinatago.
Nagulat ako nang makita ko ang isang kulay pink na hairband na may bulaklak. Hindi pa ako nakakasagot nang isuot 'yon ni Azami sa ulo ko.
"Feeling ko soul mate tayo, Remrem," sabi niya. "Sorry kung nahawa ka sa'kin ng kuto ha," nahihiya niyang sabi pero nakangiti pa rin.
"Ha?" hindi ko alam bigla kung anong sasabihin ko. "Ano 'yung soul mate?"
"Soul mate, ibig sabihin... 'Yung destiny na pinagtagpo!" masaya niyang sabi. "Absent ako kasi... ginamot din ako eh."
"Thank you sa regalo mo, palagi ka na lang nagbibigay, ako wala man lang naibibigay sa'yo," malungkot kong sabi.
"Hindi! Hindi mo kailangang gawin 'yun, kung ikukumpara sa ibinigay mo sa'kin walang wala 'yang bigay ko sa'yo," sabi niya.
"Ha? Ano ba 'yon?" tanong ko.
"Friendship!"
Napangiti kami parehas at nagkwentuhang kaming dalawa hanggang sa maubos ang oras.
Simula noon ay hindi na kami mapaghiwalay ni Azami. Nakalimutan ko na nga sila Deanna eh!
Madalas din naming makasama sila Viggo, Andrei, at Marty. Pati rin pala ang matakaw na si Oliver minsan ay sumasali sa amin.
Tapos minsan nga napagkakamalan na kaming magkapatid ni Azami dahil magkamukha raw kami.
Kaya naging tawagan namin ni Azami ang 'kambal'.
Ang saya nga kasi feeling ko nagkaroon ako ng kapatid.
Hanggang sa isang araw napag-usapan na namin ni Azami ang isang bagay na hindi ko nababanggit kila Deanna noon.
Ang tungkol sa crush.
"Remrem, may crush ka ba sa classmates natin?" tanong niya isang araw habang nasa may playground kami at nakaupo kami parehas sa swing.
"Ahh... Ehh..."
"Secret lang natin, promise," sabi niya at itinaas ang kanang kamay. "Sasabihin ko rin sa'yo 'yung crush ko."
"Eh, bakit ako ang mauuna?" angal ko.
"Hmm... O sige, para fair magbato bato pik tayo!"
"Sige," sabi ko at parehas kaming tumayo.
"Bato bato pik!" sabay naming sigaw at parehas kaming natigilan nang makita namin ang resulta.
Nag gunting siya at ako naman ay nag bato.
"Talo ka!" pang-aasar ko sa kanya. "Ikaw ang mauuna! Sinong crush mo, Azami?"
Napahinga nang malalim si Azami. Ngumiti siya tsaka sumagot.
"Si Viggo ang crush ko, Remrem."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro