DALAGA 86❀
NATUOD lang ako na parang puno sa kinatatayuan ko habang nanatili kami sa gano'ng posisyon. Nakadilat lang ang mga mata ko habang may dinidiktahan ako ng aking isip na itulak ko si Miggy pero hindi ko magawa.
Pagkaraan ng ilang sandali'y lumayo siya nang bahagya pero hindi pa rin niya ibinababa ang mga kamay. Nang walang pasabi'y biglang bumukas ang pinto at nadatnan kami ni Ms. Adel.
"What is going on here?" Parang isang gurong nakahuli ng mga mag-aaral na gumagawa ng kalokohan, iyon ang dating ng boses niya.
Saka lang ako natauhan at biglang nagkaroon ng kahihiyan. Nang maitulak ko si Miggy ay para akong bata na lumapit kay Ms. Adel at walang ibang nagawa kundi magtago sa likuran nito. Kulang na nga lang ay ituro ko si Miggy at sisihin ito.
"Attorney, you need to explain yourself." Humarap sa'kin si Ms. Adel. "You wait here." Pagkatapos ay nauna itong lumabas at sumunod din si Miggy.
Hindi ko mapigilan ang kuryosidad ko kaya lumapit ako sa pinto at palihim na sumilip sa labas. Nakita ko sila sa hallway at nag-uusap. Nakahalukipkip si Ms. Adel at si Miggy naman ay panay tango lamang at mukhang nagsisi sa ginawa niya. Ano kayang sinabi sa kanya? Hindi ko kasi marinig kung anong pinag-uusapan nila.
"I'm sorry, Doc Adel." Iyon ang nabasa ko sa bibig ni Miggy bago ko makitang papunta siya ulit sa direksyon ng kinaroroonan ko.
Nakaupo na ako sa sofa nang muling bumalik si Miggy. Hindi siya lumapit sa'kin at humingi siya ng pasensiya sa ginawa niya, saka nangakong susubukan niyang hindi na maulit ang nangyari. Susubukan?
Sinabi rin ni Miggy na hindi tuloy ang klase namin ngayong araw at babalik na lamang siya sa Lunes.
Nang makaalis siya'y napasandal ako at tumingala sa kisame. Nanalangin ako na huwag naman sana niyang gawing mas kumplikado ang sitwasyon ko.
Lalo pa't mukhang seryoso siya sa sinabi niya kanina. One year...
Hindi ako pwede magtagal ng gano'n dito.
*****
LINGGO na pala ang sumunod na araw. Gano'n pa rin naman ang naging sistema rito, pinagsisilbihan ako ng mga kasama ko rito. Kaya siguro todo ang pag-aalaga nila sa'kin dahil nga sa pagiging heredera ko.
Heredera huh? Parang noon ay sa mga palabas ko lamang nakikita ang gano'n. Nakuha ko pang biruin ang sarili ko na dapat ko talagang ipilit kay Ms. Adel o Doc Adel na isulat niya ang buhay ko.
Bigla ko tuloy naalala si Corra... Kamusta na kaya siya? Sila nila Quentin at ng iba pa? Ano kayang magiging reaksyon nila kapag nalaman nilang nagising na ako mula sa sampung taon ng pagkaka-coma.
"Oo nga po pala, Ma'am," nag-angat ako ng tingin nang marinig ko 'yung boses ng pinaka-head ng mga kasambahay, "Nagbilin si Doc Adel kahapon na sabihin sa inyo na darating ngayon si Mr. Najwan para raw po sa Sunday lesson n'yo po."
"Sunday lesson?" Pero wala na itong ibang binanggit. Mukhang bahagi nga rin 'yon sa dapat kong gawin ayon sa kagustuhan ni Doña Alba.
Hindi dumating si Ms. Adel ngayon, marahil ay day off, kaya medyo hindi ako komportable na may ibang tao na kakausap sa'kin o magtuturo sa'kin ng kung ano.
Matapos kong kumain ng almusal at nang makapag-ayos na ako'y akala ko ihahatid ako ng katulong na kasama ko papunta ro'n sa study area. Lumabas kasi kami ng malaking bahay at naglalakad ngayon papunta sa kung saan.
"Umm... Saan po tayo pupunta?"
"Sa may chapel po, senyorita." Muntik na 'kong mapangiwi nang marinig ang tawag niya sa'kin.
"Remison na lang po," sabi ko pero hindi naman ito umimik dahil natanaw ko na 'yung pupuntahan namin. "Bakit po may chapel dito?"
"Parte po ito ng manor," maikling sagot ng babae.
Napaliligiran ng mga puno, halaman, at bulaklak 'yong puting chapel, sa tabi nito'y agaw pansin ang isang patio na yari sa kahoy, may mga upuan doon. Natanaw ko na rin 'yung taong nakaupo ro'n at nakatanaw sa mga halaman.
Mabuti na lang ay makapal 'yung overcoat na jacket na suot ko. Nang makalapit kami ay nakita ko ang isang matandang lalaki na nakadekwatro, nakasuot ng bilog na itim na salamin at cowboy hat. Aakalain ko sanang pari siya pero wala namang pari siguro na nagsusuot ng Hawaiian polo shirt at khaki shorts?
Nang magpaalam 'yung kasama ko'y gusto ko sana siyang pigilan.
"Don't be scared, little girl," sabi nito. "I don't bite." Gano'n ba ka-obvious 'yung kaba sa itsura ko? Natawa ang matanda. At anong little girl?
Anong gagawin namin dito? Sunday lesson ng ano? Napatingin ako sa chapel sa gilid saka muling bumaling kay Mr. Najwan.
"A-Are you a priest po?" Mas lalo itong natawa.
"Maybe from my previous life," sagot nito na hindi ko naintindihan. "Come sit." Sinunod ko siya, umupo ako kaharap at saka nakita na nakahawak siya sa isang tungkod.
Ine-expect ko nga na maglalabas siya ng libro o ano pero tumingala ito bahagya at lumanghap ng hangin.
"The air is good; you try it too. Breathe deeply." Automatic naman akong gumaya sa kanya. Mga isang minuto rin naming ginawa 'yon. "Ahh. That's better. You feel better?" Umiling ako. "Well, that's sad. You no happy?"
Umiling ulit ako.
"Tell me why you can't be happy right now."
"B-Because... My life is a tragedy."
"Oh... Powerful statement. But too bad. Why?"
"B-Because... I had an accident."
"I see. Stuck in the past. But what if you don't think of the past. Can you be happy now?"
Umiling ulit ako.
"Why?" Bigla akong na-tense sa pagtatanong niya ng bakit. Para kasing hindi mauubos ang bakit na tanong.
"Because I want to go home... I want to see my loved ones."
"I see. Escaping in the future. But what if there's no tomorrow. Can you be happy now?"
Hindi ako makapagsalita. Napatitig lang ako sa taong kaharap ko. Hindi ko makita ang mga mata niya dahil natatakpan 'yon ng itim na lente, tanging repleksyon lang ng sarili ko ang nakikita ko ro'n. Sino ang taong 'to?
"I-I'm not sure," sagot ko saka ko napayuko.
"Why?" Ayan na naman.
"I don't know."
"Wrong answer." Nag-angat ako ng tingin nang maguluhan. "There's no answer such as 'I don't know'."
"Why?" napangiti ito nang ako naman ang magtanong kung bakit.
"Everything has an answer, including why certain tragedies happen to our life. You get it?" Hindi ako nakasagot. "So, back to my question. Why you can't be happy now without past and future?"
"B-Because..." Napaisip ako nang maigi. "Because... I don't like myself?" My new face? My new life?
"Hmm... That's some answer but not the real correct answer."
Napamaang ako.
Tumayo ito bila. "That's your assignment for today, wander around the woods and find the answer." Saka ako nito iniwanan at pasipol-sipol pang naglakad palayo.
Feeling ko unang araw palang ng 'class' ko ay parang bagsak na ako—nang dahil lang sa isang simpleng tanong.
Bakit hindi ko kayang maging masaya ngayon?
*****
LUNES. Nagpakita ulit si Miggy para magsimula na siya sa pagtuturo sa'kin. Seryoso na siya at wala nang ibang sinabi na ikaiinis ko, mukhang nakuha siya sa mga sinabi noon ni Ms. Adel. Ni hindi niya tinangkang hawakan ako at nanatili lang siyang nakatayo sa may pisara. Tatlong subject ang tinuro niya sa isang araw, English, Math, at Science. Kahit na hindi ko alam kung para saan, hindi na lang ako umangal. Nakinig na lang ako.
Martes. Hindi na ako nagulat nang sabihin ni Ms. Adel na siya ang magtuturo sa'kin sa music class, piano lesson. Buong araw. Nalibang naman ako dahil nakita ko bigla 'yung sarili ko sa hinaharap na tumutugtog no'n. Ang sarap i-imagine. Matutuwa si Poknat panigurado kapag nakita niya ko.
Miyerkules. Art class, painting lesson. Akala ko may teacher ulit na pupunta rito pero hinarap lang ako nito via online. Ang resulta? Inantok lang ako buong lesson. Ang narinig ko sa mga kasambahay kanina ganito na raw ang uso ngayon, hindi na raw kasi masyado lumalabas ang mga tao at nauso ang tinatawag na online class. Magiging painter ba ko sa online class lang?
Huwebes. More on physical training. Sa umaga yoga class, sa hapon swimming class. Nahirapan lang ako dahil mabilis magsalita 'yung instructor at idagdag pa ang kakaibang accent nito. Kung noong Miyerkules ay inantok ako, dito naman ay sumakit ang buong katawan ko.
Biyernes. Ang pinakawirdong klase sa lahat, gardening. Ang tsismis ulit ng mga kasambahay na narinig ko, mahilig daw si Doña Alba sa halaman at halata naman sa landscaping ng manor, sa Pilipinas daw ay makikita ang hilig nito sa mga hacienda at rancho nito.
At dumating na rin ang Sabado. Ang araw ng pahinga. O akala ko lang 'yon. May kumatok bigla at sinabi ng kasambahay na may bisita raw ako.
Dalawa lang naman ang pagpipilian. Si Ms. Adel o si Miggy.
Tama nga ako dahil pagbaba ko sa foyer ng bahay ay nadatnan ko ro'n si Miggy.
"Bakit nandito ka?" tanong ko habang nakahalukipkip.
"I'm taking you out."
"Ha?"
"Nagpaalam ako kay Doc Adel, pumayag naman siya basta huwag lang daw kitang hahawakan." Bahagya pang tumaas 'yung gilid ng labi nito.
"Tingin mo naman sasama ako sa'yo?"
"Yes," mabilis nitong sagot. "Don't you want to see the city?" Napalunok ako bigla. Isang temptasyon. "We'll just grab some lunch, then I'll briefly explain what happened to the world these past years." Temptasyon nga.
Nang hindi ako makaimik ay napabuntong-hininga si Miggy. "Promise, I won't do anything to you. Doc Adel might kill me."
Dala ng matinding kuryosidad, pumayag ako sa alok niya. Kakain lang daw kami ng tanghalian sa siyudad, tapos magkukwento siya. Isa pa, mukhang sincere 'yung takot niya kay Ms. Adel.
Tinulungan pa ako ng isang katulong na mamili ng damit, pinipilit nito na magsuot ako ng bestida pero tumanggi ako. Kinuha ko 'yung turtleneck at jeans.
"Senyorita, mas maganda itong dress," pilit nito. "Mas bagay po ito sa date n'yo ni Attorney!" hindi na nito tinago ang kilig. Blangko ko lang siyang tiningnan.
"Hindi kami magde-date."
Nang makagayak ako'y lumabas ako at sumama kay Miggy. Sa labas ay naghihintay ang isang magarang puting sasakyan. Pinagbuksan niya pa ako ng pinto sa harapan.
Nang umandar ang sasakyan ay bigla akong kinabahan, hindi dahil sa kasama ko siya. Dahil sa antisipasyon kung anong naghihintay sa'kin sa labas ng manor na 'to.
Habang nasa biyahe'y hindi umiimik si Miggy, tumutugtog lang 'yung malumanay na kanta sa radio. Hanggang sa lumipas ang ilang oras nang unti-unting magbago ang nakikita ko, nang unti-unting mawala ang mga puno't napalitan ng mga nagtatayugang building.
Nakatingin lang ako sa labas at kulang na lang ay mabali ang leeg ko sa pagtingin. Ibang-iba nga ang lugar na 'to. Wala nga ako sa Pilipinas. Iba 'yung atmosphere at iba rin 'yung itsura ng mga tao.
Matapos ang halos isang oras na biyahe ay namalayan ko na lang na naka-garahe na 'yung sasakyan. Nang patayin ni Miggy ang makina ng sasakayan ay nagulat ako nang dumukwang siya sa'kin. Akala ko kung anong gagawin niya, sinuot niya 'yung isang mask sa'kin at nagsuot din siya no'n.
"Let's go."
Bumaba kami at pumasok sa isang gusali. Hindi ko pa rin mapigilang ilibot ang tingin ko. Kung hindi pa 'ko hinila ni Miggy ay para lang akong ewan na nakatingala sa gitna ng daanan. Napansin ko rin na may mga ilang tao na katulad namin ang nakasuot ng mask.
Matapos maka-order ni Miggy ay saka siya nagkwento. This is the new normal, sabi niya. Nagsimula raw kumalat ang isang virus five years ago, nagkaroon ng pandemya sa buong mundo. Hindi nga ako makapaniwala kasi parang palabas sa isang science-fiction movie 'yung sinasabi niya.
Marami raw ang namatay, nagkaroon ng lockdowns, shortage sa maraming supply, maraming nawalan ng trabaho, maraming nagsarang negosyo, nagkaroon ng maraming kaguluhan, at kung ano-ano pang trahedya.
At lahat ng mga trahedyang nangyari sa mundo katulad ng mga sinabi niya'y nangyari habang wala akong malay. Habang pinakikinggan ko siya'y lumutang ang utak ko, kamusta na sila Auntie? Mamang? Poknat? At iba pa?
"I'm sorry, I should've said too much," sabi niya nang biglang tumigil sa pagkukwento. Napansin niya 'ata na nakatulala lang ako.
"Sa nangyari sa'kin parang hindi na nga ako nagulat," lumabas 'yon sa bibig ko. "Ang akala ko ako lang ang pinarusahan ng Diyos."
"Parusa?" ulit ni Miggy. "You think what happened to you is a punishment?"
Napahilot ako sa sentido. "Miggy, huwag mon ang simulan. Sa mga sinabi mo mas gusto ko lang lalo umuwi sa amin." Natameme naman siya.
Nakita ko na may nilabas siya mula sa pocket ng jacket niya at nilapag 'yon sa mesa. "It's for you. I bought it yesterday."
Isang kumikinang na cell phone.
"Bakit?" tanong ko habang hindi maalis ang titig sa bagay na nasa mesa.
"Honestly, you're not allowed to have a phone according to your grandmother's will not until you finished your duties."
Bawat pagkikita namin ni Miggy mas naguguluhan ako sa mga kinikilos niya.
"I might lose my job for giving you this but I want to make you feel that you are not a prisoner of that manor."
Nagtitigan lang kami ni Miggy pagkatapos. Alam kong alam niya kung anong gagawin ko.
Gamit ang phone na 'yon pwedeng-pwede ko na agad ma-contact si Poknat. At sa lalong madaling panahon ay makakapiling ko na ulit siya.
-xxx-
A/N: Thank you, Lord, for giving me this unexplainable spirit of kasipagan to write, the ideas You gave me are truly inspiring. Thank You for the opportunity to make other people smile and be inspired through my story. All glory to You, Our Father! :)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro