Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 42❀


DUMATING na ang araw na lumabas ang resulta ng mga college/university admission test na kinuha namin noon. Nagsisisiksikan kami ngayon sa isang unit ng computer sa Computer Lab para tingnan ang resulta, pinayagan kasi kami ng teacher namin na gumamit ng internet (sa isang unit nga lang).

"OMG, congrats to us!" nakakarindi ang boses ni Aiza nang ma-confirm namin ang mga pangalan namin sa bawat website.

"Ano ba 'yan ang sakit sa tenga!" reklamo ni Burma na nakaupo at siyang nakaharap sa monitor.

Hindi ko rin alam kung bakit sobrang saya sa feeling na pumasa kaming lahat sa bawat university na pinuntahan namin noon sa Maynila, kahit na hindi naman sigurado na roon nga kami makakapag-aral.

"Teka, Burma, back mo nga ro'n sa page ng ADU," utos ko. "Type mo nga ulit 'yung name ko."

Sinunod ako ni Burma at nakita ulit namin na kasama ang pangalan ko sa mga nakapasa. Pero kanina kasi hindi nila napansin na may remarks pa sa gilid.

"Qualified for the university scholarship..." basa ni Burma sa remarks at natahimik kaming tatlo. Pagkatapos ay halos mapatalon ako nang sabay silang tumili. Namalayan ko na lang na niyuyugyog nila akong dalawa sa sobrang tuwa.

Mabuti na lang kaming tatlo lang ang nandito ngayon sa ComLab dahil kung hindi ay pagagalitan kami ng teacher. Natigil lang kami nang biglang bumukas ang pinto at pumasok sa loob si Corra na may hawak-hawak na puting envelope.

"Oh, girl, congrats to you dahil pasado ka rin—"

"Alam ko na," putol ni Corra sa sasabihin ni Aiza, tinaas niya 'yung kamay niya at ipinakita sa'min ang nagniningning na envelope na may logo ng UP. "Ito na lang ang hindi ko nakikita."

"Ano 'yan? 'Yung result ng UPCAT n'yo?" tanong ni Burma at napatango lang si Corra.

Ang pagkakaalam ko'y nasa goal ni Corra na makapasa ng UP, sino bang may ayaw? Iyon ang prestihiyosong unibersidad sa buong Pilipinas.

"Umalis ako ng classroom kasi ayokong buksan 'to, 'ro'n..." sabi ni Corra sa'min habang nakatitig pa rin sa envelope. Ah, oo nga pala, diniliver kasi kaninang umaga sa bawat classroom 'yung mga resulta ng UPCAT para sa mga nag-take, sabi ni Mam Kris mamayang lunch na lang daw buksan kasi nga maglilikha ng ingay.

Naiintindihan ko kung bakit siya umalis. Isa si Corra sa pinakamatalino sa loob ng classroom namin at running for Salutatorian siya, siguro napepressure siya sa magiging reaksyon ng mga kaklase namin kung papasa ba siya o hindi.

"Go na, girl, hindi ka naman namin ija-judge kung bumagsak ka," sabi ni Aiza.

Dahan-dahang binuksan ni Corra ang envelope at huminga muna siya nang malalim bago buksan ang sulat. Ilang sandali pa'y binasa niya ang nakalagay doon at saka tumingin sa'min.

"P-Pumasa ako sa lahat ng campus na inapply-an ko... Sa Diliman, Manila, Los Banos, at Baguio..."

Sabay-sabay kaming sumigaw para batiin siya. Sobrang deserve ni Corra pumasa sa dream school niya dahil alam naming sa lahat ng mga kaklase namin ay siya 'yung triple-triple ang effort para mag-aral nang mabuti.

Nawala na ang pangamba ni Corra nang bumalik kami sa classroom. At bumungad nga sa'min ang mainit na usapan ng buong klase tungkol sa resulta ng UPCAT.

"Andiyan na si Corra! Corra! Corra! Nakapasa ka?!" salubong sa'min ng isa sa kaklase naming bibo.

Isang simpleng tango lang ang sagot ni Corra at hindi pinakita na masyadong natutuwa. Humarap ang kaklase naming bibo sa lahat sabay sigaw, "Guys, pumasa si Corra!"

Nagdiwang angg buong klase. Hindi na maiwasan ni Corra na ngumiti dahil naramdaman naman namin na sincere ang pagkatuwa nila. Kasi isang malaking pride nga naman sa buong school na may UPCAT passer.

Pinagkaguluhan si Corra ng iba naming mga kaklase kaya kaming tatlo ay sumibat na papalayo. Narinig ko ang ilan sa mga sinabi nila bago ako makalayo.

"Congrats! Kayong dalawa lang ni Leighton ang pumasa! Ayun nga lang sa Los Banos siya or Baguio, pero grabe! Ang galing n'yo!"

Kung gano'n hindi sila sa iisang campus nakapasa? Sa lahat, ako lang ang aware sa malalim na feelings ni Corra kay Leighton, alam ko gagawa siya ng paraan para sundan ang taong mahal niya. Korni mang pakinggan pero si Corra ang nagparealize sa'kin na hindi rin naman pala korni magmahal ng lalaki.

Bumalik sa isip ko ang galak nang maalala ko na nakapasa ako ng scholarship sa isang magandang unibersidad sa Maynila. Naisip ko na baka matuwa rin si Mamang sa balita na 'yon at payagan niya akongg makapag-aral ng Maynila.

Hays, heto na naman si oras, mabilis na umiikot, akala mo nandadaya kasi malingat ka lang ang dami nang nangyari. Ang dami na naming na-check sa bucket list namin, sa tingin ko nga solve na solve na 'yon para maging memorable ang huling taon namin sa hayskul life. Nakagawa na kami ng mga kalokohan katulad ng ghost hunting sa school, at may iba namang makabuluhan katulad ng pagbovolunteer sa mga charity (class officers experience).

At ngayon halos isang buwan na lang ang natitira. Kumbaga sa drama, nararamdaman ko na nandito kami sa pababang aksyon. Natapos na 'yung sabay-sabay na pagpapasa ng requirements, naghihintay na lang kami ng final exam at pagkatapos no'n ay practice na ng graduation. Pero bago ang iyakan, siyempre kailangan muna naming dumaan sa graduation song competition o tinatawag na LAPIS (Likhang Awit sa Pagtatapos, Isatinig), kungsaan lahat ng senior sections ay magpaparticipate.

Simple lang naman ang kaganapan sa LAPIS, kailangan magcompose ng original na kanta ng bawat section, pagkatapos sa araw ng competition ay bibigyan itong interpretasyon (magpeperform ang buong klase). Ang magiging champion sa patimpalak ay ang magiging official graduation song ng buong batch.

"Listen, guys, alam ko hindi natin masasabi na solid ang section natin, pero isipin n'yo na ito na 'yung pinakahuling competition na sasalihan natin as high school student. Bakit hindi natin pag-igihan para tayo ang manalo? Why can't we can't become solid for the last time?" nagspeech noon si Corra sa harapan ng buong klase.

Tama naman siya sa mga sinabi niya. At mukhang na-inspire ang mga kaklase ko na magkaisa for the last time para manalo kami sa LAPIS, ang laki silang karangalan kapag 'yung original na kanta ng section n'yo ang mananalo—malalagay 'yon sa year book! Life-time achievement ang peg.

Kaya naman nagtulung-tulong ang buong klase, may mga gumagawa ng lyrics, naglalapat ng kanta, may naka-assign sa pag-aasikaso ng mga susuoting damit (isang t-shirt na may disenyo ng section namin), 'yung magiging interpretation ng kanta namin ('yung mga pagdula at iba pang gimik).

Tuwing uwian sabay-sabay nagpupunta ang lahat sa bahay nila Ringo para magpractice, at doon ko lang mas naramdaman na unti-unti na nga kaming naging solid. Sa bawat araw ng pagpapractice na may kasamang harutan at tawanan, unti-unti ko nang naramdaman ang lungkot na malapit na rin kaming magkahiwa-hiwalay.

Hanggang sa dumating 'yung araw ng patimpalak. Bawat section ng mga fourth year ay iba't iba ang kulay at disenyo ng mga T-shirt. Sa amin ay kulay asul. Maingay at masigla ang mga paligid, lalo na ang mga mas nakababatang year na todo suporta sa mga ate't kuya nila.

Pinaalala sa'min ni Corra na okay lang kung hindi kami papalaring manalo, ang mahalaga ay mag-enjoy kaming lahat sa magiging kahuli-hulihang performance namin sa school. Matalo manalo... win pa rin kami, sabi nga nila.

Pero may kakaibang plot twist ang nangyari. Bukod sa akala namin kami lang ang mag-eeffort ng todo, hindi namin inaasahan na mananalo, 'yung last section, 'yung section nila Poknat, sila Colt pala ang nagcompsoe ng kanta nila kaya ang ganda. Pasabog din kasi 'yung ginawa nila at sobrang nakakaproud para sa kanila dahil iyon lang 'ata ang naipanalo ng section nila sa buong apat na taon, deserve nila 'yon. Pangalawang place ang star section na halatang dismayado sa naging resulta, at kami ang pangatlo.

'Di bale, okay lang naman dahil masaya pa rin kami para sa nanalo dahil marami sa'min ay tropa ang mga nasa last section.

"Congrats, ang galing n'yo!" bati ni Aiza kila Colt at sa tuwa'y napayakap pa ito.

"Uy, tsansing!" sabay pa naming bulalas ni Burma.

Sabi ko nga, manalo matalo win pa rin kami. Kaya kinabukasan, saktong walang pasok ay nagkaroon kami ng celebration. Napagplanuhan na rin kasi ng mga kaklase ko na kahit anong mangyari'y magse-celebrate kami—advance graduation party daw, wala kasi kaming graduation ball hindi katulad sa ibang school. Nag-ambag-ambag kami ng pera para sa mga pagkain at pag-arkila ng videoke, nandito nga pala kami sa clubhouse ng subdivision nila Corra kaya may swimming pool, ayon nga lang ay bawal daw uminom ng alak.

"Hays, ang malas ko naman, bakit kasi ngayon pa ako nagkaroon ng dalaw," dismayado kong sabi habang nagpapaypay ng inihaw. Dahil hindi ako pwedeng magswimming, ako tuloy 'yung naka-assign sa mga barbeque.

Katabi ko si Aiza at Burma na nagpapaypay din, si Burma kanina pa kumakain nang hampasin ni Aiza ang kamay niya.

"Hoy, Burmakels, kanina ka pa ngata nang ngata riyan, wala nang matitira!" sita ni Aiza.

"Gutom na ako, eh," sagot ni Burma na patuloy pa rin sa pagkain.

"Diyos ko, what's new?" sabi ni Aiza tapos bigla siyang natigilan. "Uhm... Uy, wait lang naiihi ako."

"Ay, ako rin sama!" sabi bigla ni Burma at umalis silang dalawa.

"Hoy, huwag n'yo kong iwanan, bumalik kayo!" sigaw ko sa kanilang dalawa. Napanguso na lang ako habang patuloy na nagpapaypay.

"Hey, pretty girl."

"Ay, kalabaw!" halos mapatalon ako sa gulat sa humawak sa batok ko. "Quentin?!" muntik ko na siyang mabato ng isaw. "B-Bakit andito ka?"

"I heard from my dear cousin na may party kayo, eh. I invited myself," sagot niya sa'kin at ngumiti. Bigla niyang pinisil 'yung pisngi ko. "I missed you."

"Aray!" reklamo ko at mabuti'y binitiwan niya rin ako dahil baka mahampas ko talaga siya ng isaw. "Hindi ka 'ata busy?"

"Hmm... I got free time sometimes."

"Uy, Remison, siya ba 'yung boypren mo?!" biglang sumulpot 'yung kaklase kong bibo at sinigaw 'yon kaya napansin kami ng lahat at umugong ang malakas na ayiee. Sa sakit ng puson ko'y hindi ko na sila sinagot pa.

Biglang umentra si Corra at piningot si Quentin sa ilong. "Ouch! That hurts!" Pagkatapos ay umalis din 'yon. "She's crazy." Natawa kami parehas.

Tinulungan ako ni Quentin sa pag-ihaw ng mga barbeque at talagang hindi na bumalik 'yung dalawang bruha, kaya pala umalis kasi nakita si Quentin. Pagkatapos ng tanghalian ay umupo kami ni Quentin sa may gilid ng pool habang nakalusong ang mga paa namin.

"Where are you going to study nga pala?" tanong niya bigla.

"Ahm... Hindi ko pa sure, sana payagan ako ni Mamang sa ADU kasi qualified akong scholar doon," sagot ko naman habang nilalaro 'yung mga paa ko sa tubig. "Ikaw?"

Tumingin siya sa malayo bago sumagot. Ang tagal niya nag-isip at parang lumungkot ang mga mata niya.

"They'll sent me to Baguio," sabi niya sa mababang tinig. "International school."

"Oh... Gano'n ba." Wala akong ibang masagot.

Humarap siya sa'kin at pinilit na ipakita na hindi nalulungkot. "May graduation gift na nga pala ako sa'yo." Bigla niyang nilabas ang isang kahon tapos binuksan 'yon, mas lalong hindi ko alam kung anong irereact ko nang makita ko ang isang nagniningning na silver bracelet. "I want you to have this..."

"Parang ang mahal naman nito," bulong ko. Parang hindi ko kayang tanggapin pero parang ang sama ko naman kung hindi ko 'yon tatanggapin.

"Don't worry, friendship bracelet lang 'to," pag-aassure niya na walang ibang meaning 'yon. "After high school magkakalayo na tayong dalawa."

"T-Thank you..." Sinuot ni Quentin sa kanang braso ko 'yung bracelet. Simple lang 'yung design, mayroongg palawit na bulaklak.

"But it doesn't mean I will stop waiting for you—" bago pa matuloy ni Quentin 'yung sasabihin niya ay may dalawang nilalang ang sumulpot sa likuran namin at sabay kaming tinulak dalawa sa pool.

Mabuti na lang mababaw lang 'yong tubig kaya hindi ako lumubog ng husto, hindi pa naman ako marunong lumangoy!

Pag-angat ko'y nakita ko ang dalawang bruha na tumulak sa'ming dalawa, tawa sila nang tawa.

"Hoy! Bwisit kayo!" galit kong sigaw sa kanila.

"Are you alright?" nag-aalalang tanong ni Quentin at tumango ako sa kanya. Humarap kami sa dalawang bruha at binasa rin namin sila, gantihan lang.

Hindi na natuloy ni Quentin 'yung sinasabi niya kanina dahil pagka-ahon namin ay tinatawag kami ni Corra para sa party games, pakana na naman nila Ringo, putukan ng lobo. Kaya no choice kami kundi lumapit sa lahat.

Nagpaalam na si Quentin na pumunta muna sa bahay nila Corra para magpalit ng damit dahil nandoon daw 'yung gamit niya kaya naiwan na ako kila Burma.

"OMG? Nagpropose na siya sa'yo?!" sabi ni Aiza nang makita ang suot kong bracelet. "Sorry, panira pala kami ng moment kanina!"

"Hindi siya nagpropose, graduation gift niya lang 'to," sagot ko.

"Wehhh!" sabay nilang sabi.

"Mga bruha kayo, may graduation gift din ako sa inyo mamaya," sabi ko at naiba na 'yung usapan. May regalo rin ako kay Quentin pero mamaya ko na lang ibibigay.

Maghapong nagkasiyahan ang buong klase namin, may kasama ring picture-picture dahil may dala 'yung isa naming kaklase ng digital camera. At bago kami tuluyang magligpit para sa pagtatapos ng araw ay nagbigayan na kami ng mga graduation gift sa isa't isa. Si Tomomi, ang class treasurer namin ang may pakana nito.

Hindi naman daw kailangan bonggang graduation gift, kahit parang simpleng token of remembrance lang o form of good luck para sa college. Kaya maraming nagbigayan ng mga keychain, bookmark, pins, 'yung iba chocolate, at iba pa.

"Wow, ang cute naman!" reaksyon ng mga kaklase ko nang bigyan ko sila ng mga chibi drawing ko sa kanila plus with letter. Hindi naman gano'n kalaki 'yung ipon ko eh kaya naisip ko drawing na lang. Mabuti na lang at natuwa silang lahat sa effort ko.

Binigyan ako ni Aiza ng cute na cute na stationary, para raw magsulatan kami sa college kahit na may cellphone naman na. Si Burma naman ay binigyan ako ng pusang alkansya dahil daw Mingming ako, at pampaswerte raw 'yon.

At dahil espesyal silang dalawa ay espesyal din ang binigay ko sa kanila, sila lang talaga 'yung ginastusan ko.

"Hala, naiiyak ako!" sabi ni Aiza at kaagad naman siyang hinampas ni Burma.

"Baliw ka ireserve mo 'yan sa graduation!"

Biglang may lumapit sa'min na ibang kaklase kaya naputol 'yung usapan. Napalingon ako at nakita siya sa malayo, kakaalis lang ng kausap niya. Napahinga ako nang malalim, siguro ito na talaga 'yung tamang timing kaya walang alinlangang lumapit ako sa kanya.

Matipid lang siyang ngumiti nang makita ako, walang salitang inabot ko sa kanya 'yung regalo ko sa kanya.

"Bubuksan ko na ba?" tanong ni Honey sa'kin nang mapansing wala akong balak umalis sa harapan niya. Tumango lang ako. Binuksan niya 'yung balot at napakunot nang makita ang regalo ko. "Ano 'to—"

Bahagyang napayuko ako. "S-Sorry kung hindi ko pa nasoli sa'yo 'yung panty mong Avon... Four years na sa'kin pero hindi ko nasoli, pero pramis hindi ko naman 'yan nagamit ulit."

Tumitig lang si Honey sa'kin at hindi matimpla ang mukha. Maya-maya'y bigla siyang natawa kaya natawa na rin ako.

"Hindi ko makakalimutan 'yong araw na 'yon," natatawang sabi ko. "Akala ko nga katapusan ko na eh kasi natagusan ako. Mabuti tinulungan n'yo ako, at saka sinong magdadala ng extra panty sa school?" pinilit kong itigil 'yung pagtawa. "Joke, hindi naman talaga 'yan ang regalo ko."

Tumigil din siya sa pagtawa nang iabot ko sa kanya 'yung katulad ng niregalo ko kila Burma at Aiza... Isang kwintas na may singsing at may nakaukit na 'I love You'. Actually, dapat best friends forever 'yung hinahanap ko kaso iyon na lang 'yung natitirang design sa tindahan, pero sa tingin ko okay na rin 'yun.

Walang salitang niyakap ako ni Honey. Niyakap ko rin siya pabalik. Siguro nga kami 'yung tipo ng tao na ayaw pinakukumplikado ang mga bagay-bagay. Nabasa ko 'yung letter niya sa'kin noong recollection, nagsorry naman na siya kung bakit 'inagaw' niya si Poknat sa'kin.

'Nakakainggit ka, Remison, kasi parang ang daming nagmamahal sa'yo... Lalo na mayroon kang katulad niya, na kahit anong mangyari hindi ka iniiwan. Kasi ako... Palagi akong iniiwan, parang walang nagmamahal sa'kin ng totoo.'

Hindi ko man nasagot ng sulat 'yung sulat niya sa'kin, siguro sa kwintas na 'to naiintindihan na ni Honey na hindi mo naman mahahanap ang pagmamahal sa mga lalaki dahil sa pagmamahal lang ng kaibigan ay sapat na.

"Is this a BuReZaNey comeback?" naghiwalay kami nang makita naming lumapit sila Aiza at Burma.

Ngumiti kaming dalawa ni Honey at kaagad nila kaming niyakap. Hindi ko na alam kung anong nangyayari sa iba kong mga kaklase dahil parang naging madrama bigla ang atmosphere ng paligid.

Kaya ayon, hindi ko na napigilang umiyak sa harap nilang tatlo.



A/N: Ayan may closure na ang panty ni Honey. Haha! Up next, graduation and the beginning of college life ni Remi. Thank you for reading! (◕‿◕)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro