DALAGA 62❀
"GOOD MORNING, saan ka galing?" halos mapatalon ako nang makita ko si Corra na pupungas-pungas na nakaupo sa gilid ng kama.
"Corra, nakakagulat ka naman," sabi ko sabay upo sa kama ko. "Naglakad-lakad lang."
May naalala ako bigla, at para rin matabunan ang kuryosidad sa nakita ko kanina, ay kaagad kong inusig si Corra kung ano ang dapat niyang ikwento. Kagabi kasi'y sa dami ng ininom niyang beer ay plakda siya agad sa kama at hindi na nakapagkwento sa'kin.
"Alright, ganito kasi 'yon..." Nagsimulang magkwento si Corra kung paano niya sinundan si Leighton sa pag-aaral sa UP Baguio. Dahil magkaklase sila noong high school ay natural daw na palagi silang magkita noong first sem pa lang.
"Siyempre, patay na patay ka sa kanya—" binato niya ako ng unan at nagpatuloy siya sa pagkukwento.
Hanggang sa nalaman na lang daw niya na sumama sa isang banda si Leighton na tiga-ibang school na dati nilang schoolmate, si Poknat nga 'yon o Kiel sa tawag nila. Naging busy si Leighton sa pagbabanda at hindi na sila nagkikita palagi para mag-aral. Boring nga naman kasi ang college life kung puro aral daw.
Kaya ayon si Corra, imbis na magsulat ng mga kwento, ay mas piniling mag-aral ng gitara para masundan ang taong mahal niya. 'Di kalaunan ay nakuha niya ang gusto niya, naging bahagi siya ng banda nila Poknat at palagi na ulit niyang kasama si Leighton.
"Pero Corra... Hindi pa ba siya nakakahalata sa'yo?" tanong ko naman.
Napabuntong hininga si Corra at nilagay ang dalawang kamay sa mukha bago sinabing, "Alam na niya, noong first sem pa lang."
Nanlaki ang mga mata ko. "Huh? Anong sabi niya?!"
"G-gusto rin naman daw niya ako."
"Oh?! Tapos?!"
"Tapos ayon..."
Bumaba ang ngiti ko nang mapansing nag-aalinlangan siya. "Kayo na?"
"Parang gano'n... Pero hindi."
"Niligawan ka niya?" tanong ko at umiling siya.
"Basta may mutual understanding kami, gano'n. Tapos palagi kaming magkasama, magkachat at magkatext. Parang kami nga, Remi."
"Pero hindi."
"Magulo ba?" tanong niya.
Mas magulo pa rin 'yung sitwasyon ko, gusto ko sanang isagot.
Kung hindi pa kumalam ang sikmura namin ni Corra ay hindi kami matatauhan. Nag-ayos kami bago lumabas at kumain ng almusal sa naghihintay na buffet sa ibaba. Si Leighton at Quentin lang ang nadatnan namin doon dahil umuwi na raw si Poknat.
*****
TAPOS na ang mistulang bakasyon namin ng isang araw sa venue ng debut ni Azami. Pag-uwi ko ay bigla akong nalungkot nang maalala ang payapang dagat, at dahil balik normal na naman ang buhay ko kinabukasan. Tanghali na ako naihatid nina Quentin at Corra sa bahay. Wala si Miggy, sabi ni Manang ay may pinuntahan daw.
Mabuti na lang at wala akong pasok ngayon at maghapon lang akong nagkulong sa kwarto ko. Nagbukas ako ng laptop at nag-online. Ngayon ko na lang ulit naka-chat sila Aiza. Mabuti't weekend kaya online din sila. Ang dami kong gustong ikwento pero parang hindi 'yon sapat sa chat lang.
Nabanggit ni Burma na malapit-lapit na ang Christmas Break at gusto nila akong puntahan dito sa Baguio. Ako naman ay na-excite, halos pinanood ko nga lang 'yung usapan nila sa group chat 'yung mga plano nila. Ang dami nilang nililista na gagawin namin, tamang-tama ay hindi ko pa rin naman ako nakakapaglibot sa mga tourist attraction dito.
Pagkatapos naming magchat ay sunod kong tinawagan si Auntie para kamustahin sila.
"Oh? Mabuti naman at naisipan mo pang tumawag?" bakas ang kasungitan sa boses niya, alam ko na tuloy kung anong itsura ni Auntie kahit hindi ko siya nakikita.
"Sorry naman, Auntie, sobrang busy lang..." pagdadahilan ko.
"Mukhang na-adapt mo na ang lifestyle mayaman diyan, Remi. Husayan mo pa lalo." Hindi ko alam kung joke ba 'yon ni Auntie o sadyang masama pa rin talaga ang loob niya dahil halos isang linggo rin akong hindi nakatawag.
"Auntie naman, sorry na kasi..." hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa kanya 'yung nangyari sa'kin noong mga nakaraang araw. Magtatransform kaya siyang dragon kapag nalaman niya na may nambully sa'kin sa school? "Auntie, si Mamang?"
Narinig ko na pinasa niya 'yung phone, mukhang nakauwi na sila sa bahay.
"Mingming!" bulalas ni Mamang. Kaagad akong napangiti nang marinig ang boses niya. "Kamusta ka na, apo ko? Miss na miss ka na ng Auntie mo."
"Hoy mother dear, anong ako? Baka ikaw!" narinig ko 'yung boses ni Auntie sa background.
"Mamang, sa bakasyon uuwi ako riyan, anong gusto n'yong pasalubong?" tanong ko.
"Nakow, huwag ka nang mag-abala pa. At saka isa pa... Pwede ka bang umuwi rine? Baka maabala ang pag-aaral mo?"
"Mother dear, hindi preso 'yang apo niyo para hindi umuwi." Natawa ako sa sinabi ni Auntie, wala pa rin talagang pinagbago ang bruha. "Gusto ko ng ube jam, Remi, at saka peanut brittle, choco flakes, sundot kulangot, tapos ashtray at saka 'yung barrel man bilhan mo—"
"Ano ka ba, Emiliana! Naglilihi ka ba?!" Singhal ni Mamang kay Auntie, para pa rin talaga silang aso't pusa.
"Mamang, bawal na magalit, 'di ba?" sabi ko naman.
"Ay naku, pasensiya na, ito kasing tiyahin mong mahadera. Ming, sabi ko sa Auntie mo kami na lang ang dadalaw sa'yo riyan, magpapaalam kami kay Miguel..."
"Bakit, Mamang, ayaw n'yo po ba akong umuwi riyan?"
Biglang humina ang boses ni Mamang. "Ayoko lang naman kasi na... baka pagpiyestahan ka rito ng mga kapitbahay natin. Akala kasi ata ng mga 'yon ay nag-abroad ka."
Natameme ako saglit. Kunsabagay ay mabilis lang kumalat ang tsismis. Natatakot lang siguro si Mamang sa kung anong marinig ko mula sa ibang tao—sa kung anong iniisip nila sa'kin. Pero hindi naman talaga ako nag-aalala ro'n, mas nag-aalala ako sa kalagayan ni Mamang.
"Sige, Mamang, sabihin niyo na lang sa'kin ni Auntie kung kailan kayo pupunta," sabi ko kahit labag sa kalooban. Mas gusto ko sana umuwi sa'min dahil naho-homesick na rin ako. Oh, talaga bang tama si Auntie na nasasanay na ako rito? Ah, ayoko na muna mamrublema.
*****
LUNES.
Kanina ko pa pinipihit 'yung switch ng heater ng shower pero kahit anong ikot ko'y hindi pa rin umiinit ang tubig. Wala akong balak makipagsuntukan sa lamig ng tubig kaya minabuti ko na lang lumabas ng banyo ng kwarto ko.
Pumasok sa isip kong magpainit ng tubig nang maalala kong may common CR pa nga pala sa may second floor, alam ko para sa mga guest 'yon. Lumabas ako bitbit ang mga gamit ko panglinggo, pati damit, at tuwalya.
Sa may dulo ng hallway 'yung CR at nang marating ko 'yon ay akma ko palang hahawakan ang door knob nang biglang bumukas ang pinto. Hanggang ngayon ay matatakutin pa rin ako sa bahay na 'to kaya sa gulat ko'y bigla akong napasigaw.
"Ahhh!" mas nagulat ako lalo nang sumigaw din siya. Nanlaki tuloy ang mga mata ko, para akong kinuryente at gising na gising.
Kaagad din naman akong tumikom at muntik ko nang ibato sa kanya 'yung mga hawak ko.
"P-Poknat?!"
"Ming, huwag ka namang manggugulat! Akala ko multo!" napahawak pa siya sa dibdib niya. Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa, basa pa 'yung buhok niya at nakasuot ng robe, mukhang lamig na lamig.
"Bakit nandito ka?!"
"Ah... Eh... Ako na pala ang bago n'yong housemate," sagot niya at nag-peace sign pa. Kumunot ang noo ko sa tinuran niyang 'yon. Nananaginip lang ba ako?
"H-housemate? Ipaliwanag mo sa'kin kung paano nangyari 'yon!"
"Hay nako, ang dami mong tanong, baka ma-late ka na niyan sa school," sabi niya, tinapik ako at saka ako iniwanan na parang wala lang. Naiwan akong halos nakanganga at pinanood siyang pumasok sa katapat kong kwarto.
Sinubukan ko pang sampalin at kurutin ang sarili ko para siguraduhing hindi ako nananaginip pero kirot lang ang napala ko. Kung gano'n totoo nga. Hindi 'to panaginip. Housemate ko na rin si Poknat.
Nang mapagtanto ko na baka ma-late pa ko'y dali-dali akong kumilos, pumasok sa loob ng CR at naligo. Pagkatapos kong makapagbihis at makapag-ayos ay bumaba ako at nadatnan sa dining area si Miggy at Poknat.
Hindi nila ako napansin agad dahil nagkukwentuhan sila. Kitang-kita ko si Poknat na prenteng-prenteng nakaupo at nagpapalaman ng strawberry jam sa tinapay niya, inalok siya ni Manang ng pagkain at malugod namang tinanggap ng loko.
Dahan-dahan akong lumapit sa mesa at saka lang nila ako napansin.
"Good morning, Ming!" masiglang bati ni Poknat sa'kin sabay subo ng malaki.
Si Miggy naman ay tumingin sa'kin. "Kumain ka na muna bago ka pumasok."
"Hindi kayo sabay pumapasok?" singit na tanong ni Poknat.
Hindi sumagot si Miggy at ako naman ay naupo kaharap niya. Wala akong sinabi at nakatingin lang ako sa kanilang dalawa. Nang makaramdam sila sa tingin ko'y tumigil sa pagkain si Miggy.
"Hindi na kita ginising kagabi nang dumating si Poknat," sabi ni Miggy sa'kin. "He'll stay with us temporarily."
"Bakit?" Tumingin ako kay Poknat na tumigil sa pagkagat ng sandwich.
Uminom muna si Poknat ng tubig, tumikhim, saka nagsalita. "Nag-away kasi kami ng lolo kong hukluban tapos ayun pinalayas ako. Kaya naisipan ko rito muna ako, mabuti na lang sobrang bait nitong ni Miggy boy." Inakbayan pa ni Poknat ang katabing si Miggy. Nang mapansin niya 'yung tingin ko sa kanya'y bumitaw siya roon. "Ahmm... Bakit naman ganyan ka makatingin, Ming? Parang hindi ka naniniwala?"
"Ah, gano'n ba," sagot ko na lang saka dumampot ng tinapay.
"Ang laking coincidence nga, eh," nagsalita bigla si Miggy. "Both of our grandpa's used to be associates."
"Oh, 'di ba, kala mo nagkukwentong barbers ako," sabi ni Poknat sa'kin na parang nang-aasar. "For your information lang, Ming, na nabanggit ko na kay Miggy, nagkakilala ang mga lolo namin no'ng college kaya rito kami parehas pinag-aral ni Miggy. Angas, 'di ba?"
Halos mabulunan ako nang marinig 'yon pero nagpatuloy lang si Poknat.
"Kinukulit kasi ako ni tanda magseryoso sa pinagagawa niya, eh, 'di naman ako interesado sa kumpanya niya. Gusto ko ako 'yong magtatayo ng sarili ko, 'di ako aasa sa kanya," may bakas ng pride ang boses niya at parehas kaming napatitig ni Miggy sa kanya. "Pansamantala lang naman ako dito, huwag kayong mag-alala," bigla siyang tumingin sa'kin, "isang linggo."
Dali-dali kong inubos 'yung almusal ko, pagkatapos ay dinala ko sa kusina 'yung pinagkainan ko para na rin makapagpaalam kay Manang (sanay na siya na hindi kami sabay ni Miggy at pati 'yung hindi namin pagpapansinan).
"Mauna na ako," paalam ko sa kanilang dalawa.
"Bata ka pa," dinig kong biro ni Poknat pero sinamaan ko siya ng tingin.
Paglabas ko ng bahay ay saka ko lang na-digest ang mga nangyari.
Okay. Kasama na namin sa bahay si Poknat. No big deal. Isang linggo lang naman. Pero bakit ako kinakabahan? Baka ma-late ka kasi kaya ka kinakabahan.
Sumabay pa sa kaba ko 'yung pagmamadali ko kaya bawat hakbang ay may kumakatok sa dibdib ko. Nang marating ko ang sakayan ng jeep ay naabutan ko na marami ring mga pasahero ang naghihintay ng masasakyan, mga estudyante katulad ko at mga empleyado na papasok sa trabaho.
Narinig ko 'yung pagkukwentuhan ng katabi ko at narinig ko na may disgrasya raw sa highway kaya madalang ang mga jeep na nakakadaan. Mayamaya pa'y may dumating na jeep pero puno naman, parang mga zombie na sumugod 'yung mga nagmamadali para makasakay.
"Tsk, tsk, tsk. Monday rush." Napatingin ako sa gilid ko at hindi na ako nagulat pa nang makita ko siya. Gusto ko na nga rin maniwala na baka pati disgrasya sa highway ay sinadya niyang mangyari.
Tumingin ako sa kanya at nakita siyang nakangisi. Nakasuot siya ng itim na hoodie na pinatungan ng denim jacket, akala mo ay tutugtog siya sa banda pero papasok lang din naman sa school. Tinaas niya 'yung susi ng motor niya at alam ko na ang ibig niyang sabihin.
"Tara na, male-late na tayo," sabi ko at nauna akong naglakad papunta sa pulang motor niya na nakita kong nakapark 'di kalayuan.
"Wow! Akala ko tatanggi ka!" manghang bulalas niya habang nakasunod sa likuran ko.
"Praktikal akong tao, hindi ko tatanggihan ang biyaya," sagot ko naman sa kanya.
"Ay, oo nga pala, papakasal ka nga kay Miggy eh," bulong niya at kaagad ko siyang nilingon kaya muntik na kaming magkabungguan.
"May sinasabi ka?"
"Wala po. Ang sungit naman nito," tatawa-tawa niyang sabi. Paglapit namin sa motor niya'y inabot niya sa'kin ang helmet at parehas kaming sumakay doon.
May magandang naidulot din naman ang pagdating ni Poknat, nakalibre ng pamasahe at hindi ako male-late sa klase na ayaw na ayaw ko.
Pagbaba namin sa may parking lot ay nakita kong nilabas niya ang ID na nasa pocket ng jacket niya, dito nga talaga siya nag-aaral, medyo hindi pa rin ako makapaniwala eh. Inabot ko sa kanya 'yung helmet.
"Thank you," nginitian ko naman siya. Hindi naman ako gano'n kasama.
"Walang kiss?" nawala 'yung ngiti ko at kaagad siyang tumawa. "Joke lang! Affected masyado?"
"Ewan ko sa'yo." Tatalikod palang ako nang hawakan niya 'yung kamay ko at may nilagay sa palad ko.
"Buksan mo 'yan mamaya pagkatapos ng una mong klase," sabi niya at natulala lang ako sa kamay ko. "Sige na, male-late ka na."
Dali-dali naman alkong naglakad habang hawak pa rin ang nilagay niya sa kamay ko. Nang makarating ako sa building namin ay saktong dumating ang professor namin. Buzzer beater.
Pero hindi konatiis dahil kahit na nagsimulang maglecture 'yung prof namin ay kaagad kong binuksan 'yung tinupi-tuping papel na binigay sa'kin ni Poknat.
'Dear, Mingming,
Alam kong hindi na uso ang sulat ngayon pero mas gusto ko pa rin ang old school, parang katulad lang noong mga bata pa lang tayo.
Sinabi ko sa'yo na bigyan mo ako ng isang linggo at ito na nga ang unang araw. Hindi ko nga alam kung paano at saan magsisimula pero sa tingin ko ito ang pinakamadaling paraan. Kahit makapal ang mukha ko ay torpe pa rin naman ako ng mga 5% haha.
Kaya sa unang araw, Lunes.
Bakit? Ang tanong mo.
Well, dahil simula bata palang tayo, kilala na natin ang isa't isa.
At least sigurado ka na sa character reference ko.
Gusto ko lang din pala ipaalam sa'yo kung gaano ako kadismayado noong pinasalubungan mo ako ng cotton candy na sabi mo'y ulap. Sana natatandaan mo pa 'yon.
Ps. Dahil sa'yo talagang naghalukay ako sa mga bookstore ng mga stationary katulad nito. Sana kiligin ka man lang kahit mga 5% din.
-Poknat.'
"Miss Berbena looked like had a great morning today despite the traffic." Natauhan ako nang marinig ko 'yung prof ko. "Please stand up and answer my question."
"S-sorry po." Halos pabulong kong sabi bago ko nahuli ang sarili ko na nakangiti.
-xxx-
A/N: See you next chap! Meme exhibition from DNSR readers (you know guys who you are! Pls comment kayo na sa inyo yung meme sa photo hehe)
THANKS FOR READING! (≧◡≦) ♡
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro