Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 48❀


SUNOD-SUNOD na katok ang narinig ko sa pintuan bago 'yon bumukas. Pumasok si Auntie Emily at naupo sa gilid ng kama ko.

"Auntie, okay na po lahat ng gamit ko," sabi ko sa kanya. Ngayon ko na lang nakitang umayos-ayos ang itsura ni Auntie dahil nakapagpahinga na siya ng husto. Pinagpag niya 'yung kama, pinauupo ako sa tabi niya.

"Bakit po?"

"Sigurado ka na ba talaga sa naging desisyon mo, Remi?" tanong niya.

Napatingin ako sa malayo imbis na sumagot. Hindi ko rin kasi alam.

"Auntie, para naman po kay Mamang 'yon," pagkaraa'y sinagot ko 'yon.

"Alam ko," sabi ni Auntie. "Pero naiintindihan mo ba kung anong kapalit no'n? Kasal ang pinag-uusapan."

"A-Alam ko po..."Bigla akong niyakap ni Auntie, ubod nang higpit.

"Sorry, sorry kung hahayaan muna kita ngayon. Hindi na kita pinigilan dahil gusto kong mabigyan ka ng magandang edukasyon, nang magandang hinaharap. Sorry kung kulang ang mga ginawa ko para makabayad sa ospital! Hindi ko man matanggap pero kailangan na natin ng pera ni Miguel para suportahan si Mamang."

"A-Auntie?" Gusto kong sabihin na huwag siyang magsorry. Naramdaman ko ang ilang butil ng luha niya sa balikat ko. Kung gano'n ay parehas nga kami nang naisip noon.

Pagkatapos ko kasing pumayag sa kagustuhan noon ni Tito Miguel ay ilang araw din akong hindi kinibo ni Auntie. Hindi ko nga mawari kung galit ba siya sa'kin o ano.

"Ako na yata ang pinakamasamang Auntie dahil pakiramdam ko'y binenta kita sa ibang tao," sabi ni Auntie pagkabitiw sa'kin.

Umiling ako. "Hindi, Auntie, huwag mong isipin 'yon... D-Desisyon ko na gawin 'to para kay Mamang. At isa pa... K-Kababata ko si Miggy, mabait siyang tao."

"Basta, hindi ako susuko sa paghanap ng paraan para kumita ng pera. Sa oras na kaya ko na kayong buhayin ni Mamang, babawiin mo ang naging kasunduan n'yo ni Miguel, malinaw?"

"Opo, Auntie." Kahit na alam kong parehas kaming napaisip kung paano niya 'yon magagawa.

Simula noong nagkasundo kami ni Tito Miguel ay inasikaso niya si Mamang, pinalipat sa mas magandang ospital at mas naalagaan doon, nabibili rin ang mga kinakailangang gamot. Alam kong seryoso si Auntie dahil hindi pa rin siya sumusuko sa pagkayod.

Sabay kaming napatingin ni Auntie sa mga tatlong bagahe nakahanda sa may tabi.

"Mag-iingat ka ro'n at aalagaan mo ang sarili mo."

"Opo, Auntie."

"Huwag mong kalilimutan lahat ng mga binilin sa'yo ni Mamang."

"Opo, Auntie."

Marami pa siyang mga pinaalala at wala akong ibang ginawa kundi sumagot ng opo sa kanya.

Kinagabihan ay hindi ako kaagad nakatulog dahil sa dami ng mga iniisip ko. Namalayan ko na nga lang na niyuyugyog ako ni Auntie nang sumapit ang madaling araw.

Ala singko kasi ng umaga ay susunduin na ako rito sa bahay ng maghahatid sa'kin sa Baguio. Nandoon kasi ang private university na pinapasukan ni Miggy. Kaya naman na natural na doon na rin ako sa Baguio titira hanggang sa makatapos ako ng pag-aaral.

"Are you ready?" tanong sa'kin ni Tito Miguel nang pumasok siya sa loob ng bahay namin.

Nag-aalangan akong tumango sa kanya. Umupo kami parehas sa may sofa.

"Alam kong may bumabagabag sa'yo, Remison," malumanay na sabi niya. "Pero huwag kang mag-alala dahil pagdating mo sa Baguio ay i-aaccommodate ka ni Miggy. You also don't need to worry about your transfer process."

Lumaki akong matanong na bata pero ngayon ko lang napagtanto na noong tumanda ako'y naubusan ako ng mga tanong... o tila ba natakot na akong magtanong...

"Here's a gift for you." Inabot niya sa'kin ang isang bagong cell phone. "Nalaman ko kay Emily na nawala ang iyo."

"T-Thank you po."

Lumabas mula sa kusina si Auntie at tumayo si Tito Miguel.

"It's time for her to go," sabi ni Tito Miguel.

"Hindi ka sasama sa byahe niya?" maang na tanong ni Auntie.

"I have other things to attend this day," sagot ni Tito. "Ihahatid siya mismo sa tinutuluyan ni Miggy, she'll meet my sister there."

Parang mas okay sa'kin 'yung ideyang hindi kasama si Tito kasi mas gusto ko munang mapag-isa at parang ang awkward sa pakiramdam kung makakasama ko siya buong biyahe.

Napabuntong-hininga na lang si Auntie. Bago ako lumabas ay muli niya akong binilinan, binigay din niya 'yung contact number niya.

Muli akong niyakap ni Auntie nang mahigpit bago ako sumakay ng kotse. Nang umandar ang sasakyan ay hindi ko maiwasang lumingon sa kanila habang papalayo nang papalayo sa bahay namin.

Pakiradam ko tuloy ay para akong itatapon sa napakalayong lugar. Heto na naman, naiiyak na naman ako.

Pinigilan ko ang pag-iyak dahil naalala kong desisyon ko ito.

"Maliit lang ang mundo, Remison, palagi mong tatandaan 'yan. Kaya huwag kang malulungkot dahil alam kong makakatagpo ka ng mga kaibigan doon." Naalala ko tuloy ang huling bilin ni Auntie na nagpalakas ng loob ko.

At dahil wala akong halos tulog ay hindi ko namalayan na nakatulog ako sa biyahe. Naalimpungatan na lang ako nang maramdaman kong tila may pumuputok sa tenga ko.

Laking gulat ko pagdilat nang makitang maliwanag na maliwanag na ang paligid. Halos mapanganga ako sa ganda ng tanawin dahil nasa mataas na bundok kami at nakakalula ang taas nito.

Hindi ko maiwasang mapalunok nang sunod-sunod dahil sa pinaghalo-halong emosyon, nangibabaw pa rin ang kaba.

Ilang sandali pa'y narating na namin ang isang siyudad, sa tingin ko nandito na kami sa Baguio. Parang noon lang ay sa palabas ko ito nakikita, ngayon... Dito na ako titira at mag-aaral...

Tumingin ako sa cellphone ko at nakitang nine-thirty na ng umaga. Kaagad akong nag-text kay Auntie, pangako ko kasi sa kanya na palagi akong magtetext at siya naman ang laging maglo-load sa'kin.

Muli akong tumanaw sa labas. Kakaiba pala ang lugar na 'to kaysa sa amin, mukhang malamig dahil halos lahat ng mga tao'y naka-jacket kahit tirik na ang araw.

Maya-maya'y pumasok naman ang sasakyan namin sa isang liblib na subdivision, marami-rami ang mga bahay... Parang mga bahay na nakikita ko sa mga American films, 'yung parang dollhouse ang itsura tapos malawak ang bakuran, may garahe, tapos magkakalayo.

Bigla na naman akong nakaramdam ng lungkot nang maalala 'yung lugar namin.

Huminto sa harapan ng isang malaking puting bahay ang sasakyan.

"Nandito na po tayo, Mam," sabi ni Manong Driver.

Lumabas ako ng kotse at tinulungan naman ako ni Manong na magbuhat ng gamit. Narinig kong nagtahulan ang mga aso kaya nag-alangan akong pumasok sa loob ng gate.

May lumabas na matandang babae mula sa loob ng bahay at nakangiting pinagbuksan niya kami.

"Aba'y ikaw ba si Remison?" tanong nito sa'kin. "Akin na 'yang dalahin mo. Pasok kayo. Ernie, mag-agahan ka muna bago ka bumaba sa Maynila."

Tumuloy din si Manong at nahihiya pa rin akong pumasok sa loob ng malaking bahay. Naglibot kaagad ang paningin ko para mag-usisa. Akala ko ang mansion na nila Miggy ang pinakamagandang bahay na nakita ko pero hindi pa pala.

Napayakap ako sa sarili nang umihip ang hangin. Napagtanto ko na talagang nakatirik sa bundok ang bahay na 'to.

"Remison, pasok ka na, hija, sabayan mo si Senyorito Miggy sa almusal."

Biglang kumabog ang dibdib ko nang marinig ang pangalan na 'yon. Wala na akong ibang nagawa kundi pumasok sa loob.

"Kahit huwag mo nang hubarin ang sapatos mo," nakangiting sabi ng ale sa'kin. "Ako nga pala si Karina, pero kahit Manang Kang na lang ang itawag mo sa'kin."

Mas nakakamangha 'yung itsura ng loob ng bahay, para talagang pang-Amerika ang disenyo nito, malinis at puro yari sa kahoy.

"Mam Remison, nalagay ko na ang bagahe mo sa kwarto, tutuloy na ako pagkatapos kong maubos itong kape," paalam sa'kin ni Manong Ernie.

"Salamat po." Tumango lang si Manong at saka lumabas ng bahay.

Iginiya ako ni Manang Kang sa dining area ng bahay at natigilan ako nang makita ko siyang nakaupo at nagbabasa ng libro habang may kumakain.

"Miggy, nandito na nga pala si Remison," sabi ni Manang at nag-angat naman ng tingin si Miggy.

Tila humupa ang kaba ko nang makita kong matipid siyang ngumiti sa'kin. Nag-aalangang ngumiti ako pabalik sa kanya.

"O siya, sabayan mo na siyang kumain ng almusal, aayusin ko lang ang kwarto mo sa itaas," sabi ni Manang nang paupuin ako, at pagkatapos ay iniwan kami nito.

Ibinalik ni Miggy ang tingin niya sa binabasa niya. Ako naman ay hindi malaman ang gagawin, kanina pa kumakalam ang tiyan ko at natakam ako sa mga pagkain na nasa mesa, pero nahihiya akong kumain.

Ang awkward... Paano ba 'to?

Miggy... Ano masasabi mo na ipinagkasundo na tayo ng daddy mo?

Mali. Mali.

Miggy... Alam mo na ba ang balita? Ako na ang mapapangasawa mo. Surprise?

Lalong mali.

Mababaliw na 'ata ako.

"Don't be shy, kumain ka na," sabi niya habang nakatuon pa rin ang pansin sa binabasa niya. Mukhang nagrereview 'ata siya.

At saka ko ginalaw ang kutsara't tinidor para sumandok ng mga pagkain. Nako-conscious pa rin ako kahit na hindi naman siya nakatingin sa'kin.

"W-Wala kang pasok ngayon?" At least makapag-umpisa man lang ako ng topic.

"Day off," sagot niya. "May exams ako tomorrow."

Hindi ko naman nararamdamang galit siya o ano. Seryoso lang.

Napaisip ako bigla kung kailan ko ba huling nakita si Miggy. Second year high school ako noong huli ko siyang makita. Kaya pala parang napansin kong malaki ang pinagbago niya. Mas lumapad ang balikat niya't mas lumalim ang boses. Nando'n pa rin ang salamin niya sa mata, mas humaba ng kaunti ang buhok niya na maayos pa ring nakahawi. Napansin ko rin 'yung suot niyang sweater na may logo ng isang eskwelahan, Panorama University.

"Nasaan nga pala 'yung tita mo?" iyon ang naisip kong tanong.

"Inaasikaso sa school ang transfer mo, she's a professor there, so no hassle," sagot ni Miggy.

"Gano'n ba..." Halos pabulong kong sabi.

Biglang sinara ni Miggy ang libro niya at diretsong tumingin sa'kin.

"I guess we'll stick around for long this time, Mingming," sabi niya. Hindi ko mabasa kung anong nararamdaman niya.

"G-Galit ka ba sa'kin?"

Ilang segundo niya rin akong tinitigan bago siya sumagot. "No, I'm not. I just found the whole idea absurd."

"Absurd?"

"But we got no choice. I'm sure pumayag ka dahil sa lola mo, I'm sorry for what happened to her."

"M-Miggy... Anong dapat kong gawin?"

"Just... do your best here," sagot niya sabay tayo. "Tomorrow, we'll go to school."

Buong araw lang akong nagkulong sa kwarto na inihanda sa'kin ni Manang Kang. Mas malaki pa nga 'ata kesa sa sala namin ang tutuluyan ko. Daig pa ang hotel sa magandang view sa may veranda nito.

Sa kabila ng masasarap na pagkain, malambot na higaan, at marangyang TV sa sarili kong kwarto'y hindi pa rin ako nilubayan ng lungkot. Noong gabi nga'y wala akong ibang ginawa kundi i-text si Auntie.

Unang gabi ko sa puting mansion ay hindi ako nakatulog. Sobrang lamig kasi. At sa totoo lang ay bigla akong natakot. Naalala ko kasi ang mga kwento-kwentong naririnig ko na marami raw multo sa Baguio.

Kinaumagahan ay muli kaming nagkita ni Miggy sa dining area para sa almusal.

Siyang dating ng tita ni Miggy na nagpakilalang Megan. Noon ko lang nalaman na sa kabilang bahay pala nakatira si Tita Megan at ipinaliwanag nitong hindi na ako nito nakausap kahapon dahil ginabi na ng uwi.

Ibinigay sa'kin ni Tita Megan ang mga kailangan ko para makapasok sa eskwelahan. Mukha namang mabait ang tita ni Miggy kaya hindi naman na ako nahiya nang makausap niya. Puro pasasalamat nga ang palagi kong sinasagot.

Naunang umalis si Tita Megan kaya naiwan na naman kami. Pagkatapos ay pinaggayak na ko ni Miggy dahil pupunta na raw kami sa school ng nine.

Wala namang prescribed uniform kaya nagsuot lang ako ng simpleng maong at t-shirt na pinatungan ko ng jacket.

"I-Ikaw ang magdadrive?" reaksyon ko pagkalabas namin ng bahay.

Tumango lang si Miggy at pumasok sa loob ng sasakyan. Muntik na akong pumasok sa may likuran. Nang makasakay ako sa passenger seat ay kaagad pinaandar ni Miggy ang kotse.

"Uhm... Paano nga pala ako uuwi?" tanong ko sa kanya. Siyempre may klase siya ngayon.

"Hindi mo pa alam ang pasikot-sikot dito kaya sa sasabay ka muna sa'kin," sagot niya. "We'll exchange numbers."

Hindi naman na 'ko nagsalita pa hanggang sa makarating kami sa university, thirty minutes lang ang biyahe mula sa bahay kasama na ang traffic.

Pagkatapos pumarada ni Miggy ay nagpalitan kami ng number. Itu-tour muna raw niya ko sa loob ng school bago siya pumasok sa una niyang klase kaya maaga kaming umalis kanina. Pagkatapos ay ihahatid daw niya ako sa may admin para ma-orient ako.

Mas maliit ang university na 'to kaysa sa pinanggalingan kong school, siguro dahil hindi kasing rami ng tao rito sa Baguio ang mga tao sa Maynila. Naalala ko tuloy 'yung eskwelahan na Silver Academy dahil parang ganito rin 'yung atmosphere dito, malinis, tahimik, mamahalin.

Naglakad-lakad na kami ni Miggy at pina-familiarize niya lang ako sa mga direksyon. Una kaming naglibot sa ground floor at nadaanan namin 'yung malawak nilang soccer field kung saan ay maraming athlete ang nagpapractice.

Halos isang oras din akong nilibot ni Miggy. Pagkatapos ay naupo kami sa isang bench sa may student plaza. Binili niya ako ng maiinom na juice sa malapit na vending machine.

"I'll go ahead before ten," sabi ni Miggy sabay sulyap sa relos. "Malapit lang dito 'yung admin. Kaya mo na ba?"

Tumango lang ako. "Salamat."

"We'll meet again at lunch."

"Anong oras pala ang uwi mo?"

"May isa pa kong klase pagkatapos ng lunch, can you wait for me for an hour?"

Tumango lang ulit ako.

Nang iwanan na ako ni Miggy ay pumunta naman na ako sa admin para sa orientation. Nagkita kami roon ni Tita Megan at sinabi nila sa'kin na pwede na akong pumasok bukas. Kailangan ko lang humabol sa ilang subjects dahil transferee ako.

'Yong course ko nga pala ay kaparehas lang din ng course ko sa nakaraan kong school. Sabi kasi ni Tito Miguel ay mas tatanggapin ako ng school kapag nagtuloy lang ako at para rin daw hindi ako mahuli sa pag-graduate.

Katulad nang napag-usapan ay nagkita ulit kami ni Miggy noong sumapit ang tanghalian. Pumunta kami ng cafeteria nila para kumain.

Medyo nalula ako dahil madaming tao roon, akala ko kasi halos walang estudyante rito dahil hindi ko nakita kaninang umaga.

Habang kumakain kami ni Miggy ay pinagtitinginan kami ng ibang estudyante, mali, ako pala 'yung tinitingnan nila dahil halatang ako ang bagong salta rito.

Mukhang wala lang kay Miggy na may mga tumitingin sa'kin. Napaisip nga ako kung may kaibigan o kaklase ba siyang ipapakilala sa'kin na baka makita namin dito sa cafeteria?

"Miggy! There you are." Biglang may lumapit sa mesa namin at nang magtagpo ang tingin namin nito'y parehas nanlaki ang mga mata namin. "W-What are you doing here?"

"Q-Quentin?"

"You know him?" napatingin ako kay Miggy. Kung gano'n... Magkaklase sila?

Maliit lang ang mundo, Remison. Tila umalingawngaw ang boses ni Auntie sa paligid.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro