Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 5❀


FIND your height.

Isa 'yan sa natutunan ko sa Grade One.

Palagi akong nasa unahan kasi maliit ako.

Kaya noong kinuhanan kami ng class picture ay nasa gitna ako.

Tila naging magkaiba ang mundo ko noong ipasok ako ni Mamang sa isang eskwelahan.

Tapos na raw kasi ako sa kinder kaya sa mas malaking iskul daw nila ako pag-aaralin.

Mas madaming bata rito sa bago kong iskul.

Iba-iba sila ng mga itsura, marami ring mas malaki sa'kin.

Ang tawag nila sa'kin dito sa iskul ay 'Remison'. Iyon kasi 'yung nakalagay sa nametag na ginawa ni Mamang.

Mas marami akong klasmeyts kaysa noong kinder.

Hindi ko nga alam kung makakabisado ko ba 'yung mga pangalan nila eh.

Tsaka kung magiging kaibigan ko ba silang lahat.

Mas marami rin kaming subjects na inaaral ngayon.

Paminsan-minsan kumakanta pa rin kami katulad noong kinder:

'Kung ikaw ay masaya, tumawa ka. Hahaha!'

'Ang mga ibon na lumilipad, ay mahal ng diyos. 'Di kumukupas.'

'May tatlong bibe akong nakita. Mataba, mapayat mga bibe.'

'Sampung mga daliri, kamay, at paa. Dalawang tenga, dalawang mata, ilong na maganda.'

'Ako ay may lobo, lumipad sa langit. 'Di ko na nakita, pumutok na pala.'

'Bahay kubo, kahit munti, ang halaman doo, ay sari-sari.'

'Pen pen de sarapen, de kutsilyo de almasen. Haw, haw de karabaw batuten.'

'Yung mga bagong kanta na natututunan ko ay kinakanta ko sa bahay, at minsan tinuturo ko rin 'yon kay Poknat kapag naglalaro kami.

Lalo na 'yung bayang magiliw.

Tapos nilalagay ko pa 'yung kamay sa dibdib ko kapag kinakanta ko 'yun.

Kaso, minsan nakakatamad na mag-aral.

Kasi, ginigising ako ni Mamang ng napakaaga.

Hindi pa tumitilaok ang manok ay gising na si Mamang.

Tapos bubuksan niya 'yung TV, maririnig ko 'yung balita.

Pagtitimpla ako ng gatas ni Mamang habang nagluluto siya ng itlog at sinangag.

Aayusin ni Mamang 'yung baunan ko. Lalagyan niya ng mga pagkain. Para sa recess: isang wafer, tsaka Zesto. Para sa lunch, may tupperwear siyang ilalagay na may lamang kanin at ulam na hotdog, minsan ham.

Tuwing umaga hinahatid ako ni Papang sa iskul.

Tapos sa loob ng classroom, dadating si teacher tapos magdadasal kami at kakanta kaming bayang magiliw.

Hindi na ako makapaghintay sa recess kasi nagugutom na 'ko.

Kapag recess na tumutunog 'yung bell at kanya-kanyang labasan ng lunchbox 'yung mga kaklase ko.

Ang gaganda ng luncbox nila.

Merong parang kotse kasi may gulong.

Merong kulay pink na may mukha ni Barbie.

'Yung lunchbox ko kasi ay kulay green tapos may pangalan ng bangko, nakuha ng libre nila Mamang.

Gusto ko rin ng lunchbox na Barbie, kaso sabi ni Mamang mahal daw 'yun.

Tumingin ako sa paligid at nakita ko 'yung mga kaklase ko na kanya-kanya ng ginagawa, may mga kumakain, tapos 'yung iba nagtatakbuhan.

Napatingin ako sa katabi ko. Kumakain siya ng tsokolate na cake. Sarap na sarap siya.

Napansin niya 'ata na napatingin ako sa kanya kaya nagkatitigan kami.

"Gusto mo?" bigla niyang alok. Puro dumi ng cake 'yung nasa bibig niya.

Napansin ko rin na medyo mataba siya, bagsak ang buhok at bilugan ang mata. Nakita ko sa nametag niya ang kanyang pangalan: Oliver.

Umiling ako at nagkibit balikat siya sabay subo ng malaki.

"Oliver!" biglang sumulpot ang isa kong klasymeyt na babae sa tabi niya. "Eww! Baboy ka talaga! Look at your face oh, it's so dirty."

Halos mabulunan si Oliver nang magulat.

"Deanna naman eh, huwag mo nga 'ko ginugulat!" reklamo ni Oliver.

Hindi ko maiwasang mapatitig kay Deanna, matangakad siya.

Tapos nakatali ng dalawa 'yung mahaba niyang buhok. Singkit siya at kapansin-pansin 'yung nunal niya sa itaas ng bibig.

Naramdaman ni Deanna na nakatitig ako sa kanya kaya humarap siya sa'kin.

Tumaas ang kanyang kilay at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.

"What's your baon?" bigla niyang tanong.

Hindi ako nakasagot 'agad.

"Hello? Are you pipe?" matinis 'yung boses niya.

"W-Wafer..." mahinang sagot ko.

"Oh, piso lang 'yan sa'min eh," reklamo ni Deanna.

Hindi ko alam kung bakit niya 'yon sinabi.

Napatingin tuloy ulit ako sa kinakain ko.

"Kung gusto mo bibigyan ka ni Oliver palagi ng foods, mayaman kasi sila," sabi ni Deanna. "Kaso inubusan niya 'ko ng cake!"

Nagtalo silang dalawa sa harapan ko.

Siguro matagal na silang magkakilala kasi nag-aaway sila. Parang kami ni Poknat.

Ilang sandali pa'y tumunog na ulit ang bell at nasa maayos na ulit ang klase.

Kaso...

Biglang may umamoy.

Amoy tae!

Napatingin ako sa paligid.

Narinig ko 'yung mga kaklase ko biglang nagbubulungan.

"Class, kuwayeeet!" saway ng titser namin na nagsusulat sa pisara.

"Maaam, may tumae po!" sigaw ng isa kong kaklase na nasa likuran.

Mas lumakas ang bulungan.

Napatingin ako sa katabi ko at nakita ko si Oliver.

Nakatikom 'yung labi niya at pinagpapawisan.

Noong mga sandaling 'yon, alam kong siya ang salarin.

"Okay, class, all of you, stand up," utos ng titser namin.

Pinatayo niya kami para siguro malaman kung sino 'yung tumae.

Pagkatapos napatingin ang lahat kay Oliver dahil siya lang ang hindi tumatayo.

Mula noong araw na 'yon ay hindi nalimutan ng mga kaklase ko na si Oliver ang natae sa pwet sa classroom.

Kaya minsan pinagtatawanan siya ng mga kaklase ko.

Lalo na si Deanna.

"Haha! Ayan, baboy ka kasi kaya ka natae sa pwet!" pang-aasar ni Deanna kay Oliver tuwing recess.

Pero si Oliver, hindi siya napipikon!

Hindi ko na maalala pero namalayan ko na lang na naging friends ko sila Oliver at Deanna.

Binibigyan din ako ni Oliver ng baon niya tuwing recess dahil nadala na siyang kumain ng marami.

Tapos si Deanna naman ang palagi kong kasama sa CR.

Ang pinaka-favorite kong araw ay Friday kung saan nakasuot kaming lahat ng PE uniform.

Tapos tuwing recess sa hapon ay pwede kaming maglaro sa malawak na field sa labas.

Sumasali kami ni Deanna sa mga kaklase naming naglalaro ng Chinese garter.

At dahil matangkad si Deanna ay siya ang palaging Mother.

Palagi niya rin akong binubuhay dahil ang galing-galing niyang tumalon.

Bubwelo muna siya tapos sabay takbo at talon.

Si Oliver naman ang nagturo sa'kin ng mga laro sa papel.

Katulad ng SOS at gera-gerahan, 'yung maraming bilog tapos tuldok, tapos sa ilalim ng papel namin paaandarin 'yung lapis namin—kailangang iwasan 'yung mga tuldok para butasin 'yung bilog ng kalaban.

Ang bilis lang din ng oras kasi hindi ko namamalayan na Sabado na pala.

At kapag Sabado na, pwede na kaming maglaro ni Poknat ng maghapon sa Duluhan!

Kaso hindi niya 'ko sinundo.

Tapos wala rin siya sa duluhan.

Dahil namimiss ko si Poknat, pinuntahan ko siya sa bahay nila.

'Yung bahay nila Poknat ay parang bahay kubo na malaki.

Nakita kong bukas 'yung pinto kaya sumilip ako ro'n.

"Tao po?"

"Mingming, andiyan ka pala!" bulalas ni Aling Ina, nanay ni Poknat, nang makita ako. "Dalaga na ang Mingming ah! Pasok ka!"

"Si Poknat po?" sabi ko pagka-akyat sa hagdan.

"Ah, ayun, nahuhumaling sa bago niyang gitara," sabi ni Aling Ina at tinuro si Poknat na nasa may bintana. "Mamamalengke lang ako. Maglaro lang kayo riyan, ha."

Pagkaalis ni Aling Ina ay lumapit ako kay Poknat.

Ni hindi man lang niya naramdaman na dumating ako.

"Huy! Ang ganda naman ng gitara mo!" bati ko.

"Siyempre, padala ni tatay 'to," pagmamalaki niya. "Sabi niya pag-aralan ko raw para lalo raw akong pumogi paglaki ko."

"Sus, 'di ka naman pogi eh," sabi ko.

"Hah, hintayin mo," sabi niya tapos naggitara siya ulit.

"Hindi ka naman marunong eh!" sabi ko ulit. Naiinis kasi parang ayaw niyang makipaglaro sa'kin.

"Kaya nga ko nagpapraktis eh!" sagot niya. "Ba't ka ba nandito?"

Sumimangot ako nang marinig ko 'yon. "Hindi mo 'ko sinundo. Ayaw mo bang makipaglaro sa'kin?"

Napakamot sa ulo si Poknat. "Ahh, sorry, Mingming. Gusto ko kasi talaga matuto maggitara eh. Ayaw mo no'n, pag marunong na 'ko kakantahan kita?"

"Tuwing walang pasok na nga lang ako pinapayagan ni Mamang lumabas eh, ayaw mo pa makipaglaro sa'kin," sabi ko na parang maiiyak.

Binitawan ni Poknat 'yung gitara niya. "Masyado ka namang atat, pupuntahan naman kita mamaya eh."

Naudlot 'yung iyak ko. "Laro na tayo?"

"Sige. Mahuli may tae sa pwet!" bigla siyang kumaripas ng takbo kaya wala akong nagawa kundi sumunod sa kanya.

Dumaan ang maraming araw.

Nalaman ko na papasok na rin ng iskul si Poknat, kaso hindi kami parehas ng iskul—sa public daw kasi siya inenrol ng nanay niya.

Naging bihira na ang paglalaro namin ni Poknat.

Dumami ang mga assignments ko kaya hindi ako pinalalabas ni Mamang tuwing Sabado.

Si Poknat palagi pa ring nag-aaral maggitara.

Hindi ko alam na ang minsan ay pwede palang maging madalas.

Ano ba ang susunod sa madalas?

Magpakailanman?

Nabawasan ang mga tanong ko dahil paulit-ulit na sinabi sa'min ng titser namin na bawal ang batang makulit.

Ang batang makulit ay matanong.

Katulad ko.

Pero may tanong ako na alam kong hindi masasagot ng mga titser ko.

Bakit wala akong nanay?

Bakit wala akong tatay?

Family Day.

Araw 'yon ng linggo at nagtatanghal ang mga mag-aaral ng eskwelahan.

Ang section namin, Grade One Hope, kumanta na may kasamang actions ng kantang 'The Greatest Love of All'

Tuwang-tuwa si Mamang at Papang.

Pagkatapos naming magtanghal kanya-kanyang takbo kami. Ako—kila Mamang at Papang.

Nakita ko si Oliver at Deanna na kasama ang mga mama at papa nila.

Napansin ko na ako lang ang walang mama at papa.

Gusto kong itanong.

Kaso ayokong masaktan si Mamang at Papang.

Bakit ko hahanapin ang wala kung nandiyan naman sila?

Hanggang sa dumating ang bagyo.

Walang pasok sa iskul.

May kapitbahay kaming pumunta sa bahay.

Sa itsura niya pa lang ay akala mo nakakita siya ng halimaw. Takot na parang naiiyak.

"Aling Eme... Si Mang Sonny!"

Kumulog nang malakas.

Hindi ko narinig ang sinabi ng kapitbahay namin pero nakita ko na muntik nang matumba si Mamang.

Biglang umiyak si Mamang.

"Mamang, ano pong nangyari?"

"Ming... Ang Papang mo... iniwan na tayo," bigla niya akong niyakap.

Hindi ko 'agad naintindihan.

"Saan po pumunta si Papang?" tanong ko.

Umiling si Mamang.

"Wala na siya."

Alam ko 'yung ganitong pakiramdam.

Parang...

Naalalak ko 'yung sinabi ni Poknat at ni Teacher Mika.

Patay na si Papang.

Nagdalamhati ang buong barangay namin.

Maraming dumalo sa bahay.

Ang bilis ng mga pangyayari.

Naglalaro sa isip ko...

Bakit?

Kahit na alam kong sa heaven pupunta si Papang.

Sobra akong nalungkot.

Dumaan pa ang maraming araw.

Hanggang sa tuluyan nang inihatid si Papang sa pintuan ng langit.

Sabi ko kay Mamang ayoko na pumasok sa iskul.

"Mamang, ayoko na po mag-aral," sabi ko.

"Hindi pwede, Ming. Kailangan mo pa ring pumasok."

"Paano po ako mag-aaral kung wala na si Papang? Sino magsasabit sa'kin ng medal?"

Hindi sumagot si Mamang.

"Mamang... May ginawa po ba akong mali?" tanong ko.

Napatitig sa'kin si Mamang.

"Salbahe po ba ako, Mamang?" tanong ko ulit.

Yumukod si Mamang. "Hindi, Mingming. Bakit mo naman tinatanong 'yan? Ano ka bang bata ka."

"Eh bakit po iniiwan ako ng mga taong mahal ko? Bakit si nanay, iniwan 'agad ako? Si tatay? Si Detdet? Si Miggy? Ngayon si Papang? Bakit sila umaalis? Bakit nila 'ko iniiwanan palagi?" wala nang humpay 'yung pagtulo ng luha ko.

Ang bigat-bigat sa pakiramdam.

Niyakap ako ni Mamang.

"Ano ka ba, Ming! Huwag ka namang magsalita ng ganyan! Nandito pa naman si Mamang mo, ah. Kahit lola mo lang ako, labs na labs kita. Tsaka, Ming... Gano'n talaga eh..." pumiyok na 'yung boses ni Mamang kasi umiiyak na rin siya.

"Gano'n talaga, Ming... Hindi sila magtatagal. Lahat sila aalis. Lahat tayo papunta ro'n... Kaya dapat maging masaya ka lang parati... Kasi hindi natin alam kung kailan nila tayo iiwan."

"Mamang, huwag mo 'ko iiwan, ha," sabi ko.

Hinaplos niya 'yung ulo ko.

"Mahabaging diyos, Remison, hindi ka pababayaan ni Mamang. Kaya natin 'to."

Parang medyo nagets ko na 'yung sinabi ni Mamang.

Siguro nga, lahat ng taong mahal natin iiwan tayo.

Kaya hindi na 'ko nagulat.

Nang dumating ang bakasyon, nabalitaan ko na aalis sila Poknat.

"Magbabakasyon kami sa Maynila!" bulalas ni Poknat habang nakatambay kami sa Duluhan. "Sabi ni tatay ipapasyal niya raw kami araw-araw ni nanay. Ililibot niya kami sa Luneta!"

Hindi ako kumibo.

Napansin niya 'yon kaya tumabi siya sa'kin.

"Hoy, Mingming! Bakit parang hindi ka 'ata masaya para sa'kin?"

Hindi ulit ako nagsalita.

"Ahhh, nalulungkot ka kasi akala mo aalis na ako? Huy! Bakasyon lang! Babalik din kami!"

Niyugyog niya pa 'ko sa balikat.

"Ayoko malungkot, noh. Kung aalis ka, okay lang. Sanay naman na 'ko iwan ng mga taong mahal ko," sabi ko sa kanya tapos humarap ako sa kabila.

Ginuhitan ko 'yung lupa gamit 'yung tangkay.

"Teka, sabi mo mahal? Ibig sabihin mahal mo 'ko?" nagliliwanag 'yung mukha. "Mingming, ha! Kunwari ka pa, labs mo rin naman pala 'ko."

"Hindi! Baliw!"

"Wehh, kunwari ka pa eh," tinusuk-tusok niya pa 'ko sa tagiliran.

Sa inis ko ay tinulak ko siya.

"Ano ba! Huwag mo nga 'ko bwisitin!" sigaw ko sa kanya kaya natahimik siya.

"Mingming?" tawag niya.

Umiiyak na pala 'ko.

Bwisit kasi 'tong si Poknat.

"Huy, totoo, babalik kami, bakasyon lang 'yon sa Maynila," sabi ni Poknat.

"S-Sabi mo kasi hindi mo 'ko iiwanan," sabi ko habang pinapahid 'yung luha ko.

"Hindi nga kita iiwanan, baliw!" sigaw niya. "'Di ka ba marunong umintindi? 'Di ba mage-grade two ka na? Sabi nang bakasyon nga lang 'yon eh."

"Edi, wala akong makakalaro ngayong bakasyon," nakangusong sabi ko.

"Hays..." napahinga nang malalim si Poknat at nalungkot din siya bigla nang maisip 'yon. "Mag-imagine ka na lang muna na kasama mo 'ko o kami nila Miggy! Tapos hintayin mo 'ko! Babalik ako! Ta's pagbalik ko marunong na 'kong maggitara!"

"Babalik ka?"

"Oo nga! Ano ba, ang kulit-kulit mo!" inis niyang sabi at natawa na 'ko. "Para maniwala ka, 'eto," inabot niya 'yung kamay niya tapos nakataas 'yung hinliliit niya. "Pramis."

"A-Ano 'yan?" tanong ko.

"Aish! Gayahin mo 'yung kamay ko."

Sinunod ko siya tapos nilapit niya 'yung hinliliit niya sa hinliliit ko at naghawak 'yon.

"Ito ang pramis ko sa'yo, Mingming. Babalik ako."

"Pramis?"

"Pramis."

Nang umalis sila Poknat para magbakasyon sa Maynila ay tila naging mabagal ang oras ng bakasyon ko.

Araw-araw...

Tumitingin ako sa orasan at kalendaryo.

Doon ko napagtanto na nakakainip pala pag naghihintay.

Hanggang sa...

Dumating ulit ang araw ng pasukan.

Hindi pa rin umuuwi si Poknat.



Poknat

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro