Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 43❀



MABUTI na lang ay bago pa mamurder ng kapitbahay namin ang mukha ko ay dumating si Auntie Emily noong araw ng graduation ko.

"Nandito na ang maganda, tabi, tumabi kayo at ako lang ang may karapatang magpaganda sa batang 'yan!" sabi ni Auntie pagkapasok na pagkapasok sa loob na animo'y artista sa suot niyang black dress at shades.

"Emiliana! Nakakagulat ka naman!" bulalas ni Mamang na inaayusan ni Ate Melai. Siyempre, hindi pahuhuli si Mamang kailangan daw nakapustura rin siya sa araw ng graduation ko.

"Ako pa ba, mawawala sa eksena, mother dear?" turo pa ni Auntie sa sarili at muling tinaboy 'yung kapitbahay na mag-aayos dapat sa'kin.

"Auntie! Buti nakapunta ka!" bati ko sa kanya at akmang magbe-bless pero hinawi niya 'yung kamay niya, ayaw nga pala ng bruha na 'to na pinagmamanuhan dahil nakakatanda raw, eh matanda naman na siya.

"Of course!" pansin ko na may hawak siyang maleta. Binaba niya 'yon sa gilid at sinimulan akong ayusan.

Hapon gaganapin 'yung graduation namin, pinagsuot kaming mga babae ng white dress at pinatungan ng puting toga. Nag-arkila si Auntie ng taxi papuntang school, talagang sinabi niya na ayaw daw niya kasi mainitan.

Pagdating namin ng school ay madaming tao, hindi ko alam mararamdaman ko noong mga sandaling 'yon pero nangibabaw 'yung tuwa kasi buhay na buhay ang paligid. Mabuti na lang at hindi gano'n kainit ang araw dahil sa court gaganapin 'yung graduation, presko rin 'yung hangin dahil marami-rami ang puno.

"Remiiiii!" kaagad akong sinalubong ng yakap ng dalawang bruha, kasama si Honey siyempre. Simula kasi nang magbati kami noong swimming party ay hindi na ulit siya humiwalay sa'min.

"Si Corra?" tanong ko sa kanila.

"Ayun, busy ang ate mo girl, eh," sagot ni Aiza. Oo nga pala't isa si Corra sa mag-ispeech mamaya dahil Salutatorian siya ng aming batch.

"Picture taking na muna!" At ayon na nga'y bago magsimula ang event ay napakadami na naming larawang kinuhanan. In fairness kay Auntie dahil may dala siyang digicam.

Nakakatawa nga kasi noon ko lang nakita 'yung ibang parents ng mga kaklase ko, 'yung iba hindi mo suka't akalaing mama's boy pala, iyong iba naman ay simple lang, may mga magulang na sobrang bongga ang get up. Basta halo-halo ang mga tao ngayon dito, may mga bata pa nga na nagtatakbuhan, 'yung iba may dalang sanggol na hindi tumatahan.

Nakakatuwa kasi ang daming gustong makasaksi ng simpleng pagtatapos namin sa hayskul. Kahit na sabihing hayskul pa lang 'to parang proud na proud na 'yung ibang mga magulang.

Naalala ko tuloy bigla... Kahit na wala akong nanay at tatay, palaging sila Mamang at Papang ang kasama ko noong kinder at elementary graduation ko. Ngayon, wala na si Papang pero dumating ulit sa buhay namin ang bruha kong Auntie. Sabi nga sa kanta, pana-panahon ang pagkakataon.

Maibabalik ba ang kahapon?

Ano ba 'yan, hindi pa nagsisimula ang event eh nag-eemote na ako. Sabi ko pa naman hindi ako iiyak pero mukhang malabo 'yon. Nakihalubilo rin sila Mamang sa ibang magulang, nakita ko kasi sila ni Auntie na nakikipagtsismisan sa isang nanay, mukhang kakilala 'ata. Kaya ako naman ay naglakad-lakad dahil sa pagpapapicture ng iba ko pang mga kaklase.

"Congrats, Remi!" namalayan ko na lang na nasa harapan ko na ang dati kong Drama Club adviser na si Mam Cass, katabi niya si Sir Pat at napansin kong magkahawak-kamay sila.

"Thank you po, Mam! Congrats din po sa inyo!" bati ko sa kanila at nagpasalamat din sila sa'kin, nabalitaan kasi namin na ikakasal na sila. Tama nga ang hinala noon nila Aiza na may something sa kanila, tsismis confirmed. Pero totoo naman na masaya kami para sa kanila.

Sinong mag-aakala na minsan akong naging bahagi ng Drama Club? Sumali lang naman ako ro'n dahil nakigaya ako sa gusto nila Aiza pero kung hindi dahil doon ay hindi ko mararanasan ang maraming bagay. Kung hindi dahil sa Drama Club ay hindi kami magkikita ulit ni Quentin...

Sayang nga eh, nagtext siya sa'kin kaninang umaga ng congratulations at sorry dahil hindi siya makakapunta. Mas maaga kasi 'yung graduation nila at kaagad daw siyang pinadala sa Baguio pagkatapos para sa enrolment niya sa bago niyang school. Nagreply naman ako na okay lang.

"Remsky." Napalingon ako sa tumawag sa'kin at nakita ko si Viggo. As usual, preskong preskong nakahawi ang buhok niya. Ngayon ko lang narealize na ang laki na nang pinagbago ng boses niya at pigura kumpara noong elementary kami, halos tingalain ko na siya ngayon.

"Ikaw pala, Viggo."

"Gusto sana pumunta ni Azami kaso may lakad ang pamilya nila," sabi niya nang huminto sa harapan ko. "Congrats pala."

"Congrats din."

Simula nang mag-usap kami noong isayaw niya 'ko sa prom ay hindi na rin kami nakapag-usap sa klasrum, hindi dahil sa inis pa rin ako sa kanya o iniiwasan ko siya. Sigurong sadyang gano'n lang talaga, varsity siya tapos palaging wala sa room.

"Balita ko nakapasa ka raw ng scholarship sa ADU, nice, doon ka na mag-aaral?" tanong niya.

"Ah... Hindi ko pa sure, eh." Naisip ko malamang narinig niya sa mga bruha kong kaibigan ang tungkol do'n. "Ikaw? Varsity scholar ka raw sa UST?"

Umiling siya. "Kung saan mag-aaral si Azami, doon ako mag-aaral. Inisponsoran ako ng tito niya, eh, basta sumali ako sa varsity doon."

Hindi ko maiwasang mamangha. Kung gano'n ay talagang malalim na ang relasyon nila Viggo at Azami. At magiging magkasama pa sila hanggang college dahil tito ni Azami ang nag-sponsor kay Viggo. Napangiti na lang ako sa kanya.

"Viggo... Kahit hindi na kami gano'n ka nag-uusap ni Azami, siya pa rin ang best friend ko noong elementary. Huwag mo siyang pababayaan, alam kong ikaw 'yong kilala kong Viggo na mabait at gentleman," sabi ko sa kanya.

Ilang segundo ang lumipas bago siya ngumiti nang malapad sa'kin at tumango. Natawag ang aming pansin nang nagtawag ang mga teachers na umayos na para sa pila. Bumalik ako kila Mamang para tawagin siya, si Mamang kasi ang kasama ko sa pagmartsa.

"Sino 'yon ha, boypren mo?" pang-aasar ni Auntie at mabuti na lang hindi siya narinig ni Mamang. Sinimangutan ko lang siya.

Tumugtog ang isang pamilyar na kanta tuwing graduation nang magsimulang magmartsa ang mga magulang at estudyante. Mahaba-haba rin ang naging seremonya, panay ang sitsit ni Mam Kris sa'min kasi ang daldal namin at hindi kami nakikinig sa boring na speech, pero pagdating kila Leighton at Corra ay todo support kami, nakakaproud lang dahil sa section namin sila galing.

At nang maraos ang programa'y kumanta ang lahat bilang pagtatapos. Pagkatapos noon ay muling nagkaroon ng walang katapusang picture taking. Picture dito, picture doon, wacky dito, wacky diyan. Himala nga dahil walang nag-iyakan sa'min. Kanya-kanyang pagbati sa bawat isa, kanya-kanyang yakap at pagwiwish ng good luck sa college.

"Hays, kahit magkakahiwalay-hiwalay na tayong BuReZaNey, sana hindi pa rin tayo magkalimutan," madramang sabi ni Burma nang magdikit-dikit kaming apat.

"Tangeks! Talagang walang limutan, ang makalimot, ipapatapon sa Mars!" si Aiza. "'Di ba, Honey?" pang-aasar nito.

"Nakita ko si Aiza niyakap siya ni Colt nang mahigpit, more than ten seconds," sabi bigla ni Honey na halos ikalaglag ng panga ni Aiza.

"Ha? Bakit? Ano meron?" tanong ko.

"Ah.. hihihi, sinagot ko na kasi si Colt kanina lang, grad gift ko sa kanya. May jowa na me!" pagkasabi no'n ni Aiza ay hinampas siya ni Burma.

"Ikaw 'tong ipapatapon namin sa Mars! Kinakalimutan mo na kami 'agad! Hindi ka man lang nang-iinformed na nanliligaw 'yan sa'yo!" galit kuno na sabi ni Burma na sinasabunutan pa rin si Aiza.

"Ha! Nanliligaw na kaya siya, busy kasi kayo—aray, oo na sorry na huhu! Last week lang siya nanligaw!"

"Grabe, lakas mo! One week lang, kayo na 'agad?!"

Nagtawanan na lang kami ulit, pagkatapos yakap ulit, picture ulit. Kung hindi pa sila hilahin ng kanya-kanya nilang mga magulang ay wala kaming balak maghiwa-hiwalay. Ayaw man naming humiwalay pa'y may kanya-kanyang family celebration ang naghihintay sa kanila pag-uwi. Kumaway ako sa kanilang tatlo habang papalayo sila.

Hindi ako umiyak, siguro dahil walang umiyak sa'min. Siguro dahil alam namin sa mga sarili namin na totoong walang iwanan, na magkikita-kita pa ulit kami. Sana...

Maglalakad na sana ako pabalik kila Mamang nang biglang may tumawag sa pangalan ko. Paglingon ko'y nakita ko si Corra na tumatakbo palapit sa'kin.

"Remi!"

"Corra... Kakaalis lang nila Burma..."

"Gano'n ba," bahagyang nalungkot siya pero ngumiti ulit, "ite-text ko na lang sila."

"Congrats ulit," bati ko sa kanya. Niyakap niya ako bigla.

"Thank you for keeping my secrets."

"Walang anuman, thank you sa friendship, favorite author."

"Sana ako pa rin ang favorite author mo kahit tumanda ka na," biro niya at bumitaw sa'kin. "I guess text-text na lang at message sa facebook."

"Nakapagdecide ka na ba kung saan ka mag-aaral?" ngumiti siya sa tanong ko.

"Nabasa ko 'yung sulat mo sa'kin," sabi niya. "I'll follow my heart, just like what you said." Ngumiti rin ako sa kanya bago ulit kami magpaalam sa isa't isa.

Bumalik ako kila Mamang at Auntie Emily. Pag-uwi namin ay naghihintay sila Ate Melai at iba naming mga kapitbahay dahil nagpaluto pala si Mamang ng mga handa. Hindi ko ineexpect pero nakakatouch dahil halos lahat ng kabarangay namin ay binati ako at masaya sa naging pagtatapos ko sa hayskul. Ngayon na nga lang ulit halos mapuno ang bahay namin dahil sa mga bisita, hindi magkandaugaga si Mamang at Ate Melai sa pag-aasikaso.

"Dalaga na talaga si Remison!"

"Aling Eme, kailan magboboypren si Mingming?"

"Nakuuu, maraming manliligaw diyan sa kolehiyo!"

"Awww! Kolehiyala na ang Mingming!"

"Aba, eh saan ba mag-aaral si Mingming? Dine lang ba sa malapit o sa Maynila?"

"Kung sa Maynila 'yan sure ako magkakajowa 'agad 'yang batang 'yan!"

"Naku, delikado sa Maynila! Magulo ro'n!"

"Uy, exciting pag naging Manila girl ka, marami kang mararanasan at matutunan sa life!"

"Ingat lang, baka mabuntis ng maaga."

"Buntis 'agad?!"

"Ay nako, basta, Mingming, huwag kang makikinig sa mga echoserang ito!"

"Oo nga, mag-aral ka lang ng mabuti ha!"

Parang binabawi ko na sinabi kong masaya na nandito ang mga kapitbahay sa loob ng bahay. Kanya-kanya sila ng opinyon tungkol sa magiging pag-aaral ko sa kolehiyo kaya hinayaan ko na lang sila at ngingiti-ngiti na lang ako. Samantala, si Auntie tahimik lang sa isang tabi at ayaw makigulo, baka kasi mapaaway siya kapag sumagot siya. Nakakapikon din naman kasi 'yung mga sinasabi ng iba at parang hindi tama. Hays.

Natapos din ang 'party' noong gabing 'yon. Pagud na pagod kaming lahat kaya sabi ni Mamang bukas na lang daw kami magligpit ng bahay.

Kinabukasan, nadatnan ko sa sala sila Mamang at Auntie Emily, parang hinihintay ako. Malinis na 'yung bahay, at saka ko napansin na tanghali na ako nagising.

"Bakit po?" tanong ko sa kanila.

"Pag-uusapan natin kung saan ka mag-aaral ng kolehiyo," sabi ni Auntie, seryoso, sabay tingin kay Mamang. "Kailangan nating itanong sa bata kung anong gusto niya."

Lumapit ako sa kanila at tumingin sa'kin si Mamang. Mukhang nagtalo na naman sila ni Auntie kaninang tulog ako. "Ming, anong balak mo sa kolehiyo? Saan mo gustong mag-aral at anong kurso?"

Nakatingin silang dalawa sa'kin ngayon, parang napressure ako bigla kasi ngayon lang naman nila ako tinanong tungkol doon,tapos seryoso pa.

"Kayo, Mamang, saan n'yo po ba ako—"

"Remison," seryosong tawag sa'kin ni Auntie. "Ikaw ang tinatanong."

Napaisip ako saglit. Ano raw 'yung gusto ko? Talagang tinatanong nila 'yon?

"Hindi ko pa po alam kung anong course, Auntie..." mahinang sagot ko at bahagyang napayuko ako. "Pero gusto ko po sana mag-aral sa Maynila kasi... nakapasa ako sa isang university doon ng scholarship..."

Halatang nagulat silang dalawa sa nalaman na nakapasa ako ng scholarship. Napabuntong hininga si Mamang at tinapik ako sa balikat.

"Ming, natutuwa ako na nakapasa ka ng scholarship, pero—"

"Sige, mag-aaral ka sa Maynila," putol ni Auntie sasasabihin ni Mamang. "Tutulungan kita mag-enrol."

"Teka,teka, Emiliana, hanggang kailan ka nga ulit magbabakasyon dito?" tanong bigla ni Mamang.

Saglit na hindi nakasagot si Auntie, huminga muna ito nang malalim bago muling nagsalita.

"Wala na akong babalikang trabaho sa abroad, dito na muna ako, kung okay lang sa'yo, mother dear."

Akala ko magtatalo pa ulit sila pero himalang hindi na. Feeling ko gusto rin ni Mamang na sawakas ay pipirmis dito sa'min si Auntie.

At iyon na nga, isang panibagong summer na naman ng buhay ko at sa susunod na buwan ay madagdagan na naman ako ng taon. Sa lahat ng summer ng naranasan ko, ito na 'ata ang pinakanakakapagod.

Akala ko kasi porque nakapasa ako ng scholarship sa university ay magiging madali na ang lahat. Sandamakmak na requirements pa pala ang kailangang ipasa, sandamakmak na pila at paghihintay.

Nakakalula ang Maynila, parang naka-fast forward ang galaw ng mga tao. Ang ingay, ang daming tao, ang daming mga sasakyan, tapos puro polusyon. Sa kabila ng mga hindi kaaya-aya nitong katangian, ewan ko ba'y nasasabik ako kahit papaano na ito ang magiging bagong buhay ko sa darating na pasukan.

Mabuti na lang kasama ko si Auntie. Gusto ko nga siya bigyan ng award kung pwede lang, Auntie of the Year. Kasi kung hindi ay malamang nagkandaligaw-ligaw na ako rito sa Maynila.

Pakiramdam ko nga eh para akong bata ulit na pinagsasabihan. Ang daming binilin ni Auntie! Parang mga bilin lang noon ni Mamang noong nag-first year hayskul ako pero mas doble. Unang-una niyang bilin, huwag ako basta-basta magtitiwala sa mga taong kakausap na lang sa'kin bigla.

"Sa susunod mong enrolment at kapag nagsimula na ang pasukan, ikaw na lang mag-isa rito sa Maynila. Kaya tatandaan mo ang mga bilin ko sa'yo, malaki ka na, hindi ka na bata, walang be-baby sa'yo sa kolehiyo. Naiintindihan mo ba, Remison?"

"Opo, Auntie."

Ito lang 'yung summer na napagod ako ng bongga. Pabalik-balik sa mga institusyon para sa mga requirements. Pero sa awa naman ng Diyos ay nairaos din ang enrolment, sa June na magsisimula ang klase. Salamat sa scholarship dahil hindi gano'n kalaki ang gastos.

Sabi ni Auntie susuportahan daw niya ang pag-aaral ko, balak niya 'ata kumuha ng pwesto sa palengke at doon magnegosyo gamit ang naipon niyang pera. Nagresign na kasi si Auntie sa kung ano mang trabaho niya sa abroad.

Bilang pambawi kay Auntie sa pagsama at pagtulong niya sa'kin sa enrolment ay tinutulungan ko naman siya ngayon sa pagtitinda niya sa palengke. Wala rin naman akong magawa sa bahay kundi makipag-text kila Aiza o 'di naman kaya'y magfacebook sa computer shop malapit sa'min.

Kamusta na kaya ang mga bruha? Nakapag-enrol na kaya sila?

Habang nandito kami sa palengke, may pwesto ni Auntie, nakakita ako bigla ng apat na batang nagtatakbuhan at naglalaro. Mga batang gusgusin na paniguradong amoy araw. Parang kailan lang ay paglalaro lang sa duluhan ang inaatupag ko sa ganitong panahon.

Hindi ko maiwasang malungkot dahil naalala ko na naman sila. Si Detdet... Si Miggy na tiyak kong nasa Amerika pa rin. At si Poknat...

Kamusta ka na kaya Poknat? Kailan ka ulit magpaparamdam sa'kin?

Pinadalhan ko siya ng text noong matanggap ko 'yung pinadala niyang cassette kaso hindi siya nagreply. Hindi nga rin siya nagtext ng congrats man lang noong graduation ko. Minsan kapag nagpe-facebook ako'y inaamin kong tinitingnan ko 'yung profile niyang walang kalaman-laman.

Minsan sinubukan ko siyang i-chat ng 'Psst' pero hindi naman siya online. Sinubukan ko rin siyang i-poke sa facebook pero mukhang hindi talaga niya binubuksan ang facebook niya. Saang lupalot kaya nagpunta si Poknat? Hindi kaya nasa bundok siya kung saan walang sibilisasyon?

Namimiss ko na ang kolokoy na 'yon. Makikita ko pa kaya siya ulit? Naimagine ko bigla 'yung makulit niyang mukha at naririnig ko 'yung boses niya na tinatawag ang palayaw ko.

'Mingmiiiiiiiiing!'

Half-day lang ang pagtitinda ni Auntie sa palengke. Pagkatapos naming magtanghalian sa malapit na karinderya ay nagtricycle kami pauwi. Pagbaba namin ng tricycle ay may nakita akong sasakyan na saktong huminto sa gilid ng kalsada.

"Remi, tulungan mo nga ako—" hindi ko pinansin si Auntie dahil nakita ko siyang lumabas ng sasakyan.

"Miggy?" kung hindi ako nagkakamali ay siya 'yon. Pero bakit gano'n? Bakit parang tumangkad na naman siya tapos lumapad 'yung balikat niya, at kapansin-pansing mas lumaki ang kanyang pangangatawan... Napatingin siya sa'kin at nagsalubong ang aming tingin. "M-Miggy—" pero bigla siyang naglakad papunta sa luma nilang bahay, kasunod ang kanyang tatay.

"Hoy, bat aka, 'di mo ba ko narinig? Sino ba 'yang tinitingnan mo?" napatingin si Auntie sa direksyon na tinitingnan ko.

Nakita kami ng tatay ni Miggy at bahagya itong kumaway sa'min bago maglakad kasunod ng kanyang anak.

"Umuwi na pala ang loko." Dinig kong bulong ni Auntie at diretsong pumasok sa loob ng bahay. Tatay ba ni Miggy ang tinutukoy niya?

Naiwan akong nagugulumihanan... Bakit ang lamig ng tingin sa'kin ni Miggy? Bakit hindi niya ako pinansin?

Pagpasok ko sa loob ng bahay ay 'agad kong narinig ang kwento ni Mamang na umuwi na nga raw si Miggy at papa nito, naiwan ang mama nito at si Teacher Mika sa Amerika. Dito na raw mag-aaral si Miggy sa Pilipinas ng kolehiyo.

Buong magdamag akong hindi mapakali. Kaya kinabukasan pumunta ako sa lumang mansion nila. Sumalubong sa'kin ang katulong nila.

"Pwede po makausap si Miggy?"

"Ay... Naku... Ano kasi... Hindi maganda ang pakiramdam ni senyorito."

Bago ako umalis noon sa bahay nila'y nahuli kong nakasilip si Miggy sa may bintana sa ikalawang palapag. Kaagad din nitong sinara ang kurtina nang makita ako.

Miggy... Bakit mo ako iniiwasan?




-xxx-



A/N: Kolehiyala na ang ating dalaga na si Remison! From this point ay mag-iiba na ang takbo ng buhay ni Remi. Pero bakit nga ba siya iniiwasan ni Miggy?

Ayun lamang, God bless! Thanks for reading! ٩(◕‿◕)۶

(Thank you guys dahil nasaama sa talk of the town list ang kwento ni Mingming!)


Question for the ate's and kuya's: Any college tips for Remi at sa iba pang magkacollege pa lang na reader? (*^‿^*)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro