DALAGA 69❀
KANINA pa naghahampasan ng unan sa mukha sina Burma at Aiza, wala pa ring mga pinagbago at as usual parang mga bulateng naasinan na kanina pa kinikilig at naghahagikgikan.
"Baka naman gusto n'yong makinig?" nakapamewang na sabi ni Honey na nakatayo malapit sa bintana. Kanina pa rin niya kasi pinapaliwanag sa'min 'yung magiging itinerary para sa kinabukasan naming gala.
Natuwa naman sila nang makitang nasurpresa talaga ako sa biglaang pagbisita nila. Sadyang napaaga ang pagdalaw nila dahil marami nang lakad at ganap ang pamilya nila sa holiday season. Kaya no choice kundi magpunta sila rito ng weekend kahit na magiging bitin panigurado.
"Eh, kasi naman knows na namin 'yan," sagot ni Aiza na tumigil sa paghahampas kay Burma. "Explain mo na lang kay Remsky."
"Makinig pa rin kayo—" hindi na natuloy ni Honey ang sasabihin dahil nabato na siya sa mukha ng unan. Sa inis niya'y nakibato na rin siya ng unan sa dalawa. May mga bakante pang kwarto sa bahay pero mas ginusto nilang dito na lang sa kwarto ko matulog kaya tuloy ang daming unan na dinala ni Manang kanina sa kwarto ko.
Nakaupo lang ako habang nakangiting pinanonood silang tatlo. 'Yong makita at marinig ang tawanan nila ay sapat na para maibsan kahit papaano ang mga ilang kinababahala ng puso ko. Nakakatuwa nga kasi may mga bahagi pa rin sa kanila na hindi nagbabago. Kahit na kanya-kanya na kaming buhay sa kolehiyo ay nagagawa pa rin nilang magbigay ng oras para sa'kin—para sa pagkakaibigan na binuo namin noong high school.
"Salamat pala..." Bigla silang natigilan sa paghaharutan at saka tumingin sa'kin. "Thank you sa surprise n'yo sa'kin, hindi n'yo alam kung gaano ako kasaya na nandito ako." Kahit na may mga issues akong kinakaharap sa ngayon.
"Ano ka ba, Remi! Of course, kami pa ba?" masiglang sagot sa'kin ni Aiza.
"Oo nga! At papayag ba kami na ikaw lang ang magpakasasa sa mga gwapo rito—aray!" bigla kasing hinampas ni Aiza si Burma.
"Gaga ka! Huwag mong ibuking ang agenda natin!" natawa kami sa biro ni Aiza. Nagkatinginan naman kami ni Honey at napangiti lang siya sa'kn.
Muling nagpatuloy ang paghahampasan nila ng mga unan. Ang sabi kasi ni Aiza matagal na raw nasa bucket list niya 'yung pillow fighting kaya hindi na niya pinalampas ang pagkakataon. Natigil ulit sila sa paghaharutan nang biglang may kumatok sa pinto. Nang bumukas 'yon ay sumilip si Miggy sa'min.
"Dinner's ready, let's eat." Nakangiti si Miggy a nakakapanibago para sa'kin. Nang magtama ang paningin namin ay kaagad siyang umiwas. "Just go downstairs."
"Yes, daddy!" bigla ba namang bulalas ni Aiza at malakas siyang hinampas nina Honey at Burma sa likuran. Maging ako'y hindi naiwasang matawa dahil sa bunganga nitong ni Aiza. Tumingin ako kay Miggy at nakitang iiling-iling lang siya habang nakangiti.
Nang mawala si Miggy ay saka kami nagtawanan nang malakas.
"Loka-loka!" sigaw ni Burma kay Aiza. "Hindi ka na nahiya kay Miggy! Siya na nga 'tong nag-welcome sa'tin dito tumuloy sa bahay nila imbis na magrenta tayo sa lodging house! At lalong hindi ka na nahiya kay Remi!"
"Eh, kasi naman, 'di ko mapigilan, ang gwapo-gwapo niya kasi!" kinikilig na sabi ni Aiza. "Ay! Sorry, Remi! Wala naman akong intensyong agawin ang fiancé mo." Alanganin akong ngumiti sa kanya.
"Aiza, umayos-ayos ka ng kalandian mo ha," sabi ni Honey, tumayo saka pinulot 'yung mga nahulog na unan. "Magbehave ka, nakakahiya naman sa nagpatuloy sa'tin."
"Opo na, sorry na nga eh," sagot naman nito. Dali-daling lumapit sa'kin si Aiza. "So, kamusta naman kayo rito sa bahay? May nangyari ba?!"
"Hoy, ang bastos mo!" sigaw ni Burma.
"Baliw ka talaga," sabi ko naman.
Mas lumakas ang pagtawa ni Aiza saka bigla akong hinampas, muntik na kong mahulog sa kinauupuan ko. "'Yung utak n'yo ang masyadong wild. I mean, kamusta ang mga kaganapan?"
"Hay nako, Aiza, kakarating lang natin dito gusto mo agad ng tsismis," sabi naman ni Honey. "Nandito tayo para mag-enjoy at magrelax with Remsky."
"Oo na nga sabi ko nga."
"Tara na, guys, kumain na tayo," yaya ko sa kanila sabay tayo. "Masarap magluto si Manang Kang, for sure magugustuhan n'yo ang mga pagkain niya."
"OMG, let's go!" pagkarinig ng salitang pagkain ay nauna nang lumabas ng kwarto ko si Burma. Pare-parehas kumalam ang sikmura namin kaya dali-dali na rin kaming nagpunta sa kumedor.
Hindi naman sila nadismaya dahil akala mo'y may piyesta sa dami ng pagkain ang hinanda ni Manang, ang sabi niya'y pinahanda raw talaga 'yon ni Miggy dahil alam nitong darating ang mga kaibigan ko. Gusto ko sanang magpasalamat sa pagiging generous niya pati sa pagpapatuloy sa mga kaibigan ko rito sa bahay nila pero tahimik lang ako habang kumakain.
Napuno ng halakhakan ang kumedor. Giliw na giliw si Manang sa tatlong bruha kaya napapangiti na lang kaming dalawa ni Miggy. Sa tuwing magtatama ang mga mata naming dalawa'y parang parehas kaming may gustong sabihin pero hindi sa pagkakataon na 'to. Nangungusap ang mga mata niya't marahil gustong itanong ang tungkol sa sinabi ko kanina. Kaso nga lang...hindi ito 'yung tamang oras para pag-usapan 'yon.
May gusto rin akong itanong sa kanya pero parang alam ko na rin kung ano 'yung sagot sa sarili kong tanong. Nasaan siya? Umalis na ba siya? Anong sinabi niya sa'yo?
"Oo nga pala, Remsky." Narinig ko ang boses ni Aiza kaya natigil ang pagkalutang ng isip ko. "Nakausap na namin sina Corra at Quentin para sa mini reunion natin dito, tutal nandito kami sana man lang makapagbonding tayong lahat, 'di buh? Si Poknat na lang ang hindi nagrereply."
"Huh?" Parang kanina lang ay iniisip ko siya 'tapos ngayon ay bigla siyang binanggit ni Aiza.
"Sana makasama siya," dinig kong sabi ni Burma. "Balita ko sa facebook niya na nagbabanda siya ulit, parang gusto ko silang mapanood!"
Ngumiti ako sa kanila at kusang lumabas sa bibig ko ang mga salitang, "Pwede naman natin sila puntahan kung saan sila naggi-gig."
Pagkasabi ko no'n ay saktong nagtama ulit ang mga mata namin ni Miggy. Sorry, Miggy, alam kong masyado kang nabigla sa mga sinabi ko kanina.
*****
"DALI, kuhanan mo 'ko rito ng picture, Burma, umayos ka, gandahan mo!" napailing na lang ako habang nakatingin sa kanila. Nagmistula kasing photographer ni Aiza si Burma gamit ang DSLR camera na dala nito.
Nandito kami ngayong hapon sa Camp John Hay, pagkatapos naming maglunch ay dito kami nagtungo. Naglalakad-lakad kami rito sa may Bell House, tamang kuha rin ng mga pictures. Marami-rami rin ang mga turistang mga kasabayan namin dahil weekend ngayon.
Habang abala ang dalawang pasaway sa pagkuha ng litrato'y bigla akong tinusok ni Honey sa tagiliran, saka ko lang namalayan na nasa tabi ko na pala siya.
"Si Miggy?" tanong niya.
"Ah, sabi niya nakalimutan niya 'yung battery bank ng phone niya kaya bumalik siya sa kotse niya," sagot ko. Nagpaalam kasi 'yon sa'kin kanina bago kami iwanan.
"Hoy, dito naman tayo!" dinig naming sigaw ni Aiza na papasok sa 'The Lost Cemetery'. Kasunod nito si Burma.
"May sementeryo pala rito," bulong ko sa sarili ko.
"Cemetery of Negativism." Napatingin ako kay Honey. "Symbolic site na tinayo para ibaon daw natin 'yung mga kanegahan natin sa buhay katulad ng emosyon, at iba pang bad vibes."
"Wow, nakapunta ka na pala rito dati." Tumango si Honey. Napangiti ako. "Sana nga'y paglabas natin dito, eh, mawala lahat ng mga dinadala nating problema."
"May mga problema ka bang dinadala, Remi?" muntik na kong matigilan sa sinabi niya. Kahit kailan talaga'y kahit tatahi-tahimik 'tong si Honey ay matalas ang pakiramdam niya sa ganitong mga bagay.
"Lahat naman tayo may mga problema, 'di ba?" sagot ko kaagad.
"May point ka," ngumiti siya lalo. "Sobrang excited ng dalawang bruha kaya hindi ka na namin nakamusta nang maigi kagabi—I mean, kung kamusta ka na rito." Tama nga ang hula ko.
"Palagi naman akong okay," sabi ko. "Medyo komplikado 'yung mga kinahaharap ko rito pero so far nakakaya ko naman." Bigla ko tuloy naalala 'yung mga pinagdaanan ko simula nang tumuntong ako sa Baguio, 'yung breakup namin ni Quentin, 'yung issue sa eskwelahan, kina Azami, Viggo, Deanna, 'tapos heto si Etta, at si Poknat—si Miggy din pala.
Huminto kami sa tapat ng isang puntod at tumitig sa nakasulat doon, 'WHY DIDEN'T I? BORN: ????? LIVED WONDERING WHY DIED FOR NO REASON.'
"Iyan kasi ang kahinaan mo minsan, Remi." Napatingin ako sa kanya. "Sa sobrang bait mo, palagi mong kinokonsidera 'yung mga tao sa paligid mo bago mismo 'yung sarili mo. Kaya tuloy sa huli, mas pinipili mong magkimkim."
"Grabe ka, Honey, real talk kung real talk," biro ko kaya parehas kaming natawa. "Ewan ko nga, kasi hindi ko naman alam kung mabait ba talaga 'ko. Kasi parang lahat naman ng tao pwedeng maging mabait."
Umiling si Honey. "Hindi, Remi. Mas maraming selfish na tao sa mundong 'to. Tama naman minsan, kasi 'di ba dapat unahin muna natin 'yung sarili natin." Tumango na lang ako sa sinabi niya. "Naalala ko bigla. Tutal nandito tayo sa libingan ng mga kanegahan may gusto akong ikwento sa'yo."
Medyo napakunot ako. "Ano 'yon?" tanong ko. Samantala, 'yung dalawang bruha ay nakalayo na sa'min at hindi napansing naiwan kaming dalawa ni Honey.
Napahinga muna nang malalim si Honey. "Alam ko medyo childish at matagal nang nangyari. Naalala mo na minsan na tayong nag-away, 'di ba?" Mabagal akong tumango. "Dahil kay Poknat o Kiel."
Naalala ko na naman tuloy. Hindi ko nga sukat akalaing nangyari 'yon at dahil do'n ay muntikan na kaming mag-friendship over ni Honey, pero sa huli mas nanaig pa rin 'yung mga pinagsamahan namin.
"Sa totoo lang, Remi," humarap sa'kin si Honey, "ako ang unang lumapit noon sa kanya matapos kong maakita na paulit-ulit mo siyang nirereject." Pagkatapos ay bigla siyang napayuko nang bahagya. "Ako ang nagbigay sa kanya ng idea na... Kung magiging kami, baka magselos ka, para malaman niya kung makakaapekto ba 'yon sa'yo. Pumayag siya."
"Hoy! Ang bagal n'yo naman!" parehas kaming napatingin kay Aiza sa malayo na kumakaway sa'min. Sabay kaming naglakad ni Honey habang tinuloy niya ang pagkukwento.
"Aaminin ko rin na nahulog ako sa kanya kasi—sino bang hindi? Hindi naman siya mahirap mahalin. Kaya hindi ko na siya gustong pakawalan no'n, kaya nainggit ako sa'yo kasi kitang-kita ko na talagang seryoso siya sa'yo. Sorry ulit kung dahil do'n may mga masasama akong nasabi sa'yo noon."
"Ano ka ba, wala na 'yon sa'kin. Sorry din kasi—"
"Ayan ka na naman sa pagiging masyado mong mabait. Wala kang dapat ihingi ng sorry," putol niya sa'kin. "May gusto lang din akong itanong sa'yo."
"Ano 'yon?"
"Nagselos ka ba noon sa'ming dalawa?" Napaisip ako bigla sa tinanong niya. "Ah, alam ko na 'yang isasagot mo, hindi ka sure o hindi mo alam kasi noong mga time na 'yon nanliligaw na sa'yo si Quentin." Ang bilis talaga ng utak nitong taong 'to. "Pero paano kung wala si Quentin sa eksena noong time na 'yon? Naapektuhan ka kaya?"
"Oo, mas naapektuhan ako lalo," sagot ko kaagad.
"Aha, sabi ko na ng aba at umepekto rin 'yung ginawa namin," natatawa niyang sabi at napamaang ako. "Sabi mo kasi MAS naapektuhan ka." Bago pa ko makabawi sa kanya'y biglang binilisan ni Honey ang paglalakad para makahabol kina Aiza.
Ano bang sinabi ko?
*****
MAS dumoble ang saya at ingay nang sumapit ang gabi. Napag-usapan kasi namin na sa 360 Bistro kami maghahapunan kasama sina Corra at Quentin, may klase pa kasi sila kanina kaya ngayong gabi lang sila nakasama sa'min.
Panay ang kantyaw nila Burma kay Corra dahil kasama rin kasi nitong dumating si Leighton. Nakatakas lang sa interrogation ang dalawa dahil mag-aayos pa sila. Narinig ko 'yung komento ng mga kasama ko, kaya raw pala hindi na nagsusulat si Corra online, iba na ang pinagkakaabalahan.
For some reasons ay nauna nang umuwi si Miggy, hindi siya sumama sa'min ngayon dahil may gagawin daw siya, pero naisip ko na mukhang ayaw lang niyang ma-out of place.
Malakas ang palakpakan nang dumating na 'yung oras ng set ng banda nila Poknat. Kaagad sumigaw ang mga kasama ko at nakita kami ni Poknat saka kumaway sa'min. Okay na sana ang lahat kaso nakita ko si Etta na kasama niyang kumakanta.
"Sino 'yong rakistang girl na 'yon?" dinig kong tanong ni Burma. "Don't tell me may jowa na si Poknat?" Saka ko lang na-realize na nakatingin silang lahat sa'kin, pati si Quentin na nakangiti lang. Ako pala ang hinihintay nilang sumagot sa tanong na 'yon.
"Kasa-kasama sa banda nila," sagot ko. "Hindi siya gf ni Poknat."
"Ow, talaga? Bakit parang ang lagkit ng tingin niya kay Poknat boy?" malisyosong sabi ni Aiza.
"Oo nga! Gano'n na gano'n titig ni Honey dati kay Poknat—aray!" biglang hinampas ni Honey si Burma, nagtawanan kami. "Joke lang, girl, love you!"
"Alam n'yo tama na ang tsismis, 'di pa ba kayo nagugutom?" sabi ko sa kanila para matigil na sila sa kalokohan nila.
"Ikaw, Q, kamusta ka naman? May girlfriend ka na ba? Ako pwede ako—aw! Joke lang naman!" si Aiza na hinampas naman ni Burma. Nailing na lang ako sa mga pasaway.
Saktong dumating ang mga pagkain namin, salamat naman at natahimik na ang mga loka-loka. Napatingin ako sa stage kung saan tumutugtog ng gitara si Poknat habang si Etta ang kumakanta, sa isang tao lang nakatuon ang tingin niya katulad nang nakita ko noon sa larawan. Nang tumingin sa'kin bigla si Poknat ay saka ko binaling sa harapan ng pagkain ang tingin ko.
Hindi pa tapos ang set ng banda nang matapos kaming kumain, bago kami umalis ay muling kumaway ang mga kasama ko kina Corra, Leighton, at Poknat na nasa stage para magpaalam.
"Sayang, gusto ko pa sana tumambay at manood sa kanila kaso sayang, ngayong gabi lang tayo makakapunta sa Night Market," sabi ni Aiza habang papalabas kami ng gusali.
"Pwede naman kayong bumalik sa Baguio anytime, right?" sabi ni Quentin na hindi pa rin napapawi ang smiling face.
"For you, babalik ako!" sabi ni Aiza saka umangkla kay Quentin.
"Ang landi talaga nito," sabi naman ni Honey. "Respeto sa ex." Tinuro pa ako ng loka.
"Ay, sorry, sorry," natatawang sabi ni Aiza saka bumitaw.
"Makakasama naman natin sila bukas," sabi ko. "'Di ba, Q?"
"Yeah," sagot nito. "Pupunta rin si Corra and her guy." Si Leighton 'ata ang tinutukoy nito. Linggo kasi bukas at inimbitahan kami ni Quentin na manood bukas ng hapon sa isang play ng theatre company nila. Madali lang siyang nakakuha ng libreng tickets dahil member siya (kamag-anak din ni Q 'yung producer). Go na go lang naman sila Aiza kahit na na-adjust ng gabi ang pagbiyahe nila pauwi.
"Eh, si Poknat kaya pupunta?" tanong ni Burma.
"Hindi ko lang alam," sagot ko.
"I invited him already, nakita ko siya sa school kanina," sabi bigla ni Quentin. "I gave him tickets."
"Tickets?" ulit ko.
"Uhh... Kasama niya kasi 'yung friend niya, 'yung girl kanina na kumakanta sa stage." Tinitigan ko si Quentin para masigurong tama ang narinig ko.
"Ohh, mukhang jowa nga ni Poknat," dinig kong bulong ni Burma.
Hindi na lang ako kumibo hanggang sa makarating kami sa sasakyan ni Quentin.
*****
ALAM ko na kahit hindi nila sabihin, sinadya ng tatlong loka-loka na pagtabihin kami ni Poknat dito sa loob ng auditorium. Medyo na-late kami sa pagdating sa venue kaya halos puno na ang loob, kami ang pinagtabi nilang dalawa sa likuran habang ang tatlo naman ay nasa harapan. Si Quentin ay nasa backstage, sina Corra at Leighton naman ay magkatabi sa harapan.
Ang sama ko na siguro dahil pinagpapasalamat ko na hindi nakarating ni Etta ngayon, sumakit daw ang tiyan sabi ng katabi ko kanina. Bigla siyang tumikhim. Hindi pa kasi nagsisimula ang palabas.
"Sinabi niya na nga pala sa'kin." Ako na ang naunang nagsalita.
"Huh? Ang alin?" tanong ni Poknat.
"Sinabi ni Etta na siya raw si Detdet." Tumingin ako sa kanya at nakita na nanlaki ang mga mata niya. "Iyon ang dahilan kung bakit special siya, 'di ba? Bakit hindi mo kaagad sinabi sa'min ni Miggy?"
"S-Siyempre, hindi naman gano'n kadali 'yon," sagot niya.
"So, matagal mo nang alam?" tanong ko.
"Nito ko lang din nalaman, nang malaman niya na dumating ka na rin sa Baguio."
"Lahat pala talaga kinukwento mo sa kanya." Humalukipkip ako.
Narinig ko ang marahan niyang pagtawa kaya napatingin ako sa kanya. Kakamot-kamot siya sa ulo. "Gusto sana kitang asarin kung nagseselos ka ba." Pinilit niyang sumeryoso. "No choice ako kasi ang kulit niya. At saka komportable naman ako sa kanya, parang kapatid na makulit gano'n... Galit ka pa rin ba?"
"Huh? Kanino?"
"Sa'kin."
"Bakit naman ako magagalit?" balik-tanong ko habang nakatutok ang mata sa stage. Ang tagal namang magsimula ng palabas. "Ikaw nga ang dapat kong tanungin dahil bigla ka na lang lumayas sa bahay."
"Nakahanap na kasi ako ng dorm, nakakahiya na rin kay Miggy. Sinabi ko sa kanya sabihin sa'yo."
"Marunong ka palang mahiya," bulong ko.
"Anong sabi mo? I miss you?" sabi niya ba naman. "I miss you too!"
"Baliw."
"Hay, sawakas ngumiti ka rin," dinig kong sabi niya. Saka ko nahuli ang ngiti sa labi ko. "Pero, 'di nga? 'Di mo man lang talaga ako namiss?"
"Medyo."
"Medyo lang talaga? Para bang 5% 'yan?" mas lumawak 'yung ngiti ko. Ang kolokoy talaga nito.
"Nasanay na kasi ako na maingay tuwing umaga, at saka nalulungkot kasi si Manang wala nang nambobola sa kanya, si Miggy kasi alam mo naman parang bato 'yon."
"Si Manang ba talaga ang nalulungkot?"
Mabuti na lang at tumunog na 'yung speakers, hudyat na malapit nang magsimula ang palabas. Natahimik na kami pati ang mga tao nang dumilim ang mga ilaw. Sumandal ako nang maigi sa upuan at mas nakahinga nang maluwag. Kanina kasi'y parang ang hirap kumilos dahil alam kong hindi magaanda 'yung huling pag-uusap namin sa bahay. At least, medyo okay na ngayon.
Dalawang oras din ang nagtagal bago natapos ang play. Malakas ang palakpakan ng mga tao nang magbow ang mga aktor sa entablado. Biglang nag-flashback sa'kin 'yong nakaraan kung kailan minsan akong naging bahagi ng Drama Club. Napangiti na lang ako sa mga alaalang 'yon.
Marami-rami ang mga tao kaya nagkita-kita na lang kami sa labas ng auditorium. At as usual, sinalubong kami ng mga mapanuksong titig at ngiti ng mga bruha.
"Oh, nag-enjoy ba kayo?" tanong ni Aiza. Dumating na rin sila Corra at Leighton kaya sa kanila nabaling ang pang-aasar ng mga kasama ko. Bilang pambawi, nakisali ako sa pang-aasar nila kay Corra. Si Poknat ay nagpalam na pumunta muna ng CR.
Habang inaasar si Corra at hinihintay si Quentin ay may nahuli ang gilid ng mga mata ko, dumaan ang isang pamilyar na tao. Kusang gumalaw ang mga paa ko para sumunod doon. Subalit sa dami ng mga taong dumadaan ay bigla akong may nakabunggo.
Nagmamadali ang babae kaya hindi man lang ako nakahingi ng sorry. Kaagad kong pinulot ang nahulog nitong itim na folder. "Miss, 'yung—" kaso nawala na ito.
Nang libutin ulit 'yung paningin ko'y muli kong nakita ang taong sinundan ko kanina. Naroon ito 'di kalayuan, kausap ang tito ni Quentin.
Palagi talaga kaming pinag-uugnay ng tadhana sa pamamagitan ng teatro. Kaya nga sa kaloob-looban ko'y ayoko nang balikan ang pag-arte dahil sa kanya—dahil kay Eliam Fraga, ang tatay ko.
-xxx-
THANKS FOR READING! (≧◡≦) ♡
Some memes from the previous chap XDD
(Wait there's more reveal pa HAHAHA)
Share ko lang: I attended the Wattpad Masterclass nito lang mga nakaraang linggo, and sa mga nabanggit nina Ms Suzette and Sir RJ (both writers and creators from GMA) narealize ko na... pang-soap opera material pala ang DNSR. What do you think? Naiimagine n'yo bang teleserye ang peg ng kwento ni Mingming? Kasi ako, OO talaga kasi super daming ganap and revelations in the future. xD
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro