Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

DALAGA 39❀


SOBRANG haba ng pila, hindi namin sukat akalain na ganito ang sitwasyon na madadatnan namin sa mall. Nasa may bilihan pa lang kami ng mga libro at wala pa kami sa mismong pagpila sa loob ng venue. Hulaan n'yo kung nasaan kami?

"Alam ko na!" biglang bumulalas si Burma na tagaktak na ang pawis sa noo, siksikan kasi rito tapos ang liit pa ng space. "Pumila na kayo ni Aiza sa labas, tapos ako na bibili ng mga libro n'yo!"

"Ay, bongga, ang talino talaga ng friend natin," sabi ni Aiza. Inabot namin kay Aiza 'yung mga pera namin dahil siya na raw ang bibili.

Para kaming mga sardinas na nagsisiksikan kaya mabuti na lang ay nakalabas kami ni Aiza. Pumila na kami roon sa pila papasok ng mismong venue, pati rito ay mahaba na rin ang pila.

"Mabuti naman at pinayagan ka ng lolabels mo, Remsky," sabi ni Aiza nang makapila kami.

"Oo naman, malakas na 'yung pangalan n'yo kay Mamang, eh," sagot ko.

"Wahaha, kung alam lang ng lolabels mo kung gaano kaloka-loka ang mga friendship mo," sabi niya na matawa-tawa na parang bruha.

Araw kasi ng Linggo ngayon, lumuwas kami sa mall sa katabing siyudad para umattend sa isang book signing event. Ang totoo niyan, ang alam na mall ni Mamang ay 'yung mall na malapit sa'min, sila Aiza kasi ang nagpaalam sa'kin nang sunduin nila ako kanina kaya pumayag na lang si Mamang.

First time ko rito sa mall na 'to, doble ang laki kaysa sa mall sa amin. At first time din naming aattend sa ganitong event, isang check na naman sa aming bucket list. Mabuti na nga lang at may mga naipon akong pera at idagdag pa 'yung mga allowance ni Auntie kaya may panggastos ako ngayon, hindi ako nanghingi kay Mamang.

Ilang sandali pa'y dumating na si Burma at inabot sa'min ang bawat plastic na naglalaman ng libro. Si Burma naman ay mukhang binili ang buong tindahan sa dami ng libro na nasa plastic niya.

"Teh, yaman mo today, ah!" puri ni Aiza, sa kanya kasi apat lang 'yung binili niyang libro.

"Of course! Supportive ako sa lahat ng mga authors na pupunta ngayon! Fan nila ako, ano?! Sayang ang opportunity na makapagpapicture!" sagot ni Burma habang tinatanggal ang plastic ng bawat libro.

Actually, last year lang nauso sa school namin ang Wattpad, isa 'tong app kung saan pwede kang magbasa ng mga sangkatutak na stories for free! Ewan ko ba kung saan ba ito nagsimula at kung sino ang nagpasimunong magpakalat nito, para na lang itong virus na sumulpot at naging epidemya sa klasrum. Noong una'y nagpapasahan lang 'yung mga kaklase ko ng e-book tapos ayun na.

Kung noon ay pocketbook ang binabasa ng mga bawat dalaga, pero parang biglang nalaos 'yung pocketbook sa'min. Tapos nang dumating ang Wattpad, magugulat ka nga pati mga kaklase naming boys ay nagbabasa sa selpon nila ng mga kwento.

'Di kalaunan ay nagulat na lang kami na sumikat sa buong Pinas ang Wattpad, tapos 'yung mga nababasa namin sa selpon ay magkakalibro na, tapos ngayong booksigning event 'ata ang pinakauna kaya dinagsa ng mga tao.

Dalawang libro lang 'yung binili ko, isang author lang kasi ang pinakapaborito ko at hindi ako nagbabasa ng gawa ng iba. Sila Aiza at Burma naman ay sandamakmak na mga kwento na 'ata ang mga nabasa kaya marami-rami ang binili nila ngayon.

Ilang sandali pa'y nagsimula na ang programa at maririnig ang malakas na hiyawan ng mga tao, hindi mapigilang makihiyaw ng mga kasama ko dahil lumabas na ang mga paborito nilang author. Ako naman ay tumingkayad para silipin 'yung paborito kong author.

Nag-umpisa na ang book signing habang patuloy ang program, nasa labas pa rin kami ng venue dahil nga sa haba ng pila. Parang kinikilig na ewan sila Aiza habang pinag-uusapan ang mga kwentong nabasa nila. Nakaka-excite naman talaga na makita mo sa personal 'yung tao sa likod ng kwentong minahal mo. Inisip ko na kung ano ang magiging reaksyon ko kapag nakalapit na ako kay JunoWrites, panigurado awkward smile lang ako at walang masasabi masyado.

"Grabe, ang tagal naman umusad ng pila," reklamo ni Aiza na nakaupo na.

"Oo nga, eh, parang walang katapusan," sabi ko naman at akmang uupo pa lang ako nang mahagip ng mata ko ang isang pamilyar na mukha. Saktong nagkatinginan kami.

"Ate Gabi?"

"Remi?" sabay pa naming sambit. "What are you doing here?" nakangiti niyang tanong. Tumayo naman bigla ang mga kasama ko.

"Uhm... A-attend po kami sa event, friends ko nga po pala, si Aiza at si Burma."

"Hi, guys!" masayang bati nito. As usual ay glowing pa rin si Ate Gabi. Kapansin-pansin na nakasuot siya ng casual, ang kikay niya tingnan, malayo sa body guard slash sundo image niya. "Really? A-attend kayo? That's great! You can come with me."

"Po?" hindi ko kasi na-gets 'agad 'yung sinabi niya.

"Oh, sorry," bahagyang natawa si Ate Gabi. "May 'alaga' rin kasi ako na isang author sa loob, tara, sama ko na kayo pagpasok."

"Nakakahiya naman—"

"Talaga po?!" sabay na bulalas ng dalawang bruha kong friend.

Nakakahiya man ay wala kaming ibang nagawa kundi sumunod kay Ate Gabi. Nakapasok kami kaagad sa venue dahil sa VIP pass ni Ate Gabi, dumiretso kami sa may backstage.

"Magbebreak sila maya-maya," sabi ni Ate Gabi sa'min. "Dito muna kayo?" Tumango naman kami na parang mga bata.

"Ate Gabi," tawag ko. "May kapatid ka pong author?" 'di ko mapigilang itanong dahil sobrang curious ako.

"Nope, just like Q, I'm hired to babysit that person," natatawang sabi ni Ate Gabi. "Speaking of Q, sayang wala siya rito, matutuwa 'yon panigurado."

Saktong pagkasabi no'n ni Ate Gabi ay biglang pumasok sa loob ng silid ang mga authors, muntik nang mapatili sila Aiza at Burma nang makita nila ang mga authors na hinahangaan nila. Gustuhin ko mang hanapin si JunoWrites ay hindi ko magawa dahil never naman itong nagpakita ng public picture.

"Just in time, come here!" nakita namin si Ate Gabi na may hinilang babae na nakasuot ng cap at black mask. "Ito 'yung alaga ko, one of the future best-sellers," hila-hila nito ang babae na halos kasingtangkad lang namin.

"L-Let go of me, Gabi," nakita kong medyo nagpumiglas 'yung babae dahil parang bigla itong nahiya.

"Come on, meet my friends! Guys, meet JunoWrites," sa pagpupumilit ni Ate Gabi ay biglang natanggal ang mask ng babae at halos napanganga kami sa nakita.

S-Siya si JunoWrites?!


*****


LUNES. Tila nasa cloud nine pa rin ang utak namin matapos ang mga kaganapan kahapon sa book signing event, paano ba naman ay sulit na sulit ang pagpapapicture namin sa mga authors, kahit nga hindi ko kilala 'yung iba ay napapicture na rin ako eh.

Pero ayun, enjoy naman ng sobra kasi bukod sa natupad na naman 'yung isa sa bucket list namin ay isa 'yon sa mga hindi ko makakalimutan. Nakakapagod ang pagpila pero worth it, sobrang thankful kami kay Ate Gabi na parang anghel na hinulog ng langit.

Hindi ako makapagfocus sa sinasabi ng adviser namin na si Mam Kris, ineexplain kasi nito ang bagong system ng grading system ng school at 'yung pagpili ng mga magiging honors. Hindi naman ako gano'n ka-cocern sa honors kaya hindi ako nakikinig masyado.

Sumapit ang meeting at may meeting kaming class officers sa pangunguna ng aming class president na si Socorra o mas kilala ng lahat bilang Corra.

Kami na lang ang nasa classroom dahil nakauwi na 'yung mga kaklase namin. Gustong pag-usapan ni Corra 'yung mga activities na darating, 'yung mga budget at iba pa. Nakaupo kami habang nakabilog ang mga upuan. Hindi namin katabi si Aiza dahil kailangan malapit siya sa president dahil siya ang secretary, pinagtatawanan nga namin siya ni Burma kasi parang ang bait-bait niya sa iba.

Sa totoo lang hindi naman namin gano'n ka-close 'yung ibang co-officers namin, maliban kay Viggo. Sila 'yung tipong nakakasama namin sa classroom pero hindi namin masyadong nakakainteract. Para ngang naligaw lang kaming tatlo kasi parang halos lahat ng kasapi ng officer ay achievers.

Si Corra, ang president, matalino siya at active sa Science Club, pambato sa mga quiz bee. Si Leighton, vice-president, chill lang pero running for valedictorian. Si Tomomi, ang treasurer, may lahi siyang Hapon, famous dahil member ng Dance Troupe. Si Ringo, ang auditor, chess wizard slash gamer na playboy. Si Vladimir, ang sergeant at arms, taklesa pero active campus journalist. At si Viggo naman ay kilala ng lahat sa pagiging captain ng basketball team.

Nagmukha kaming saling ketket pero kung tutuusin ay dati kaming members ng Drama Club, oo nagquit na rin kasi sila Aiza at Burma dahil hindi na raw sila happy.

Kanina pa siko ng siko si Burma sa'kin at bulong nang bulong. Meron kasi siyang kinukwento, ganito naman kami palagi kapag magkatabi. Ang kaso biglang huminto sa pagsasalita si Corra at tumingin sa'min.

"Magdadaldalan na lang ba kayo o gusto n'yong umuwi na?" nakataas ang kilay nitong sabi. Tumikom ang bibig ni Burma at lumayo sa'kin. Pinandilatan naman kami ng mata ni Aiza dahil alam nito na kanina pa namin siya pinagtitripan.

"Sorry," sabay naming sabi ni Burma at muling nagpatuloy si Corra sa pagsasalita.

Pagkatapos ng meeting ay napatanong kaming tatlo sa isa't isa kung bakit nga ba namin ginusto maging class officer, nagsisihan pa kami kung sino ang may pakana nito. Paano ba naman kasi ay parang ang komplikado ng gustong mangyari ng president namin.

"Si Burma ang may idea na mag-class officer tayo," tuloy pa rin ang paninisi ni Aiza habang naglalakad kami palabas ng gate.

"Akala ko kasi pa-chill chill lang eh! Tapos magiging famous tayo sa room, gano'n!" si Burma.

"Ano ba akala mo maglilista ka lang ng noisy?" sabi pa ni Aiza at nagsisisihan pa silang dalawa.

"Hayaan n'yo an, nangyari na eh," sabi ko naman sa kanila. "Ang mahalaga magfocus na lang tayo sa mga susunod nating gagawin sa bucket list."

"Ay packing tape!" biglang tumigil si Aiza nang isigaw 'yon.

"Okay ka lang?" sabay pa naming tanong ni Aiza.

Walang anu-ano'y biglang tumalikod si Aiza at kumaripas ng takbo pabalik sa campus. Nawindang naman kami ni Burma kaya napatakbo rin kami para sundan ang loka-lokang si Aiza.

"Aiza!" tawag namin pero hindi kami nito pinapansin.

Papasok pa lang kami ng campus nang biglang tumigil sa pagtakbo si Aiza at tumili. Hingal na hingal kaming tumigil sa pagtakbo ni Burma.

"H-Huy, anong problema?" hinihingal kong tanong.

Imbis na sumagot ay napanganga lang si Aiza at may tinuro. Napatingin kami roon ni Burma at nakita namin si class president na naglalakad habang nagbabasa.

"Anong meron? Kaloka ka, sarap mong sabunutan," inis na sabi ni Burma.

"N-N-Nabigay ko kay Corra 'yung notebook ko, nandoon kasi 'yung mga pinag-usapan natin—"

"Teka, don't tell me—"

"Nakasulat doon 'yung senior bucket list natin!" sigaw ni Aiza na tila umalingawngaw sa paligid.

Huminto sa paglalakad si Corra nang makita kami. Mukhang nabasa na nito ang laman ng notebook ni Aiza, poker-faced lang siyang nakatingin sa'min. Parang daga na nakakita ng pusa ang mga kasama ko nang lumapit sa'min si Corra at itinaas ang notebook.

Hindi ako nagpakita ng anumang takot, kahit na alam ko na malala ang ilan sa mga kalokohang nakalista sa notebook ni Aiza. Kahit naman mga loka-loka ang mga kaibigan ko ay alam kong hindi nila magagawa ang ilan sa mga bagay na nandoon.

"Seryoso ba kayo?" nakakunot na sabi ni Corra sa'min habang hawak pa rin niya ang notebook. "Alam n'yo bang pwede kayong ma-expell sa mga binabalak n'yong gawin? Labag 'to sa school rules."

Walang kumibo sa'min, hindi binalik ni Corra ang notebook kay Aiza at mukhang walang balak ibalik.

"I'll make sure to bust you bago n'yo pa magawa ang ilan dito—" pinutol ko ang pagsasalita ni Corra.

"Sure ka, JunoWrites?" natigilan siya nang sabihin ko 'yon. Halos malaglag naman sa sahig ang panga ng mga kasama ko.

Sumama ang timpla ng mukha ni Corra. Oo, ang paborito at tanging author na sinusuportahan ko na si JunoWrites, at ang class president naming istrikto ay iisa. Sino nga naman mag-aakala na kaklase ko lang pala siya since first year? All along nagtatago siya sa likuran ng sikat na pen name, istrikto at loner sa eskwelahan pero may tinatago pala siyang kakayahang magkwento at magpakilig.

"JunoWrites," tawag ko ulit sa kanya habang sumilay ang isang ngiti sa aking labi. Namula na siya sa pagkakataong ito.

"S-Shut up!" akma siyang aalis pero hinarangan ko siya.

"Hindi namin ire-reveal kung sino ka, please, i-secret mo na lang kung anong mga nabasa mo rito sa notebook," pakiusap ko. Hindi siya makatingin ng diretso sa'kin at biglang naglaho ang matapang at mataray niyang aura. "Please... Sobra kitang iniidolo, totoo. Nakakaproud para sa'min na malaman namin na kaklase ka—"

"Fine!" halos isuksok niya sa baga ko 'yung notebook, kinuha ko naman 'yon at saka siya nagmamadaling umalis.

Naiwan kaming tatlo na tinatanaw si Corra na naglalakad mag-isa palayo. Mukhang nalaman na namin ang dahilan kung bakit kami naging class officers.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro