Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 68 ❀


SABI nila nakatutulong daw ang paglalakad para magkaroon ng klaro ang isip mo. Kaya naman nang pumatak ang unang liwanag kanina'y kaagad akong bumangon at lumabas ng bahay. Nilabanan ko ang lamig nang maglakad-lakad ako sa loob ng subdivision.

Tunog lang ng huni ng mga ibon ang maririnig dahil sa katahimikan ng paligid. Umikot lang ako sa subdivision at ngayon ay pabalik na ako sa bahay. Nakatulong naman ang paglalakad na humupa ang tila ulap sa isip ko.

Bago ako pumasok sa loob ng gate ay huminga muna ako nang malalim. Panibagong araw na naman.

Pagpasok ko sa loob ng bahay ay naamoy ko kaagad ang aroma ng nilulutong almusal ni Manang sa may kusina. Nang masilip ko ang kumedor ay nakita kong wala pang ibang tao ro'n kaya pumanhik na ako sa itaas.

Natigilan ako sa harapan ng kwarto ko nang makita kong nakaawang ng bahagya ang pinto. Pagkabukas ko no'n ay huling-huli ko siya sa aktong may nilapag sa study table ko.

"Anong ginagawa mo?" naniningkit kong tanong.

Sumilay ang pilyong ngiti niya at napakamot pa sa batok. Halatang kakabangon lang niya rin dahil nakapantulog pa siya't gulo-gulo ang buhok.

"Sorry na. Para ka naman kasing pusa, hindi kita naramdaman, nahuli mo tuloy ako." Kinuha niya 'yung bagay na nilagay niya sa mesa at saka siya lumapit sa'kin. "Ang korni nakita mo na ako kaya heto ibibigay ko na sa'yo." Inabot sa'kin ni Poknat ang isang teddy bear na kulay pink.

Imbis na tanggapin ay tinitigan ko lang 'yon. Nang mapansin niya na natulala lang ako ay binaba niya ang kamay niya.

"Ming?"

Parang naglaho bigla 'yung kalinawan na nakuha ko kanina mula sa paglalakad, parang biglang nagkandabuhol-buhol na naman ang tali sa utak ko.

"Poknat... Nanliligaw ka ba?" Alam ko na dapat noon ko pa tinanong sa kanya 'yan. Ano ka ba naman, Remison? Hindi ko na nga dapat pa tinanong 'yon pero sa huli'y lumabas pa rin sa bibig ko ang tanong.

Nanatiling nakangiti si Poknat at humakbang pa ng isa palapit sa'kin. "Hindi pa ba obvious lahat ng mga pinaggagawa ko?" Pakiramdam ko nga'y kulang na lang sabihin niya sa'kin na napakamanhid mo naman pala.

"Para ano? Para... sagutin kita?" isang ewan na tanong ulit.

Sa pagkakataong 'yon ay naglaho ang pilyo niyang ngiti. Mukhang nakutuban na niya kung saan papunta ang usapan na 'to.

"Ming, okay ka lang? Mukhang kulang ka pa ata sa tulog dahil parang ang sabaw ng utak mo," sagot niya sa'kin. Nagbibiro na hindi mo mawari dahil seryoso siya. "Ang ibig kong sabihin, hindi naman siguro obvious kung bakit?"

"Pero paano kung sabihin ko sa'yo na tumigil ka na, titigil ka ba?" pagkasabi ko no'n ay natikom siya. Nagtitigan lang kami ng halos sampung segundo bago siya ulit magsalita.

"Sa tingin mo?" balik-tanong niya sa'kin, parang nanghahamon, pero hindi ako natinag. Humakbang siya palapit habang umatras naman ako. "May kinalaman ba 'to sa nangyari kagabi? Sinabi sa'kin ni Etta na napaiyak ka niya."

"Pwede ba huwag mon ang banggitin 'yung taong 'yon—"

"Bakit? Nagseselos ka ba?"

"Hindi ako nagseselos. Ayoko lang ng taong nangingialam sa buhay—"

"Oh, ayaw mo pala no'n? Pero hinayaan mo lang kontrolin ng ibang tao 'yung desisyon mo." Itinaas ko palang 'yung kamay ko para hampasin siya pero maagap niyang nahawakan 'yon. "Naapektuhan ka sa mga sinasabi ni Etta, kasi totoo? Bakit ba binabatay mo lagi sa ibang tao 'yung nararamdaman mo? Bakit ayaw mong magpakatotoo sa nararamdaman mo?"

Nang maramdaman ko ang lamig sa likuran ko'y saka ko lang napagtanto na wala na akong aatrasan, hawak-hawak pa rin ni Poknat ang kamay ko at halos dalawang dangkal na lang ang pagitan naming dalawa. Pakiramdam ko'y literal akong nanliit dahil nakatingala ako sa kanya.

Hindi kami nakapagsalita parehas, saka lang din niya napagtanto kung gaano kami kalapit sa isa't isa. Bumaba 'yung tingin niya saka dahan-dahang mas lumapit sa'kin. Napapikit ako. Hinihintay ang susunod na pangyayari. Isa, dalawa, tatlong segundo. Nagmulat ako nang walang nangyari.

Bigla siyang lumayo. Nang dumilat ako'y nakita ko siyang nakatalikod, napahinga nang malalim. Maging ako'y napahugot din ng hininga dahil parang bigla akong kinapos ng hangin.

"Sorry," dinig kong sabi niya habang nakatalikod pa rin. "Hindi si Etta ang issue rito." Binanggit na naman niya ang taong 'yon. Bigla siyang lumingon. "Sabihin mo lang sa'kin ng direkta, titigil ako." Lumapit na naman siya pero hindi na kasing lapit no'ng kanina.

"Titigil saan?"

Napasabunot siya sa buhok, parang nauubusan ng pasensiya. "Hindi ko alam kung slow ka lang ba talaga o sadyang sinusubok mo ako."

"Alam ni Miggy kung anong ginagawa mo," sabi ko bigla sa kanya.

"Lalaki rin siya kaya malamang alam niya na 'yon 'agad," sagot niya. Napakunot ako dahil hindi man lang siya nabahala.

"Alam mo ba kung anong sinabi niya? Wala siyang pakialam kasi alam niya na..." bigla kong hindi matuloy 'yung sasabihin ko. "Kasi alam niya na...Alam niya..."

"Na wala kang choice?" umismid siya. "Kampante siya kasi alam niyang wala ka nang ibang mapupuntahan. Kaya ko 'to ginagawa para gisingin ka sa katotohanan, na hindi totoong wala ka nang ibang magagawa." Sa sinabi niyang 'yon ay bigla ko na namang naalala ang mga sinabi ni Etta sa'kin kagabi.

"Kaya mo ba 'to ginagawa?" tanong ko bigla. "Kasi gusto mo akong agawin kay Miggy?"

Umiling si Poknat. "Bakit kita aagawin kung alam ko namang hindi ka niya pag-aari." Hindi ko alam kung bakit pero bigla akong nangiti. "Oha, napangiti kita ro'n."

"Loko-loko," bulong ko. "Hindi mo na kailangang gawin 'to, Poknat." Biglang sumeryoso ulit parehas ang mga itsura namin. "

"Bakit? Ito ang gusto ko—ikaw ang gusto ko."

"Sana kasing dali lang ng lahat katulad ng mga gusto mo," halos pabulong kong sabi nang yumuko ako. "Sana gano'n lang kadali 'yon."

"Ming—" akma siyang lalapit ulit nang itaas ko 'yung kamay ko para pigilan siya.

"Poknat... Hayaan mo muna akong makapag-isip. Please?"

Napahinga ulit siya nang malalim. Walang salitang nilapag niya ulit sa mesa ang dala niya kanina. Saka siya muling humarap sa'kin.

"Sige," matipid niyang sagot saka pilit ngumiti. "Kung iyon ang gusto mo sa ngayon."

Pagkatapos ay naglakad siya palabas ng kwarto. Nang maiwan ako'y napahilamos ako ng mukha.

*****

"REMI, pwede ba tayong mag-usap?" bukod kina Viggo, Azami, at Kennedy, ay kasama na 'ata si Etta sa listahan ng mga tao na huli kong gustong makita sa bawat araw.

Lunch break at as usual ay kasabay ko sina Anne at Riley nang bigla siyang lumapit sa'kin nang makapasok kami sa loob ng cafeteria. Tumingin sa'kin ang dalawang kasama ko at tinanguan ko na lang sila na mauna na silang kumain.

"Ano 'yon?" tanong ko. Imbis na sumagot ay naglakad si Etta palabas. No choice na sinundan ko siya dahil mukhang hindi rin kami magkakaintindihan sa cafeteria dahil sa ingay ng ibang mga estudyante. Naapadpad kami sa walkway sa gilid at umupo siya sa isang bench.

"Upo ka," alok niya at tinapik ang sementong upuan. Nag-aalangang umupo ako sa dulo nito. "Gusto ko lang sana humingi ng sorry."

"Para saan?"

Napangisi si Etta. "Kagabi lang nangyari 'yong umiyak ka, huwag mong sabihing nakalimot ka na?" Hindi ako sumagot. "Alam kong insensitive ako sa mga sinabi ko, hindi ko rin namang intensyong paiyakin ka."

Sa totoo lang ay hindi ko alam kung paano sasagutin ang mga sinabi niyang 'yon. Apology accepted? Naiinis pa rin ako sa kanya dahil sa mga panri-real talk niya. O paraan lang niya ba 'to para i-torture na naman ako ng mga salita niya dahil trip niya lang?

"Iyon lang ba ang sasabihin mo?" tanong ko at akmang tatayo na ako.

"Balita ko binasted mo na naman si Poknat." At heto na naman siya, hindi talaga kumpleto ang araw niya nang hindi nangingialam sa buhay ko.

"Ang bilis mo namang nakasagap ng tsismis," nang-uuyam kong sabi. Natawa si Etta sa'kin.

"Ako pa ba? Pagdating kay Poknat updated ako, ano?" So? Anong pakialam ko? Mangali-ngali kong sabihin pero tumikom lang ako. "Naku-curious nga ako kasi hanggang kailan kaya siya maghihintay sa'yo? Hmm... O baka naman napapagod na rin siya pagiging pa-hard to get mo kaya pumayag na rin siya sa gusto mo na tumigil siya."

"Pwede ba, Etta!" tumayo na ako dahil pumipitik na naman ang pasensiya ko sa babaeng 'to. "Kakahingi mo lang ng sorry nagiging insensitive ka na naman?"

"Hays, sayang kayo," hindi niya pinansin ang pagtataas ng boses ko. "Napapagod din si Poknat, alam mo 'yon? Ito na nga lang isang linggo ang huli niyang pag-asa para magising ka sa katotohanan pero olats pa rin." Hindi pa rin talaga siya tumigil. "Paano na 'yan? Ipapakilala niya pa kaya ako sa'yo?"

"Ano bang pinagsasasabi mo?" kaunti na lang talaga, kaunting-kaunti na lang talaga ang pasensiya ko.

Mas lumawak ang ngisi sa mukha niya na kay sarap punitin. "Special nga raw ako, hindi ba?"

"Wala akong pakialam kung special ka. Magsama kayong dalawa—" tinalikuran ko na siya at talagang iiwanan ko na siya pero narinig ko siyang tumawa.

"Nakakatuwa ka talagang asarin, halatang nagseselos ka, Mingming."

Lumingon ako sa kanya nang hindi itinatago ang pagkainis sa kanya. "Huwag mo akong tawagin sa palayaw ko. Hindi tayo close—"

"Ganyan din ang sinabi sa'kin ni Poknat nang tawagin ko siya sa palayaw niya," putol niya sa'kin at humakbang siya palapit sa'kin. "Pero nagbago ang isip niya nang magpakilala ako."

"Ano bang—"

"Nalungkot ako nang mabalitaan ko kung anong nangyari kay Aling Eme. Kahit na masungit siya sa'kin palagi dahil marami akong libag kapag sinusundo kita, mabait pa rin siya dahil binibigyan niya ako ng masanas." Naglaho ang ngisi sa mukha niya habang sinasabi niya 'yon. Direkta siyang nakatingin sa mga mata ko, hindi kumukurap, nangingilala at tila nakikiusap.

"I-Imposible..."

"Natatandaan mo pa ba ako, Mingming?"

Umiling ako nang sunod-sunod. Tandang-tanda ko pa rin. Pero... Pero imposible 'to. Pinagtitripan niya lang ba ako? Anong kalokohan 'to?

"D-Detdet?" pero tinraydor ako ng sarili kong bibig nang sabihin ko ang pangalang 'yon.

Napangiti si Etta, ngiting ngayon ko lang din nakita mula sa kanya—may halong tuwa at lungkot.

"Ako nga, Mingming. Ako nga ang kababata n'yo ni Miggy."

*****

ISANG multo. Iyon ang nasa isip ko maghapon nang hindi ko na ulit makita si Etta simula nang mag-usap kami noong tanghalian. Kumakalam ang tiyan ko buong period ng last subject namin dahil hindi ko na nagawa pang makakain.

Nang tawagin kanina ng professor namin ang pangalan ni Etta para sa attendance ay doon ako natauhan na totoo talaga siya. Alam ko na rin kung bakit gano'n ang samahan nila ni Poknat, at kung bakit naging special si Etta. Ang daming tanong sa isip ko kaya hindi na ako nakinig pa sa lecture.

Noong pumatak ang oras ng uwian ay kulang na lang lumipad ako pauwi, ni hindi ko na nga nagawang makapagpaalam pa sa mga kaklase ko dahil walang ibang laman ang utak ko kundi ang nangyari kanina.

Kaso kung kailan ka nga naman nagmamadali umuwi ay saka ako na-stuck sa traffic ng halos isang oras. Idagdag pa sa kamalasan ko na nalowbat 'yung cellphone ko dahil hindi ito na-full charge.

Magdidilim na nang makarating ako sa subdivision namin. Lakad-takbo ang ginawa ko nang matigilan ako bigla dahil nakita ko si Miggy na nasa labas ng bahay. Dali-dali ko siyang nilapitan.

"Miggy!" Halatang nagulat siya nang makita akong hindi magkandaugaga.

"What's wrong?" nakakunot niyang tanong. "Remi, they're—"

"Buhay si Detdet!" walang pasubaling sinabi ko sa kanya ang nalaman ko. Tumitig lang sa'kin si Miggy, hinihintay na sabihin kong isang malaking joke lang 'yon pero hindi ako kumurap. Patunay na nagsasabi ako ng totoo—kaso halatang hindi siya naniniwala nang mauna siyang kumurap.

"You're kidding, right?"

Umiling ako at hinawakan ko pa siya sa magkabilang braso. "Miggy, si Detdet... si Etta... Si Etta ay si Detdet." Nang tila tumagos kay Miggy ang titig ko sa mga mata niya'y naramdaman ko ang mahigpit na paghawak niya sa mga kamay ko.

"H-How's that possible? She died, right?"

"Miggy—"

"Surprise!!!" sabay kaming napatingin ni Miggy sa may bahay. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko sina Aiza, Honey, at Burma. "We're here na for you, Remi!"

Napangiti ako nang makita ko silang tatlo. Natutuwa ako na makita sila dahil sobra ko silang namiss pero... Pero hindi ko pa ring makuhang magsaya.

Sumulyap ako kay Miggy subalit kaagad siyang tumalikod nang makita ko na nagpahid siya ng pisngi. Umiiyak ba siya? 


-xxx-




A/N: thanks again for reading. Let me know your thoughts about this chapter. :) 


Etta

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro