Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 80❀

Note: This is the last chapter for Season 3



TATLONG katok ang narinig ko sa pintuan bago 'yon bumukas nang bahagya. Nakita ko ang nakasungaw na mukha ni Auntie, tumango ako at saka siya pumasok sa loob ng kwarto.

"Bakit hindi ka pa natutulog?" tanong niya sa'kin. Umupo ako sa kama, at tumabi naman siya sa'kin.

Napangiti ako nang bahagya, saka ko nasulyapan ang orasan, pasado ala una na ng madaling araw. "Mukhang namamahay po yata ako sa mismong bahay natin."

Sumimangot si Auntie. "Namimiss mo siguro ang mala-aircon na klima at malambot mong kama ro'n sa Baguio."

"Ikaw, Auntie? Bakit gising ka pa? At saka bakit sa sala ka naglatag ng mahihigaan?" tanong ko.

"Gusto lang kitang bigyan ng private space, alam kong marami kang iniisip kahit na napakabata mo pa para mamroblema," sagot niya. "Pero sa tingin ko ito na rin ang mas makabubuti sa'yo, Ming."

"Kahit na... Kahit na malaki ang utang na babayaran natin?" nang sabihin ko 'yon ay hindi nakasagot agad si Auntie. "Mukhang hindi rin gano'n kasaya si Mamang sa naging desisyon ko."

"Hay nako, huwag mong isipin si mother dear, siyempre nag-aalala lang din 'yon kaya huwag sumama ang loob mo kung parang pakiramdam mo ay hindi siya masaya na umuwi ka rito."

Hindi pa rin naibsan ang kalungkutan sa puso ko kahit si Auntie na mismo ang nagsabi no'n. Nagulat sila parehas ni Mamang kanina nang bigla na lang kaming sumulpot ni Poknat sa pintuan ng bahay. Wala rin silang naging violent reaction nang sabihin ko ang nangyari, pati ang tungkol sa relasyon namin ni Poknat.

Pagkahatid sa'kin ni Poknat ay kinailangan din niyang bumalik sa Baguio. Inaasahan ko na nga ang mga tanong o sermon mula sa kanila, lalo na kay Mamang, pero wala akong narinig. Marahil siguro sa kabiglaan nila parehas ay hindi rin nila alam kung ano mga sasabihin.

"Auntie... Hindi naman siguro mali ang desisyon ko na... Na magmahal, hindi ba?" hindi ko na rin mapigilang itanong sa kanya 'yon. Ilang segundo akong tinitigan ni Auntie bago siya umusod at hinawi ang ilang hibla ng buhok sa mukha ko.

"Mas mainam nang nagpakatotoo ka kaysa matali ka ng habambuhay sa isang kasunduan at hindi ka magiging tapat sa sarili mong puso," sabi niya at saka hinawakan ang isa kong kamay. "Mahirap lang sa ngayon pero balang araw marerealize mor in na tama ang naging desisyon mo kahit anong mangyari."

"Auntie..." Sinunggaban ko siya ng yakap at kaagad din naman niya akong niyakap pabalik. Kumawala na rin ang mga luhang kanina ko pa gustong ilabas.

Hindi ko alam kung ilang oras ang lumipas bago ako tumahan. Pagkatapos no'n ay saka lang ako dinalaw ng antok.

Naalimpungatan ako nang marinig ko ang boses ni Auntie at ang bahagya niyang pagtapik sa'kin. Pilit akong dumilat at mukha nga niya ang tumambad sa'kin. Pumikit ulit ako dahil parang isang pitik lang 'yung tulog ko.

"Ming, gising na."

"Auntie... Inaantok pa 'ko—"

"Tanghali na, Remison, bumangon at mag-ayos ka riyan dahil may bisita ka."

"Sabihin n'yo po kay Poknat mamaya na siya maghintay. Iidlip lang ako—"

"Si Miggy ang bisita mo."

Pagkasabi no'n ni Auntie ay tila naglaho ang antok sa katawan ko.


*****


SA tagal kong mag-ayos ay umuwi na raw muna si Miggy sa bahay nila. Kaya heto, kahit basa pa ang buhok ko'y nasa labas ako ng pintuan ng kanilang malaking bahay. Si Auntie kasi pinagmadali ako, nakakahiya raw dahil aalis din daw agad si Miggy, may gusto lang daw itong ibigay sa'kin.

Naisip ko tuloy na baka may sasabihin siya kasi pwede naman niyang iwan na lang. Hello? Kung tutuusin pwede naman talaga niyang ipadala na lang, dinayo ka pa talaga niya mula Baguio para lang may sabihin sa'yo.Hindi naman siya siguro nandito para... para pilitin pa rin ako sa kasunduan?

Bigla akong napatayo nang matuwid nang maramdaman kong bubukas na ang pinto. Akala ko kasambahay nila ang magbubukas ng pinto pero tumambad sa'kin si Miggy. Hindi siya nakasuot ng salamin kaya kitang-kita ko ang malamlam niyang mga mata, mukhang wala rin siyang tulog.

Sumunod lang ako kay Miggy hanggang sa makarating kami ng sala. Napakatahimik. Naupo kami parehas.

"Pasensiya na kung naghintay ka." Ako na ang unang bumasag ng katahimikan. Parang kaming dalawa lang ang tao rito sa loob ng bahay. "Ano nga pala 'yung ibibigay mo? May naiwan ba akong gamit?"

Dumukwang si Miggy sa lamesita at binuksan 'yung parihabang bag, nilabas niya mula ro'n 'yung laptop na binigay niya noon sa'kin.

"You forgot this," sabi niya saka nilapag ang laptop.

"Umm... Miggy, hindi naman sa'kin 'yan."

"I gave this to you." Nag-isip ako ng isasagot sa kanya pero parang nablangko lang 'yung utak ko.

"Nakakahiya masyado kung tatanggapin ko 'yang mamahaling laptop mo, at saka isa pa...Baka hindi ko rin naman magagamit 'yan. Baka kasi hindi muna ako mag-aral ulit."

Napabuntong-hininga si Miggy. "I know na hindi mo 'yan tatanggapin pero I insist. It's yours."

"S-Sige." Pumayag na lang ako para hindi na humaba ang usapan. "Salamat ulit ng marami. Pasensiya na—"

"Stop." Tumikom ang bibig ko. "Just... Stop apologizing again."

"Sorry—" Hindi ko talaga napigilan.

"Kung tutuusin ako dapat ang humingi ng sorry. In behalf of my parents, sorry if my dad made you agree to his ridiculous proposal."

So, nagpunta siya rito para sabihin ang mga 'yon? Napayuko ako saglit bago ulit tumingin sa kanya.

"Miggy, alam mo pwede mo namang i-text na lang 'yan sa'kin, hindi ka na sana nag-abala pang dumayo rito." Bigla siyang napangiti kaya napakunot tuloy ako. "Bakit?"

"Actually, wala akong pasok today. Hinatid ko si mommy sa airport kaya napadaan ako rito."

"G-Gano'n ba?" Nahiya tuloy ako sa pagiging asyumera ko.

"Sinadya ko na ring dumaan dito para kausapin ka ng ganito. Alam kong hindi tayo nakakapag-usap noon. I'm sorry if I intendedly become a jerk to you." Hindi ko maintindihan ang pinupunto niya kaya hindi na lang ako kumibo. "Naging malamig man ang pakikitungo ko sa'yo pero gusto kong malaman mo na hindi ako ang nagsumbong kay mommy."

"H-Ha?"

"It's Manang." Hindi ko 'yon inaasahan. Natulala lang ako nang sabihin niya 'yon. "But don't be mad at her, she's genuinely nice to you, I know that. Sadyang mas loyal lang siya sa parents ko kaya niya sinabi sa mommy ko. And... And maybe she's really rooting for us."

"A-Alam ni Manang 'yung... 'yung kasunduan?"

Tumango si Miggy. "Hindi ako naging aware na binilinan pala siya ni mommy na bantayan tayong dalawa." Napapikit ako. "Hey, are you okay?"

Kaagad naman akong dumilat agad. "Oo, sorry, medyo sumakit na naman 'yung ulo ko... Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit... Kung bakit gano'n kapursigido ang mga magulang mo na... ipagkasundo tayong dalawa. Hindi naman kami mayaman, Miggy."

Muli akong nagulat nang makita ko siyang ngumiti, pero kaagad ding naglaho 'yon. "I know. Crazy, right? My dad probably heard about what happened, I'm sure he'll be disappointed—no, not to you, but to me."

Hindi ko maiwasang mapatitig sa itsura niya dahil para bang nadidismaya siya sa nangyari. Totoo ba 'tong nakikita ko o nag-iilusyon lang ako? Dahil siguro nasanay ako sa walang emosyon na Miggy kaya hindi ko gustong paniwalaan na nanlulumo siya...

Napaawang lang ang bibig ko nang magsalita siya ulit. "I just kind of regretted that I chose to acted like that. I wondered if I became kinder, bago pa dumating ulit si Poknat sa buhay mo, siguro hindi mangyayari 'to. I'm sorry, Remi."

Tumayo na ako pagkatapos niyang sabihin 'yon. Pakiramdam ko kasi'y may ibig siyang ipakahulugan sa mga salitang 'yon. Para bang pinapahiwatig niya na kasalanan niya kung bakit pinili ko si Poknat.

"Salamat ulit, Miggy, at pasensiya na ulit." Hindi ko na siya hinintay sumagot. Dinampot ko 'yung bag na naglalaman ng laptop at dali-daling umalis sa bahay na 'yon.


*****


KABILIN-bilinan ni Auntie na huwag kong sasagutin ang kahit anong tanong ng mga kapitbahay namin sa'kin. Parang showbiz at artista lang, no comment, ngitian mo lang sila kapag nagtanong sila tungkol sa bagay na hindi naman nila dapat malaman.

Sa awa naman ng diyos ay humupa rin ang mga bulungan at tsismis. Sadyang naiintriga lang ang mga kapitbahay namin dahil wala silang masagap na kahit na ano mula sa amin. Maging sina Ate Melai at Tita Beth nga ay walang napala sa mga pasimpleng tanong nila kay Mamang.

Matapos ang naging pag-uusap namin noon ni Miggy ay wala na ulit akong narinig na balita sa kanila, pati sa kanyang ama. Samantala, habang hindi pa raw kami sinisingil ni Tito Miguel ay kinuwenta na ni Auntie ang utang namin para mapaghandaan na kung magkano ba ang dapat naming bunuin kapalit ng 'kalayaan' ko.

Nagpasya ako na huminto muna ng college hangga't hindi nababayaran ang utang. Tutulong muna ako kay Auntie sa pagtitinda at susubukan ko ring humanap ng trabaho para sa mga katulad kong undergrad at underage.

Naputol ang koneksyon ko sa social media, pati sa kahit na sinong mga kaibigan ko, maliban kay Poknat na halos gabi-gabi akong tinatawagan para kamustahin. LDR o Long Distance Relationship ang tawag nila sa ganitong relasyon. Nakakamiss man ang pisikal niyang presesiya ay gabi-gabi rin naman niya akong kinakantahan para raw hindi ko siya sobrang ma-miss.

Napansin ko na biglang dumalas ang pagiging tulala at wala sa sarili ni Mamang. Palagi siyang nababahala sa hindi namin maintindihan ni Auntie kaya tuloy hindi ko na siya nakakausap. Minsan nga'y naririnig ko sila ni Auntie na nagtatalo, pinipilit ni Mamang na lumipat na kami ng bahay. Ayaw ni Auntie dahil nakapag-establish na siya ng negosyo sa palengke.

Hindi lang 'yon ang pinagtatalunan nila. Alam ko naman na madalas ay tungkol 'yon sa'kin. Naririndi na rin ako sa pagtatalo nila kaya minsan tinutulog ko na lang at hindi ko na pinakikinggan pa.

Pero minsan may mga araw na tahimik lang ang bahay, hindi sila nag-aaway na parang giyera. Katulad na lang noong isang hapon. Habang naghahanap ako sa online ng pwedeng maging trabaho ay biglang kumatok si Mamang, nakangiti ito.

"Bakit po, 'Mang?"

"Ming, halika rine sa sala at pag-usapan natin ng Auntie mo 'yong debut mo sa susunod na buwan." Hinila niya ako papuntang sala kung saan nakaupo rin si Auntie habang hawak as usual ang kanyang listahan at ballpen.

Ang bilis lang pala talaga ng oras at hindi ko namalayan na April na ngayon at sa susunod na buwan ay tutuntong na ako ng eighteen. Kung nasa kasunduan pa rin ako'y paniguradong magarbong selebrasyon ang magaganap sa kaarawan ko (iyon kasi 'yung gusto ni Tita Griselda), pero hindi na mangyayari 'yon.

"Ano pong meron?" lutang kong tanong nang maupo rin kami ni Mamang.

"Napag-usapan namin ng Auntie mo na bigyan ka pa rin sana ng simpleng selebrasyon sa birthday mo, Ming," sabi ni Mamang. "Gusto ko makitang makapagdebut ang apo ko."

"Pero, Mamang, alam n'yo naman po na hindi gano'n karami 'yung pera natin."

"Don't worry, Ming, kinukwenta ko na ang mga gagastusin, kaya naman nating maghanda para sa mga kapitbahay lang natin at mga piling kaibigan mo for 18 roses at 18 candles. Pwede rin tayong makakurakot ng 18 blue bills. 'Yong emcee, program, tapos damit mo, huwag kang mag-alala dahil marami akong kakilala na tutulong sa'kin. Ako pa ba? Marami akong connections, ano?"

Halos mapanganga naman ako nang sabihin 'yon ni Auntie, wala sa itsura niya ang na nagbibiro lang siya.

"Pero... Saan naman po tayo magbe-venue? Mahal din ang upa sa mga event place, Auntie."

"Aba, para saan pa't may bakanteng lote riyan sa duluhan? Ang theme ng birthday mo, summer forest! Parang Hawaiian or Bohemian ba ang theme. Tapos hindi naman kailangang formal 'yung mga damit."

Kaagad sinundan 'yon ni Mamang. "Oo, Ming, magpapagawa tayo sa mga kapitbahay natin na maging covered event place 'yang duluhan, kawayan at dahon ng saging lang ay sapat na. Oh, 'di ba, kakaiba ang tema ng birthday mo?"

"Sa gabi pwede tayong maggawa no'ng parang malaking apoy, inihaw ang mga handa, 'tapos 'di ba rakista ang jowa mong si Poknat? May libreng live band show! Ang saya no'n for sure!"

"Ako ang nakaisip nito, Ming, ang galing ni Mamang mo, 'di ba?"

"Anong ikaw, mother dear? Ako kaya ang nakaisip no'n!" At nag-umpisa na naman silang magtalo pero hindi 'yong nakakarindi at nakakainis.

Napangiti ako dahil damang-dama ko 'yung excitement nilang dalawa. Na-imagine ko na tuloy 'yung magiging itsura ng duluhan sa gusto nilang mangyari. Malayo man 'yon sa kumikinang, mamahalin, at enggrandeng idea noon ni Tita Griselda, parang mas maganda ang naisip nilang dalawa.

Natigilan lang sila parehas nang bigla ko silang akbayan at hinigit palapit para yakapin.

"Thank you po sa inyo, Mamang, Auntie."

Ngayon palang ay mukhang pinapadama na sa'kin na hindi ako nagkamali. Na kung nagkamali man ako noong una sa pagpayag sa kasunduan, nagpapasalamat ako na hindi pa talaga huli ang lahat para baguhin ang naging desisyon mo.


*****


KAKATAPOS lang ng unang interview sa'kin ng isang call center company malapit sa mall dito sa'min. Kinakabahan pa rin ako sa mga susunod pang tawag sa'kin at nananalangin ako na sana ay matanggap ako ro'n.

Dumaan muna ako sa mall para bumili ng maiinom, hindi ko na kasi matiis ang uhaw at naubos na rin 'yung binaon kong tubig. Naglalakad ako palabas nang biglang tumunog 'yung phone ko at nakitang tumatawag si Poknat.

"Hello, Ming? Kamusta ang interview?" bungad niya. Kanina pa nga tawag nang tawag ang mokong.

"Okay naman, may mga susunod pa ulit, sana kayanin," sabi ko. "Wala ka na bang klase? Wala pang five ah, baka mamaya nagka-cutting ka, ha."

"Siyempre worried ako sa'yo, at saka alam mo namang minu-minuto kitang namimiss." Ayan na naman siya sa mga banat niya. Napangiti ako.

"Grabe ka sa minu-minuto, hindi ka ba maumay niyan sa'kin?"

"Aba, bakit ako mauumay sa'yo? 'Di ba nga paslit pa lang tayo—"

"Oo na nga alam ko na 'yan," natatawang putol ko sa kanya. "Siguraduhin mo lang at baka mamaya ay may inaano ka riyan."

"Oi, oi, oi, nagseselos ba ang Mingming ko? At saka anong inaano? Ikaw ha, grabe 'yang words mo. Hindi ako gano'n. Good boy kaya ako." Mas natawa ako lalo kasi naiimagine ko 'yung mukha niya.

"Sige na, palabas na 'ko ng mall. Baka dumaan pa ako sa tindahan ni Auntie, mag-iingat ka pauwi, ha."

"Grabe, ang workaholic naman nito. Intayin mo akong maka-graduate, pag nagpakasal tayo hindi ka magtatrabaho, ako bahala sa'yo."

"Baliw."

"Oo nga!"

"Hay nako, Poknat, mag-aral ka nang maigi riyan, babye muna."

"Bye, I love you!"

"I love you—" Bigla kong napindot 'yung end call nang matigilan ako sa paglalakad. Sa may entrance kasi ng mall ay nakita kong may nakatayo sa isang tabi, isang mama na nakatingin sa'kin. Pormal ang kasuotan nito, matikas, at halata sa tindig na hindi pangkarinawang tao.

Si Tito Miguel.

Napako na 'yung mga paa ko sa kinatatayuan ko kaya nakita kong siya 'yung naglakad palapit sa'kin. Nang huminto siya sa harapan ko'y ngumiti siya.

"It's good to see you again, Remi."

Alam ko na darating din 'yung panahon na makakapag-usap ulit kami pero hindi ko ineexpect na ngayon ko siya makikita. Sa totoo lang ay naging kampante ako dahil akala ko'y okay na ang lahat—magbabayad na lang kami ng utang.

Pero mukhang kailangang magkausap pa rin kami ni Tito Miguel para matuldukan na ang napagkasunduan.

"A-Ano po, Tito, pasensiya na po sa lahat, sorry po kung nagback out ako. Pero huwag po kayong mag-alala kasi nakuwenta na ni Auntie Emily 'yung babayaran namin kaya po—" tinaas niya 'yung kamay niya kaya tumigil ang bibig ko sa tuloy-tuloy na pagsusulat.

"Don't worry about it, Remi. Griselda and Miggy already told me what happened," kalmadong sabi ni Tito Miguel. Ni hindi ko nga siya nakitang kumunot, nakangiti lang siya katulad ng dati.

"Kung gano'n po... Okay na sa inyo na... Na nagback out ako?"

Saglit siyang napatitig sa'kin saka napabuntong-hininga.

"I'm a kind of disappointed," sabi nito. "To Miggy." Medyo nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko 'yon. "If he was just good enough, maybe you'd like him first. But I guess, sadyang hindi talaga madidiktahan ang puso ng isang tao kahit pa nakatali ka na sa isang kasunduan."

Pinigilan kong mapanganga dahil sa narinig ko, gano'n na gano'n kasi ang sinabi noon ni Miggy sa akin.

"Sorry po, pero bakit naman po kayo nadidismaya sa anak n'yo?"

"Griselda and I were engaged in that way too," sabi nito, hindi sagot sa tanong ko. "Our parents told us that it was the best for us. And luckily, they were right in their terms but not with our hearts. That's why hindi kita masisisi. You just followed your heart."

"Tito—"

"Griselda told me that you wanted to know why. Alam ko all this time you must be wondering."

Dahan-dahan akong tumango. Akmang bubuka ulit ang bibig niya pero parang bigla siyang napaisip kung anong dapat sabihin. Nagtama lang ang paningin namin, hindi ko alam kung bakit pero parang may kakaiba ro'n... Parang nakita ko na noon.

Bigla siyang tumingin sa kamay ko. "That's a beautiful bracelet." Kusang napahawak ang isang kamay ko sa braso ko.

"Ah... Bigay po 'to sa'kin ng Auntie ko."

"Your aunt?"

"Opo."

"Did she tell you that Mr. E gave you that bracelet?"

"Opo—" biglang kumabog 'yung dibdib ko. "P-Paano n'yo po nalaman 'yung tungkol kay Mr. E?" Si Auntie si Mr. E na nagpapadala sa'kin ng mga regalo noong bata ako.

Tumitig sa'kin si Tito Miguel at muling sumilay ang ngiti niya sa labi, isang ngiting... ngiting may halong lungkot.

"Back in our youth days, they used to call me 'M'."

M? As in... Em?

"M-Mr. E? I-Ikaw po... si Mr. E?"

"Yes, Remi. I am the one who sent you those gifts."

Halos mabingi 'yung isip ko sa lakas ng tibok ng puso ko. Parang biglang nagkandabuhol-buhol...

"Emily probably guessed who Mr. E is. She never told you and your grandparents about me and your mother."

"T-Teka lang po—"

"I'm your biological father."

"Si Miggy—"

"He's not my real son." Hindi man lang siya kumurap nang sabihin 'yon. Lalo na ang mga sumunod niyang sinabi. "I want you to marry him because you're my real daughter."

Napahawak ako sa dibdib ko, parang anumang sandali ay mauubusan ako ng hininga.

"It's quite simple, but the reality of your birth is much more complicated."

"A-Ano pong ibig n'yong sabihin?" May mas malala pa bang katotohanan?

"The truth that your own family never told you." 


-xxx-


A/N: Quiet na lang muna ako sa mga susunod na kaganapan dahil....

Hello! Thank you so much for waiting for updates! Thank you rin sa inyong walang sawang pagbo-vote, pagko-comment, paggawa ng memes, pagse-share ng kilig sa Twitter. I really appreciate it!

Maraming salamat sa mga memes nina marceclaabdulla, magsanay_kakasi, at Mervin! :D

SEASON 4 NA NEXT! :D

THANKS FOR READING! (≧◡≦) ♡

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro